95. Mga Aral na Natutuhan Ko Mula sa Pagkaaresto ng Aking Anak

Ni Wu Fan, Tsina

Isang araw noong Disyembre 2013, tumawag sa akin ang isang sister at sinabing dinakip ng mga pulis ang anak ko. Nang marinig ko ang balita, natigilan ako, iniisip, “Hindi pa katagalan na nananampalataya sa Diyos ang anak ko at wala pa siyang pundasyon. Kaaalis niya lang sa kanyang trabaho at kasisimula pa lang gumawa ng kanyang tungkulin. Paano siya naaresto agad?” Noong naaresto ako dati, ginamit ng mga pulis ang lahat ng uri ng paraan para pahirapan ako para pilitin akong ipagkanulo ang mga lider at pera ng iglesia, hanggang sa punto na parang mas gugustuhin ko pang mamatay. Bawat isa sa mga pulis na iyon ay malupit at walang awa; mga diyablo sila. Sukdulan ang kanilang pagkamuhi sa ating mga mananampalataya sa Diyos; maaari nila tayong bugbugin hanggang mamatay nang walang kaparusahan. Nag-alala ako, iniisip, “Bata pa ang anak ko at hindi pa siya kailanman nakaranas ng ganoong klaseng pagdurusa! Kung hindi niya makayanan ang pagpapahirap at maging isang Hudas siya, tuluyan nang mawawala ang pagkakataon niyang maligtas!” Sa pag-iisip nito, labis-labis akong nag-alala. Sa sumunod na ilang araw, hindi ako makakain, at hindi ako makatulog nang maayos. Parang may tumutusok na kutsilyo sa puso ko; nais ko na lang sanang ako na lang ang magdusa para sa anak ko. Palagi akong nananalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bantayan at protektahan ang anak ko. Nagkimkim din ako ng mga reklamo sa puso ko, iniisip, “Umalis ng bahay ang anak ko para gawin ang kanyang tungkulin matapos manampalataya sa Diyos sa sandaling panahon; bakit hindi siya inalagaan at pinrotektahan ng Diyos? Kung malubha siyang masaktan ng mga pulis, paano siya mabubuhay sa hinaharap? At kung bugbugin nila siya hanggang mamatay, hindi ko na siya kailanman makikita pang muli.” Habang lalo ko itong iniisip, lalong sumasama ang loob ko, at lumubog sa kadiliman ang puso ko. Hindi ko mapakalma ang sarili ko kapag kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, at sa loob-loob ko, sinisi ko pa nga ang mga lider at manggagawa sa hindi pagtatalaga ng isang tao para mapanatili ang isang ligtas na kapaligiran kaya naaresto ang anak ko. Noong panahong iyon, isa akong diyakono ng ebanghelyo sa iglesia, at medyo abala ako, pero hindi ko na maiukol ang isip ko sa gawain; ang tanging naiisip ko ay ang anak ko.

Sa gitna ng pasakit at kawalan ng magawa, walang tigil akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bantayan at protektahan ang anak ko para hindi siya maging isang Hudas at ipagkanulo ang mga kapatid. Pagkatapos manalangin, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng nangyayari sa inyo, mabuti man ito o masama, dapat itong magdala ng kapakinabangan sa iyo, at dapat hindi ka gawing negatibo. Anupaman, dapat mong maisaalang-alang ang mga bagay habang nakatayo sa panig ng Diyos, at hindi suriin o aralin ang mga ito mula sa pananaw ng tao (ito ay magiging isang paglihis sa karanasan mo)(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pangako sa Yaong mga Naperpekto). Oo, ang mga bagay na nangyayari sa atin araw-araw, mabuti man o masama, ay pawang isinaayos ng Diyos at lahat ay naglalaman ng mga layunin ng Diyos. Pagdating sa pagkaaresto ng anak ko, tinitingnan ko ito mula sa makalamang perspektiba na ayaw kong magdusa siya. Kaya, naramdaman kong masamang bagay ang pagkaaresto niya at nagreklamo pa nga ako sa Diyos dahil sa hindi Niya pagprotekta sa kanya. Naisip ko ang karanasan ni Job: Nang mawala kay Job ang kanyang kayamanan at ari-arian at mapahamak ang kanyang mga anak at natakpan ng masasakit na pigsa ang kanyang katawan, kinutya siya ng kanyang asawa at gusto nitong talikuran niya ang Diyos, ngunit pinagsabihan ni Job ang kanyang asawa, sinasabing, “Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng kahirapan?” (Job 2:10). Taglay ni Job ang may-takot-sa-Diyos na puso; tumanggap man siya ng pagpapala o kasawian, palagi niya itong tinatanggap mula sa Diyos, nang hindi nagrereklamo o nagkakasala gamit ang kanyang mga labi, at sumasalungat sa Kanya, at nagawa niyang magpasakop sa Diyos at papurihan ang Kanyang banal na pangalan. Samantalang ako naman, noong marinig ko lang ang balita na naaresto ang anak ko at hindi pa naman nanganganib ang kanyang buhay, nagsimula akong magreklamo at hinayaan ko pa ngang maapektuhan nito ang aking tungkulin. Ang pangalan ko ay hindi man lang karapat-dapat na mailagay sa parehong pangungusap kasama ang kay Job; sobrang napahiya ako! Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos ko, naaresto ang anak ko habang ginagawa ang kanyang tungkulin, at hindi ko alam kung kumusta na siya ngayon. Natatakot akong maging Hudas siya at maparusahan sa hinaharap. O Diyos ko, nasasaktan ang puso ko, at nagugulo ang kalagayan ko kapag ginagawa ko ang aking tungkulin. Pakiusap, gabayan Mo akong magnilay at maunawaan ang aking problema.” Pagkatapos manalangin, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi Ko binibigyan ng pagkakataon ang mga tao na magpahayag ng kanilang mga damdamin, sapagkat wala Akong mga damdamin ng laman, at natutuhan Kong kamuhian nang sukdulan ang mga damdamin ng mga tao. Dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako naitaboy sa isang tabi, at sa gayon ay naging ‘iba’ Ako sa kanilang paningin; dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako nakalimutan; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya sinasamantala ang pagkakataong kunin ang kanyang ‘konsensya’; dahil sa mga damdamin ng tao kaya siya laging tumututol sa Aking pagkastigo; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya Ako tinatawag na hindi patas at hindi makatarungan, at sinasabing hindi Ko iniintindi ang mga damdamin ng tao sa Aking pamamahala sa mga bagay-bagay. May kamag-anak din ba Ako sa ibabaw ng lupa? Sino, katulad Ko, ang nakapagtrabaho na araw at gabi, na hindi iniisip ang pagkain o pagtulog, para sa kapakanan ng buong plano ng Aking pamamahala? Paanong maikukumpara ang tao sa Diyos? Paanong magiging kaayon ng Diyos ang tao?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 28). “Ang sangkatauhan ay namumuhay lahat sa kalagayan ng mga damdamin, kaya nga hindi iniiwasan ng Diyos ang isa man sa kanila, at inilalantad ang mga lihim na nakatago sa puso ng buong sangkatauhan. Bakit hirap na hirap ang mga tao na ihiwalay ang kanilang sarili sa kanilang mga damdamin? Ang paggawa ba nito ay higit pa kaysa sa mga pamantayan ng konsensiya? Maisasakatuparan ba ng konsensiya ang kalooban ng Diyos? Makatutulong ba ang mga damdamin upang malagpasan ng mga tao ang paghihirap? Sa mga mata ng Diyos, ang mga damdamin ay Kanyang kaaway—hindi ba ito malinaw na nakasaad sa mga salita ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 28). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na kinasusuklaman ng Diyos kapag namumuhay ang mga tao ayon sa kanilang mga damdamin. Kapag kumikilos ang mga tao ayon sa damdamin, iniisip lang nila ang mga ugnayang pampamilya at interes ng laman, hindi nila hinahanap ang katotohanan o ang layunin ng Diyos kahit kaunti; nilalabanan nila ang Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa. Ganyang-ganyan ako. Nang malaman kong naaresto ang anak ko, ang una kong naisip ay tiyak na bubugbugin siya ng mga pulis at pipilitin siyang itanggi ang Diyos at ipagkanulo ang mga lider at manggagawa ng iglesia. Naisip ko na kung hindi makayanan ng anak ko ang pagpapahirap at maging Hudas siya, mawawala sa kanya ang pagkakataong makamit ang kaligtasan, at bukod sa hindi siya makakakuha ng mga pagpapala sa hinaharap, mapaparusahan pa siya sa impiyerno. Dahil bata pa ang anak ko, napaisip din ako kung paano siya mabubuhay sa hinaharap kung mabalda siya dahil sa mga pambubugbog. At kung mamatay siya sa bugbog, tuluyan ko nang mawawala ang anak ko. Sa pag-iisip ng mga malulubhang kahihinatnan na ito, nagsimulang magkaroon ng mga reklamo sa Diyos ang puso ko, at sinisi ko ang Diyos sa hindi niya pagbantay at pagprotekta sa anak ko, nangangatwiran pa nga ako at nagrereklamo nang malakas sa Kanya. Nasaan ang katwiran ko? Nasaan ang pagkatao ko? Nang makitang ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang mga damdamin ay kayang labanan ang Diyos anumang oras o saanmang lugar, naintindihan ko kung bakit inilantad sa atin ng Diyos na “ang mga damdamin ay Kanyang kaaway.”

Sa aking paghahanap, nabasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “Lagi Kong nadarama na ang landas kung saan ginagabayan tayo ng Diyos ay hindi diretso, bagkus ay isang paliku-likong daan na puno ng mga lubak; sinasabi ng Diyos, bukod dito, na habang mas mabato ang landas, mas maibubunyag nito ang ating mga pusong mapagmahal. Gayunman ay wala ni isa man sa atin ang makapagbubukas ng gayong landas. Sa Aking karanasan, lumakad na Ako sa maraming mabato, mapanganib na mga landas at dumanas na Ako ng matinding pagdurusa; may mga sandali na lubos Akong namimighati hanggang sa punto na gusto Kong maghumiyaw, ngunit nilakaran Ko na ang landas na ito hanggang sa ngayon. Naniniwala Ako na ito ang landas na pinangungunahan ng Diyos, kaya tinitiis Ko ang pagpapahirap ng lahat ng pagdurusa at nagpapatuloy na sumulong. Sapagkat ito ang naitalaga na ng Diyos, kaya sinong makatatakas dito? Hindi Ko hinihingi na makatanggap ng anumang mga pagpapala; ang hinihingi Ko lang ay makaya Kong lumakad sa landas na dapat Kong lakaran ayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi Ko hinahangad na gayahin ang iba, na lumakad sa landas na kanilang nilalakaran; ang hinahangad Ko lang ay nawa matupad Ko ang Aking debosyon na lumakad sa itinalaga sa Aking landas hanggang sa katapusan. Hindi Ko hinihingi ang tulong ng iba; sa totoo lang, hindi Ko rin matutulungan ang sinuman. Tila labis na napakasensitibo Ko sa bagay na ito. Hindi Ko alam kung ano ang iniisip ng ibang tao. Ito ay dahil lagi Akong naniniwala na kung gaano man ang dapat ipagdusa ng isang indibidwal at kung gaano man kalayo ang dapat nilang lakarin sa kanilang landas ay itinakda ng Diyos, at na walang sinuman ang tunay na makatutulong sa kaninuman(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … (6)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung gaano karaming pagdurusa ang titiisin ng isang tao at kung anong mga sitwasyon ang mararanasan nila sa kanilang buhay ay pawang itinakda na ng Diyos noon pa man. Dapat kong ipagkatiwala ang anak ko sa Diyos at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Ito ang katwiran at pagsasagawang dapat kong taglayin. Hindi pa gaanong matagal na nananampalataya ang anak ko sa Diyos, at hindi siya mapagkilatis pagdating sa diwa ng pagkamuhi sa Diyos at sa katotohanan malaking pulang dragon. Na naaresto siya ngayon at magtitiis ng pagdurusa; nakapaloob dito ang mabuting layunin ng Diyos, at higit pa rito, may mga aral itong dapat matutuhan ng anak ko. Naisip ko kung gaano karaming kapatid ang naaresto at inusig ng malaking pulang dragon, at lahat sila ay labis na nagdusa, pero ang mga karanasang ito ay nagbigay sa kanila ng tunay na pananalig sa Diyos. Sa gitna ng pasakit at kapighatian, handa silang mabulok habambuhay sa bilangguan kaysa ipagkanulo ang Diyos, nagtagumpay laban sa kanilang laman at laban kay Satanas at sa huli ay nagbigay ng maganda at matunog na patotoo sa Diyos. Naisip ko rin ang sarili kong karanasan sa pagkaaresto. Bagama’t medyo nagdusa ang laman ko noon, at bagama’t dungo ako at mahina noong dumaranas ng pagpapahirap at pagdurusa, nang manalangin ako sa Diyos at nagabayan at inakay ng Kanyang mga salita, lumago rin ang pananalig ko sa Kanya. Sa pamamagitan ng karanasang ito, hindi lang ako natutong kilatisin ang buktot na diwa ng malaking pulang dragon na paglaban sa Diyos, nagkaroon din ako ng kaunting pagkaunawa sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa pagkaunawang ito, handa kong ipagkatiwala ang anak ko sa Diyos at hayaan ang Diyos na pamatnugutan at isaayos ang lahat.

Makalipas ang isang buwan, bumalik ang anak ko, namumutla ang mukha at pinaghihinaan ng loob. Mababa ang tayog ng anak ko, at hindi siya nangahas na aminin na nananampalataya siya sa Makapangyarihang Diyos, kaya pinakawalan din siya sa huli. Pagkatapos maranasan ang kabiguang ito, natuto ng ilang aral ang anak ko at naging mas mapagkilatis siya sa malaking pulang dragon. Nakita rin niya na masyadong mababa ang kanyang tayog at na hindi talaga tunay ang pananalig niya sa Diyos. Makalipas ang anim na buwan, ipinagpatuloy niya ang kanyang tungkulin.

Isang araw noong Oktubre ng 2023, nakatanggap ako ng liham mula sa iglesia na nagsasabing naaresto na naman ang anak ko. Mahigit 30 katao ang naaresto mula sa iglesia ng anak ko, kabilang na ang mga lider at manggagawa. Naisip ko kung paanong may dati nang rekord ng pagkaaresto ang anak ko, at paano kung malaman ng mga pulis na naging lider siya, tiyak na pipilitin siya ng mga ito na ipagkanulo ang pera ng iglesia at ang mga lider at manggagawa, at pipilitin siyang pumirma ng “Tatlong mga Pahayag” na nagpapahayag ng pagtalikod niya sa kanyang pananalig. Ngayon ang panahon kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang mga tao at ibinubukod-bukod sila ayon sa kanilang uri; kung na-brainwash ang anak ko ng Partido Komunista, o kung hindi niya makayanan ang pagpapahirap at pumirma siya ng “Tatlong mga Pahayag” at ipagkanulo ang Diyos, binubuksan na niya ang pinto patungo sa impiyerno at mawawalan na siya ng pagkakataong maligtas. Sa pag-iisip nito, pakiramdam ko ay parang may bumara sa sikmura ko, at nagsimula akong mabalisa tungkol sa kinabukasan at kapalaran ng anak ko at nawalan ako ng ganang gawin ang tungkulin ko. Sa puso ko, walang tigil akong nananalangin para sa anak ko, hinihiling sa Diyos na kahabagan at protektahan Niya ang anak ko para malampasan nito nang ligtas ang mahirap na panahong ito. Nakita ng ilang kapatid na bagsak ang loob ko, at buong araw akong bumubuntong-hininga dahil sa pag-aalala, at nakipagbahaginan sila sa akin tungkol sa layunin ng Diyos habang naghahanap din ng maraming salita Niya para tulungan ako. Napagtanto kong muli na naman akong nalilimitahan ng aking mga damdamin, kaya nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos ko, nadaakip na naman ng mga pulis ang anak ko. Hindi ko ito kayang bitiwan at natatakot ako para sa kanyang buhay at sa kanyang kinabukasan at kapalaran; pakiusap, gabayan Mo akong hanapin ang katotohanan at hindi malimitahan sa bagay na ito.”

Kalaunan, naalala ko ang pagbabahagi ng Diyos tungkol sa pagbitiw sa mga inaasahan ng isang tao para sa kanyang mga anak, at natagpuan ko ang mga salitang iyon at binasa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang ilang mangmang na magulang ay hindi nakakikilatis sa buhay o tadhana, hindi kinikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at madalas silang gumagawa ng mga kamangmangan pagdating sa kanilang mga anak. Halimbawa, pagkatapos matutong tumayo sa sariling paa ng kanilang mga anak, maaaring maharap ang mga ito sa ilang espesyal na sitwasyon, paghihirap, o seryosong insidente; ang ilan ay nagkakasakit, may ibang nasasangkot sa mga demanda, may nagdidiborsiyo, may nalilinlang at naii-scam, at may iba pa na nakikidnap, napapahamak, nabubugbog nang husto, o nahaharap sa kamatayan. May ilan pa nga na nalululong sa droga, at iba pa. Ano ang dapat gawin ng mga magulang sa mga espesyal at mabibigat na sitwasyong ito? Ano ang tipikal na reaksiyon ng karamihan sa mga magulang? Ginagawa ba nila ang nararapat nilang gawin bilang mga nilikha na may pagkakakilanlan bilang magulang? Napakadalang na makarinig ang mga magulang ng gayong balita at tumugon tulad ng gagawin nila kung nangyari ito sa isang estranghero. Karamihan sa mga magulang ay namumuti ang buhok sa isang magdamag dahil sa pag-aalala, hindi sila makatulog gabi-gabi, walang ganang kumain sa araw, pinipiga ang utak nila sa kakaisip, at ang ilan ay mapait pa ngang tumatangis, hanggang sa mamula ang kanilang mga mata at maubusan na sila ng luha. Taimtim silang nananalangin sa Diyos, hinihiling na isaalang-alang ng Diyos ang sarili nilang pananalig at protektahan Niya ang kanilang mga anak, na paboran at pagpalain Niya ang mga ito, na kaawaan Niya ang mga ito at iligtas ang buhay ng mga ito. Bilang mga magulang sa ganitong sitwasyon, nalalantad lahat ang kanilang mga kahinaan bilang tao, pagkamarupok, at damdamin para sa kanilang mga anak. Ano pa ang ibang nabubunyag? Ang kanilang pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos. Nagsusumamo sila sa Diyos at nananalangin sa Kanya, nagmamakaawa sa Kanya na ilayo ang kanilang mga anak sa kapahamakan. Kahit pa maganap ang isang sakuna, ipinagdarasal nila na hindi mamatay ang kanilang mga anak, na ang mga ito ay makatakas sa panganib, hindi mapahamak ng masasamang tao, hindi lumala ang mga sakit, bagkus ay gumaling, at iba pa. Ano ba talaga ang ipinagdarasal nila? (O Diyos, sa mga dasal na ito, mayroon silang mga hinihingi sa Diyos, nang may bahid ng pagrereklamo.) Sa isang aspekto, labis silang hindi nasisiyahan sa sitwasyon ng kanilang mga anak, nagrereklamo na hindi dapat hinayaan ng Diyos na mangyari ang mga gayong bagay sa kanilang mga anak. May halong reklamo ang kanilang kawalang-kasiyahan, at hinihiling nila sa Diyos na magbago ang isip Niya, na huwag Siyang kumilos nang ganito, na ilayo Niya ang kanilang mga anak mula sa panganib, na panatilihin Niyang ligtas ang mga ito, na pagalingin Niya ang sakit ng mga ito, na tulungan Niyang makaiwas ang mga ito sa mga demanda, na makaiwas ang mga ito sa kalamidad kapag dumarating iyon, at iba pa—sa madaling sabi, na gawin ng Diyos na maayos ang lahat. Sa pagdarasal nang ganito, sa isang aspekto, nagrereklamo sila sa Diyos, at sa isa pa, gumigiit sila sa Kanya. Hindi ba’t ito ay pagpapamalas ng pagiging mapaghimagsik? (Oo.) Sa pahiwatig, sinasabi nila na ang ginagawa ng Diyos ay hindi tama o mabuti, na hindi Siya dapat kumilos nang ganito. Dahil mga anak nila ito, at sila ay mga mananampalataya, iniisip nila na hindi dapat hayaan ng Diyos na mangyari ang mga gayong bagay sa kanilang mga anak. Ang mga anak nila ay hindi katulad ng iba; dapat makatanggap ang mga ito ng mga espesyal na pagpapala mula sa Diyos. Sapagkat nananalig sila sa Diyos, dapat Niyang pagpalain ang kanilang mga anak, at kung hindi Niya ito gagawin, sila ay mababagabag, iiyak, magmamaktol, at aayaw nang sumunod sa Diyos. Kung mamamatay ang kanilang anak, mararamdaman nilang hindi na rin nila kaya pang mabuhay. Ito ba ang sentimyentong nasasaisip nila? (Oo.) Hindi ba’t isa itong uri ng pagprotesta laban sa Diyos? (Ganoon nga.) Ito ay pagprotesta laban sa Diyos. … Kapag pinapatnugutan at pinamumunuan ng Diyos ang kapalaran ng iba, iniisip mo na ayos lang ito basta’t wala itong kinalaman sa iyo. Pero iniisip mo na hindi Niya dapat mapamunuan ang kapalaran ng iyong mga anak? Sa mga mata ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at walang makakatakas sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos na itinatakda ng mga kamay ng Diyos. Bakit dapat maiba ang mga anak mo? Ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay inorden at pinlano Niya. Ayos lang ba na gustuhin mong baguhin ito? (Hindi.) Hindi ito ayos lang. Kung gayon, ang mga tao ay hindi dapat gumawa ng mga kahangalan o mga hindi makatwirang bagay. Ang anumang ginagawa ng Diyos ay batay sa mga sanhi at epekto na mula sa mga nakaraang buhay—ano ang kinalaman nito sa iyo? Kung lalabanan mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, naghahanap ka lang ng kamatayan. Kung ayaw mong maranasan ng iyong mga anak ang mga bagay na ito, iyon ay nagmumula sa pagmamahal, hindi sa katarungan, awa, o kabaitan—ito ay epekto lang ng iyong pagmamahal. … Ang tunay na relasyon sa pagitan ng mga tao ay hindi nakabatay sa mga ugnayan sa laman at dugo, bagkus, ito ay isang relasyon sa pagitan ng isang buhay na nilalang at ng isa pang nilikha ng Diyos. Ang ganitong uri ng relasyon ay walang mga ugnayan sa dugo at laman; ito ay sa pagitan lamang ng dalawang buhay na nilalang. Kung iisipin mo ito mula sa ganitong anggulo, bilang mga magulang, kapag ang inyong mga anak ay minamalas na magkasakit o kapag nanganganib ang kanilang buhay, dapat ninyong harapin nang tama ang mga usaping ito. Hindi ninyo dapat isuko ang inyong natitirang oras, ang landas na dapat ninyong tahakin, o ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat ninyong tuparin, dahil lang sa mga kasawian o sa pagpanaw ng inyong mga anak—dapat ninyong harapin nang tama ang bagay na ito. Kung tama ang iyong mga kaisipan at pananaw at malinaw mong nauunawaan ang mga bagay na ito, mabilis mong malalampasan ang paghihinagpis, pagdadalamhati, at pangungulila(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa simula, ang mga tao ay mga nagsasariling buhay na nilalang na walang kaugnayan sa isa’t isa. Kapag muling nagkatawang-tao ang kaluluwa at pumasok sa materyal na mundong ito saka lang nagkakaroon ng mga pamilya ang mga tao, mga asawa, mga ama at anak na lalaki, mga ina at anak na babae, at iba pang mga katulad na relasyon. Ngunit kung pag-uusapan ang tungkol sa diwa ng isang tao, walang mga relasyon sa pagitan ng isa’t isa sa simula. Ngunit hindi malinaw na nakikita ng mga tao ang gayong mga bagay, inilalagay ang mga makalaman na ugnayang pampamilya at mga relasyon sa dugo nang higit sa lahat. Kapag nahaharap ang kanilang mga anak sa sakuna at karamdaman o nanganganib ang buhay ng kanilang mga anak, namumuhay ang mga magulang sa loob ng kanilang mga pagkagiliw, at nasa gayong pasakit na gusto pa nilang mamatay na lang. Sa realidad, itinakda na ng Diyos noon pa man ang landas na tatahakin ng mga tao at kung anong mga kapalaran ang mayroon sila at hindi para sa mga magulang na pagpasyahan ang mga ito. Halimbawa na lang ang mga kapitbahay ko. Ang mag-asawang ito ay namuhay nang matipid sa buong buhay nila, ginagastos ang lahat ng kanilang pinaghirapang pera sa kanilang anak na babae. Ipinasok nila ito sa isang piling paaralan at binigyan siya ng pinakamahusay na edukasyon, umaasang magkakaroon siya ng isang matatag na trabaho at seguridad sa pananalapi sa hinaharap. Gayumpaman, naligaw ng landas ang kanilang anak na babae at nagsimulang gumamit ng droga sa murang edad. Sa huli, naaresto siya dahil sa pagbebenta ng droga at nasentensiyahan ng 13 taong pagkakakulong. Halos masiraan na ng bait ang kanyang mga magulang. Gayundin, may isang batang sister na ang mga magulang ay maraming taon nang nagtatrabaho sa malayo at ipinagkatiwala siya sa pangangalaga ng kanyang tiyuhin. Hindi kailanman pinansin ng kanyang mga magulang ang kanyang pag-aaral, ngunit sa huli ay nakapasok siya sa unibersidad at sumunod sa kanyang tiyahin at tiyuhin sa pananampalataya sa Diyos. Ngayon, ginagawa ng sister na ito ang kanyang tungkulin at sinusunod ang tamang landas sa buhay. Ipinapakita nito na ang landas na tinatahak ng mga tao ay walang kinalaman sa kung paano sila inaalagaan at tinuturuan ng kanilang mga magulang, at hindi ito isang bagay na mababago ng kanilang mga magulang. Gayumpaman, hindi ko malinaw na nakikita ang mga bagay na ito, palaging nag-aalala tungkol sa kinabukasan at kapalaran ng anak ko at hindi ko magawa nang normal ang aking tungkulin; pati ang pagkain at pag-inom ko ng mga salita ng Diyos ay naabala. Nag-aalala lang ako na kung hindi makayanan ng anak ko ang pagpapahirap at ipagkanulo niya ang Diyos, maging isang Hudas, mawawala sa kanya ang pagkakataon para sa kaligtasan. Humingi pa nga ako sa Diyos na protektahan siya mula sa kalupitan ng mga diyablong iyon at tiyaking malalampasan niya nang ligtas ang mahirap na panahong iyon. Mayroon ba akong kahit katiting na katwiran? Kung iisipin nang mas malaliman, noong unang maaresto ang anak ko, mababa ang kanyang tayog at hindi siya nangahas na aminin na nananampalataya siya sa Diyos; wala siyang patotoo. Pagkalipas ng 10 taon, naaresto siyang muli, at tiyak na pinahintulutan ito ng Diyos. Binibigyan Niya ang anak ko ng pagkakataong magsisi; sinusubok siya ng Diyos. Kung magtatagumpay ang anak ko laban sa mga paghihigpit ng impluwensiya ng kadiliman ng malaking pulang dragon, na isinusugal ang kanyang buhay para manindigan sa kanyang patotoo sa Diyos, kung gayon, ang pagkaaresto niya sa pagkakataong ito ay lubhang makabuluhan at isang paraan para siya ay maperpekto. Gayumpaman, tiningnan ko ang mga bagay batay sa mga damdamin ko at hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos, iniisip na ang isang kumportableng kapaligiran na walang pagdurusa sa laman ay kapaki-pakinabang sa kanya. Ang paraan ko ng pagtingin sa mga bagay-bagay ay hindi talaga sumasang-ayon sa layunin ng Diyos; talagang lihis at walang katwiran ito! Kung makakapanindigan man o hindi ang anak ko sa kanyang patotoo matapos maaresto sa pagkakataong ito ay nakadepende sa kanyang diwa, sa kung ano ang karaniwan niyang hinahangad, at sa landas na kanyang tinahak. Hindi ako dapat labis na mabalisa tungkol sa kinabukasan at kapalaran ng aking anak, na namumuhay sa pasakit. Sa pag-unawa nito, medyo gumaan ang pakiramdam ng puso ko.

Sa aking paghahanap, nabasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “Maliban sa pagsisilang at pagpapalaki ng anak, ang responsabilidad ng mga magulang sa buhay ng mga anak nila ay ang panlabas lang na bigyan sila ng isang kapaligiran na kalalakihan nila, at iyon na iyon, sapagkat walang makaiimpluwensiya sa kapalaran ng tao maliban sa itinadhana ng Lumikha. Walang sinuman ang makakakontrol sa uri ng magiging kinabukasan ng isang tao; ito ay matagal nang naitakda, at kahit pa ang sariling mga magulang ay hindi mababago ang kapalaran ng isang tao. Kaugnay naman sa kapalaran, kanya-kanya ang bawat isa, at bawat isa ay may sariling kapalaran. Kaya, walang magulang ang makahahadlang sa kapalaran sa buhay ng isang tao ni kaunti o maka-uudyok sa kanya kahit kaunti pagdating sa papel na ginagampanan niya sa buhay. Maaaring sabihin na ang pamilya kung saan naitadhanang maisilang ang isang tao, at ang kapaligiran na kinalalakihan niya, ay mga paunang kondisyon lamang upang matupad niya ang sarili niyang misyon sa buhay. Hindi tinutukoy ng mga ito sa anumang paraan ang kapalaran ng isang tao sa buhay o ang uri ng tadhana kung saan tinutupad ng isang tao ang kanyang misyon. Kung kaya’t walang magulang ang makakatulong sa kanyang anak na matupad ang misyon niya sa buhay, at gayundin, walang kaanak ninuman ang makakatulong sa kanya na akuin ang sarili niyang papel sa buhay. Kung paano tinutupad ng isang tao ang kanyang misyon at sa anong uri ng pinamumuhayang kapaligiran niya ginagampanan ang kanyang papel ay ganap na itinatakda ng kanyang kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, walang iba pang obhetibong mga kondisyon ang makakaimpluwensiya sa misyon ng isang tao, na itinadhana ng Lumikha. Ang lahat ng tao ay umaabot sa hustong pag-iisip ayon sa kanilang partikular na kinalakhang mga kapaligiran; pagkatapos, unti-unti, sa bawat hakbang, tumutungo sila sa kanilang sariling mga landas sa buhay at tinutupad ang mga tadhana na plinano para sa kanila ng Lumikha. Sa likas na paraan at nang hindi sinasadya ay pumapasok sila sa malawak na karagatan ng sangkatauhan at inaako ang sarili nilang mga papel sa buhay, kung saan ay sinisimulan nila ang pagtupad sa kanilang mga responsabilidad bilang mga nilalang para sa kapakanan ng pagtatadhana ng Lumikha, para sa kapakanan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Napakalinaw na sinabi ng Diyos ang tungkol sa mga responsabilidad ng mga magulang sa kanilang mga anak. Bilang isang magulang, responsabilidad kong palakihin ang aking anak hanggang sa hustong gulang, tiyaking lumalaki siya sa isang malusog na paraan, dalhin siya sa harap ng Diyos, sabihin sa kanya na ang kanyang buhay ay mula sa Diyos, at hikayatin siyang manampalataya sa Diyos at tahakin ang tamang landas. Ito ang aking mga responsabilidad at obligasyon bilang isang magulang. Ngunit kung makakapanindigan man o hindi ang anak ko sa kanyang patotoo matapos maaresto at kung ang kanyang magiging kalalabasan at hantungan sa hinaharap ay pagkamit ng mga pagpapala o pagpaparusa ay hindi mga bagay na kaya kong pagpasyahan. Bilang isang nilikha, dapat kong tanggapin at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang may katwiran. Ito lamang ang naaayon sa layunin ng Diyos. Sa pag-unawa nito, lubos na napalaya ang puso ko. Makapanindigan man o hindi ang anak ko sa kanyang patotoo, at kung tatanggap man siya ng mga pagpapala o kasawian sa hinaharap, handa akong tanggapin ito at magpasakop.

Ngayon, kapag naiisip ko ang anak ko, medyo nag-aalala pa rin ako, pero hindi na nito naiimpluwensyahan ang kalagayan ko, at kaya ko nang gawin nang normal ang aking tungkulin. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa aking puso!

Sinundan:  94. Ang Nakamit Ko Mula sa Paggawa ng Tunay na Gawain

Sumunod:  96. Napagtagumpayan Ko ang Aking mga Problema sa Pautal-utal na Pagsasalita

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger