82. Ano ang Idinulot sa Akin ng Paghahangad ng Isang Perpektong Pag-aasawa?
Noong 2012, tinanggap namin ng asawa ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Madalas kaming magkasamang nagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at masaya’t makabuluhan ang bawat araw. Pagkalipas ng dalawang taon, nahalal ako bilang lider ng iglesia. Dahil abala ako sa mga tungkulin ko at nabawasan ang oras ko sa bahay, medyo hindi natuwa ang asawa ko, sinasabing hindi ko na raw inaasikaso ang pamilya at wala na akong pakialam sa kanya. Kahit na alam kong ganap na likas at may katwiran na gawin ang tungkulin ng isang nilikha, pakiramdam ko rin ay may punto ang sinabi ng asawa ko, at na dapat kong tuparin ang responsabilidad ko bilang asawa at alagaan nang mabuti ang asawa at anak ko para magkaroon kami ng masayang buhay may-asawa at perpektong pamilya. Kaya kapag nasa bahay ako, pinagsisikapan kong gawin iyon. Minsan, dahil sa sobrang abala sa mga tungkulin ko, hindi ko na masyadong naaasikaso ang asawa ko, at pagkatapos, ginagawa ko ang lahat para makabawi. Madalas din akong nagluluto ng masasarap na pagkain para sa asawa ko, dahil takot akong baka makaapekto sa relasyon namin ang kawalan niya ng kasiyahan. Kalaunan, naging mangangaral ako, at lalo pang nabawasan ang oras ko para makasama ang asawa ko sa bahay. Minsan, dahil abala sa mga tungkulin, ilang araw akong mawawala sa bahay, at magrereklamo ang asawa ko tungkol sa akin. Kahit na hindi naman naantala ang mga tungkulin ko dahil dito, sa puso ko ay palagi pa rin akong nakokonsensiya sa asawa ko. Kaya bago ako umalis, maaga ko na siyang ipinaghahanda ng pagkain, at pag-uwi ko, ginagawa ko ang lahat para matugunan anuman ang hilingin niya o hindi kaya ay inilalabas siya. Naisip kong sa ganitong paraan, nagiging mabuting asawa ako at magiging masaya ang buhay may-asawa namin.
Kalaunan, lubos nang nakatuon ang asawa ko sa paghahangad ng pera at mga makamundong kalayawan, at iniraraos niya ang araw-araw sa pagkain, pag-inom, at pakikipagsaya sa mga kaibigan. Hindi lang niya pinabayaan ang pamilya, madalas pa siyang pumunta sa mga bar. Habang pinanonood kong lalong nalulugmok sa kasamaan ang asawa ko, nagsimula akong mag-alala, “Palagi niyang kasama ang mga taong iyon. Paano kung hindi niya mapaglabanan ang tukso at lokohin niya ako? Hindi ba at masisira lang ang pamilyang pinaghirapan kong buuin?” Madalas kong kinakausap nang masinsinan ang asawa ko at binabasahan siya ng mga salita ng Diyos, umaasa akong lalayuan niya ang mga magugulong lugar na iyon. Papayag siya sa salita, pero pagkatapos, walang kahit na anong pagbabago. Unti-unti, padalang na nang padalang ang pag-uusap naming mag-asawa, at pag-uwi niya, halos hindi niya ako kinikibo. Madalas akong mag-alala, “Niloko na kaya ako ng asawa ko?” Lalo na kapag umuuwi ako araw-araw at nakikita kong walang tao sa bahay, palagi akong nakakaramdam ng lungkot sa puso ko. Naisip ko na ang pinagsamahan naming mag-asawa sa loob ng maraming taon ay malapit nang masira, at napuno ng matinding pasakit at pagdurusa ang puso ko. Kung kailan nakakulong na ako sa pasakit at hindi na makawala, isang araw noong Agosto 2020, nakatanggap ako ng sulat mula sa lider, sinasabing ang katuwang kong si Brother Wang Qiang ay inaresto ng mga pulis, na tinitingnan na ng mga ito ang surveillance footage, kaya kailangan kong umalis agad ng bahay at magtago. Sa harap ng biglaang balitang ito, noong una ay hindi ko malaman kung ano ang gagawin. Naisip ko na kung aalis ako, hindi ko na maaalagaan pa ang asawa at anak ko, at baka masira pa ang pamilya. Labis akong nasaktan sa loob-loob ko. Pero kung hindi ako aalis, haharapin ko ang pagkakaaresto at pagpapahirap. Sa huli, nagpasya akong umalis ng bahay. Pagkalipas ng dalawang buwan, nakatanggap ako ng sulat mula sa pamilya ko, na nagsasabing ilang araw na ang nakararaan, pitong pulis ang pumasok sa bahay namin para arestuhin ako, at nang hindi nila ako makita, inaresto nila ang ate ng asawa ko. Dahil sa pagsasaalang-alang sa aking kaligtasan, kinailangan kong pumunta sa ibang lugar para magtago at gawin ang mga tungkulin ko.
Isang araw noong Hulyo 2023, nakatanggap ako ng sulat mula sa bahay, na nagsasabing napansin ng asawa kong tatlong taon na akong wala, kaya nagpaplano na siyang makipagdiborsiyo at magpakasal sa iba. Kahit na maraming beses kong naisip na baka hindi na ako hintayin ng asawa ko, nang kaharap ko na talaga ang sitwasyong ito, wala pa rin akong gaanong lakas ng loob. Naisip ko, “Kapag nasira na ang kasal namin, hindi ba’t mawawala na ang tahanang pinaghirapan kong buuin sa loob ng maraming taon? Labing-isang taon na kaming kasal ng asawa ko, at mayroon kaming isang kaibig-ibig na anak na babae. Napakaraming masasaya at maliligayang sandali ang pinagsamahan namin, pero kung magdidiborsyo kami, paano na ako mabubuhay nang mag-isa?” Sa gabi, nakahiga ako sa kama pero hindi ako makatulog, at kapag naiisip ko kung paano rin magdurusa ang anak ko sa hinaharap, napupuno ng pasakit at pagkabagabag ang puso ko, at sumagi sa isip ko ang ideyang umuwi para isalba ang aming buhay may-asawa. Pero tinutugis ako ng mga pulis, at sa nakalipas na dalawang taon, ilang beses nang nagmanman ang mga pulis sa bahay ko, at binabantayan din ng mga pulis ang telepono ng asawa ko. Kung padalos-dalos akong uuwi, bukod sa mahuhuli ako, makapagdudulot pa ako ng gulo sa iglesia. Isa pa, ginagawa ko ang mga tungkulin ko, kaya kung basta na lang akong aalis, pagtalikod iyon sa aking mga tungkulin at pagkakanulo sa Diyos. Batay sa katwiran, alam kong hindi ako puwedeng umuwi, pero ang hindi pag-uwi ay mangangahulugan ng pagkasira ng aming pagsasamang mag-asawa. Sa gitna ng aking pasakit, sumulat ako sa asawa ko para pakiusapang manatili siya, umaasang maiintindihan niya ang mga paghihirap ko. Kahit pagkatapos kong isulat ang liham, alam kong marahil ay walang magiging epekto sa asawa ko ang mga taos-puso kong salita. Sobrang sakit ng puso ko, kaya lumapit ako sa Diyos para manalangin.
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag mong kalimutan kailanman na ikaw ay isang nilikha, na ang Diyos ang nag-akay sa iyo sa buhay patungo sa sandaling ito, na ang Diyos ang nagbigay sa iyo ng buhay may-asawa, ang nagbigay sa iyo ng pamilya, at na ang Diyos ang nagkaloob sa iyo ng mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa, at na hindi ikaw ang pumili ng buhay may-asawa, hindi ka nag-asawa nang bigla-bigla na lang, o na hindi mo kayang panatilihin ang iyong kaligayahan sa buhay may-asawa sa pamamagitan ng sarili mong mga kakayahan at lakas. Malinaw Ko na ba itong naipaliwanag ngayon? (Oo.) Naiintindihan mo na ba kung ano ang dapat mong gawin? Malinaw na ba sa iyo ang landas? (Oo.) Kung walang di-pagkakatugma o kontradiksiyon sa pagitan ng mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin sa buhay may-asawa at sa iyong tungkulin at misyon bilang isang nilikha, kung gayon, sa gayong mga sitwasyon, dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa paano man dapat tuparin ang mga ito, at dapat mong tuparin nang maayos ang iyong mga responsabilidad, pasanin ang mga responsabilidad na dapat mong pasanin, at huwag subukang iwasan ang mga ito. Dapat mong panagutan ang iyong kabiyak, at dapat mong panagutan ang buhay ng iyong kabiyak, ang kanyang mga damdamin, at ang lahat ng bagay tungkol sa kanya. Gayunpaman, kapag may pagkakasalungat sa pagitan ng mga responsabilidad at obligasyon na iyong pinapasan sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa at sa iyong misyon at tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon, ang iyong dapat bitiwan ay hindi ang iyong tungkulin o misyon kundi ang iyong mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa. Ito ang ekspektasyon ng Diyos sa iyo, ito ang atas ng Diyos sa iyo, at siyempre, ito ang hinihingi ng Diyos sa sinumang lalaki o babae. Kapag nagawa mo na ito ay saka ka lamang maghahangad sa katotohanan at susunod sa Diyos. Kung hindi mo kayang gawin ito at hindi mo kayang magsagawa sa ganitong paraan, ikaw ay isang mananampalataya sa pangalan lamang, hindi ka sumusunod sa Diyos nang may tapat na puso, at hindi mo hinahangad ang katotohanan. … Iniisip ng ilang tao na, ‘Paano mamumuhay ang aking kabiyak kung wala ako? Hindi ba’t mawawasak ang aming buhay may-asawa kung wala ako? Magwawakas na ba ang aming buhay mag-asawa? Ano ang gagawin ko sa hinaharap?’ Dapat mo bang isipin ang hinaharap? Ano ang dapat mong pinaka-isipin? Kung nais mong maging isang taong naghahangad sa katotohanan, ang dapat mong pinaka-isipin ay ang kung paano bitiwan ang hinihingi sa iyo ng Diyos na bitiwan at kung paano isakatuparan ang hinihingi sa iyo ng Diyos na isakatuparan mo. Kung hindi ka mag-aasawa at wala kang kabiyak sa iyong tabi sa hinaharap, sa mga darating na araw, maaari ka pa ring mabuhay hanggang sa pagtanda at mamuhay nang maayos. Ngunit kung tatalikdan mo ang oportunidad na ito, iyon ay katumbas ng pagtalikod mo sa iyong tungkulin at sa misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Para sa Diyos, hindi ka na isang taong naghahangad sa katotohanan, isang taong tunay na ninanais ang Diyos, o isang taong naghahangad sa kaligtasan. Kung aktibo mong ninanais na talikuran ang iyong oportunidad at karapatan na makamit ang kaligtasan at ang iyong misyon, at sa halip ay pinipili mo ang buhay may-asawa, pinipili mong manatiling kaisa ng iyong asawa, pinipili mong makasama at bigyang-kasiyahan ang iyong asawa, at pinipili mong panatilihing matibay ang iyong buhay may-asawa, kung gayon, sa huli ay makakamit mo ang ilang bagay at mawawala sa iyo ang ilang bagay. Nauunawaan mo naman kung ano ang mawawala sa iyo, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (10)). “Binigyan ka ng Diyos ng isang tahimik na buhay at ng isang kabiyak para lamang mamuhay ka nang mas maayos at mayroong mag-aalaga sa iyo, upang mayroon kang kapiling, hindi upang makalimutan mo ang Diyos at ang Kanyang mga salita o talikuran mo ang iyong obligasyon na gampanan ang iyong tungkulin at ang iyong layon sa buhay na hangarin ang kaligtasan kapag may asawa ka na, at pagkatapos ay mamumuhay ka para sa iyong asawa. Kung talagang kikilos ka nang ganito, kung talagang mamumuhay ka nang ganito, kung gayon ay umaasa Ako na magbabago ka ng landas sa lalong madaling panahon. Gaano man kahalaga sa iyo ang isang tao, o gaano man siya kahalaga sa iyong buhay, sa iyong pamumuhay, o sa landas ng iyong buhay, hindi siya ang iyong destinasyon dahil siya ay isa lamang tiwaling tao. Isinaayos ng Diyos ang iyong kasalukuyang asawa para sa iyo, at maaari kang mamuhay kasama siya. Kung isasaayos ng Diyos ang ibang tao para sa iyo, maaari ka pa ring mamuhay nang maayos, kaya naman, ang iyong kasalukuyang kabiyak ay hindi ang iyong natatangi, ni hindi siya ang iyong destinasyon. Tanging sa Diyos lamang maaaring ipagkatiwala ang iyong destinasyon, at tanging sa Diyos lamang maaaring ipagkatiwala ang destinasyon ng sangkatauhan. Maaari ka pa ring mabuhay kung iiwan mo ang iyong mga magulang, at siyempre, maaari ka pa ring mamuhay nang maayos kung iiwan mo ang iyong kabiyak. Ang iyong mga magulang at ang iyong kabiyak ay hindi ang iyong destinasyon. Huwag mong kalimutan ang pinakamahalagang bagay sa buhay, ang usapin ng pag-aatas sa iyo ng Diyos na gawin ang iyong tungkulin, dahil lang sa mayroon kang asawa, isang kapareha: isang lugar na mapagpapahingahan ng iyong puso at ng iyong laman. Kung makakalimutan mo ang Diyos, makakalimutan kung ano ang hinikayat Niyang gawin mo, makakalimutan ang tungkulin na dapat gawin ng isang nilikha, at makakalimutan kung ano ang iyong pagkakakilanlan, kung gayon ay ganap ka nang walang konsensiya at katwiran” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang matrimonya, pamilya, at mga anak ay pawang mga kaloob mula sa Diyos, at ibinigay ito ng Diyos sa mga tao para hindi sila makaramdam ng kalungkutan, at para maalagaan at masamahan ng mag-asawa ang isa’t isa para mas maging maayos ang buhay, pero hindi para ituring ng mga tao ang kanilang asawa bilang hantungan ng kanilang buhay, o ituring ang pagpapanatili ng pamilya o pagsasama ng mag-asawa bilang layunin sa buhay. Mga maling ideya at pananaw ang mga ito. Pero hindi ko naunawaan ang katotohanan, at inakala kong ang kabiyak ko ang hantungan ko at na ang kaligayahan sa buhay may-asawa ang layunin na dapat kong hanapin sa buhay. Dahil kulang ako sa pagmamahal ng mga magulang ko at sa init ng isang pamilya noong bata pa ako, paglaki ko, labis kong hinangad ang init at kaligayahan ng isang pamilya. Pagkatapos kong pakasalan ang asawa ko, naranasan ko ang pagmamahal ng asawa ko at ang kaligayahan at kagalakang dulot ng anak ko, at lalo akong nakumbinsi na ang pagkakaroon ng perpektong pamilya ay isang napakagandang bagay. Kaya, nang marinig kong gusto ng asawa kong makipagdiborsyo, nadurog ang puso ko, at pakiramdam ko ay hindi ko na kayang mabuhay nang wala ang pagsasama naming mag-asawa at ang pamilya. Naisip ko pa ngang talikuran ang mga tungkulin ko para lang maisalba ang aming pagsasamang mag-asawa. Noon ko lang napagtanto na mas mahalaga pa pala sa akin ang pag-aasawa kaysa sa Diyos. Ang totoo, binigyan ako ng Diyos ng asawa at pamilya, at nagkaroon ako ng mga responsabilidad bilang pamilyadong tao, pero hindi layunin ng Diyos na talikuran ko ang mga tungkulin ko pagkatapos kong magpakasal. Kahit kailan, dapat kong hangarin ang katotohanan at gawin ang tungkulin ko bilang isang nilikha—ito ang dapat kong gawin, at ito ang pinakamahalaga. Naisip ko kung gaano karaming misyonerong Kanluranin, na para maipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoon, ay kusang isinuko ang pag-aasawa, mga trabaho, at magiginhawang buhay, at naglakbay nang libo-libong milya papuntang Tsina para ipangaral ang ebanghelyo, at kung paanong dahil sa kanila, lumaganap ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus sa Tsina. Samantalang ako, ano na ba ang nagawa ko para sa Diyos? Nang sabihin ng asawa ko na gusto niyang makipagdiborsyo, ang una kong inisip ay na pagkatapos ng diborsyo, kung wala ang aming pamilya, magdurusa ang anak ko, hindi ko na matatamasa ang init at kaligayahang dulot ng pamilya, at kailangan ko pang mamuhay nang nag-iisa sa hinaharap. Napuno ng pasakit at pighati ang puso ko, at naisip kong talikuran ang mga tungkulin ko para umuwi at isalba ang pagsasama naming mag-asawa. Nakita ko na puro sarili ko lang na interes ang iniisip ko, at wala akong pakialam sa layunin ng Diyos. Kung ikukumpara sa mga misyonerong Kanluraning iyon, ganap akong walang konsensiya at makasarili, at hindi ako karapat-dapat sa lahat ng taon ng paggabay at pagtustos ng Diyos sa akin. Nang maisip ko ito, nakonsensiya ako, at naisip kong hindi na ako dapat mag-alala o maligalig tungkol sa pamumuhay nang mag-isa sa hinaharap. Ang pinakamahalaga sa puntong ito ay kung paano ko matutupad ang mga tungkulin ko. Pagkatapos, tumuon na ako sa aking mga tungkulin.
Noong kalagitnaan ng Agosto 2023, nagpadala ng sulat ang biyenan kong babae, sinasabing sa pamamagitan ng paglapit sa isang tao sa judicial bureau, nalaman ng bayaw ko na wala silang makitang anumang impormasyon na wanted ako, at basta aalis ako sa lugar namin, hindi ako gaanong mapapahamak, at tinanong niya kung gusto kong pumunta sa tinitirhan niya. Noong panahong iyon, nasa ibang probinsya siya, at nandoon din ang asawa ko. Naisip ko, “Dahil hindi naman pala ako wanted ng mga pulis, at magiging maayos lang ako basta lumipat ako ng lugar, puwede na kaya akong bumalik sa asawa at anak ko? Sa ganitong paraan, hindi masisira ang pamilya, at matatamasa ng aking anak ang isang mainit na tahanan.” Bigla kong naalala na nanalangin na pala ako sa Diyos upang itaguyod ang mga tungkulin ko. Pero sa pagbabagong ito ng mga pangyayari, gusto ko nang bitiwan ang mga tungkulin ko at umuwi para isalba ang pagsasama naming mag-asawa. Panlilinlang ito sa Diyos. Kasabay nito, napagtanto ko sa puso ko na may mabuting layunin ang Diyos sa pagkatanggap ko ng sulat mula sa biyenan ko noong araw na iyon, at isa itong pagsubok para sa akin, para makita kung ano ang pipiliin ko. Kailangan kong piliing palugurin ang Diyos at unahin ang mga tungkulin ko, at hindi ako puwedeng maging katatawanan ni Satanas. Kaya, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, nanghihina po ako sa sitwasyong ito, at gusto ko pong umuwi para isalba ang pagsasama naming mag-asawa, pero alam kong hindi ko maaaring talikuran ang mga tungkulin ko, lalo na ang ipagkanulo Ka. O Diyos, pakiusap, gabayan Mo po akong manindigan sa aking patotoo.”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang sangkatauhan ay nabubuhay sa isang materyal na mundo. Maaaring sumusunod ka sa Diyos, ngunit hindi mo kailanman nakikita o napahahalagahan ang paraan na ang Diyos ay nagtutustos sa iyo, nagmamahal, at nagpapakita ng malasakit para sa iyo. Kaya ano ang nakikita mo? Nakikita mo ang mga kamag-anak mo sa dugo na nagmamahal sa iyo o mapagpalayaw sa iyo. Nakikita mo ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iyong laman, kinakalinga mo ang mga tao at mga bagay na mahal mo. Ito ang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng tao. Ngunit ang mga ganitong ‘hindi makasariling’ mga tao ay hindi kailanman nagbibigay-pansin sa Diyos na nagbibigay sa kanila ng buhay. Kung ihahambing iyan sa Diyos, ang pagiging hindi makasarili ng tao ay nagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ang pagiging hindi makasarili na pinaniniwalaan ng tao ay hungkag at hindi makatotohanan, may halo, hindi tugma sa Diyos, at hindi kaugnay sa Diyos. Ang pagiging hindi makasarili ng tao ay para sa sarili niya, habang ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ay isang tunay na pagbubunyag ng Kanyang diwa. Ang mismong dahilan nito ay ang pagiging hindi makasarili ng Diyos kaya patuloy Niyang tinutustusan ang tao. Maaaring hindi kayo gaanong apektado ng paksang tinatalakay Ko sa araw na ito at pawang tumatango lamang sa pagsang-ayon, ngunit kapag sinusubukan mong pahalagahan ang puso ng Diyos sa iyong puso, matutuklasan mo ito nang hindi sinasadya: Sa lahat ng tao, mga usapin, at mga bagay na nadarama mo sa mundong ito, tanging ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ang totoo at tiyak, dahil ang pag-ibig lamang ng Diyos para sa iyo ang walang pasubali at walang dungis. Bukod sa Diyos, ang lahat ng anumang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng sinuman ay pawang huwad, mababaw, hindi matapat; mayroon itong layunin, mga tanging hangarin, may kapalit, at hindi kakayaning dumaan sa pagsubok. Maaari ninyo pang sabihin na ito ay marumi at kasumpa-sumpa. Sang-ayon ba kayo sa mga salitang ito?” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I). Bawat pangungusap ng salita ng Diyos ay tumagos sa puso ko, lalo na ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang sangkatauhan ay nabubuhay sa isang materyal na mundo. Maaaring sumusunod ka sa Diyos, ngunit hindi mo kailanman nakikita o napahahalagahan ang paraan na ang Diyos ay nagtutustos sa iyo, nagmamahal, at nagpapakita ng malasakit para sa iyo. Kaya ano ang nakikita mo? Nakikita mo ang mga kamag-anak mo sa dugo na nagmamahal sa iyo… kinakalinga mo ang mga tao at mga bagay na mahal mo.” Totoo ang sinasabi ng Diyos. Mula nang tugisin ako ng mga pulis ng CCP, ang mga kapatid ang palaging nagpapatuloy sa akin, at kahit may banta ng panganib, nagsaayos pa sila ng sasakyan para ilipat ako sa ibang lugar. Pagmamahal lahat ito ng Diyos. Lalo na noong kaaalis ko lang sa bahay, madalas kong naiisip ang asawa at anak ko, at napupuno ng pasakit at panghihina ang puso ko. Ang mga salita ng Diyos ang patuloy na nagdilig at nagbigay-liwanag sa akin, na nagbigay-daan sa aking maunawaan ang katotohanan at magkaroon ng pananalig na magpatuloy. At sa mga nakalipas na taon habang ginagawa ko ang tungkulin ko, nagsaayos din ang Diyos ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay para sa akin, na nagpahintulot sa aking maranasan ang mga salita ng Diyos, at pinunan ang mga pagkukulang ko. Napakarami ko nang natanggap mula sa Diyos. Pero nang makatanggap ako ng sulat mula sa bahay na nagsasabing hindi ako wanted at hindi na gaanong mapanganib kung pupunta ako sa ibang lugar, ang una kong naisip ay ang asawa at anak ko, at naisip kong basta’t makabalik ako sa asawa ko, maililigtas ko ang aming pagsasamang mag-asawa. Kaya hindi ko mapigilang matuwa, at sabik na sabik na akong bumalik agad sa pamilya ko. Pinatunayan nito na mahal ko ang asawa at anak ko, at na walang puwang ang Diyos sa puso ko. Sa pag-iisip kung gaano kadakila ang pagmamahal ng Diyos sa akin, at kung paanong halos wala akong naisukli sa Diyos, nakaramdam ako ng matinding konsensiya at pagsisisi sa puso ko. Hindi ko napigilang umiyak dahil sa pagkakautang ko, at kinamuhian ko ang sarili ko sa pagiging sobrang makasarili at walang pagkatao. Ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay taos-puso, walang pag-iimbot, at banal, walang anumang karumihan o hinihinging kapalit. Pero ang pagmamahal ng tao ay pawang transaksyonal at marumi, at puno ng pagkukunwari, at masasabi nating makasarili ito. Tulad noong gusto kong umuwi para isalba ang pagsasama namin, may mga personal na intensyon sa likod nito. Nag-alala akong mamumuhay akong mag-isa pagkatapos masira ang pagsasama namin, at hindi ko na muling matatamasa ang init at kaligayahang dulot ng pamilya. Kaya palagi kong gustong umuwi at isalba ang pagsasama namin. Ang kagustuhan ng asawa kong makipagdiborsyo ay batay din sa pag-aalala niya sa kanyang kinabukasan. Noong nasa bahay ako, madalas sabihin ng asawa ko, “Kung hindi lang dahil sa pag-aalaga mo sa akin at sa mabuting pakikitungo mo, matagal na sana kitang iniwan.” Ngayon, nagkatotoo na ang mga salitang ito. Dahil hindi ko siya laging nasasamahan, malapit na niya akong iwan. Ang pagmamahal ng asawa ko sa akin ay hindi kailanman naging totoo. May mga kondisyon ito. Kasabay nito, naisip ko rin, “Hindi naghahangad ng katotohanan ang asawa ko at sa halip ay nakatuon sa mga makamundong kalakaran at kayamanan. Madalas siyang magsalita ng mga negatibong bagay sa harap ko, pinipigilan ako, at hinihiling sa aking bigyan siya ng materyal na kasiyahan. Sa katunayan, isang hindi mananampalataya ang asawa ko. Hinahangad niya ang kayamanan at kalayawan at tinatahak ang makamundong landas. Samantala, gusto kong sumunod sa Diyos at tahakin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Nakatadhana kaming hindi maging magkaayon, at kung ipipilit naming magsama, mawawalan na nga ng kaligayahan, magdudulot pa ito ng walang katapusang pagdurusa sa akin.” Sariwa pa sa alaala ko ang mga pag-aaway at di-pagkakasundo namin ng asawa ko bago ako umalis ng bahay. Kung pipiliin kong umuwi, maaaring maisalba ang aming pagsasamang mag-asawa, pero magiging katulad lang ako ng dati, tatlong taon na ang nakalipas, bilanggo ng mga damdamin ng laman, at walang isip na hangarin ang katotohanan o gawin ang mga tungkulin ko, lalo na ang maligtas. Bukod pa rito, palagi akong nag-aalala kung paano masasaktan ang anak kong babae sa aming pagdidiborsyo, o kung paano siya magdaranas ng higit pang paghihirap sa hinaharap. Pero sa totoo lang, hindi ako ang magpapasya ng mga bagay na ito, dahil ang mga magulang ay makapag-aalok lamang ng tulong at pangangalaga sa kanilang mga anak sa pisikal at materyal na aspekto, pero kung paano ang magiging takbo ng buhay ng isang anak, anong pagdurusa ang kanyang titiisin, at anong mga pagpapala ang kanyang matatanggap, ay matagal nang itinakda at isinaayos ng Diyos. Palagi akong nag-aalala na magdurusa ang anak ko pagkatapos ng diborsyo, at tanda ito ng kawalan ko ng pananalig sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Naging handa akong ipagkatiwala ang aking anak sa mga kamay ng Diyos. Kalaunan, narinig ko mula sa biyenan kong babae na maayos naman ang kalagayan ng anak ko, at natutunan na raw nito ang higit sa labindalawang himno at nakakasayaw na para purihin ang Diyos. Napagtanto kong hindi pala kailangan ang mga pag-aalala ko. Nanalangin ako sa Diyos, nanunumpa na hindi na ako mapipigilan ng aking buhay may-asawa, at na wasto kong hahangarin ang katotohanan at gagawin ang aking mga tungkulin. Noong Oktubre 2023, nalaman kong tinukoy ang asawa ko bilang isang hindi mananampalataya at pinaalis sa iglesia, pero medyo panatag ang loob ko, at nagpasalamat ako sa Diyos sa pagprotekta sa akin mula sa pagtalikod sa aking tungkulin dahil sa kanya.
Pagkatapos, hindi ko maiwasang magnilay-nilay, “Bakit ko palaging itinuturing ang masayang buhay may-asawa at pamilya bilang hangarin ko sa buhay, at ginagawa ang lahat para mapanatili ang mga ito? Ano ang ugat ng problemang ito?” Nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa pagkatapos kong basahin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga mapanirang impluwensya ng libu-libong taon na ‘matayog na diwa ng nasyonalismo’ ay malalim na tumimo sa puso ng tao, at pati na rin ang pyudal na pag-iisip kung saan ang mga tao ay nakatali at nakakadena, wala ni gatuldok na kalayaan, walang kagustuhang maghangad o magtiyaga, walang pagnanais na umunlad, at sa halip ay nananatiling negatibo at paurong, nakabaon sa kaisipan ng isang alipin, at iba pa—ang obhetibong mga salik na ito ay nag-iwan ng di-mabuburang bakas ng karumihan at kapangitan sa ideolohikal na pananaw, mga huwaran, moralidad, at disposisyon ng sangkatauhan. Tila nakatira ang mga tao sa isang madilim na mundo ng terorismo, na hindi hinahangad na malampasan ng sinuman sa kanila, at hindi iniisip na iwan ng sinuman sa kanila para sa isang huwarang mundo; sa halip, kuntento na sila sa kanilang kalagayan sa buhay, sa paggugol ng kanilang mga araw sa panganganak at pagpapalaki ng mga anak, pagsusumikap, pagpapapawis, sa pagtapos ng mga gawain, pangangarap ng isang maginhawa at masayang pamilya, ng pagmamahal ng asawa, ng paggalang ng mga anak sa kanilang mga magulang, ng kagalakan sa kanilang katandaan habang matiwasay na namumuhay…. Sa loob ng mga dekada, ng libu-libo, sampu-sampung libong taon hanggang sa ngayon, inaaksaya na ng mga tao ang kanilang oras sa ganitong paraan, na walang sinuman ang lumilikha ng isang perpektong buhay, lahat ay naghahangad lamang na makipagpatayan sa madilim na mundong ito, nakikipagkarera para sa katanyagan at kapalaran, at nang-iintriga laban sa isa’t isa. Sino ang naghanap na sa mga layunin ng Diyos? Mayroon na bang nagbigay-pansin sa gawain ng Diyos? Ang lahat ng bahagi ng sangkatauhan na sinakop ng impluwensiya ng kadiliman ay matagal nang naging kalikasan ng tao, kaya napakahirap na isakatuparan ang gawain ng Diyos, at lalo pang walang pagnanais ang mga tao na bigyang-pansin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila ngayon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (3)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na naimpluwensiyahan ako ng lason ng tradisyonal na kulturang ikinintal ni Satanas, na ang mga ideya tulad ng pagmamahalan ng mag-asawa, masayang buhay may-asawa, maayos na pamilya, at pagkakaroon ng mga anak ang naging mga layon na hinangad ko, nang hindi nalalaman kung bakit nabubuhay ang mga tao o kung paano mamuhay sa isang makabuluhan at mahalagang paraan. Naalala ko noong bata pa ako, dahil hindi ako binigyan ng mga magulang ko ng isang mainit na pamilya, naawa ako sa sarili ko, at itinuring kong simbolo ng kaligayahan ang pagsasama-sama ng pamilya. Pagkatapos ng kasal, natamasa ko ang pangangalaga at pagsasaalang-alang ng asawa ko, pati na rin ang kaligayahang dulot ng aking pamilya at anak, kaya gusto kong ilaan ang buong buhay ko sa pagpapanatili ng kaligayahan ng aking buhay may-asawa. Pagkatapos kong makita ang Diyos, ginawa ko ang tungkulin ko sa malayo, pero ang puso ko ay nasa bahay, at iniisip kong umuwi agad para makasama ang asawa’t anak ko, at iniraraos ko lang ang tungkulin ko. Minsan, sobrang abala ako sa tungkulin ko na napapabayaan ko ang asawa ko, at pag-uwi ko, sinusubukan kong bumawi, at kahit ano pa ang gustong kainin, bilhin, o puntahan ng asawa ko, kahit na hindi makatwiran ang mga hiling niya, ginagawa ko ang lahat para pagbigyan siya. Sinubukan ko ang lahat ng paraan para pasayahin siya. Kahit na minsan ay nasasaktan ako, natakot akong kung hindi ko siya mapapasaya, maaapektuhan ang aming pagsasamang mag-asawa. Kalaunan, nang maging mangangaral ako, mas naging abala ako, at hindi na nasiyahan sa akin ang asawa ko, at madalas siyang nakikipag-away sa akin. Sinubukan kong humanap ng mga paraan para aluin siya bago bumalik sa aking mga tungkulin, iniisip na hangga’t mapapanatili ko ang aming pagsasama, kahit na kailanganin kong magtiis ng kaunting hirap, sulit pa rin ito. Kalaunan, dahil sa mga pag-aresto ng pulis, hindi ako nakauwi sa loob ng tatlong taon, at gusto ng asawa kong makipagdiborsyo, at nag-alala ako na kung magdidiborsyo kami, mawawala ang tahanang pinaghirapan kong buuin, kaya gusto kong umuwi para isalba ang aming pagsasamang mag-asawa. Muntik ko pa ngang talikuran ang mga tungkulin ko at ipagkanulo ang Diyos nang ilang beses. Sa pagbabalik-tanaw, talagang nanganib ako. Ngayon, sa wakas ay malinaw ko nang nakikita na ang mga ideya at pananaw ng isang masayang buhay may-asawa at maayos na pamilya ang gumagapos sa akin, na nagtulak sa aking ituring ang buhay may-asawa at pamilya bilang mas mahalaga kaysa sa tungkulin ng mga nilikha, na naging dahilan para hindi ako masyadong makapasok sa katotohanang realidad sa pito o walong taon kong pananampalataya sa Diyos, at para mag-aksaya ng maraming oras. Dati, gaano man ako kaabala sa mga tungkulin ko, o gaano man ako gabihin sa paggawa ng mga ito, tatapusin ko ang lahat ng gawaing-bahay at susubukan ang lahat ng posibleng paraan para pasayahin ang asawa ko, sa pagtatangkang isalba ang aming pagsasamang mag-asawa, pero sa huli, iniwan pa rin ako ng asawa ko. Ang kabaitan ng asawa ko sa akin ay ganap na dahil sa pagsisikap na inilaan ko at sa halagang ibinayad ko para sa kanya, at dahil pa nga sa pagbaba ko ng aking integridad at dignidad para lang mapasaya siya. Pero ngayon na hindi na matamasa ng asawa ko ang kabaitang ipinakita ko sa kanya, masigasig na siyang makipagdiborsyo para makahanap ng iba. Ang aming pagsasamang mag-asawa ay ganap na transaksyonal. Kapag may mapapala, may pagmamahalan at tamis sa pagitan namin, pero kapag wala nang mapapakinabangan, isasantabi ako. Nasaan ang kaligayahan dito? Sa pagbabalik-tanaw sa mga bagay na ito, napagtanto kong ang lahat ng aking pagsisikap at pagsasakripisyo sa loob ng maraming taon ay hindi makapagdudulot sa akin ng tunay na pagmamahal o kaligayahan, sa halip, ang kapalit lang ay pighati at pasakit. Noon ko lang napagtanto na ang ideya ng pagmamahalan ng mag-asawa at masayang buhay may-asawa ay isa lamang matamis na pain na ginagamit ni Satanas para iligaw ang mga tao, puro kasinungalingan at panlilinlang. Ang halaga ng paghahangad ko sa kaligayahan sa buhay may-asawa sa loob ng maraming taon ay napakalaki at hindi sulit! Naniwala ako sa Diyos pero hindi ko hinangad ang katotohanan, at sa halip, hinangad ko lang ang kaligayahan sa pag-aasawa. Dito, nahulog ako sa mga pakana ni Satanas. Ginugol ko ang lahat ng aking oras at lakas na sinusubukang pasayahin ang asawa ko at panatilihin ang aming pagsasama, na naging dahilan para hindi ko makamit ang katotohanang dapat kong makamit, ni magampanan ang mga tungkuling dapat kong gampanan. Hindi lang nito naantala ang aking paglago ko sa buhay kundi binigo ko rin ang mga inaasahan ng Diyos. Napakahangal ko talaga!
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos, at nagsimula akong magkamit ng kaunting pagkaunawa sa kung ano ang dapat hangarin ng mga tao sa buhay. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Isa kang nilikha—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at hangaring mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (2)). “Dapat hangarin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang imahe ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat hangarin ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang hangarin ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may kabuluhan at kahulugan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang magiging katulad kay Pedro ang tao. Dapat kang tumuon sa maagap na pagpasok sa positibong panig, at hindi ka dapat maging pasibo at hayaan ang iyong sarili na umurong para lang sa pagkakaroon ng pansamantalang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas detalyado, at mas praktikal na mga katotohanan. Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng lahat ng posibleng paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa dekadente at walang-pakialam na pamumuhay na walang pinagkaiba sa paraan ng pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kabuluhan at halaga, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa lahat ng may determinasyon at nagmamahal sa Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano mo dapat ipamuhay ang iyong buhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para matugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong uri ng determinasyon at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang lakas ng loob. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan; pagkatapos niyon, magkakaroon ka pa rin ba ng ganitong uri ng oportunidad na mahalin ang Diyos? Maaari bang mahalin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng determinasyon at ng konsensiya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat magawa mong isaalang-alang at harapin ang buhay mo nang maingat—isinasaalang-alang kung paano mo dapat ihandog ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananalig sa Diyos, at dahil sa iniibig mo ang Diyos, paano mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas maganda, at mas mabuti” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Bilang mga mananampalataya, dapat nating hangaring mahalin at sambahin ang Diyos. Tanging ang mamuhay na tulad nina Job at Pedro ang siyang makabuluhan. Naisip ko kung paanong si Pedro, sa kanyang kabataan, ay buong-pusong hinangad ang Diyos, pero umasa ang mga magulang ni Pedro na magiging matagumpay siya at magiging isang opisyal. Gayumpaman, hindi ginawang layon ni Pedro ang mga inaasahan ng kanyang mga magulang, ni hindi niya inalintana kung makakaapekto ba ang kanyang mga pinili sa relasyon niya sa kanyang mga magulang. Sa halip, inilaan niya ang kanyang sarili sa paghahangad na mahalin at makilala ang Diyos, at sa huli, ipinako siya nang patiwarik sa krus para sa Diyos, na naging isang huwaran ng pagmamahal sa Diyos. Nariyan din si Job. Sa mga pagsubok, nawala ang lahat ng kanyang napakaraming baka, tupa, at sariling mga anak, at napuno ng mga sugat ang kanyang katawan, at sinabi ng kanyang asawa, “Sumpain mo ang Diyos at mamatay ka na!” Nang marinig ni Job ang sinabi ng kanyang asawa, pinanghawakan pa rin niya ang kanyang pananalig sa Diyos, at pinagsabihan niya ang kanyang asawa, tinawag itong isang hangal na babae. Nanindigan siya sa kanyang patotoo para sa Diyos at ipinahiya si Satanas. Mula sa mga karanasan nina Job at Pedro, nakita ko na sa pamamagitan lamang ng paghahangad na makilala at mahalin ang Diyos, maayos na paggawa ng ating mga tungkulin, at paninindigan sa ating patotoo, makatatanggap tayo ng pagsang-ayon ng Diyos. Ito ang tanging paraan para mamuhay nang may sukdulang kabuluhan. Pagkatapos, pinatahimik ko ang aking puso at inilaan ang aking sarili sa aking mga tungkulin, at kasabay nito, nagsanay akong magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Kalaunan, nalaman kong ang isa sa mga artikulo kong batay sa karanasan ay ginawang video. Dahil nagamit ko ang aking karanasan para magpatotoo sa Diyos, labis akong naantig. Lalo kong naramdaman na ang paghahangad lamang sa katotohanan at pagpapatotoo sa Diyos ang pinakamakabuluhan, at ito lamang ang makapagdudulot ng tunay na kaligayahan at kagalakan. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!
Noong Pebrero 2024, nakatanggap ako ng sulat mula sa mga magulang ko, na nagsasabing nagsampa na ng diborsyo ang asawa ko sa korte. Nang matanggap ko ang balitang ito, medyo kalmado ako, at hindi ako nabagabag o nalungkot sa pakikipagdiborsyo ng asawa ko. Sa halip, naramdaman kong isa itong uri ng pagpapalaya para sa akin. Ngayon, kaya ko nang bitiwan ang mga pasaning ito at buong-pusong sumunod sa Diyos. Ito ang pagliligtas ng Diyos para sa akin, at nagpapasalamat ako sa Makapangyarihang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!