83. Ang Tungkulin Ko, O ang Karera Ko?

Ni Chen Si, Tsina

Mula pa noong bata ako, nakikita ko na sa mga diyaryo at TV ang mga babaeng negosyante at matatatag na kababaihang mula sa iba’t ibang antas ng buhay na nagtatamo ng kapwa kasikatan at pakinabang. Napakaglamorosa nila, kaya labis ko silang hinangaan. Inasam kong balang araw ay maging isa ring matagumpay na babaeng negosyante, para hangaan at maging mataas ang tingin sa akin ng mga kaibigan at kamag-anak ko. Kay ganda at kay sayang buhay siguro niyon! Para mas maagang matupad ang pangarap ko, nagbitiw kami ng asawa ko sa aming mga trabaho sa pabrika noong 1997 at nakipagsapalaran kami sa isang bagong hamon, sinimulan namin ang negosyo ng damit. Kasabay ng daloy ng reporma at pagbubukas ng ekonomiya, hindi nagtagal ay kumita kami ng kaunting pera at unti-unting naging matatag ang negosyo namin. Naging mataas ang tingin sa amin ng amga kaibigan at kamag-anak namin at sumipsip sila sa amin. Bigla na lang, naging sikat kami ng asawa ko sa aming pamilya. Sobrang saya ko. Pero hindi ako kuntento at gusto ko pang palakihin lalo ang negosyo, at pagdating ng panahon, magkaroon ng puwang sa mundo ng pagnenegosyo. Kalaunan, nakipagnegosyo kami ng pakyawan sa isang negosyante, pero hindi namin inaasahan na isa pala siyang manloloko, at dahil doon, naubos ang lahat ng aming naipon. Wala kaming nagawa kundi ibenta ang aming tindahan at bumalik sa aming bayan. Nawalan ako ng pag-asa. Pero hindi ko isinuko ang pangarap kong maging isang negosyante. Binalak kong mangutang ng pera at bumawi. Pero hindi ko kailanman naisip na kapag nakita ng mga kamag-anak namin na gipit na gipit kami, natakot silang hindi namin sila mababayaran, kaya tumanggi silang tulungan kami. Nakaramdam ako ng labis na pagkalungkot at kawalang-magawa. Nang makita ako ng asawa ko na sobrang lungkot, inalo niya ako, sinabing, “Huwag ka nang malungkot. Madalas sabihin na ‘Kapag mahirap ka sa lungsod, walang pumapansin sa iyo, pero kapag mayaman ka sa kabundukan, may mga kamag-anak kang lilitaw na hindi mo alam na mayroon ka.’ Ganyan kalupit ang lipunang ito—kung wala kang pera, kahit mga magulang mo ay hahamakin ka. Titingalain lang tayo ng ating mga kaibigan at kamag-anak kung yayaman tayo!” Sa pag-alala kung gaano naging maluwalhati ang mga bagay noon kumpara sa kahihiyan na aming naramdaman sa pagtanggi ng aming mga kaibigan at kamag-anak, nanumpa ako sa sarili ko na babawi ako! Nanghiram ako ng pera mula sa mga kaibigan ko sa ibang bayan, ang ilan ay mula dito, ang ilan ay mula doon, at nagsimula ako ng isang negosyong franchise ng isang brand. Sa ilalim ng aking masigasig na pamamahala, unti-unting umunlad ang negosyo. Pagkalipas ng ilang taon, nagkaroon na ako ng kotse, bahay, at mga naipon. Naging napakainit ng pagtanggap sa akin ng mayayaman kong customer, at dahil kumikita ako ng pera, sinusunod na rin ng asawa ko ang bawat salita ko. Nagsimula na namang sumipsip sa akin ang mga kaibigan at kamag-anak, pinupuri ako sa pagiging matalino, may kakayahan, at isang babaeng may matatag na kalooban. Bagama’t alam kong hindi taos-puso ang mga pambobolang iyon, gustung-gusto ko pa ring makita ang paraan ng pagsipsip nila sa akin. Iba na talaga ngayong may pera na ako, at ang makuha ang paghanga ng napakaraming tao ay nagbigay ng sukdulang kasiyahan sa aking banidad. Pakiramdam ko, sulit ang lahat ng pagod ko sa mga nakaraang taon.

Kalaunan, nakita ng mga kasamahan ko sa industriya na yumayaman ako sa pagbebenta ng mga produktong may brand, kaya nagsimula na rin silang magbenta ng mga brand. Bigla akong nakaramdam ng nakaambang krisis. Para matalo ang mga kakompetensiya ko, hindi lang ako dapat magmasid at magbantay laban sa kanila, kundi kailangan ko ring suyuin ang mga customer ko sa lahat ng paraan, tinatawagan ko sila araw-araw para kumustahin at isinasaayos ko ang iba’t ibang promosyon para akitin sila. Araw-araw akong namumuhay nang may suot na maskara, hayagan at palihim na nakikipagkompetensiya sa mga kasamahan ko at binobola ang mga kliyente. Sa loob-loob ko, pagod na pagod ako at bigat na bigat ang pakiramdam. Sa pagtatapos ng araw, sobrang pagod ko na sumasakit ang likod ko. Ni ayaw kong magasalita pag-uwi ko, at gusto ko na lang matulog nang mahimbing. Pero kapag nakahiga na ako sa kama, pabiling-biling lang ako at hindi makatulog, iniisip kung ano ang maaaring palihim na binabalak ng mga kakompetensiya ko laban sa akin at kung anong promosyon ang puwede kong gawin para mapabagsak sila. Puno ang isip ko ng mga kalkulasyon at pakikipaglaban, at palagi akong balisa. Madalas akong hindi makatulog dahil sa sobrang pagtatrabaho. Uminom ako ng maraming pampakalma at pampalusog-utak na mga produktong nutrisyon, pero walang epekto. Minsan, kapag sa wakas ay nakakatulog na ako, nagigising naman akong takot dahil sa mga bangungot. Madalas akong makaramdam ng di-maipaliwanag na kahungkagan at pagkabalisa. Nag-aalala ako na kapag nagpabaya ako kahit kaunti, mananalo ang mga kakompetensiya ko, at malulugi ako sa merkado na may sirang reputasyon. Mukha akong matagumpay sa panlabas, pero ako lang ang nakakaalam kung gaano ako nagdurusa sa loob. Sa kalagitnaan ng gabi, madalas kong isipin: “Ito na ba ang masayang buhay na matagal ko nang inaasam sa loob ng maraming taon?” Nalito ako. Pero ayaw ko pa ring mamuhay nang pangkaraniwan, na minamaliit ng iba. Kaya kahit pagod na pagod na ang katawan at isip ko, hindi pa rin ako nangahas na magrelaks kahit kaunti. Ang tanging gusto ko lang ay palakihin ang negosyo. Pagkatapos ng ilang taon ng masusing pamamahala, ang brand na pinamamahalaan ko ay naging sikat sa lokal na lugar. Sa mga seremonya ng pagkilala, inimbitahan pa ako ng headquarters na magbigay ng talumpati para ibahagi ang aking mga matagumpay na karanasan. Nang tumayo ako sa plataporma, habang naririnig ko ang mga palakpakan at nakikita ang paghanga sa mga mata ng iba, pakiramdam ko ay sa wakas natupad na ang pangarap ko. Labis akong nasabik at natuwa. Para akong nakatikim ng pagiging isang sikat na artista, parang lumulutang ako sa alapaap, at naramdaman kong sulit na sulit ang lahat ng paghihirap at pagsusumikap ko sa mga nakaraang taon. Pero walang nakakaalam sa labis na pagod at pagdurusa na nararamdaman ko sa likod ng tagumpay. Lumabo ang paningin ko dahil sa sobrang pagtatrabaho. Sabi ng doktor, malabo na ang vitreous ko at malala na ang katarata sa parehong mata, at kailangan kong magpaopera para maiwasang mabulag. Bagama’t nakuha ko ang paghanga ng aking mga kaibigan at kamag-anak, walang lunas sa kirot at kahungkagan na nararamdaman ko sa kaibuturan. Dahil sa sobrang tindi ng presyur sa kompetisyon, madalas akong balisa. Bagama’t nagbabatian kami ng mga kasamahan ko nang may ngiti, may mga pakana sa likod nito, at kaming lahat ay sobrang mapagbantay sa isa’t isa. Kaya kahit gaano kalaki ang aming industriya, wala akong ni isang taong mapagsasabihan ng aking mga saloobin. Araw-araw akong namumuhay nang nagbabalatkayo at pinananabikan ng puso ko ang araw na makapamumuhay ako nang magaan at masaya.

Noong 2007, isang sister ang nagpatotoo sa akin tungkol sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakita kong ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan at natiyak kong ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus. Napagtanto ko rin na nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw para gawin ang gawain ng paghatol upang iligtas ang sangkatauhan, at sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa paghatol at pagdadalisay ng Makapangyarihang Diyos, at sa pagwawaksi sa ating mga tiwaling disposisyon, tayo maliligtas ng Diyos at makakapasok sa Kanyang kaharian. Nakarinig ako ng isang himno ng mga salita ng Diyos na talagang nakaantig sa akin.

Hinahanap ng Diyos ang Iyong Puso at Iyong Espiritu

…………

2  Ang Makapangyarihan sa lahat ay may habag sa mga taong ito na nagdurusa nang labis; kasabay nito, nakakaramdam Siya ng pagtutol sa mga taong ito na talagang walang anumang kamalayan, dahil kinailangan Niyang maghintay ng sagot sa napakatagal na panahon mula sa mga tao. Hangad Niyang maghanap, hanapin ang iyong puso at ang iyong espiritu, at bigyan ka ng tubig at pagkain, upang magising ka at hindi ka na mauhaw o magutom. Kapag pagod ka na at nararamdaman mo ang kapanglawan ng mundong ito, huwag magulumihanan, huwag manangis. Tatanggapin ng Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagbantay, ang iyong pagdating anumang oras.

3  Siya ay lagi sa iyong tabi upang bantayan ka, naghihintay sa iyong pagbabalik. Hinihintay Niya ang araw na biglang babalik ang iyong alaala: na matatanto mo na ikaw ay nagmula sa Diyos, at minsan ay nawalan ka ng direksyon, at minsan ay nawalan ka ng malay sa daan at minsan ay nagkaroon ng “ama,” na matatanto mo, bukod pa riyan, na ang Makapangyarihan sa lahat ay laging nagmamasid, naghihintay nang napakatagal na panahon sa iyong pagbabalik.

4  Matagal na Siyang nagmamasid nang may masidhing pananabik, naghihintay ng tugon na hindi dumarating. Ang Kanyang pagmamasid at paghihintay ay hindi matutumbasan, at ang mga ito ay para sa kapakanan ng puso at espiritu ng tao. Marahil ang pagmamasid at paghihintay na ito ay walang tiyak na katapusan, at marahil ang mga ito ay malapit nang magwakas. Ngunit dapat mong malaman kung saan talaga naroroon ang iyong puso at espiritu sa mismong sandaling ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat

Lubos akong naantig sa mga salita ng Diyos at naisip ko ang mahirap kong paglalakbay sa pagpapatakbo ng negosyo sa mga nakaraang taon. Bagama’t mayroon na akong kotse at bahay at natupad ko na ang aking mga pagnanais, hindi pa rin ako panatag. Para kumita ng mas maraming pera araw-araw, binobola at sumisipsip ako sa mga customer ko, at nagpapakana at nandaraya kami ng mga kasamahan ko sa isa’t isa para sa kita; pagod na pagod ang isip at katawan ko. Ipinapakita ko ang isang kahanga-hangang imahe sa panlabas, pero labis akong nagdurusa sa kaloob-looban ko. Ngayong narinig ko na ang panawagan ng tinig ng Diyos, pakiramdam ko ay para akong isang ulila na maraming taong nagpagala-gala sa labas na sa wakas ay nakabalik na sa mainit na yakap ng kanyang ina, at hindi na muling makakaramdam ng pag-iisa o kawalang-magawa. Sa mga pagtitipon, simple at bukas ang mga kapatid, nagbabahagi tungkol sa kanilang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, prangka at sinsero sa isa’t isa. Walang anumang pakanang matatagpuan sa mundo ng pagnenegosyo, walang inggitan at alitan. Kapag nakakaranas ako ng mga paghihirap, nagbabahagi ng mga salita ng Diyos ang mga kapatid sa akin, na nagbibigay-liwanag sa puso ko at nagbibigay sa akin ng landas ng pagsasagawa, kaya nakakaramdam ako ng labis na kagaanan at kalayaan. Hindi ko pa kailanman naramdaman ang ganito. Kahanga-hangang manampalataya sa Diyos!

Kalaunan, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung talagang mayroon kang konsiyensya, kailangan kang magkaroon ng pasanin, at makadama ng responsibilidad. Kailangan mong sabihing: ‘Lulupigin man ako o gagawing perpekto, kailangan kong pasanin nang maayos ang hakbang na ito ng patotoo.’ Bilang isang nilikha, maaaring ganap na malupig ng Diyos ang isang tao, at sa huli, nagagawa niyang mapalugod ang Diyos, na tinutumbasan ang pagmamahal ng Diyos ng isang mapagmahal-sa-Diyos na puso at sa ganap na paglalaan ng sarili sa Diyos. Ito ang responsibilidad ng tao, ito ang tungkuling dapat gampanan ng tao, at ang pasaning dapat dalhin ng tao, at kailangang matapos ng tao ang atas na ito. Saka lamang siya tunay na naniniwala sa Diyos. Ngayon, katuparan ba ng iyong responsibilidad ang ginagawa mo sa iglesia? Depende ito sa kung ikaw ay may pasanin, at depende ito sa sarili mong kaalaman(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (3)). Paulit-ulit kong binasa ang mga salita ng Diyos at nakaramdam ako ng paninisi sa sarili. Matapos kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, araw-araw kong tinatamasa ang panustos ng mga salita ng Diyos. Kapag nagiging mahirap ang mga bagay-bagay, magbabahagi sa akin ng mga salita ng Diyos ang mga kapatid para tulungan ako. Pag-ibig ito ng Diyos. Hindi ko maaaring tamasahin ang panustos ng Diyos nang walang kapalit at hindi gawin ang tungkulin ko. Kawalan ng konsensiya ang gawin iyon. Bilang isang nilikha, dapat kong gawin ang aking tungkulin, ito ang aking responsabilidad at obligasyon. Dahil naantig sa mga salita ng Diyos, sinimulan kong gawin ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya.

Makalipas ang dalawang taon, napili ako bilang lider ng pangkat ng pagdidilig, at araw-araw akong abala sa pagdidilig at pagsuporta sa mga baguhan. Dahil wala na akong gaanong lakas, ipinaubaya ko na sa mga tindera ang pamamahala sa negosyo. Minsan, bumababa ang benta, at nakikipagtalo sa akin ang asawa ko, sinasabing, “Dahil wala ka sa tindahan, hindi magtatagal ay babagsak ang negosyo, at sino pa ang titingala sa iyo?” Talagang tumama sa kahinaan ko ang sinabi niya. Naalala ko kung paanong minamaliit ako ng mga kamag-anak at kaibigan noong panahong lugmok ako. Napakahirap makamit ang kung ano ang mayroon ako ngayon sa negosyo; kailangan ko itong ipagpatuloy na pamahalaan nang maayos. Pero naisip ko rin kung paanong ang paggawa ng tungkulin ay aking responsabilidad at obligasyon. Hindi puwedeng mawalan ako ng konsensiya at hindi gawin ang tungkulin ko. Naglalaban ang kalooban ko. Naisip ko, “Kung patuloy na babagsak ang benta ko, ano ang gagawin ko kung magsara talaga ang tindahan? Sino pa ang titingala sa akin pagkatapos niyon? Hindi, kailangan kong unahing humanap ng paraan para mapataas ang benta.” Pagkatapos niyon, hindi na ako gaanong nagsikap sa paggawa ng tungkulin ko. Sa tuwing makakarinig ako ng isang kapatid na nagiging negatibo at nanghihina, nagmamadali akong tumulong at sumuporta sa kanila. Pero ngayon, ang gusto ko na lang ay magmadali papunta sa tindahan. Ilang beses, dahil sobrang abala sa tindahan at hindi ako makaalis, nahuhuli ako sa mga pagtitipon. Medyo nakokonsensiya ako, pero hindi ko lang talaga kayang isantabi ang negosyo ko. Dahil hindi ko agad nadidiligan at nasusuportahan ang mga negatibo at mahihinang kapatid, isang sister ang lubusang nagtuon sa pagkita ng pera at huminto sa pagdalo sa mga pagtitipon, at ang iba pang mga kapatid ay hindi na regular na dumadalo sa mga pagtitipon. Nang malaman ko ang mga nangyayaring ito, sobrang sama ng loob ko. Gayumpaman, sa tuwing magkakaroon ng tapatan sa pagitan ng tungkulin at negosyo, dahil hindi ko maasikaso ang aking negosyo, medyo nanghihina ang loob ko, at naiisip ko pa ngang lumipat sa isang mas magaan na tungkulin. Pero naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Lubhang mahalaga kung paano mo dapat ituring ang mga atas ng Diyos. Isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensiya at dapat mong tanggapin ang iyong kaparusahan. Ganap na likas at may katwiran na tapusin ng mga tao ang mga atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung kaswal mo lang na tinatrato ang mga atas ng Diyos, ito ay isang napakalubhang pagkakanulo sa Diyos. Dito, mas kasuklam-suklam ka kaysa kay Hudas, at dapat kang sumpain. Dapat matamo ng mga tao ang lubos na pagkaunawa sa kung paano tatratuhin ang mga atas ng Diyos at kahit papaano, dapat nilang maunawaan: ang pagkakatiwala ng Diyos sa tao ng mga atas ay ang Kanyang pagtataas sa tao, ang Kanyang espesyal na pagpapakita ng biyaya sa tao, ito ang pinakamaluwalhati sa lahat ng bagay, at ang lahat ng iba pang bagay ay maaaring abandonahin—maging ang sariling buhay ng isang tao—pero dapat makompleto ang mga atas ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Ipinadama sa akin ng mga salita ng Diyos ang espesyal na kahulugan ng tungkulin. Ang tungkulin ng isang tao ay isang atas na bigay ng Diyos, at bilang mga nilikha, dapat nating gawin nang maayos ang ating mga tungkulin—ito ang ating responsabilidad. Nagpapakita sa akin ng biyaya ang Diyos sa pagbibigay ng pagkakataong magsanay sa pagdidilig ng mga baguhan. Pero inasikaso ko lang ang sarili kong negosyo at hindi sila diniligan o sinuportahan. Ilang kapatid ang hindi nakakuha ng pagdidilig na kailangan nila kaya umalis sila. Hindi ba’t pinapahamak ko sila? Hindi ko lubos na pinahalagahan ang tungkulin ko at naging iresponsable ako sa pagtrato ko rito. Ipinagkanulo ko ang Diyos! Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nakakaramdam ng paninisi sa sarili at pagsisisi, kaya nanalangin ako sa Diyos, handang magsisi at gawin nang maayos ang aking tungkulin. Kalaunan, nagsimula akong aktibong magdilig at sumuporta sa mga baguhan. Ilang kapatid na huminto sa pagdalo sa mga pagtitipon ay nagsimulang dumalo muli nang regular. Sa wakas, nagsimula akong mapanatag sa aking puso.

Noong 2013, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia. Alam kong pagtataas ito ng Diyos, pero nagsimula na namang maglaban ang kalooban ko: “Kahit gaano ako kaabala bilang lider ng pangkat ng pagdidilig, nakakahanap pa rin ako ng oras para asikasuhin ang negosyo. Bilang isang lider ng iglesia, magiging responsable ako sa pangkalahatang gawain ng iglesia at wala na akong magiging oras para asikasuhin ang negosyo ko. Sa paglipas ng panahon, pupunta kaya sa iba ang mga dati kong customer? Hindi ba’t parang isusuko at ipamimigay ko sa iba nang walang kapalit ang mga customer ko na pinaghirapan kong panatilihin sa loob ng maraming taon? Naisip ko kung paanong inalagaan ako ng asawa ko at sinalubong ako ng mga kaibigan at kamag-anak nang may ngiti sa lahat ng taon na ito, dahil lang sa kumikita ako ng pera. Kung mawawalan ako ng karera, sino pa ang titingala sa akin?” Nang maisip kong posibleng mawala ang lahat ng masidhi kong pinamahalaan, nakaramdam ako ng labis na paghihirap ng kalooban. Pero kung hindi ko tatanggapin ang tungkuling ito, hindi matatahimik ang konsensiya ko, at pakiramdam ko ay may utang ako sa Diyos. Sa gabi, pabiling-biling ako at hindi makatulog. Naisip ko ang pananalig ko sa Diyos sa mga nakaraang taon at kung paano ako kumain, uminom, at nagtamasa ng mga salita ng Diyos araw-araw, at kung gaano karaming biyaya at pagpapala ng Diyos ang aking natamasa. Noong nagpagala-gala ako sa mundo na nakakaramdam ng kalungkutan at kawalang-magawa, ang mga salita ng Diyos ang nagpainit sa puso ko at nagdala sa akin sa Kanyang sambahayan, at mula noon, nagkaroon na ng sandigan ang aking puso. Noong nagmamadali ako at naging abala para lang sa pera at pagod na pagod ang katawan at isip ko, tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan ang tungkulin at responsabilidad na dapat kong tuparin bilang isang nilikha, at natagpuan ko ang paraan kung paano umasal; noong hinahangad ko ang pera at naging pabaya ako sa aking tungkulin, ipinakita sa akin ng paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos na ang saloobin ko sa aking tungkulin ay isang pagkakanulo sa Diyos, at nagising ang aking manhid at matigas na puso. Pagmamahal at pagliligtas ito ng Diyos sa akin. Paano ko muling uunahin ang negosyo ko kaysa sa tungkulin ko at saktan ang Diyos? Nanalangin ako sa Diyos at hiniling sa Kanya ang pananalig at lakas para makagawa ng tamang pagpapasya.

Kinabukasan ng umaga, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Kung maglalatag Ako ng kaunting pera sa harap ninyo ngayon mismo at bibigyan kayo ng kalayaang pumili—at hindi Ko kayo kokondenahin nang dahil sa pinili ninyo—pipiliin ng karamihan sa inyo ang pera at tatalikuran ang katotohanan. Ang mas mababait sa inyo ay tatalikuran ang pera at atubiling pipiliin ang katotohanan, habang yaong mga nag-aalangan ay susunggaban ang pera sa isang kamay at ang katotohanan sa kabilang kamay. Hindi ba kusang lalabas ang tunay ninyong kulay sa ganoon? Sa pagpili sa pagitan ng katotohanan at ng anumang bagay na matapat kayo, lahat kayo ay pipili sa ganitong paraan, at magiging pareho pa rin ang ugali ninyo. Hindi ba’t ganoon? Hindi ba marami sa inyo ang nag-alinlangan sa pagitan ng tama at mali? Sa lahat ng pakikibaka sa pagitan ng positibo at negatibo, ng itim at puti—sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng pagkakasundo at pagkakawatak, ng kayamanan at kahirapan, ng katayuan at pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maitakwil, at iba pa—tiyak na hindi kayo mangmang sa mga ginawa ninyong desisyon! Sa pagitan ng nagkakasundong pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang una, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang una, at ayaw pa nga ninyong magbago ng isip; sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang una; sa pagpili sa pagitan ng inyong mga anak at asawa, at sa Akin, pinili ninyo ang una; at sa pagitan ng kuru-kuro at ng katotohanan, pinili pa rin ninyo ang una. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo, talagang namangha Ako. Hindi inaasahan na ang inyong puso ay walang kakayahan na maging malambot. Ang dugo ng puso na ginugol ko sa loob ng maraming taon ay kagulat-gulat na walang idinulot sa akin kundi ang inyong pang-aabandona at kawalan ng gana, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailantad sa harapan ng lahat. Ngunit ngayon ay hinahangad pa rin ninyo ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kalalabasan? Naisaalang-alang na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo? Ang una pa rin kaya? Bibiguin at palulungkutin pa rin kaya ninyo Ako nang husto? Ang puso ba ninyo ay magtataglay pa rin ng kaunting marubdob na damdamin lang? Hindi pa rin kaya ninyo malalaman kung paano aaliwin ang puso Ko?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Habang pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, para akong tinusok sa puso at nabagabag ako. Mula nang magsimula akong manampalataya sa Diyos, patuloy akong nahirapan at hindi makapagdesisyon sa pagitan ng karera at tungkulin, ayaw kong isuko ang karerang pinaghirapan kong pamahalaan pero ayaw ko ring isuko ang katotohanan. Kaya nang naapektuhan ng tungkulin ko ang aking karera, nakaramdam ako ng paglaban at gusto ko pa ngang tanggihan ang tungkulin ko. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad ng mga salita ng Diyos ko nakita na, bagama’t nananampalataya at sumusunod ako sa Diyos, walang puwang ang Diyos sa puso ko, at na ang pinahahalagahan ko ay hindi ang katotohanan o ang pagliligtas ng Diyos, kundi ang aking karera, pera, at katayuan. Hindi ito pananalig sa Diyos, ito ay pagsunod ko kay Satanas at pagkakanulo sa Diyos. Ang Diyos ay isang Diyos na kinapopootan ang kasamaan. Ang pagnanais sa pagliligtas ng Diyos habang hinahangad din ang pera, kasikatan, at pakinabang at nagpapakasaya sa laman ay nangangahulugang imposible para sa akin na maligtas ng Diyos. Ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw at pagpapahayag ng katotohanan para iligtas ang sangkatauhan ang ating tanging pagkakataon para maligtas. Kung patuloy akong bulag na maghahangad ng pera at hindi hahangarin ang katotohanan at mawawala sa akin ang minsan-sa-buhay na pagkakataong ito, hindi ba’t sisirain ko ang sarili kong buhay? Pagsisisihan ko iyon habambuhay! Ang magkaroon ng pagkakataon ngayon na gawin ang aking tungkulin at hangarin ang katotohanan ay pag-ibig at biyaya ng Diyos at nagpasalamat ako sa Diyos. Kumain at uminom ako ng mga salita ng Diyos at nagtamasa ng biyaya at panustos ng Diyos pero hindi ko inisip na gawin nang maayos ang aking tungkulin, palaging gustong magnegosyo at kumita ng pera, at gustong hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Talagang wala akong konsensiya at katwiran! Hindi ko na maaaring sundin ang laman at maghimagsik laban sa Diyos. Inaasahan ng Diyos na gagawa ako ng tamang pagpapasya. Kinailangan kong isuko ang aking karera para magtuon sa paghahangad sa katotohanan, at kinailangan kong tuparin ang aking tungkulin. Kaya, ipinaubaya ko na ang buong negosyo ko sa mga tindera para pamahalaan at sinimulan kong ilaan ang lahat ng oras ko sa paggawa ng aking mga tungkulin. Bagama’t abala ako araw-araw, panatag ang puso ko. Nang makita ko ang ilang kapatid sa iglesia na katulad ko dati—nagtatrabaho mula umaga hanggang gabi, nagmamadali, desperadong kumita ng pera, at namumuhay sa pasakit at pagkalito sa gitna ng panlilinlang at pamiminsala ni Satanas—umasa ako sa Diyos at nakipagbahaginan ng Kanyang mga salita sa kanila. Matapos nilang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, nagawa nilang iwaksi ang pagkakagapos sa pera, aktibong gawin ang kanilang tungkulin at hangarin ang katotohanan, at mamuhay nang mas magaan at malayang buhay kaysa dati. Sa sandaling iyon, mas lalo kong napahalagahan ang masidhing layunin ng Diyos para iligtas ang mga tao, at labis akong naantig. Kung hindi ipinahayag ng Diyos ang katotohanan at iniligtas ang mga tao, lahat tayo ay malilinlang at pipinsalain ni Satanas nang walang kawala. Ang makagawa ng tungkulin ko sa iglesia ay mas makabuluhan kaysa sa pagpapatakbo ng negosyo sa mundo dahil ang pangangaral ng ebanghelyo ay isang gawain ng pagliligtas sa mga tao at ito ang pinakamahalaga at pinakamakahulugang bagay. Noon, para sa kapakanan ng sarili kong mga interes, nakikipagkompetensiya ako sa mga tao para sa kasikatan at pakinabang at nagpapakana laban sa kanila sa mundo, nagiging mapaminsala at mapanlinlang, at namumuhay nang walang anumang wangis ng tao. Ngayon sa iglesia, ang makagawa ng mga makabuluhang bagay, pati na ang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, ang hangarin ang katotohanan at baguhin ang aking mga tiwaling disposisyon habang ginagawa ang aking tungkulin, pakiramdam ko, ito lang ang makabuluhang paraan para mabuhay. Nagpasalamat ako sa Diyos nang buong puso.

Isang araw, makalipas ang dalawang taon, pagkauwi ko pa lang sa bahay, walang-sawa na namang sinubukan ng asawa kong hikayatin ako, sinasabing, “Isinuko mo ang pagiging isang respetadong boss. Ano ba iyang walang kuwentang ‘Diyos’ na ‘yan? Alam ko lang na ang kumita ng pera ang pinakamakatotohanan. Kapag may pera, makakakain ka nang masarap, makakapaglaro nang maayos, makapagsasaya sa buhay, at titingalain ka ng ibang tao. Sino ang magbibigay-halaga sa iyo kung wala kang pera? Wala ka sa tindahan, bumagsak ang benta nang mahigit sa kalahati, at hindi ito puwedeng magpatuloy. Kung hindi mo ito pamamahalaan, magsasara na ito. Manhid ka lang na nanonood habang isinusuko at ipinamimigay sa iba ang negosyo natin. Nagpapakahangal ka!” Natakot akong mahulog muli sa tukso ni Satanas, kaya dali-dali akong nanalangin sa Diyos nang tahimik. Naisip ko kung paanong ang di-nananampalataya kong asawa ay naghahangad ng pera, kasikatan, at pakinabang at sumusunod kay Satanas, samantalang pinili kong sumunod sa Diyos at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at ang maligtas. Hinihiling niya sa akin na isuko ang paggawa ng aking tungkulin at bumalik sa kampo ni Satanas. Sinusubukan niya akong ipahamak at wasakin. Hindi ko siya maaaring hayaang pigilan ako. Nang makitang hindi ako natitinag, isinama niya ang tiyahin ko at ang biyenan kong lalaki. Lahat sila ay sinubukan akong hikayatin, “Hindi kami kontra sa pananalig mo sa Diyos, pero kailangan mong patakbuhin ang negosyo mo! Sino ba ang nagbigay-halaga sa pamilya natin dati noong wala tayong pera? Ngayon, lahat ng kamag-anak at kaibigan natin ay sumisipsip sa atin—hindi ba’t dahil iyon sa umuunlad ang negosyo natin? Alam mo ba kung gaano karaming tao ang naiinggit sa atin at hindi na makapaghintay na bumagsak ang negosyo natin? Matagal na ang tindahan natin, at kumalat na ang reputasyon nito. Napakaraming tao ang pumupuri sa iyo sa iyong mga abilidad at kasanayan. Kung hindi mo aalagaan ang negosyo, maghihirap ang buong pamilya natin at walang titingala sa atin. Ganyan ba ang gusto mong buhay?” Naisip ko ang mga paghihirap sa pagsisimula ng negosyo at kung paano ito lumago. Mahigit sampung taon ng dugo, pawis at luha, napakahirap bago ako nakarating sa kinalalagyan ko. Kung talagang kailangan kong isuko ito, medyo mag-aatubili pa rin ako. Noon ko napagtanto na nahulog ako sa tukso ni Satanas, at dali-dali akong nanalangin sa Diyos. Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko dati: “Ngunit ngayon ay hinahangad pa rin ninyo ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kalalabasan? Naisaalang-alang na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo? Ang una pa rin kaya? Bibiguin at palulungkutin pa rin kaya ninyo Ako nang husto? Ang puso ba ninyo ay magtataglay pa rin ng kaunting marubdob na damdamin lang? Hindi pa rin kaya ninyo malalaman kung paano aaliwin ang puso Ko?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Pumupukpok sa puso ko ang mga tanong ng Diyos. Mula nang magsimula akong manampalataya sa Diyos, marami na akong nabasang salita ng Diyos at nakaunawa na ako ng ilang katotohanan. Alam ko kung paano dapat mamuhay at umasal ang mga tao. Bagama’t binitiwan ko na ang pera, kasikatan at pakinabang sa nakalipas na dalawang taon, ang kapayapaan at kagalakang naramdaman ko sa kaibuturan ay hindi masusukat ng gayong mga bagay. Pinalad akong marinig ang tinig ng Diyos at matamo ang Kanyang kaligtasan; hindi ako maaaring bumalik sa kampo ni Satanas. Kaya, mahinahon kong sinabi sa kanila, “Pinag-isipan kong mabuti ang pagsuko sa aking karera, pagpili na manampalataya sa Diyos, at paggawa ng aking tungkulin. Ang pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan at pagliligtas sa mga tao sa mga huling araw para makatakas tayo sa pamiminsala ni Satanas at matamo ang kaligtasan ng Diyos ay isang minsan-sa-buhay na pagkakataon. Ang gusto ko lang gawin ngayon ay manampalataya sa Diyos nang buong puso at hindi na mamuhay ng buhay na nakikipag-agawan para sa kasikatan at pakinabang. Sana ay magbasa rin kayo ng mas marami pang salita ng Diyos at tanggapin ang Kanyang kaligtasan.” Nagulat ako nang, pagkasabi ko pa lang nito, agad na kumaway at umiling ang tiyahin ko at ang biyenan kong lalaki. Galit na sinabi ng asawa ko, “Hindi kami mananampalataya sa Diyos! Kailangan mong pumili ngayon. Kung gusto mo pang magpatuloy sa pananampalataya sa Diyos, huwag ka nang babalik kailanman. Wala ka nang kinalaman sa pamilyang ito. Doon ka sa landas mo, doon ako sa landas ko! Magkanya-kanya na tayo ng landas!” Nang makita siyang tila napakawalang-puso, sinabi ko, “Wala akong gusto, at desidido na akong manampalataya sa Diyos.” Nang makapili na ako, bumigay na rin ang asawa ko at hindi na ako pinansin pagkatapos.

Minsan, napapaisip din ako, “Sa tuwing nagkakaroon ng labanan sa pagitan ng tungkulin at negosyo ko, palagi akong nalalagay sa alanganin. Bakit hindi ko kayang piliin na gawin ang tungkulin ko at palugurin ang Diyos nang hindi natitinag? Ano ba talaga ang ugat ng problemang ito?” Habang hinahanap ko ang sagot, nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Kasikatan at pakinabang.) Kaya, ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang isipan ng mga tao, idinudulot sa mga tao na wala nang ibang isipin kundi ang dalawang bagay na ito. Nagsusumikap sila para sa kasikatan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan at nagbubuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gagawa ng kahit anong paghuhusga o pagpapasya para sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na makaalpas. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at patuloy silang naglalakad nang may matinding paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, nakita ng puso ko ang liwanag. Lumalabas na ginagamit na paraan ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para gawing tiwali ang tao. Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para kontrolin ang ating pag-iisip para mag-isip tayo nang husto, lunukin ang kahihiyan at pasanin ang mabigat na dalahin sa paghahangad ng kasikatan at pakinabang, hanggang sa huli ay iwasan at ipagkanulo natin ang Diyos, at dadalhin tayo ni Satanas sa impiyerno. Naisip ko kung paanong ang lahat ng hinangad ko sa loob ng maraming taon ay kasikatan at pakinabang. Ang mga lason ni Satanas na “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad” at “Mamukod-tangi at magbigay karangalan sa iyong mga ninuno” ay malalim na nakaugat sa akin. Mula pa noong bata ako, hinangaan ko na ang mga babaeng negosyante at matatatag na kababaihan at umasa akong balang araw ay maging isang tanyag na tao na may kasikatan at pakinabang. Itinuring kong direksyon at mga layon sa buhay ang pera, kasikatan, at pakinabang. Nagsumikap ako sa lahat ng taon na ito para kumita ng pera, hayagan at palihim na nakikipagkompetensiya sa mga kasamahan ko, at nagpapakana laban sa isa’t isa, pinarurupok at pinagtutuos laban sa isa’t isa, palaging sinusubukang pabagsakin ang isa’t isa, at lalong naging mapanlinlang at mapaminsala ang disposisyon ko. Bagama’t pagod na pagod ang katawan at isip ko, hindi ko mapigilan ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang, dahil ang kasikatan at pakinabang ang tanging pag-asa ko sa buhay, at ang pagkawala ng mga ito ay pagkawala ng kabuluhan ng buhay. Samakatwid, ang makitang bumabagsak ang benta ko ay parang pagkawala ng buhay ko, at dahil dito ay nakaramdam ako ng takot. Dahil natakot akong magsara ang tindahan at mawala ang paghanga ng mga tao, hindi ko napigilang gawin ang tungkulin ko nang may paglaban at sa pabayang paraan. Muntik ko pa ngang gamitin ang negosyo ko bilang dahilan para iwasan ang tungkulin ko at bumalik sa kampo ni Satanas. Ang kasikatan at pakinabang ay parang mga tanikala na napakahigpit na gumapos sa akin. Naging mga hadlang ang mga ito sa aking paghahangad sa katotohanan at naging dahilan para ipagpaliban ko ang paggawa ng aking tungkulin at maghimagsik laban sa Diyos nang paulit-ulit. Ginagamit ni Satanas ang mismong kasikatan at pakinabang para unti-unting sirain at tibagin ang paninindigan kong hangarin ang katotohanan, pigilan akong gawin ang tungkulin ko, at mawalan ako ng pagkakataong maligtas, hanggang sa huli ay labanan ko ang Diyos at wasakin ako ng Diyos kasama nito. Napakatuso at napakamapaminsala ng mga paraan na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao! Naisip ko ang lahat ng taong nagkamit ng kasikatan at pakinabang at nakaramdam pa rin ng kahungkagan at pasakit, na nagpakamatay para makatakas dito sa huli. Ang kasikatan at pakinabang ay nagdudulot lamang ng panandaliang makalamang kasiyahan. Hindi nito mapupunan ang kahungkagan sa puso ng isang tao; hindi nito maililigtas ang mga tao, lalo nang hindi ito makapagbibigay sa kanila ng magandang hantungan. Kung hindi lalapit ang mga tao sa harap ng Diyos at tatanggapin ang Kanyang kaligtasan, gaano man sila katanyag o gaano man karami ang kanilang ari-arian, lahat ng iyon ay ganap na walang kabuluhan.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag may tunay na pagkaunawa ang mga tao sa disposisyon ng Diyos, kapag nakikita nila na totoo ang disposisyon ng Diyos, na ito ay talagang banal, at talagang matuwid, at kapag napupuri nila nang taos-puso ang kabanalan at pagiging matuwid ng Diyos, talagang makikilala nila ang Diyos, at makakamit na nila ang katotohanan. Kapag nakilala ng mga tao ang Diyos, saka lamang sila mamumuhay sa liwanag. Ang tuwirang epekto ng tunay na pagkakilala sa Diyos ay ang magawang tunay na mahalin at magpasakop sa Diyos. Sa mga taong tunay na nakakikilala sa Diyos, nakakaunawa sa katotohanan, at nakakamit ang katotohanan, may tunay na pagbabago sa kanilang pananaw sa mundo at pagtingin sa buhay, na susundan ng tunay na pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Kapag ang mga tao ay may mga tamang mithiin sa buhay, nagagawang hangarin ang katotohanan, at umaasal ayon sa katotohanan, kapag ganap silang nagpapasakop sa Diyos at nabubuhay ayon sa Kanyang mga salita, kapag panatag at natatanglawan ang pakiramdam nila hanggang sa kaibuturan ng kanilang puso, kapag walang kadiliman sa kanilang puso, at kapag nakakapamuhay sila nang lubos na malaya at hindi napipigilan sa presensya ng Diyos, saka lamang sila makapamumuhay ng tunay na buhay ng tao, at saka lamang sila magiging mga taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Bukod pa rito, ang lahat ng katotohanang naunawaan at nakamit mo ay mula sa mga salita ng Diyos at mula sa Diyos Mismo. Kapag nakamit mo ang pagsang-ayon ng Kataas-taasang Diyos—ang Lumikha, at sinabi Niyang isa kang kuwalipikadong nilalang na isinasabuhay ang isang wangis ng tao, saka lamang magiging pinakamakabuluhan ang iyong buhay. Ang masang-ayunan ng Diyos ay nangangahulugang natamo mo ang katotohanan, at na isa kang taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang kakayahang hangarin ang katotohanan at kilalanin ang Diyos, kamtin ang mga pagbabago sa disposisyon, hindi na mapailalim sa pamiminsala ni Satanas, at ang kakayahang malayang sambahin ang Diyos ang tanging buhay na may halaga at kabuluhan, at ang buhay na ito ay kinalulugdan at pinagpapala ng Diyos. Ngayon, kumakalat ang mga epidemya, at madalas na nangyayari ang lahat ng uri ng sakuna. Ang mga walang pananampalataya ay namumuhay sa kalagayan ng takot at pagkabalisa, pakiramdam nila ay madilim ang hinaharap. Kapag nangyayari ang mga epidemya at kalamidad, nawawalan sila ng pag-asa at pakiramdam nila ay nakulong sila. Ang mga mananampalatayang tulad natin, gayumpaman, ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos araw-araw, at sa ilalim ng kaliwanagan at gabay ng mga salita ng Diyos, nauunawaan at nakikilatis natin ang mga paraan ng pagtitiwali ni Satanas sa tao at ang buktot na diwa nito, nagagawa nating itakwil si Satanas at sumunod sa Diyos, mayroon tayong tunay na kapayapaan at kagalakan sa ating mga puso, at aktibo nating ginagawa ang ating mga tungkulin at hinahangad ang katotohanan araw-araw, ipinapalaganap ang mga salita ng Diyos, nagpapatotoo sa Kanyang gawain, at namumuhay sa ilalim ng Kanyang pangangalaga at proteksyon. Ito ang nagpapala sa atin nang lubos, isang bagay na hindi natin maipagpapalit sa anumang materyal na bagay. Mas lalo kong naranasan na may dalawang landas lamang sa buhay: Ang isa ay ang pagsunod kay Satanas, paghahangad ng pera, katayuan, kasikatan, at pakinabang, at pagbibigay-kasiyahan sa laman, paglakad sa landas ng kapahamakan; ang isa ay ang pagsunod sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, paggawa nang maayos ng ating tungkulin, pagwawaksi sa ating mga tiwaling disposisyon, at paglalakad sa landas ng kaligtasan. Talagang walang landas sa pagitan. Maikli ang oras at paparating na sa atin ang malalaking kalamidad. Napakarami pa ring katotohanan na hindi ko nauunawaan. Ang pinakamahalagang bagay ngayon ay ang pahalagahan ang bawat araw, taimtim na hangarin ang katotohanan, gawin nang maayos ang aking tungkulin, at isabuhay ang tunay na wangis ng tao.

Ngayon, inilalaan ko ang lahat ng oras ko sa paggawa ng aking tungkulin sa iglesia, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos kasama ang mga kapatid, at ang puso ko ay puno ng katamisan at kagalakan. Minsan, nakakaranas ako ng ilang paghihirap kapag ginagawa ang aking tungkulin at nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, pero sa pamamagitan ng kaliwanagan at gabay ng mga salita ng Diyos at ng pakikipagbahaginan at tulong mula sa mga kapatid, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mga tiwaling disposisyon, at hinahangad kong baguhin ang mga ito. Sa tingin ko, ito ang pinakamakabuluhang bagay. Bagama’t isinuko ko ang aking karera, nakaunawa naman ako ng ilang katotohanan at namumuhay nang may kaunting wangis ng tao. Sobrang nagpapasalamat ako sa Diyos. Hindi ko kailanman pagsisisihan ang pagpiling ito!

Sinundan:  82. Tama bang Manampalataya sa Diyos Para Lang sa Biyaya at mga Pagpapala?

Sumunod:  84. Matapos Akong Tugisin ng Batas Dahil sa Pananampalataya sa Diyos

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger