88. Ang Paghahangad ng Kasikatan at Pakinabang ay Hindi ang Tamang Landas

Ni Liu Lei, Tsina

Noong Hulyo 2022, nakita ng mga lider na medyo magaling ako sa pagsusulat, kaya isinaayos nilang gumawa ako ng gawaing nakabatay sa teksto sa iglesia. Nang maisip kong sa edad kong animnapu, nagagawa ko pa rin ang mga tungkuling nakabatay sa teksto, talagang natuwa ako. Sa isip-isip ko, “Gumawa na ako ng mga tungkuling nakabatay sa teksto dati, at may kaunti akong pagkaarok sa mga prinsipyo. Ngayon, basta’t maglaan ako ng sapat na pagsisikap at mas isapuso ko pa ito, tiyak na magiging kalipikado ako para sa tungkuling ito.” Pagkatapos nito, naging aktibo ako sa pakikilahok sa gawain. Kapag sinusuri ang ilang mahihirap na problema kasama ng mga kapatid ko, nagawa kong magpanukala ng ilang maisusulong na mga mungkahi. Pinuri ako ng superbisor dahil nagawa kong ibahagi ang mga landas ng pagsasagawa, at sinabi niyang may potensyal ako. Hiniling din sa akin na gabayan ang gawain ng iba pang mga manggagawa ng gawaing nakabatay sa teksto. Kalaunan, tinatawag na rin ako ng superbisor kapag may tinatalakay na mga problema, at ang mga kapatid naman ay lumalapit sa akin para makipagbahaginan sa tuwing may mga problema sila. Nang makita kong kinilala ng lahat ang aking propesyonal na kakayahan, hindi ko maipaliwanag ang saya sa puso ko, at lalo pang dumoble ang sigla ko sa paggawa ng aking tungkulin.

Pagkaraan ng ilang panahon, hiniling sa akin ng superbisor na linangin si Sister Xin Xin. Sa isip-isip ko, “Sinabi ng superbisor na may potensyal ako, at pinili pa niya akong gabayan ang gawain ni Xin Xin. Ipinapakita nito na talagang pinapahalagahan ako ng superbisor.” Kaya, pumayag ako. Pagkatapos, isinama ko si Xin Xin sa mga pagpupulong kasama ang mga lider at manggagawa para makipagbahaginan tungkol sa mga prinsipyo sa pagsusulat ng mga sermon. Nakikinig si Xin Xin sa isang tabi, at paminsan-minsan ay nagtatala. Pagbalik namin, nagbahaginan kami tungkol sa mga paglihis sa aming gawain. Kaming dalawa, isang matanda at isang bata, ay masayang-masaya na nagtulungan. Pagkaraan ng ilang panahon, natuklasan ko na napaka-inosente ni Xin Xin. Kapag may hindi siya alam, nagtatanong siya. Handa siyang matuto ng mga bagong bagay. Mahusay din ang kanyang kakayahan, at mabilis siyang umarok ng mga bagong bagay. Kapag nagbabahagi ang superbisor tungkol sa pagsasagawa ng mga prinsipyo, agad niyang nakukuha iyon. Medyo mabilis niyang nakukuha ang mga pangunahing punto ng mga prinsipyo, at nagagawa niyang agad na isagawa ang mga ito sa kanyang tungkulin. Sa isip-isip ko, “Ang bilis ng pag-usad ni Xin Xin, malapit na niya akong malampasan. Kailangan kong mas magsikap pa sa hinaharap, kung hindi, mapag-iiwanan niya ako. Sobrang nakakahiya iyon!” Pagkatapos noon, naglaan ako ng karagdagang oras sa pag-aaral ng mga prinsipyo. May altapresyon ako, at kung minsan, hindi pa nga ako nagpapahinga kahit na pakiramdam ko ay parang sobrang namamaga na ang ulo ko na hindi na ito kumportable. Ayokong abandonahin ang anumang pagkakataong mag-aral, dahil takot akong mapag-iwanan ni Xin Xin at maliitin ako ng mga tao. Sa isang pagtitipon, naroon din ang mga lider. Nagbigay ng isang tanong ang superbisor at hiniling na sagutin namin. Sa isip-isip ko, “Narito rin ang mga lider. Kailangan kong magbigay ng magandang sagot—hindi ko dapat hayaang maliitin ako ng mga lider.” Gayumpaman, habang mas pinipilit kong magbigay ng magandang sagot, lalo akong hindi makapagsalita nang malinaw. Pero si Xin Xin, isa-isang naipaliwanag nang napakalinaw ang bawat prinsipyo. Napabuntong-hininga ang superbisor at sinabi sa akin, “Ang tagal mo nang nagsasanay—paanong mas magaling pa sa iyo sa pag-arok ng mga prinsipyo ang isang sister na kararating lang?” Sabay-sabay na napabaling ang tingin sa akin ng mga lider at ng ilan pang mga manggagawa sa gawaing nakabatay sa teksto. Hiyang-hiya ako, nag-iinit ang mukha ko. Gusto ko na lang lamunin ng lupa sa kahihiyan. Naisip ko, “Dati, ako ang gumagabay kay Xin Xin, pero ngayon, nalampasan na niya ako sa lahat ng aspekto. Paano ko pa maipapakita ang matandang mukha kong ito. Dalawang taon na akong gumagawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto, pero hindi pa rin ako kasing-galing ng isang sister na kasisimula pa lang magsanay. Nakakahiya talaga!” Ang pagbuntong-hininga ng superbisor ay nangangahulugang dismayado siya sa akin. Tiyak na iniisip niya, paanong ang tagal-tagal ko nang nagsasanay pero limitado lang ang kakayahan ko? Noong panahong iyon, kahit na naglalaan ako ng karagdagang oras sa pag-aaral ng mga prinsipyo, kakaunti pa rin ang pag-usad ko.

Kalaunan, kami ni Xin Xin ay pinaghiwalay ng mga lider. Naging responsable kami sa pagpoproseso ng tig-isang bahagi ng mga sermon. Pagkaraan ng ilang panahon, paganda nang paganda ang mga resulta ng mga sermon na pinoproseso ni Xin Xin. Kung may anumang problemang gustong ibahagi ang superbisor, siya na ang tinatawag. Naalala ko na, minsan, sa isang buong pagtitipon, tanging ang mga tanong na inilahad ni Xin Xin ang siyang tinalakay ng superbisor. Naalala ko ang mga nakaraang pagtitipon, kung saan ako ang laging pinagtutuunan ng pansin. Ngayon, inagaw na ni Xin Xin ang ningning ko, at naging isa na lang akong “tagapakinig” na walang pumapansin. Parang nagwawala ang kalooban ko sa sobrang sama ng loob, may isang puwersang nakakulong sa puso ko na gustong-gustong makipagpaligsahan kay Xin Xin para makita kung sino ang mas magaling. Pagkatapos noon, sa tuwing naririnig ko sa pagtitipon na sinasabi ng superbisor na maganda ang resulta ng isang partikular na uri ng sermon, agad kong inaasikaso ang ganoong uri ng sermon. Gusto kong magkaroon agad ng resulta para maipakita sa mga kapatid na may ibubuga rin ako. Pero dahil sa pagiging sabik ko sa mga tagumpay at pakinabang, at sa hindi paggawa ng tungkulin ayon sa mga prinsipyo, sa huli, karamihan sa mga sermon na inasikaso ko ay may mga problema. Sa buong panahong iyon, pagod na pagod ang katawan at isip ko, at medyo nalungkot ako, “Malinaw naman na may kaunti akong pagkaarok sa mga prinsipyong ito, pero bakit laging may problema ang mga sermon na inaasikaso ko?” Pagkatapos noon, parang nawalan na ako ng sigla sa paggawa ng tungkulin ko. Isang araw, dinala sa akin ni Xin Xin ang isang sermon para tingnan ko kung malinaw ba ang pagkakabahagi nito. Sa totoo lang, ayaw ko sana siyang tulungan, pero dahil nagtanong na siya, hindi ko naman siya matanggihan. Kaya, binasa ko ito, at natuklasan kong ito ay isa talagang makabuluhang sermon, pero may ilang problema rin ito. Sa isip-isip ko: “Kung ituturo ko sa kanya ang mga isyu, kapag naayos na niya ito at naipasa, hindi ba’t siya na naman ang mapapansin? Hindi ba’t lalo lang maipapakita nito na mas mataas ang antas ng kanyang pagiging propesyonal kaysa sa akin?” Samakatwid, pabasta-basta ko lang na binanggit sa kanya ang ilang hindi mahahalagang bagay, at hindi ko sinabi ang tungkol sa mga mahahalagang bahagi. Noong oras na iyon, medyo sinisisi ko ang sarili ko, “Malinaw kong nakita ang mga problema, pero nagpigil ako at walang sinabi. Ano ba itong ginagawa ko?” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Sino ba kasing nagsabi sa kanyang agawin ang ningning ko?” Sa sandaling maisip ko ang ideyang ito, naglaho ang katiting na paninisi sa sarili na nasa puso ko. Kalaunan, naantala nang napakatagal ang sermon na ito bago ito natapos at naipasa. Sa buong panahong iyon, palagi akong namumuhay sa isang kalagayan ng pakikipagkumpitensya kay Xin Xin. Pababa nang pababa ang mga resulta ng paggawa ko ng tungkulin, at ang puso ko ay parang nabalot ng kadiliman at nanlumo. Wala akong maramdamang anumang paggabay mula sa Banal na Espiritu. Buong araw akong naguguluhan. Kalaunan, sa mga pagtitipon, regular na pinupuri ng superbisor at ng ilang iba pang manggagawa ng gawaing nakabatay sa teksto ang mabilis na pag-usad ni Xin Xin. Ilang manggagawa ng gawaing nakabatay sa teksto ang nagtatanong pa nga kay Xin Xin tungkol sa ganito o ganoon. Pakiramdam ko ay naisantabi ako, at hindi ko maitaas ang ulo ko sa harap ng mga kapatid. Lalo pa akong nakaramdam ng pagkasira ng loob at pagdadalamhati sa puso ko. Kung minsan, gusto kong talikuran ang tungkulin ko, pero hindi ako nangangahas; kung minsan, gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko, pero wala akong sigla. Buong araw, malungkot at malumbay ako, at wala akong anumang pagnanais na gawin ang tungkulin ko. Ni wala nga rin akong anumang masabi kapag nagdarasal ako sa Diyos. Lalo na kapag sa mga pagtitipon ay nakikita ko ang mga sister na nagtatapat at nagbabahaginan, nag-uusap at nagtatawanan, sobrang sakit ng puso ko na para bang hinihiwa ito ng kutsilyo. Naramdaman ko pa ngang parang gusto ko na lang umuwi. Pagkatapos, dahil matagal nang masama ang kalagayan ko at mayroon akong altapresyon, itinalaga ng superbisor sa iba ang tungkulin ko.

Matapos maitalaga sa iba ang tungkulin ko, palagi kong hindi mapakalma ang puso ko, at saka lang ako nagsimulang magnilay sa sarili ko. Sa pag-iisip nito, nang magkaroon ng mga resulta si Xin Xin sa paggawa ng kanyang tungkulin, dapat ay natuwa ako. Bakit sa halip ay naging negatibo ako at nagdalamhati? Habang naghahanap ako, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at sa wakas ay nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Huwag hayaan ang sinuman na isipin na ang kanyang sarili ay perpekto, bantog, marangal, o namumukod-tangi sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Ang palaging pag-iisip na katangi-tangi ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman pagpapahintulot sa iba na maging mas mataas sa kanila, o maging mas mahusay sa kanila—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa mga kalakasan ng iba na malampasan o mahigitan ang sa kanila—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanila, at kapag natuklasan nila na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at panlulumo, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Dahil sa mapagmataas na disposisyon, maaaring maging maingat ka sa pagpoprotekta sa iyong reputasyon, hindi mo magawang tanggapin ang pagtatama ng iba, hindi mo magawang harapin ang mga pagkukulang mo, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na napipigil ka, kung kaya’t hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin at nagiging pabasta-basta ka sa pagtupad nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Inilantad ng Diyos na ang mapagmataas na disposisyon ng mga tao ay nagiging dahilan para ituring nilang perpekto ang kanilang sarili, at palagi nilang iniisip na mas magaling sila kaysa sa iba at naiiba sa karamihan. Sa sandaling may makalampas sa kanila, natatamaan ang kanilang pagnanais para sa reputasyon at katayuan. Naiinggit sila, at nakikipaglaban sa iba. Kapag hindi sila nagtagumpay, nagiging negatibo sila at nawawalan pa nga ng gana sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Ganoong-ganoon ang kalagayan ko. Noong una akong nagsimulang mag-asikaso ng mga sermon, nakakapagbahagi ako ng ilang landas. Pinahalagahan ako ng mga kapatid. Pakiramdam ko ay mas magaling ako kaysa sa kanila, kaya talagang nararapat lang ang kanilang pagpapahalaga. Noong ginagabayan ko si Xin Xin, sa simula ay nagawa ko siyang gabayan nang may pagmamahal sa puso. Kalaunan, nang makita kong mahusay ang kanyang kakayahan at mabilis siyang umusad, na ang mga resulta ng kanyang tungkulin ay nalampasan na ang sa akin, at na madalas siyang purihin ng superbisor, naramdaman kong nanganganib ang sarili kong reputasyon at katayuan. Pakiramdam ko ay wala na akong mukhang maihaharap, at talagang hindi ako kumportable sa loob-loob ko, kaya lihim akong nakipagkompetensiya sa kanya. Nang marinig kong sinabi ng superbisor kung anong uri ng sermon ang nagbunga ng magagandang resulta, dapat sana ay naglaan ako ng oras at pagsisikap sa pag-aaral ng mga prinsipyo, at pinag-isipan kung paano pinakamahusay na aasikasuhin ang mga sermon para magbunga ito ng magagandang resulta. Gayumpaman, sabik akong magkamit ng mga tagumpay at pakinabang para maiwasan ang kahihiyan at makuha ang paghanga ng iba, kaya maraming naging problema sa mga sermon na inasikaso ko. Hiniling sa akin ni Xin Xin na tulungan siyang suriin ang isang sermon, at dahil takot akong siya na naman ang mapansin at malampasan ako, hindi ako nagsabi sa kanya ng totoo kahit na nakita ko ang mga problema. Kahit na sinisisi ko ang sarili ko sa puso ko, ayaw kong bitiwan ang sarili ko at bumaling sa Diyos. Gayumpaman, kahit anong pakana o panloloko ang gawin ko, napag-iwanan pa rin niya ako. Hindi ko matanggap ang katotohanang ito, at naging negatibo ako at nanlumo. Ni wala na akong sigla sa paggawa ng mga tungkulin ko. Sa totoo lang, mas mahusay kaysa sa akin ang kakayahan at abilidad na umarok ni Xin Xin. Bukod pa riyan, nagsikap siya, at mabilis siyang umarok ng mga prinsipyo. Talagang normal lang na kapag ginagawa niya ang kanyang tungkulin ay maganda ang mga resulta nito. Gayumpaman, dahil masyadong matindi ang pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan, nakipaglaban at nakipagtalo ako sa kanya nang hayagan at palihim. Masyado akong mayabang at ignorante! Wala akong kahit katiting na kamalayan sa sarili! Paano ito matatawag na paggawa ng tungkulin? Malinaw na hinahangad ko ang reputasyon at katayuan, na nagiging dahilan para kasuklaman ako ng Diyos!

Kalaunan, pinag-isipan ko ito. Ang una kong motibasyon sa paggawa ng tungkulin ay para matugunan ang Diyos, pero paanong pagkatapos tahakin ang landas na ito sa loob ng ilang panahon, nagsimula akong magtrabaho para sa katayuan? Habang naghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking maling paghahangad. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Para sa mga anticristo, kung ang reputasyon o katayuan nila ay inaatake at inaalis, mas seryosong bagay pa ito kaysa sa pagtatangkang kitilin ang kanilang buhay. Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan nila o kahit gaano pa karaming salita ng Diyos ang basahin nila, hindi sila makakaramdam ng kalungkutan o pagsisisi na hindi nila naisagawa kailanman ang katotohanan at na natahak nila ang landas ng mga anticristo, o na nagtataglay sila ng kalikasang diwa ng mga anticristo. Sa halip, lagi silang nag-iisip ng paraan upang magkamit ng katayuan at pataasin ang kanilang reputasyon. Masasabi na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay ginagawa upang magpakitang-gilas sa harap ng iba, at hindi ginagawa sa harap ng Diyos. Bakit Ko nasasabi ito? Ito ay dahil labis na nahuhumaling ang gayong mga tao sa katayuan na itinuturing nila ito bilang pinakabuhay na nila, bilang panghabambuhay nilang layon. Higit pa rito, dahil mahal na mahal nila ang katayuan, hindi sila kailanman naniniwala sa pag-iral ng katotohanan, at masasabi pa ngang hinding-hindi sila naniniwala na mayroong Diyos. Kaya, paano man sila magkalkula upang magkamit ng reputasyon at katayuan, at paano man nila subukang magpanggap upang lokohin ang mga tao at ang Diyos, sa kaibuturan ng kanilang puso, wala silang kamalayan o paninisi sa sarili, lalo na ng anumang pagkabalisa. Sa kanilang patuloy na paghahangad sa reputasyon at katayuan, walang pakundangan din nilang itinatanggi ang nagawa ng Diyos. Bakit Ko sinasabi iyon? Sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, naniniwala sila na, ‘Lahat ng reputasyon at katayuan ay nakakamtan sa pamamagitan ng sariling pagsusumikap ng tao. Sa pagkakamit lamang ng matibay na posisyon sa gitna ng mga tao at pagkakamit ng reputasyon at katayuan niya matatamasa ang mga pagpapala ng diyos. May halaga lamang ang buhay kapag ang mga tao ay nagkakamit ng ganap na kapangyarihan at katayuan. Ito lamang ang pamumuhay na tulad ng isang tao. Sa kabaligtaran, walang silbi ang mamuhay sa paraang sinasabi sa salita ng diyos—ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng diyos sa lahat ng bagay, ang bukal sa loob na lumugar sa posisyon ng isang nilikha, at ang mamuhay gaya ng isang normal na tao—walang titingala sa gayong tao. Dapat pagsumikapan ng isang tao ang kanyang katayuan, reputasyon, at kaligayahan; dapat ipaglaban at sunggaban ang mga ito nang may positibo at maagap na saloobin. Walang ibang magbibigay ng mga ito sa iyo—ang pasibong paghihintay ay hahantong lang sa kabiguan.’ Ganito magkalkula ang mga anticristo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo. Kung umaasa kang tatanggapin ng mga anticristo ang katotohanan, aaminin ang mga pagkakamali, at magkakaroon sila ng tunay na pagsisisi, imposible ito—hinding-hindi nila ito kayang gawin. Taglay ng mga anticristo ang kalikasang diwa ni Satanas, at kinamumuhian nila ang katotohanan, kaya, kahit saan man sila magpunta, kahit na pumunta sila sa dulo ng mundo, hinding-hindi magbabago ang ambisyon nila ng paghahangad sa reputasyon at katayuan, at pati na rin ang kanilang pananaw sa mga bagay-bagay, o ang landas na kanilang tinatahak(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko, na itinuturing ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan bilang kanilang buhay. Sa anumang grupo man sila mapunta, palagi nilang gustong pahalagahan at sambahin sila. Iniisip nilang sa pamumuhay lang nang ganito nagkakaroon ng halaga ang buhay. Ang mga anticristo ay kumikilos lamang sa harap ng mga tao. Hindi nila tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos. Sa sandaling masira ang kanilang reputasyon at katayuan, nakikipag-agawan at nakikipaglaban sila, nag-iisip ng lahat ng paraan para mabawi ang kanilang reputasyon at katayuan. Hindi nila kailanman basta na lang gagampanan ang kanilang tungkulin nang may kababaang-loob at pagkakuntento. Ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Ang inilantad ng mga salita ng Diyos ay talagang nakaantig sa akin, at nagbigay din ng takot sa akin. Nakita kong ang pag-uugali ko ay parehong-pareho sa isang anticristo. Mula pa noong bata ako, ikinintal na sa akin ng paaralan at pamilya ang mga satanikong tuntunin ng pag-iral, tulad ng “Mamukod-tangi sa iba,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Sikaping mamukod-tangi sa iba.” Anuman ang sitwasyon o grupo ng mga taong napuntahan ko, hinahangad kong makuha ang pagpapahalaga at papuri ng iba. Akala ko, ang pagpapahalaga ng iba ay nagbibigay ng kabuluhan sa buhay, at ang maliitin ng iba ay nagiging dahilan para maging kahabag-habag ang buhay. Pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, namuhay pa rin ako na umaasa sa mga satanikong tuntuning ito. Halimbawa, noong ginagawa ko ang mga tungkuling nakabatay sa teksto, sa simula ay nakuha ko ang pagsang-ayon ng superbisor at ang pagpapahalaga ng mga kapatid, kaya masigasig ako sa paggawa ng aking mga tungkulin. Kalaunan, nang paganda nang paganda ang mga resulta ng tungkulin ni Xin Xin, at nalampasan pa ako, ang makatwirang gawin sana ay kunin ko ang kanyang mga kalakasan. Ang pagkilos sa ganitong paraan ay nakabuti sana sa gawain ng iglesia, pero nang makita kong pinapalibutan siya ng mga kapatid at tinatanong tungkol sa kung anu-ano, naramdaman kong isinantabi ako at binalewala. Inakala kong inagaw niya ang ningning na dati ay sa akin. Talagang hindi ako naging kumportable, at naisip kong kahabag-habag ang pamumuhay ko. Ayaw kong mapag-iwanan niya, at piniga ko ang utak ko para humanap ng mga paraan para makipagkompetensiya sa kanya. Nang lumapit siya sa akin para humingi ng payo sa mga problema, nagpigil ako at hindi ako nagsabi ng totoo sa kanya. Dahil dito, natapos lang ang isang magandang sermon pagkalipas ng napakatagal na pagkaantala, na nakahadlang sa pag-usad. Paano ito matatawag na paggawa ng tungkulin? Nilalabanan ko ang Diyos! Bata si Xin Xin, may mahusay na kakayahan, at mabilis makaarok ng mga katotohanang prinsipyo. Karapat-dapat siyang linangin, at normal lang na mas binibigyan siya ng pansin ng superbisor sa mga pagtitipon. Gayumpaman, piniga ko ang utak ko sa pag-iisip ng mga paraan para makipaglaban sa kanya para mapanatili ang aking reputasyon at katayuan. Sa huli, naantala ang pagpasa ng sermon, habang ako naman ay nahulog sa kadiliman. Sa totoo lang, nagdulot sa akin ng pagdurusa at pagkapagod ang pakikipagkompetensiya kay Xin Xin. Gayumpaman, hindi ko matiis ang nararamdaman ko nang binalewala ako, at gusto kong patunayan na magkasinghusay kami, o kung hindi, mas mahusay pa ako. Nang hindi ko ito nakamit, naging negatibo at nahirapan ang puso ko. Nakita kong masyadong mahigpit ang pagkakatali sa akin ng mga satanikong tuntunin tulad ng “Mamukod-tangi sa iba,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Sikaping mamukod-tangi sa iba.” Baluktot ang aking kaisipan. Para mamukod-tangi sa iba, lahat ng ginawa ko ay gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia, at lumaban sa Diyos. Talagang ginawa kong kasuklam-suklam ang sarili ko sa Diyos. Kung hindi ako magsisisi sa lalong madaling panahon, mabubunyag at ititiwalag ako ng Diyos sa malao’t madali. Nang maunawaan ko ito, napuno ako ng pagsisisi at paninisi sa sarili. Lumuhod ako sa harap ng Diyos sa pagsisisi, “Mahal kong Diyos! Itinaas Mo ako para gawin ang tungkulin ko, pero wala akong kahihiyan. Sa paghahangad ng reputasyon at katayuan, ipinagwalang-bahala ko ang aking tungkulin. Tiyak na kinasusuklaman Mo ako! Mahal kong Diyos! Handa akong magsisi, na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at makipagtulungan nang maayos sa aking mga kapatid para magawa nang mabuti ang aking tungkulin.”

Habang naghahanap, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at mas malinaw kong nakita ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung kasikatan, pakinabang at katayuan lamang ang hahangarin ng mga tao—kung sariling mga interes lamang ang hahangarin nila—hindi nila kailanman matatamo ang katotohanan at ang buhay, at sila ang mawawalan sa huli. Inililigtas ng Diyos ang mga naghahangad sa katotohanan. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, at kung wala kang kakayahang pagnilay-nilayan at alamin ang sarili mong tiwaling disposisyon, hindi ka tunay na magsisisi, at hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok. Ang pagtanggap sa katotohanan at pagkilala sa iyong sarili ang landas tungo sa pag-unlad sa buhay at pagtatamo ng kaligtasan, ito ang pagkakataon para sa iyo na lumapit sa harapan ng Diyos at matanggap ang Kanyang masusing pagsisiyasat, paghatol, at pagkastigo, at matamo ang katotohanan at ang buhay. Kung susukuan mo ang paghahangad sa katotohanan alang-alang sa paghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan at sarili mong mga interes, katumbas lang ito ng pagsuko sa oportunidad na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at na matamo ang kaligtasan. Pinipili mo ang katanyagan, pakinabang, at katayuan at ang sarili mong mga interes, pero ang isinusuko mo naman ay ang katotohanan, at ang nawawala sa iyo ay ang buhay, at ang pagkakataong maligtas. Ano ang mas mahalaga? Kung pipiliin mo ang sarili mong mga interes at isusuko mo ang katotohanan, hindi ba ito kahangalan? Sa payak na pananalita, isa itong malaking kawalan para sa isang maliit na pakinabang. Ang katanyagan, pakinabang, katayuan, pera, at mga interes ay pawang pansamantala lamang, nawawala ang mga ito tulad ng usok, samantalang ang katotohanan at ang buhay ay walang hanggan at hindi nagbabago. Kung lulutasin ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon na nagsasanhi na hangarin nila ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, may pag-asa silang magtamo ng kaligtasan. Bukod dito, ang mga katotohanang nakakamit ng mga tao ay walang hanggan; hindi makukuha ni Satanas mula sa mga tao ang mga katotohanang ito, o ng kahit sino pang iba. Tinatalikuran mo ang iyong mga interes ngunit ang nakakamit mo ay ang katotohanan at kaligtasan; ang mga resultang ito ay pagmamay-ari mo, at nakakamit mo ang mga ito para sa iyong sarili. Kung pipiliin ng mga tao na isagawa ang katotohanan, kahit na nawala na ang kanilang mga interes, natatamo nila ang pagliligtas ng Diyos at ang buhay na walang hanggan. Ang mga taong iyon ang pinakamatatalino. Kung isusuko ng mga tao ang katotohanan alang-alang sa kanilang mga interes, mawawala sa kanila ang buhay at ang pagliligtas ng Diyos; ang mga taong iyon ang pinakahangal(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na inililigtas ng Diyos ang mga naghahangad sa katotohanan. Ang mga kumakapit nang mahigpit sa reputasyon at katayuan, na hindi bumibitaw rito, at sa halip ay tinatalikuran ang katotohanan, ay hindi kailanman magkakamit ng katotohanan, gaano man karaming kapaligiran ang kanilang maranasan. Sa huli, ititiwalag sila ng Diyos dahil nilabanan nila ang Diyos. Sila ang mga pinakahangal na tao. Nang ikumpara ko ang aking sarili sa mga salita ng Diyos, nakita kong isa akong hangal. Bata si Xin Xin at may mahusay na kakayahan. Normal lang na pagkatapos ng isang panahon ng pagsasanay, mas maganda ang makukuha niyang mga resulta sa paggawa niya ng tungkulin kaysa sa akin. Gayumpaman, hindi ko naunawaan ang sarili kong kakayahan, at hindi ko matanggap ang katotohanang hindi ako kasinggaling niya. Namuhay ako sa isang kalagayan ng pakikipag-agawan at pakikipaglaban para sa kasikatan at pakinabang. Dahil dito, nawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu at nahulog ako sa kadiliman. Bukod sa hindi ako umusad sa mga propesyonal kong kasanayan, kundi napinsala rin ang buhay pagpasok ko. Itinuring kong mas mahalaga ang reputasyon at katayuan kaysa sa paggawa ng aking tungkulin at pagkamit ng katotohanan. Sa huli, wala akong nakuha. Hindi ba’t ito na ang sukdulang kahangalan? Ngayon, mas malinaw ko nang nakikita ang mga bagay-bagay. Ang reputasyon at katayuan ay parang ulap at hamog na naglalaho, at walang kabuluhan ang paghahangad sa pagpapahalaga ng iba. Kung nakuha ko ang pagpapahalaga ng iba, nang hindi ko naman nakakamit ang katotohanan at buhay, sa huli ay itataboy at ititiwalag pa rin ako ng Diyos, at mawawala ang pagkakataon kong maligtas. Hindi na ako puwedeng magpatuloy na maging isang hangal at maghangad ng reputasyon at katayuan. Kailangan kong magsikap sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang matalinong pagpili.

Makalipas ang ilang panahon, muli akong nagsimulang gumawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto. Isang araw, sinabi sa akin ng superbisor na kasisimula pa lang ni Sister Han Li na magsanay sa pag-aasikaso ng mga sermon, at hindi pa nito gaanong naaarok ang mga prinsipyo. Hiniling niya sa akin na mas tulungan ko si Sister Han Lin. Pagkatapos, nakipagbahaginan ako kay Han Li tungkol sa mga prinsipyo ng pag-aasikaso ng mga sermon. Magkasama naming sinuri ang mga sermon. Nakita kong si Han Li ay puno ng mga kaisipan at opinyon, at mabilis siyang umunawa ng mga prinsipyo. Natuwa ako para sa kanya. Pagkaraan ng ilang panahon, madalas purihin ng superbisor si Han Li sa mabilis niyang pag-usad. Sinabi rin ng lider na hindi niya inaasahan na ganoon kabilis ang magiging pag-usad ni Han Li. Nang marinig ko ito, parang may kumurot na inggit sa puso ko, “Si Han Li ay pinupuri at pinapahalagahan ng superbisor at ng lider. Pero ako, isa pa rin akong ordinaryong miyembro na walang pangalan!” Nang maisip ko ito, napagtanto kong bumalik na naman ang dati kong problema, at inihahambing ko na naman ang sarili ko sa iba. Tahimik akong nanalangin sa Diyos. Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling pagnanais, intensyon, at motibo; dapat kang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang mababang-uri at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, mababang-uri, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang pagnanais mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Dapat akong magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mabilis ang pag-usad ni Han Li, at maganda ang mga resulta ng paggawa niya ng kanyang tungkulin. Nakabubuti ito sa gawain ng iglesia. Limitado lang ang magagawa ko nang mag-isa. Ang dapat ko talagang gawin ay ibahagi kay Han Li ang lahat ng nauunawaan ko, nang walang anumang itinatago. Makakatulong ito sa kanya na maarok ang mga prinsipyo sa lalong madaling panahon para maging pasok sa pamantayan ang mga sermon na inaasikaso niya. Paghahanda rin ito ng mabubuting gawa. Nang maisip ko ito, nakaramdam ng paglaya ang puso ko. Hindi na ako naiinggit kay Han Li, at hindi ko na rin inihahambing ang sarili ko sa kanya. Pagkatapos, kapag nakikita kong mas magaling sa akin ang mga kapatid sa paligid ko, kaya ko na itong tratuhin nang tama. Kapag nakakatagpo ako ng mga bagay na hindi ko nauunawaan o hindi ko kayang gawin, isinasagawa ko ang pagbitiw sa aking banidad at pagpapahalaga sa sarili, at tinatalakay ang mga bagay na ito kasama ng mga kapatid. Pagkatapos magsagawa nang ganito sa loob ng ilang panahon, naramdaman kong umuusad ako sa aking tungkulin at sa buhay pagpasok ko, at higit na napanatag at napayapa ang puso ko. Ngayon, hindi na gaanong mahalaga sa akin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ito ang mga resultang nakamit sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  87. Paano Harapin ang Pagmamahal at Pag-aaruga ng mga Magulang

Sumunod:  89. Dapat Matutong Maging Bukas sa Pakikipagbahaginan Ang Isang Tao Tungkol sa Kanyang mga Paghihirap

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger