98. Paano Ko Dapat Ituring ang Kabutihan ng Aking Ina

Ni Xu Juan, Tsina

Ipinanganak ako sa isang pamilya ng magsasaka at hindi kami gaanong nakaaangat sa buhay. Noong limang taong gulang ako, iniwan kami ng tatay ko para magsimula ng bagong pamilya. Si nanay lang ang mag-isang nagpalaki sa akin at sa tatlo ko pang kapatid. Wala kaming ibang inaasahan kundi ang isa’t isa, at napakahirap ng buhay. Noon, hindi maganda ang kalusugan naming magkakapatid, at madalas kaming magkasakit, lalo na ako, dahil ako ang pinakamahina. Kahit sa kaunting ginaw lang ay sinisipon ako, inuubo, at nilalagnat nang mataas, at madalas akong kargahin ni nanay para magpatingin sa doktor. Minsan, uubuhin ako nang matindi sa gabi na hindi ako makatulog, at mananatili si nanay sa tabi ko hanggang sa makatulog ako bago siya naman ang humiga para magpahinga. Anumang masarap na pagkain ang mayroon kami, hindi iyon kakainin ni nanay kundi itatabi niya para sa akin, at nagtatrabaho siya nang walang kapaguran bawat araw, gumagawa ng kung ano-anong trabaho para makalikom ng pera para sa aming pag-aaral. Sa nakikita kong labis na sakripisyo ni nanay para sa amin, naisip ko, “Hindi ako puwedeng mawalan ng konsensiya. Paglaki ko, dapat kong parangalan si nanay at suklian ang kanyang kabutihan.” Nang lumaki ako at kumita ng kaunting pera, madalas akong bumibili ng mga damit at iba pang bagay para kay nanay bilang pagpapakita ng paggalang sa kanya. Pakiramdam ko, hindi naging madali para sa kanya na palakihin kami, kaya dapat ko siyang suklian nang mabuti. Isang araw noong 2008, nakatanggap ako ng tawag mula sa kuya ko na nagsasabing naospital si nanay pagkatapos ng isang aksidente sa daan. Agad akong humingi ng permiso sa amo ko para lumiban sa trabaho upang maalagaan si nanay sa ospital, at bumalik lang ako sa trabaho nang halos magaling na siya.

Makalipas ang ilang taon, tinanggap namin ni nanay ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Makalipas ang anim na buwan, naaresto ako dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Pagkatapos kong mapalaya, umalis ako ng bahay para gawin ang aking tungkulin upang maiwasan ang pagsubaybay at pagdakip ng mga pulis. Minsan, nakatanggap ako ng liham mula sa isang sister, na nagsasabing ang kuya ko ay araw-araw na nakikipag-away kay nanay dahil hindi ako umuuwi. Nag-post pa nga siya online tungkol sa pananampalataya namin ni nanay sa Diyos, at ilang beses nang pumunta ang mga pulis sa bahay namin para arestuhin ako. Pagkatapos kong basahin ang liham, labis na sumama ang loob ko. Mula pagkabata, napakarami nang naibigay ni nanay para sa akin, pero hindi ko siya naparangalan at hinayaan ko pa siyang tiisin ang galit ng kuya ko para protektahan ako. Pakiramdam ko ay malaki ang utang na loob ko kay nanay, at napahagulhol ako. Minsan, naiisip ko, “Taon-taon ay tumatanda si Nanay, at laging nakikipag-away sa kanya si Kuya at pinapasama ang loob niya. Paano kung isang araw ay magkasakit nang malubha si Nanay at maratay?” Sa pag-iisip ng mga bagay na ito, sandaling sumasama ang loob ko, at pakiramdam ko ay wala akong konsensiya at isa akong anak na walang utang na loob. Madalas akong nababagabag, at hindi ko mapatahimik ang sarili ko para gawin ang aking tungkulin. Napagtanto kong nagpapadala ako sa aking mga pagmamahal, kaya kumain at uminom ako ng ilang salita ng Diyos, at medyo bumuti ang kalagayan ko.

Isang araw noong Mayo 2021, nakatanggap ako ng sulat mula sa bahay. Sabi roon, may kanser sa suso ang nanay ko at agarang nangangailangan ng pera para sa pagpapaospital at operasyon, at na pagkatapos ng operasyon, kakailanganin din niya ng apat na ulit na chemotherapy at labimpitong sesyon ng radiotherapy. Sinabi ng mga hipag ko na kung hindi ako uuwi, hindi sila mag-aambag ni isang kusing o mag-aalaga kay Nanay. Pagkatapos kong basahin ang liham, nagsimulang tumulo ang mga luha sa aking mukha, at naisip ko, “Paanong nagkaroon si nanay ng ganito kalubhang sakit? Dahil kaya ito sa sobrang pagtatrabaho niya sa bahay? Kung hindi ako uuwi at hindi siya magagamot sa tamang oras, at may masamang mangyari, hindi ba’t magiging kasalanan ko iyon?” Naisip ko kung paanong nagpakahirap si nanay sa pag-aalaga sa akin at pagpapalaki sa akin hanggang sa hustong gulang. Ngayong may kanser na siya, kung hindi ako uuwi para alagaan siya sa kritikal na sandaling ito, hindi ba’t magiging kahiya-hiya akong anak na walang utang na loob at magpapakitang talagang wala akong konsensiya? Saka, kung hindi ako uuwi, ano na lang ang sasabihin ng mga kamag-anak at kapitbahay namin tungkol sa akin? Tiyak na tatawagin nila akong walang utang na loob na kuhila, at sasabihin ang mga bagay tulad ng, “Pinalaki ka ng nanay mo, pagkatapos ngayon, hindi mo na siya pinapansin? Wala ka bang konsensiya?” Naisip ko rin kung gaano kalubha ang kalagayan ng nanay ko. Paano kung hindi ako umuwi, hindi magamot sa oras ang sakit niya, at mamatay siya? Kung gayon, hinding-hindi ko na siya makikita pang muli. Napakasama ng loob ko, at gusto ko sanang lumipad agad sa tabi ni Nanay. Pero minsan na akong inaresto ng mga pulis at ipinagkanulo ng kuya ko, kaya ano ang gagawin ko kung uuwi nga ako at maaaresto? Saka, hindi ko naman puwedeng basta na lang talikuran ang tungkulin ko para umuwi! Minsan, kapag nakikita ko ang mga kapatid sa paligid ko na nakakauwi para bisitahin ang kanilang mga magulang, hindi ko maiwasang magreklamo sa sarili ko, “Bakit pinahintulutan ng Diyos na maaresto ako ng CCP? Kung walang panganib, hindi ba’t makakauwi rin sana ako para alagaan ang nanay ko? Kung hindi ako umalis ng bahay para gawin ang tungkulin ko, hindi ako tutugisin ng CCP, at makakauwi sana ako ngayon.” Labis akong nabalisa dahil sa bagay na ito, kaya lumilipad ang isip ko sa aking tungkulin. Alam kong kung hindi magbabago ang kalagayan ko, hindi ko magagampanan nang maayos ang aking tungkulin, kaya ipinagtapat ko ang aking kalagayan sa harap ng Diyos, nananalangin na sana’y akayin ako ng Diyos palayo sa aking mga pagmamahal. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang dapat ipagdusa ng isang indibidwal at kung gaano man kalayo ang dapat nilang lakarin sa kanilang landas ay itinakda ng Diyos, at walang sinuman ang tunay na makatutulong sa kaninuman(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … (6)). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, medyo gumaan ang puso ko. Ang malubhang sakit ng nanay ko ay pinahintulutan ng Diyos, at ito ang pagdurusang nakalaan niyang tiisin. Kahit umuwi pa ako, hindi ko magagawang kunin ang kanyang pagdurusa para sa kanya, at kailangan kong tingnan nang tama ang sakit ni Nanay. Kung itinakda ng Diyos na tapos na ang buhay ng nanay ko, wala ring magbabago kahit umuwi ako. Kung hindi pinahintulutan ng Diyos na mamatay siya, gaano man kalubha ang kanyang sakit, hindi siya mamamatay. Naisip ko ang isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan na nabasa ko dati. Dito, isang matandang sister ang na-diagnose na may kanser. Natanggap niya ang lahat ng gamutan, pero hindi bumuti ang kanyang kondisyon kahit kaunti, at naglabas pa nga ng pabatid ang ospital para sa kritikal na kondisyon niya. Akala ng kanyang mga anak at kamag-anak ay hindi na siya makakaligtas, ngunit sa hindi inaasahan, pagkatapos manalangin ng sister, umasa sa Diyos, at ipagkatiwala ang kanyang buhay at kamatayan sa Kanya, sa huli ay nakaligtas pa nga siya. Nagbigay-inspirasyon sa akin ang karanasan ng sister na ito, at nakita kong kailangan kong ipagkatiwala ang nanay ko sa mga kamay ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, medyo kumalma ang kalooban ko. Makalipas ang ilang panahon, nakatanggap ako ng sulat mula sa nanay ko, na nagsasabing habang may sakit siya, ang mga asawa ng dalawa kong nakatatandang pinsang lalaki at ang hipag ko ang nagsalitan sa pag-aalaga sa kanya sa ospital. Sinabi rin niyang sumailalim siya sa operasyon at maayos siyang gumagaling. Sinabi niya sa akin na huwag akong mag-alala tungkol sa kanya at dapat kong gawin nang maayos ang aking tungkulin. Nang malaman ko ito, labis akong naantig, at napuno ng luha ang aking mga mata. Puno ng pasasalamat sa Diyos ang puso ko.

Nagnilay ako nang mas madalas pagkatapos nito. Alam kong dapat ay tinutupad ko ang tungkulin ng isang nilikha, pero bakit hindi ko mabitiwan ang usapin na hindi ko naipapakita ang aking paggalang sa aking nanay at palagi akong nakakaramdam ng pagkakonsensiya pagdating sa kanya? Naisip ko pa ngang iwanan ang aking tungkulin at ipagkanulo ang Diyos. Hanggang sa kalaunan, nang mabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, saka lang ako nagkaroon ng kaunting pagkaunawa sa aking problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan silang maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Ang sinumang hindi nagiging mabuting anak sa kanyang magulang ay isang suwail na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng mga ganoong bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, ‘Mas mahalaga ang pagiging mabuting anak kaysa sa anupaman. Kung hindi ko ito susundin, hindi ako magiging mabuting tao—magiging isa akong suwail na anak at itatakwil ako ng lipunan. Ako ay magiging isang taong walang konsensiya.’ Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng pagiging mabuting anak sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga mananampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos sa ilang mga prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. … Ginagamit ni Satanas ang ganitong uri ng tradisyonal na kultura at mga kuru-kuro ng moralidad upang igapos ang mga kaisipan mo, ang utak mo, at ang puso mo, na nagiging dahilan para hindi mo matanggap ang mga salita ng Diyos; ikaw ay nasakop na ng mga bagay na ito ni Satanas, at nawalan na ng kakayahan na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kapag nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ginugulo ng mga bagay na ito ang kalooban mo, na nagdudulot na salungatin mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, at nagiging dahilan para mawalan ka ng lakas na iwaksi ang impluwensiya ng tradisyonal na kultura. Pagkatapos mong magsikap nang ilang panahon, nagkokompromiso ka: pinipili mong paniwalaan na ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, kaya tinatanggihan o tinatalikuran mo ang mga salita ng Diyos. Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at binabalewala mo ang mailigtas, dahil pakiramdam mo ay nabubuhay ka pa rin sa mundong ito, at makakaligtas ka lang sa pamamagitan ng pagsandig sa mga bagay na ito. Dahil hindi mo kayang tiisin ang ganting-paratang ng lipunan, mas nanaisin mong piliin na isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, isinasailalim ang sarili mo sa mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad at sa impluwensiya ni Satanas, pinipiling salungatin ang Diyos at hindi isagawa ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ang tao ay kahabag-habag? Hindi ba nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos? May mga taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, ngunit wala pa ring kabatiran sa usapin ng pagiging mabuting anak sa magulang. Talagang hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi nila kailanman malalagpasan ang balakid na ito ng mga makamundong relasyon; wala silang tapang, ni pananalig, lalo nang wala silang determinasyon, kaya hindi nila kayang mahalin at sundin ang Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto kong ginagamit ni Satanas ang edukasyong natatanggap sa paaralan at ang impluwensya ng pamilya para malalim na itanim ang mga tradisyonal na ideya tulad ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” at “Huwag maglakbay nang malayo habang nabubuhay pa ang iyong mga magulang” sa ating kalooban. Naniwala akong ang pagpapakita ng paggalang sa magulang ang pinakamahalagang bagay, at na ang hindi pagiging magalang sa magulang ay nangangahulugang isa kang anak na walang utang na loob, walang pagkatao, at kinokondena ng sariling konsensiya. Namuhay ako ayon sa mga tradisyonal na ideyang ito, at inakala kong habang lumalaki ako, ang nanay ko ang pinakamaraming naisakripisyo para sa akin kumpara sa iba, na kailangan kong suklian siya para sa kanyang pag-aaruga, at na kung hindi ko siya susuklian, magiging isa akong anak na walang utang na loob at walang konsensiya at pagkatao. Lalo na pagkatapos ma-diagnose na may kanser ang nanay ko, sa puso ko, hindi ko talaga siya kayang pabayaan. Naramdaman kong dahil inalagaan ako ng nanay ko nang buong ingat noong may sakit ako noong bata pa ako, ngayong may sakit na siya, dapat akong manatili sa tabi niya at alagaan siya nang may buong ingat at masusing pagkalinga, kung hindi, masasayang lang ang pagpapalaki sa akin ng nanay ko. Kaya gusto kong magmadaling pumunta sa tabi niya at dalhin siya sa ospital para magpagamot. Dahil hindi ako makauwi para alagaan ang nanay ko dahil tinutugis ako ng mga pulis, nagsimula akong magreklamo kung bakit kailangan akong tugisin ng mga pulis at nagsisi pa nga akong umalis ako para gawin ang aking tungkulin. Ang mga maling kalagayang ito ay dulot ng pagkakagapos ko sa mga ideya at pananaw ni Satanas, at kung hindi ko lulutasin ang mga ito, nanganganib akong ipagkanulo ang Diyos anumang oras.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at natutunan ko kung paano tingnan nang tama ang pag-aaruga ng aking ina. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pag-usapan natin kung paano dapat bigyang-kahulugan ang ‘Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang.’ Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang—hindi ba’t katunayan ito? (Oo.) Dahil ito ay katunayan, nararapat lang na ipaliwanag natin ang mga usaping nakapaloob dito. Tingnan natin ang usapin ng pagsilang ng iyong mga magulang sa iyo. Sino ba ang nagpasyang ipanganak ka nila: ikaw o ang iyong mga magulang? Kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng Diyos, hindi mga tao ang dapat gumawa ng pagpili rito. Hindi mo pinili na ang mga magulang mo ang magsilang sa iyo, at hindi rin nila ito pinili. Kung titingnan ang ugat ng usaping ito, ito ay inorden ng Diyos. Isasantabi muna natin ang paksang ito sa ngayon, dahil madaling maunawaan ng mga tao ang usaping ito. Mula sa iyong perspektiba, wala sa kontrol mo na ipinanganak ka ng iyong mga magulang, wala kang anumang pagpipilian sa usaping ito. Mula sa perspektiba ng iyong mga magulang, ito ay ang kanilang subhetibong kagustuhan na magkaroon at magpalaki ng mga anak. Sa madaling salita, kung isasantabi ang pag-orden ng Diyos, pagdating sa usapin ng pagsilang at pagpapalaki sa iyo, ang iyong mga magulang ang pawang may kapangyarihan. Pinili nilang ipanganak ka. Pasibo kang isinilang sa kanila. Wala kang naging anumang pagpili sa usapin. Kaya, sapagkat pawang ang mga magulang mo ang may kapangyarihan, at dahil isinilang ka nila, mayroon silang obligasyon at responsabilidad na palakihin ka hanggang sa hustong gulang. Ito man ay pagbibigay sa iyo ng edukasyon, o pagtutustos sa iyo ng pagkain at pananamit, ito ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at ito ang dapat nilang gawin. Samantala, palagi kang pasibo sa panahong pinalalaki ka nila, wala kang karapatang mamili—kinailangang palakihin ka nila. Dahil bata ka pa noon, wala kang kapasidad na alagaan ang iyong sarili, wala kang magagawa kundi maging pasibong pinalalaki ng iyong mga magulang. Paano ka man pinalaki ng iyong mga magulang, hindi ikaw ang mapagpasya roon. Kung binibigyan ka nila ng masasarap na pagkain at inumin, kung gayon ay nagkaroon ka ng masasarap na pagkain at inumin. Kung binibigyan ka ng iyong mga magulang ng kapaligiran sa pamumuhay kung saan nabubuhay ka sa ipa at sa mga ligaw na halaman, kung gayon, nabubuhay ka sa ipa at sa mga ligaw na halaman. Sa alinmang paraan, noong pinalalaki ka nila, ikaw ay pasibo, at ginagampanan ng mga magulang mo ang kanilang responsabilidad. Katulad ito ng pag-aalaga ng iyong mga magulang sa isang bulaklak. Dahil gusto nilang alagaan ang isang bulaklak, dapat nila itong lagyan ng pataba, diligan, at tiyaking nasisikatan ito ng araw. Kaya naman, patungkol sa mga tao, hindi mahalaga kung metikuloso kang inalagaan ng iyong mga magulang o inaruga ka nila nang mabuti, sa alinmang paraan, ginagampanan lang nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Anuman ang dahilan kung bakit ka nila pinalaki, responsabilidad nila ito—dahil ipinanganak ka nila, dapat silang maging responsable sa iyo. Batay rito, maituturing bang kabutihan ang lahat ng ginawa ng iyong mga magulang para sa iyo? Hindi maaari, hindi ba? (Tama.) … Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan. Dahil hindi ito matatawag na kabutihan, masasabi ba na isa itong bagay na dapat mong matamasa? (Oo.) Ito ay isang uri ng karapatan na dapat mong matamasa. Dapat kang palakihin ng iyong mga magulang, dahil bago ka umabot sa hustong gulang, ang papel na ginagampanan mo ay ang pagiging isang anak na pinalalaki. Samakatwid, tinutupad lang ng iyong mga magulang ang responsabilidad nila sa iyo at tinatanggap mo lang ito, ngunit tiyak na hindi nito ibig sabihin na tumatanggap ka ng biyaya o kabutihan mula sa kanila. Para sa anumang buhay na nilalang, ang pagbubuntis at pag-aalaga sa mga supling, pag-aanak, at pagpapalaki sa susunod na henerasyon ay isang uri ng responsabilidad. Halimbawa, ang mga ibon, baka, tupa, at maging ang mga tigre ay kailangang mag-alaga sa kanilang mga supling pagkatapos nilang manganak. Walang buhay na nilalang na hindi nagpapalaki ng kanilang mga supling. Posibleng mayroong ilang eksepsiyon, ngunit nananatiling hindi natin alam ang mga ito. Ito ay isang likas na penomena sa pag-iral ng mga buhay na nilalang, ito ay isang likas na gawi ng mga buhay na nilalang, at hindi ito maiuugnay sa kabutihan. Sumusunod lamang sila sa batas na itinakda ng Lumikha para sa mga hayop at sangkatauhan. Samakatwid, ang pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang ay hindi isang kabutihan. Batay rito, masasabi na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa iyo. Gaano man karaming dugo ng kanilang puso ang kanilang iginugugol para sa iyo at gaano kalaking pera man ang ginugugol nila sa iyo, hindi nila dapat hilingin sa iyo na suklian sila, dahil ito ang kanilang responsabilidad bilang mga magulang. Dahil ito ay isang responsabilidad at isang obligasyon, dapat na libre ito, at hindi sila dapat humingi ng kabayaran. Sa pagpapalaki sa iyo, ginagampanan lamang ng iyong mga magulang ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at hindi ito dapat binabayaran, at hindi ito dapat isang transaksiyon. Kaya, hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang o pangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideya ng pagsukli sa kanila. Kung talaga ngang tinatrato mo ang iyong mga magulang, sinusuklian sila, at pinangangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideyang ito, hindi iyon makatao. Kasabay nito, malamang na mapipigilan at magagapos ka ng mga damdamin ng iyong laman, at mahihirapan kang makalabas sa mga gusot na ito, hanggang sa maaaring maligaw ka pa(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto kong ang pakiramdam ko ng pagkakautang sa nanay ko at ang kawalan ko ng kakayahang gawin ang tungkulin ko nang may kapayapaan ng isip ay dahil tinitingnan ko ang nanay ko bilang aking pinagkakautangan. Naniwala akong kailangan kong bayaran nang buo ang anumang naibigay niya sa akin, kaya palagi kong nararamdaman ang utang na loob na ito, at sa tuwing nabibigo akong alagaan ang nanay ko, nakakaramdam ako ng pagkakautang sa kanya. Lalo na ngayong may kanser ang nanay ko, inakala kong kung papanaw ang nanay ko, hinding-hindi ko na lubusang mababayaran ang kanyang kabutihan sa buong buhay ko. Sa katotohanan, ang pagiging mabait sa akin ng nanay ko at ang pag-aalaga niya sa akin ay pagtupad niya sa kanyang responsabilidad at tungkulin bilang isang ina. Sa pagsilang niya sa akin, obligado siyang palakihin ako hanggang sa hustong gulang, at hindi ito maituturing na isang kabutihan. Tulad ng mga hayop na dapat alagaan ang kanilang mga supling pagkatapos manganak, ito ay isang likas na ugali nila at bahagi ng paunang pagtatalaga ng Diyos. Gayundin, kung nag-aalaga ka ng mga pusa o aso sa bahay, bilang kanilang amo, responsable ka sa kanilang pagkain, inumin, at pang-araw-araw na pangangailangan. Hindi ito mga gawa ng kabutihan, kundi pagtupad lamang ng responsabilidad. Saka, ang buhay ko ay mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagbigay sa akin ng hiningang ito ng buhay, at Siyang nagbabantay at pumoprotekta sa akin hanggang sa araw na ito. Naalala kong ilang beses na akong muntik nang masagasaan ng mga sasakyan, ngunit sa ilalim ng proteksyon ng Diyos, palagi akong nakakaligtas nang walang pinsala. Minsan pa, ang naging nobyo ko pagkatapos ng aking diborsyo ay hindi ako pinapayagang alagaan ang aking anak, at nang tumanggi akong makinig sa kanya, tinangka niya akong sakalin hanggang mamatay. Habang ginagawa niya iyon, patuloy akong tumatawag sa Diyos, at nagawa ko siyang itulak sa tabi at sa wakas ay nakaligtas ako sa panganib. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag nakapili na ang Diyos ng isang pamilya para sa iyo, pinipili naman Niya ang petsa kung kailan ka isisilang. Pagkatapos, nanonood ang Diyos habang isinisilang kang umiiyak sa mundo. Pinapanood Niya ang iyong pagsilang, nanonood Siya habang binibigkas mo ang iyong unang mga salita, nanonood habang nadadapa ka at humahakbang ng mga una mong hakbang habang nag-aaral kang maglakad. Una’y humahakbang ka ng isa at pagkatapos ay isa pa—at ngayon ay nakakatakbo ka na, nakakatalon, nakakapagsalita, at nakakapagpahayag ng iyong mga damdamin…. Habang lumalaki ang mga tao, nakapako ang titig ni Satanas sa bawat isa sa kanila, kagaya ng isang tigreng nakamasid sa bibiktimahin nito. Ngunit sa paggawa ng Kanyang gawain, hindi kailanman napailalim ang Diyos sa anumang mga limitasyong nagmumula sa mga tao, pangyayari o bagay-bagay, ng espasyo o panahon; ginagawa Niya kung ano ang dapat at kailangan Niyang gawin. Sa proseso ng paglaki, maaari kang makasagupa ng maraming bagay na hindi mo gusto, pati na ng karamdaman at kabiguan. Ngunit habang lumalakad ka sa landas na ito, ang iyong buhay at ang iyong kinabukasan ay nasa mahigpit na pangangalaga ng Diyos. Binibigyan ka ng Diyos ng tunay na garantiya na tatagal sa buong buhay mo, sapagkat Siya ay nasa tabi mo, binabantayan ka at inaalagaan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Sa pamamagitan ng mga personal na karanasan, lalo kong napatunayan sa aking puso ang mga salita ng Diyos. Mula pagsilang hanggang ngayon, talagang ang Diyos ang palihim na pumoprotekta sa akin. Ang Diyos ang nagbayad ng halaga gamit ang dugo ng Kanyang puso para sa akin, ngunit nabigo akong magpasalamat sa Kanya, at sa halip, nalugmok ako sa nararamdaman kong pagkakonsensiya sa aking nanay, at wala akong katapatan sa aking tungkulin, na nakaapekto sa pag-usad ng gawain. Lahat ng ito ay nag-ugat sa kawalan ko ng kakayahang tingnan nang tama ang pag-aaruga ng nanay ko.

Sa panahon ng aking mga debosyonal, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, umaalis ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi dahil sa gusto mong iwan ang iyong mga magulang at takasan ang iyong mga responsabilidad, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang pagpipilian kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon kang emosyonal na koneksiyon at mga saloobin para sa iyong mga magulang; hindi walang kabuluhan ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong mga tungkulin, kung gayon, kusang-loob kang mananatili sa kanilang tabi, regular silang aalagaan, at tutuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan; hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo ito maaaring gawin. Hindi ba’t iba ang kalikasan nito? (Oo.) Kung iniwan mo ang tahanan para iwasan ang pagiging mabuting anak at pagtupad sa iyong mga responsabilidad, iyon ay pagiging suwail na anak at kawalan ng pagkatao. Pinalaki ka ng iyong mga magulang, pero hindi ka makapaghintay na ibuka ang iyong mga pakpak at agad na umalis nang mag-isa. Ayaw mong makita ang iyong mga magulang, at wala kang pakialam kapag nabalitaan mo ang pagdanas nila ng ilang paghihirap. Kahit na may kakayahan kang tumulong, hindi mo ginagawa; nagpapanggap ka lang na walang narinig at hinahayaan ang iba na sabihin ang kung ano-anong gusto nila tungkol sa iyo—sadyang ayaw mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad. Ito ay pagiging suwail na anak. Ngunit ganito pa ba ang nangyayari ngayon? (Hindi.) Maraming tao ang umalis na sa kanilang bayan, lungsod, probinsiya, o maging sa kanilang bansa para magampanan ang kanilang mga tungkulin; malayo na sila sa kanilang lugar na kinalakhan. Dagdag pa rito, hindi madali para sa kanila na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa iba’t ibang kadahilanan. Paminsan-minsan, tinatanong nila ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang mga magulang mula sa mga taong galing sa parehong lugar na kinalakhan nila at nakakahinga sila nang maluwag kapag nababalitaan nilang malusog pa rin ang kanilang mga magulang at maayos pa rin na nakakaraos. Sa katunayan, hindi ka suwail na anak; hindi ka pa umabot sa punto ng pagiging walang pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang alalahanin ang iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya mo kinakailangang gawin ang ganitong pasya, kaya hindi ka suwail na anak(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan kong walang sinumang dumarating sa mundo para mabuhay para sa kanilang mga magulang, na lahat ay may sariling misyon na dapat tapusin, at bilang isang nilikha, may mga tungkulin akong dapat gawin. Ang mga nakalipas na taon ng paggawa ko ng aking tungkulin na malayo sa bahay ay pagtupad ko sa mga responsabilidad at paggawa ng aking mga tungkulin bilang isang nilikha, at ito ay ganap na likas at may katwiran. Dagdag pa, dahil sa mga pangyayari, kinailangan kong iwanan ang aking tahanan at ang nanay ko dahil tinutugis ako ng mga pulis. Hindi ito pagiging isang anak na walang utang na loob. Gayumpaman, palagi akong naniniwala na ang hindi ko pag-aalaga kay nanay habang may sakit siya ay nangangahulugang kulang ako sa pagkatao at isa akong anak na walang utang na loob. Ngunit ang pananaw kong ito ay hindi nakaayon sa katotohanan. Ang tunay na kawalan ng pagkatao at pagiging isang anak na walang utang na loob ay kapag may kakayahan ang isang tao na alagaan ang kanyang mga magulang, ngunit tumatanggi siyang gawin ito, pinababayaan ang mga ito nang lubusan, o itinuturing pa ngang pabigat ang mga ito. Ito ang pag-iwas sa responsabilidad at tunay na kawalan ng pagkatao at kahiya-hiyang pagiging isang anak na walang utang na loob. Sa pagninilay sa sarili kong asal, nakita kong noong pinahintulutan ng mga pagkakataon dati, buong atensiyon kong inalagaan ang nanay ko pagkatapos ng kanyang aksidente sa daan, at naging mapagmalasakit din ako at maalaga sa kanya noong nasa bahay ako, at ginagawa ko ang aking mga responsabilidad bilang isang anak. Ngayon, may kanser ang nanay ko at hindi ako makauwi dahil tinutugis pa rin ako ng mga pulis. Kung nakipagsapalaran akong umuwi, baka naaresto na ako, at kung ganoon, hindi ko na nga maaalagaan ang nanay ko, mawawalan pa ako ng pagkakataong gawin ang aking tungkulin. Nang mapagtanto ito, hindi na ako nakaramdam ng pagkakonsensiya tungkol sa hindi ko pag-aalaga sa nanay ko.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung hindi mo nilisan ang iyong tahanan para gampanan ang iyong tungkulin sa ibang lugar, at nanatili ka sa tabi ng iyong magulang, mapipigilan mo kaya ang pagkakasakit niya? (Hindi.) Makokontrol mo ba kung mabubuhay o mamamatay ang mga magulang mo? Makokontrol mo ba kung sila ay mayaman o mahirap? (Hindi.) Anuman ang sakit na makukuha ng iyong mga magulang, hindi iyon dahil sa pagod na pagod sila sa pagpapalaki sa iyo, o dahil sa nangungulila sila sa iyo; lalong hindi sila magkakaroon ng alinman sa mga malubha, seryosong karamdaman o nakamamatay na kondisyon dahil sa iyo. Kapalaran nila iyon, at wala itong kinalaman sa iyo. Gaano ka man kabuting anak sa iyong mga magulang o gaano ka man kamapagsaalang-alang sa pagmamalasakit sa kanila, ang pinakamamagagawa mo lang ay bawasan nang kaunti ang pagdurusa ng kanilang laman at ang kanilang mga pasanin. Ngunit tungkol sa pagkakasakit nila, anong sakit ang nakukuha nila, kailan sila mamamatay, at saan sila mamamatay—may kinalaman ba ang mga bagay na ito kung ikaw man ay nasa tabi nila at nag-aalaga sa kanila? Wala, walang kinalaman ang mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Kahit na hindi ako umalis ng bahay para gawin ang aking tungkulin at nanatili ako sa tabi ng nanay ko para alagaan siya, hindi ko pa rin masisiguro na hindi siya magkakasakit. Kung gaano karaming pagdurusa o anong mga kabiguan ang dapat maranasan ng bawat tao ay hindi kontrolado ng tao, at ang kapalaran ng isang tao ay ganap na nasa mga kamay ng Diyos. Halimbawa, ang nanay ko ay nasa mga ika-60 taon na niya ngayon, at normal lang na magkaroon ng mga problema sa kalusugan sa edad na ito. Kahit na umuwi pa ako at alagaan siya, paglingkuran siya, at ipaghanda siya ng masasarap na pagkain, ang pinakamaibibigay lang nito sa kanya ay kaunting espirituwal na kaaliwan, ngunit hindi ko kayang akuin ang anumang sakit ng kanyang karamdaman para sa kanya. Naisip ko kung paanong ang ilang anak ay partikular na magalang sa kanilang mga magulang, isinasama ang mga ito para tumira sa kanila sa bahay at buong atensiyong inaalagaan ang mga ito, ngunit nagkakasakit pa rin ang kanilang mga magulang. Ipinapakita nito na hindi naman nangangahulugang mananatiling malusog ang mga magulang dahil lang nasa paligid ang kanilang mga anak, ni hindi rin masisiguro ang kanilang paggaling mula sa sakit dahil sa pagkakaroon ng mga anak sa kanilang tabi. Ang mga bagay na ito ay ganap na itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatalaga ng Diyos. Halimbawa, nang ma-diagnose ang nanay ko na may kanser sa pagkakataong ito, mukhang malubha ang kanyang kalagayan at hindi tiyak kung magagamot pa siya, at magaspang pa ngang sinabi ng mga hipag ko na kung hindi ako uuwi, hindi nila babayaran ang para sa pagpapagamot ng nanay ko. Ngunit sa huli, ang asawa ng bunso kong kapatid na lalaki at ang mga asawa ng dalawa kong nakatatandang pinsang lalaki ang nag-ambagan ng pera at nagsalitan sa pag-aalaga kay Nanay sa ospital. Hindi na lumubha ang kalagayan ng nanay ko at nagtuloy-tuloy ang kanyang paggaling. Ipinakita nito sa akin na talagang hindi kayang kontrolin ng mga tao ang sarili nilang kapalaran, at lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Kinailangan kong bitiwan ang aking mga pag-aalala tungkol kay nanay at ipagkatiwala siya sa Diyos.

Isang araw noong Nobyembre 2023, nakatanggap ako ng liham mula kay Nanay. Sabi roon, “Binilhan ako ng kapatid mo ng bagong bahay, at tinutulungan ko siyang mag-alaga ng kanyang anak habang ginagawa ko ang aking tungkulin. Nasa mabuting kalusugan din ako kaya dapat mong gawin ang iyong tungkulin nang may kapayapaan ng isip.” Sa pagbasa lang ng ilang maikling salitang ito mula sa nanay ko, napaiyak ako sa tuwa. Hindi ko inaasahan na magpapatuloy siyang mamuhay nang napakabuti kahit wala ako sa tabi niya para alagaan siya, at ginagawa pa nga niya ang kanyang tungkulin. Pinalakas nito ang aking determinasyon, at alam kong hindi alintana kung makakauwi man ako o makikitang muli ang nanay ko, hindi na ako puwedeng makonsensiya pa tungkol sa hindi ko pag-aalaga sa kanya, at nagpasya akong panatagin ang aking puso para tuparin ang aking tungkulin. Ito ang layuning dapat kong paggugulan ng aking buhay para hangarin.

Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, nakita ko kung gaano ako katinding nagapos ng mga tradisyonal na ideya ng paggalang sa magulang, at na sa tuwing may hindi kanais-nais na mga pangyayaring dumarating, hinahadlangan ako ng mga ideyang ito sa pagsasagawa ng katotohanan at paggawa ng aking tungkulin. Ang patnubay ng mga salita ng Diyos ang nagbigay-daan sa aking magkaroon ng pagkilatis sa mga tradisyonal na ideyang ito, upang hindi na maimpluwensiyahan at mahadlangan ng mga ito, at magawang mapanatag ang aking puso sa aking tungkulin. Ito ang mga bungang nakamit sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  97. Hindi Na Ako Nag-aalala Tungkol sa Trabaho ng Anak Kong Lalaki

Sumunod:  99. Pagtataguyod ng Tungkulin sa Gitna ng Pag-uusig at Kapighatian

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger