82. Tama bang Manampalataya sa Diyos Para Lang sa Biyaya at mga Pagpapala?
Noong Hulyo 2008, ipinangaral sa akin ng tiyahin ko ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, naunawaan ko na ang buhay ng tao ay nagmumula sa Diyos, na lahat ng tinatamasa ko ay kaloob Niya, at dapat akong manampalataya sa Diyos at sumamba sa Kanya. Noong panahong iyon, may babuyan ang pamilya ko. Araw-araw, pagkatapos magpakain ng mga baboy, nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos, nakikinig sa mga himno, at regular na dumadalo sa mga pagtitipon. Kung minsan, lumalabas din ako para mangaral ng ebanghelyo. Isang araw, sinabi ng isa sa mga kapitbahay namin na umuubo ang mga baboy niya, at tila may mataas na lagnat ang mga ito. Sobra akong nag-alala na baka mahawa rin ng sakit na ito ang mga baboy ko, kaya nanalangin ako at ipinagkatiwala ko sa Diyos ang bagay na ito. Sa isang himala, wala ni isa sa mga baboy ko ang nahawa, at makalipas ang ilang buwan, naibenta namin sila sa halagang sampu-sampung libong yuan. Tuwang-tuwa ako. Wala akong karanasan sa pag-aalaga ng baboy noong nagsimula ako, pero wala ni isa sa mga baboy o biik ang nagkasakit, at naging maayos ang lahat sa bahay. Napakabuti talagang manampalataya sa Diyos! Sa hinaharap, kailangan kong manampalataya nang maayos sa Diyos at gawin ang mga tungkulin ko para masuklian ang pag-ibig ng Diyos.
Hindi nagtagal, inatasan ako ng lider na pangasiwaan ang dalawang maliliit na grupo ng pagtitipon. Tuwang-tuwa ako, at naisip ko, “Habang mas marami akong dinadaluhang pagtitipon, mas marami akong mauunawaang katotohanan, at habang mas ginagawa ko ang mga tungkulin ko, mas lalong poprotektahan ng Diyos ang pamilya ko.” Pagkatapos niyon, gaano man kaabala ang mga gawain sa bahay, palagi kong sinusubukang humanap ng oras para gawin ang mga tungkulin ko. Pero sa pagtatapos ng 2008, may nangyaring hindi inaasahan. Isang gabi, bandang alas-dose, nagmamadaling nagmamaneho pauwi mula sa trabaho ang kuya ko, ang asawa niya, at ang asawa ko. Madilim noon, umuulan, at baku-bako ang daan sa bundok, at bigla silang nahulog sa isang malalim na kanal sa isang kurbada. Tumama ang ulo ng asawa ko sa pinto ng kotse, nahulugan siya ng mga basag na salamin sa mukha, puro hiwa ang kanyang mukha, at duguan siya. Nawalan siya ng malay noon din. Dahil sa dami ng nawalang dugo, na-coma ang asawa ko sa ospital nang mga dalawang oras bago siya nagising. Pagkalabas sa ospital, nagkaroon ng bahagyang concussion ang asawa ko, at kung minsan, nagsasalita siya nang walang katuturan; natanggalan siya ng isang ngipin; hindi pa gumagaling ang mga hiwa sa bibig niya, at hindi malinaw ang pagsasalita niya. Nang makita ko siyang tulala, parang dinudurog ang puso ko sa sakit at hindi ako mapakali, at naisip ko, “Maayos naman siya noong umalis para magtrabaho; paanong naging ganito siya pag-uwi? Kasalanan lahat ito ng kuya ko sa pagmamaneho nang walang ingat.” Pero naisip ko rin, “Nananampalataya na ako sa Diyos, dumadalo sa mga pagtitipon, at ginagawa ang mga tungkulin ko, kaya paanong nangyari ang ganitong bagay? Bakit hindi sila pinrotektahan ng Diyos? Kung magkakaroon ng mga epekto sa asawa ko ang nangyari, paano na ang buhay namin? Bata pa ang dalawa naming anak na lalaki, at may babuyan pa kami. Sino ang mag-iisip ng mga bagay na ito para sa akin?” Sa mga sumunod na araw, sa sobrang pag-aalala ko, hindi ako makakain o makatulog nang maayos, at parang ang bigat ng mga binti ko kapag naglalakad ako. Wala na akong ganang magbasa ng mga salita ng Diyos o makinig sa mga himno, at kapag pinipilit ko ang sarili kong pumunta sa pagtitipon, nakayuko lang ako at ayaw kong magsalita. Kalaunan, matapos malaman ang kalagayan ko, ipinarinig sa akin ni Sister Wang Fang ang himnong ito ng mga salita ng Diyos: “Kailangan Mong Magpatotoo sa Diyos sa Lahat ng Bagay”: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Ibinahagi sa akin ni Wang Fang: “Sister, alam nating lahat ang karanasan ni Job. Bagama’t mukhang kinuha ng mga magnanakaw ang napakaraming kawan ng baka at tupa ni Job, sa katunayan, isa itong tukso mula kay Satanas. Inakala ni Satanas na natatakot lang si Job sa Diyos dahil pinagpala siya ng Diyos. Pinahintulutan ng Diyos na tuksuhin ni Satanas si Job, kaya sinimulan ni Satanas na atakihin si Job, ginamit ang mga magnanakaw para nakawin ang kanyang mga kamelyo at mga alagang hayop, at sinaktan ang kanyang mga anak, at kalaunan, pinahirapan ni Satanas si Job ng mga sugat sa buong katawan niya. Ang layunin ni Satanas ay ang magreklamo si Job tungkol sa Diyos at itanggi Siya. Pero may tunay na pananalig si Job sa Diyos, at naniwala siya na si Jehova ang nagbigay, at si Jehova rin ang bumawi, at pinuri niya ang pangalan ng Diyos. Nagpatotoo siya nang matunog para sa Diyos. Habang sumusunod tayo sa Diyos, aakusahan at aatakihin tayo ni Satanas, at ito ang tumutukso sa atin. Katulad ng mga nangyayari sa pamilya mo, ang layunin ni Satanas ay ang abandonahin mo ang Diyos at ipagkait sa iyo ang Kanyang kaligtasan. Dapat tayong magkaroon ng pananalig sa Diyos at huwag magpalinlang sa mga pakana ni Satanas.” Matapos marinig ang pagbabahagi ni Wang Fang, napagtanto ko na ang pangyayaring ito ay isa talagang espirituwal na labanan, at pagtatangka ni Satanas na guluhin ako. Ayaw ni Satanas na maligtas ako sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, kaya ginawa nito ang lahat para wasakin at gambalahin ang pananampalataya at kaligtasan ko. Sa paggamit nito sa aksidente ng asawa ko para sirain ang determinasyon kong sumunod sa Diyos, gusto nitong mag-alinlangan ako at hindi manampalataya sa Diyos, at sa huli ay mamatay na kasama nito. Napamapaminsala ni Satanas, at hindi ako puwedeng mahulog sa patibong nito! Pagkatapos ay nag-isip pa ako ng tungkol sa gabi ng aksidente ng asawa ko. Madilim at maulan noon; baku-bako na nga ang daan sa bundok, at naging madulas pa ito nang umulan; walang ingat na nagmaneho ang kuya ko at aksidenteng nahulog ang kotse sa kanal; at mangyayari ito manampalataya man ako sa Diyos o hindi. Pero nagreklamo ako sa Diyos nang magkaproblema sa lahat ng bagay na ito. Wala talaga akong katwiran! Hindi ako dapat nagreklamo tungkol sa Diyos! Matapos maunawaan ito, nagpasya akong magpatuloy sa pananampalataya at pagsunod sa Diyos. Nanalangin din ako sa Diyos at ipinagkatiwala ko sa Kanya ang asawa ko, dahil alam kong kung kailan siya gagaling ay pagpapasyahan ng Diyos; handa akong magpasakop. Pagkatapos niyon, nagpatuloy ako sa pananampalataya sa Diyos at pagdalo sa mga pagtitipon. Pagkalipas ng kalahating taon, matapos uminom ng gamot at magpagaling, unti-unting bumalik sa normal ang isip ng asawa ko. Naging mas masigla siya, at wala siyang anumang pangmatagalang epekto mula sa nangyari. Mula sa pangyayaring ito, nakita ko ang proteksyon ng Diyos at tumibay ang pananalig ko sa Kanya.
Isang araw noong Pebrero 2011, sinabi ng isang kapitbahay na ilang baboy niya ang nagkaroon ng foot-and-mouth disease, at kinumusta niya ang mga baboy ko. Sinabi ng asawa ko na maayos naman ang mga baboy namin. Pero ilang araw lang ang lumipas, ilan sa aming mga inahing baboy na kapapanganak lang ng mga biik ay nagkaroon din ng foot-and-mouth disease. Nahawa rin ang mga biik na uminom ng gatas ng mga inahin, at sa loob lang ng mahigit isang buwan, mahigit 60 sa aming mga biik ang namatay. Parang sinasaksak ang puso ko dahil sa mga pangyayaring ito. Sobra akong nag-alala na kung mahahawa rin ang iba pang mga baboy sa pamilya namin, mawawala sa amin ang lahat, kapwa sa puhunan at sa posibleng kita. Nagreklamo sa akin ang biyenan kong lalaki, “Hindi pinanatiling ligtas ng pananalig mo sa Diyos ang pamilya. Naaksidente ang asawa mo, at ngayon naman, nagkasakit ang mga baboy.” Hindi na rin ako pinayagan ng asawa kong pumunta sa mga pagtitipon. Pinalibutan ako ng buong pamilya ko at sunud-sunod na pinagsabihan nang masakit, at labis akong nasaktan. Hindi ko namalayang nagsimula na akong mag-alinlangan sa Diyos: “Napakaming biik ang namatay—talaga bang dahil ito sa pananampalataya ko sa Diyos?” Nalugmok ako sa pagiging negatibo at panghihina, at hindi ako dumalo sa anumang pagtitipon sa loob ng dalawa o tatlong buwan. Kalaunan, nang maisip ko ang dating aksidente ng asawa ko, napagtanto kong sinusubukan na naman akong guluhin ni Satanas. Pero kumakain at umiinom ako ng mga salita ng Diyos at ginagawa ang tungkulin ko, kaya tiyak na dapat may proteksyon ako ng Diyos. Bakit hindi ako pinagpapala ng Diyos? Wala talagang pagkakaiba ang manampalataya at hindi manampalataya sa Diyos! Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong hindi nakasisiguro kung paano ko mararanasan ang sitwasyong ito. Kaya lumuhod ako at nanalangin sa Diyos, “Diyos ko! Namatay na ang dose-dosenang biik ng pamilya ko. Dahil dito, pinagtutulungan akong sisihin ng pamilya ko, at sa tingin ko, hindi ko na ito kakayanin pa. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako para maunawaan ko ang Iyong layunin.” Pagkatapos kong manalangin, naalala ko ang ibinahagi sa akin ni Sister Wang Fang noon tungkol sa karanasan ni Job. Nang subukang tuksuhin ni Satanas si Job, kinuha ng mga magnanakaw ang napakalawak na yaman ni Job, at nadaganan hanggang mamatay ang kanyang mga anak, at npuno siya ng mga sugat. Pero alam ni Job ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Alam niyang ang Diyos ang nagbigay, at ang Diyos din ang bumawi. Walang alinlangan si Job tungkol sa Diyos, at patuloy niyang pinuri ang pangalan ng Diyos, nanindigan sa kanyang patotoo sa Diyos, at ipinahiya si Satanas. Naisip ko kung paanong nagkasakit at namatay ang mga biik ko, at na ito rin ay si Satanas na sinusubukang tuksuhin at guluhin ako, at kailangan ko ring manindigan sa aking patotoo para sa Diyos. Napakaraming alagang hayop at malawak na yaman ang nawala kay Job, pero hindi siya nagreklamo laban sa Diyos. Pero ako, nagreklamo ako laban sa Diyos dahil lang namatay ang ilang dosenang biik ko. Talagang napakalayo ko kay Job kapag inihahambing ko ang sarili ko sa kanya! Nang mapagtanto ito, nanalangin ako sa Diyos, sumumpang kahit paano pa ako subukang guluhin muli ni Satanas, mananampalataya pa rin ako sa Diyos at sasambahin Siya.
Kalaunan, naghanap ako ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa kalagayan ko para basahin. Nakita ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang iyong hinahabol ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahangad sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tunay na daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga nananampalataya sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kinasusuklaman ng Diyos ang mga nananampalataya sa Kanya na may layuning magkamit ng mga pagpapala. Pero sa pananalig ko, gusto kong protektahan Niya ang kapayapaan at kalusugan ng pamilya ko, at na magkaroon ng maraming supling ang mga alaga kong hayop, at na yumaman kami mula sa mga ito. Kapag maayos ang lahat sa pamilya nang walang sakuna o kasawian, aktibo kong ginagawa ang mga tungkulin ko, at matapos gumaling ng asawa ko mula sa aksidente niya sa sasakyan, nagpasalamat ako sa Diyos sa puso ko. Pero nang sunud-sunod na namatay ang mga biik, nagreklamo ako sa Diyos sa hindi pagprotekta sa pamilya ko. Naging sobrang negatibo ko na hindi ako makapagtuon sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at hindi ako dumalo sa mga pagtitipon sa loob ng dalawa o tatlong buwan. Araw-araw akong nag-aalala tungkol sa kalusugan ng mga baboy at sa aming mga pagkalugi sa pera. Napagtanto ko na nananampalataya ako sa Diyos para lang makatanggap ng Kanyang biyaya at mga pagpapala, at sinusubukan kong makipagtawaran sa Diyos. Talagang naging makasarili at kasuklam-suklam ako! Isipin mo ang isang aso: Kapag pinapakain ito ng kanyang amo, binabantayan nito ang bahay para sa kanyang amo, pero kapag hindi ito pinapakain ng amo, binabantayan pa rin ng aso ang bahay para sa amo nito. Mas masahol pa ako sa isang aso. Kapag pinagpapala ako ng Diyos, nagpapasalamat ako sa Kanya, pero kapag hindi ako nasiyahan sa Diyos kahit kaunti, nawawalan ako ng pananalig sa Kanya, at kahit na noong pinagtulungan akong sisihin ng pamilya ko, nagsimula akong banayad na tanggapin ang kanilang mga pananaw, nagkakaroon ng mga pag-aalinlangan at reklamo tungkol sa Diyos. Napakagulo ng isip ko! Kulang ako sa karanasan sa pag-aalaga ng baboy, kaya hindi maiiwasan na magkaroon ng foot-and-mouth disease ang mga baboy at mamatay. Saka, may mga baboy din sa mga kapitbahay ko na namatay, at napakakaraniwan nito sa industriya ng pag-aalaga ng hayop. Pero hindi ko matingnan nang tama ang bagay na ito at sa halip ay nagreklamo ako sa Diyos sa hindi pagprotekta sa pamilya ko; hindi ba’t hindi ito makatwiran sa panig ko? Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, gumaan nang husto ang pakiramdam ko, naging handa akong bitiwan ang pagnanais ko sa mga pagpapala at hindi na humingi sa Diyos ng mga pagpapala o kapayapaan, at magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at matuto ng mga aral sa mga sitwasyong isinaayos Niya para sa akin. Pagkatapos niyon, nagpatuloy ako sa pagdalo sa mga pagtitipon, at unti-unti, naging mas malapit ang relasyon ko sa Diyos.
Isang umaga noong Agosto, nang magpakain ako ng mga baboy, napansin kong umuubo ang dalawa sa malalaking baboy at may mga pulang pantal sa kanilang katawan. Agad kong tinawagan ang kapitbahay ko para itanong kung anong sakit ito. Sabi ng kapitbahay ko, “Madaling magkaroon ng mataas na lagnat ang mga baboy sa panahong ito ng taon. Ilan sa mga baboy ng pamilya sa katabing bahay ay nagkaroon na ng sakit na ito. Nakakahawa ang sakit na ito, kaya dapat kang magmadali at bumili ng gamot para maiwasan ito.” Nang marinig kong nakakahawa ang sakit na ito, sobra akong nag-alala. “May mahigit apatnapung malalaking baboy ang pamilya ko na malapit nang ibenta. Kung lahat sila ay magkakaroon ng mataas na lagnat at mamatay, hindi ba’t mawawala ang lahat ng ipinuhunan ko sa huling anim na buwan kasama na ang posibleng kita?” Kaya nanalangin ako sa Diyos at ipinagkatiwala ito sa Kanya. Kalaunan, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ang puso at espiritu ng tao ay hawak ng Diyos, at lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man sa lahat ng ito o hindi, ang anuman at ang lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito humahawak ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang may buhay at walang buhay ay parehong nasa mga kamay ng Diyos, at kung mahahawa man ang mga baboy na ito o hindi ay nasa mga kamay din ng Diyos. Ang tanging magagawa ko ay pakainin sila ng gamot bilang pag-iingat, at ang kanilang buhay o kamatayan ay pagpapasyahan ng Diyos. Naging handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at hindi na nagreklamo sa Diyos. Kalaunan, nang nagpapakain ng mga baboy, inihalo ko ang gamot na panlaban sa sakit sa kanilang pagkain, at makalipas ang ilang araw, gumaling ang dalawang baboy na may sakit, at naging maayos din ang iba. Pagkalipas ng dalawang buwan, bagama’t maraming baboy mula sa ibang mga kabahayan ang namatay, ang lahat ng apatnapu o higit ko pang baboy ay malulusog at naibenta sa mataas na presyo. Sa pagkakataong ito, hindi ako nagreklamo sa Diyos dahil sa pagkakasakit ng mga baboy, at tuwang-tuwa ako at nagpapasalamat sa Diyos sa Kanyang proteksyon.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nakahanap ako ng landas na isasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi niya nararanasan na magawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na magdusa ng kasawian” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagganap ng mga tungkulin sa pananalig ay ang bokasyong kaloob ng langit sa tao; ito ang dapat nating gawin, at hindi ito dapat nakadepende sa gantimpala. Ito ang pagpapahalaga sa katwirang dapat taglayin ng isang tao. Hindi ako dapat makipagtawaran sa Diyos sa pananalig ko. Kapag pinagpapala at pinoprotektahan ng Diyos ang pamilya ko, nagpapasalamat ako sa Kanya, pero kung may mga nangyayaring hindi maganda sa bahay at dumarating ang kamalasan, nagsisimula akong magreklamo sa Diyos. Ang ganitong pananalig ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Isa akong nilikha, at ang tadhana at yaman ko ay nasa mga kamay ng Diyos. Magbigay man ang Diyos o bumawi, dapat akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at tuparin ang aking mga tungkulin. Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, nagkaroon ako ng kaunting pagkilatis sa mga pakana ni Satanas, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa layunin kong maghanap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pananalig ko. Ang mali kong pananaw tungkol sa pananalig sa Diyos ay naituwid din nang kaunti, at nalaman ko na sa pananampalataya sa Diyos, dapat tayong magpasakop sa Diyos, maghangad sa katotohanan, at maghanap ng pagbabago sa disposisyon. Sobrang nagpapasalamat ako sa Diyos para sa pagkaunawa at mga natamo ko!