97. Hindi Na Ako Nag-aalala Tungkol sa Trabaho ng Anak Kong Lalaki
Mayroon akong tatlong ate. Sila at ang mga asawa nila ay pawang nagtatrabaho sa mga kagawaran ng gobyerno. Ang ilan ay mga tagapangulo ng People’s Political Consultative Conference, habang ang iba naman ay mga lider o mga pangunahing opisyal sa mga ahensya ng gobyerno. Kinaiinggitan sila ng mga tao at mataas ang tingin sa kanila. Sinasabi ng lahat ng tagalabas, “Tingnan mo ang mga ate mo. Mas magaling ang bawat isa kaysa sa nauna!” Sa tuwing naririnig ko ang mga ganitong bagay, medyo nakakaramdam ako ng lungkot sa puso ko. Napakagagaling ng mga ate ko, pero kami ng asawa ko ay mga tauhan lang sa pangkalahatang pamamahala sa isang kompanya, na walang kapangyarihan o impluwensya. Sobrang hiyang-hiya talaga ako, at hindi ko maitaas ang noo ko sa harap ng ibang tao. Nagsimula akong mag-isip, “Wala na akong mararating sa buhay na ito. Kailangan kong ibuhos ang pag-asa ko sa anak kong lalaki, umaasang paglaki niya, siguradong makakahanap siya ng magandang trabaho. Kahit papaano, kung hindi man siya maging lingkod-bayan, dapat makapasok siya sa isang ahensya ng gobyerno o pampublikong institusyon. Kung magagawang mamukod-tangi ng anak ko at makakahanap ng disenteng trabaho, magiging malaking karangalan ko rin iyon.” Kasisimula pa lang ng anak ko sa elementarya nang magsimula akong magplano para sa kanya. Noong panahong iyon, may isang pribadong paaralan na nag-aalok ng mas magandang kalidad ng edukasyon. Gumamit ako ng koneksyon at gumastos para makapasok doon ang anak ko. Sa kasamaang-palad, medyo binigo ako ng anak ko. Hindi lang siya hindi nagsikap mag-aral, kundi madalas pa siyang lumiliban sa klase. Palagi siyang nakikipagsagutan sa mga guro, at kalaunan, ayaw na nga niyang pumasok sa eskuwela. Nagsimula akong mag-alala na kung hindi siya papasok sa eskuwela, magiging patapon ang buhay niya. Magkakaroon pa ba siya ng magandang kinabukasan pagkatapos niyon? Madalas kong sabihin sa kanya, “Kailangan mong mag-aral nang mabuti. Pagkatapos, sa hinaharap, kapag nakapasok ka sa magandang unibersidad at nakahanap ng magandang trabaho, magiging sobrang respetado ka. Nasa unibersidad na lahat ang mga nakakatanda mong pinsan. Kung hindi ka mag-aaral nang mabuti, sa hinaharap, kailangan mong magtrabaho nang mabigat, at habambuhay kang mamaliitin ng mga tao.” Pero ayaw makinig ng anak ko, at madalas siyang nagtatago sa akin. Pagkauwi niya galing eskuwela, kakain siya nang kaunti pagkatapos ay pupunta sa kuwarto niya, sasabihing kailangan niyang gawin ang takdang aralin niya. Gusto ko sanang kausapin siya tungkol sa pag-aaral niya, pero hindi niya ako pinapansin. Naisip ko, “Kung ako, bilang nanay mo, hahayaan ka lang kumilos nang ganito at hindi ka didisiplinahin, magtatagumpay ka ba sa hinaharap?” Isinulat ko ang mga pag-aalala at agam-agam ko, at binigyan ko siya ng seryoso at sinserong payo. Pero sadyang ayaw makinig ng anak ko, at patuloy pa rin siyang regular na lumiliban sa klase. Natakot akong baka matuto siya ng masasamang gawi sa lipunan, kaya nakiusap ako sa iba para maipasok siya sa militar. Umasa akong makakapasok siya sa isang paaralang militar. Kung magiging opisyal siya ng militar sa hinaharap, maganda iyon. Sa ganoong paraan, kung may magtanong man kalaunan, “Ano ang trabaho ng anak mo?” Masasabi ko nang may kumpiyansa, “Opisyal ng militar ang anak ko.” Kaya naman, ipinadala ko siya sa militar noong labinlimang taong gulang siya. Pagkatapos ng tatlong taon niyang serbisyo, gusto ko sanang gumamit ng koneksyon para ipadala siya sa paaralang militar para sa karagdagang pagsasanay, pero hindi siya pumayag at determinado siyang umalis sa serbisyo militar. Sinubukan ko ang lahat ng paraan para kumbinsihin siya, halos mapudpod na ang balat sa labi ko pero wala ring nangyari, pero pinili pa rin niyang umalis sa serbisyo militar. Pagbalik niya, itinalaga siya sa departamento ng riles para maging isang ordinaryong manggagawa. Sa harap ng ganitong trabaho, talagang hindi ako kuntento. Ang mga anak ng mga ate ko ay pawang tinahak ang landas ng pagiging opisyal sa gobyerno. Mayroon silang mga kagalang-galang at prestihiyosong trabaho, malaki ang kinikita, at mataas ang tingin sa kanila ng mga tao saanman sila magpunta. Pero nang tingnan ko ang sarili kong anak, wala siyang magandang edukasyon at walang magandang trabaho. Paano ba siya naging sobrang nakakadismaya? Hindi ba’t ginawa ko ang lahat para sa kapakanan niya? Paanong hindi niya maunawaan? Noong panahong iyon, madalas akong umiiyak nang palihim, at pakiramdam ko’y wala akong mukhang maihaharap sa mga tao. Talaga bang kasing-karaniwan at kasing-kaawa-awa ng buhay ko ang magiging buhay ng anak ko? Kung malalaman ito ng mga taong kilala ako, ano na lang ang sasabihin nila tungkol sa akin o kung paano nila ako kukutyain kapag nakatalikod ako! Hindi. Tingin ko’y hindi ito maaaring magpatuloy nang ganito. Kailangan kong humanap ng paraan para mailipat sa magandang trabaho ang anak ko. Hindi ko puwedeng hayaan siyang maging ordinaryong manggagawa lang habambuhay! Nagsimula akong humanap ng mga koneksyon kung saan-saan. Tumulong din ang mga ate ko sa pakikipag-ugnayan sa ilang tanggapan, pero sa huli, walang nangyari dahil sa kakulangan ng anak ko sa edukasyon. Pinag-isipan kong mabuti ang tungkol sa trabaho ng anak ko, hanggang sa puntong labis akong nalungkot. Pinayuhan ako ng buong pamilya ko na hayaan na lang ang mga bagay-bagay, pero hindi ako handang sumuko. Pagkatapos ay pinilit ko ang asawa kong humingi ng tulong sa iba para humanap ng koneksyon na makapagtatalaga ng trabaho para sa anak ko. Sobra akong nag-alala at malaki ang nagastos ko, pero sa huli, hindi ko pa rin nakuhanan ng bagong trabaho ang anak ko. Dahil sa hindi pagkakahanap ng disenteng trabaho para sa anak ko, hindi ko siya pinapasok sa trabaho sa loob ng tatlong taon—pinaghintay ko lang siya sa bahay. Pagkatapos, lalo pang napariwara ang anak ko. Araw-araw, kung hindi siya naglalaro, nasa labas siya para kumain, uminom, at magsaya. Noong mga araw na iyon, ang tanging naiisip ko lang ay kung paano makakakuha ng disenteng trabaho ang anak ko. Hindi ako makakain o makatulog nang maayos dahil dito, at naging mahirap at nakakapagod ang buhay ko. Noong panahong labis akong nag-aalala at pakiramdam ko’y wala nang paraan para makasulong ako, dumating sa akin ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos. Pagkatapos kong tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, madalas akong nakikipagtipon at gumagawa ng mga tungkulin kasama ang mga kapatid ko. Sa paggawa nito, nakaramdam ako ng kaligayahan at kalayaan. Gayumpaman, kapag wala akong ginagawa, hindi ko mapigilang mag-alala tungkol sa trabaho ng anak ko.
Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay nililisan ang kanyang mga magulang at nagsasarili, ang panlipunang mga kondisyon na kakaharapin niya, at ang uri ng trabaho o karera na makukuha niya ay kapwa iniaatas ng kapalaran at walang kinalaman sa kanyang mga magulang. May ilang tao na pumipili ng isang magandang kurso sa kolehiyo at pagkatapos ay nakakatagpo ng isang kasiya-siyang trabaho pagkaraang makapagtapos at gumagawa ng matagumpay na unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay. May ilang tao na natututo at nagiging dalubhasa sa maraming iba’t ibang kasanayan ngunit kailanman ay hindi makahanap ng trabaho na angkop sa kanila o hindi kailanman makahanap ng posisyon, lalo na ng isang karera; sa simula ng kanilang paglalakbay sa buhay, natatagpuan nila ang kanilang mga sarili na nahahadlangan sa bawat liko, dinadagsa ng mga ligalig, madilim ang hinaharap at walang katiyakan ang kanilang mga buhay. Ang ilang tao ay masigasig sa kanilang pag-aaral, ngunit halos napapalampas ang lahat ng kanilang mga pagkakataon na makatanggap ng mas mataas na pinag-aralan; tila itinadhanang kailanman ay hindi magtamo ng tagumpay at ang kanilang kauna-unahang hangarin sa paglalakbay sa kanilang buhay ay nililipad ng hangin. Hindi alam kung ang daraanan ay patag o mabato, nararamdaman nila sa kauna-unahang pagkakataon kung gaano kapuno ng mga pagbabago ang tadhana ng tao, kung kaya’t itinuturing ang buhay nang may pag-asa at pangamba. May ilang tao, kahit hindi gaanong nakapag-aral, ay nakapagsusulat ng mga aklat at nakapagtatamo ng kaunting katanyagan; ang ilan, bagaman halos ganap na walang pinag-aralan, ay kumikita ng pera mula sa negosyo at dahil doon ay nasusuportahan ang kanilang mga sarili…. Anumang trabaho ang pinipili ng isang tao, paano man siya naghahanap-buhay: may anumang kontrol ba ang mga tao kung gumagawa man sila ng tamang pagpili o maling pagpili sa mga bagay na ito? Sumasang-ayon ba ang mga bagay na ito sa kanilang mga pagnanais at kapasyahan? Karamihan sa mga tao ay nagnanais ng mga sumusunod: na mabawasan ang kanilang pagtatrabaho at kumita nang mas malaki, na hindi magtrabaho sa ilalim ng araw at ng ulan, manamit nang maganda, magningning at kuminang sa lahat ng dako, pangibabawan ang iba, at magdala ng karangalan sa kanilang mga ninuno. Umaasam ang mga tao na maging perpekto, subalit kapag ginawa na nila ang mga unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay, unti-unti nilang naiintindihan kung gaano kaimperpekto ang tadhana ng tao, at sa kauna-unahang pagkakataon ay tunay nilang nauunawaan ang katunayan na, bagaman maaaring makagawa ang isang tao ng mapangahas na mga plano para sa sariling kinabukasan at bagaman ang isang tao ay maaaring magtanim sa isip ng mapangahas na mga pantasya, walang sinuman ang may kakayahan o may kapangyarihan na isakatuparan ang kanyang sariling mga pangarap, at walang sinuman ang nasa posisyon na kontrolin ang kanyang sariling kinabukasan. Palaging magkakaroon ng ilang agwat sa pagitan ng mga pangarap ng isang tao at sa mga realidad na dapat niyang harapin; ang mga bagay ay hindi kailanman ayon sa ninanais ng isang tao, at sa harap ng ganoong mga realidad ay hindi kailanman makakamit ng mga tao ang kasiyahan o katiwasayan. May ilang tao na gagawin ang anumang maaaring gawin, magpupunyagi nang husto at gagawa ng malalaking sakripisyo para sa kapakanan ng kanilang mga hanapbuhay at hinaharap, sa pagtatangka na baguhin ang kanilang sariling kapalaran. Subalit sa katapusan, kahit na matupad nila ang kanilang mga pangarap at ninanais sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap, hindi nila kailanman mababago ang kanilang mga kapalaran, at gaano man kasidhi nilang subukin, hindi nila kailanman malalampasan ang naitakda na sa kanila ng tadhana. Kahit ano pa ang mga pagkakaiba sa abilidad, talino, at determinasyon, ang mga tao ay pantay-pantay lahat sa harap ng tadhana, na hindi tumitingin sa pagkakaiba ng malaki o maliit, ng mataas o mababa, ng pinaparangalan o hinahamak. Ang pinagsisikapang hanapbuhay, ang ginagawa ng isang tao upang kumita, at kung gaano karami ang natitipong kayamanan ng isang tao sa buhay ay hindi napagpapasyahan ng sariling mga magulang, ng sariling mga talento, ng sariling mga pagpupunyagi o sariling mga ambisyon, sa halip ay paunang itinakda ng Lumikha” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Ilang beses kong binasa ang siping ito. Habang lalo ko itong binabasa, lalo kong nararamdaman na talagang totoo ang sinabi ng Diyos. Gaya nga ng sinasabi sa mga salita ng Diyos, palagi akong may sariling mga ideya at plano, at umaasang makakakuha ng magandang trabaho ang anak ko, na may respeto at katanyagan. Gayumpaman, wala sa mga ito ang maisasakatuparan sa pamamagitan lamang ng pagpaplano ng mga tao, dahil ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ating mga kapalaran, at Siya ang nagsasaayos ng mga ito. Hindi natin makakamit ang ating mga nais sa pamamagitan lamang ng pag-asa sa sarili nating mga pagsisikap at pagpupunyagi. Napakalaki ng ginastos ko para mapag-aral ang anak ko sa isang pribadong paaralan noong bata pa siya. Lahat ng iyon ay para mag-aral siyang mabuti at magkaroon ng magandang trabaho at magandang kinabukasan sa hinaharap. Pero sadyang ayaw niyang makinig at madalas siyang lumiliban sa klase. Seryoso at sinsero ko siyang tinuruan, pero hindi lang siya hindi nakinig sa akin, kundi palagi pa niya akong iniiwasan. Kalaunan, ipinadala ko siyang muli sa militar, umaasang sa hinaharap ay makakapasok siya sa paaralang militar at magiging isang opisyal. Gayumpaman, hindi pa rin siya nakinig sa akin at nagpumilit na umalis sa serbisyong militar, at naging ordinaryong manggagawa sa riles bilang resulta. Hindi ako handang hayaan na lang ang mga bagay-bagay, dahil napakalayo ng trabaho ng anak ko sa mga inaasahan ko. Naghanap ako kung saan-saan, ginamit ang mga koneksyon ko at sinubukang maghanap ng mga kapit, at handa akong magbayad ng anumang halaga para mailipat ang anak ko sa minimithing trabaho. Pero pagkatapos ng ilang taong labis na paghihirap, at paggugol ng napalaking halaga ng pera at pagsisikap, sa huli ay hindi pa rin natupad ang aking mga nais. Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung anong mga trabaho ang gagawin ng isang tao sa buong buhay niya ay hindi napagpapasyahan ng kanyang pagsisikap, ambisyon, o pagnanais. Matagal nang isinaayos ng Diyos kung anong mga trabaho ang gagawin ng isang tao sa buhay na ito at kung ano ang kanyang tadhana. Hindi ako ang magpapasya kung anong trabaho ang magagawa ng anak ko at kung ano ang kanyang magiging kinabukasan. Itinakda na ito ng Diyos. Gaano man karami ang ginawa kong plano o ang pakiusap ko sa mga tao na gamitin ang kanilang mga koneksyon, walang silbi ang lahat ng ito; lahat ay walang kabuluhan. Hindi lang naging nakakapagod ang pamumuhay nang ganito, pinalaki ko rin ang anak ko para maging pariwara. Nang maunawaan ko ito, nanalangin ako sa Diyos. Handa akong ipagkatiwala ang anak ko sa Diyos at magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Pagkatapos kong manalangin, mas gumaan ang pakiramdam ko.
Kalaunan, dalawang katrabaho mula sa pinagtatrabahuhan ng anak ko ang pumunta sa aming bahay para alamin kung ano ang nangyayari. Sinabi nila na ilang taon nang hindi nagtatrabaho ang anak ko, at kung magpapatuloy siya nang ganito, awtomatiko na siyang matatanggal sa trabaho. Nang marinig ko ang balitang ito, muli akong naguluhan sa loob-loob ko, “Magiging ordinaryong manggagawa na lang ba habambuhay ang anak ko sa hinaharap?” Hindi ko pa rin ito matanggap, kaya tinanong ko ang anak ko, “Kung babalik ka sa trabaho ngayon, sa hinaharap, manggagawa ka na lang. Ano ba ang gusto mong gawin?” Hindi ko inaasahan, pero pumayag ang anak kong pumasok sa trabaho. Noong mga oras na iyon, naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Walang iba pang obhetibong mga kondisyon ang makakaimpluwensiya sa misyon ng isang tao, na itinadhana ng Lumikha. Ang lahat ng tao ay umaabot sa hustong pag-iisip ayon sa kanilang partikular na kinalakhang mga kapaligiran; pagkatapos, unti-unti, sa bawat hakbang, tumutungo sila sa kanilang sariling mga landas sa buhay at tinutupad ang mga tadhana na plinano para sa kanila ng Lumikha. Sa likas na paraan at nang hindi sinasadya ay pumapasok sila sa malawak na karagatan ng sangkatauhan at inaako ang sarili nilang mga papel sa buhay, kung saan ay sinisimulan nila ang pagtupad sa kanilang mga responsabilidad bilang mga nilalang para sa kapakanan ng pagtatadhana ng Lumikha, para sa kapakanan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Naisaayos na ng Diyos ang kapalaran ng aking anak, pati na kung anong mga trabaho ang gagawin niya sa buong buhay niya. Ngayon, malaki na ang anak ko at dapat ko na siyang bitiwan. Dahil handa siyang pumasok sa trabaho, dapat ko siyang hayaan. Hindi nagtagal, pumasok na sa trabaho ang anak ko sa kanyang pinagtatrabahuhan.
Lumipas ang ilang taon nang napakabilis. Bagama’t medyo nabitiwan ko na nang kaunti ang isyu tungkol sa trabaho ng anak ko, pero sa tuwing Bagong Taon ng mga Tsino at iba pang mga pista opisyal, kapag nagsasama-sama ang buong pamilya, at naririnig kong pinag-uusapan ng mga ate ko kung gaano naging matagumpay ang kani-kanilang mga anak na lalaki, nasisiraan ako ng loob. Palagi kong pakiramdam na mas mababa ako sa kanila, at hindi ako makasingit sa usapan. May kung anong hindi ko mailarawang pakiramdam sa puso ko. Nanalangin ako sa Diyos, “Mahal kong Diyos, mula sa Iyong mga salita, naunawaan ko na Ikaw ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga tadhana ng mga tao. Pero bakit, kapag naririnig kong pinag-uusapan ng mga ate ko ang mga tagumpay ng kani-kanilang mga anak na lalaki, nalulungkot ako, na para bang mas mababa ako sa kanila? Mahal kong Diyos, nawa’y gabayan Mo ako para maunawaan ko ang sarili kong mga problema.”
Isang araw sa panahon ng aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa katunayan, gaano man katayog ang mga mithiin ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng ninanais matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay hindi mapaghihiwalay na nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng bawat tao, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Gumagamit si Satanas ng isang napakabanayad na paraan, isang paraan na lubos na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at na hindi masyadong agresibo, para magdulot sa mga tao na tanggapin nila nang hindi nila namamalayan ang mga gawi at batas nito upang manatiling buhay, makagawa ng mga layon sa buhay at direksyon sa buhay, at magtaglay ng mga adhikain sa buhay. Gaano man tila kataas pakinggan ang mga salitang ginagamit ng mga tao para pag-usapan ang mga adhikain nila sa buhay, ang mga adhikain na ito ay mahigpit na nauugnay sa ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Ang lahat ng hinahabol ng sinumang dakila o sikat na tao—o, sa katunayan, ng sinumang tao—sa buong buhay niya ay nauugnay lang sa dalawang salitang ito: ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng kasikatan at pakinabang, may kapital sila na magagamit nila para magtamasa ng mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang magsaya sa buhay. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang kasikatan at pakinabang, may kapital na silang magagamit para maghangad ng kasiyahan at makibahagi sa walang-pakundangang pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito na ninanais nila, ang mga tao ay kusang-loob, hindi man namamalayan, na ibinibigay kay Satanas ang kanilang mga katawan, puso, at maging ang lahat ng mayroon sila, kasama na ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Ginagawa nila ito nang walang pag-aatubili, ni wala ni isang sandali ng pagdududa, at hindi kailanman natutunan na bawiin ang lahat ng minsang mayroon sila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling isuko na nila ang kanilang sarili kay Satanas at maging tapat dito sa ganitong paraan? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila ay ganap at lubos na nalugmok sa isang putikan, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sumasama ang loob ko kapag nakikita kong pinupuri ng mga ate ko kung gaano katagumpay ang kanilang mga anak dahil masyado kong pinapahalagahan ang kasikatan at pakinabang. Namumuhay pala ako ayon sa mga maling kaisipan at pananaw na itinanim ni Satanas sa mga tao, tulad ng “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Gawing pakay na mamukod-tangi at magpakahusay.” Naniwala akong kapag may kasikatan at pakinabang ako, magkakaroon na ako ng lahat, at kaiinggitan ako at tataas ang tingin sa akin saanman ako magpunta, at matatamasa ko ang katanyagan. Akala ko’y makakatayo ako nang taas-noo sa harap ng iba, at makakapagsalita nang may kumpiyansa. Akala ko’y sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan ako magkakaroon ng dignidad. Nang makita kong ang mga ate ko at ang kanilang mga asawa ay pawang mga iginagalang na tao, at mataas ang tingin sa kanila saanman sila magpunta, labis akong nainggit, at ginusto kong maging katulad nila. Gusto kong maging mataas ang tingin sa akin at magtamasa kapwa ng kasikatan at pakinabang. Nang hindi ko makamit ang mga nais ko, ibinuhos ko ang aking pag-asa sa anak ko, umaasang makakakuha siya ng disenteng trabaho. Sa ganitong paraan, makakapagtaas-noo ako at mamumuhay nang may katanyagan. Para dito, handa akong magbayad ng anumang halaga para linangin ang anak ko. Gayumpaman, hindi nangyari ang mga bagay ayon sa nais ko. Sadyang hindi nakinig sa akin ang anak ko at nauwi sa pagiging isang manggagawa. Nang makita kong walang nagyari sa inaasahan ko, nakaramdam ako ng matinding dalamhati. Palagi kong pakiramdam na hindi ko maitaas ang ulo ko sa harap ng iba, at araw-araw akong namumuhay sa pagdurusa. Ayaw kong makitang mamuhay ang anak ko nang isang karaniwan at hindi kapansin-pansing buhay, at gumastos ako ng pera at gumamit ako ng mga koneksyon para mailipat sa bagong trabaho ang anak ko. Sa huli, malaki ang nagastos ko pero pa rin hindi ako nagtagumpay na makuhanan siya ng bagong trabaho. Araw-araw, nasa bahay lang ang anak ko na walang ginagawa at naging walang silbi. Nagdusa ako sa paghahangad ng kasikatan at pakinabang, inaalala ko lang ang sarili kong reputasyon at mga interes. Hindi ko man lang isinaalang-alang ang nararamdaman ng anak ko, at ipinilit ko sa kanya ang mga pangarap na hindi ko mismo nagawang matupad. Bukod sa nahadlangan ko ang kinabukasan ng anak ko, namumuhay din ako sa matinding paghihirap. Ang lahat ng mga satanikong kaisipan at pananaw na ito ay wala nang ibang nagagawa sa tao kundi ang magdala ng pinsala sa kanila. Para itong mga hindi nakikitang tanikala, na mahigpit akong iginagapos, na ginagawa akong handang gumugol ng oras at pagsisikap para sa mga ito kahit na ginagawa lang nila akong hangal. Napakahangal ko talaga! Nang maunawaan ko ito, para bang biglang nakalas ang isang buhol na matagal nang nasa puso ko. Kung hindi dahil sa gabay ng mga salita ng Diyos, malulubog sana ako nang husto sa kumunoy ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang, na hindi ko magawang maialis ang sarili ko. Nagpasalamat ako sa gabay ng mga salita ng Diyos! Mayroon na akong kaunting pagkaunawa ngayon sa sarili kong mga maling paghahangad noon, at medyo nakikilatis ko na ang mga paraan kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Ayaw ko nang mamuhay pa ayon sa mga kaisipan at pananaw ni Satanas, at nagpasyang tigilan na ang pakikialam sa trabaho ng anak ko.
Pagkatapos niyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at natutuhan ko kung paano tratuhin nang tama ang trabaho ng anak ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Inorden ng Diyos na maging isang ordinaryong manggagawa ang isang tao, at sa buhay na ito, magagawa lamang niyang kumita ng kaunting sahod para pakainin at bihisan ang kanyang sarili, ngunit iginigiit ng kanyang mga magulang na siya ay maging tanyag, mayaman, mataas na opisyal, pinaplano at isinasaayos ang mga bagay-bagay para sa kanyang kinabukasan bago pa siya umabot sa hustong gulang, binabayaran ang iba’t ibang uri ng halaga, sinusubukang kontrolin ang kanyang buhay at kinabukasan. Hindi ba’t kahangalan iyon? (Oo.) … wala namang magulang na nagnanais na makitang nanlilimos ang kanilang mga anak. Gayunpaman, hindi nila kinakailangang igiit na umasenso ang kanilang mga anak at maging mataas na opisyal o prominenteng tao sa mataas na antas ng lipunan. Ano ba ang maganda sa pagiging nasa mataas na antas ng lipunan? Ano ba ang maganda sa pag-asenso? Masalimuot ang mga iyon, hindi maganda. Maganda bang maging tanyag na tao, dakila, superman, o isang taong may posisyon at katayuan? Ang buhay ay pinakamaginhawa kapag isa kang ordinaryong tao. Ano ba ang masama sa pamumuhay nang medyo mas salat, mas mahirap, mas nakakapagod, nang medyo mas pangit ang mga pagkain at damit? Sa pinakamababa, isang bagay ang natitiyak, sapagkat hindi ka namumuhay sa mga kalakarang panlipunan ng mataas na antas ng lipunan, kahit papaano, hindi ka gaanong magkakasala at mababawasan ang mga bagay na ginagawa mo para labanan ang Diyos. Bilang isang ordinaryong tao, hindi ka mahaharap sa napakalaki o madalas na tukso. Bagamat magiging medyo mas mahirap ang buhay mo, hindi naman mapapagod ang iyong espiritu. Isipin mo, bilang isang manggagawa, ang kailangan mo lang alalahanin ay tiyakin na makakakain ka ng tatlong beses sa isang araw. Iba ang sitwasyon kapag ikaw ay isang opisyal. Kailangan mong makipaglaban, at hindi mo malalaman kung kailan darating ang araw na hindi na tiyak ang iyong posisyon. At hindi pa iyon doon natatapos, hahanapin ka ng mga taong sinalungat mo at pagbabayarin ka nila, at parurusahan ka nila. Sobrang nakakapagod ang buhay ng mga tanyag na tao, dakilang tao, at mayayaman. Ang mayayaman ay palaging natatakot na hindi sila magiging napakayaman sa hinaharap, at na hindi nila kakayaning magpatuloy sa buhay kung mangyari iyon. Ang mga tanyag na tao ay palaging nag-aalala na mawawala ang kanilang magandang imahe, at palagi nilang gustong protektahan ito, natatakot na maitiwalag sila ng panahong ito at ng mga kalakaran. Sobrang nakakapagod ng buhay nila! Hindi kailanman malinaw na nauunawaan ng mga magulang ang mga bagay na ito, at palagi nilang gustong itulak ang kanilang mga anak sa gitna ng paghihirap na ito, ipinadadala sila sa mga mapanganib at masalimuot na sitwasyon” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (18)). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatakda ng Diyos tungkol sa trabaho ng anak ko. Walang masama sa pagiging isang manggagawa: Matutustusan mo ang iyong pagkain at pananamit, at mapapanatili ang isang normal na buhay. Hindi ba’t napakabuti nito? Gayumpaman, palagi kong gustong tahakin ng anak ko ang landas ng pagiging isang opisyal ng gobyerno, o maging isang opisyal ng militar at makapasok sa isang departamento ng gobyerno. Nakita kong sinasamba ko pala ang kapangyarihan at katayuan, at ang ginagawa ko pala ay pagtulak sa anak ko sa abismo! Sa panlabas, mukhang kagalang-galang ang mga ahensya ng gobyerno. Ang mga taong lumalabas doon ay pawang naka-amerikana at sapatos na balat. Mukhang napakaprestihiyoso nilang lahat. Pero sa realidad, iyon ang pinakamadilim na lugar sa lahat. Tingnan mo ang mga anak ng mga ate ko. Bagama’t sila ay mga pangunahing lider sa kanilang mga organisasyon, na may maraming kapangyarihan at impluwensya, hindi sila namumuhay nang masaya. Ang lagi lang nilang pinag-uusapan ay kung paano gamitin ang mga koneksyon para protektahan ang sarili nilang katayuan. Nag-aalala sila na baka isang araw ay mawala ang kanilang mga posisyon at pag-initan sila ng iba. Talagang nabubuhay sila sa bingit ng kapahamakan. Kung nagtatrabaho ka sa isang ahensya ng gobyerno, malamang na mahihigop ka sa iba’t ibang uri ng mga labanan sa kapangyarihan, at hindi ka makakatakas kahit gusto mo pa. Ang ilan ay ibinibigay ang kanilang buhay para maglingkod sa kanila, nagiging mga kasabwat ni Satanas. Nawawala lahat ang konsensiya, moral na hangganan, asal, at dignidad ng tao. Ginagawa nila ang lahat ng masamang bagay, at gumagawa ng kasamaan sa maraming paraan. Sa huli, nauuwi sila bilang sakripisyo kay Satanas. Pero hindi ko ito nakita nang malinaw, at itinulak ko pa nga ang anak ko patungo sa mga ahensya ng gobyerno. Napakahangal ko talaga! Ang trabahong isinasaayos ng Diyos para sa mga tao ay sapat para mapanatili ang isang normal na buhay. Gaya nga ng sinasabi ng Diyos: “Makontento na sa pagkain at damit” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (20)). Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos pero hindi ko kailanman naisabuhay ang realidad ng mga salita ng Diyos. Hindi gaanong nagbago ang perspektiba ko sa mga bagay-bagay, at ang mga pananaw ko sa kung ano ang dapat hangarin ay katulad ng sa mga makamundong tao. Sinasamba ko ang kapangyarihan at hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Itinulak ko pa nga ang anak ko patungo sa abismo at kumunoy para lang makamit ang aking layon. Kung ipinadala ko sana ang anak ko sa isang karerang pampulitika, mahihila sana siya sa mga alitan, at mauuwi sa hayagan at lihim na pakikipaglaban sa iba. Buong araw, kailangan niyang mag-ingat sa taong ito, o maging maingat sa taong iyon, gumagamit ng mga pakana at panlilinlang. Ano ang malay natin kung anong uri ng mga bagay ang magagawa niya sa huli! Ang pagtulak sa anak ko sa ganoong lugar para lamang matugunan ang pagpapahalaga ko sa sarili at katayuan ko—hindi ba’t pamiminsala iyon sa anak ko? Bagama’t ang anak ko ay isang ordinaryong manggagawa ngayon, at hirap nang kaunti ang kanyang katawan at medyo pagod siya, hindi kasing-pagod ng sa kanyang mga pinsan ang buhay niya. Hindi rin siya nasasangkot sa mga intriga at pakikipaglabanan. Hindi niya kailangang mag-alala na mawawala ang kanyang posisyon, at magaan at panatag ang buhay niya. Kaya rin niyang suportahan ang sarili niya. Hindi ba’t napakaganda nito? Palaging angkop ang mga pagsasaayos ng Diyos.
Kalaunan, naghanap ako sa mga salita ng Diyos. Bilang mga magulang, hindi natin dapat palaging asahan na mamukod-tangi ang ating mga anak sa karamihan. Kaya ano ang tamang paraan para tratuhin ang ating mga anak? Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa pamamagitan ng pagsusuri sa diwa ng mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak, makikita natin na ang mga ekspektasyong ito ay makasarili, na salungat ang mga ito sa pagkatao, at higit pa rito ay walang kinalaman ang mga ito sa mga responsabilidad ng mga magulang. Kapag nagpapataw ang mga magulang ng iba’t ibang ekspektasyon at hinihingi sa kanilang mga anak, hindi nila tinutupad ang kanilang mga responsabilidad. Kung gayon, ano nga ba ang kanilang ‘mga responsabilidad’? Ang pinakabatayang responsabilidad na dapat gampanan ng mga magulang ay ang turuan ang kanilang mga anak na magsalita, turuan sila na maging mabait at huwag maging masamang tao, at gabayan sila sa positibong direksiyon. Ito ang kanilang mga pinakabatayang responsabilidad” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (18)). “Kailangan lang tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga anak, palakihin ang mga ito, at itaguyod hanggang umabot sa hustong gulang. Hindi nila kailangang palakihin ang kanilang mga anak upang maging isang taong may talento. Madali bang tuparin ito? (Oo.) Madali lang gawin ito—hindi mo kailangang magpasan ng anumang responsabilidad para sa kinabukasan o buhay ng iyong mga anak, o bumuo ng anumang plano para sa kanila, o magtakda kung magiging anong uri sila ng tao, anong klase ng buhay mayroon sila sa hinaharap, sa anong mga grupo sa lipunan sila matatagpuan sa mga susunod na panahon, kung ano ang magiging kalidad ng buhay nila sa mundong ito sa hinaharap, o kung ano ang magiging katayuan nila sa mga tao. Hindi mo kailangang itakda o kontrolin ang mga bagay na ito; kailangan mo lang na tuparin ang iyong responsabilidad bilang magulang. Ganoon lang iyon kasimple” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (18)). Mula sa mga salita ng Diyos, natagpuan ko ang isang landas ng pagsasagawa. Ang mga responsabilidad ng isang magulang sa kanilang mga anak bago sila sumapit sa hustong gulang ay ang palakihin sila, at gabayan silang lumakad sa tamang landas. Dapat nang bitiwan ng mga magulang ang kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, at hayaan silang mamuhay ng sarili nilang buhay. Kapag nangangailangan ng tulong ang kanilang mga anak, maaaring tulungan sila ng mga magulang ayon sa sarili nilang aktuwal na sitwasyon. Ngayon, nasa hustong gulang na ang anak ko. Mayroon siyang sariling mga kaisipan at gumagawa siya ng sarili niyang mga pagpapapasya. Hindi ako dapat makialam at kontrolin ang kanyang buhay para lamang matugunan ang sarili kong mga pagnanais. Ang magagawa ko lang ay magbigay ng mga mungkahi at payo kapag nahihirapan siya, at bigyan siya ng positibong gabay. Pero kung ano ang pipiliin niya ay nakasalalay na sa kanya. Sa hinaharap, ang mga tanong tulad ng kung mananatili ba siyang manggagawa habambuhay, kung anong mga tao at bagay ang makakasalamuha niya, at kung anong uri ng buhay ang tatahakin niya ay naisaayos na lahat ng Diyos. Wala ang mga iyon sa aking kontrol. Ang magagawa ko lang ay magpasakop, at tuparin ang mga responsabilidad ng isang magulang. Ngayon, hindi na ako nag-aalala at napapagod pa tungkol sa trabaho ng anak ko, at hindi na ako napapahiya at nalilimitahan pa nito. Napapanatag na ang aking puso at naibubuhos ko ito sa aking mga tungkulin. Sa pamumuhay sa ganitong paraan, panatag at magaan ang pakiramdam ng puso ko.