45. Hindi Na Aking Ligtas na Kanlungan ang Pamilya at Pag-aasawa

Ni Fusu, Tsina

Noong bata pa ako, napakahirap ng pamilya namin. Ang tatay ko ay kumikita lang ng work points sa production team, at wala siyang pakialam sa mga gawain sa bahay, at hindi maaasahan ng nanay ko ang tatay ko kapag siya ay inaagrabyado o nahihirapan. Siya lang mag-isa ang nag-aasikaso ng lahat at nagdusa siya nang sobra. Naisip ko, “Kapag nag-asawa ako, kailangan kong humanap ng lalaking nakatuon sa pamilya, responsable, at maaasahan, o kahit paano, isang taong poprotektahan ako at ipagtatanggol ako kapag nahaharap ako sa mga paghihirap.” Pero hindi nangyari ang mga bagay ayon sa inaasahan ko. Pagkatapos naming ikasal, nalaman kong iresponsable ang asawa ko, at wala siyang pakialam sa akin, kaya sa akin bumagsak ang lahat ng pag-aalaga sa anak namin at pamamahala sa bahay. Kalaunan, nagsimula siyang mambabae at madalas ay hindi umuuwi sa gabi. Hindi ko na talaga kinaya kaya nagdiborsyo kami. Pagkatapos ng diborsyo, wala akong direksiyon, walang sinumang maaasahan, at naramdaman kong nag-iisa ako at walang magawa. Lalong tumindi ang pananabik ko para sa isang matatag na tahanan, at para sa isang taong makakatulong sa akin sa mga paghihirap at handang makinig sa akin. Noong 2006, nakilala ko ang kasalukuyan kong asawa. Siya ay matuwid at mabait, at kahit hindi siya mayaman, napakabuti ng pakikitungo niya sa akin at inaalagaan niya ako nang sobra. Handa siyang makinig sa akin, at tinulungan pa nga niya akong bayaran ang insurance ng anak ko. Sobra akong naantig, at naramdaman kong responsable at maaasahan siya at isang taong masasandalan ko. Hindi nagtagal, ikinasal kami. Lubos kong pinahalagahan ang pagsasamang ito. Para masuportahan ang pag-aaral ng anak namin, nagbukas kami ng isang maliit na tindahan. Napakasipag at may kapabilidad ang asawa ko, at anuman ang mangyari, palagi siyang kumikilos para asikasuhin ito, at hindi ko na kailangang mag-alala o mahirapan pa. Napakasaya ko, at naramdaman kong sa wakas ay mayroon na akong masasandalan at isang matatag na tahanan.

Noong 2013, tinanggap namin ng asawa ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sabay kaming dumadalo sa mga pagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at madalas kong isipin, “Napakagandang magkasama kaming nananampalataya sa Diyos, at walang umuusig o humahadlang sa amin! Sa hinaharap, pareho kaming maliligtas.” Masayang-masaya ako. Pero unti-unti, napansin kong hindi hinahangad ng asawa ko ang katotohanan, at bihira siyang magbasa ng mga salita ng Diyos at walang tigil siyang nahuhumaling sa mga tao at bagay-bagay. Noong 2018, tumigil na sa pananampalataya ang asawa ko. Mula noon, para siyang naging ganap na ibang tao, at sa tuwing dumarating ang mga sister para sa pagtitipon, palaging hindi kaaya-ayang ekspresiyon ang ipinapakita niya. Isang beses, may isang sister na pumunta sa amin para sa isang pagtitipon, at agad siyang tumitig nang masama at sumigaw: “Anong ginagawa mo rito? Lumayas ka ngayon din!” Walang nagawa ang sister kundi mabilis na umalis. Pagkatapos, kahit anong sabihin ko, hindi siya nakikinig, at dahil takot akong magalit siya, hindi na ako umimik. Naisip ko, “Dati, napakaganda ng relasyon namin, kaya hindi ako dapat makipagtalo sa kanya tungkol sa mga bagay na tungkol sa pananalig, dahil makakaapekto ito sa aming relasyon.” Kalaunan, kinailangang isaayos ng lider ng iglesia na sa ibang lugar na ako dumalo ng mga pagtitipon. Minsan, kapag huli na akong umuuwi galing sa pagtitipon, sumisimangot ang asawa ko at pinupuna ako sa tagal ng pag-uwi ko, kaya sa tuwing pupunta ako sa pagtitipon, palagi akong nalilimitahan sa oras. Natatakot ako na kapag umuwi siya at hindi pa handa ang pagkain, hindi siya matutuwa.

Isang beses sa isang pagtitipon, nagbabahagi ang lider ng mga salita ng Diyos, at noong una, nakikinig pa ako nang mabuti, pero nang malapit na ang oras ng kainan, at nakita kong wala pa siyang balak tumigil, nagsimula akong mabagabag: “Bakit hindi ka pa tapos? Anong oras na! Kailangan ko pang umuwi para magluto para sa asawa ko. Kung mahuli ako sa pag-uwi, baka mauwi na naman kami sa pagtatalo. Hindi ba’t lalong magiging masalimuot ang relasyon namin?” Sobra akong nabalisa kaya hindi ako mapakali o hindi ko na marinig ang sinasabi ng sister, at sinabi ko, “Oras na para umalis.” At kinailangang madaliin ng sister na tapusin ang pagtitipon. Nakasimangot akong agad na umalis. Halos sa tuwing pauwi ako pagkatapos ng pagtitipon, kinakabahan ako. Kung pagdating ko sa bahay at nakita kong wala ang asawa ko, sa wakas ay napapanatag na ang kinakabahan kong puso, pero kung nasa bahay siya, kinakabahan akong nagmamadaling magluto, sa takot na hindi siya masiyahan. Habang mas pinagbibigyan ko siya, mas lalo siyang lumalala, at kung may hindi mangyari ayon sa gusto niya o may masabi akong mali na ikakagalit niya, umiinit ang ulo niya. Sabi niya, “Maghapon kang nasa mga pagtitipon at nagbabasa ng salita ng Diyos—ano ang maaasahan ko sa iyo? Hindi tayo pareho ng espiritu o ng landas. Hindi magtatagal, kailangan nating maghiwalay!” Nang marinig kong sinabi ng asawa ko na maghihiwalay din kami sa huli, natakot akong mamuhay na naman nang mag-isa. Pero ayaw ko ring iwan ang Diyos, at sobrang sakit ng nararamdaman ko. Naisip ko, “Nagsikap kami para sa wakas ay makapagtayo ng isang perpektong tahanan, at naging mabuti rin naman ang pakikitungo niya sa akin. Kung iiwan ko talaga siya, magkakaroon pa kaya ako ng ganitong buhay?” Para mapanatiling buo ang aming pamilya, naging mas maingat ako. Minsan, kapag nagtatrabaho ang asawa ko, mas gugustuhin ko pang magbasa nang mas kaunti ng salita ng Diyos at tulungan na lang siya, para lang mapasaya siya. Inasikaso ko rin ang lahat ng gawaing-bahay, nagluluto ng tatlong beses sa isang araw ayon sa gusto niya, at kahit may sinasabi siyang hindi maganda, ako nakikipagtalo, para hindi na naman magsimula ng isa na namang away.

Isang beses, may dalawang sister na pumunta sa bahay para pag-usapan namin ang isang bagay, at bigla na lang galit na lumabas ng kuwarto ang asawa ko at pinalayas sila. Pagkatapos, binalaan din niya ako, “Huwag kang magpapapasok ng mga sister sa loob ng bahay. Kapag bumalik sila, tatawag ako ng pulis.” Nang makita kong paulit-ulit na tumitindi ang ugali ng asawa ko at sinasagad ako, naisip ko, “Hindi ba’t pagpupwersa ito na isuko ko ang pananalig ko? Hindi ko kayang iwan ang pananalig ko, kaya siguro ay dapat ko na lang siyang iwan.” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Paano ako mabubuhay nang mag-isa pagakatapos ko siyang iwan?” Takot na takot talaga akong mamuhay mag-isa, at hindi ko kayang iwan siya. Ilang beses, kapag hinihiling ng asawa ko na tulungan ko siya sa trabaho, natataon na oras ng tungkulin ko, at palagi kong pinipiling pagbigyan ang asawa ko at talikuran ang tungkulin ko. Minsan, kapag mayroong hindi siya nagustuhan kahit kaunti, pinupuna niya ako at kinukutya, hanggang sa isang araw, hindi ko na napigilan at sumagot na rin ako, sabi ko, “Alam mo namang mabuti ang manampalataya sa Diyos, bakit mo ako laging pinag-iinitan? Anong masama sa pagdalo ko sa mga pagtitipon at paggawa ng mga tungkulin ko? Hindi ko ba ginagawa lahat ng gawaing-bahay? Mas masaya ka ba kung katulad ako ng iba, na palaging nagma-mahjong, nagpa-party, at pinapabayaan ang bahay?” Nang makita niyang sumasagot ako, lalo siyang nagalit, at nilakasan niya ang boses niya, tnitigan ako nang masama, at galit na galit na sinabi, “Huwag mo akong subukan. Kapag ginalit mo talaga ako, itatapon ko lahat ng gamit mo!” Naisip ko, “Hindi ba’t demonyo ang taong ito? Kinamumuhian niya ang Diyos at ang katotohanan!” Pagkatapos, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Hindi na nananampalataya ang asawa ko sa Diyos. Magkaiba na ang landas at espiritu namin, at talagang hindi na kami magkaintindihan. Paulit-ulit niyang pinatitindi ang pag-uusig sa pananalig ko, at madalas kong isipin na iwan na lang siya, pero kapag naiisip kong mamuhay nang mag-isa at malungkot pagkatapos ng diborsyo, na wala nang poprotekta sa akin sa mga hirap ng buhay, at kung paanong masisira ang pamilyang pinaghirapan kong buuin, hindi talaga ako makapagdesisyon. Sa gitna ng pasakit, lumapit ako sa Diyos sa panalangin: “Diyos ko, patindi nong patindi ang pag-uusig sa akin ng asawa ko. Pinipigilan niya ako sa mga pakikipagtipon at mga tungkulin ko. Sobrang sakit po ng nararamdaman ko at hindi ko alam ang gagawin. Sa ganitong sitwasyon, anong mga aral ang dapat kong matutuhan? Pakiusap, bigyang-liwanag, tanglawan, at gabayan Mo po ako.”

Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang ilang tao, sa sandaling pumasok sila sa pag-aasawa, ay nagiging handa na igugol ang lahat ng kanilang pagsisikap para magpunyagi, makibaka, at magtrabaho nang husto para sa kaligayahan ng pag-aasawa. Ang ilan ay nagbabanat ng buto para kumita ng pera upang masuportahan ang kanilang mga pamilya, walang kapagurang nagtitiis ng paghihirap, at siyempre, higit pang mas maraming tao na nagkakatiwala ng kanilang kaligayan sa buhay sa kanilang kabiyak. Naniniwala sila na kung sila ay natutuwa o nagagalak sa buhay ay nakasalalay sa kung ano ang katangian ng kanilang kabiyak, kung ito ba ay isang mabuting tao; kung magkatugma ba ang kanilang personalidad at mga hilig; kung ito ba ay isang taong may kakayahang maghanapbuhay at pamahalaan ang isang pamilya; kung ito ba ay isang taong kayang tiyakin ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa hinaharap, at makakapagbigay sa kanila ng isang masaya, matatag, at magandang pamilya; at kung ito ba ay isang taong kaya silang bigyang-ginhawa kapag sila ay may dinaranas na anumang pasakit, kapighatian, kabiguan o problema. Upang kumpirmahin ang mga bagay na ito, binibigyan nila ng espesyal na atensiyon ang kanilang kabiyak habang namumuhay sila nang magkasama. Maingat nilang inoobserbahan at itinatala ang mga iniisip, pananaw, pananalita at kilos, bawat galaw ng kanilang kabiyak, pati na rin ang anumang kalakasan at kahinaan nito. Detalyado nilang tinatandaan ang lahat ng iniisip, pananaw, salita, at pag-uugali sa buhay na ipinapakita ng kanilang kabiyak, upang mas maunawaan nila nang mabuti ang kanilang kabiyak. Kasabay nito, umaasa rin sila na mas mauunawaan sila nang mabuti ng kanilang kabiyak, binibigyan nila ng puwang ang kanilang kabiyak sa kanilang puso, at binibigyan nila ang kanilang sarili ng puwang sa puso ng kanilang kabiyak, upang mas mahusay nilang mapigilan ang isa’t isa, o upang sila ang unang taong lilitaw sa harap ng kanilang kabiyak sa tuwing may mangyayari, ang unang taong tutulong dito, ang unang taong titindig at susuporta rito, magpapalakas ng loob nito, at magiging matibay na tagasuporta nito. Sa gayong kalagayan ng pamumuhay na gaya nito, hindi bihirang subukan ng mag-asawa na kilatisin kung anong uri ng tao ang kanilang kabiyak, ganap silang namumuhay sa kanilang damdamin para sa kanilang kabiyak, at ginagamit nila ang kanilang damdamin upang alagaan ang kanilang kabiyak, pagtiisan ito, pangasiwaan ang lahat ng kasalanan, kapintasan, at hinahangad nito, maging sa punto ng pagtugon sa bawat hinihingi nito. Halimbawa, umuwi ang isang sister mula sa isang pagtitipon, at sinabi ng mister niya, ‘Sobrang haba ng mga pagtitipon ninyo. Dapat ay manatili ka lang doon nang kalahating oras at pagkatapos ay umuwi ka na!’ Sumasagot naman ang babae, ‘Gagawin ko ang aking makakaya.’ Totoo nga, sa sunod na pagpunta niya sa pagtitipon ay kalahating oras lamang siya roon at pagkatapos ay umuuwi na siya agad. Sinasabi na ngayon ng kanyang mister, ‘Mas mainam ang ganyan. Sa susunod, magpakita ka lang doon at pagkatapos ay umuwi ka na agad.’ Sinasabi niya, ‘Ah, ganoon pala katindi ang pangungulila mo sa akin! Sige, gagawin ko ang aking makakaya!’ Totoo nga, hindi niya binibigo ang kanyang asawa sa sunod niyang pagpunta sa pagtitipon, at umuuwi na siya pagkatapos lamang ng mga sampung minuto. Labis na nasisiyahan at natutuwa ang kanyang asawa. Kung gusto nito na pumunta siya sa silangan, hindi siya mangangahas na magpunta sa kanluran; kung gusto nitong makita na tumatawa siya, hindi siya mangangahas na umiyak. Nakikita nito na nagbabasa siya ng mga salita ng Diyos at nakikinig sa mga himno at napopoot ito rito at nasusuklam, at sinasabi ng mister niya, ‘Ano ba ang silbi ng pagbabasa ng mga salitang iyan at pagkanta ng mga awit na iyan palagi? Hindi ba pwedeng huwag mong basahin ang mga salitang iyan o kantahin ang mga awit na iyan habang nasa bahay ako?’ Mabilis siyang sumasang-ayon at pagkatapos niyon, hindi siya kailanman nangangahas na muling magbasa ng mga salita ng Diyos o makinig ng mga himno. Dahil sa mga iginigiit ng kanyang mister, sa wakas ay nauunawaan niya na hindi nito gusto na siya ay manampalataya sa Diyos, at lalong hindi nito gusto na magbasa siya ng mga salita ng Diyos, kaya sinasamahan na lang niya ito kapag ito ay nasa bahay, nanonood ng telebisyon kasama ito, kumakain at nakikipag-usap dito, at pinakikinggan pa nga niya ang mga hinaing nito: Gagawin niya ang kahit ano para dito, basta’t ikasisiya ito ng kanyang mister. Naniniwala siya na ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng isang asawa. Kaya, kailan niya binabasa ang mga salita ng Diyos? Kapag nakaalis na ang asawa niya saka lang siya nangangahas na magbasa ng mga salita ng Diyos nang ilang sandali, ngunit sa sandaling makarinig siya ng ingay sa pinto, sobra na siyang natatakot na magpatuloy sa pagbabasa. Palagi siyang ninenerbiyos, takot na baka biglang bumalik ang asawa niya, at sobrang nababagabag ang puso niya na hindi niya ito mapatahimik kahit anong pilit niya. Hindi rin niya alam kung ano ang sasabihin kapag nananalangin siya sa Diyos. Ang sabihing wala siyang pananalig sa Diyos, na takot siya sa kanyang mister, at hindi niya mapatahimik ang kanyang puso para magbasa ng mga salita ng Diyos—pakiramdam niya ay hindi niya kayang sabihin ang mga bagay na ito: Wala siyang masabi sa Diyos. Kapag nagbabasa siya ng mga salita ng Diyos, hindi niya maipasok sa isip niya ang mga ito, hindi niya mapatahimik ang kanyang puso para pagnilayan ang mga ito—balisa at hindi mapakali ang isip niya. Kaya sa huli, humihinto na lang siya sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, iniisip na hindi naman malaking bagay ang makaligtaan nang isang beses ang kanyang mga espirituwal na debosyon. Ano sa palagay mo? Maganda ba ang takbo ng buhay niya? (Hindi.) Ito ba ay pagkabagabag sa pag-aasawa o kaligayahan sa pag-aasawa? (Pagkabagabag.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). Eksaktong inilarawan ng sinabi ng Diyos ang aking pag-uugali. Palagi kong itinuturing ang pag-aasawa bilang isang ligtas na kanlungan, at ang asawa ko bilang isang taong masasandalan ko. Noong bata pa ako, nakita ko kung gaano kahirap para sa nanay ko na mag-isang pamahalaan ang bahay, at hindi nakakatulong ang tatay ko, at naramdaman kong kaawa-awa talaga ang nanay ko, kaya gusto kong humanap ng isang responsableng lalaki na maaasahan ko. Pero taliwas sa inaasahan ko, naging iresponsable at walang pagpapahalaga sa tungkulin ang una kong asawa, at sa huli, nagdiborsyo kami. Pagkatapos, namuhay ako nang maglungkot na puno ng pagdurusa at walang suporta. Kalaunan, nakilala ko ang kasalukuyan kong asawa, at inalagaan niya ako at pinahalagahan. Hindi ko na kailangang mag-alala sa mga usapin sa bahay, at binayaran pa nga niya ang insurance ng anak ko, kaya inakala kong responsable siya at maaasahan. Sabi nga sa kasabihan, “Ang isang bahay na punô ng mga anak ay hindi kasing inam ng isang kasama na nakilala sa huling bahagi ng buhay.” Sumang-ayon din ako sa kasabihang ito. Bagama’t may anak akong babae, baka hindi ko rin siya maaasahan sa hinaharap, kaya kailangan ko pa ring umasa sa asawa ko. Itinuring ko ang asawa ko bilang aking sandalan sa natitirang bahagi ng buhay ko, at bilang aking ligtas na kanlungan, kaya para mapanatili ang pamilyang ito, hindi ko ininda ang hirap o pagod. Sinunod ko siya sa lahat ng bagay para wala siyang mapuna sa akin, at basta’t maaari naming gugulin ang natitirang bahagi ng aming buhay nang ganito, kontento na ako. Kahit matapos kong matagpuan ang Diyos, mataas pa rin ang pagpapahalaga ko sa pag-aasawa. Nang paulit-ulit na hinadlangan ng asawa ko ang aking pananampalataya, natakot akong masira ang aming pagsasama at mawala ang pamilyang ito, kaya palagi ko siyang sinusunod. Nang pagbawalan niya ang mga sister na pumunta sa aming bahay para sa mga pagtitipon, natakot akong makaapekto sa aming relasyon ang pakikipagtalo sa kanya, kaya sinunod ko siya at huminto sa pagpapatuloy sa bahay. Kung masyadong matagal ang isang pagtitipon, nag-aalala akong mahuli sa pag-uwi at maantala ang pagluluto para sa asawa ko, at pinuputol ko pa nga ang lider bago matapos ang kanyang pagbabahagi, na ginugulo ang pagtitipon. Nang sumalungat ang tungkulin ko sa kapayapaan ng aming pamilya, natakot akong magalit ang asawa ko at pagkatapos ay maapektuhan ang aming relasyon, kaya palagi kong pinipiling pagbigyan siya at talikuran ang aking tungkulin. Para mapagbigyan ang asawa ko, inantala ko ang paghahangad ko sa katotohanan at pinalampas ang mga pagkakataong makamit ito. Hindi ko tinupad ang tungkulin at responsabilidad ng isang nilikha. Ginawa kong sandalan ang asawa ko at sinunod ko siya sa lahat ng bagay. Tinitingnan ko ang kanyang mga ekspresyon sa bawat pagkakataon sa aking tungkulin, pinipigilan niya ako, at talagang nakaramdam ako ng pagkasupil at sama ng loob. Ang ganitong pagsasama ay puno ng mga problema, hindi kaligayahan. Nagpatuloy akong maghanap, “Paano ko dapat harapin ang pag-aasawa?”

Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Inorden ng Diyos ang pag-aasawa sa iyo para lamang matuto kang tuparin ang iyong mga responsabilidad, matutong mamuhay nang payapa kasama ang isa pang tao at mamuhay kayo nang magkasama, at maranasan mo kung paano ang buhay na kasama ang iyong kabiyak at kung paano ninyo haharapin nang magkasama ang lahat ng bagay na inyong pinagdadaanan, at dahil dito ay nagiging mas makulany at naiiba ang iyong buhay. Gayumpaman, hindi ka Niya ikinokompromiso sa pag-aasawa, at siyempre, hindi ka Niya ikinokompromiso sa iyong kabiyak upang maging alipin nito. Hindi ka alipin ng iyong kabiyak, at hindi rin siya ang amo mo. Magkapantay kayo. May mga responsabilidad ka lang bilang misis o mister sa iyong kabiyak, at kapag tinutupad mo ang mga responsabilidad na ito, itinuturing ka ng Diyos na isang mabuting misis o mister. Walang anumang taglay ang iyong kabiyak na wala sa iyo, at hindi ka mas masahol kaysa sa iyong kabiyak. … Pagdating sa mga ugnayan sa laman, bukod sa iyong mga magulang, ang taong pinakamalapit sa iyo sa mundong ito ay ang iyong asawa. Ngunit dahil nananampalataya ka sa Diyos, itinuturing ka niyang kaaway at inaatake at inuusig ka niya. Tinututulan niya ang pagdalo mo sa mga pagtitipon, kapag nakakarinig siya ng anumang tsismis, umuuwi siya para pagalitan at maltratuhin ka. Kahit na nagdadasal o nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos sa bahay at hindi ka naman nakakaapekto sa pagiging normal ng kanyang buhay, papagalitan at tututulan ka pa rin niya, at maaari ka pa nga niyang saktan. Sabihin mo sa Akin, anong uri ng bagay ito? Hindi ba’t isa siyang demonyo? Ito ba ang taong pinakamalapit sa iyo? Karapat-dapat ba ang ganitong tao sa pagtupad mo ng anumang responsabilidad para sa kanya? (Hindi.) Hindi, hindi siya karapat-dapat! At kaya, ang ilang taong nasa ganitong uri ng buhay may-asawa ay sumusunod pa rin sa bawat hihiningi ng kanilang asawa, handang isakripisyo ang lahat, isakripisyo ang oras na dapat ay igugol nila sa pagtupad ng kanilang tungkulin, ang pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin, at maging ang kanilang pagkakataon na makamit ang kaligtasan. Hindi nila dapat gawin ang mga bagay na ito, at sa pinakamababa, dapat nilang iwaksi ang gayong mga ideya. … Ang layon ng Diyos sa pag-orden ng pag-aasawa ay upang magkaroon ka ng kabiyak, upang harapin mo ang mga pagsubok at tagumpay sa buhay at malagpasan mo ang bawat yugto ng buhay nang kasama ang iyong kabiyak, upang hindi ka nag-iisa o nalulumbay sa bawat yugto ng buhay, upang mayroon kang karamay, isang taong mapagsasabihan mo ng iyong mga kaloob-loobang iniisip, at isang taong magbibigay-ginhawa at mag-aalaga sa iyo. Gayumpaman, hindi ginagamit ng Diyos ang pag-aasawa upang igapos ka, o igapos ang iyong mga kamay at paa, upang wala kang karapatang pumili ng iyong sariling landas at maging alipin ng pag-aasawa. Inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa iyo at nagsaayos ng isang kabiyak para sa iyo; hindi ka Niya hinanapan ng isang amo, ayaw rin Niya na ikaw ay makulong sa loob ng iyong buhay may-asawa nang walang sariling mga paghahangad, layon sa buhay, tamang direksiyon para sa iyong mga paghahangad, at karapatang maghangad ng kaligtasan. Sa halip, may asawa ka man o wala, ang pinakadakilang karapatan na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ay ang karapatan na hangarin ang sarili mong mga layon sa buhay, itatag ang tamang pananaw sa buhay, at hangarin ang kaligtasan. Walang sinuman ang makapagkakait ng karapatang ito sa iyo, at walang sinumang maaaring makialam dito, kabilang na ang iyong asawa(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). Lubos na naantig ng mga salita ng Diyos ang puso ko. Ayaw ng Diyos na mawala ang ating dignidad o integridad dahil sa pag-aasawa, ni ayaw Niyang talikuran natin ang ating mga tungkulin at responsabilidad, at mawala ang ating pagkakataong maligtas. Ayaw din ng Diyos na igapos tayo ng pag-aasawa at kusang maging mga alipin nito. Kinailangan kong kumawala mula sa mga tanikala ng pag-aasawa, at huminto sa pagpigil at paggapos ng asawa ko, dahil saka lang ako makakapamuhay nang may dignidad at integridad. Malinaw kong alam na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas sa buhay, at ang paggawa ng tungkulin ay responsabilidad at obligasyon ng isang nilikha, pero namuhay ako ayon sa mga kaisipan at pananaw na itinanim ni Satanas. Naniwala ako na “Ang mga lalaki ang haligi ng tahanan,” at “Ang pag-aasawa ay isang ligtas na kanlungan.” Nang makita kong naging mabuti ang pakikitungo sa akin ng asawa ko sa pang-araw-araw na buhay, itinuring ko siyang sandalan ko. At nang sinubukan niya ang lahat para usigin at hadlangan ako sa aking mga pagtitipon at tungkulin, para mapagbigyan ang asawa ko, malugod akong naging alipin niya. Nagpakapagod ako nang walang reklamo para maghanda ng pagkain tatlong beses sa isang araw, palaging tinitingnan ang kanyang mga ekspresyon, at sinunod ko siya sa lahat ng bagay. Paulit-ulit akong nagparaya para sa kanya, pero patuloy lang siyang lumala, palagi akong hinahadlangan at inuusig. Hindi lang ako napigilan sa mga pagtitipon, kundi nabigo rin akong tuparin ang aking tungkulin bilang isang nilikha. Paano ako makakapamuhay nang may dignidad at integridad sa ganitong paraan? Itinatakda ng Diyos ang pag-aasawa para maranasan ng mga tao ang mga galak at hirap nito, para payamanin ang kanilang karanasan sa buhay, para matutuhang harapin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay-bagay sa buhay, at para suportahan at samahan ang isa’t isa bilang mag-asawa sa buhay. Hindi ako ipinagkanulo ng Diyos sa pag-aasawa. Hindi ako alipin ng asawa ko; pantay kami. Pero para mapanatili ang aming tahanan, sinunod ko siya sa lahat ng bagay, tinakasan ang tungkulin ko, at halos mawala sa akin ang pagkakataong maligtas. Napakahangal ko! Sa katunayan, bilang asawa, ginawa ko ang lahat ng gawaing-bahay na kaya ko, at natupad ko na ang aking mga responsabilidad bilang asawa, pero sinadya niyang hanapan ako ng mali at pahirapan ako. Higit pa rito, nanampalataya dati ang asawa ko sa Diyos at nabasa na niya ang mga salita ng Diyos, at malinaw niyang alam na nananampalataya ako sa tunay na Diyos, pero ginawa pa rin niya ang lahat para hadlangan at usigin ang pananalig ko. Kapag nakikita niyang dumarating ang mga kapatid sa aming bahay, pinapalayas niya ang mga ito at nagbabanta pa nga na tatawag ng pulis para ipaaresto ang mga ito. Gusto pa nga niyang sirain ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Ang diwa niya ay iyong sa isang diyablong namumuhi at lumalaban sa Diyos. Hindi siya nananampalataya sa Diyos at tinatahak niya ang landas tungo sa pagkawasak, at gusto niya akong isama sa impiyerno. Nakita ko na siya ay lubhang mapaminsala at walang pagkatao. Nabigo akong kilatisin ang kanyang diwa, at sa halip, palagi akong nagpaparaya sa kanya, namumuhay nang walang dignidad at integridad, para lang mapanatili ang aming pagsasama. Talagang kahabag-habag ito! Kung hindi ako nagising at nagbago, at tinakasan ang tungkulin ko at ipinagkanulo ang Diyos para sa pag-aasawa ko, kung gayon ay hindi ako karapat-dapat na tawaging isang nilikha, at sa huli, ititiwalag at wawasakin lang ako ng Diyos. Nang maunawaan ko ito, lihim akong nagpasya, “Hindi na ako magpaparaya sa asawa ko. Kung susubukan niya ulit na hadlangan ang pananalig ko, iiwan ko siya at tatahakin ang sarili kong landas, at tutuparin ko ang aking tungkulin bilang isang nilikha.”

Noong Setyembre 2023, isang gabi, pagkatapos kong bumalik mula sa aking tungkulin, galit na sinabi ng asawa ko, “Kailangan nating mag-usap. Magpapatuloy pa ba tayo o hindi?” Sabi ko, “Kung magpapatuloy pa tayo o hindi, nasa iyo iyan.” Bigla siyang sumiklab sa galit at umangil nang malupit: “Sige! Manampalataya ka hanggang gusto mo! Susunugin ko lahat ng libro mo!” Habang sinasabi iyon, nagsimula siyang maghalungkat sa mga kahon at drawer, at bago pa ako makakilos, inilabas niya ang ilang aklat ng salita ng Diyos at ang computer ko. Inabot ko para kunin ang computer ko, pero tumalikod siya at ibinagsak ito. Ang eksena ay parang isang police raid, na lubusang naglantad sa kanyang maladiyablong kalikasan. Natakot ako na sa matinding galit niya, baka sirain niya talaga ang mga aklat ng salita ng Diyos, kaya mabilis akong nanalangin sa Diyos sa puso ko. Hindi niya itinuloy ang pagsira sa mga aklat. Maya-maya, galit siyang umalis, sinasabing aalis siya at mamumuhay nang mag-isa simula noon. Lumuhod ako at umiyak sa Diyos sa panalangin, “Diyos ko, hindi ko inaasahan na ganito kasama ang asawa ko. Malinaw kong nakita ang kanyang maladiyablong diwa, at hindi ko na siya kayang tiisin pa. Tapos na ang pagsasama namin. Pero saan ako pupunta kung iiwan ko siya? Paano ako mabubuhay nang mag-isa? Sobrang sakit po ng nararamdaman ko; tulungan Mo po ako.” Pagkatapos manalangin, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Mula sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mo nang gampanan ang iyong mga responsabilidad. Alang-alang sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong maaaring pinagmulan, at anumang paglalakbay ang maaaring nasa iyong harapan, walang makakatakas sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang makakakontrol sa sarili nilang kapalaran, dahil Siya lamang na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ang may kakayahan sa gayong gawain. Mula nang umiral ang tao sa simula, palagi nang ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa ganitong paraan, pinamamahalaan ang sansinukob, at pinangangasiwaan ang mga batas ng pagbabago para sa lahat ng bagay at ang takbo ng kanilang paggalaw. Tulad ng lahat ng bagay, tahimik at hindi alam ng tao na pinalulusog siya ng tamis at ulan at hamog mula sa Diyos; tulad ng lahat ng bagay, hindi alam ng tao na namumuhay siya sa ilalim ng pamamatnugot ng kamay ng Diyos. Ang puso at espiritu ng tao ay hawak ng Diyos, at lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man sa lahat ng ito o hindi, ang anuman at ang lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito humahawak ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Bigla kong napagtanto mula sa mga salita ng Diyos na ang Diyos ang Lumikha at ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay. Pinamumunuan at kinokontrol ng Diyos ang lahat ng bagay, at binigyan tayo ng Diyos ng buhay. Siya ang nangunguna sa ating pang-araw-araw na buhay, binabantayan tayo araw at gabi, walang sinuman ang mabubuhay nang wala ang Kanyang panustos ng buhay, at Siya lamang ang sandigan ng tao. Ang asawa ko ay isa lamang hamak na nilikha, at lahat ng tungkol sa kanya ay nasa mga kamay ng Diyos. Ni hindi niya kayang kontrolin ang sarili niyang tadhana, lalo na ang sa akin, kaya paano ako aasa sa kanya? Katulad noong hinimatay ako dahil sa sakit dati— wala siyang magawa, at ang tanging nagawa niya ay tumayo sa tabi at mag-alala. Kalaunan, nang medyo nagkamalay ako, nanalangin ako sa Diyos at unti-unting bumalik ang aking ulirat. Naisip ko rin ang mga kapitbahay ko, na dalawampung taon nang kasal at maayos naman ang pagsasama. Pero nang magkasakit at maparalisa ang asawang babae, inalagaan siya ng asawang lalaki sa loob ng ilang araw at pagkatapos ay iniwan na lang siya. Tapos, nariyan din ang pamangkin ko: Noong bagong kasal siya, halos hindi sila mapaghiwalay ng asawa niya, pero hindi inaasahan, pagkatapos nilang magnegosyo at bumuti ang buhay nila, nagkaroon ng ibang babae ang asawa niya at naging parang ganap na ibang tao na, at nang magdiborsyo sila, nakipag-gawan pa ito sa kanya ng ari-arian at bahay. Mula sa mga katotohanang ito, napagtanto kong hindi maaaring umasa sa mga tao. Pero gusto ko pa ring patuloy na umasa sa asawa ko. Napakahangal ko, bulag, at kaawa-awa! Ang Diyos ang Panginoon ko, Siya ang sandigan ko, at kung gaano karaming pagdurusa at pagpapala ang mararanasan ng isang tao sa kanyang buhay, itinakda na ng Diyos ang lahat ng iyon. Pagkatapos kong iwan ang asawa ko, hindi ba’t ang hinaharap ko ay nasa ilalim din ng mga pamamatnugot ng Diyos? Kinailangan ko lang magpasakop at ipagkatiwala ang lahat sa Diyos. Sa pag-iisip nito, hindi na gaanong sumakit ang puso ko, at nagkamit ako ng kaunting pananalig. Hindi nagtagal, nakahanap ako ng angkop na bahay, at sa wakas, malaya na ako mula sa mga pagpigil at paggapos ng aking asawa at namuhay nang malaya nang mag-isa.

Kalaunan, hindi pa rin makabitaw ang puso ko sa ilang bagay. Ayaw kong tanggapin na ang pagsasamang pinaghirapan ko ay nasira nang ganito, at na kailangan kong mamuhay nang mag-isa nang walang suporta kapag tumanda ako. Sa gabi, ang mga kaisipang ito ang pumupuno sa aking isipan, at habang iniisip ko ang mga ito, nagsisimulang tumulo sa mukha ko ang mga luha ng sama ng loob. Sa pasakit at kawalan ng magawa, lumapit ako sa Diyos sa panalangin, hinihiling sa Diyos na tulungan akong iwaksi ang kalagayang ito. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng uri ng pag-aasawa, maaari kang magkaroon ng ganitong karanasan, maaari mong piliin na sundin ang tamang landas sa ilalim ng patnubay ng Diyos, isakatuparan ang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos, iwanan ang iyong asawa sa ilalim ng ganitong partikular na kondisyon at nang may ganitong uri ng motibasyon, at wakasan ang pagsasama ninyong mag-asawa, at ito ay isang bagay na dapat ipagdiwang. Kahit papaano, may isang bagay na dapat ipagdiwang, at iyon ay na hindi ka na alipin ng iyong pag-aasawa. Nakatakas ka na sa pang-aalipin ng iyong buhay may-asawa, at hindi mo na kailangang mag-alala, masaktan, at magdusa dahil ikaw ay isang alipin sa iyong pag-aasawa at nais mong makalaya ngunit hindi mo magawa. Mula sa sandaling iyon, nakatakas ka na, malaya ka na, at iyan ay isang mabuting bagay. Sa sinabi Kong ito, umaasa Ako na iyong mga may buhay may-asawa na nagwakas sa kirot at nababalot pa rin ng kalungkutan sa usaping ito ay tunay nang makabibitiw sa kanilang naging buhay may-asawa, makabibitiw sa kalungkutang idinulot nito sa iyo, makabibitiw sa poot, galit, at maging sa dalamhating idinulot nito sa iyo, at hindi na makakaramdam ng pasakit at galit dahil ang lahat ng sakripisyo at pagsisikap na ginawa mo para sa iyong kabiyak ay sinuklian ng pangangalunya, pagtataksil, at pangungutya. Umaasa Ako na tatalikdan mo na ang lahat ng iyon, na magdiriwang ka na hindi ka na alipin sa iyong pag-aasawa, na magdiriwang ka na hindi mo na kailangang gumawa ng anumang bagay o gumawa ng mga hindi kinakailangang sakripisyo para sa amo sa iyong buhay may-asawa, at sa halip, sa ilalim ng patnubay at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, susundan mo ang tamang landas sa buhay, gagampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at hindi ka na malulungkot at wala ka nang aalalahanin pa. Siyempre, hindi na rin kailangan pang mag-alala, mabahala, o mabalisa tungkol sa iyong asawa o na abalahin pa ang iyong isipan tungkol sa kanya, mula ngayon ay magiging mabuti na ang lahat, hindi mo na kailangang talakayin pa ang iyong personal na mga usapin sa iyong asawa, hindi mo na kailangang magpapigil pa sa kanya. Kailangan mo lang na hangarin ang katotohanan, at hanapin lamang ang mga prinsipyo at batayan sa mga salita ng Diyos. Malaya ka na at hindi na alipin ng iyong pag-aasawa. Sa kabutihang palad, iniwan mo na ang bangungot na iyon ng buhay may-asawa, na tunay ka nang humarap sa Diyos, na hindi ka na napipigilan ng iyong buhay may-asawa, at mayroon ka nang mas maraming oras para basahin ang mga salita ng Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, at gumampan ng mga espirituwal na debosyon. Ganap ka nang malaya, hindi mo na kailangang kumilos sa partikular na paraan na nakadepende sa lagay ng loob ng iba, hindi mo na kailangang pakinggan ang pangungutya ng sinuman, hindi mo na kailangang isaalang-alang ang lagay ng loob o damdamin ng sinuman—ikaw ay namumuhay bilang isang taong walang asawa, napakaganda! Hindi ka na isang alipin, maaari ka nang umalis sa kapaligiran kung saan mayroon kang iba’t ibang responsabilidad na dapat tuparin para sa mga tao, maaari ka nang maging isang tunay na nilikha, maging isang nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha—kay ganda na magawa ito nang tapat! Hindi mo na kailangang makipagtalo, mag-alala, mag-abala, magparaya, magtiis, magdusa, o magalit pang muli tungkol sa iyong buhay may-asawa, hindi mo na kailangang mamuhay ulit sa nakakasuklam na kapaligiran at masalimuot na sitwasyong iyon. Mabuti ito, lahat ng ito ay mabuting bagay, at lahat ay maayos(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). Pinainit at inalo ng mga salita ng Diyos ang aking puso sa bawat pangungusap. Binasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos habang lumuluha at nakaramdam ako ng lakas sa aking puso. Nagpapasalamat ako na, sa ilalim ng gabay ng Diyos, nakawala ako sa mga gapos ng pag-aasawa at nakatakas sa mga pagpigil ng asawa ko. Nagpapasalamat ako na, sa ilalim ng gabay ng Diyos, tinahak ko ang tamang landas sa buhay, at mula noon, masigasig kong magagawa ang tungkulin ng isang nilikha, at hahangarin ang katotohanan upang makamit ang kaligtasan. Ito ay isang mabuting bagay. Hindi na ako dapat magdalamhati o malungkot pa dahil sa pagkawala ng pagsasama naming mag-asawa.

Ngayon, malaya na ako at hindi na alipin ng pag-aasawa, at hindi na ako kontrolado o pinipigilan ng aking asawa. Kapag dumadalo sa mga pagtitipon, hindi ko na kailangang magmadaling umuwi para magluto; puwede akong makipagtipon hangga’t gusto ko, at puwede akong lumabas para gawin ang tungkulin ko kahit anong oras ko gusto. Napakasarap maging malaya! Hindi ko na kailangang isipin, alalahanin o pasanin ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng asawa ko, at mayroon na akong mas maraming oras para hangarin ang katotohanan, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at gawin ang tungkulin ng isang nilikha. Kapag may mga problemang lumilitaw sa aking mga tungkulin, kaya kong patahimikin ang puso ko, pagnilayan, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito, na humahantong sa ilang resulta sa paggawa ko ng mga tungkulin. Mayroon akong mas maraming oras para sa mga debosyonal araw-araw, para pagnilayan ang aking mga maling kalagayan at agad na hanapin ang mga salita ng Diyos para lutasin ang mga ito, at may oras pa ako para magsulat ng mga tala sa debosyonal. Kasabay nito, sa pamamagitan ng pagninilay sa mga salita ng Diyos, natuto akong kilatisin ang iba’t ibang uri ng tao— kung sino ang mga tunay na mananampalataya at kung sino ang mga hindi mananampalataya. Ito ay mga bagay na hindi ko sana nakamit noon. Noon, namuhay ako ayon sa mga kaisipan at pananaw ni Satanas, na nagbibigay ng sobrang kahalagahan sa pag-aasawa. Itinuring ko ang asawa ko bilang aking sandalan, at palaging pinapanatili ang aming pagsasama. Lagi akong nagpaparaya, at namuhay ako sa matinding pasakit at pagkasupil. Ang Diyos ang umakay sa akin palabas sa mga gapos ng pag-aasawa, at ang Diyos din ang nagbigay-daan sa akin na magkaroon ng kaunting pagkilatis sa diwa ng asawa ko. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  44. Tinitiyak Ba ng Paghahangad ng Kaalaman ang Magandang Kinabukasan?

Sumunod:  48. Hindi Ko Na Inirereklamo ang Masamang Kapalaran Ko

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger