94. Ang Nakamit Ko Mula sa Paggawa ng Tunay na Gawain
Noong Nobyembre ng 2021, nahalal ako bilang lider ng iglesia. Sa simula, aktibo akong natuto mula sa mga katuwang ko at lumahok sa iba’t ibang mga gampanin, at bagama’t medyo abala at nakakapagod iyon, talagang nakadama ako ng ganap na kasiyahan. Pagkaraan ng ilang panahon, natuklasan ko na kailangan kong alamin at subaybayan ang mga isyu, at lumahok sa paglutas ng mga ito sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at nangangailangan ito ng maraming oras at enerhiya. Naisip ko, “Kung talagang lalahok ako sa bawat gampanin, hindi ba’t magiging mas abala at mas pagod pa ako?” Noong panahong iyon, responsable ako sa gawain ng ebanghelyo, pero maraming bagay akong hindi nauunawaan noong nagsisimula pa lang ako, at para magawa nang maayos ang gawain, kinailangan kong gumugol ng mas maraming oras at enerhiya sa pag-aaral at paghahanap. Naisip ko si Mo Li, na naging lider dati, at mas nauunawaan niya kaysa sa akin kung paano ipatupad at subaybayan ang gawain ng ebanghelyo. Nadama kong mabuting siya ang mangasiwa ng gawain ng ebanghelyo, at kapag isang taong may karanasan ang nangangasiwa ng gawain, mas magiging madali ang mga bagay para sa akin. Pagkatapos niyon, hinayaan ko muna si Mo Li na mangasiwa sa gawain ng ebanghelyo pansamantala, at tinatanong ko na lang siya tungkol sa takbo ng gawain ng ebanghelyo sa bawat pagtitipon. Nakikinig ako kapag sinasabi niya sa akin na naipatupad na ang lahat ng kinakailangang gawin, kaya hindi ko na siya tinatanong tungkol sa mga detalye at sinasabihan ko na lang siya na subaybayan nang maigi ang gawain. Noong panahong iyon, alam kong bilang isang lider, kailangan kong subaybayan ang mga detalye ng gawain, pero ayaw kong masyadong mapagod. Inisip kong ayos lang na si Mo Li ang namamahala, kaya bihira akong magtanong tungkol sa gawain ng ebanghelyo. Makalipas ang ilang panahon, nagpadala ng liham ang mga nakatataas na lider na nagtatanong kung sinong mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang maaaring pangaralan, at kung sino ang hindi. Natigilan ako dahil hindi ko pa pala nauunawaan ang mga partikular na detalyeng ito. Kaya tinanong ko si Mo Li tungkol dito, pero sinabi niyang pangkalahatan lang ang pagkaunawang mayroon siya rito, at hindi niya rin alam ang mga detalye tungkol sa bawat potensyal na tatanggap ng ebanghelyo at hindi talaga niya sinubaybayan ang mga ito. Nagalit ako pagkatapos itong marinig, at naisip ko, “Ikaw ang nangangasiwa sa gawain ng ebanghelyo, pero hindi mo pa nauunawaan ang mga detalye nito! Hindi ka gumagawa ng aktuwal na gawain!” Kalaunan, sinuri ko ang mga detalye, at saka ko lang nalaman na ang karaniwang paraan ni Mo Li sa pagpapatupad ng mga isinaayos na gawain ng ebanghelyo ay pagbabasa lamang nito kasama ang mga kapatid, at hindi siya gumagawa ng anumang detalyadong pakikipagbahaginan o pagsasaayos. Nang marinig kong iulat ito ng mga kapatid, nabalisa ako, iniisip na naging napakapabaya ni Mo Li sa kanyang mga tungkulin. Noong panahong iyon, napagtanto ko rin na ako ang pangunahing may problema. Karaniwang isinasaayos ko lang ang gawain sa mga pagtitipon, at bagama’t sinasabi ko sa mga kapatid na maglaan ng higit pang pagsisikap sa kanilang mga tungkulin, at na umasa sa Diyos kapag nahaharap sa mga paghihirap, nagsasalita lang talaga ako ng mga doktrina at salawikain, at bihira akong magtanong tungkol sa mga detalye ng gawain, na katulad ng paghuhugas-kamay rito. Katulad na lang sa gawain ng ebanghelyo, pagkatapos kong iatas ang mga gampanin kay Mo Li, hinihintay ko lang siyang maayos na matapos ang gawain habang paupo-upo lang ako at umaani ng mga pakinabang. Paano ko magagawa nang maayos ang mga tungkulin ko sa ganitong paraan? Ang mga problema sa gawain ay pawang dulot ng aking pagpapakasasa sa kaginhawahan at pagiging pabaya. Naaalala ko na may dalawang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo noong panahong iyon, pero dahil hindi ko sila sinuri o sinubaybayan sa tamang oras, naantala ang pangangaral ng ebanghelyo sa kanila. Kalaunan, binalaan ako ng mangangaral, “Isang buwan ka nang lider; bakit hindi mo pa rin nauunawaan ang mga gampaning ito? Dapat mo talagang pagnilayan ang iyong sarili.”
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang pangunahing katangian ng gawain ng mga huwad na lider ay pagdadaldal tungkol sa doktrina at pag-uulit ng mga islogan. Matapos ilabas ang kanilang mga utos, naghuhugas-kamay na lang sila tungkol sa bagay na iyon. Hindi sila nagtatanong tungkol sa sumunod na pag-unlad ng gawain; hindi nila itinatanong kung nagkaroon ng anumang mga problema, paglihis, o paghihirap. Itinuturing nilang tapos na ang kanilang trabaho sa sandaling italaga nila ang gawain. Sa katunayan, bilang isang lider, matapos isaayos ang gawain, dapat mong subaybayan ang pag-usad ng gawain. Kahit hindi ka pamilyar sa larangang iyon ng gawain—kahit wala kang anumang kaalaman tungkol dito—makakahanap ka ng paraan para magawa ang gawain mo. Makakahanap ka ng isang taong tunay na nakakaarok dito, na nakakaunawa sa naturang propesyon, para magsuri at magbigay ng mga mungkahi. Mula sa kanilang mga mungkahi matutukoy mo ang angkop na mga prinsipyo, kaya magagawa mong subaybayan ang gawain. Pamilyar ka man o hindi o nauunawaan mo man o hindi ang propesyong pinag-uusapan, sa pinakamababa ay kailangan mong pangunahan ang gawain, subaybayan ito, at patuloy na mag-usisa at magtanong tungkol sa pag-usad nito. Kailangan mong magkaroon ng pagkaintindi tungkol sa gayong mga bagay; ito ang responsabilidad mo, bahagi ito ng iyong trabaho. Ang hindi pagsubaybay sa gawain, hindi paggawa ng higit pa sa sandaling naitalaga na ito, ang paghuhugas-kamay mo rito—ito ang paraan ng mga huwad na lider sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ang hindi pagsusubaybay o pagbibigay ng direksiyon sa gawain, hindi pag-uusisa o paglulutas sa mga isyung lumilitaw, at hindi pag-aarok sa pag-usad o kahusayan ng gawain—mga pagpapamalas din ang mga ito ng mga huwad na lider” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4)). “Dahil hindi inaalam ng mga huwad na lider ang tungkol sa pag-usad ng gawain, at dahil hindi nila kayang agad na matukoy—lalo na nilang hindi kayang malutas—ang mga problemang lumilitaw rito, madalas humahantong ito sa paulit-ulit na mga pagkaantala. Sa ilang gawain, dahil hindi naiintindihan ng mga tao ang mga prinsipyo at walang sinumang angkop na maging responsable para dito o mamahala rito, ang mga nagsasagawa ng gawain ay kadalasang negatibo, pasibo, at naghihintay, na lubhang nakakaapekto sa pagsulong ng gawain. Kung natupad ng mga lider ang kanilang mga responsabilidad—kung pinamahalaan nila ang gawain, isinulong ito, pinangasiwaan ito, at naghanap ng isang taong nakakaunawa sa larangang iyon para patnubayan ang gawain, sumulong sana nang mas mabilis ang gawain kaysa dumanas ng paulit-ulit na mga pagkaantala. Kung gayon, para sa mga lider, mahalagang maunawaan at maarok ang estado ng gawain. Siyempre pa, talagang kinakailangan din na maunawaan at maarok ng mga lider kung paano umuusad ang gawain, sapagkat ang pag-usad ay nauugnay sa kahusayan ng gawain at mga resulta na dapat nitong makamtan. Kung ang mga lider at manggagawa ay walang pagkaunawa sa kung paano umuusad ang gawain ng iglesia, at hindi nila sinusubaybayan o pinangangasiwaan ang mga bagay, kung gayon, tiyak na magiging mabagal ang pag-usad ng gawain ng iglesia. Ito ay dahil sa katunayan na ang karamihan sa mga taong gumagawa ng mga tungkulin ay lubhang salaula, walang pagpapahalaga sa pasanin, at madalas na negatibo, pasibo, at pabasta-basta. Kung walang sinuman ang may pagpapahalaga sa pasanin at kapabilidad sa gawain ang umaako ng responsabilidad sa gawain sa kongkretong paraan, napapanahon na inaalam ang tungkol sa pag-usad ng gawain, at ginagabayan, pinangangasiwaan, dinidisiplina, at pinupungusan ang mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin, kung gayon ay likas na magiging napakababa ng antas ng kahusayan sa gawain at magiging napakababa ng mga resulta sa gawain. Kung hindi man lang ito malinaw na nakikita ng mga lider at manggagawa, sila ay mga hangal at bulag. Kaya naman, dapat na agad na siyasatin, subaybayan, at arukin ng mga lider at manggagawa ang pag-usad ng gawain, siyasatin kung anong mga problema ng mga taong gumagawa ng mga tungkulin ang kailangang malutas, at unawain kung aling mga problema ang dapat lutasin para magkamit ng mas magagandang resulta. Napakahalaga ng lahat ng bagay na ito, dapat maging malinaw ang mga bagay na ito sa isang taong gumaganap bilang lider. Upang magawa nang maayos ang iyong tungkulin, hindi ka dapat tumulad sa isang huwad na lider, na gumagawa ng mababaw na gawain, at pagkatapos ay iisipin niyang nagawa niya nang maayos ang kanyang tungkulin. Walang ingat at pabaya ang mga huwad na lider sa gawain nila, wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad, hindi nila nilulutas ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito, at kahit ano pang gawain ang ginagawa nila, mababaw lang nila iyong naiintindihan at hinaharap nang pabasta-basta ang mga ito; nagsasabi lang sila ng mga salitang matayog pakinggan, naglilitanya sila ng mga doktrina at pananalitang walang kabuluhan, at iniraraos lang nila ang gawain nila. Sa pangkalahatan, ito ang kalagayan kung paano gumagawa ng gawain ang mga huwad na lider. Bagama’t kung ikukumpara sa mga anticristo, walang ginagawang lantarang masama ang mga huwad na lider at hindi sadyang gumagawa ng masama, kung titingnan mo ang pagiging epektibo ng kanilang gawain, patas na ilarawan sila bilang pabasta-basta, hindi nagdadala ng pasanin, bilang iresponsable at walang katapatan sa tungkulin nila” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4)). Tinukoy ng mga salita ng Diyos ang saloobin na dapat taglayin ng mga lider at manggagawa sa kanilang gawain, iyon ay ang aktibong subaybayan, tanungin, at alamin ang pag-usad ng gawain, at lutasin ang iba’t ibang problema at paghihirap, tinitiyak ang maayos na pag-usad ng gawain. Ito ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kahit na walang karanasan ang isang tao, maaari siyang humingi ng tulong sa ibang nakakaunawa sa mga propesyonal na kasanayan, at humanap ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa pamamagitan nito upang masubaybayan niya ang gawain. Ngunit hindi naaarok ng isang huwad na lider ang kasalukuyang mga kondisyon o pag-usad ng gawain, at hindi niya nauunawaan ang mga resultang dapat makamit ng bawat gampanin o kung kumusta ang mga tao. Gumagawa siya sa isang mababaw at pabayang paraan, iniraraos lang ang gawain at hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, na nagiging sanhi ng hindi pag-usad ng gawain. Ang inilantad ng Diyos ay ang mismong pag-uugali ko. Sa gawain ng ebanghelyo, idinahilan ko ang paunang kawalan ko ng pagkaunawa at ipinasa ang gawain kay Mo Li para siya ang mangasiwa. Naisip ko na dahil naging lider na siya at pamilyar na sa gawain ng ebanghelyo, kakayanin na niya itong pasanin, pero kalaunan, hindi ko na talaga sinubaybayan o inalam kung gaano karaming potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang maaaring pangaralan o kung anong mga problema o paghihirap ang nararanasan ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Inisip ko pa nga na dahil sinabi ni Mo Li na naipatupad na ang lahat ng gawain, at hindi siya nagbanggit ng anumang mga paghihirap, wala na akong masyadong dapat alalahanin, kaya hindi ako lumahok sa gawain ng ebanghelyo. Bilang isang lider, dapat akong maging responsable sa pagsubaybay, pagsusuri, at pangangasiwa sa pag-usad at katayuan ng lahat ng aytem ng gawain, at kahit na hinayaan kong si Mo Li ang mangasiwa sa gawain ng ebanghelyo, dapat ko pa ring subaybayan, pamahalaan, at alamin ang mga detalye. Kung hindi nagbubunga ang gawain, kailangan kong hanapin ang mga dahilan at lutasin ang mga problema at paghihirap sa tamang oras. Pero ipinasa ko ang gawain sa iba, at nagpaupo-upo na lang ako, at bilang resulta, naantala ang gawain ng ebanghelyo. Sa panlabas, tila ginagawa ko ang aking mga tungkulin nang walang ginagawang anumang lantarang kasamaan o panggugulo, pero bilang isang lider, pinagbibigyan ko ang laman at hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, at humantong ito sa hindi pagbubunga ng gawain ng ebanghelyo. Isa akong huwad na lider, at lubos akong hindi karapat-dapat sa tungkuling ito. Sa pag-iisip nito, labis akong nagsisi. Hindi na ako puwedeng magpatuloy nang ganito, at kinailangan kong baguhin agad ang aking saloobin sa aking mga tungkulin. Pagkatapos, nagsimula akong aktuwal na sumubaybay sa gawain ng ebanghelyo, at kapag may natutuklasan akong mga isyu sa gawain, nakikipagbahaginan ako para malutas ang mga ito. Unti-unting nagsimulang magbunga ang gawain ng ebanghelyo. Pagkatapos magtrabaho nang ilang panahon, inakala kong medyo nagbago na ako, pero sa gulat ko, hindi nagtagal, nabunyag na naman ako.
Makalipas ang ilang buwan, inilipat ako sa ibang iglesia para maging lider, ang pangunahin kong responsabilidad ay ang pangangasiwa ng gawain ng pag-aalis sa iglesia. Nakita kong hindi kumpleto ang ilang materyales para sa pag-aalis ng mga hindi mananampalataya at masasamang tao at nangangailangan ng karagdagang ebidensyang batay sa katunayan, kaya nakipagbahaginan ako sa mga kapatid na gumagawa ng gawain ng pag-aalis. Gayumpaman, dahil kasisimula pa lang nilang magsanay, hindi nila naaarok ang mga prinsipyo at hindi nila maintindihan ang mahahalagang punto, na nagresulta sa kulang-kulang na mga materyales na kanilang idinagdag at pagpapabalik-balik ng mga ito para ayusin. Isang beses, nakita kong kulang pa rin sa mga detalye ang mga materyales na kanilang idinagdag, at naisip ko, “Ilang beses ko nang naibahagi ang mga prinsipyong ito. Bagama’t nauunawaan nila ito sa teorya, kapag nahaharap sa iba’t ibang sitwasyon sa pagsasagawa, hindi nila alam kung ano ang gagawin. Mukhang kailangan ko talaga silang gabayan sa pag-aayos ng ilang materyales para mapabilis sila. Sa ganitong paraan, magiging mas mahusay din ang paggampan nila ng kanilang mga tungkulin.” Pero pagkatapos ay muli kong pinag-isipan, “Kung tutulungan ko silang ayusin ang mga materyales ng pag-aalis, mangangailangan ito ng maraming oras at lakas. Napakaabala ko na sa mga tungkulin ko, gaanong pagod ang aabutin ko niyan? Isa pa, hindi ko naman pinababayaan ang mga gampaning ito: kailangan nilang magsanay, at ayos lang kung ako na lang ang mangangasiwa at susuri sa kanila. Sa ganitong paraan lang sila makagagawa ng kaunting pag-usad.” Nang maisip ko ang mga bagay na ito, nakipagbahaginan at nagsuri lang ako sa kanila, at hinayaan kong sila mismo ang magdagdag sa mga materyales na ito. Pero may mga kulang pa rin sa mga idinagdag na materyales, at maraming materyales ang kailangang gawin nang paulit-ulit, na lubhang nakaantala sa pag-usad. Kalaunan, sa isang pagtitipon, nalaman ng mga nakatataas na lider ang lagay ng gawain ng pag-aalis at sinabi nila sa akin, “Bagama’t nakapagbigay ka na sa mga kapatid ng pagbabahagi at pagsusuri sa mga gampaning ito, kinailangan nilang dagdagan nang ilang beses ang bawat isa sa mga materyales na ito, at lubha nitong naantala ang pag-usad. Sa puntong ito, kailangan mo silang samahan sa pagkolekta at pag-aayos ng mga materyales na ito, aktuwal silang sanayin, at pahusayin ang pagkaepektibo ng kanilang mga tungkulin. Responsabilidad din ito ng isang lider.” Nang marinig kong sabihin ito sa akin ng mga lider, medyo nakonsensiya ako. Kung aktuwal akong lumahok sa gampaning ito, hindi sana naantala nang ganito katagal ang gawain.
Sa pagtitipon, binasa namin ang mga salita ng Diyos: “May isa pang uri ng huwad na lider, na madalas nating napag-uusapan habang nagbabahaginan tungkol sa paksa ng ‘ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa.’ May kaunting kakayahan ang ganitong uri, hindi sila mangmang, sa gawain nila, mayroon silang mga paraan at diskarte, at mga plano para sa paglutas ng mga problema, at kapag binigyan sila ng isang piraso ng gawain, kaya nilang isakatuparan ito nang malapit sa mga inaasahang pamantayan. Kaya nilang tuklasin ang anumang mga problema na lumilitaw sa gawain at kaya rin nilang lutasin ang ilan sa mga ito; kapag naririnig nila ang mga problemang iniuulat ng ilang tao, o inoobserbahan nila ang pag-uugali, mga pagpapamalas, pananalita at mga kilos ng ilang tao, may reaksiyon sila sa puso nila, at may sarili silang opinyon at saloobin. Siyempre, kung hahangarin ng mga taong ito ang katotohanan at mayroon silang pagpapahalaga sa pasanin, maaaring malutas ang lahat ng problemang ito. Gayumpaman, hindi inaasahang hindi nalulutas ang mga problema sa gawaing nasa ilalim ng responsabilidad ng ganitong uri ng tao na pinagbabahaginan natin ngayon. Bakit ganoon? Ito ay dahil hindi gumagawa ang mga taong ito ng tunay na gawain. Mahilig sila sa kaalwanan at namumuhi sa mahirap na gawain, gumagawa lang sila ng mga pabasta-bastang pagsisikap sa panlabas, gusto nilang walang ginagawa at tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, gusto nilang utus-utusan ang mga tao, at ibinubuka lang nila nang kaunti ang mga bibig nila at nagbibigay ng ilang suhestiyon, at pagkatapos ay itinuturing nilang tapos na ang gawain nila. Hindi nila isinasapuso ang alinman sa tunay na gawain ng iglesia o sa kritikal na gawaing ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila—wala sila ng ganitong pagpapahalaga sa pasanin, at kahit na paulit-ulit na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi pa rin nila isinasapuso ang mga ito. Halimbawa, ayaw nilang makialam o mag-usisa tungkol sa gawain ng paggawa ng pelikula o sa gawaing nakabatay sa teksto ng sambahayan ng Diyos, hindi rin nila nais na siyasatin kung kumusta ang pag-usad ng ganitong mga klase ng gawain at kung anong mga resulta ang nakakamit ng mga ito. Pasimple lang silang nag-uusisa, at kapag nalaman nilang abala ang mga tao sa gawaing ito at ginagawa ang gawaing ito, hindi na nila ito inaalala pa. Kahit alam na alam nila na may mga problema sa gawain, ayaw pa rin nilang makipagbahaginan tungkol sa mga ito o lutasin ang mga ito, hindi rin sila nag-uusisa o nagsisiyasat kung paano ginagawa ng mga tao ang mga tungkulin ng mga ito. Bakit hindi sila nag-uusisa o nagsisiyasat sa mga bagay na ito? Iniisip nila na kung sisiyasatin nila ang mga ito, maraming problema ang naghihintay para lutasin nila, at magiging masyadong nakakabahala iyon. Magiging masyadong nakakapagod ang buhay kung palagi nilang kailangang lumutas ng mga problema! Kung masyado silang mag-aalala, hindi na magiging masarap ang lasa ng pagkain para sa kanila, at hindi sila makakatulog nang maayos, mapapagod ang laman nila, at magiging miserable ang buhay. Kaya naman, kapag nakakakita sila ng isang problema, iniiwasan at binabalewala nila ito kung maaari. Ano ang problema ng ganitong uri ng tao? (Masyado silang tamad.) Sabihin ninyo sa Akin, sino ang may malubhang problema: mga taong tamad, o mga taong may mahinang kakayahan? (Mga taong tamad.) Bakit may malubhang problema ang mga taong tamad? (Ang mga taong mahina ang kakayahan ay hindi maaaring maging mga lider o manggagawa, pero maaari silang maging medyo epektibo kapag gumagawa sila ng isang tungkulin na ayon sa kanilang abilidad. Gayumpaman, ang mga taong tamad ay walang nagagawang anumang bagay; kahit na mayroon silang kakayahan, wala itong epekto.) Ang mga taong tamad ay walang anumang nagagawa. Para ibuod ito sa dalawang salita, sila ay walang silbi; para silang may kapansanan. Gaano man kahusay ang kakayahan ng mga taong tamad, paimbabaw lamang iyon; kahit na may mahusay silang kakayahan, wala itong silbi. Masyado silang tamad—alam nila ang dapat nilang gawin, ngunit hindi nila ito ginagawa, at kahit alam nila na may problema, hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, at bagama’t alam nila kung anong mga paghihirap ang dapat nilang danasin para maging epektibo ang gawain, ayaw nilang tiisin ang mga makabuluhang paghihirap na ito—kaya, hindi sila makapagkamit ng anumang katotohanan, at hindi sila makagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi nila nais na magtiis ng mga paghihirap na dapat tiisin ng mga tao; ang alam lamang nila ay magpakasasa sa kaginhawahan, magtamasa ng mga panahon ng kagalakan at paglilibang, at magtamasa ng malaya at maluwag na buhay. Hindi ba’t wala silang silbi? Ang mga taong hindi kayang tiisin ang paghihirap ay hindi karapat-dapat na mabuhay. Iyong mga palaging nagnanais na mamuhay ng buhay ng isang parasito ay mga taong walang konsensiya o katwiran; sila ay mga halimaw, at ang gayong mga tao ay hindi angkop kahit na gumampan ng trabaho. Dahil hindi nila kayang tiisin ang paghihirap, kahit na kapag gumagampan nga sila ng trabaho, hindi nila ito magawa nang maayos, at kung nais nilang makamit ang katotohanan, mas lalong wala silang pag-asang makamit iyon. Ang isang taong hindi kayang magdusa at hindi nagmamahal sa katotohanan ay isang walang silbing tao; ni hindi siya kalipikadong gumampan ng trabaho. Isa siyang halimaw, na wala ni katiting na pagkatao. Dapat itiwalag ang gayong mga tao; ito lang ang naaayon sa mga layunin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). Inilalantad ng Diyos na katamaran ang pangunahing dahilan kung bakit hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang mga huwad na lider. Nagpapakasasa sila sa ginhawa ng laman, mahilig mag-utos sa mga tao, at ayaw lumutas ng mga problema kahit nakikita na nila ang mga ito. Wala silang pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad para sa kanilang mga tungkulin, at gaano man kahusay ang kanilang kakayahan, wala pa rin silang silbi. Pakiramdam ko, ang iba’t ibang pag-uugali ng mga huwad na lider na inilantad ng Diyos ay paglalarawan sa sarili kong pag-uugali. Kamakailan, ang tungkulin ko ay puro lang pag-uutos sa mga tao. Puro lang ako salita at simpleng pagtatanong lang tungkol sa takbo ng mga bagay ang ginagawa ko. Hindi ako naghahangad ng mga resulta o lumulutas ng mga problema, at sa diwa, hindi ako gumagawa ng aktuwal na gawain, kundi nagpapakasasa lang sa mga pakinabang ng aking katayuan. Partikular na, nakita kong sinasabi ng Diyos na ang mga taong tamad ay may mga isyu sa pagkatao, na ayaw nilang magdusa at magbayad ng halaga sa kanilang mga tungkulin, walang konsensiya at katwiran, na kahit ang kanilang pagtatrabaho ay hindi pasok sa pamantayan, at talagang kinasusuklaman ng Diyos ang gayong mga tao. Pinasama nito nang labis ang loob ko. Hindi lang ako nabigong ilagay ang aking puso at lakas at tuparin ang aking mga responsabilidad sa aking tungkulin, kundi naging isa pa akong taong kinasusuklaman ng Diyos. Ang paggawa pa lang ng tungkulin ng isang lider ay isa nang malaking pagtataas mula sa Diyos, at isa itong pagkakataong ibinigay sa akin ng Diyos para magsanay. Dapat kong gawin ang lahat ng makakaya ko para matupad ang tungkuling ito, at makabubuti rin ito sa paglago ng aking buhay. Malinaw sa akin na ang mga kapatid na nag-aayos ng mga materyales para sa pag-aalis ng mga tao ay kasisimula pa lang magsanay, at hindi nila naaarok ang mga prinsipyo, at kahit pagkatapos ng ilang beses na pagdaragdag, hindi pa rin kumpleto ang mga materyales. Kung magpapatuloy ito, maaantala ang gawain. Dapat sana ay mas pinag-isipan ko ito at ginabayan sila nang detalyado. Kinailangan ko silang personal na samahan sa pag-aayos ng ilang materyales, para maarok nila ang mga prinsipyo sa lalong madaling panahon. Pero naramdaman kong mangangailangan ng maraming oras at enerhiya ang paggawa nito, na mangangahulugan ng pagdurusa at pagkapagod ng laman, kaya ayaw kong aktuwal na lutasin ang isyung ito. Nagdahilan pa nga ako na kailangan nilang magsanay sa sarili nila para umunlad. Bilang resulta, maraming bahagi ng materyales ang hindi naidagdag sa loob ng mahabang panahon. Sa totoo lang, malulutas sana ang mga problemang ito kung mas pinag-isipan ko lang ito at nagbayad ako ng halaga, pero napakatamad ko, iniisip lang ang aking laman sa aking mga tungkulin. Mayroon akong pabayang saloobin, at wala akong pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad sa gawain, at bilang resulta, naantala ang gawain ng pag-aalis. Kung magpapatuloy ako nang ganito, ititiwalag ako ng Diyos sa malao’t madali. Hindi na ako puwedeng magpatuloy na gaya ng dati. Dapat kong pasanin ang aking mga responsabilidad at gawin nang maayos ang aking mga tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos.
Kalaunan, nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng ilang landas kung paano gumagawa ng aktuwal na gawain ang mga lider at manggagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nagbibigay ng paunang patnubay para sa isang gampanin, bukod sa pag-aalok ng mga partikular na plano ng pagpapatupad para sa mga espesyal na sitwasyon, dapat bigyan ng mas partikular at detalyadong patnubay ang mga lider at manggagawa na may katamtamang kakayahan at medyo mahinang kapabilidad sa gawain. Bagama’t ang mga taong ito ay maaaring nauunawaan ang mga prinsipyo at mga partikular na plano ng pagpapatupad para sa isang gampanin batay sa doktrina, hindi pa rin nila alam kung paano isagawa ang mga ito pagdating sa aktuwal na pagpapatupad. Paano mo dapat tratuhin ang ilang lider at manggagawa na may mahinang kakayahan at walang kapabilidad sa gawain? … Kailangan mong tuparin ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin; kailangan mong isaalang-alang ang mga iglesia kung saan ang mga namamahala ay medyo mahina at may medyo mababang kapabilidad sa gawain. Kailangang magbigay ng espesyal na atensiyon at patnubay ang mga lider at manggagawa sa ganitong mga usapin. Ano ang tinutukoy ng espesyal na patnubay? Bukod sa pagbabahaginan sa katotohanan, kailangan mo ring magbigay ng mas partikular at detalyadong direksiyon at tulong, na nangangailangan ng mas higit na pagsisikap pagdating sa komunikasyon. Kung ipapaliwanag mo sa kanila ang gawain at hindi pa rin sila nakauunawa, at hindi nila alam kung paano ito ipatupad, o kahit pa nauunawaan nila ito batay sa doktrina at tila alam nila kung paano ito ipatupad, pero hindi ka pa rin sigurado at medyo nag-aalala ka kung ano ang magiging takbo ng aktuwal na pagpapatupad—ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong personal na makipag-ugnayan sa lokal na iglesia para patnubayan sila at ipatupad ang gampanin kasama nila. Sabihin sa kanila ang mga prinsipyo habang gumagawa ng mga partikular na pagsasaayos tungkol sa mga gampaning kailangang gawin ayon sa mga hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, tulad ng kung ano ang unang gagawin at ano ang susunod na gagawin, at kung paano maayos na magtalaga ng mga tao—maayos na i-organisa ang lahat ng bagay na ito. Ito ay praktikal na pagpatnubay sa kanila sa kanilang gawain, salungat sa basta lang na pagsigaw ng mga islogan o pagbibigay ng kung ano-anong utos, at pangangaral sa kanila ng ilang doktrina, at pagkatapos ay itinuturing mong tapos na ang iyong gawain—hindi iyon pagpapamalas ng paggawa ng partikular na gawain, at ang pagsigaw ng mga islogan at pag-uutos-utos sa mga tao ay hindi mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kapag kaya nang pasanin ng mga lider o superbisor ng lokal na iglesia ang gawain, at nakapasok na sa tamang landas ang gawain, at wala nang malalaking isyu, saka pa lang maaaring umalis ang lider o manggagawa. Ito ang unang partikular na gampanin na binanggit sa ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain—ang pagbibigay ng patnubay. Kaya, paano mismo dapat magbigay ng patnubay? Ang mga lider at manggagawa ay dapat munang magsanay na magnilay-nilay at magbahaginan tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain, at matutuhan at maarok ang iba’t ibang partikular na hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, at maunawaan at maarok ang mga prinsipyo sa loob ng mga pagsasaayos ng gawain. Pagkatapos, dapat sama-sama silang makipagbahaginan sa mga lider at manggagawa sa lahat ng antas tungkol sa mga partikular na plano ng pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain. Dagdag pa rito, dapat silang magbigay ng mga partikular na plano ng pagpapatupad para sa mga espesyal na sitwasyon at, sa huli, dapat silang magbigay ng mas detalyado at partikular na tulong at direksiyon sa mga lider at manggagawa na medyo mahina at medyo may mahinang kakayahan. Kung ganap na hindi maipatupad ng ilang lider at manggagawa ang gampanin, ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Ang mga nakatataas na lider at manggagawa ay dapat makipag-ugnayan sa iglesia at personal na lumahok sa gampanin, nilulutas ang mga aktuwal na isyu sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa katotohanan, at turuan sila kung paano gawin ang gawain at kung paano ipatupad ang gawain ayon sa mga prinsipyo” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (10)). Tinukoy ng Diyos ang landas ng pagsasagawa kung paano gumagawa ng aktuwal na gawain ang mga lider at manggagawa. Para sa mga kapatid na hindi nakaaarok ng mga prinsipyo at may mahinang kapabilidad sa gawain, dapat tayong magbigay ng mas detalyado at partikular na tulong at gabay. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga lider at manggagawa. Para sa mga kapatid na ito na kasisimula pa lang magsanay sa gawain ng pag-aalis at hindi pa naaarok ang mga prinsipyo, dapat sana ay nagbigay ako ng detalyado at tiyak na gabay at personal silang tinuruan sa mga totoong sitwasyon sa gawain. Pero pinakinggan ko ang aking laman at hindi ko ginawa ang alinman sa mga aktuwal na gawaing kailangang gawin, inaantala ang gawain bilang resulta. Ito ay isang malubhang kapabayaan sa aking tungkulin. Responsable ako sa gawain ng pag-aalis sa iglesia, kaya kinailangan kong alisin sa iglesia ang mga hindi mananampalataya, pati na rin ang masasamang tao at mga anticristo na gumagambala at nanggugulo sa buhay iglesia, na nagbibigay-daan sa mga kapatid na magkaroon ng maayos na buhay iglesia, mas mahusay na makipagbahaginan ng katotohanan, at lumago sa buhay. Pero dahil hindi ako gumawa ng aktuwal na gawain, ang mga taong dapat sana’y naalis na sa iglesia ay hindi naalis sa tamang oras, na nakapipinsala sa gawain ng iglesia. Sa diwa, gumagawa ako ng masama rito. Mula noon, ginusto kong gawin nang maayos ang aking tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at agad na magbigay ng pakikipagbahaginan at paggabay sa mga kapatid para mabilis nilang maarok ang mga prinsipyo at matupad ang kanilang mga tungkulin.
Hindi nagtagal, ibinalik ng mga nakatataas na lider ang ilang materyales sa pag-aalis na kailangang dagdagan agad ng mga ebidensya batay sa katunayan. Naisip kong italaga ito sa mga kapatid, pero napagtanto kong hindi pa nila naaarok ang mga prinsipyo, at kung sila ang magdadagdag sa mga materyales na ito ay tiyak na maaantala ang pag-usad. Kaya, pinuntahan ko sila at sinuri namin at magkakasamang nagbahaginan ukol ang mga prinsipyo. Batay sa mga isyung tinukoy ng mga lider, hinayaan ko muna silang ibahagi ang kanilang mga pananaw, at pagkatapos, ginamit ko ang mga prinsipyo para makipagbahaginan sa kanila tungkol sa kung ano ang kulang sa kanila, na nagbigay-daan sa kanilang maarok ang ilang prinsipyo. Nalaman ko na kapag gusto kong gawin nang maayos ang aking tungkulin, hindi ako gaanong napapagod, at ang mga kapatid ay umuusad din sa kanilang mga tungkulin. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay nagbigay sa akin ng kapayapaan ng isip. Sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga materyales kasama ang mga kapatid, mas marami rin akong naunawaan tungkol sa mga prinsipyo sa pagkilatis sa mga tao. Ang mga resultang ito ay pawang nakamit sa pamamagitan ng paggawa ng aktuwal na gawain.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, nakita ko na talagang mahalaga para sa mga lider at manggagawa na gumawa ng aktuwal na gawain, dahil direkta nitong naaapektuhan ang pag-usad ng gawain ng iglesia. Kasabay nito, napagtanto ko rin na kapag aktuwal na ginagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, makakamit nila ang ilang resulta. Salamat sa Diyos!