87. Paano Harapin ang Pagmamahal at Pag-aaruga ng mga Magulang

Ni Song Zhi, Tsina

Noong Oktubre 2019, inaresto ako ng pulis sa isang pagtitipon at sinentensiyahan ng dalawa’t kalahating taon sa kulungan. Disinuwebe anyos ako noon. Nang matapos ang sentensiya ko at pinalaya na ako, sinundo ako ni mama. Ilang taon kaming hindi nagkita, at nang makita ko si mama na mas lalo pang naging haggard at mas dumami ang puting buhok niya, hindi ko mailarawan sa salita ang lungkot na naramdaman ko. Habang nakaupo sa tren, naisip ko kung paanong mula pagkabata, sobrang mahal ako ng mga magulang ko at hindi nila ako hinayaang magdusa. Ako lang ang anak sa pamilya, at palagi nila akong inuuna sa lahat ng bagay. Lalo na kapag nagkakasakit o nasusugatan ako, mas kinakabahan pa sila kaysa sa akin. Naaalala ko noong katorse anyos ako, nabali ang binti ko habang umaakyat ng bundok. Naghalinhinan sina Papa at Mama sa pag-aalaga sa akin sa ospital, at kahit na hindi marami ang araw ng pahinga ni Papa, ginamit niya ang iilang araw ng bakasyon niya para samahan ako. Nang makita siyang nakahiga at pagod na pagod sa kama para sa bantay, nadurog ang puso ko. Sinisi ko ang sarili ko sa pagiging pasaway at sa pagdudulot ng gulo sa kanila. Nang magsimula akong manampalataya sa Diyos, umalis ako ng bahay para gawin ang tungkulin ko. Kahit na ayaw sana nina Mama at Papa na umalis ako, sinuportahan pa rin nila ako, at binigyan pa nga nila ako ng tulong pinansyal. Lalo na noong naaresto ako, halos mabaliw sa pag-aalala ang mga magulang ko, at alam kong sa loob ng dalawa’t kalahating taon na iyon, namuhay sila sa pagdurusa at matinding pag-aalala. Naramdaman kong napakalaki ng pagkakautang ko sa kanila. Naisip ko na sa buong buhay ko, wala pa akong nagawa para sa mga magulang ko. Sa halip, lagi ko na lang silang pinag-aalala. Lalo na nang makita ko si mama na mahimbing na natutulog sa tren, alam kong hindi na siya nakatulog nang mahimbing mula noong maaresto ako. Sobra kong sinisi ang sarili ko, at naramdaman kong hindi ko natupad ang mga responsibilidad ko bilang anak. Ngayong malaki na ako, dapat na akong kumita ng pera para suportahan sila at hindi na sila dapat pang mag-alala para sa akin. Pag-uwi ko sa bahay, binalak kong maghanap agad ng trabaho at kumita ng pera para makabawi sa kanila sa materyal na paraan. Nang malaman nina Mama at Papa ang ideya ko, hindi sila suportado na magtrabaho ako. Gusto nila na manampalataya ako sa Diyos nang maayos at magkaroon ng mas maraming oras para basahin ang mga salita ng Diyos at gawin ang tungkulin ko. Habang mas nagiging mabuti sila sa akin, mas lalo kong nararamdaman na may utang ako sa kanila. Sa tuwing naiisip ko na sa edad kong ito ay sinusuportahan pa rin ako ng mga magulang ko, lalo akong nagiging determinadong magtrabaho. Kalaunan, dahil sa iba’t ibang dahilan, at dahil na rin sa pandemya, hindi ako nakahanap ng trabaho, pero palagi pa ring nakakaramdam ng pagkakautang ang puso ko sa mga magulang ko at palagi kong iniisip kung paano sila masusuklian. May hepatitis B ang mama ko at napakahina niya; malubha naman ang pananakit ng likod ni Papa, at may diyabetes at sakit sa puso pa siya, at hindi na kasinglusog ng dati ang katawan niya. Kaya tinutulungan ko silang maglaba at gumawa ng ilang gawaing kaya ko, at isinasagawa ko rin ang “gua sha”[a] o pagkaskas sa likod ni Papa, at binibilhan ko siya ng mga medicated plaster. Hindi nagtagal pagkatapos alisin ang mga lockdown dahil sa pandemya, natagpuan ako ng mga pulis at pinapirma ako sa “Tatlong mga Pahayag” para itakwil at ipagkanulo ang Diyos, at pinagbantaan ako na kung hindi ako pipirma, patuloy nila akong tutugisin. At sinabihan din nila ako na maging handa na mag-ulat sa istasyon ng pulis anumang oras. Alam ko sa puso ko na hindi na ako puwedeng manatili pa sa bahay.

Makalipas ang ilang buwan, pumunta ako sa ibang lugar para gawin ang tungkulin ko. Puno ng pag-aatubili ang puso ko na mawalay muli sa mga magulang ko, “Pag-alis ko ngayon, hindi ko alam kung kailan ako makakabalik. Tumatanda na ang mga magulang ko at palala nang palala ang kalusugan nila. Ako lang ang anak sa pamilya. Kapag wala ako, walang mag-aalaga sa kanila. Paano kung may mangyari sa kanila? Madalas na sinasabi ng mga tao na ang pagpapalaki ng mga anak ay paghahanda para sa pagtanda, pero wala man lang akong natupad na tungkulin bilang anak, kaya nasayang lang talaga ang pagpapalaki sa akin ng mga magulang ko.” Nang maisip ko ito, parang pinipiga ang puso ko sa sakit. Kahit ginagawa ko ang tungkulin ko, palagi akong nangungulila sa mga magulang ko. Minsan, gusto ko pa ngang umuwi at doon na lang gawin ang tungkulin ko para makasama ko sila. Alam kong hinahanap pa rin ako ng mga pulis at hindi ako puwedeng bumalik, pero kapag naiisip ko ang mahinang kalusugan nina Mama at Papa, hindi ko mapakalma ang puso ko o mailaan ang puso ko sa aking tungkulin. Kalaunan, nalaman ng superbisor ang kalagayan ko, at hinanapan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung hindi sinusubukan ng iyong mga magulang na hadlangan ang iyong pananampalataya sa Diyos, at mga mananampalataya rin sila, at talagang sinusuportahan at hinihikayat ka nilang gampanan ang iyong tungkulin nang matapat at kumpletuhin mo ang atas ng Diyos, ang relasyon mo sa iyong mga magulang ay hindi isang regular na relasyon ng laman sa pagitan ng magkakamag-anak, kundi isa itong relasyon sa pagitan ng magkakapatid sa iglesia. Sa ganoong sitwasyon, bukod sa pakikisalamuha sa kanila bilang mga kapwa kapatid sa iglesia, dapat mo ring tuparin ang ilan sa iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak. Dapat mo silang pakitaan ng kaunting karagdagang malasakit. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap sa tungkulin mo, ibig sabihin, basta’t hindi nila napipigilan ang iyong puso, maaari mong tawagan ang iyong mga magulang upang kumustahin sila at magpakita ng kaunting pagmamalasakit sa kanila, maaari mo silang tulungang lutasin ang ilang suliranin at asikasuhin ang ilan sa kanilang problema sa buhay, at maaari mo pa nga silang tulungang lutasin ang ilan sa mga suliraning mayroon sila sa usapin ng kanilang buhay pagpasok—maaari mong gawin ang lahat ng bagay na ito. Sa madaling salita, kung hindi hinahadlangan ng iyong mga magulang ang iyong pananampalataya sa Diyos, dapat mong panatilihin ang relasyong ito sa kanila, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. At bakit dapat mo silang pakitaan ng malasakit, alagaan, at kumustahin? Dahil anak ka nila at may ganito kang relasyon sa kanila, at mayroon kang isa pang uri ng responsabilidad, at dahil sa responsabilidad na ito, dapat mo silang kumustahin pa at bigyan sila ng mas makabuluhang tulong. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at basta’t hindi hinahadlangan o ginugulo ng mga magulang mo ang iyong pananalig sa Diyos at ang iyong pagganap sa tungkulin, at hindi ka rin nila pinipigilan, kung gayon ay natural at nararapat na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa kanila, at dapat mo itong gawin hanggang sa antas na hindi ka inuusig ng iyong konsensiya—ito ang pinakamababang pamantayan na dapat mong matugunan. Kung hindi mo magawang igalang ang iyong mga magulang sa tahanan dahil sa epekto at paghadlang ng iyong mga sitwasyon, hindi mo kailangang sundin ang patakarang ito. Dapat mong ipagkatiwala ang iyong sarili sa mga pamamatnugot ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at hindi mo kailangang ipilit na igalang ang iyong mga magulang. Kinokondena ba ito ng Diyos? Hindi ito kinokondena ng Diyos; hindi Niya pinipilit ang mga tao na gawin ito. Ano ang pinagbabahaginan natin ngayon? Pinagbabahaginan natin kung paano dapat magsagawa ang mga tao kapag sumasalungat ang paggalang sa kanilang mga magulang sa pagganap sa kanilang tungkulin; nagbabahaginan tayo sa mga prinsipyo ng pagsasagawa at sa katotohanan. May responsabilidad kang igalang ang iyong mga magulang, at kung pinahihintulutan ng mga sitwasyon, maaari mong tuparin ang responsabilidad na ito, ngunit hindi ka dapat mapigilan ng iyong mga damdamin. Halimbawa, kung magkasakit ang isa sa iyong mga magulang at kailangan niyang pumunta sa ospital, at walang sinumang mag-aalaga sa kanya, at masyado kang abala sa iyong tungkulin para makauwi, ano ang dapat mong gawin? Sa ganitong mga pagkakataon, hindi ka maaaring mapigilan ng iyong mga damdamin. Dapat mong ipagdasal ang usapin, ipagkatiwala ito sa Diyos, at ipagkatiwala ito sa mga pamamatnugot ng Diyos. Ganoong uri ng saloobin ang dapat na mayroon ka. … Kapag naharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, kung hindi ito nagdudulot ng mga pagkaantala sa iyong tungkulin o nakaaapekto sa iyong tapat na pagganap sa iyong tungkulin, maaari kang gumawa ng ilang bagay na kaya mong gawin upang magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, at maaari mong tuparin ang mga responsabilidad na kaya mong tuparin. Bilang buod, ito ang nararapat gawin at kayang gawin ng mga tao sa saklaw ng pagkatao. Kung mabibitag ka ng iyong mga damdamin, at maaantala nito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, ganap niyong sasalungatin ang mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman hiningi ng Diyos na gawin mo iyon, hinihingi lang ng Diyos na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, iyon lang. Iyon ang ibig sabihin ng pagiging mabuting anak sa magulang(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (4)). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, nalaman ko kung paano magsasagawa. Parehong nananampalataya sa Diyos ang mga magulang ko, at kapag pinahihintulutan ng kapaligiran at hindi nakakahadlang sa mga tungkulin ko, puwede ko silang tulungan sa mga gawaing-bahay at alagaan sila sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Puwede akong makipagkuwentuhan sa kanila at makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, para tulungan sila sa kanilang buhay pagpasok. Kung hindi naman pinahihintulutan ng kapaligiran, dapat kong unahin ang tungkulin ko, dahil bilang isang nilikha, ang pagkompleto sa atas ng Diyos at paggawa nang maayos sa aking tungkulin ang pinakamahalagang bagay. Nang maunawaan ko ito, naging handa akong ipagkatiwala ang mga magulang ko sa mga kamay ng Diyos at unahin munang gawin nang maayos ang sarili kong tungkulin.

Minsan, may isang lider na pumunta sa isang pagtitipon at sinabi sa akin na huwag na huwag daw akong uuwi. Sinabi niya na pito o walong pulis daw ang pumunta sa bahay namin para pilitin si mama na sabihin kung nasaan ako, at sinabi rin daw ng mga ito na ang kaso ko ay hawak ng panlalawigang departamento at napagdesisyunan nilang napakahalaga na mahuli ako. Kahit daw ang mga kamag-anak at kaibigan kong walang pananampalataya ay tinanong na rin ng mga pulis. Alam ko na kung hindi ako mahahanap ng mga pulis, tiyak na patuloy nilang iinterogahin ang mga magulang ko, at labis akong nakonsensiya. Pinipigilan kong umiyak, walang tigil kong sinisisi ang sarili ko: “Ako ang nagdulot ng gulo sa mga magulang ko. Kung hindi dahil sa akin, hindi sana kakailanganing magtiis ng ganitong hirap sina Mama at Papa. Ngayong wala na ako sa bahay, hindi ako mahanap ng mga pulis, kaya iniinteroga at nililigalig nila ang mga magulang ko. Ang mga pulis na ito ay parang mga makamandag na ahas. Kapag may pinuntirya na sila, hindi na sila bumibitaw kailanman. Mapapayapa pa ba ang buhay ng mga magulang ko? Bilang anak, hiindi ako kailanman nagdulot ng anumang mga pagpapala sa mga magulang ko. Ang ginawa ko lang ay maging pabigat sa kanila. Mas mainam pang hindi na lang nila ako pinalaki!” Pero alam ko rin na dumating ang sitwasyong ito sa akin nang may pahintulot ng Diyos, at hindi ako dapat magreklamo. Kaya, tahimik akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na protektahan ang puso ko. Naisip ko ang pelikulang Pag-aani ng Galak sa Gitna ng Paghihirap. Ang bida ay nahaharap sa pagkaparalisa dahil sa pananakit ng likod, at nagdusa siya ng matinding sakit, kapwa sa laman at sa espiritu. Gayumpaman, pagkatapos ng kanyang karanasan, nagkaroon siya ng kaunting pagkaunawa sa sarili at nagkaroon ng pag-usad sa kanyang buhay. Napagtanto ko na sa likod ng mga tila masasamang bagay ay nakatago ang mabubuting layunin ng Diyos, at handa akong magpasakop at matuto ng mga aral.

Pagkatapos, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagkat ang magaan na pagdurusa na panandalian lamang ay naghahatid sa atin ng lalong dakila at walang hanggang kaluwalhatian.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang totoong kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, ang mga tao sa lupaing ito ay sumasailalim sa pamamahiya at pang-uusig dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, bilang resulta. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at marami sa Kanyang mga salita ay hindi maisasakatuparan agad-agad; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng satanikong disposisyon ng mga tao ng maruming lupaing ito na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, upang, mula rito, magkamit Siya ng kaluwalhatian, at makamit Niya yaong mga magpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganyan ang buong kabuluhan ng lahat ng sakripisyong ginawa ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Pagkatapos pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang mga pag-aresto at pag-uusig ng malaking pulang dragon para magserbisyo sa pagpeperpekto sa hinirang na mga tao ng Diyos, na nagbibigay-daan sa mga tao na makita nang malinaw ang pangit na mukha ng CCP at makilala ang buktot na diwa nito na mapanlaban sa Diyos, para mas matatag silang makasunod sa Diyos. Kasabay nito, ginagawa ring perpekto ng Diyos ang pananalig ng mga tao sa pamamagitan ng kapaligirang ito, hinahayaan silang makita na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, maunawaan ang awtoridad ng Diyos at hindi na matakot kay Satanas, para matuto sila ng mga aral mula sa kapighatian at makamit ang katotohanan. Ang pag-uusig sa mga magulang ko ay may pahintulot ng Diyos, pero isa rin itong pagkakataong ibinigay ng Diyos para maranasan nila ang gawain ng Diyos at magpatotoo sa Kanya. Pero napakakitid ng isip ko at hindi ko makilatis ang mga bagay-bagay, kaya palagi kong isinasaalang-alang ang mga bagay-bagay mula sa perspektiba ng laman, nag-aalala kung magdurusa ba ang mga magulang ko at sinisisi ko pa nga ang lahat sa sarili ko. Naniwala ako na nadamay ko ang mga magulang ko rito, at dahil doon ay nakaramdam ako ng pagkakautang sa kanila at pagkakonsensiya, na para bang hindi uusigin ang mga magulang ko kung hindi ako naaresto. Napaka-irasyonal nito. May buktot na kalikasan ang malaking pulang dragon, at inaaresto at inuusig nito ang mga mananampalataya sa Diyos na para bang nababaliw ito. Kahit hindi ako naaresto, uusigin pa rin ng CCP ang mga magulang ko dahil sa pananampalataya nila sa Diyos. Maraming taon na ang nakalipas, noong bata pa ako, dinala ako ng mga magulang ko sa iba’t ibang lugar para magtago upang maiwasan ang pag-aresto dahil sa pananampalataya sa Diyos, at maraming taon kaming hindi nakabalik sa sarili naming tahanan. Hindi talaga naging matatag ang buhay namin. Ngayong ginugulo at inuusig na naman ng mga pulis ang mga magulang ko, dapat kong kamuhian ang malaking pulang dragon, at gawin nang maayos ang tungkulin ko para ipahiya ito. Pagkatapos, sumulat ako ng liham sa mga magulang ko at ibinahagi ko ang mga layunin ng Diyos at ang pagkaunawa ko mula sa pagdanas sa kapaligirang ito para palakasin ang loob nila. Kalaunan, nakatanggap ako ng sagot mula sa mga magulang ko. Sinabi nila na duwag sila at natatakot kapag nahaharap sa paulit-ulit na panliligalig mula sa mga pulis, pero sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos tungkol sa Kanyang awtoridad, nalaman nila na si Satanas ay laruan lang sa mga kamay ng Diyos, at walang magagawa ang mga pulis kung walang pahintulot ng Diyos. Nagbigay ito sa kanila ng pananalig at lakas ng loob na harapin ito, at naglakas-loob pa nga silang pabulaanan ang mga walang-batayang tsismis at panlilinlang ng mga pulis. Nang makita ko ang natamo ng mga magulang ko, lubos akong naantig. Wala man ako para samahan ang mga magulang ko, mas naging maganda pa ang buhay nila sa pamumuno ng mga salita ng Diyos, at nakita kong walang-wala palang basehan ang mga pag-aalala ko. Nang maisip ko ito, hindi na ako gaanong nag-alala para sa mga magulang ko.

Minsan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan. Kung hindi ito matatawag na kabutihan, hindi ba’t isa itong bagay na dapat mong matamasa? (Ganoon na nga.) Ito ay isang uri ng karapatan na dapat mong matamasa. Dapat kang palakihin ng iyong mga magulang, dahil bago ka umabot sa hustong gulang, ang papel na ginagampanan mo ay ang pagiging isang anak na pinalalaki. Samakatwid, tinutupad lang ng iyong mga magulang ang responsabilidad nila sa iyo at tinatanggap mo lang ito, ngunit tiyak na hindi nito ibig sabihin na tumatanggap ka ng biyaya o kabutihan mula sa kanila. Para sa anumang buhay na nilalang, ang pagbubuntis at pag-aalaga sa mga supling, pag-aanak, at pagpapalaki sa susunod na henerasyon ay isang uri ng responsabilidad. Halimbawa, ang mga ibon, baka, tupa, at maging ang mga tigre ay kailangang mag-alaga sa kanilang mga supling pagkatapos nilang manganak. Walang buhay na nilalang na hindi nagpapalaki ng kanilang mga supling. Posibleng mayroong ilang eksepsiyon, ngunit hindi ganoon karami. Ito ay isang likas na penomena sa pag-iral ng mga buhay na nilalang, ito ay isang likas na gawi ng mga buhay na nilalang, at hindi ito maiuugnay sa kabutihan. Sumusunod lamang sila sa batas na itinakda ng Lumikha para sa mga hayop at sangkatauhan. Samakatwid, ang pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang ay hindi isang kabutihan. Batay rito, masasabi na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa iyo. Gaano man kalaki ang pagsisikap at perang ginugugol nila sa iyo, hindi nila dapat hilingin sa iyo na suklian sila, dahil ito ang kanilang responsabilidad bilang mga magulang. Dahil ito ay isang responsabilidad at isang obligasyon, dapat na libre ito, at hindi sila dapat humingi ng kabayaran. Sa pagpapalaki sa iyo, ginagampanan lamang ng iyong mga magulang ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at hindi ito dapat binabayaran, at hindi ito dapat isang transaksiyon. Kaya, hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang o pangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideya ng pagsukli sa kanila. Kung talaga ngang tinatrato mo ang iyong mga magulang, sinusuklian sila, at pinangangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideyang ito, hindi iyon makatao. Kasabay nito, malamang na mapipigilan at magagapos ka ng mga damdamin ng iyong laman, at mahihirapan kang makalabas sa mga gusot na ito, hanggang sa maaaring maligaw ka pa. Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang, kaya wala kang obligasyon na isakatuparan ang lahat ng ekspektasyon nila. Wala kang obligasyong magbayad para sa mga ekspektasyon nila. Ibig sabihin, maaari silang magkaroon ng sarili nilang mga ekspektasyon. May sarili kang mga pasya, at landas sa buhay at tadhana na itinakda ng Diyos para sa iyo, na walang kinalaman sa iyong mga magulang(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagsilang sa akin ng mga magulang ko, ang pagpapalaki sa akin, at pagtustos sa buhay ko ay isang responsibilidad na dapat nilang tuparin. Hindi ito kabaitan at hindi kailangang suklian. Katulad lang ng mga ibon sa mundo ng mga hayop: Kapag nanganak ang isang inahing ibon, pinapakain niya ang kanyang mga inakay at ibinubuwis ang kanyang buhay para makahuli ng pagkain para mapalaki ang mga ito. Kapag nasa panganib ang mga inakay, desperadong poprotektahan ng inahing ibon ang mga ito, poprotektahan ang kanyang mga anak kahit na siya mismo ang masugatan. Ang pag-aalaga at pagmamahal ng mga inahing ibon sa kanilang mga inakay ay purong nagmumula sa isang likas na gawi. Ganoon din sa mga taong nagpapalaki ng kanilang mga anak. Mula sa sandaling isinilang ako ng mga magulang ko, mayroon na silang responsabilidad na palakihin ako at obligasyong alagaan ako. Nang palakihin nila ako, tinutupad nila ang kanilang responsabilidad, at wala akong anumang utang sa kanila o hindi ko sila kailangang suklian. Naimpluwensiyahan at nakondisyon ako ng mga tradisyonal na kultural na ideya tulad ng “Palakihin ang mga anak para may mag-alaga sa iyo sa pagtanda,” at “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat.” Itinuring kong isang kabaitan ang pag-aalaga sa akin ng mga magulang ko, at naniwala akong dapat ko silang suklian sa pagbabayad ng halaga at paggugol ng kanilang sarili para sa akin, kaya desperado akong isakripisyo ang natitirang bahagi ng buhay ko para doon. Alam na alam ko na hindi ako kumain o uminom ng mga salita ng Diyos o gumawa ng tungkulin sa kulungan sa loob ng mahigit dalawang taon, at sobrang nahuli na ang buhay pagpasok ko, kaya ngayon, dapat kong basahin ang mga salita ng Diyos at gawin ang tungkulin ko nang maayos. Pero kapag naiisip ko ang pag-aalala ng mga magulang ko tungkol sa akin at ang pagdurusa nila, gusto ko na lang magtrabaho at kumita ng pera para masuklian sila ng magandang materyal na buhay. Kung hindi lang dahil sa pandemya, nagtrabaho na sana ako at kumita ng pera. Kalaunan, umalis ako ng bahay para gawin ang tungkulin ko, pero iniisip ko pa rin kung paano susuklian ang mga magulang ko. Ang buong isipan ko ay nakagapos sa ideya ng pagbabayad ng utang na loob, na para bang ang natitirang bahagi ng buhay ko ay iuukol na lamang sa pagsukli sa kabaitan ng aking mga magulang. Isa akong nilikha. Ang hininga ko ay bigay ng Diyos, at ang Diyos ang nagprotekta sa akin habang lumalaki ako. Sa mga huling araw, biniyayaan din ako ng Diyos na makalapit sa Kanya para matamasa ko ang panustos ng Kanyang mga salita. Napakalaking halaga ang ibinayad ng Diyos para sa akin, at dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ko para mapalugod ang Diyos. Kahit na inalagaan akong mabuti ng mga magulang ko, hindi ako mabubuhay ngayon kung wala ang proteksyon ng Diyos. Katulad lang noong umakyat ako ng bundok noong katorse anyos ako. Kung hindi dahil sa proteksyon ng Diyos, nahulog na sana ako sa ilalim ng bundok at namatay. Ang pinagkakautangan ko nang lubos ay ang Diyos, hindi ang mga magulang ko. Hindi ako dapat mamuhay para suklian ang kabaitan ng mga magulang ko, kundi dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ko para mapalugod ang Diyos. Nang maunawaan ko ito, nagawa kong tratuhin nang tama ang pagmamahal at pag-aaruga na ibinigay sa akin ng mga magulang ko.

Kalaunan, nabasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “Una sa lahat, pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, umaalis ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi dahil sa gusto mong iwan ang iyong mga magulang at takasan ang iyong mga responsabilidad, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang pagpipilian kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon kang emosyonal na koneksiyon at mga saloobin para sa iyong mga magulang; hindi walang kabuluhan ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong mga tungkulin, kung gayon, kusang-loob kang mananatili sa kanilang tabi, regular silang aalagaan, at tutuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan; hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo ito maaaring gawin. Hindi ba’t iba ang kalikasan nito? (Oo.) Kung iniwan mo ang tahanan para iwasan ang pagiging mabuting anak at pagtupad sa iyong mga responsabilidad, iyon ay pagiging suwail na anak at kawalan ng pagkatao. Pinalaki ka ng iyong mga magulang, pero hindi ka makapaghintay na ibuka ang iyong mga pakpak at agad na umalis nang mag-isa. Ayaw mong makita ang iyong mga magulang, at wala kang pakialam kapag nabalitaan mo ang pagdanas nila ng ilang paghihirap. Kahit na may kakayahan kang tumulong, hindi mo ginagawa; nagpapanggap ka lang na walang narinig at hinahayaan ang iba na sabihin ang kung ano-anong gusto nila tungkol sa iyo—sadyang ayaw mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad. Ito ay pagiging suwail na anak. Ngunit ganito pa ba ang nangyayari ngayon? (Hindi.) Maraming tao ang umalis na sa kanilang bayan, lungsod, probinsiya, o maging sa kanilang bansa para magampanan ang kanilang mga tungkulin; malayo na sila sa kanilang lugar na kinalakhan. Dagdag pa rito, hindi madali para sa kanila na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa iba’t ibang kadahilanan. Paminsan-minsan, tinatanong nila ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang mga magulang mula sa mga taong galing sa parehong lugar na kinalakhan nila at nakakahinga sila nang maluwag kapag nababalitaan nilang malusog pa rin ang kanilang mga magulang at maayos pa rin na nakakaraos. Sa katunayan, hindi ka suwail na anak; hindi ka pa umabot sa punto ng pagiging walang pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang alalahanin ang iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya mo kinakailangang gawin ang ganitong pasya, kaya hindi ka suwail na anak. Ito ang dalawang dahilan. At may isa pa: Kung ang iyong mga magulang ay hindi ang uri ng mga taong partikular na umuusig sa iyo o humahadlang sa iyong pananampalataya sa Diyos, kung sinusuportahan nila ang iyong pananampalataya sa Diyos, o kung sila ay mga kapatid na nananampalataya sa Diyos tulad mo, mga miyembro mismo ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, sino sa inyo ang hindi tahimik na nagdarasal sa Diyos sa kaloob-looban kapag iniisip ang iyong mga magulang? Sino sa inyo ang hindi ipinagkakatiwala ang inyong mga magulang—kasama na ang kanilang kalusugan, kaligtasan, at lahat ng kanilang pangangailangan sa buhay—sa mga kamay ng Diyos? Ang ipagkatiwala ang iyong mga magulang sa mga kamay ng Diyos ang pinakamainam na paraan para magpakita ng pagiging mabuting anak sa kanila. Hindi mo gusto na maharap sila sa iba’t ibang klase ng paghihirap sa kanilang buhay, at ayaw mo rin na mamuhay sila nang hindi komportable, hindi kumakain nang maayos, o nagdurusa sa masamang kalusugan. Sa kaibuturan ng iyong puso, talagang umaasa ka na poprotektahan sila ng Diyos at pananatilihing ligtas. Kung sila ay mga mananampalataya sa Diyos, umaasa ka na magagampanan nila ang kanilang sariling mga tungkulin at umaasa ka rin na makakapanindigan sila sa kanilang patotoo. Ito ay pagtupad ng tao sa kanyang mga responsabilidad; makakamit lamang ng mga tao ang ganito karami sa pamamagitan ng kanilang sariling pagkatao. Dagdag pa rito, ang pinakamahalaga ay na pagkatapos ng mga taon ng pananampalataya sa Diyos at pakikinig sa napakaraming katotohanan, kahit papaano, ang mga tao ay may ganitong kaunting pagkaunawa at pagkaintindi: Ang kapalaran ng tao ay itinatakda ng Langit, ang tao ay namumuhay sa mga kamay ng Diyos, at ang pagkakaroon ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos ay mas mahalaga kaysa sa mga alalahanin, pagiging mabuting anak, o ang masamahan ng mga anak. Hindi ba’t magaan sa pakiramdam na nasa pangangalaga at proteksyon ng Diyos ang iyong mga magulang? Hindi mo na kailangang mag-alala para sa kanila. … sa alinmang paraan, hindi dapat makonsensiya o magkaroon ng mabigat na pasanin sa konsensiya ang mga tao dahil sa hindi nila matupad ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga magulang sapagkat apektado sila ng mga obhetibong sitwasyon. Ang mga isyung ito, at ang iba pang katulad nito, ay hindi dapat maging problema sa buhay-pananampalataya sa Diyos ng mga tao; ang mga ito ay dapat bitiwan. Pagdating sa mga paksang ito na nauugnay sa pagtupad sa mga responsabilidad ng isang tao sa mga magulang, dapat magkaroon ang mga tao nitong mga tumpak na pagkaunawa at hindi na dapat makaramdam ng pagpipigil(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Tinulungan ng mga salita ng Diyos na makalaya ang aking espiritu, at naunawaan ko kung ano ang tunay na hindi pagiging mabuting anak. Kapag malinaw na may mga kondisyon ang mga anak na alagaan ang kanilang mga magulang pero inaasikaso lang ang sarili nilang kasiyahan, iniiwasan ang kanilang mga responsabilidad at binabalewala ang kanilang mga magulang, iyon ay kawalan ng konsensiya. Ito ay pagiging hindi mabuting anak. Pero ang kawalan ko ng abilidad alagaan ang mga magulang ko ay hindi pag-iwas sa aking mga responsabilidad, at hindi rin nangangahulugang ayaw ko silang igalang. Ito ay dahil hindi ako makauwi dahil sa pag-uusig ng CCP. Bukod pa riyan, nananampalataya rin ang mga magulang ko sa Diyos at ang pinakamalaking inaasahan nila sa akin ay hindi ang mag-alaga ako sa kanila sa kanilang pagtanda o sa nalalabing bahagi ng kanilang buhay, kundi na mananampalataya ako sa Diyos at gagawin ko nang maayos ang tungkulin ko, at tatahakin ang tamang landas sa buhay. Dahil dito, hindi ko kailangang makonsensiya, at ang paggawa nang maayos sa aking tungkulin ang pinakamalaking kapanatagan na maibibigay ko sa aking mga magulang. Kasabay nito, nakahanap din ako sa mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa, na ipagkatiwala ang aking mga magulang sa mga kamay ng Diyos at hayaan ang Diyos na akayin sila, dahil ang pagsama at pag-aalaga ko ay mababaw na pag-aalala lamang, at walang anumang tunay na epekto. Katulad lang noong sumasakit ang likod ni Papa. Ang pinakanagawa ko lang ay kaskasin siya ng “gua sha” at bilhan siya ng mga medicated plaster. Pero kapag inaatake siya ng angina, wala akong magawa, at nakatayo lang ako roon at walang nagagawa, hindi ko man lang maibsan ang pananakit niya. Kasama ko man ang mga magulang ko o hindi, kung talagang magkakasakit sila, magkakasakit sila, at kung talagang mananatili silang malusog, mananatili silang malusog. Walang magbabago dahil lang kasama nila ako. Kaya ang pagtitiwala sa kanila sa mga kamay ng Diyos ang pinakamatalinong pagpili. Kahit na may ilang karamdaman ang mga magulang ko ngayon, magkasama naman sila, at kaya nilang alagaan ang isa’t isa at makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos sa isa’t isa, kaya masaya ang kanilang mga espiritu. Ito ay isang bagay na hindi kayang palitan ng anumang pag-aalaga o materyal na kasiyahan, at panatag ang loob kong ipagkatiwala sila sa Diyos.

Dati, pininsala at iginapos ako ng mga lason ni Satanas at itinuring kong mga pinagkakautangan ang mga magulang ko, palaging nakokonsensiya dahil hindi ko sila maalagaan. Ngayon, kinalag ng mga salita ng Diyos ang mga tanikala sa aking espiritu, kaya hindi na ako gapos ng mga kabaitan. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso. Matagal ko nang hindi nakakausap ang mga magulang ko ngayon, at hindi ko alam kung kumusta na sila. Gayumpaman, kapag naiisip ko kung paano sila gagabayan ng Diyos sa susunod na tatahakin nilang landas, mas napapanatag ang puso ko, at handa akong ilaan ang aking oras at lakas sa aking tungkulin. Salamat sa Diyos!

Talababa:

a. Gua sha: Isang teknik kung saan kinakaskas ang isang makinis na kagamitan sa balat upang maibsan ang tensyon, mapabuti ang sirkulasyon, at mabawasan ang pananakit ng kalamnan.

Sinundan:  82. Tama bang Manampalataya sa Diyos Para Lang sa Biyaya at mga Pagpapala?

Sumunod:  89. Dapat Matutong Maging Bukas sa Pakikipagbahaginan Ang Isang Tao Tungkol sa Kanyang mga Paghihirap

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger