96. Napagtagumpayan Ko ang Aking mga Problema sa Pautal-utal na Pagsasalita
May problema sa pautal-utal na pagsasalita ang tatay ko, at ganoon din ako mula pa noong bata. Ayos lang naman kapag hindi ako nakakaharap ng mga hindi ko kakilala, pero sa tuwing makakakilala ako ng mga bago, kinakabahan ako at nauutal kapag nagsasalita. Sasabihin sa akin ng mga kapatid kong lalaki at babae, “Tingnan mo nga kung paano ka magsalita; hindi ka ba puwedeng magsalita nang mas mabagal?” Sobrang sama ng loob ko sa mga puna nila. Kahit sarili kong mga kapatid, ayaw sa akin at minamaliit ako. Pakiramdam ko ay napakababa ko at madalas akong umiiyak dahil sa sama ng loob. Noong elementarya, minsan pinili ako ng titser para sumagot sa tanong, kinabahan ako nang husto, at habang nagsasalita ako, bigla akong nautal at hindi ko na mailabas ang mga sasabihin ko, at naghagalpakan ng tawa ang lahat ng mga kaklase ko. Labis itong kahiya-hiya. Pagkatapos niyon, hindi na ako nagtataas ng kamay para magsalita sa tuwing hihilingin iyon ng titser, dahil natatakot akong pagtawanan ng mga kaklase ko. Ang mga ganoong pangyayari noong mga taong iyon ay nag-iwan ng marka sa murang puso ko. Palagi kong nararamdaman na hindi ako sapat at napakababa ko. Naguguluhan din ako nang husto, iniisip, “Bakit hindi ako makapagsalita nang kasing-tatas ng iba? Bakit ako nauutal?” Pagkatapos kong ikasal, tinukso ako ng asawa ko dahil sa pautal-utal kong pagsasalita, sabi niya, “Ang laki-laki mo na, hindi ka pa marunong magsalita nang maayos. Kung isang baka ka lang, matagal na sana kitang ipinagpalit.” Sa tuwing kinakausap ko ang mga anak ko, nauutal din ako minsan kapag nag-aalala ako, at pagtatawanan ako ng mga anak ko, “Tingnan ninyo, nauutal na naman si Nanay. Hindi ka ba puwedeng magsalita nang mas mabagal?” Madalas sabihin sa akin ng mga anak ko at ng asawa ko ang mga ganitong bagay. Pakiramdam ko ay wala akong silbi sa buhay, at gula-gulanit ang kumpiyansa ko sa sarili. Pagkatapos niyon, iniiwasan ko nang magsalita nang marami, at hindi ako nangangahas na magsalita sa harap ng mga hindi ko kakilala, sa ganitong paraan, walang makakaalam na may problema ako sa pautal-utal na pagsasalita, at hindi nila ako pagtatawanan.
Noong 2003, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Alam kong may problema ako sa pautal-utal na pagsasalita, kaya kapag dumadalo ako sa mga pagtitipon kasama ang mga kapatid, bihira akong makipagbahaginan. Hinikayat ako ng mga kapatid na mas makipagbahaginan at tapat na magbukas ng sarili, sinasabing iyon lang ang paraan para lumago sa buhay. Sinabi rin nila, “Lahat naman ay may kapintasan, huwag mong hayaang limitahan ka ng mga ito.” Nang makita kong hindi nila ako hinahamak kundi sa halip ay hinihikayat at tinutulungan nila ako, labis akong naantig at naramdaman kong talagang napakagandang manampalataya sa Diyos. Hindi ko pa kailanman naranasan ang ganitong pakiramdam, at mula noon, hindi ko na gaanong naramdamang nalilimitahan ako.
Kalaunan, napili ako bilang lider ng iglesia. Isang araw, isinaayos ng mga nakatataas na lider na gawin ko ang aking tungkulin sa Iglesia ng Chengdong. Naisip ko, “Kung pupunta ako sa Iglesia ng Chengdong, at malaman ng mga kapatid na nauutal ako, ano kaya ang iisipin nila sa akin? Pagtatawanan kaya nila ako? Sobrang nakakahiya niyon! Ayokong pumunta.” Nakita ng mga nakatataas na lider kung ano ang nasa isip ko at nakipagbahaginan sila sa akin, sinabing isa itong pagkakataon para magsanay. Batay sa katwiran, pumayag akong tanggapin ang posisyon. Sa Iglesia ng Chengdong, nang makipagtipon ako sa mga lider at diyakono, medyo kinabahan ako dahil puro sila mga bagong mukha para sa akin, at natatakot akong mamaliitin nila ako kung patuloy akong mauutal, kaya umaasa akong matapos na agad ang pagtitipon. Pero habang lalo akong kinakabahan, lalo akong nauutal, at labis akong napahiya. Pagtingin ko sa paligid, nakita kong nakayuko ang ilang kapatid, at ang iba naman ay nanatiling tahimik. Hindi ako mapakali. Naisip ko, “Siguro iniisip nila, ‘Paano napunta rito ang isang utal?’ Kung hindi ako makikipagbahaginan, sasabihin nilang wala akong mga katotohanang realidad, pero kung magpapatuloy ako, patuloy lang akong mauutal.” Wala akong nagawa kundi sikaping magpatuloy at ipagpatuloy ang pakikipagbahaginan. Grabe ang pagkautal ko sa pagtitipong iyon, at halos hindi ko ito natapos hanggang dulo. Noong una, balak ko sanang tanungin sila tungkol sa kanilang mga kalagayan, pero naisip ko, “Paano kung may mga problema sila o mga paghihirap? Kinakailangan ko pang makipagbahaginan sa kanila gamit ang mga salita ng Diyos. Kung mauutal na naman ako, siguradong pagtatawanan nila ako. Kalimutan mo na, mas mabuting huwag nang magtanong.” Ang kinalabasan, walang resulta ang pagtitipong iyon, at ang gawaing dapat sana’y naipatupad ay hindi rin naisagawa nang maayos, na nakapagpaantala sa gawain. Habang pauwi, nakaramdam ako ng matinding dalamhati at nagreklamo ako sa sarili ko, “Bakit ba ako nauutal? Bakit hindi nauutal ang ibang tao?” Pakiramdam ko ay napakababa ko, palagi kong iniisip na isang baitang akong mas mababa kaysa sa iba. Pagkatapos niyon, sa tuwing dumadalo ako sa mga pagtitipon kasama ang mga lider at diyakono, nakakaramdam ako ng pagkapigil. Natatakot akong mautal na naman at pagtawanan o maliitin, kaya sinikap kong makipagbahaginan nang kaunti hangga’t maaari. Nagbibigay lang ako ng ilang komentong pangkalahatan tungkol sa gawaing kailangang ipatupad, na naging dahilan para hindi magkaroon ng magandang resulta ang gawain. Alam kong ang palagi kong pagkapigil dahil sa aking pagkautal ay nakakaapekto sa gawain, kaya madalas kong inilalapit ang aking kalagayan sa Diyos sa panalangin, hinihiling sa Diyos na gabayan ako para hindi ako malimitahan nito. Minsan, kapag nagsisimula na naman akong mautal habang nagsasalita, tinatakpan ko ng kamay ko ang bibig ko para hindi makita ng mga tao ang panginginig ng labi ko dahil sa pagkautal. Sa mga pagtitipon, palagi kong ipinapabasa sa ibang mga kapatid ang mga salita ng Diyos, at kapag talagang hindi ko na maiiwasan, maliit na bahagi lang ang binabasa ko. Sa ganitong paraan, mas kakaunting tao ang makakaalam na nauutal ako. Pero napakasakit mamuhay nang ganito. Pakiramdam ko ay sobrang nasusupil ako at pagod na pagod. Naaapektuhan din nito ang pagganap ko ng aking tungkulin.
Minsan, nagtapat ako sa isang sister, “Nauutal ako kapag nagsasalita, at natatakot akong lahat kayo ay mamaliitin ako, kaya wala akong lakas ng loob na makipagbahaginan.” Sabi ng sister, “Hindi ko pa nga napapansin na nauutal ka kapag nagsasalita. Minsan, kapag naririnig kitang humihinto sa kalagitnaan ng pangungusap, iniisip ko lang na masyado kang napipigilan para magpatuloy.” Hinikayat din ako ng sister, sinasabing, “Walang perpektong tao. Nakarinig ka na ba ng taong walang kapintasan? Sinasabi sa atin ng mga salita ng Diyos na lahat ay may mga kapintasan at pagkukulang. Huwag kang magpapapigil dito; hangarin mo lang nang taimtim ang katotohanan. Ang pagkautal mo ay dulot ng kaba, pero hindi mo kailangang mag-alala tungkol dito. Ituon mo lang ang iyong puso sa iyong tungkulin, at unti-unti, hindi ka na mapipigilan ng iyong pagkautal.” Medyo gumaan ang pakiramdam ko nang marinig kong sabihin ito ng sister ko. Kalaunan, nanood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan na nagbigay-liwanag sa puso ko at labis na pinalakas ang loob ko. Isang sipi ng mga salita ng Diyos na binanggit doon ang partikular na tumukoy nang direkta sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May ilang problema na hindi kayang lutasin ng mga tao. Halimbawa, maaaring madali kang kabahan kapag nakikipag-usap sa iba; kapag nahaharap sa mga sitwasyon, maaaring may sarili kang mga ideya at pananaw pero hindi mo malinaw na masabi ang mga ito. Lalo kang kinakabahan kapag maraming tao sa paligid; hindi malinaw ang iyong pagsasalita at nanginginig ang iyong mga labi. Ang ilang tao ay nauutal pa nga; para sa iba naman, kung may mga miyembro ng kabilang kasarian sa paligid, lalong hindi sila naiintindihan, sadyang hindi ninyo alam kung ano ang sasabihin o gagawin. Madali ba itong malampasan? (Hindi.) Sa loob ng maikling panahon, kahit papaano, hindi madali para sa iyo na malampasan ang kapintasang ito dahil parte ito ng iyong likas na mga kondisyon. Kung pagkatapos ng ilang buwan ng pagsasagawa ay kinakabahan ka pa rin, ang kaba ay magiging presyur, na negatibong makakaapekto sa iyo dahil natatakot kang magsalita, makipagkita sa mga tao, dumalo sa mga pagtitipon, o magbigay ng sermon dahil dito, at madadaig ka ng mga takot na ito. … Samakatuwid, kung kaya mong lampasan ang depektong ito, ang kapintasang ito, sa loob ng maiksing panahon, gawin mo. Kung mahirap itong lampasan, huwag ka nang mag-abala pa, huwag makipaglaban dito, at huwag hamunin ang iyong sarili. Siyempre, kung hindi mo malampasan ito, hindi ka dapat makadama ng pagkanegatibo. Kahit hindi mo ito kailanman malampasan sa buong buhay mo, hindi ka kokondenahin ng Diyos, dahil hindi ito ang iyong tiwaling disposisyon. Ang iyong pagkatakot sa harap ng mga tao, ang iyong nerbiyos at takot—ang mga pagpapamalas na ito ay hindi sumasalamin sa iyong tiwaling disposisyon; ang mga ito man ay likas sa iyo o dulot ng kapaligiran sa buhay kalaunan, sa pinakamalala, ito ay isang depekto, isang kapintasan ng iyong pagkatao. Kung hindi mo ito mababago pagkalipas ng mahabang panahon, o maging sa buong buhay mo, huwag mo itong pakaisipin, huwag hayaang pigilan ka nito, at hindi ka rin dapat maging negatibo dahil dito, dahil hindi mo ito tiwaling disposisyon; walang silbi na subukang baguhin o labanan ito. Kung hindi mo ito kayang baguhin, tanggapin mo ito, hayaan itong umiral, at ituring ito nang tama, dahil maaari kang umiral kasama ng depektong ito, ng kapintasang ito—ang pagkakaroon mo nito ay hindi nakakaapekto sa iyong pagsunod sa Diyos at paggawa ng mga tungkulin mo. Hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan at gawin ang mga tungkulin mo sa pinakaabot ng iyong mga abilidad, maaari ka pa ring maligtas, hindi ito nakakaapekto sa iyong pagtanggap sa katotohanan at hindi nakakaapekto sa pagtatamo mo ng kaligtasan. Samakatuwid, hindi ka dapat madalas na mapigilan ng isang partikular na depekto o kapintasan sa iyong pagkatao, hindi ka rin dapat maging negatibo at panghinaan ng loob, o bumitiw pa nga sa iyong tungkulin at sa paghahangad sa katotohanan, at mawalan ng pagkakataong maligtas, dahil sa parehong dahilan. Ito ay lubos na hindi sulit; iyan ang gagawin ng isang hangal at mangmang na tao” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pautal-utal na pagsasalita ay isang depekto at kapintasan ng tao, at hindi ito isang tiwaling disposisyon at hindi ito nakakaapekto sa paghahangad ng isang tao sa katotohanan o sa kanyang kaligtasan. Hindi ko maaaring hayaan ang sarili kong palaging malimitahan o maging negatibo dahil lang sa isang kapintasan, o kaya’y sumuko na sa paghahangad sa katotohanan, kung hindi, mawawala sa akin ang pagkakataon kong maligtas, at ito ay magiging isang pagpapakita ng kamangmangan at kahangalan. Pinagnilayan ko kung paano, sa loob ng napakaraming taon, dahil sa problema ko sa pautal-utal na pagsasalita, kahit na alam kong dapat akong magtapat at makipagbahaginan para makamit ang kaliwanagan at paggabay ng Diyos sa mga pagtitipon, natatakot akong mapansin ng mga kapatid ang aking pagkautal, kaya hindi ako nangahas na makipagbahaginan. Pagpunta ko sa Iglesia ng Chengdong, mas lalo pa akong nalimitahan ng pagkautal ko, at habang lalo akong natatakot na mapansin ito ng iba, lalo akong kinakabahan, at lalong lumalala ang pagkautal ko. Dahil dito, wala akong natagpuang anumang kasiyahan sa mga pagtitipon. Hindi ko sinuri o nilutas ang mga isyu at paghihirap na nararanasan ng mga lider at diyakono, at ang mga pagtitipon ay dali-daling tinatapos nang hindi naipapatupad nang maayos ang gawain. Madalas akong nalilimitahan ng pagkautal ko at hindi ako nangangahas na magtapat at makipagbahaginan sa mga pagtitipon. Hindi lamang ito nagdulot ng mga kawalan sa sarili kong buhay pagpasok kundi hindi rin ito nakatulong sa aking mga kapatid. Naantala rin nito ang gawain ng iglesia. Nakita ko kung gaano ako naging hangal at mangmang. Sabi ng Diyos: “Kung hindi mo ito mababago pagkalipas ng mahabang panahon, o maging sa buong buhay mo, huwag mo itong pakaisipin, huwag hayaang pigilan ka nito, at hindi ka rin dapat maging negatibo dahil dito, dahil hindi mo ito tiwaling disposisyon; walang silbi na subukang baguhin o labanan ito. Kung hindi mo ito kayang baguhin, tanggapin mo ito, hayaan itong umiral, at ituring ito nang tama, dahil maaari kang umiral kasama ng depektong ito, ng kapintasang ito—ang pagkakaroon mo nito ay hindi nakakaapekto sa iyong pagsunod sa Diyos at paggawa ng mga tungkulin mo. Hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan at gawin ang mga tungkulin mo sa pinakaabot ng iyong mga abilidad, maaari ka pa ring maligtas, hindi ito nakakaapekto sa iyong pagtanggap sa katotohanan at hindi nakakaapekto sa pagtatamo mo ng kaligtasan.” Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, gumaan ang pakiramdam ng puso ko at napuno ito ng lakas ng loob. Naisip ko kung paano, mula pa noong pagkabata, minamaliit ako at hinahamak dahil sa problema ko sa pautal-utal na pagsasalita. Madalas akong nalulugmok sa pakiramdam ng kababaan ng tingin sa sarili, iniisip na hindi ako kasing-husay ng iba. Pero hindi ako itinakwil ng Diyos at hinikayat pa nga Niya akong taimtim na hangarin ang katotohanan at kaligtasan. Naramdaman kong tunay na mahal ng Diyos ang mga tao, at sa wakas ay parang nabunutan ako ng tinik sa dibdib. Dahil hindi hinamak ng Diyos ang depekto ko, kinailangan ko itong harapin nang tama, at kahit na hindi na magbago ang depektong ito sa buong buhay ko, hindi ako dapat malimitahan nito. Sa halip, kinailangan kong magtuon sa paghahangad sa katotohanan at paggawa ng aking tungkulin nang maayos. Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, lumapit ako sa harap ng Diyos at nanalangin, “O Diyos ko, nauunawaan ko na po ang Iyong layunin ngayon. Handa po akong harapin nang tama ang aking depekto at kapintasan at tumigil na sa pagrereklamo. Magpapasakop po ako at gagawin nang maayos ang aking tungkulin.”
Pagkatapos manalangin, nag-isip-isip pa ako, “Bakit palagi akong nalilimitahan ng pagkautal ko? Anong uri ng tiwaling disposisyon ang nagdudulot nito?” Pagkatapos ay naghanap ako ng mga salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa halip na hanapin ang katotohanan, karamihan sa mga tao ay may kani-kanilang sariling mga adyenda. Napakahalaga para sa kanila ng sarili nilang mga interes, reputasyon, at ang posisyon o katayuang pinanghahawakan nila sa isip ng ibang tao. Ang mga bagay na ito lamang ang pinakaiingat-ingatan nila. Napakahigpit ng pagkapit nila sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang sariling buhay. At hindi gaanong mahalaga sa kanila kung paano sila ituring o itrato ng Diyos; sa ngayon, binabalewala nila iyon; sa ngayon, isinasaalang-alang lamang nila kung sila ang namumuno sa grupo, kung mataas ba ang tingin sa kanila ng ibang tao, at kung matimbang ba ang kanilang mga salita. Ang una nilang inaalala ay ang pag-okupa sa posisyong iyon. Kapag sila ay nasa isang grupo, ang ganitong uri ng katayuan, at ganitong mga uri ng oportunidad ang hanap ng halos lahat ng tao. Kapag masyado silang talentado, siyempre gusto nilang maging pinakamataas sa grupo; kung medyo may abilidad naman sila, gugustuhin pa rin nilang humawak ng mas mataas na posisyon sa grupo; at kung mababa ang hawak nilang posisyon sa grupo, pangkaraniwan lamang ang kakayahan at mga abilidad, gugustuhin din nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, hindi nila gugustuhing maging mababa ang tingin sa kanila ng iba. Sa reputasyon at dignidad nagtatakda ng limitasyon ang mga taong ito: Kailangan nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Maaaring wala silang integridad, at hindi nila taglay ang pagsang-ayon ni pagtanggap ng Diyos, pero hinding-hindi maaaring mawala sa kanila ang respeto, katayuan, o paggalang na hinahangad nila mula sa iba—na siyang disposisyon ni Satanas. Pero walang kamalayan ang mga tao tungkol dito. Ang paniniwala nila ay dapat silang kumapit sa kapirasong reputasyong ito hanggang sa pinakahuli. Wala silang kamalay-malay na kapag ganap na tinalikdan at isinantabi ang mga walang kabuluhan at mabababaw na bagay na ito saka lamang sila magiging totoong tao. Kung iniingatan ng isang tao ang mga bagay na ito na dapat iwaksi bilang buhay, mawawala ang kanyang buhay. Hindi nila alam kung ano ang nakataya. … Nakuhanan ka na—ano na ngayon? Mataas na ang tingin sa iyo ng mga tao—ano naman ngayon? Iniidolo ka nila—ano naman ngayon? Pinatutunayan ba ng anuman dito na mayroon kang katotohanang realidad? Walang anumang halaga ang mga ito. Kapag kaya mong mapagtagumpayan ang mga bagay na ito—kapag wala ka nang pakialam sa mga ito, at hindi mo na nararamdamang mahalaga ang mga ito, kapag hindi na nakokontrol ng reputasyon, banidad, katayuan, at paghanga ng mga tao ang iyong mga saloobin at pag-uugali, lalong-lalo na kung paano mo gampanan ang iyong tungkulin—kung gayon, lalong magiging epektibo, at mas dalisay ang pagganap mo sa iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na gaano man kahusay ang abilidad o kakayahan ng isang tao, gusto ng lahat na hangaan sila ng iba. Sa pagbabalik-tanaw, nauutal na ako mula pa noong bata, at kahit ang sarili kong mga kapatid ay iniiwasan ako at minamaliit ako. At sa eskuwela, pinagtatawanan ako ng mga kaklase, kaya pakiramdam ko ay napakababa ko. Pagkatapos kong ikasal, kahit ang asawa ko at mga anak ay tinutuya ako, na lalo pang nakasakit sa aking pagpapahalaga sa sarili. Umiyak pa nga ako dahil sa sama ng loob. Sobra kong pinahahalagahan ang aking dangal! Naisip ko kung paano, mula pa noong pagkabata, naimpluwensiyahan ako ng mga satanikong lason tulad ng “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Partikular kong binigyang-pansin ang aking dangal. Dahil sa aking pagkautal, natatakot akong pagtawanan at maliitin, kaya madalas akong nalulugmok sa hindi matakas-takasang pakiramdam ng pagiging negatibo at pasakit. Hindi ako makapagbahagi ng dapat kong ibahagi sa mga pagtitipon o magawa nang maayos ang gawaing dapat kong ginawa. Pero hindi ako hinamak ng sambahayan ng Diyos o tinrato batay sa aking depekto. Sa halip, ipinagkatiwala sa akin ang mga tungkulin ng pamumuno at hinikayat akong maayos na hangarin ang katotohanan at kaligtasan. Hindi ba ito pagmamahal ng Diyos? Gayumpaman, ang labis kong pagkahumaling sa dangal ko ang pumigil sa akin na gawin ang mga tungkuling dapat kong ginawa. Hindi ba ito paghihimagsik laban sa Diyos? Sa katotohanan, kahit pa hangaan ako ng iba, wala itong halaga kung walang pagsang-ayon ng Diyos. Ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi kailanman makapagpapabago sa aking buhay disposisyon, at sa halip, lalo lang akong gagawing negatibo nito, at sa huli, itataboy ako at ititiwalag ng Diyos dahil sa hindi paggawa ng aking mga tungkulin nang maayos. Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng takot at pagkakonsensiya. Hindi ko kailanman naisip na ang pagkakalugmok sa dangal at katayuan ay maaaring magdulot ng gayon kaseryosong mga kahihinatnan. Mula noon, gusto ko nang bitiwan ang dangal at katayuan, tratuhin nang tama ang aking pagkautal, at normal na makipagbahaginan sa aking mga kapatid.
Isang araw, tinatalakay ko ang isang gawain kasama ang aking kapareha at muli akong kinabahan. Natatakot ako sa kung ano ang iisipin niya sa akin kung magsisimula akong mautal. Nabanggit na niya dati na humihinto ako sa pagsasalita sa kalagitnaan ng pangungusap, at dahil hindi pa kami matagal na magkatrabaho, hindi niya alam ang tungkol sa aking pagkautal. Naisip ko, “Kung hihinto na naman ako sa kalagitnaan ng pangungusap, hindi kaya niya ako iwasan?” Habang nagsasalita ako, bigla akong natigilan at huminto sa pagsasalita. Sabi ng sister, “Bakit ka ba lagi ka humihinto sa kalagitnaan ng pangungusap? Hindi mo ba kayang ipahayag nang malinaw ang sarili mo?” Naisip ko, “Iiwasan na kaya ako ng sister ngayon?” Medyo nakaramdam ako ng pagkapigil. Noong sandaling iyon, napagtanto kong mali ang iniisip ko, at tahimik akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, “O Diyos, natatakot akong mamaliitin ako ng sister ko dahil sa aking pagkautal. Ayaw ko nang malimitahan pa nito. Pakiusap, gabayan Mo po akong tratuhin nang tama ang aking depekto.” Pagkatapos manalangin, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko dati, kaya binasa ko itong muli. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hangga’t kaya mong magsikap na matamo ang katotohanan, at kaya mong gawin ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nang buong lakas mo, at nang buong isip mo nang ayon sa mga prinsipyo, at sinsero ang puso mo, at hindi ka nagiging pabasta-basta sa Diyos, may pag-asa kang maligtas. Kung sasabihin ng isang tao, ‘Tingnan mo nga kung gaano ka kawalang silbi at kamahiyain. Kinakabahan ka na kahit kaunting salita lang ang sinasabi mo, at namumula ang buong mukha mo,’ kung gayon ay dapat mong sabihin, ‘Mahina ang kakayahan ko at hindi ako mahusay sa pagsasalita. Kung palalakasin mo ang loob ko, magkakaroon ako ng lakas ng loob na magsanay sa pagsasalita.’ Huwag mong isipin na wala kang kwenta, o na kahiya-hiya ka. Dahil alam mo na ang mga ito ang mga depekto at problema sa iyong pagkatao, dapat mong harapin ang mga ito at tanggapin ang mga ito. Huwag maapektuhan sa anumang paraan dahil sa mga ito. Tungkol naman sa kung kailan magbabago ang mga depekto at kapintasang ito, huwag mong alalahanin iyon. Tumuon ka lang sa pamumuhay at paggawa sa tungkulin mo nang normal sa ganitong paraan. Kailangan mo lang tandaan: Ang mga depekto at kapintasang ito ng pagkatao ay hindi mga negatibong bagay o mga tiwaling disposisyon. At hangga’t ang mga ito ay hindi mga tiwaling disposisyon, hindi makakaapekto ang mga ito sa paggampan mo ng iyong tungkulin o sa iyong pagsisikap na matamo ang katotohanan, at lalong hindi makakaapekto ang mga ito sa iyong pagtatamo ng kaligtasan; siyempre, ang mas mahalaga ay hindi makakaapekto ang mga ito sa kung paano ka tinitingnan ng Diyos. Hindi ba’t napapanatag ang isip mo dahil doon?” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Talagang naantig ako at nabigyang-inspirasyon nang mabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, lalo na nang sabihin ng Diyos: “Kailangan mo lang tandaan: Ang mga depekto at kapintasang ito ng pagkatao ay hindi mga negatibong bagay o mga tiwaling disposisyon. At hangga’t ang mga ito ay hindi mga tiwaling disposisyon, hindi makakaapekto ang mga ito sa paggampan mo ng iyong tungkulin o sa iyong pagsisikap na matamo ang katotohanan, at lalong hindi makakaapekto ang mga ito sa iyong pagtatamo ng kaligtasan; siyempre, ang mas mahalaga ay hindi makakaapekto ang mga ito sa kung paano ka tinitingnan ng Diyos. Hindi ba’t napapanatag ang isip mo dahil doon?” Ang aking depekto at kapintasan ay hindi isang negatibong bagay, ni hindi ito isang tiwaling disposisyon, at basta’t masigasig kong hinahangad ang katotohanan at ginagawa ang aking mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo, gagabayan ako ng Diyos. Hindi na ako dapat pang malimitahan ng pagkautal ko. Anuman ang maaaring isipin ng mga kapatid, kailangan kong magtapat at sabihin ang tungkol sa aking depekto, at hindi ako dapat mahiya, lalo na ang malimitahan. Kailangan ko itong harapin nang tama. Kaya, sinabi ko sa sister, “Mula pa noong bata ay nauutal na ako. Susubukan kong magsalita nang mas dahan-dahan sa hinaharap at kumpletuhin ang aking mga pangungusap para maunawaan ako ng iba.” Pagkasabi nito, hindi na ako nakaramdam ng pagkapigil.
Kalaunan, kapag nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon at natitigilan ako, dahan-dahan akong nagbabasa. Minsan kapag kinakabahan ako at nagsisimulang mautal, humihinto ako sandali, inaayos ang aking kaisipan, at pagkatapos ay nagpapatuloy sa pagsasalita. Nakatulong ito sa akin nang kaunti. Ang mga salita ng Diyos ang gumabay sa akin para maunawaan nang tama ang depektong ito. Hindi na ako nalilimitahan nito at sa wakas ay malaya na ang pakiramdam ko. Salamat sa Diyos!