86. Hindi Na Mahirap Magsalita Nang Diretsahan

Ni Chen Ming, Tsina

Mula pa sa murang edad, itinuro na sa akin ng mga magulang ko na sa pakikipagrelasyon sa iba, dapat kong piliin ang mga salita ko ayon sa sitwasyon, huwag banggitin ang mga problema ng iba kahit nakikita ko ang mga ito, isaalang-alang ang damdamin ng iba kapag nagsasalita, at maging isang taong nailalagay ang sarili sa kalagayan ng iba at na madaling lapitan. Itinuro nila sa akin na sa ganitong paraan, hindi ako lilikha ng gulo para sa sarili ko, at magugustuhan ako ng ibang tao, at ito lang ang paraan para magkaroon ng puwang sa lipunan. Noong panahong iyon, pakiramdam ko ay may katuturan ito, at dapat akong umasal sa ganitong paraan, kaya bihira akong makipag-away o makipagtalo pagdating sa pakikipagrelasyon ko sa iba. Kahit na may makita akong anumang problema sa ibang tao, hindi ko ito itinuturo. Pagkatapos kong magsimulang manampalataya sa Diyos, ganito pa rin ang paraan ng pakikipagrelasyon ko sa iba, at bihira kong ituro o ilantad ang anumang mga problemang nakikita ko sa aking mga kapatid. Partikular na ganito ang nangyayari sa aking pakikitungo sa sister na kapareha ko. Kahit na malinaw kong nakikita ang mga problema sa paraan ng paggawa niya ng kanyang tungkulin at gusto ko itong ituro sa kanya, sa bawat pagkakataong nasa dila ko na ang mga salita, nilulunok ko na lang ulit ang mga ito. Palagi akong nag-aalala na kung ituturo ko ang kanyang mga problema at hindi niya ito tatanggapin, sisimangutan niya ako at magkakaroon ng masamang palagay laban sa akin. Kalaunan, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, sa wakas ay nagkaroon ako ng kaunting pagkilatis sa tradisyonal na kultural na ideya na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.”

Noong Oktubre 2021, nakatuwang ko si Sister Liu Lin, at responsable kami sa gawain ng iglesia. Makalipas ang ilang panahon, nakita kong wala siyang pasanin sa paraan ng pagtrato niya sa kanyang tungkulin. Responsable siya sa gawain ng ebanghelyo, ngunit hindi niya ito sinusubaybayan o pinangangasiwaan, at kapag nagtatanong ang mga lider tungkol sa gawain, hindi siya nagsusumite ng ulat. Tinanong ko siya kung bakit hindi niya isinumite ang ulat, at sinabi niyang hindi maganda ang pakiramdam niya. Nang makita kong ganito si Liu Lin, gusto kong ituro na ang saloobin niya sa kanyang tungkulin ay napakapabaya at na hindi siya nagpapakita ng anumang pagpapahalaga sa responsabilidad. Pero ng sandaling nakarating na sa dila ko ang mga salita, nilunok ko na lang ulit ang mga ito. Naisip ko, “Mas mabuting huwag nang magsalita ng kahit ano. Kung hindi niya ito tatanggapin at sisimangutan niya ako, magiging nakakaasiwa nang pakisamahan siya sa hinaharap.” Kaya wala na akong sinabi pa, iniisip na baka kapag medyo bumuti na ang kalusugan niya, isasapuso na niya ang kanyang gawain. Noong panahong iyon, sinabi ni Liu Lin na masakit ang kanyang batok, kaya ginamitan ko siya ng “gua sha” scraping, at sinabihan siyang pagtuunan ng pansin ang pag-eehersisyo, at nagsabi rin ng ilang salita ng pampalakas-loob. Gayumpaman, hindi ko itinuro ang mga problema sa paraan ng paggawa niya ng kanyang tungkulin. Isang araw, makalipas ang tatlong buwan, isang mangangaral ang nakipagbahaginan sa amin tungkol sa ilang detalyadong gampanin na may kaugnayan sa pangangaral ng ebanghelyo. Pagkatapos, tinanong ko si Liu Lin kung nakipagbahaginan na siya sa kanyang mga kapatid tungkol dito at kung naipatupad na ba niya ito. Sinabi niya, “Pahapyaw ko lang na nabanggit.” Galit na galit ako sa loob-loob ko, at gusto ko siyang pungusan, “Napakairesponsable mo. Hindi ba’t naaantala nito ang gawain?” Pero nang sandaling nasa dila ko na ang mga salita, nilunok ko na lang ulit ang mga ito. Naisip ko, “Kung pupungusan ko siya sa harap ng lahat, mapapahiya siya. Magkakaroon kaya siya ng masamang palagay laban sa akin? Sasabihin kaya niyang sadya ko siyang ipinahiya sa harap ng aming mga kapatid? Mas mabuting huwag nang magsalita.” Kaya pumunta ako para ipatupad ang gawain, at hindi ako nakipagbahaginan sa kanya o itinuro ang kanyang mga problema pagkatapos.

Sa pagtatapos ng Hunyo 2022, ilang sermon ang agarang nangangailangan ng pagsusuri. Nakipagtulungan na si Zhang Ting dito dati, kaya hiniling ko kay Liu Lin na makipagbahaginan sa kanya. Sa gabi, tinanong ko si Liu Lin kung nakipagbahaginan na ba siya nang detalyado kay Zhang Ting tungkol sa mga prinsipyo, pero, habang nakasimangot, naiinis niyang sinabi, “Naiintindihan na niya ang lahat—hindi na kailangang pag-usapan pa iyan nang ganoon kadetalyado!” Gusto ko siyang paalalahanan, “Kung hindi ka makikipagbahaginan nang detalyado, at nagkataong hindi malinaw kay Zhang Ting ang mga prinsipyo, hindi ba’t maaantala nito ang gawain?” Pero nang sandaling nasa dila ko na ang mga salita, nilunok ko na lang ulit ang mga ito. Naisip ko, “Mukhang masama na ang timpla niya noong tinanong ko siya tungkol doon kanina. Kung ituturo ko na naman ang kanyang mga pagkukulang, lalo pa siyang magagalit. Paano na kami magkakasundo sa hinaharap?” Kaya hindi ko itinuro ang kanyang mga problema, at mahina ko lang na sinabing kailangan niyang baguhin ang mga bagay-bagay sa hinaharap. Kalaunan, dahil sa bigong naarok ni Zhang Ting ang mga prinsipyo, kinailangang ulitin ang trabaho, at ang isang bagay na dapat sana’y natapos sa isang araw ay naantala nang mahigit sampung araw. Sumulat ang mga nakatataas na lider para sabihing wala kaming pasanin sa paggawa ng aming tungkulin at hindi mabisa ang aming gawain. Nakaramdam ako ng pananisi sa sarili sa puso ko. May kaugnayan sa akin ang pagkaantalang ito. Nakita kong iresponsable si Liu Lin sa paggawa ng kanyang tungkulin, ngunit hindi ko kailanman inilantad ang kanyang mga problema para protektahan ang aming relasyon. Naantala nito ang gawain. Noong panahong iyon, labis na nasusupil at puno ng pasakit ang puso ko. Sa sandaling huminahon ako, naisip ko, “Anong mga aral ang gusto ng Diyos na matutuhan ko mula sa mga bagay na ito na Kanyang isinaayos?” Nanalangin ako sa Diyos, “Mahal kong Diyos, nakita kong ang sister na kapareha ko ay walang pasanin sa paggawa ng kanyang tungkulin at naantala niya ang gawain, ngunit hindi ako nangangahas na ituro ang kanyang mga problema dahil natatakot akong sisimangutan niya ako. Mahal kong Diyos, nawa’y bigyang-liwanag Mo ako at akayin para matuto ako ng mga aral mula sa bagay na ito.”

Isang araw, nanood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan. Ang patotoo ng sister at ang mga salita ng Diyos na sinipi roon ay nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa aking sarili. Sabi ng Diyos: “Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi tungkol sa pagsasabi ng mga walang-saysay na salita o pagsigaw ng mga islogan. Sa halip, tungkol ito sa kung paanong, anuman ang makaharap ng mga tao sa buhay, hangga’t kinabibilangan ito ng mga prinsipyo para sa pag-asal, ng kanilang mga perspektiba sa mga bagay-bagay, o ang usapin ng pagganap sa kanilang mga tungkulin, kailangan nilang magpasya, at dapat nilang hanapin ang katotohanan, hanapin ang batayan at mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay hanapin ang isang landas sa pagsasagawa. Ang mga nakapagsasagawa sa ganitong paraan ay mga taong hinahangad ang katotohanan. Ang magawang hangarin ang katotohanan sa ganitong paraan gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan ng isang tao ay ang pagtahak sa landas ni Pedro, sa landas ng paghahanap ng katotohanan. Halimbawa: Anong prinsipyo ang dapat itaguyod pagdating sa pakikisalamuha sa iba? Ang orihinal mong pananaw ay na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,’ at na dapat mong makasundo ang lahat, iwasang mapahiya ang iba, at wala kang mapasama ng loob, para maging madali na makasundo ang iba sa hinaharap. Napipigilan ng ganitong pananaw, nananahimik ka kapag nasasaksihan mo na gumagawa ang iba ng masasamang bagay o lumalabag sila sa mga prinsipyo. Mas gugustuhin mo nang ang iglesia ang magdusa ng mga kawalan kaysa mapasama mo ang loob ng sinuman. Sinuman ang nakakasalamuha mo, hinahangad mong makasundo siya. Iniisip mo palagi ang mga damdamin ng tao at na hindi ka mapahiya kapag ikaw ay nagsasalita, at lagi kang nagsasabi ng mga salitang magandang pakinggan para pasayahin ang iba. Kahit pa matuklasan mong may mga problema sa isang tao, pinipili mong pagtimpian siya, at pag-usapan na lamang siya kapag siya ay nakatalikod, ngunit kapag kaharap siya ay pinapangalagaan mo pa rin ang kapayapaan at pinananatili mo ang inyong ugnayan. Ano ang palagay mo sa pag-asal sa ganitong paraan? Hindi ba’t iyon ay asal ng isang mapagpalugod ng mga tao? Hindi ba’t medyo tuso ito? Nilalabag nito ang mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi ba’t kababaan ang umasal ka sa ganoong paraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, at hindi ito marangal na paraan ng pag-asal. Kahit gaano ka pa nagdusa, at kahit gaano pa kalaki ang iyong binayaran, kung umaasal ka nang walang prinsipyo, nabigo ka sa aspektong ito, at hindi ka kikilalanin, tatandaan, o tatanggapin sa harap ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran). Ang mga salita ng Diyos ay kasinglinaw ng salamin. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay ang pag-asal at pagkilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, nang hindi inaalintana ang mga personal na damdamin o takot na makasakit ng iba. Hindi ako umasal nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo sa pakikipagrelasyon ko sa iba. Palagi akong umaasa sa mga personal na damdamin, takot na makasakit ng iba, at pinoprotektahan ang aking mga interpersonal na relasyon. Nakita kong bilang isang lider, walang pakialam si Liu Lin sa kanyang gawain. Bilang kanyang katrabaho, dapat kong itinuro ang kanyang mga problema sa paggawa ng kanyang tungkulin, ngunit natatakot akong magiging asiwa ang aming relasyon kung hindi niya ito tatanggapin, at magiging mahirap na para sa amin na magkasundo sa hinaharap. Para mapanatili ang relasyon namin ng pagiging magkaibigan, pinalakas ko ang loob niya gamit ang ilang mababaw na salita para ipakita sa kanya na kaya kong mailagay ang sarili ko sa kalagayan niya at maging mapagsaalang-alang. Sa panlabas, hindi ako nakikipag-away o nakikipagtalo kay Liu Lin, at sinikap kong manatiling kasundo niya; nagsasalita lang ako ng mga kaaya-ayang salita para mapanatili ang maka-lupang relasyon sa kanya, ngunit napinsala ang gawain ng iglesia. Mayroon pa bang anumang pagkatao sa aking mga kilos? Masyado akong makasarili at masyadong mapanlinlang! Naisip ko kung gaano kamahal ng Diyos ang matatapat na tao, at kinasusuklaman Niya ang mga tuso at mapanlinlang na mapagpalugod ng tao. Sa pag-asal ko sa ganitong paraan, hindi ba’t napapasuklam ko ang Diyos? Naisip ko na ang tungkulin ay atas ng Diyos sa sangkatauhan, at dapat kong pangalagaan ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Nang makita kong hindi nakakabuti sa gawain ang paraan ng paggawa ni Liu Lin, dapat ko iyong itinuro sa kanya at tinulungan siya, at hindi ako natakot sa kung anu-ano.

Isang araw, habang nasa isang pagtitipon, ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na kinain at ininom namin ay nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa mga problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May isang doktrina sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para mapanatili ang mabuting pagkakaibigang ito, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon. Sumusunod siya sa mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Nililinlang nila ang isa’t isa, pinagtataguan ang isa’t isa, at iniintriga ang isa’t isa. Bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para mapanatili ang kanilang ugnayan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Batay rito, kung ganoon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing ugnayang panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga ugnayang panlipunan, hindi puwedeng makipag-usap ang mga tao nang taos-puso, ni magkaroon ng malalalim na koneksyon, ni magsabi ng anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa ibang tao, o ang mga salitang makakatulong sa ibang tao. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para patuloy silang magustuhan ng iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, kaya napipigilan ang iba na makabuo ng mga mapanlabang kaisipan tungkol sa kanila. Kapag walang sinumang nagiging banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at mapayapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang baluktot at mapanlinlang na paraan para manatiling buhay, na may elemento ng pagiging mapagbantay, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Sa pamumuhay nang ganito, ang mga tao ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Sa pagitan ng mga tao, mayroon lang pagbabantay laban sa isa’t isa, pagsasamantala sa isa’t isa, at pagpapakana laban sa isa’t isa, kung saan ang bawat tao ay kinukuha ang kailangan nila mula sa ugnayan. Hindi ba’t ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pananakit sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan. Kung titingnan ang ilang aspektong ito ng diwa nito, marangal ba na igiit sa wastong asal ng mga tao na, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na kailangan ay hindi mo mapasama ang loob o masaktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; at gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan: Mula sa pagiging mabuti at matalik mong kaibigan ay magiging estranghero siya o isang kaaway. Anong mga problema ang malulutas ng pagtuturo sa mga tao na kumilos nang ganito? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba dito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong nakakamit ang pamantayan para sa wastong asal? Sa pinakamainam, hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Maituturing bang mabuting wastong asal ang pagsunod sa pahayag at kaugaliang ito? Hinding-hindi(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). Ang inilantad ng mga salita ng Diyos ay ang mismong tunay kong kalagayan. Noon pa man, lubha na akong mapagsaalang-alang at mapagmalasakit sa pakikipag-ugnayan ko sa iba. Kapag may napapansin akong anumang problema sa ibang tao, hindi ko iyon ipinapakita sa kanila, dahil takot akong masira ang aming relasyon. Sa partikular, noong ginagawa ko ang mga tungkulin ko kasama si Liu Lin, nakita ko na ang saloobin niya sa kanyang tungkulin ay napakapabaya at naantala nito ang gawain ng iglesia. Gusto kong ituro ang mga problema niya, pero kapag nakikita kong hindi siya masaya, parang may bumabara sa lalamunan ko, at wala akong masabi, sa takot na masira ko ang aming relasyon. Umaasa ako sa mga satanikong landas para mabuhay, tulad ng “Mabuti ka, mabuti ako, lahat ay mabuti,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” at “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” at naging napakatuso at mapanlinlang. Sa bawat pagkakataon, isinasaalang-alang ko ang sarili kong mga interes at pinoprotektahan ang mga relasyon ko sa iba. Ganito na ako mula pa noong bata ako: Hindi ko prangkang ipinapakita sa iba ang mga problema nila kapag napapansin ko ang mga ito. Akala ko, iyon ay pagiging mapagsaalang-alang, at isang palatandaan ng mabuting pagkatao. Gayumpaman, ang mga taong tunay na may mabuting pagkatao ay may pagpapahalaga sa katapatan at responsabilidad sa kanilang tungkulin. Mayroon silang matapat na puso kapwa sa ibang tao at sa Diyos, kayang protektahan ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, at kayang makipagbahaginan, tumulong, magturo, at maglantad kapag nakikita nilang gumagawa ang iba ng mga bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, upang ang mga tao ay agad na makaunawa at makapagbalik-loob. Dati, naniniwala ako na ang hindi pagbanggit sa mga problema ng iba kapag napapansin ko ang mga ito ay pagtulong sa kanila na hindi mapahiya, pagpapakita sa kanila ng konsiderasyon, at pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Mali pala ang ganitong pananaw ko. Sa panlabas, ang mga tradisyonal na kultural na ideyang ito ay nakaayon sa pagkatao at moralidad, pero sa diwa, hinihikayat nito ang mga tao na gumamit ng mga pakana at manloko, na nagiging dahilan para ang mga tao ay lalong maging tuso at mapanlinlang. Kung patuloy akong mamumuhay ayon sa mga tradisyonal na kultural na ideyang ito, hindi kailanman magbabago ang mga tiwali kong disposisyon, at hindi ko kailanman maisasabuhay ang normal na pagkatao.

Sa paghahanap, nabasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “Ang salita bang ‘punahin’ sa kasabihang ‘kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay mabuti o masama? Ang salita bang ‘punahin’ ay may antas kung saan tumutukoy ito sa pagkahayag o pagkalantad ng mga tao sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Mula sa Aking pagkaunawa sa salitang ‘punahin’ batay sa pag-iral nito sa wika ng tao, wala itong gayong kahulugan. Ang diwa nito ay isang medyo mapaminsalang uri ng paglalantad; nangangahulugan ito na ilantad ang mga problema at pagkukulang ng mga tao, o ang ilang bagay at pag-uugali na lingid sa kaalaman ng iba, o ilang intriga, ideya, o pananaw na nasa likod. Ito ang kahulugan ng salitang ‘punahin’ sa kasabihang ‘kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Kung ang dalawang tao ay magkasundo at magkatapatang-loob, na walang mga hadlang sa pagitan nila, at kapwa sila umaasa na maging pakinabang at tulong sa isa’t isa, magiging pinakamainam para sa kanila na umupo nang magkatabi at ilantad ang mga problema ng isa’t isa nang bukas at taos-puso. Ito ay nararapat, at hindi ito pagpuna sa mga pagkukulang ng iba. Kapag natuklasan mo ang mga problema ng ibang tao ngunit nakita mong hindi pa niya kayang tanggapin ang payo mo, huwag ka na lang magsalita ng kahit ano, para maiwasan ang away o alitan. Kung gusto mo siyang tulungan, maaari mong hingin ang kanyang opinyon at tanungin muna siya, ‘Nakikita kong medyo may problema ka, at nais kong bigyan ka ng kaunting payo. Hindi ko alam kung makakaya mo itong tanggapin. Kung makakaya mo, sasabihin ko sa iyo. Kung hindi mo makakaya, sasarilinin ko muna ito sa ngayon at hindi ako magsasalita.’ Kapag sinabi niyang ‘Pinagkakatiwalaan kita. Anuman ang sasabihin mo ay magiging katanggap-tanggap; kaya ko itong tanggapin,’ ang ibig sabihin niyon ay nabigyan ka ng pahintulot, at maaari mo nang isa-isang ipaalam sa kanya ang kanyang mga problema. Hindi lamang niya lubusang tatanggapin ang sasabihin mo, kundi makikinabang din siya mula rito, at maaari pa ring mapanatili ninyong dalawa ang isang normal na relasyon. Hindi ba iyan pagtrato sa isa’t isa nang may sinseridad? (Oo.) Ito ang tamang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba; hindi ito pagpuna sa mga pagkukulang ng iba. Ano ang ibig sabihin ng huwag ‘punahin ang mga pagkukulang ng iba,’ gaya ng sabi ng kasabihang pinag-uusapan? Nangangahulugan ito na huwag magsalita tungkol sa mga kakulangan ng iba, na huwag magsalita tungkol sa mga pinakamaselan nilang problema, na huwag ilantad ang diwa ng kanilang problema, at na huwag masyadong maging lantaran sa pagpuna. Nangangahulugan ito na magbigay lang ng ilang mabababaw na komento, sabihin ang mga bagay na karaniwang sinasabi ng lahat, sabihin ang mga bagay na naiintindihan na ng tao mismo, at huwag maglantad ng mga pagkakamaling nagawa ng tao dati o mga sensitibong isyu. Anong magiging pakinabang nito sa tao kung kikilos ka nang ganito? Marahil ay hindi mo sila nainsulto o naging kaaway, pero ang nagawa mo ay hindi nakakatulong o nakakabuti sa kanila. Kaya, ang mismong pariralang ‘huwag mong punahin ang mga pagkukulang ng iba’ ay hindi tuwiran at isang uri ng panlilinlang na hindi hinahayaan na tratuhin ng mga tao ang isa’t isa nang may sinseridad. Maaaring sabihin ng isang tao na ang pagkilos sa ganitong paraan ay pagkimkim ng masasamang layunin; hindi ito ang tamang paraan ng pakikipag-ugnayan sa iba. Itinuturing pa nga ng mga walang pananampalataya ang ‘kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ bilang isang bagay na dapat gawin ng isang taong may marangal na moralidad. Malinaw na isa itong mapanlinlang na pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba, na ginagamit ng mga tao para protektahan ang kanilang sarili; hindi talaga ito isang tamang sistema ng pakikipag-ugnayan. Ang mismong hindi pagpuna sa mga pagkukulang ng iba ay kawalan ng sinseridad, at marahil ay may lihim na intensyon sa pagpuna sa mga pagkukulang ng iba(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung ano ang ibig sabihin ng pagpuna sa ibang tao, at kung paano hindi mamuna kundi sa halip ay tumulong sa mga tao. Ang pagpuna sa ibang tao ay kinapapalooban ng mga personal na intensyon at pakana; layunin nitong ipahiya ang ibang tao o hangaring makipagkompetensiya para sa personal na kapakinabangan. Ang mga problema at kakulangan ng ibang tao ay pinalalaki nang walang limitasyon, at minamaliit sila at kinokondena para sa huli ay makamit ang layuning makinabang para sa sarili. Gayumpaman, ang pagtuturo at paglalantad sa mga problema ng mga tao ay naglalayong tulungan sila. Kung makatuklas tayo ng isang seryosong problema sa ibang tao na hindi nila mismo nakikilala, ang mapagmahal na pagtuturo nito, pakikipagbahaginan, paglalantad, at paghihimay nito alinsunod sa kanilang tayog ay hindi pagpuna, kundi pagtulong sa kanila. Ito ang dapat gawin ng mga taong may normal na pagkatao. Nakita kong walang pasanin si Liu Lin sa kanyang tungkulin at gusto ko itong ituro sa kanya, pero pakiramdam ko, kung gagawin ko ito, para ko na siyang pinupuna. Ang ganitong pananaw ko ay mali at nakalilinlang. Kung sadya ko siyang minamaliit at ipinapahiya, para magkaroon ng negatibong opinyon sa kanya ang kanyang mga kapatid at para magmukha akong may dinadalang pasanin, iyon ang matatawag na pagpuna. Pero sa katunayan, wala akong ganitong mga intensyon. Gusto ko lang protektahan ang gawain ng iglesia at tulungan siya, kaya hindi iyon pagpuna.

Kalaunan, nakita ko si Liu Lin. Nang ituturo ko na sana ang mga problema niya, nag-aalangan pa rin ako sa puso ko at nag-aalala na baka sumimangot siya sa akin, kaya patuloy akong tumawag sa Diyos sa puso ko para akayin Niya akong isagawa ang katotohanan. Sa oras na ito, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko dati, at hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung taglay mo ang mga intensiyon at pananaw ng isang mapagpalugod ng mga tao, kung gayon, sa lahat ng bagay, hindi mo isasagawa ang katotohanan o itataguyod ang prinsipyo, at lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan at ang buhay. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag naharap ka sa ganitong mga bagay, dapat kang manalangin sa Diyos at tumawag sa Kanya, magmakaawa para sa pagliligtas Niya, at hilingin na bigyan ka Niya ng pananalig at lakas at bigyan ka ng kakayahang itaguyod ang mga prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matatag na manindigan sa posisyong kinatatayuan mo, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan na magdusa ng anumang mga kawalan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mong mga interes, pride, at pananaw ng isang mapagpalugod ng tao, at kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang may matapat at buong puso, kung gayon, matatalo mo na si Satanas at matatamo ang aspektong ito ng katotohanan. Kung lagi kang nagpupumilit na mamuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, na pinoprotektahan ang mga relasyon mo sa iba, hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, at hindi naglalakas-loob na sumunod sa mga prinsipyo, magagawa mo bang isagawa ang katotohanan sa iba pang mga bagay? Wala ka pa ring pananalig o lakas. Kung hindi mo nagagawa kahit kailan na hanapin o tanggapin ang katotohanan, tutulutan ka ba ng gayong pananalig sa Diyos na matamo ang katotohanan? (Hindi.) At kung hindi mo matamo ang katotohanan, maaari ka bang maligtas? Hindi maaari. Kung lagi kang namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, lubos na walang katotohanang realidad, hindi ka maliligtas kailanman(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Binigyan ako ng lakas ng mga salita ng Diyos. Hindi na ako puwedeng maging isang tusong mapagpalugod ng tao. Talagang kailangan kong isagawa ang katotohanan. Kahit pa sumimangot sa akin si Liu Lin o hindi, kailangan kong ituro ang mga problema niya at protektahan ang mga interes ng iglesia, para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Humugot ako ng lakas ng loob para ituro ang mga problema niya. Nang marinig ito ni Liu Lin, kahit medyo hindi siya natuwa, inamin din niya ang sarili niyang mga problema.

Kalaunan, nabasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “Ano ang pakikipagtulungan? Kailangang magawa ninyong makipagtalakayan ng mga bagay-bagay sa isa’t isa, at maipahayag ang inyong mga pananaw at opinyon; dapat punan at pangasiwaan ninyo ang isa’t isa, at maghanap kayo mula sa isa’t isa, magtanong sa isa’t isa, at paalalahanan ninyo ang isa’t isa. Iyon ang pakikipagtulungan nang may pagkakasundo. Sabihin, halimbawa, na pinangangasiwaan mo ang isang bagay ayon sa sarili mong kalooban, at may nagsabi na, ‘Mali ang ginawa mo, ganap na labag sa mga prinsipyo. Bakit mo ito pinangasiwaan kung paano mo gusto, nang hindi hinahanap ang katotohanan?’ Dito, sasabihin mo na, ‘Tama iyan—natutuwa akong inalerto mo ako! Kung hindi, puwedeng magdulot ito ng kapahamakan!’ Iyan ang pag-uudyok sa isa’t isa. Ano, kung gayon, ang pangangasiwa sa isa’t isa? Ang bawat isa ay may tiwaling disposisyon, at puwedeng maging pabasta-basta sa paggawa ng kanyang tungkulin, pinangangalagaan lamang ang sarili niyang katayuan at karangalan, hindi ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Ang gayong mga kalagayan ay naroroon sa bawat tao. Kung nalaman mong may problema ang isang tao, dapat magkaroon ka ng pagkukusang makipagbahaginan sa kanya, paalalahanan mo siya na gawin ang kanyang tungkulin ayon sa mga prinsipyo, habang hinahayaan itong tumayo bilang isang babala sa iyong sarili. Iyon ay pangangasiwa sa isa’t isa. Ano ang tungkulin ng pangangasiwa sa isa’t isa? Nilalayon nitong pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at iiwas din ang mga tao sa maling landas(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag nagtutulungan sa paggawa ng ating tungkulin, dapat nating pangasiwaan ang isa’t isa, at kung makita nating gumagawa ang ating kapareha ng mga bagay na lumalabag sa mga prinsipyo, dapat natin itong ituro at makipagbahaginan at tulungan sila. Ito ay paggawa ng tungkulin alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Makatutulong ito sa mga tao na maunawaan ang katotohanan at, higit pa rito, pinoprotektahan nito ang gawain ng iglesia. Kasabay nito, bilang mga lider o manggagawa, dapat nating tratuhin ang ating mga kapatid alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Para sa mga hindi pa matagal na nananampalataya sa Diyos at may mababang tayog, dapat tayong mapagmahal na makipagbahaginan para tulungan sila kung matuklasan natin silang nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon o gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa mga prinsipyo. Para naman sa mga matagal nang nananampalataya sa Diyos at nakauunawa ng mga prinsipyo, ngunit iresponsable sa kanilang gawain, dapat itong ituro at ilantad. Kung hindi sila magpapakita ng kahit katiting na pagsisisi matapos itong ituro at ilantad nang maraming beses, kung gayon, dapat silang tanggalin alinsunod sa mga prinsipyo. Kalaunan, nakita kong hindi pa rin nagbabago ang saloobin ni Liu Lin sa paggawa ng kanyang tungkulin, kaya matapos kong talakayin ito kasama ang isa ko pang kapareha, iniulat namin ang kanyang pag-uugali sa mga nakatataas na lider. Tinanggal sa tungkulin ng mga nakatataas na lider si Liu Lin.

Pagkatapos, kapag nakakakita ako ng mga problema sa paraan ng paggawa ng mga kapatid sa kanilang tungkulin, hindi ko na lamang isinasaalang-alang ang sarili kong reputasyon at pinoprotektahan ang relasyon ko sa kanila. Kaya kong ituro ang kanilang mga problema at tulungan sila alinsunod sa kanilang tayog. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, nakinabang ang aking mga kapatid at napanatag ang puso ko. Naranasan ko na kung magsasagawa ka alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, magiging kalmado at payapa ang iyong puso. Salamat sa Diyos sa Kanyang paggabay!

Sinundan:  85. Mga Pagninilay ng Isang Mabuting Asawa at Mapagmahal na Ina

Sumunod:  87. Paano Harapin ang Pagmamahal at Pag-aaruga ng mga Magulang

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger