84. Matapos Akong Tugisin ng Batas Dahil sa Pananampalataya sa Diyos

Ni Guang Chun, Tsina

Noong Hulyo 2023, sinimulan kong gawin ang mga tungkulin ng isang lider sa iglesia. Noong Agosto, nag-iskedyul akong makipagkita sa isang brother para sa isang pagtitipon, pero noong gabi bago ang pagtitipon, inaresto siya. Nang mabalitaan ko ito, medyo kinabahan ako, “Kung pumunta ang brother para sa pagtitipon at sinundan siya ng mga pulis, tiyak na pati ako ay naaresto na rin sana. Muntik na iyon!” Naisip ko: “Sa panahon gayon, baliw na baliw ang mga pulis sa pag-aresto sa mga nananampalataya sa Diyos. Kung patuloy akong makikipagkita sa mga tao para makipagbahaginan tungkol sa gawain, baka maaresto ako anumang oras. Mula ngayon, susubaybay na lang ako sa gawain ng iglesia sa pamamagitan ng mga sulat mula sa bahay ko. Sa ganitong paraan, hindi ako masyadong manganganib na maaresto.” Kaya, kinansela ko ang mga plano kong pakikipagkita sa mga kapatid. Kalaunan, ipinagkanulo ako ng isang Hudas, kaya nakuha ng mga pulis ang impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ko at nalaman nilang isa akong lider. Pagkatapos na pagkatapos niyon, nakatanggap ako ng sulat mula sa bahay na nagsasabing ilang pulis ang pumunta sa bahay namin para arestuhin ako, dala-dala ang litrato ko. Sinabi ng tatay ko na wala ako sa bahay, at sumagot ang mga pulis, “Sabihin mo sa anak mo na bumalik at sumuko sa istasyon ng pulis. Kung hindi siya babalik, maglalabas kami ng wanted notice para sa kanya!” Pagkatapos kong basahin ang sulat mula sa bahay, sobrang bigat ng puso ko, “Alam ng mga pulis na lider ako at pumunta na sila sa bahay namin para hanapin ako dala ang litrato ko. Maglalabas pa nga sila ng wanted notice para sa akin! Kung maaresto ako ng mga pulis, tiyak na pahihirapan nila ako para piliting umamin, at pipilitin akong ipagkanulo ang pondo ng iglesia at ang mga kapatid. Kung hindi ako magsasalita, kung hindi man ako bugbugin hanggang mamatay, bubugbugin naman ako hanggang sa mabaldado ako! Napakahina ng katawan ko. Paano ko makakayanan ang pagpapahirap ng CCP? Kung hindi ako makakapanindigan sa aking patotoo at magiging isang Hudas, hindi magiging maganda ang kalalabasan ko, at kahit nananampalataya ako sa Diyos, hindi ako maliligtas.” Pagkatapos, naisip ko ang larawan ng mga kapatid na pinahihirapan matapos maaresto at sobra akong natakot, “Napakadelikadong gawin ang tungkulin ng isang lider. Kung isa lang akong ordinaryong mananampalataya, hindi ako magiging pangunahing puntirya ng pag-aresto ng CCP, at hindi ko na kakailanganing harapin ang panganib ng kamatayan.” Noong panahong iyon, madalas akong puno ng pag-aalala at pagkabalisa tungkol sa bagay na ito. Sobrang takot ako na isang araw ay mapapasakamay ako ng mga pulis, at hindi ko mapakalma ang puso ko para magawa ang aking tungkulin.

Isang umaga noong Setyembre, nakatanggap ako ng sulat mula sa isang sister na nagpatuloy sa akin dati. Sabi niya, pagkatapos kong umalis sa bahay niya, isang gabi, pasado alas-onse, pinaligiran ng mahigit sampung pulis ang bahay niya. Hindi siya nangahas na buksan ang pinto, kaya gumamit ang mga pulis ng de-makinang hagdan para umakyat sa bintana ng ikalawang palapag at diretsong pumasok para halughugin ang bahay. Naghalughog sila nang ilang oras, pero umalis sila nang walang anumang nakikita. Nang makita ko ang mensaheng ito, natulala ako. Noong nakaraang buwan lang, doon pa ako nakatira. Kung hindi ako umalis, naaresto na sana ako. Sa sandaling maisip ko na dumarating ang isang pulutong ng mga pulis para arestuhin ako, natakot na ako, at pakiramdam ko, masyadong mapanganib maging isang lider. Hindi ko mapigilang magreklamo, “Mas mabuti sana kung hindi na lang ako lider. Hindi sana ako pinaghahanap ng mga pulis. Kung maaaresto ako, baka hindi na ako manatiling buhay. Napakabata ko pa, at hindi ko pa nakakamit ang katotohanan sa pananampalataya ko sa Diyos. Kung papatayin ako sa bugbog ng mga pulis, hindi ba’t mawawala na ang pagkakataon kong maligtas? Hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng ginugol ko sa mga taon ng pananampalataya ko sa Diyos?” Noong mga araw na iyon, namuhay ako sa pag-aalala at takot, at ginusto kong maghanap ng ibang taong gagawa ng tungkulin ko. Naisip ko na sa ganitong paraan, maiiwasan kong tugisin at arestuhin ng CCP. Gayumpaman, patuloy na may mga inaaresto sa iglesia. Maraming lider at manggagawa rin ang naaresto. Kung magbibitiw ako sa panahong ito, hindi lang maaapektuhan ang gawain ng iglesia, kundi mag-iiwan din ako ng isang pagsalangsang. Dahil sa konsensiya ko, hindi ako nagbitiw, pero wala akong mahugot na anumang lakas sa puso ko. Noong panahong iyon, kulang sa mga lider at manggagawa ang iglesia, at ilang kapatid ang namumuhay sa pagkanegatibo at kahinaan dahil natatakot silang maaresto. Halos natigil ang iba’t ibang aytem ng gawain. Kahit na nakita ko ang lahat ng problemang ito sa iglesia, wala akong ganang lutasin ang mga ito. Sa halip, namuhay ako sa pag-aalala buong araw, takot na isang araw ay mapasakamay ako ng mga pulis at magdusa ng walang katapusang pagpapahirap. Noong naduduwag ako at pakiramdam ko ay walang na akong magagawa, nagdasal ako sa Diyos, “Mahal na Diyos, nang ilagay ako ng mga pulis sa listahan ng mga pinaghahanap ng batas at sinubukang arestuhin, ayaw ko nang gawin ang tungkulin ng isang lider. Alam kong ang paggawa ng tungkulin ko sa ganitong paraan ay nagpapakita ng kawalan ng katapatan sa Iyo, pero takot din akong maaresto. Mahal na Diyos, nawa ay bigyan Mo ako ng kaliwanagan at akayin Mo ako para makapagpasakop ako.”

Pagkatapos, nagtapat ako sa isang sister tungkol sa kalagayan ko. Naghanap ang sister ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos para sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag ang mga tao ay hindi malinaw na nakikita, nauunawaan, natatanggap, o nakapagpapasakop sa mga kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at kapag ang mga tao ay nahaharap sa iba’t ibang paghihirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay, o kapag ang mga paghihirap na ito ay lampas na sa kayang tiisin ng pangkaraniwang tao, hindi nila namamalayan na nakadarama sila ng iba’t ibang uri ng pag-aalala at pagkabalisa, at maging ng pagkabagabag. Hindi nila alam kung ano ang mangyayari bukas, o sa susunod na araw, o kung ano ang mangyayari sa mga bagay-bagay sa mga susunod na ilang taon, o kung ano ang kanilang magiging hinaharap, kaya sila ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa kung anu-anong bagay. Ano ang konteksto kung saan ang mga tao ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa kung anu-anong bagay? Ito ay ang hindi nila paniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—ibig sabihin, hindi nila magawang maniwala at lubos na maunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kahit pa makita ito ng sarili nilang mga mata, hindi pa rin nila ito mauunawaan o paniniwalaan. Hindi sila naniniwala na hawak ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang kapalaran, hindi sila naniniwala na ang kanilang buhay ay nasa mga kamay ng Diyos, at kaya umuusbong sa kanilang puso ang kawalan ng tiwala sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at pagkatapos ay lumilitaw ang paninisi at hindi nila magawang makapagpasakop(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). “Kung hinahangad ng mga tao ang katotohanan, hindi sila maiipit sa mga paghihirap na ito at hindi sila malulubog sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Sa kabaligtaran, kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, nasa kanila pa rin ang mga paghihirap na ito, at ano ang kalalabasan? Iipitin ka ng mga ito upang hindi ka makawala, at kung hindi mo malutas ang mga ito, sa huli ay magiging mga sobrang komplikadong negatibong emosyon ang mga ito sa kaibuturan ng iyong puso; makakaapekto ang mga ito sa iyong normal na buhay at sa normal na pagganap sa iyong mga tungkulin, at dahil sa mga ito ay mararamdaman mo na naaapi ka at hindi makalaya—ito ang kalalabasan mo dahil sa mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na namumuhay ako sa pagkabalisa at pag-aalala dahil hindi ko nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi ako makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Nang malagay ako sa listahan ng mga pinaghahanap ng mga pulis, namuhay ako sa karuwagan at takot, takot na kung maaaresto ako ng mga pulis at mapapatay sa bugbog, mawawala sa akin ang pagkakataong maligtas. Para maprotektahan ang sarili ko, naisip kong magbitiw sa tungkulin ng isang lider. Ayaw kong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos, ni hindi ko pinagnilayan at kinilala ang sarili ko para matuto ng mga aral. Napagtanto ko na kung magpapatuloy ang kalagayan ko sa ganitong paraan, magiging napakadelikado nito para sa akin. Pagkatapos basahin ang dalawang siping ito ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang layunin ng Diyos. Kailangan kong hanapin ang katotohanan para malutas ang sarili kong kalagayan, at hindi puwedeng patuloy akong mamuhay sa mga negatibong emosyon; makakaapekto ito sa buhay pagpasok ko at sa aking tungkulin. Pagkatapos, dinala ko sa harapan ng Diyos ang kalagayan ko para magdasal, nagmamakaawa sa Diyos na akayin ako habang nararanasan ko ang kapaligirang ito.

Pagkatapos magdasal, pinakalma ko ang puso ko at pinagbulayan ang kalagayan ko sa panahong ito. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Bukod sa pagsasaalang-alang sa sarili nilang seguridad, ano pa ang iniisip ng ilang partikular na anticristo? Sinasabi nila, ‘Ngayon, hindi maganda ang kapaligiran natin, kaya, huwag na nating gaanong ipakita ang ating mukha at bawasan na rin ang pangangaral ng ebanghelyo. Sa ganitong paraan, mas maliit ang tsansa natin na mahuli, at hindi masisira ang gawain ng iglesia. Kung iiwasan natin na mahuli tayo, hindi tayo magiging Hudas, at magagawa nating manatili sa hinaharap, hindi ba?’ Hindi ba’t mayroong mga anticristo na gumagamit ng mga gayong dahilan para ilihis ang kanilang mga kapatid? Ang ilang anticristo ay takot na takot sa kamatayan at umiiral sa buhay nang walang dangal; gusto rin nila ang reputasyon at katayuan, at handa silang umako ng mga tungkulin ng pamumuno. Bagama’t alam nila na, ‘Hindi madaling pasanin ang gawain ng isang lider—kapag nalaman ng malaking pulang dragon na ginawa akong isang lider, magiging sikat ako, at baka mailagay ako sa listahan ng mga pinaghahanap, at kapag nahuli ako, manganganib ang buhay ko,’ alang-alang sa pagpapakasasa sa mga pakinabang ng katayuang ito, binabalewala nila ang mga panganib na ito. Kapag nagsisilbi sila bilang mga lider, nagpapakasasa lang sila sa kasiyahan ng kanilang laman, at hindi sila nakikibahagi sa aktuwal na gawain. Bukod sa kaunting pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang iglesia, wala na silang ginagawa pa. Nagtatago sila sa isang lugar at hindi nakikipagkita sa kahit sino, nananatili silang malayo, at hindi alam ng mga kapatid kung sino ang kanilang lider—ganoon katindi ang kanilang takot. Kaya, hindi ba’t tama na sabihing sila ay mga lider sa pangalan lamang? (Oo.) Hindi sila nakikibahagi sa anumang aktuwal na gawain bilang mga lider; inaalala lamang nila ang pagtatago ng kanilang sarili. Kapag tinatanong sila ng iba, ‘Kumusta ang pagiging lider?’ sinasabi nila, ‘Masyado akong abala, at alang-alang sa seguridad, kailangan kong magpalipat-lipat ng bahay. Masyadong nakakabagabag ang kapaligirang ito na hindi ako makatutok sa gawain ko.’ Palagi nilang nararamdaman na parang maraming mata ang nagmamasid sa kanila, at hindi nila alam kung saan ligtas na magtago. Bukod sa pagbabalatkayo, pagtatago sa iba’t ibang lugar, at hindi pananatili sa isang lokasyon, hindi rin sila gumagawa ng aktuwal na gawain araw-araw. Mayroon bang mga ganitong lider? (Oo.) Anong mga prinsipyo ang sinusunod nila? Sinasabi ng mga taong ito, ‘Ang isang tusong kuneho ay may tatlong lungga. Para mabantayan ang sarili mula sa atake ng maninila, kailangang maghanda ng kuneho ng tatlong lungga na mapagtataguan. Kung nahaharap sa panganib ang isang tao at kinakailangang tumakas, pero walang mapagtataguan, katanggap-tanggap ba iyon? Dapat tayong matuto mula sa mga kuneho! Ang mga nilikhang hayop ng diyos ay may ganitong kakayahan na manatiling buhay, at dapat matuto ang mga tao mula sa mga ito.’ Simula nang umako ng mga tungkulin ng pamumuno ang mga anticristo, napagtanto nila ang doktrinang ito, at naniwala pa nga sila na nauunawaan na nila ang katotohanan. Sa realidad, lubha silang natatakot. Sa sandaling mabalitaan nila ang tungkol sa isang lider na naiulat sa pulis dahil hindi ligtas ang lugar na tinitirhan ng mga ito, o ang tungkol sa isang lider na tinarget ng mga espiya ng malaking pulang dragon dahil masyado itong madalas lumabas para gawin ang tungkulin nito at nakipag-ugnayan ito sa napakaraming tao, at kung paano nauwi ang mga taong ito sa pagkakaaresto at pagkakasentensiya, sila ay agad na natatakot. Iniisip nila, ‘Hala! Ako na ba ang susunod na huhulihin? Dapat akong matuto mula rito. Hindi ako dapat masyadong aktibo. Kung maiiwasan ko ang ilang gawain ng iglesia, hindi ko ito gagawin. Kung maiiwasan kong ipakita ang aking mukha, hindi ko ito ipapakita. Babawasan ko ang gawain ko hangga’t maaari, iiwasang lumabas, iiwasang makipag-ugnayan sa kahit sino, at tiyakin na walang nakakaalam na ako ay isang lider. Sa panahon ngayon, sino ang kayang mag-alala para sa iba? Ang pananatiling buhay pa lang ay malaking hamon na!’ Simula nang tanggapin ang tungkulin ng pagiging lider, bukod sa pagdadala ng isang bag at pagtatago, wala silang ginagawang anumang gawain. Sila ay nababalisa, palaging natatakot na mahuli at masentensiyahan. Ipagpalagay na may narinig silang nagsabi ng, ‘Kung mahuhuli ka nila, papatayin ka! Kung hindi ka naging lider, kung isa ka lang ordinaryong mananampalataya, maaaring palalayain ka nila pagkatapos lang magbayad ng kaunting multa, pero dahil lider ka, hindi natin ito masasabi. Masyado itong mapanganib! Ang ilang lider o manggagawa na nahuli ay tumangging magbigay ng anumang impormasyon at binugbog sila ng mga pulis hanggang mamatay.’ Kapag nababalitaan nila na may isang taong binugbog hanggang mamatay, lalong tumitindi ang kanilang pangamba, at mas lalo silang natatakot na gumawa. Araw-araw, ang iniisip lang nila ay ang kung paano maiiwasang mahuli, paano maiiwasang magpakita ng kanilang mukha, paano maiiwasang masubaybayan, at paano maiiwasang makipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid. Pinipiga nila ang kanilang utak sa kakaisip tungkol sa mga bagay na ito at tuluyan nang nakakalimutan ang kanilang mga tungkulin. Mga tapat na tao ba ang mga ito? Kaya bang pangasiwaan ng mga ganitong tao ang anumang gawain? (Hindi, hindi nila kaya.) Ang mga ganitong tao ay sadyang mahina ang loob, at talagang hindi natin sila maaaring ilarawan bilang mga anticristo batay lang sa pagpapamalas na ito, pero ano ang kalikasan ng pagpapamalas na ito? Ang diwa ng pagpapamalas na ito ay yaong sa isang hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala na kayang protektahan ng Diyos ang seguridad ng mga tao, at lalong hindi sila naniniwala na ang pag-aalay ng sarili sa paggugol para sa Diyos ay isang paglalaan ng sarili sa katotohanan, at na isa itong bagay na sinasang-ayunan ng Diyos. Wala silang takot sa Diyos sa kanilang puso; kay Satanas lang sila natatakot at sa mga buktot na partidong pampulitika. Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, hindi sila naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at lalong hindi sila naniniwala na sasang-ayunan ng Diyos ang isang taong gumugugol ng lahat para sa Kanya, at alang-alang sa pagsunod sa Kanyang daan, at pagkumpleto sa Kanyang atas. Hindi nila nakikita ang alinman dito. Ano ang pinaniniwalaan nila? Naniniwala sila na kung mahuhulog sila sa mga kamay ng malaking pulang dragon, mapapahamak ang sarili nila, maaaring masentensiyahan sila o manganib na mawalan ng buhay. Sa puso nila, isinasaalang-alang lang nila ang kanilang sariling seguridad at hindi ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t mga hindi mananampalataya ang mga ito? (Oo, ganoon sila.) Ano ang sinasabi ng Bibliya? ‘Ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon’ (Mateo 10:39). Naniniwala ba sila sa mga salitang ito? (Hindi, hindi sila naniniwala.) Kung hihilingin sa kanila na sumuong sila sa panganib habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, gugustuhin nilang magtago at hindi magpakita kahit kanino—gugustuhin nilang maging hindi-nakikita. Ganito kalaki ang kanilang takot. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang sandigan ng tao, na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, na kung talagang may mangyayaring hindi maganda o mahuhuli sila, ito ay pinahihintulutan ng Diyos, at na dapat magkaroon ng pusong nagpapasakop ang mga tao. Ang mga taong ito ay hindi nagtataglay ng ganitong puso, ganitong pang-unawa, o kahandaan. Tunay ba silang nananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Hindi ba’t ang diwa ng pagpapamalas na ito ay yaong sa isang hindi mananampalataya? (Oo.) Ganoon iyon. Ang mga ganitong tao ay sobrang mahina ang loob, labis na natatakot, at takot sa pisikal na paghihirap at takot na may masamang mangyari sa kanila. Natatakot sila na parang mga matatakuting ibon at hindi na nila magampanan ang kanilang gawain(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na isinasaalang-alang lamang ng mga anticristo ang sarili nilang kaligtasan sa sandaling maharap sila sa isang mapanganib na kapaligiran sa kanilang mga tungkulin. Hindi sila tapat sa kanilang tungkulin at hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang ganitong uri ng tao ay walang lugar para sa Diyos sa kanilang puso, at hindi nananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sila ay mga hindi mananampalataya. Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napahiya ako at nalungkot. Hindi ko namalayan na kasingmakasarili at kasingkasuklam-suklam pala ako ng isang anticristo. Isinaayos ko na makipagkita sa isang brother para sa isang pagtitipon, at inaresto siya isang araw bago ang pagtitipon. Nagawa kong makatakas sa pag-aresto dahil sa proteksyon ng Diyos. Gayumpaman, hindi ako nagpasalamat sa Diyos at hindi ko ginawa nang maayos ang tungkulin ko, kundi inisip ko lang kung paano pananatilihing ligtas ang sarili ko habang isinasantabi ko ang gawain ng iglesia. Higit pa rito, nang malaman kong pumunta ang mga pulis sa bahay ko para arestuhin ako at malapit na akong ilagay sa listahan ng mga pinaghahanap ng batas, at na hinalughog ang bahay ng pamilyang nagpatuloy sa akin dati, at nakita kong may matinding pagsusumikap ang pagkilos ng CCP para arestuhin ako, natakot ako. Para maprotektahan ang sarili ko, ni hindi na ako naglakas-loob na gawin ang tungkulin ng isang lider. Dahil sa pag-uusig at mga pag-aresto ng CCP sa iglesia, bilang isang lider, dapat pinrotektahan ko ang mga interes ng iglesia at agad na inasikaso nang maayos ang mga susunod na hakbang. Bukod pa rito, bumababa ang mga resulta ng iba’t ibang aytem ng gawain sa iglesia, at ang mga kapatid ko ay namumuhay sa pagkanegatibo at karuwagan, nangangailangan ng pagbabahaginan ng katotohanan para matulungan at masuportahan sila. Lahat ng gawaing ito ay kailangang gawin, pero para maiwasan ang pag-aresto, sa bawat pagkakataon, nagplano ako para sa sarili kong kaligtasan at daan para makatakas; wala akong pusong gawin ang tungkulin ko, at hindi agad nalutas ang mga problema sa iglesia. Gaya ng kasabihan, “Sa paghihirap nabubunyag ang tunay na mga damdamin.” Nagagawa kong manatili sa aking tungkulin sa mga normal na panahon kapag hindi apektado ang mga personal kong interes, pero ngayong dumating na sa akin ang isang mapanganib na kapaligiran, para akong naging isang duwag na pagong na nagtatago sa loob ng kanyang bahay para protektahan ang sarili ko. Ito ay tunay na tayog. Nananampalataya ako sa Diyos at napakarami ko nang nabasang salita ng Diyos, pero sa kritikal na sandali, wala akong anumang patotoo ng pagsasagawa ng katotohanan, at wala akong anumang pagnanais na protektahan ang mga interes ng iglesia. Kasingmakasarili at kasingkasuklam-suklam ako ng isang anticristo. Nalungkot ako at sinisi ko ang sarili ko, at kinamuhian ko ang sarili ko sa pagiging napakamakasarili. Talagang hindi ako karapat-dapat sa ganito kahalagang tungkulin! Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Mahal na Diyos, napakamakasarili ko! Sa kritikal na sandali, wala akong ipinakitang anumang katapatan. Mahal na Diyos, nawa ay bigyang-liwanag Mo ako at akayin para makilala ko ang sarili ko para mapanatili ko ang tungkulin ko sa ganitong kapaligiran.”

Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos para sa kanilang sariling kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag tapat sila sa Kanya, ito ay para pa rin magantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatitiis sila ng matinding pagdurusa. Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao. Ang mga taong nagbago ang mga disposisyon ay naiiba, nararamdam nila na ang kahulugan ay nagmumula sa pamumuhay sa katotohanan, na ang batayan ng pagiging tao ay ang pagpapasakop sa Diyos, pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, na ang pagtanggap sa ibinigay na gawain ng Diyos ay isang responsabilidad na ganap na likas at may katwiran, na tanging ang mga taong tumutupad sa mga tungkulin ng isang nilikha ang naaangkop na tawaging tao—at kung hindi nila magagawang mahalin ang Diyos at suklian ang Kanyang pagmamahal, hindi sila angkop na tawaging tao. Nararamdaman nilang ang pamumuhay para sa sarili ay hungkag at walang kabuluhan, na dapat mabuhay ang mga tao upang palugurin ang Diyos, gampanan ang kanilang tungkulin nang maayos, at mamuhay nang makabuluhan, upang kapag oras na para mamatay sila, makukuntento sila at hindi magkakaroon ng kahit katiting na panghihinayang, at na hindi sila nabuhay nang walang saysay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Nananampalataya ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t umiiral ito sa puso ng lahat? Isang katunayan na umiiral nga ito. Bagama’t hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at ninanais na magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay kailanman ay hindi matinag-tinag. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang kaalaman na batay sa karanasan ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang halagang binabayaran nila, hinding-hindi nila binibitawan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagpapakapagod para dito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung mawawala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na kapag gumagawa lang ang mga tao ng mga bagay para sa sarili nilang mga interes, namumuhay sila ayon sa mga satanikong lason, at itinuturing ang “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” bilang isang tuntunin para manatiling buhay, ginagawa lang ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa kanila. Ako ay ganito mismong uri ng tao. Noong nagsimula akong gawin ang tungkulin ng isang lider, walang mapanganib na kapaligiran ang dumating sa akin. Alam ko na sa paggawa ng tungkuling ito, mauunawaan ko ang mas maraming katotohanan at makaiipon ako ng maraming mabuting gawa, kaya tinanggap ko ito nang walang pag-aalinlangan. Gayumpaman, nang makita kong inaaresto ang mga kapatid ko at tinutugis ako ng mga pulis at inilalagay sa listahan ng mga pinaghahanap ng batas, natakot ako na kung maaresto ako ng mga pulis at bugbugin hanggang mamatay, mawawala sa akin ang pagkakataong maligtas. Kaya nagsimula akong magsaalang-alang at magpakana para sa sarili ko, at nagsimulang maramdaman na napakalaki ng panganib na dala ng paggawa ng tungkulin ng isang lider. Nagreklamo pa nga ako na isinaayos ng iglesia na gawin ko ang ganito kahalagang tungkulin, at gusto ko itong iwanan. Sa lahat ng pagkakataon, ang sarili kong hantungan ang isinasaalang-alang ko, at talagang wala akong ipinakitang anumang katapatan o pagpapasakop sa Diyos. Napakamakasarili ko! Kung hindi ako nailantad, magpapatuloy sana akong maniwala na ang kakayahang tumalikod at gumugol sa paggawa ng tungkulin ko ay pagpapakita ng katapatan sa Diyos. Ngayon ko lang napagtanto na ang mga ginugol ko noon ay pawang may halong mga layunin at karumihan: Ang mga ito ay upang magkamit ng mga pagpapala; ang mga ito ay pagtatangka na makipagtawaran sa Diyos. Inani nito ang pagkasuklam at pagkamuhi ng Diyos. Sa oras na ito, naunawaan ko na ang layunin ng Diyos. Ang maranasan ang kapaligirang ito na sinusubukang arestuhin kami ng mga pulis ay hindi lang nakatulong sa akin na makita nang malinaw ang kabuktutan ng malaking pulang dragon, kundi nakatulong din ito sa akin na makilala ang intensyong magkamit ng mga pagpapala na matagal nang nakatago sa aking pananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso para sa pagsasaayos ng kapaligirang ito, at naranasan ko na ito ang pagliligtas sa akin ng Diyos.

Isang gabi, napag-usapan namin ng isang sister ang kalagayan ko sa panahong ito. Nang banggitin ko ang takot na maaresto at mamatay, nakipagbahaginan sa akin ang sister ko tungkol sa kahulugan ng kamatayan. Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Ipinapalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at pinagalitan sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. … Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinakakarapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Habang pinagbubulay-bulayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung isusuko ng isang tao ang kanyang buhay para manindigan sa kanyang patotoo sa Diyos, kahit na mamatay ang kanyang katawan, patuloy na nabubuhay ang kanyang kaluluwa. Kung ang isang tao ay inusig hanggang mamatay dahil sa pagpapatotoo sa Diyos, ito ay mahalaga at makabuluhan, at sinasang-ayunan ng Diyos. Gayumpaman, naniwala ako na kung uusigin ako ng CCP hanggang mamatay, hindi ako magkakamit ng kaligtasan, kaya namuhay ako sa karuwagan at takot, hindi naglakas-loob na ibigay ang aking buhay para gawin nang maayos ang aking tungkulin. Sa totoo lang, wala akong tunay na pagpapasakop sa Diyos, walang pagpapatotoo ng pagsasagawa ng katotohanan, at hindi natamo ng Diyos ang tunay kong puso. Kahit na patuloy na mabuhay ang aking katawan, hinding-hindi ko makukuha ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, patay na ako, at sa huli, ang aking espiritu, kaluluwa, at katawan ay pawang malilipol. Bukod pa rito, natakot ako na kung mamamatay ako, hindi ako maliligtas ng Diyos: Ito ay dahil hindi ko naunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Naisip ko ang mga disipulo na sumunod sa Panginoong Jesus at inusig ng mga satanikong rehimen nang ipangaral nila ang ebanghelyo. Ang ilan ay pinagpira-piraso ng limang kabayo, ang ilan ay binato hanggang mamatay, at sa huli, si Pedro ay ipinako nang pabaligtad para sa Diyos. Nagbayad sila gamit ang kanilang buhay para matunog na magpatotoo para sa Diyos. Bagama’t sa panlabas ay namatay ang kanilang mga katawan, bumalik ang kanilang mga kaluluwa sa Diyos, at nakuha nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Ito ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang bagay sa lahat. Matapos makilatis ang kahulugan ng kamatayan, mas lumaya ang pakiramdam ng puso ko. Ang buhay ko ay bigay ng Diyos, at kailangan kong manatili sa aking tungkulin. Hindi na ako puwedeng patuloy na mamuhay sa ganito kamakasariling paraan.

Isang araw sa aking debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Si Satanas ay hindi kailanman nangahas na lumampas sa awtoridad ng Diyos, at higit pa rito, ay laging maingat na nakinig at sumunod sa mga atas at partikular na kautusan ng Diyos, hindi kailanman nangangahas na labagin ang mga ito, at siyempre, hindi nangangahas na malayang baguhin ang anuman sa mga atas ng Diyos. Gayon ang mga hangganan na naitalaga na ng Diyos kay Satanas, at kaya hindi kailanman nangahas si Satanas na lumampas sa mga hangganang ito. Hindi ba ito ang kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos? Hindi ba ito patotoo sa awtoridad ng Diyos? May mas malinaw na pagkaunawa si Satanas kaysa sa sangkatauhan kung paano kumilos tungo sa Diyos, at kung paano tingnan ang Diyos, at kaya, sa espirituwal na mundo, napakalinaw na nakikita ni Satanas ang katayuan at awtoridad ng Diyos, at may malalim na pagpapahalaga sa kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos at sa mga prinsipyo sa likod ng pag-uunat ng Kanyang awtoridad. Hindi nito pinangangahasan, ni minsan, na hindi pansinin ang mga ito, ni hindi ito nangangahas na labagin ang mga ito sa anumang paraan, o gawin ang anumang bagay na lumalampas sa awtoridad ng Diyos, at hindi ito nangangahas na hamunin ang poot ng Diyos sa anumang paraan. Bagama’t masama at mapagmataas ang kalikasan nito, hindi kailanman nangahas si Satanas na lumampas sa mga hangganan at limitasyon na itinalaga para dito ng Diyos. Sa milyun-milyong taon, ito ay mahigpit na sumunod sa mga hangganang ito, sumunod sa bawat kautusan at atas na ibinigay rito ng Diyos, at hindi kailanman nangahas na lampasan ang limitasyon. Bagama’t mapaminsala ito, di-hamak na mas matalino si Satanas kaysa sa tiwaling sangkatauhan; alam nito ang pagkakakilanlan ng Lumikha, at alam nito ang sarili nitong hangganan. Mula sa mga ‘mapagpasakop’ na kilos ni Satanas, makikita na ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay mga kautusan ng kalangitan na hindi maaaring salangsangin ni Satanas, at dahil mismo sa pagiging natatangi at awtoridad ng Diyos kaya ang lahat ng bagay ay nagbabago at dumadami sa isang maayos na paraan, kaya nabubuhay ang sangkatauhan at dumarami alinsunod sa landas na itinatag ng Diyos, at walang tao o bagay ang may kakayahang guluhin ang panuntunang ito, at walang tao o bagay ang may kakayahang baguhin ang batas na ito—dahil ang lahat ng iyon ay galing sa mga kamay ng Lumikha, at mula sa inorden at awtoridad ng Lumikha(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Habang pinagbubulay-bulayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na gaano man kabuktot si Satanas, palagi itong nasa mga kamay ng Diyos. Kung walang pahintulot o utos ng Diyos, hindi ito nangangahas na gawin ang anumang gusto nito. Halimbawa, patuloy na inaaresto at inuusig ng CCP ang mga nananampalataya sa Diyos at tinatangkang lipulin ang mga iglesia ng Diyos, pero sa totoo lang, nasa kontrol din ng Diyos ang CCP. Gaano man kalaki ang mga ambisyon at pagnanais nito, o gaano man katalino ang mga paraan nito sa pamiminsala sa mga tao, walang anumang magagawa sa atin ang CCP kung walang pahintulot ng Diyos. Naisip ko kung paanong sa panahong ito nagpasya ang CCP na arestuhin ako, pero sa bawat pagkakataon, muntik-muntikan lang nila akong mahuli. Salamat sa kamangha-manghang mga pagsasaayos ng Diyos, paulit-ulit akong nakatakas sa pang-aaresto. Ngayon, nagagawa ko ang aking tungkulin nang ligtas dahil sa awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, gaano man sikapin ng CCP na arestuhin ako, hinding-hindi nila ako mapapasakamay. Itinakda ng Diyos na hindi ako maaresto, at kailangan ako para sa gawain ng iglesia, kaya kailangan kong ilaan ang puso ko sa aking tungkulin. Sa pagkakamit sa mga pagkaunawang ito, nabawasan nang malaki ang aking mga pag-aalala at pagkabalisa. Handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at umasa sa Diyos para gawin nang maayos ang gawain ng iglesia. Gumawa ako ng bagong plano para sa kasalukuyan kong gawain. Naisip ko kung gaano karaming lider at manggagawa ang naaresto na ngayon, at maraming bagay na dapat ayusin pagkatapos ng mga pag-aaresto. Maraming kapatid ang namumuhay sa pagkanegatibo at kahinaan, at hindi nila alam kung paano maranasan ang kapaligirang ito: Kailangan nila ng mga lider at manggagawa para makipagbahaginan at sumuporta sa kanila. Kailangan kong tuparin ang aking mga responsabilidad. Pagkatapos, inilaan ko ang puso ko sa aking tungkulin. Nakipagtulungan ako sa aking mga kapatid, at pagkatapos ng ilang panahon ng pagsisikap, naghalal ang iglesia ng ilang lider at manggagawa at maipagpapatuloy ang pagpapatupad ng iba’t ibang aytem ng gawain. Medyo bumuti rin ang kalagayan ng mga kapatid ko, at unti-unting nagsimulang umusad ang gawain ng iglesia.

Matapos maranasan ang pagbubunyag ng kapaligirang ito, nakita ko na mali ang pananaw ko sa pananampalataya sa Diyos: Ito ay para magkamit ng mga pagpapala, pagtatangka itong makipagtawaran sa Diyos, at tinatahak ko ang maling landas. Kasabay nito, malinaw ko ring nakita ang buktot na kalikasan ng malaking pulang dragon, at kinamuhian ko ang malaking pulang dragon mula sa kaibuturan ng aking puso. Bukod pa rito, nakita kong wala akong tunay na pananalig sa Diyos: Nang dumating sa akin ang banta ng pagkaaresto, natakot ako. Masyadong maliit ang tayog ko. Mula ngayon, handa akong umasa sa Diyos para gawin nang maayos ang aking tungkulin. Hindi ko sana makakamit ang mga pakinabang na ito sa isang komportableng kapaligiran. Naranasan ko na ang pagsasaayos ng Diyos ng kapaligirang ito para sa akin ay ang Kanyang totoong pagliligtas sa akin, at nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!

Sinundan:  83. Ang Tungkulin Ko, O ang Karera Ko?

Sumunod:  85. Mga Pagninilay ng Isang Mabuting Asawa at Mapagmahal na Ina

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger