85. Mga Pagninilay ng Isang Mabuting Asawa at Mapagmahal na Ina

Ni Zhaoyang, Tsina

Noong ako’y nasa mga unang taon ng aking pagiging tin-edyer, gustung-gusto kong manood ng mga drama sa TV na hango sa mga nobelang isinulat ni Chiung Yao, kung saan ang mga bidang babae ay marangal at mabait, at gaano man kasakit o kahirap ang buhay, nananatili sila sa tabi ng kanilang mga asawa at pamilya, at nagtatrabaho sila nang walang pagod at walang reklamo para paglingkuran sila. Minamahal sila at hinahangaan ng mga manonood, at nag-iwan sila ng malalim na impresyon sa akin. Bukod pa rito, ang paghubog at edukasyong natanggap ko mula sa aking pamilya ay unti-unting nagparamdam sa akin na dapat ilaan ng isang babae ang kanyang buhay para sa kanyang asawa at mga anak at alagaan nang mabuti ang buong pamilya, at ito ang ibig sabihin ng pagiging isang mabuting babae. Pagkatapos kong ikasal, araw-araw, bukod sa pagpasok sa trabaho, palagi akong abala sa pagluluto ng lahat ng pagkain, at paglalaba at paglilinis para sa aking pamilya, at masusi kong inaasikaso ang pang-araw-araw na pangangailangan ng aking asawa at mga anak. Araw-araw, taun-taon, gaano man kahirap o kanakakapagod, hindi ako kailanman nagreklamo. Talagang nasisiyahan sa akin ang biyenan kong babae at ang asawa ko, at pinupuri ako ng mga kamag-anak at kapitbahay bilang isang marangal at mabuting asawa. Bagama’t nakatanggap ako ng papuri mula sa aking pamilya at mga komendasyon mula sa mga tao sa paligid ko, hindi ako gaanong masaya sa loob ko. Sa halip, madalas akong nakakaramdam ng pagod at kahungkagan dahil sa mga pasanin ng aking pamilya, at minsan tinatanong ko ang sarili ko, “Ganito ba talaga dapat ang mamuhay?”

Noong 2008, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at hindi nagtagal, nagsimula akong gumawa ng aking mga tungkulin sa iglesia. Makalipas ang tatlong taon, nahalal ako bilang lider ng iglesia, at araw-araw ay kailangan kong umalis nang maaga at umuwi nang gabi, dahil abala ako sa gawain ng iglesia. Minsan kapag gabi na ako nakakauwi, hindi nasisiyahan sa akin ang asawa ko, at ang biyenan ko naman ay hindi ako pinapansin. Para mapanatili ang imahe ng isang mabuting asawa at manugang na mayroon sila sa akin, pagkatapos kong tapusin ang gawain ko sa iglesia, umuuwi ako at nagmamadaling maglinis ng bahay at tumulong sa biyenan ko sa mga gawaing-bahay. Araw-araw akong abala, wala akong oras para magbasa ng mga salita ng Diyos, at minsan pa nga ay nakakatulog ako sa mga pagtitipon. Sa puso ko, alam kong bilang isang nilikha, dapat kong tuparin ang aking mga tungkulin, pero pakiramdam ko rin na ang isang babae ay dapat maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at alagaan nang mabuti ang pamilya, at na kung hindi ko maaalagaan ang aking pamilya, hindi ako magiging isang mabuting babae, kukutyain ako ng iba, at hindi ako patatahimikin ng aking konsensiya. Dahil dito, ang puso ko ay palaging nalilimitahan at okupado ng mga usapin sa pamilya, at hindi ko mailaan ang sarili ko sa aking mga tungkulin. Noong panahon ng pista opisyal na National Day ng 2012, pitong araw na walang pasok ang anak ko, ngunit sa mismong oras na iyon, inanyayahan kami ng mga nakatataas na lider para sa isang pagtitipon, at may gawain sa iglesia na kailangang ipatupad, kaya hindi ako umuwi sa loob ng apat na araw. Bagama’t nasa iglesia ako, ang isipan ko ay nasa pamilya ko. Nag-alala ako, “Maaalagaan kaya ng biyenan ko nang mabuti ang anak ko habang wala ako? Magagalit kaya ang asawa ko?” Palaging hindi mapanatag ang puso ko, at naapektuhan nito ang pagganap ko sa aking mga tungkulin. Pauwi sa bahay, kabadung-kabado ako, at natatakot akong magagalit sa akin ang asawa ko. Pagdating ko sa bahay, gaano man ako pagalitan ng aking biyenan at asawa, nanatili akong tahimik at tahimik lang na gumawa, dahil nakonsensiya ako dahil hindi ko natupad ang aking mga responsabilidad. Kalaunan, napanood ng asawa at biyenan ko sa telebisyon ang walang batayang mga tsismis na ikinalat ng CCP para siraan Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at lalo silang kumontral sa pananampalataya ko.

Isang gabi, noong kararating ko lang sa bahay, biglang nagalit sa akin ang asawa ko, nagbantang itatapon ang scooter ko sa ilog, at gusto pa nga niyang itapon ang aking mga aklat ng mga salita ng Diyos. Desperado kong sinubukang agawin mula sa kanya ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, at habang nag-aagawan kami, ilang beses niya akong sinampal, at pinalo ang mga binti ko gamit ang hawakan ng mop. Nagkunwaring hindi nakita ng biyenan ko at bumalik na lang siya sa kanyang silid. Nakaramdam ako ng sobrang sakit ng kalooban. Tinatrato nila ako ng ganito dahil lang sa pananalig ko. Kalaunan, umiyak ang asawa ko at humingi ng tawad sa akin, kaya pinatawad ko siya. Inakala kong ganito lang niya ako tinrato dahil hindi ko naaalagaan nang mabuti ang pamilya. Pagkatapos niyon, maingat kong ginawa ang aking tungkulin habang sinusubukang panatilihin ang pamilya. Dahil hindi ko magawang ilagay ang puso ko sa tungkulin ko, hindi naging maganda ang bunga ng aking tungkulin, at naiwan akong sobrang pagod. Nakikita ko ang mga kapatid na, nang walang mga pasanin sa pamilya, ay nagagawang ilaan ang kanilang sarili sa gawain ng iglesia nang buong puso, at labis akong nainggit, totoong umaasa na isang araw ay magagawa ko rin ang aking tungkulin nang malaya tulad nila. Kay sarap naman noon! Noong panahong iyon, madalas akong nakikinig sa himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang, “Handa Ka bang Ibigay sa Diyos ang Pagmamahal na Nasa Puso Mo?” Sa tuwing naririnig ko ang himnong ito, naaantig ako hanggang sa punto ng pagluha. Bagama’t nananampalataya ako sa Diyos at ginagawa ang aking tungkulin, ang katapatan ko ay nasa aking pamilya, asawa, at anak. Hindi ko ibinigay ang puso ko sa Diyos, at hindi ko nagagampanan ang mga tungkulin ko. Kapag naiisip ko ang mga bagay na ito, hindi ako mapalagay at nakokonsensiya ako. Pakiramdam ko ay para akong iginapos ng isang hindi nakikitang lubid, nahahati sa pagitan ng tungkulin ko at ng pamilya ko, at labis na nasasaktan ang puso ko. Kaya madalas akong nananalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na magbukas ng isang daan para sa akin.

Kalaunan, pumunta ako sa ibang lugar para gawin ang aking tungkulin. Noong panahong iyon, determinado akong gawin nang maayos ang aking tungkulin, pero hindi nagtagal, natuklasan kong hindi ko kayang isantabi ang asawa at mga anak ko, at bumalik ako sa bahay. Wala sa aking tungkulin ang puso ko, at hindi nagbubunga ang aking tungkulin, kaya tinanggal ako. Pagkatapos akong matanggal, labis akong naging negatibo. Pakiramdam ko ay hindi ako isang taong naghahangad sa katotohanan, at nawalan ako ng determinasyong magsumikap na umangat. Makalipas ang ilang buwan, nakipagbahaginan sa akin ang lider at isinaayos na gumawa ako ng mga tungkuling nakabatay sa teksto. Nakaramdam ako ng kaba at saya, iniisip na, “Ang tungkuling ito ay isang pagtataas mula sa Diyos. Ngunit kung magiging mas abala ang tungkuling ito, hindi ako makakauwi nang madalas. Paano na ang aking asawa at mga anak kung gayon? Masakit din ang binti ng biyenan ko ngayon, at kung hindi ako madalas nasa bahay, sino ang mag-aalaga sa kanila?” Nang maisip ko ang mga bagay na ito, nawalan ako ng lakas ng loob na tanggapin ang tungkuling ito. Alam kong hindi madaling dumating ang tungkuling ito, at na kung mawawala ito sa akin, maaaring hindi na ako magkaroon ng pagkakataong gawin itong muli. Kaya nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, dati, paulit-ulit kong inaantala ang aking tungkulin para alagaan ang aking pamilya, at ito’y nagdulot sa Iyo ng kalungkutan at pagkadismaya. Sa pagkakataong ito na gawin ang tungkulin ko, gusto kong magsumikap na matugunan ang Iyong mga hinihingi, pero napakaliit ng tayog ko, at natatakot akong hindi ko malalampasan ang karanasang ito. Diyos ko, pakiusap, akayin Mo ako at bigyan ng pananalig at lakas.” Pagkatapos niyon, napakinggan ko ang himno ng mga salita ng Diyos na “Gusto ng Diyos Yaong May Pagpapasiya”: “Upang sumunod sa praktikal na Diyos, kailangan nating taglayin ang determinasyong ito: Gaano man katindi ang mga kapaligirang hinaharap natin, o anumang uri ng mga paghihirap ang hinaharap natin, at gaano man tayo kahina o kanegatibo, hindi tayo maaaring mawalan ng pananalig sa ating pagbabago sa disposisyon o sa mga salitang binigkas ng Diyos. Nangako ang Diyos sa sangkatauhan, at hinihingi nito sa mga tao na magkaroon ng determinasyon, pananalig, at pagtitiyaga upang makayanan ito. Ayaw ng Diyos sa mga duwag; gusto Niya ang mga taong may determinasyon. Kahit pa nakapagbunyag ka ng maraming katiwalian, kahit pa maraming beses ka nang nakatahak sa maling landas, o nakagawa ng maraming pagsalangsang, nagreklamo tungkol sa Diyos, o mula sa loob ng relihiyon ay lumaban ka sa Diyos o nagkimkim ng kalapastanganan laban sa Kanya sa iyong puso, at iba pa—hindi tinitingnan ng Diyos ang lahat ng iyon. Tinitingnan lang ng Diyos kung hinahangad ba ng isang tao ang katotohanan at kung makapagbabago siya balang araw(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig, at labis akong naantig. Hindi tiningnan ng Diyos ang aking mga nakaraang kabiguan, kundi kung mapapahalagahan ko ba ang pagkakataong gawin ang aking tungkulin at tunay na magsisi ngayon. Gusto ng Diyos ang mga taong may determinasyon. Hindi ako puwedeng maging duwag sa pagkakataong ito, at hindi ko na puwedeng biguin muli ang Diyos. Handa akong pahalagahan ang pagkakataong ito na gawin ang aking tungkulin.

Pagkatapos kong akuin ang mga tungkuling nakabatay sa teksto, naghanap ako ng mga kaugnay na salita ng Diyos batay sa aking kalagayan. Nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga taong nabubuhay sa tunay na lipunang ito ay ginawa nang labis na tiwali ni Satanas. Sila man ay nakapag-aral o hindi, marami sa tradisyonal na kultura ang nakatanim na sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao. Sa partikular, kinakailangan ng mga babae na asikasuhin ang kanilang mga asawa at palakihin ang kanilang mga anak, na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, inilalaan ang buong buhay nila sa kanilang mga asawa at anak at nabubuhay para sa kanila, tinitiyak na ang pamilya ay may kakainin tatlong beses sa isang araw, at ginagawa ang paglalaba, paglilinis, at lahat ng gawaing-bahay nang maayos. Ito ang tinatanggap na pamantayan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Iniisip din ng bawat babae na ganito dapat gawin ang mga bagay-bagay, at na kung hindi niya ito gagawin ay hindi siya isang mabuting babae, at nilabag niya ang konsensiya at ang mga pamantayan ng moralidad. Magiging mabigat sa konsensiya ng ilang tao ang paglabag sa mga pamantayan ng moralidad na ito; mararamdaman nilang binigo nila ang kanilang mga asawa at anak, at na hindi sila mabubuting babae. Ngunit pagkatapos mong manalig sa Diyos, makapagbasa ng maraming salita Niya, maintindihan ang ilang katotohanan, at maunawaan ang ilang bagay, ay iisipin mo, ‘Ako ay isang nilikha at dapat kong gampanan ang aking tungkulin nang ganito, at gugulin ang sarili ko para sa Diyos.’ Sa oras na ito, mayroon bang hindi pagkakatugma sa pagitan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at sa paggampan mo ng iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung nais mong maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi mo magagawa ang tungkulin mo nang buong oras, ngunit kung nais mong gawin ang tungkulin mo nang buong oras, hindi ka maaaring maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano ang gagawin mo ngayon? Kung pipiliin mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at maging responsable para sa gawain ng iglesia at maging tapat sa Diyos, dapat mong isuko ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano nang iisipin mo ngayon? Anong uri ng hindi pagkakatugma ang lilitaw sa isip mo? Mararamdaman mo bang tila binigo mo ang iyong mga anak, ang iyong asawa? Saan nanggagaling ang damdaming ito ng pagkakasala at pagkabalisa? Kapag hindi mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, nararamdaman mo bang tila binigo mo ang Diyos? Wala kang pagkaramdam ng pagkakasala o pananagutan dahil sa puso at isip mo ay wala ni katiting na bahid ng katotohanan. Kaya, anong naiintindihan mo? Ang tradisyonal na kultura at ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Kaya ang kuru-kuro na ‘Kung hindi ako isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi ako isang mabuti o disenteng babae’ ay lilitaw sa isip mo. Ikaw ay gagapusin at pipigilan ng kuru-kurong ito mula sa puntong iyon, at pananatilihin kang ganoon ng mga uring ito ng mga kuru-kuro kahit pagkatapos mong manalig sa Diyos at gawin ang tungkulin mo. Kapag mayroong hindi pagkakatugma sa pagitan ng paggawa mo sa tungkulin mo at ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, bagamat maaaring piliin mo nang may pag-aatubili na gampanan ang tungkulin mo, na magtaglay ka ng kaunting katapatan sa Diyos, magkakaroon pa rin ng pagkaramdam ng pagkabalisa at pananagutan sa puso mo. Kaya naman, kapag mayroon kang kaunting bakanteng oras habang ginagawa mo ang tungkulin mo, maghahanap ka ng mga pagkakataon upang alagaan ang iyong mga anak at asawa, sa higit pang pagnanais na bumawi sa kanila, at iisipin mo na ayos lang kahit na kailanganin mo pang lalong magdusa, basta’t mayroon kang kapayapaan ng isip. Hindi ba’t ito ay idinulot ng impluwensiya ng mga ideya at teorya ng tradisyonal na kultura tungkol sa pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). “Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang ‘Diyos ang pinagmulan ng buhay ng tao’? Ito ay para mapagtanto ng lahat na: Ang buhay natin at kaluluwa ay nagmula lahat sa Diyos at nilikha Niya—ang mga ito ay hindi mula sa mga magulang natin, at lalong hindi mula sa kalikasan, kundi ipinagkaloob sa atin ng Diyos; sadya lang na ang laman natin ang isinilang ng mga magulang natin, at ang mga anak natin ay isinilang natin, gayumpaman, ang mga kapalaran ng mga anak natin ay ganap na nasa kamay ng Diyos. Na tayo ay nakakapanalig sa Diyos ay isang oportunidad na ipinagkaloob Niya; ito ay itinakda Niya at biyaya Niya. Kaya, hindi mo na kailangang tuparin pa ang obligasyon o responsabilidad mo sa kahit kaninuman; dapat mo lang tuparin ang tungkulin sa Diyos na nararapat mong tuparin bilang isang nilikha. Ito ang dapat gawin ng mga tao higit sa ano pa man, ito ang pangunahing bagay at pangunahing usapin na pinakanararapat na tapusin ng mga tao sa buhay nila. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, hindi ka isang nilikhang pasok sa pamantayan. Sa mata ng ibang tao, maaaring isa kang mabuting asawa at mapagmahal na ina, isang napakahusay na maybahay, isang anak na may paggalang sa magulang, at isang kagalang-galang na miyembro ng lipunan, ngunit sa harap ng Diyos, ikaw ay isang naghihimagsik laban sa Kanya, isang hindi ginampanan ang mga obligasyon o tungkulin niya kahit kailan, isang tinanggap ngunit hindi kinumpleto ang atas ng Diyos, isang sumuko sa kalagitnaan. Maaari bang makamit ng isang gaya nito ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang halaga(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na palagi kong pinaniniwalaan na ang isang babae ay dapat mag-asikaso sa kanyang asawa, magpalaki ng mga anak, at maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ang mga ideya at pananaw na ito ay mula kay Satanas. Itinatanim ni Satanas sa mga tao ang pananaw na dapat gugulin ng isang babae ang kanyang buhay sa bahay, paglingkuran ang kanyang pamilya, at paikutin ang kanyang buhay sa kanyang asawa at mga anak, at kung hindi niya sila aalagaan nang mabuti, hindi siya isang mabuting babae. Namumuhay pala ako ayon sa ideya at pananaw na ito, at bagama’t alam na alam kong ang pananampalataya sa Diyos at paggawa ng tungkulin ay ganap na likas at may katwiran, at kung ano ang dapat gawin ng isang nilikha, habang ginagawa ang aking tungkulin, palagi ko pa ring iniisip ang lahat ng bagay sa bahay. Sa tuwing may kaunti akong libreng oras, nagiging abala ako sa mga usapin sa pamilya, at maging ang oras ko para sa mga debosyonal at sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay isinakripisyo ko rin. Wala akong pasanin para sa aking tungkulin, at naantala ko ang gawain ng iglesia. Bagama’t tila ginagawa ko ang aking tungkulin, sa puso ko, iniisip ko ang pang-araw-araw na pamumuhay ng aking asawa at anak, at kung may nagawa akong kahit kaunting mali, at nakita kong hindi masaya ang asawa ko, pakiramdam ko ay hindi ko natupad ang aking mga responsabilidad. Kahit sinaktan ako at pinagalitan ng asawa ko, at gustong itapon ang mga aklat ko ng mga salita ng Diyos, at kahit kinukutya ako at pinagagalitan ng biyenan ko, hindi ko sila kinamuhian. Sa halip, pakiramdam ko ay nabibigo akong tuparin ang aking mga responsabilidad at hindi ako isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Sa realidad, sa Kanyang mga salita, hindi kailanman hiniling ng Diyos sa mga babae na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ang hinihingi ng Diyos ay hangarin natin ang katotohanan, tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, at kumpletuhin ang ating mga responsabilidad at misyon. Hindi ko naunawaan ang katotohanan, at itinuring kong katotohanan ang mga kabulaanan ni Satanas, hanggang sa punto na itinuring kong isang wastong bagay ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at itinuring ko ang pagganap ng tungkulin ng isang nilikha bilang isang bagay na karagdagan lamang. Hindi ako nakaramdam ng anumang pagakakautang o pagkabalisa sa hindi ko paggawa ng tungkulin ko nang maayos, ngunit kapag hindi ko naaalagaan nang mabuti ang aking pamilya, pakiramdam ko ay pinababayaan ko sila. Lumalabas na ang aking mga pananaw at ideya ang problema. Ang buhay ng tao ay mula sa Diyos, at isinaayos ng Diyos na maparito ako sa mundong ito na may mga responsabilidad na dapat kong tuparin at isang misyon na dapat kong isakatuparan, hindi para mamuhay para sa aking pamilya o mga kamag-anak. Kung namuhay ako para maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at para alagaan nang mabuti ang aking pamilya, at hindi ko man lang magawa ang tungkuling dapat kong ginagawa, kung gayon ako na ang pinakamakasariling tao, at isang taong kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos. Sa paglipas ng mga taon, napakaraming oras ang nasayang ko sa pagsisikap na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at nawalan ako ng maraming pagkakataong gawin ang aking mga tungkulin. Hindi na ako puwedeng mamuhay nang ganoon pa. Kalaunan, sinadya kong ilagay ang aking puso sa aking tungkulin, at minsan kapag naiisip ko ang mga bagay sa bahay, nananalangin ako sa Diyos at hinihiling sa Kanya na protektahan ang puso ko para magawa kong unahin ang tungkulin ko, at bago ko pa namalayan, pumapayapa na ang puso ko. Paminsan-minsan, umuuwi ako para tumulong sa pag-aayos ng mga bagay-bagay, at anuman ang sabihin ng aking asawa o biyenan, hindi na gaanong nalilimitahan ang puso ko.

Noong Hunyo 2015, umalis ako para gawin ang aking tungkulin sa ibang lugar. Dati, kapag ginagawa ko ang tungkulin ko sa aking bayan, nakakauwi pa ako pagkatapos ng ilang panahon, ngunit sa pagkakataong ito, ilang buwan na akong hindi nakakabalik. Habang unti-unting lumalamig ang panahon, nagsimula na naman akong mag-alala, “Kumusta na kaya ang asawa ko at ang anak ko? Maayos kaya ang kalusugan ng mga magulang ko?” Sa pag-iisip ng mga bagay na ito, hindi na naman ako mapalagay at gusto ko nang bumalik sa aking bayan para gawin ang tungkulin ko. Napagtanto kong hindi tama ang ganitong pag-iisip, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na protektahan ang aking puso. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat ninyong hangarin ang lahat ng bagay na maganda at mabuti, at dapat ninyong matamo ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Higit pa rito, dapat kayong maging responsable para sa inyong buhay, at hindi ninyo dapat ito ipagwalang-bahala. Pumaparito sa lupa ang mga tao at bihirang Ako ay matagpuan, at bihira ding magkaroon ng oportunidad na hanapin at matamo ang katotohanan. Bakit hindi ninyo pahalagahan ang magandang panahong ito bilang tamang landas na hahangarin sa buhay na ito? At bakit ninyo binabalewala palagi ang katotohanan at katarungan? Bakit ninyo palaging niyuyurakan at sinisira ang inyong sarili para sa kasamaan at karumihang nilalaro ang mga tao?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita Para sa mga Kabataan at Matatanda). Talagang binigyang-inspirasyon ako ng mga salita ng Diyos at binigyan rin ako nito ng tamang layon sa buhay. Ang katotohanang nagawa kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at nagkaroon ako ng pagkakataong gawin ang tungkulin ko sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay isang pagpapala sa akin, at higit pa rito, pagtataas sa akin ng Diyos. Naisip ko kung paanong ginugol ni Pedro ang kanyang buhay sa paghahangad na makilala at mahalin ang Diyos. Nang ipagkatiwala sa kanya ng Diyos ang pagpapastol sa kawan, naramdaman niya ang pagmamahal at tiwala ng Diyos sa kanya, at lalo pa siyang naging handang hangarin ang katotohanan at ibigay ang lahat para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Sa huli, ipinako siya nang patiwarik sa krus para sa Diyos, at nagbigay siya ng matunog na patotoo at natamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang buhay ni Pedro ang pinakamakabuluhan. Ngayon ang pinakamahalagang panahon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at kailangan kong tularan ang halimbawa ni Pedro, pahalagahan ang aking pagkakataong gawin ang aking tungkulin, ilaan ang lahat ng aking lakas sa paghahangad ng katotohanan, at tuparin ang aking tungkulin para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Pagkatapos niyon, hindi na ako gaanong nalilimitahan ng mga usapin sa pamilya sa paggawa ng aking tungkulin, at mas gumaan na ang pakiramdam ko.

Kalaunan, nabasa ko pa ang mga pinakabagong salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng karagdagang kabatiran sa mga tradisyonal na kultural na ideya tungkol sa mararangal na babae, at mabubuting asawa at mga mapagmahal na ina. Sabi ng Diyos: “Gusto ng mga taga-Silangan na palaging maging maayos ang pag-uugali ng mga babae, para katawanin ang Tatlong Pagsunod at Apat na Birtud, na maging maalaga at mayumi—para sa anong layunin? Para madali silang makontrol. Ito ay isang nakakapinsalang ideolohiya na lumago mula sa tradisyonal na kultura ng Silangan, at talagang nakakasama ito sa mga tao, na sa huli ay nagdudulot sa mga babae na mamuhay nang walang direksiyon o mga sariling ideya. Hindi alam ng mga babaeng ito kung ano ang dapat nilang gawin, kung paano ito gagawin, o kung anong mga pagkilos ang tama o mali. Iniaalay pa nga nila ang kanilang buhay sa kanilang mga pamilya, subalit pakiramdam pa rin nila ay hindi sapat ang kanilang nagawa. Hindi ba’t ito ay isang uri ng pinsala sa mga babae? (Oo, ito nga.) Hindi man lang sila lumalaban kapag inaalis ang kanilang mga sariling karapatan, ang mga karapatang dapat nilang tinatamasa. Bakit hindi sila lumalaban? Sinasabi nilang: ‘Mali ang lumaban, hindi ito mabuti. Tingnan mo si ganito-at-ganyan, higit na mas mahusay sila kaysa sa akin at nagdusa nang mas higit pa, subalit hindi sila nagrereklamo.’ Bakit sila mag-iisip nang ganito? (Naimpluwensiyahan sila ng tradisyonal na kultural na pag-iisip.) Itong tradisyonal na kulturang ito ang nag-ugat nang malalim sa kalooban nila, at nagdulot sa kanila ng matinding pagdurusa. Paano nila nagagawang matiis ang ganitong uri ng pagdurusa? Alam na alam nilang masakit ang ganitong uri ng pagdurusa, na nagdudulot ito sa kanila ng pakiramdam ng walang magawa at nagpapasakit sa kanilang puso, kaya paano pa rin nila ito natatanggap? Ano ang obhetibong dahilan? Na ito ang kanilang kalagayang panlipunan, kaya hindi sila makalaya, kundi mababang-loob lang na tinatanggap ito. Ganito rin ang subhetibo nilang nararamdaman. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, o kung paano dapat mabuhay nang may dignidad ang mga babae, o ang tamang paraan ng pamumuhay ng mga babae. Walang nagsabi sa kanila ng mga ganitong bagay. Sa pagkakaalam nila, ano ang pamantayan para sa sariling asal at mga kilos ng mga babae? Tradisyonal na kultura. Iniisip nilang kung ano ang ipinamana sa mga henerasyon ay tama, at na kung may lumalabag dito, dapat na kondenahin ang kanilang konsensiya. Ito ang kanilang ‘pamantayan.’ Subalit tama ba talaga ang pamantayang ito? Dapat bang ilagay ito sa mga panipi? (Oo, dapat.) Hindi naaayon ang pamantayang ito sa katotohanan. Gaano man ka-aprubado o pinapaboran ang pag-uugali ng isang tao sa ilalim ng pagkontrol ng ganitong uri ng pag-iisip at pananaw, isa ba talaga itong pamantayan? Hindi, dahil labag ito sa katotohanan at pagkatao. Sa loob ng mahabang panahon, kinailangang alagaan ng mga babae sa Silangan ang buo nilang pamilya, at naging responsable sila sa lahat ng maliit na walang kuwentang usapin. Patas ba ito? (Hindi, hindi ito patas.) Kung gayon paano nila ito natitiis? Dahil nakatali sila sa ganitong uri ng pag-iisip at pananaw. Ang kakayahan nilang tiisin ito ay nagpapahiwatig na, sa kaibuturan, 80% silang sigurado na ito ang tamang bagay na gawin, at na kung magtitiis lang sila, matutugunan nila ang mga pamantayan ng tradisyonal na kultura. Kaya, tumatakbo sila patungo sa direksiyon na iyon, patungo sa mga pamantayang iyon. Kung, sa kaibuturan nila, naisip nilang mali ito at hindi nila ito dapat gawin, na hindi ito naaayon sa pagkatao, at na lumabag ito sa pagkatao at sa katotohanan, magagawa pa rin ba nila ito? (Hindi, hindi nila magagawa.) Kailangan nilang mag-isip ng paraan para makalayo sa mga taong iyon, at na hindi maging mga alipin nila. Subalit hindi mangangahas ang karamihan ng kababaihan na gawin ito—ano ang iniisip nila? Na kaya nilang mabuhay nang wala ang kanilang komunidad, subalit magdadala sila ng kakila-kilabot na stigma kung aalis sila, at magdurusa ng ilang partikular na kahihinatnan. Pagkatapos timbangin ito, iniisip nila na kung gagawin nila ito, pagtsitsismisan ng kanilang mga kasamahan ang tungkol sa kung paanong hindi sila marangal, kokondenahin sila ng lipunan sa ilang partikular na paraan at magkakaroon ng ilang partikular na opinyon tungkol sa kanila, at ang lahat ng ito ay magdudulot ng mga seryosong kahihinatnan. Sa huli, pinagninilayan nila ito at iniisip, ‘Mas mabuting pagtiisan na lang ito. Kung hindi, dudurugin ako ng bigat ng pagkondena!’ Ganito ang mga babaeng taga-Silangan, sa bawat henerasyon. Ano ang kinakailangan nilang tiisin sa likod ng lahat ng mabuting gawang ito? Ang pagkakait ng kanilang dignidad at karapatan bilang tao. Naaayon ba sa katotohanan ang mga kaisipan at pananaw na ito? (Hindi, hindi naaayon ang mga ito.) Hindi naaayon sa katotohanan ang mga ito. Pinagkaitan sila ng kanilang dignidad at karapatang pantao, at nawala ang kanilang integridad, ang kanilang independiyenteng pamumuhay at mga espasyo para sa pag-iisip, at ang kanilang mga karapatang magsalita at ipahayag ang mga sarili nilang pagnanais—lahat ng ginagawa nila ay para sa mga taong iyon sa tahanan. Ano ang layunin nila sa paggawa nito? Para matugunan ang mga pamantayang hinihingi ng tradisyonal na kultura sa mga babae, at para purihin sila ng ibang tao, tinatawag silang mabubuting asawa at mabubuting tao. Hindi ba’t isa itong uri ng pagpapahirap? (Oo, isa itong uri.) Tama ba o baluktot ang paraang ito ng pag-iisip? (Baluktot ito.) Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi, hindi ito naaayon.)” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikatlong Bahagi)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, talagang nakumpirma ang aking mga nararamdaman. Ako nga mismo ang uri ng taong inilalantad ng Diyos na labis na napinsala ng tradisyonal na kultura ni Satanas. Mula pa noong bata ako, ang mga imahe ng mararangal at mababait na bidang babae sa mga drama sa TV ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa akin. Kaakibat ng edukasyon ng mga magulang ko at ng paghubog ng mga pananaw mula sa lipunan, ang aking mga kaisipan ay tuluyan nang nakulong. Itinuring kong pamantayan na dapat kong matugunan bilang isang babae ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at ang pag-aasikaso sa aking asawa at pagpapalaki ng aking anak, at pinanghawakan ko ang mga bagay na ito bilang mga positibong bagay. Ginugol ko ang aking mga araw sa pagiging sunud-sunuran sa pag-aalaga sa aking asawa at pamilya, nabubuhay lang para asikasuhin ang araw-araw na pamumuhay ng mga kapamilya ko, at namuhay akong walang anumang integridad at dignidad bilang tao, gayunman, iniisip kong may dangal ito. Sa paglipas ng mga taon, para mapanatili ang aking imahe bilang isang “mabuting babae,” kahit na narinig ko ang mga salita ng Diyos at alam kong katotohanan ang mga iyon, hindi ako nangahas na buong-tapang na hangarin ang mga ito. Kahit na sinubukan kong gawin ang aking tungkulin, palaging nasa ilalim ito ng kondisyon na hindi makakaabala sa buhay ng aking pamilya, at sa sandaling hindi ko naaalagaan nang mabuti ang aking pamilya, nagsisimula akong hindi mapalagay, iniisip kong pinababayaan ko sila, at nagmamadali akong mag-isip ng mga paraan para makabawi sa kanila. Para sa akin, mas gugustuhin ko pang iwanan ang aking mga tungkulin kaysa hindi sila alagaan. Sa realidad, parehong nasa hustong gulang ang asawa ko at ang biyenan ko, at sa puntong ito, nasa junior high na ang anak ko, kaya may lubos silang kakayahang alagaan ang kanilang sarili. Ngunit nag-aalala pa rin ako, at palagi kong nararamdamang mali na hindi ko sila alagaan. Paulit-ulit kong isinasantabi ang gawain ng iglesia, at isinasantabi ko ang buhay pagpasok ng mga kapatid ko. Talagang kamuhi-muhi ako at kaawa-awa! Ang pananampalataya sa Diyos at paggawa ng ating mga tungkulin ay ganap na likas at may katwiran. Malinaw na nilalabanan ng pamilya ko ang Diyos at pinipigilan ako sa paggawa ng mga tungkulin ko, ngunit sa halip na kilatisin sila, inakala ko pa ngang kasalanan ko ang hindi pag-aalaga sa kanila nang mabuti habang ginagawa ang mga tungkulin ko, at nakonsensiya ako. Sa wakas ay nakita kong ang mga tradisyonal na kultural na ideyang ito ay talagang nakapipinsala sa mga tao, at na lubusan nilang binaluktot ang aking pag-iisip, na naging dahilan para hindi ko makilala ang itim sa puti at ang tama sa mali. Ginagamit ni Satanas ang mga tradisyonal na kultural na ideya ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at ang Tatlong Pagsunod at Apat na Birtud, para iligaw tayo, na nagiging sanhi ng ating paniniwala na dapat tanggapin ng mga babae ang isang mababang posisyon sa pamilya at mamuhay na parang mga alipin ng iba, sa gayon ay inaalis sa mga babae ang kanilang malayang kalooban at karapatang umiral. Isa itong paraan ng pagkontrol at pagyurak sa mga babae. Hindi ko lang talaga makita nang malinaw ang mga bagay na ito, kaya patuloy akong napipinsala at nakokontrol ng mga tradisyonal na kultural na ideyang ito, at kaya paulit-ulit kong naaantala ang aking mga tungkulin, nawawalan ng determinasyong hangarin ang katotohanan, hindi ko nagagawa ang mga tungkuling dapat kong ginagawa, at namuhay akong walang anumang integridad at dignidad. Kung magpapatuloy ito, mauuwi lang ako sa pagkakatiwalag ng Diyos kapag natapos na ang Kanyang gawain. Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, naging handa akong itakwil si Satanas mula sa kaibuturan ng aking puso, at hindi na mamuhay ayon sa mga tradisyonal na kultural na ideyang ito.

Pagkatapos ay nabasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “Nilikha ng Diyos ang malayang kalooban para sa sangkatauhan, at ano ang mga kaisipang nagmumula sa malayang kaloobang ito? Naaayon ba ang mga ito sa pagkatao? Dapat kahit papaano ay naaayon ang mga kaisipang ito sa pagkatao. Bukod dito, nilayon din Niyang magkaroon ang mga tao ng tumpak na pananaw at pang-unawa sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa takbo ng kanilang buhay, at pagkatapos ay makapili ng tamang landas para mabuhay at sumamba sa Diyos. Ang pamumuhay sa ganitong paraan ay ibinigay ng Diyos at dapat na tamasahin. Gayumpaman, ang mga tao ay pinaghihigpitan, ginagapos, at binabaluktot ng mga tinatawag na tradisyonal na kultura at moral na mga kasulatang ito sa kanilang buong buhay, at sa huli ay nagiging ano sila? Nagiging mga papet sila ng tradisyonal na kultura. Hindi ba’t dulot ito ng hindi pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan? (Oo, ganoon nga.) Pipiliin ninyo bang tahakin ang landas na ito sa hinaharap? (Hindi, hindi ko pipiliin.) … Kaya, paano ka dapat kumilos? (Nang naaayon sa mga prinsipyo.) Siyempre tamang kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at dapat mong tratuhin ang lahat nang naaayon sa mga prinsipyo, tratuhin sila bilang mga kapatid kung nananampalataya sila sa Diyos, at bilang mga walang pananampalataya kung hindi sila nananampalataya. Walang dahilan para sirain mo ang iyong sarili, baluktutin ang iyong integridad, o isuko ang iyong dignidad at mga karapatan sa pamamagitan ng pag-aalay ng iyong buhay para sa kanila. Hindi sila karapat-dapat para dito. May Isa lang sa mundong ito na karapat-dapat na paggugulan mo ng iyong buhay. Sino ito? (Ang Diyos.) Bakit? Dahil ang Diyos ang katotohanan, at ang Kanyang mga salita ang pamantayan para sa pag-iral, sariling asal, at mga kilos ng tao. Hangga’t mayroon kang Diyos, at mga salita ng Diyos, hindi ka lilihis, at magiging tumpak ka sa kung paano ka aasal at kikilos. Ito ang pangwakas na epekto na naisasakatuparan ng mga salita ng Diyos sa isang tao pagkatapos silang mailigtas(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikatlong Bahagi)). Talagang nagbigay-liwanag sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Isinasaayos ng Diyos ang pag-aasawa para sa mga tao upang matupad nila ang kanilang mga responsabilidad sa pamilya, hindi para gawing alipin ang mga tao, at lalong hindi para hayaang mamuhay ang sinuman para sa iba. Sa pag-aasawa, parehong may sariling mga responsabilidad at obligasyon ang asawang lalaki at asawang babae, at hindi kailangang pagbigyan ng sinuman ang damdamin ng iba. Anuman ang papel na ginagampanan ko sa pagsasama naming mag-asawa at sa pamilya, iyon ay isang responsabilidad lamang na dapat kong tuparin. Kapag hindi abala ang gawain sa iglesia, maaari kong tuparin ang aking mga responsabilidad bilang asawa at alagaan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng aking pamilya. Pero kapag naging abala na ang tungkulin ko at wala na akong oras para umuwi, dapat kong unahin ang aking tungkulin. Pagkatapos kong maunawaan ang mga bagay na ito, nakaramdam ako ng lubos na paglaya at kalayaan sa puso ko. Para bang biglang bumukas ang isang bintana sa puso ko, na nagpuno sa akin ng liwanag.

Ang mga salita ng Diyos ang umakay sa akin para makalaya mula sa pagkakagapos at pinsalang dulot ng tradisyonal na ideya ng “pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina”; ngayon ay nagagawa ko nang tuparin ang aking tungkulin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian—ito ang pinakadakilang pagpapala sa aking buhay, at ito ang nagbibigay ng halaga sa aking buhay. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  84. Matapos Akong Tugisin ng Batas Dahil sa Pananampalataya sa Diyos

Sumunod:  86. Hindi Na Mahirap Magsalita Nang Diretsahan

Kaugnay na Nilalaman

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger