48. Hindi Ko Na Inirereklamo ang Masamang Kapalaran Ko
Ipinanganak ako sa isang mahirap na pamilya sa probinsya. Noong hayskul ako, hindi kayang bayaran ng mga magulang ko ang matrikula, kaya sinubukan nilang manghiram ng pera sa tiyuhin ko. Pero, natakot ang tiyahin ko na baka hindi namin ito mabayaran kaya ayaw niya kaming pautangin. Sa isip-isip ko, “Kailangan kong magsumikap na makapasa sa kolehiyo, para hangaan ng mga tao sa paligid ang pamilya namin.” Noong nag-aaral ako, para makatipid, puro pancake lang na dala ko mula sa bahay ang kinakain ko. Naapektuhan ang pag-aaral ko dahil sa kakulangan ng dugo sa utak, na dulot ng matagal na malnutrisyon, at sa huli, bumagsak ako sa entrance exam sa kolehiyo. Napahagulgol ako sa iyak at inireklamo kung bakit napakasama ng kapalaran ko. Pero, ayaw kong tanggapin ang kapalaran ko. Para makakuha ng mataas na antas ng diploma at mamukod-tangi sa karamihan, nag-enroll din ako sa adult self-taught exams, mga kurso sa accounting, at kumuha rin ng civil service exam. Pero, sa kabila ng lahat ng pagsisikap ko, nabigo pa rin ako sa huli. Kaya, nagtrabaho ako sa isang pabrika. Para maging isang workshop statistician at hangaan ng iba, nag-o-overtime ako at nagpupuyat para pag-aralan ang mga tungkulin sa posisyon habang nagpapahinga ang iba. Araw-araw, sobra-sobra ang ginagawa kong pagtatrabaho na mahigit sampung oras. Bukod pa roon, nag-o-overtime ako at nagpupuyat gabi-gabi. Nahihilo ako at pagod na pagod sa sobrang pagtatrabaho, at nakakatulog pa nga ako sa trabaho. Dahil dito, nagkamali ako sa estadistikang bilang ng mga produkto, at muntik nang magdulot ng malaking kawalan sa pabrika. Pinuna ako ng lider ng pangkat sa harap ng lahat ng empleyado sa workshop. Noong oras na iyon, gusto ko na lang magpalamon sa lupa sa sobrang hiya. Umugong ang ulo ko, at hinimatay ako doon mismo. Mula noon, nagkaroon ako ng sensorineural hearing loss, at hindi na ako puwedeng sumailalim sa anumang makakapukaw sa akin. Sa tuwing nape-presyur ako nang husto sa trabaho, nahihilo ako at umuugong ang mga tainga ko. Hindi ito kayang gamutin ng mga ineksiyon at gamot, at hindi na ako makapasok pa sa trabaho. Noong panahong iyon, napakamisrable ng pakiramdam ko, at nagreklamo ako tungkol sa napakasamang kapalaran ko! Madalas, ikinukulong ko ang sarili ko sa kuwarto at umiiyak, iniisip kong tapusin na lang ang lahat. Dahil matagal akong namuhay sa pagkasupil at pagdurusa, unti-unting lumala ang pagkabingi ko.
Noong 2013, tinanggap ng mga biyenan ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Ipinangaral din nila ang ebanghelyo sa akin. Naramdaman ko ang kakaibang kalayaan at kagaanan noong binasa ko ang mga salita ng Diyos at namuhay ako ng buhay iglesia kasama ang mga kapatid. Unti-unti, gumaan ang pakiramdam ko at muling nanumbalik ang pag-asa ko sa buhay. Kalaunan, nahalal ako bilang isang lider sa iglesia. Sa isip-isip ko, “Napakalaki ng ibinayad kong halaga sa lipunan, pero nawalan lang ng silbi ang lahat. Ngayon, kahit na kasasali ko pa lang sa sambahayan ng Diyos, nagagawa ko na ang tungkulin ng isang lider. Mas mabuti ang manampalataya sa Diyos. Kailangan kong magsumikap, at baka mas maiangat pa ako at hangaan ng mas maraming tao sa hinaharap.” Kaya, naging mas aktibo ako sa paggawa ng mga tungkulin ko. Abala ako sa pamumuno ng mga pagtitipon ng grupo buong araw, umulan man o umaraw. Pinuri rin ako ng mga kapatid dahil sa pagkakaroon ko ng pasanin sa aking tungkulin. Kalaunan, nahalal ako bilang isang mangangaral, at natugunan ang pagnanais ko para sa katayuan. Habang tinatamasa ko ang paghanga ng mga kapatid, isang insidente ng pagkalason sa gas ang nagpalala sa aking pagkabingi. Mas lalong humina ang pandinig ko mula noon. Sa mga pagtitipon, hindi ko marinig nang malinaw ang mga kapatid kapag nagsasalita sila nang mahina, at madalas akong napipigilan ng aking pagkabingi, namumuhay sa isang negatibong kalagayan. Sa huli, hindi ako makagawa ng tunay na gawain at inalis ako sa tungkulin ko. Nang maisip kong hindi ko na magagawa ang tungkulin ng isang lider at hindi na hahangaan ng iba, lalo ko pang inireklamo kung gaano kasama ang kapalaran ko. Pagkatapos niyon, hindi na ako nakabangon, at nawalan ako ng pananalig sa Diyos. Matapos magpagamot, medyo bumalik ang pandinig ko, at isinaayos ng mga lider na gawin ko ang tungkulin ng pagdidilig. Sa isip-isip ko, “Kung makakamit ko ang ilang resulta sa tungkulin ng pagdidilig, hahangaan pa rin ako ng mga kapatid.” Kaya, araw-araw kong binabasa ang mga kaugnay na prinsipyo at sinasangkapan ang sarili ko ng katotohanan, madalas ay nagpupuyat ako hanggang alas-onse o alas-dose ng gabi. Dahan-dahan, bumuti ang mga resulta ko sa paggawa ng tungkulin, at naiangat pa ako para maging responsable sa mas malawak na gawain. Nang maisip kong muli na makukuha ko ang paghanga ng mga kapatid, napakasaya ko. Sa isip-isip ko, “Nagbubunga talaga ang pagsisikap. Kung magsisikap pa ako, baka lalo pa akong maiangat. Sa ganoong paraan, mas marami pang tao ang hahanga sa akin.” Pero, kalaunan ay inatake ako ng cervical spondylosis, at lumala nang husto ang pagkabingi ko kaya hindi ko na magawang makipag-usap nang normal tungkol sa gawain. Isinaayos ng mga lider na bumalik ako sa lokal kong iglesia para magpagamot habang ginagawa ang mga tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Labis akong nasiraan ng loob. Inisip ko kung gaano kalaking halaga ang ibinayad ko para lang makuha ang paghanga ng iba sa kabila ng matinding hirap. Pero, dahil sa sakit ko, hindi ko na magawa ang tungkuling ito. Bakit napakasama ng kapalaran ko? Kalaunan, dahil sa mahina kong pandinig, napakahirap na para sa akin ang makipag-usap sa iba. Ang kaya ko na lang gawin ay ilang pangkalahatang gawain. Sobrang pinahirapan nito ang puso ko, at naisip ko, “Kung hindi lang ako bingi, nagkaroon sana ako ng pagkakataong ipangaral ang ebanghelyo at diligan ang mga baguhan. Pero ngayon, puro pangkalahatang gawain na lang ang kaya kong gawin. Kung hindi ako mapapansin, sino pa ang hahanga sa akin? Bakit napakasama ng kapalaran ko? Tutal, ito na ang kapalaran ko, kaya magpaparaos na lang ako. Kailangan ko lang itong malampasan araw-araw!” Pagkatapos, bagama’t hindi ko inabandona ang tungkulin ko, palagi akong nasisiraan ng loob at hindi makapagtuon kapag ginagawa ang tungkulin ko. Palagi kong nakakalimutan ito o iyon, at madalas magkamali sa tungkulin ko, na nakahahadlang sa gawain ng iglesia.
Kalaunan, pinaalalahanan ako ng sister na katuwang ko na delikadong mamuhay sa ganitong kalagayan, at na kailangan kong hanapin agad ang katotohanan para malutas ang mga negatibong emosyon ko. Salamat sa paalala ng sister, lumapit ako sa harap ng Diyos at nanalangin, “Diyos ko, ayaw ko pong mamuhay sa pagkasira ng loob. Napakamiserable pong mamuhay nang ganito. Akayin Mo po sana ako na maunawaan ang sarili kong mga problema at makalabas sa maling kalagayang ito.” Isang araw, sa mga debosyonal ko, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos, na agad na umantig sa puso ko. Sabi ng Diyos: “Bakit nalulumbay ang mga tao? Bakit wala silang nararamdamang motibasyon na gumawa ng mga bagay-bagay? Bakit sila palaging negatibo, pasibo, at walang determinasyon kapag gumagawa ng mga bagay-bagay? Malinaw na may dahilan ito. … iba-iba ang pinag-uugatan ng pag-usbong ng negatibong emosyon na pagkalumbay sa bawat tao. Ang pagkaramdam ng pagkalumbay ng isang uri ng tao ay maaaring nagmumula sa kanyang palagiang paniniwala na mayroon siyang masamang kapalaran. Hindi ba’t isa ito sa mga sanhi? (Oo.) Noong siya ay bata pa, nakatira siya sa probinsya o sa isang mahirap na lugar, ang kanyang pamilya ay hindi mayaman at maliban sa ilang simpleng kagamitan, wala siyang masyadong mahalagang pag-aari. Marahil ay mayroon siyang isa o dalawang set ng damit na kailangan niyang isuot kahit na may mga butas na ang mga ito, at karaniwan na hindi siya nakakakain ng masasarap na pagkain, kundi kailangan pa niyang maghintay ng Bagong Taon o ng mga pista upang makakain ng karne. Minsan siya ay nagugutom at wala siyang sapat na maisusuot upang hindi siya ginawin, at ang pagkakaroon ng isang malaking mangkok na puno ng karne ay isang malabong pangarap lamang, at kahit ang paghanap ng isang pirasong prutas para makain ay mahirap. Dahil siya ay nabubuhay sa gayong kapaligiran, nararamdaman niya na iba siya sa ibang mga tao na nakatira sa malaking lungsod, na may mayayamang magulang, at nakakakain at nakakapagsuot ng anumang naisin nila, na agad nakukuha ang lahat ng naisin nila, at maalam sa mga bagay-bagay. Iniisip niya, ‘Ang ganda ng kapalaran nila. Bakit ang aking kapalaran ay napakasama?’ Gusto niya na palaging mamukod-tangi at mabago ang kanyang kapalaran. Ngunit hindi ganoon kadaling baguhin ang kapalaran ng isang tao. Kapag isinilang ang isang tao sa gayong sitwasyon, kahit na subukan pa niya, mababago ba niya nang husto ang kanyang kapalaran, at mapapabuti ba niya ito nang husto? Kapag nasa hustong gulang na siya, hinaharang siya ng mga hadlang saanmang dako siya pumunta sa lipunan, siya ay inaapi saanman siya magpunta, kaya palagi niyang nararamdam na malas siya. Iniisip niya, ‘Bakit ba napakamalas ko? Bakit ba palagi akong nakakatagpo ng masasamang tao? Mahirap ang buhay noong bata pa ako, at sadyang ganoon talaga iyon. Ngayong ako ay matanda na, mahirap pa rin ang sitwasyon. Gusto ko palaging ipakita kung ano ang kaya kong gawin, pero kailanman ay hindi ako nagkakaroon ng pagkakataon. …’ … Sa sandaling magsimula siyang manalig sa Diyos, nagiging determinado siyang magampanan nang mabuti ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, nagagawa niyang magtiis ng mga paghihirap at magpakasipag, mas nakakayanan niya ang anumang usapin kaysa sa ibang tao, at nagsusumikap siyang makamit ang pagsang-ayon at paggalang ng karamihan. Iniisip niya na baka mapili pa siyang lider sa iglesia, isa sa mga tagapamahala, o lider ng grupo, at kung magkagayon, hindi ba’t bibigyang-karangalan niya ang kanyang mga ninuno at pamilya? Hindi ba’t nabago na niya ang kanyang tadhana kung magkagayon? Ngunit ang kanyang mga pangarap ay hindi natutupad sa realidad, kaya pinanghihinaan siya ng loob at iniisip niya, ‘Maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos at magandang-maganda ang ugnayan ko sa mga kapatid, pero bakit tuwing panahon na para pumili ng lider, ng tagapamahala, o ng lider ng grupo, hindi ako kailanman napipili? Dahil ba sobrang ordinaryo ng hitsura ko, o dahil hindi ganoon kahusay ang pagganap ko, at walang nakapansin sa akin? Tuwing may botohan, umaasa ako nang kaunti, at magiging masaya na ako kung mapipili ako bilang isang lider ng grupo man lang. Punong-puno ako ng kasiglahan na masuklian ang Diyos, pero lagi lang akong nadidismaya sa tuwing may botohan at hindi man lang ako nasasali sa mga ibinoboto. Bakit ganoon? Maaari kayang ang kaya ko lang talagang gawin sa buong buhay ko ay ang maging isang karaniwang tao, isang ordinaryong tao, isang taong hindi kahanga-hanga? Kapag nagbabalik-tanaw ako sa aking pagkabata, kabataan, at noong may edad na ako, ang landas na aking tinahak ay palaging napakaordinaryo at wala akong nagawang anumang kahanga-hanga. Hindi naman sa wala akong ambisyon, o na masyadong kulang ang aking kakayahan, at hindi rin sa kulang ako sa pagsusumikap o na hindi ko kayang magtiis ng hirap. May mga kapasyahan at mithiin ako, at masasabi pa ngang may ambisyon ako. Kaya bakit ba kailanman ay hindi ko magawang mamukod-tangi? Sa huling pagsusuri, masama lang talaga ang aking kapalaran at nakatadhana na akong magdusa, at ganito isinaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa akin.’ Habang mas pinag-iisipan niya ito, mas pumapangit ang tingin niya sa kanyang kapalaran” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)). “Ang mga taong tulad nito, na palaging iniisip na mayroon silang masamang kapalaran, ay palaging nadarama na parang ang kanilang puso ay dinudurog ng isang malaking bato. Dahil palagi silang naniniwala na lahat ng nangyayari sa kanila ay nangyayari dahil sa kanilang masamang kapalaran, pakiramdam nila ay hindi nila ito mababago, kahit anong mangyari. Kaya, ano ang kanilang ginagawa? Nagiging negatibo na lang sila at nagpapakatamad at tinatanggap na lang nila ang kanilang masamang kapalaran” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)). Ang isiniwalat ng mga salita ng Diyos ay ang eksaktong kalagayan ko. Ang dahilan kung bakit palagi akong namumuhay sa mga negatibong emosyon ng pagkasira ng loob ay dahil palagi akong naniniwala na masama ang kapalaran ko. Noong bata ako, mahirap ang pamilya namin at minamaliit kami ng mga tao, kaya inireklamo ko ang pagkakaroon ng masamang kapalaran. Naniwala ako na sa pamumuhay lang na nakahihigit sa iba ako hahangaan at magkakaroon ng magandang kapalaran. Para mabago ang kapalaran ko, nag-aral akong mabuti, pero sa huli, bumagsak ako sa entrance exam sa kolehiyo dahil sa kakulangan ng dugo sa utak na dulot ng malnutrisyon. Pero, ayaw kong tanggapin ang kapalaran ko, kaya nagtrabaho ako sa isang pabrika para kumita ng pera. Para maging isang statistician at maupo sa opisina at hangaan ng iba, nag-overtime ako para pag-aralan ang mga teknik. Sa huli, nagkaroon ako ng pagkakamaling estadistika, na nagdulot sa akin ng matinding pagkabigla na nagresulta sa sensorineural hearing loss. Mas lalo akong naniwala na dahil ito sa masamang kapalaran ko, at namuhay ako sa pagdurusa, nawalan ng pag-asa sa buhay. Matapos akong manalig sa Diyos, inakala kong sa paggawa ng tungkulin ko nang maayos at sa pag-angat bilang lider, hahangaan ako ng mga kapatid at mababago ko ang kapalaran ko. Pero, lumala ang pagkabingi ko dahil sa pagkalason sa gas at hindi ko na magawa nang normal ang tungkulin ko. Naapektuhan nito ang gawain kaya inalis ako sa tungkulin ko. Kalaunan, nang nagsimula akong gumawa ng tungkulin sa pagdidilig, nagbayad ako ng halaga sa tungkuling iyon sa pag-asang makakamit ang mga resulta na magiging dahilan para hangaan ako ng iba. Nang maiangat ako, inakala kong bumuti na ang kapalaran ko at sa wakas ay magkakaroon na ako ng pagkakataong sumikat. Pero, sabik at atat ako para sa mabilisang tagumpay, at lalong lumala ang pagkabingi ko. Hindi ko na magawang makipag-usap nang normal sa iba, na nakaaapekto sa mga tungkulin ko. Wala akong nagawa kundi bumalik sa lokal kong iglesia para gawin ang mga pangkalahatang tungkulin doon. Dahil hindi natugunan ang pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan, sinisi ko ang Diyos sa pag-aayos ng masamang kapalaran para sa akin. Naniwala ako na ang masamang kapalaran ko sa buhay na ito ay ang magpakapagod at magtrabaho lang nang husto, kaya namuhay ako sa isang kalagayan ng pagkasira ng loob at sumuko na. Wala akong pasanin sa aking tungkulin, at palaging nagkakamali rito, na nakaaapekto sa gawain. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos at napakarami ko nang nabasang salita Niya, pero kapag may dumarating na mga bagay sa akin, hindi ako lumalapit sa Kanya para hanapin ang katotohanan, at kapag hindi nasusunod ang gusto ko, nagrereklamo ako na nag-ayos Siya ng masamang kapalaran para sa akin. Naging negatibo at lumalaban pa nga ako. Ito ang pananaw ng isang hindi mananampalataya, at wala akong ipinakitang anumang pagpapasakop sa Diyos.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng mas malalim na pagkaunawa sa konsepto ng mabuti at masamang kapalaran. Sabi ng Diyos: “Ang isinaayos ng Diyos na kapalaran ng isang tao, ito man ay maganda o masama, ay hindi dapat tingnan o sukatin gamit ang mga mata ng tao o ang mga mata ng manghuhula, ni hindi ito dapat sukatin batay sa laki ng yaman at kabantugang natatamasa ng taong iyon sa kanyang buong buhay, o kung gaano karaming paghihirap ang kanyang nararanasan, o kung gaano siya kamatagumpay sa kanyang paghahangad sa mga oportunidad, kasikatan at pakinabang. Gayunpaman, ito mismo ang malubhang pagkakamali na ginagawa ng mga nagsasabing sila ay may masamang kapalaran, ito rin ay isang paraan ng pagsukat ng kapalaran ng isang tao na ginagamit ng karamihan ng mga tao. Paano ba sinusukat ng karamihan sa mga tao ang kanilang sariling kapalaran? Paano sinusukat ng mga makamundong tao kung ang kapalaran ng isang tao ay maganda o masama? Pangunahin na ibinabatay nila ito sa kung ang takbo ng buhay ng taong iyon ay maayos o hindi, kung siya ay nakakapagtamasa o hindi ng yaman at kabantugan, kung siya ay nakapamumuhay nang higit na marangya kaysa sa iba, kung gaano siya nagdurusa at kung gaano karami ang natatamasa niya sa kanyang buong buhay, kung gaano siya katagal mabubuhay, kung ano ang kanyang propesyon, kung ang kanyang buhay ay puno ba ng hirap o kaya ay maginhawa at madali—ang mga ito at iba pa ang kanilang ginagamit upang sukatin kung ang kapalaran ng isang tao ay maganda o masama. Hindi ba’t ganito niyo rin sinusukat ito? (Oo.) Kaya, kapag ang karamihan sa inyo ay nakakaharap ng isang bagay na hindi ninyo gusto, kapag dumaranas kayo ng paghihirap, o hindi ninyo magawang matamasa ang isang mas mataas na uri ng pamumuhay, iisipin ninyong may masamang kapalaran din kayo, at malulumbay kayo. Ang mga nagsasabing sila ay may masamang kapalaran ay hindi naman laging totoong may masamang kapalaran, gayundin, ang mga nagsasabing sila ay may magandang kapalaran ay hindi naman laging totoong may magandang kapalaran. Paano nga ba nasusukat kung maganda o masama ang kapalaran? … Sabihin ninyo sa Akin, may magandang kapalaran ba ang isang biyuda? Para sa mga makamundong tao, ang mga biyuda ay may masamang kapalaran. Kung sila ay namatayan ng asawa noong sila ay tatlumpu hanggang apatnapu, tunay na may masama silang kapalaran, talagang napakahirap nito para sa kanila! Ngunit kung ang isang biyuda ay sobrang nagdurusa dahil sa pagkawala ng kanyang asawa, at nanampalataya siya sa Diyos, mahirap pa rin ba ang kanyang kapalaran? (Hindi.) Dahil ang mga hindi pa namatayan ng asawa ay namumuhay nang masaya, maayos ang lahat sa buhay nila, marami silang suporta, pagkain at damit, may pamilya sila na maraming anak at apo, namumuhay sila nang komportable, wala silang anumang hirap o nadaramang anumang espirituwal na pangangailangan, sila ay hindi nananalig sa Diyos at hindi sila mananalig sa Diyos gaano mo man subukang ipalaganap ang ebanghelyo sa kanila. Kaya sino ang may magandang kapalaran? (Ang biyuda ang may magandang kapalaran sapagkat siya ay sumampalataya sa Diyos.) Kasi, dahil itinuturing ng mga makamundong tao na may masamang kapalaran ang biyuda, at siya ay labis na nagdurusa, nagbabago siya ng direksyon at nagsisimulang sundan ang ibang landas, at nananalig siya sa Diyos at sumusunod sa Diyos—hindi ba’t ibig sabihin nito ay mayroon na siyang magandang kapalaran ngayon, at siya ay nabubuhay nang maligaya? (Oo.) Ang kanyang masamang kapalaran ay naging magandang kapalaran na. Kung sasabihin mong siya ay may masamang kapalaran, ang kanyang kapalaran sa buhay ay dapat palaging masama at hindi niya ito mababago; kung gayon, paano ba ito mababago? Nagbago ba ang kanyang kapalaran nang magsimula siyang sumampalataya sa Diyos? (Hindi, ito ay dahil nagbago ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay.) Dahil nagbago ang kanyang pagtingin sa mga bagay-bagay. Nagbago ba ang obhetibong katunayan ng kanyang sariling kapalaran? (Hindi.) … Sa katunayan, talaga bang nagkaroon siya ng magandang kapalaran dahil nananalig siya sa Diyos? Hindi naman. Sadya lamang na ngayong nananalig na siya sa Diyos, may pag-asa siya, nakadarama siya ng kasiyahan sa kanyang puso, nagbago na ang mga mithiing kanyang hinahangad, iba na ang kanyang mga pananaw, kaya naman ang kanyang kasalukuyang kapaligirang pinamumuhayan ay nagbibigay sa kanya ng kaligayahan, kasiyahan, kagalakan, at kapayapaan. Nararamdaman niya na ang kanyang kapalaran ay napakaganda na ngayon, higit na mas maganda kaysa sa kapalaran ng babaeng hindi nabiyuda. Ngayon lamang niya napagtatanto na ang kanyang pananaw noon, noong naniniwala siyang masama ang kanyang kapalaran, ay mali pala. Ano ang maaari ninyong makita rito? May mga bagay bang matatawag na ‘magandang kapalaran’ at ‘masamang kapalaran’? (Wala.) Wala, walang ganito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)). Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nagbigay-liwanag sa puso ko. Kung mabuti o masama ang kapalaran ng isang tao ay hindi masusukat batay sa ating mga kuru-kuro at imahinasyon, ni hindi ito matitimbang sa paningin ng mga makamundong tao. Iniisip ng mga walang pananampalataya na ang pagkain nang masarap, pananamit nang maganda, at pagtatamasa ng paghanga at suporta ng iba ay pagkakaroon ng magandang kapalaran. Sa kabaligtaran, iniisip nila na kung mahirap ka at napag-iwanan sa buong buhay mo, namumuhay sa laylayan ng lipunan at minamaliit ng iba, o kung dinaranas mo ang pagpapahirap ng sakit, o dumaranas ng mga pagsubok at hirap, at labis na nagdurusa, ito ay pagkakaroon ng masamang kapalaran. Sa katunayan, sa Diyos, walang ganoong bagay na mabuti o masamang kapalaran. Katulad lang ito ng halimbawang ibinigay ng Diyos tungkol sa biyuda. Ang biyuda ay mula sa pag-iisip na masama ang kanyang kapalaran hanggang sa pag-iisip na maganda ang kanyang kapalaran. Bagama’t hindi nagbago ang kanyang obhetibong kapaligiran ng pamumuhay, nagbago ang kanyang perspektiba sa mga bagay-bagay. Naunawaan niya mula sa mga salita ng Diyos na gaano man nasisiyahan ang mga taong may masayang pamilya at kumportableng buhay, kung hindi sila makalalapit sa harap ng Diyos at tanggapin ang Kanyang pagliligtas, sa huli ay mapupunta pa rin sila sa impiyerno. Dahil sa pagdurusang tiniis niya, tinanggap niya ang gawain ng Diyos at nagkaroon ng pagkakataong maunawaan ang katotohanan at maligtas. Siya talaga ang pinakapinagpalang tao. Bagama’t hindi nagbago ang obhetibong kapaligiran ng pamumuhay ng biyuda, nagbago naman ang kanyang pamantayan sa pagsukat kung mabuti o masama ang kapalaran ng isang tao, at nagbago rin ang mga layuning hinahangad niya. Gayumpaman, dahil hindi ko naunawaan ang katotohanan at naniwala ako na ang pagkakaroon ng kasikatan, pakinabang, at paghanga ng iba ay nangangahulugang pagkakaroon ng magandang kapalaran, hinangad kong mamukod-tangi sa iba sa aking tungkulin. Naniwala ako na ang maiangat at magawa ang mga tungkulin ng isang lider ay nangangahulugang pagkakaroon ng magandang kapalaran, at sa tuwing binabago ang mga tungkulin ko, inirereklamo kong masama ang kapalaran ko. Napagtanto ko na hindi ko nauunawaan ang katotohanan at ang mga pananaw ko sa mga bagay-bagay ay kakatwa at wala sa katwiran! Sa totoo lang, sa sambahayan ng Diyos, binabago ang mga tungkulin batay sa mga pangangailangan ng gawain at tinitimbang ang mga pagbabago ayon sa mga kondisyon at kakayahan ng mga tao. Ang tungkuling ginagawa ng isang tao ay walang kinalaman sa kung mabuti o masama ang kanyang kapalaran. Kahit na hindi binago ang tungkulin ko, kung hindi ko hinangad ang katotohanan, mabubunyag at matitiwalag pa rin ako. Bagama’t gumagawa ako ng pangkalahatang tungkulin ngayon, basta’t hinahangad ko ang katotohanan at ang pagbabago sa disposisyon ko, maliligtas pa rin ako. Halimbawa, isang mangangaral na kasama kong gumawa ng tungkulin. Sa panlabas, may mahusay siyang kakayahan, at kalaunan ay nahalal bilang isang lider ng distrito. Pero, palagi niyang hinahangad ang reputasyon at katayuan, at gumawa ng maraming bagay na gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia para hangaan siya ng mga tao. Sa huli, pinatalsik siya sa iglesia at nawalan ng pagkakataong maligtas. Mula rito, makikita natin na kung nananampalataya ka sa Diyos nang hindi hinahangad ang katotohanan at nang hindi hinahanap ang pagbabago sa disposisyon, sa halip ay reputasyon at katayuan lang ang hinahanap, kahit na maging lider ka, mabubunyag at ititiwalag ka pa rin ng Diyos. Mula sa mga halimbawang ito, malinaw na naniwala ako na ang pagtatamasa ng kayamanan, kasikatan, at pakinabang sa buong buhay ay pagkakaroon ng magandang kapalaran, at na kung nananampalataya ka sa Diyos at naiangat at binigyan ng mahahalagang posisyon, mayroon kang magandang kapalaran. Sa kabaligtaran, kung gumagawa ka ng isang ordinaryong tungkulin at may pangkaraniwang buhay, nangangahulugan itong pagkakaroon ng masamang kapalaran. Ang pananaw na ito ay lubhang baluktot at hindi talaga umaayon sa katotohanan. Isinasaayos ng Diyos ang kapaligiran ng pamumuhay ng bawat tao batay sa kanilang mga pangangailangan. Nasa lahat ng bagay na nararanasan ng mga tao sa kanilang buhay ang mabubuting layunin ng Diyos. Ipinanganak ako sa isang mahirap na pamilya at kahit na nag-aral akong mabuti, hindi pa rin ako namukod-tangi sa karamihan. Bagama’t sa panlabas ay mukhang masama ang kapalaran ko, dahil sa mga kabiguang ito kaya ako nakalapit sa harap ng Diyos at natanggap ang Kanyang pagliligtas. At nang laliman ko pa ang pagninilay: May matindi akong pagnanais para sa reputasyon at katayuan, at kung namuhay ako nang may yaman at katayuan, mas lalo ko pang hahangarin ang kasikatan at pakinabang. Sa huli, matatangay lang ako ng masasamang kalakaran. Pagkatapos lamang maranasan ang napakaraming kabiguan at pagkatalo kaya ako nakabalik sa Diyos, tanggapin ang pagdidilig at panustos ng mga salita ng Diyos, at unawain ang ilang katotohanan. Ito ang pinakadakilang pagpapala. Mas makabuluhan ito kaysa sa pagkakamit ng kasikatan at pakinabang, at pagtatamasa ng yaman at karangyaan ng mundo. Matapos akong manampalataya sa Diyos, itinalaga ako sa mga pangkalahatang tungkulin dahil sa aking pagkabingi. Proteksyon din ito sa akin ng Diyos. Dahil napakalakas ng pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan, sa tuwing may pagkakataong magpakitang-gilas, hindi ko mapigilang magtrabaho para sa reputasyon at katayuan. Napakadaling tahakin ang landas ng mga anticristo at mabunyag at matiwalag. Bagama’t bingi ako, hindi ipinagkait sa akin ng sambahayan ng Diyos ang pagkakataong gawin ang tungkulin ko. Sa halip, itinalaga ako sa mga angkop na tungkulin batay sa aking pisikal na kondisyon. Bagama’t ang tungkuling ito ay nakatago at maaaring hindi gaanong pahalagahan ng iba, hindi ito nakahahadlang sa paghahangad ko sa katotohanan, at sa paggawa ng tungkuling ito, nabunyag ang ilan sa aking katiwalian. Minsan, pabasta-basta ako at hindi seryoso sa paggawa ng tungkulin ko, nagpapasasa sa mga makalamang kaginhawahan at ayaw magbayad ng halaga. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong tiwaling disposisyon, at pagkatapos, kapag kumikilos ako, nagagawa kong maghimagsik laban sa laman, at isapuso ang aking tungkulin at maging seryoso. Kasabay nito, natutuhan ko ring hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay, na maging seryoso at detalyado kahit sa maliliit at hindi gaanong mahahalagang bagay. Matapos ang karanasan ko, napagtanto ko na lider ka man o gumagawa ng mga pangkalahatang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, hangga’t hinahangad mo ang katotohanan, may pagkakataon kang maligtas. Isinaayos ng Diyos ang kapalaran ko sa buhay ayon sa mga pangangailangan kp; lahat ng ito ay kapaki-pakinabang sa akin. Ang problema ay hindi ako nakontento, palagi akong may sariling mga ambisyon at pagnanais, at hindi ako nagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Dahil dito, hindi lang ako labis na nagdusa, kundi nahadlangan ko rin ang aking mga tungkulin. Matapos magbago ang pananaw ko, hindi na ako gaanong nakaramdam ng pagiging miserable.
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang mga iniisip at pananaw ba ng mga taong palaging nagsasabing may masama silang kapalaran ay tama o mali? (Mali sila.) Malinaw na ang mga taong ito ay nakakaranas ng emosyon ng pagkalumbay dahil sa pagkalugmok sa pagiging sagad-sagaran. Dahil sa kanilang matinding emosyon ng pagkalumbay na dulot ng kanilang sagad-sagarang mga iniisip at pananaw, hindi nila maharap nang tama ang mga bagay na nangyayari sa buhay, hindi nila normal na magamit ang mga kakayahan na dapat taglay ng mga tao, ni magampanan ang mga tungkulin, responsabilidad o obligasyon ng isang nilikha. … Tinitingnan nila ang mga isyu at mga tao mula sa sagad-sagaran at maling pananaw na ito, kung kaya’t sila ay paulit-ulit na namumuhay, tumitingin sa mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos sa ilalim ng epekto at impluwensya ng negatibong emosyong ito. Sa huli, paano man sila mamuhay, tila napapagod sila nang husto na hindi na nila kayang magpakita ng anumang sigla sa kanilang pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Paano man nila piliing mamuhay, hindi nila magampanan ang kanilang tungkulin nang positibo o aktibo, at kahit na maraming taon na silang nananalig sa Diyos, hindi sila kailanman tumutuon sa pagganap ng kanilang tungkulin nang buong puso at kaluluwa o sa pagganap ng kanilang tungkulin nang maayos, at siyempre, lalong hindi sila naghahangad ng katotohanan, o nagsasagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Bakit nga ba ganito? Sa panghuling pagsusuri, ito ay dahil palagi nilang iniisip na mayroon silang masamang kapalaran, at dahil dito ay labis silang nalulumbay. Lubos silang nawawalan ng sigla, pakiramdam nila ay wala silang magagawa, para silang naglalakad na bangkay, walang kabuhay-buhay, hindi nagpapakita ng anumang positibo o optimistikong pag-uugali, lalo na ng anumang determinasyon o tibay na ialay ang katapatan na dapat nilang ialay sa kanilang tungkulin, mga responsabilidad, at obligasyon. Sa halip, mabigat ang loob silang nagsisikap araw-araw nang may pabayang saloobin, nang walang direksyon at magulo ang pag-iisip, at iniraraos pa nga nila ang mga araw nang wala sa sarili. Wala silang kamalay-malay kung gaano katagal nilang iraraos ang mga bagay-bagay. Sa huli, wala silang ibang magagawa kundi paalalahanan ang kanilang sarili, sabihin na, ‘Ay, itutuloy ko na lamang na iraos ang mga bagay-bagay hangga’t kaya ko! Kung isang araw ay hindi na ako makakapagpatuloy, at naisin ng iglesia na paalisin at itiwalag ako, dapat na lang nila akong itiwalag. Ito ay dahil may masama akong kapalaran!’ Makikita mo na maging sa kanilang sinasabi ay sumuko na sila. Ang emosyong ito ng pagkalumbay ay hindi lamang isang simpleng lagay ng kalooban, kundi, higit pa rito, may malubha itong epekto sa mga iniisip, puso, at paghahangad ng mga tao. Kung hindi mo mababago kaagad ang iyong mga emosyon na nalulumbay, hindi lamang nito maaapektuhan ang iyong buong buhay, sisirain din nito ang iyong buhay at dadalhin ka sa iyong kamatayan. Kahit pa nananalig ka sa Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan at kaligtasan, at sa huli, mamamatay ka” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)). Matapos basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang kalagayan ko ng palaging pamumuhay sa mga emosyon ng pagkasira ng loob at pagrereklamo na masama ang kapalaran ko ay napakadelikado. Ang mga ito ay sukdulang mga kaisipan, at kung hindi ko lulutasin ang mga ito, mawawala sa akin ang pagkakataong maligtas. Noong una, inakala kong kapag namumuhay ako sa pagkasira ng loob at nagrereklamo tungkol sa masamang kapalaran ko, masama lang ang loob ko, at dahil hindi ko naman tinalikuran ang tungkulin ko, hindi ko ito itinuring na isang masamang gawa. Ngayon ko lang napagtanto na ang diwa ng pamumuhay sa mga emosyon ng pagkasira ng loob ay kawalang-kasiyahan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; ito ay pagrereklamo at paglaban sa Diyos. Kung hindi ako kailanman magsisisi, sa huli ay itataboy ako ng Diyos at tatahakin ko ang landas tungo sa pagkawasak. Labis na nakakatakot ang mga kahihinatnan! Naisip ko kung paanong, bago ako manampalataya sa Diyos, hindi ako kontento sa kapalarang isinaayos ng Diyos para sa akin dahil palagi akong bigo sa mundo. Matapos akong manalig sa Diyos, hinangad ko pa rin ang paghanga ng iba. Nang hindi ko magawang mamukod-tangi sa tungkulin ko, naging miserable ako. Nagreklamo ako tungkol sa pagkakaroon ng masamang kapalaran at namuhay sa isang kalagayan ng pagkanegatibo at kasamaan. Bagama’t ginagawa ko pa rin ang tungkulin ko sa panlabas, wala akong motibasyon. Naging pasibo ako at nagpabaya sa pagtrato sa tungkulin ko, at sumuko na. Dahil matigas ang kalooban kong pinanghahawakan ang walang-katotohanang pananaw na masama ang kapalaran ko, naging maligamgam ako at pabasta-basta sa pagtrato sa tungkulin ko, na nakahadlang sa gawain ng iglesia at nakapinsala sa sarili kong buhay pagpasok. Kung hindi ko babaguhin ang kalagayang ito, mawawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu, ang aking tungkulin, at sa huli ay mawawala ang pagkakataon kong maligtas. Nang maunawaan ko ito, bigla akong nakaramdam ng hindi mawala-walang takot, at taimtim na nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, sa loob ng maraming taon, naging matigas ang kalooban ko at naging tutol sa katotohanan. Palagi kong inirereklamo ang masamang kapalaran ko, at hindi ako makaalis sa matitinding emosyon. Ngayon ko lang napagtanto na mali ang perspektiba sa likod ng aking paghahangad. Handa akong magsisi sa Iyo, taimtim na hangarin ang katotohanan, at gawin nang maayos ang tungkulin ko.”
Kalaunan, nagnilay ako: Ano ang pinakaugat ng pamumuhay ko sa gayong pagdurusa sa loob ng maraming taon? Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Kasikatan at pakinabang.) Kaya, ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang isipan ng mga tao, idinudulot sa mga tao na wala nang ibang isipin kundi ang dalawang bagay na ito. Nagsusumikap sila para sa kasikatan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan at nagbubuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gagawa ng kahit anong paghuhusga o pagpapasya para sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na makaalpas. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at patuloy silang naglalakad nang may matinding paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo malinaw na nakikita ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na mawawalan ng kabuluhan ang buhay kung walang kasikatan at pakinabang, at iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang kasikatan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layon, at magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang inilalagay ni Satanas sa tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang dinadala sa iyo ni Satanas. Pagdating ng oras na nais mong palayain ang sarili mo mula sa lahat ng bagay na ito na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, bigla kong napagtanto na lahat ng sakit na tiniis ko sa mga nakaraang taon ay dala ni Satanas. Inakit at pininsala ako ni Satanas gamit ang kasikatan at pakinabang, na naging dahilan para hangarin kong mamukod-tangi sa karamihan at baguhin ang kapalaran ko mula pa noong bata ako. Noong nag-aaral ako, itinuro sa akin ng mga guro na “Kailangang tiisin ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Tinanggap ko ang mga panuntunang ito sa buhay, at nagkamali ako ng paniniwala na kung mayroon akong kasikatan at pakinabang, nasa akin na ang lahat, at na hangga’t nagsisikap ako, mas nagdurusa at nagbabayad ng mas malaking halaga, magkakaroon ako ng magandang kinabukasan at matatamasa ang lahat ng yaman at kasaganaan sa mundo. Nag-aral akong mabuti nang mahigit isang dekada para magkaroon ng magandang kapalaran, hangaan ng iba, at makamit ang kasikatan at pakinabang, pero sa huli, nabigo pa rin ako. Ayaw kong tanggapin ang kapalaran ko, kaya nag-overtime ako sa pag-aaral para maging isang statistician. Sa huli, hindi lang ako nabigong baguhin ang kapalaran ko, nagkamali pa ako sa trabaho dahil sa sobrang pagod ng katawan. Nakaranas ako ng matinding stress at nagkaroon ako ng sensorineural hearing loss dahil dito. Matapos akong manampalataya sa Diyos, nagpuyat ako para sangkapan ang sarili ko ng katotohanan, nang hindi inaalintana ang kalusugan ko, para hindi ako maliitin ng iba. Sa huli, lumala ang pagkabingi ko at hindi ko na magawang makipag-usap nang normal sa mga kapatid tungkol sa gawain. Ang kaya ko na lang gawin ay ilang pangkalahatang gawain sa likod ng mga kaganapan, at labis akong pinahirapan ng kalooban ko dahil hindi ako hinahangaan ng iba. Ang kasikatan at pakinabang ay parang mga tanikala sa katawan ko, na pumipigil sa aking makalaya. Naisip ko kung paano mas pinahahalagahan ng mga walang pananampalataya ang kasikatan at pakinabang kaysa sa buhay mismo. May mga taong hindi makayanan ang dagok ng hindi makapasok sa kolehiyo o ang mabigo sa kanilang karera, at dahil dito, nasisiraan sila ng bait, o nagpapakamatay pa nga sa pamamagitan ng pagtalon mula sa mga gusali. Ganoon din ako. Nang hindi ko makamit ang ambisyon at pagnanais ko na hangarin ang paghanga ng iba, patuloy lang akong nagrereklamo na hindi nagsaayos ang Diyos ng magandang kapalaran para sa akin, namumuhay sa kalagayan ng nasisiraan ng loob, at sumuko na. Naisip ko pa ngang tapusin na ang lahat. Kung hindi dahil sa proteksyon ng Diyos, baka naging katulad ko na ang mga walang pananampalatayang iyon. Sa wakas ay malinaw kong nakita na ang mga panuntunan sa buhay na itinanim sa akin ni Satanas ay hindi mga positibong bagay. Naging dahilan ang mga ito para lalo akong maging masama, at mawala ang katwiran ng isang normal na tao. Hinihiling ng Diyos na magpasakop tayo sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos at maging masunuring mga nilikha. Pero, ginamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para akitin ako, na naging dahilan para mag-alala ako sa reputasyon at katayuan at, nang hindi ko makuha ang mga ito, lumayo ako sa Diyos, ipinagkanulo Siya, at nilabanan Siya, at sa huli ay nanganib na mawala ang pagkakataon kong maligtas. Ito ang buktot na intensiyon ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao. Kung magpapatuloy ako nang ganito, matitiwalag ako sa malao’t madali. Pinagsisihan ko na naging napakabulag at hangal ko, at pininsala ako ni Satanas sa loob ng maraming taon. Nagpasya akong ganap na maghimagsik laban kay Satanas at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos mula ngayon, hindi na hinahangad ang reputasyon at katayuan.
Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ano ang dapat na maging saloobin ng mga tao tungkol sa kapalaran? Dapat kang sumunod sa mga pagsasaayos ng Lumikha, aktibo at masikap na hanapin ang layunin at kahulugan ng Lumikha sa Kanyang pagsasaayos ng lahat ng ito at maunawaan ang katotohanan, gamitin ang iyong pinakamahusay na kakayahan sa buhay na ito na isinaayos ng Diyos para sa iyo, tuparin ang mga tungkulin, responsabilidad, at obligasyon ng isang nilikha, at gawing mas makabuluhan at mas mahalaga ang iyong buhay, hanggang sa wakas ay matuwa sa iyo ang Lumikha at maalala ka Niya. Siyempre, mas mainam kung makakamit mo ang kaligtasan sa pamamagitan ng iyong paghahanap at pagsisikap nang husto—ito ang pinakamagandang resulta. Anu’t anuman, sa usapin ng kapalaran, ang pinakaangkop na saloobin na dapat taglayin ng nilikhang sangkatauhan ay hindi ang paghuhusga at paglilimita nang walang pasubali, o ang paggamit ng mga sukdulang pamamaraan para harapin ito. Siyempre, lalong hindi dapat subukang labanan, piliin, o baguhin ng mga tao ang kanilang kapalaran, bagkus dapat nilang gamitin ang kanilang puso upang pahalagahan ito, at hanapin, siyasatin, at sundin ito, bago ito harapin nang positibo. Sa huli, sa kapaligirang pinamumuhayan at sa landas sa buhay na inilaan para sa iyo ng Diyos, dapat mong hanapin ang paraan ng pag-asal na itinuturo sa iyo ng Diyos, hanapin ang landas na hinihingi ng Diyos na iyong tahakin, at danasin ang kapalaran na itinakda ng Diyos para sa iyo sa ganitong paraan, at sa huli, ikaw ay pagpapalain” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng isang landas. Hinihiling ng Diyos na manatili ako sa aking posisyon bilang isang nilikha at gawin ang aking tungkulin sa praktikal na paraan. Kung iisipin, nasa anumang tungkuling ginagawa ko ang mabubuting layunin ng Diyos, at dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos. Anuman ang tungkuling gawin ko, o kung makakuha man ako ng paghanga mula sa iba, isa lang akong napakaliit na nilikha, at sapat na ito para tuparin ko ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Handa akong magpasakop sa kapalarang isinaayos ng Diyos para sa akin mula sa kaibuturan ng aking puso. Ngayon, kaya ko nang kusang-loob na magpasakop at natututo na akong isapuso ang paggawa ng tungkulin ko at maging seryoso habang ginagawa ito. Kung mayroon akong hindi nauunawaan, naghahanap ako ng pagbabahaginan sa mga kapatid. Kung nagkakamali ako sa aking tungkulin, agad kong hinahanap ang paglihis at ibinubuod ang mga sanhi, pinagninilayan ang aking mga tiwaling disposisyon, at itinatama ang aking mga pagkakamali sa lalong madaling panahon. Kapag nagsasagawa ako sa ganitong paraan, nakakaramdam ako ng kapayapaan at kapanatagan sa aking puso.
Sa pamamagitan ng aking karanasan, napagtanto ko na anuman ang tungkuling gawin mo, maaari mong hangarin ang katotohanan. Sa paggawa ng pangkalahatang tungkulin, natutuhan kong manahimik sa harap ng Diyos, na magsanay na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay, at gawin ang aking tungkulin alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Panatag at payapa ang pakiramdam ko. Unti-unti, huminto ako sa pagkakagapos ng pananaw na masama ang kapalaran ko, at pabuti nang pabuti ang kalagayan ko. Ito ang mga resulta na naidulot sa akin ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!