83. Huwag Hayaang Sirain Ka ng Katamaran
Noong Hulyo 2024, isa akong superbisor para sa gawaing nakabatay sa teksto sa iglesia. Dahil inaresto ang isang lider, nalagay kami sa panganib ng sister na kapareha ko, kaya kailangan naming manatili sa bahay at mangumusta sa gawain sa pamamagitan ng mga liham. Sa simula, kaya ko pang aktibong subaybayan ang gawain at sumulat ng mga liham para talakayin ang mga problema sa pangkat. Kaya ko ring humanap ng mga salita ng Diyos para lutasin ang kung anumang kalagayang mayroon ang mga miyembro ng pangkat, at kapag may gawaing kailangang ipatupad, minamadali ko itong ipatupad. Kahit medyo abala ako, hindi naman masyadong napapagod ang puso ko. Habang dumarami ang gawain ko, at ilang pangkat ang may mga problemang kailangang lutasin, naisip ko, “Kung bawat gampanin ay may kasamang pagsubaybay at detalyadong pakikipag-ugnayan, gaano karaming pag-iisip at pagod sa utak ang kakailanganin niyan? Saka, hindi ba’t kalabisan na ang sumubaybay sa lahat ng detalye ng ganito karaming gawain?” Naisip ko kung paanong ang mga miyembro sa isang pangkat ay matagal nang gumagawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto, nakabisado na ang ilang prinsipyo, at nagkamit na ng mga resulta sa kanilang mga tungkulin. Pakiramdam ko, hindi ko na kailangang masyadong mag-alala sa pangkat na iyon, kaya pagkatapos noon, hindi ko na gaanong pinansin ang gawain nila. Kung minsan, naiisip ko namang alamin ang detalye kung mayroon ba silang anumang problema sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, pero naisip ko rin, “Kailangan ng maraming pagsisikap at pag-iisip para maunawaan ang mga detalyeng ito. Hayaan mo na. Medyo mahuhusay naman ang mga propesyonal na kasanayan ng mga taong ito at mayroon na silang karanasan sa gawain, kaya hayaan na nating sila-sila ang gumawa.” Pagkatapos noon, hindi ko na muling inalam pa o sinubaybayan nang detalyado ang gawain ng pangkat na iyon. Pagkaraan ng ilang panahon, nakita kong ilang araw nang hindi nagpapasa ng anumang sermon ang pangkat na ito, kaya mabilis akong sumulat sa kanila para alamin kung ano ang nangyayari. Nag-ulat ang lider ng pangkat na hindi maganda ang kalidad ng mga sermon na natanggap nila kamakailan at kakaunti lang ang maaaring ipasa. Nang makitang hindi maganda ang mga resulta ng gawain, medyo nasiraan siya ng loob. Saglit akong nakipagbahaginan sa lider ng pangkat, hiniling sa kanya na magdala ng pasanin at akayin ang lahat sa pagbubuod ng mga paglihis. Pagkatapos, gusto ko sanang alamin pa nang mas detalyado ang gawain ng pangkat na ito, pero naisip ko na naman: “Mayroon pa akong ilang gawain. Kakailanganin ng maraming pag-iisip at pagsisikap para maunawaan at malutas ang mga problemang ito. Alam naman ng lider ng pangkat ang ilang mga prinsipyo, at ibinuod na rin ng mga lider ang mga problema sa mga sermon na ipinasa namin. Napakalinaw ng landas na tinalakay nila, kaya puwede ko silang hayaan na mag-aral at makisangkot sa kani-kanila.” Sa ganitong paraan, nakontento na lang ako sa pagpapasa ng mga liham mula sa mga lider tungo sa pangkat, at hindi ko sila pinamunuan sa pagbubuod ng mga problema at paglihis. Hindi ko na tinanong ang mga detalye ng gawain, tulad ng kung paano sila nag-aaral at kung nailalapat ba nila ang kanilang natutunan.
Hindi nagtagal, may dumating na liham mula sa mga lider na nagsasabing mabagal ang pag-usad ng pangkat na gumagawa ng sermon at hindi maganda ang kalidad ng mga sermon na ipinapasa nila. Hiniling nila sa akin na alamin agad ang dahilan. Nang mabasa ko ang liham na ito, labis kong sinisi ang aking sarili. Naantala ko ang pag-usad ng gawain dahil ayaw kong magsikap nang husto at naging iresponsable ako sa paggawa ng aking tungkulin. Nakonsensiya ako at pakiramdam ko ay may pagkakautang ako. Pagkatapos, nagbasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagninilay, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa pag-uugali kong hindi paggawa ng tunay na gawain. Sabi ng Diyos: “Ang pangunahing katangian ng gawain ng mga huwad na lider ay pagdadaldal tungkol sa doktrina at pag-uulit ng mga islogan. Matapos ilabas ang kanilang mga utos, naghuhugas-kamay na lang sila tungkol sa bagay na iyon. Hindi sila nagtatanong tungkol sa sumunod na pag-unlad ng gawain; hindi nila itinatanong kung nagkaroon ng anumang mga problema, paglihis, o paghihirap. Itinuturing nilang tapos na ang kanilang trabaho sa sandaling italaga nila ang gawain. … Ang hindi pagsubaybay sa gawain, hindi paggawa ng higit pa sa sandaling naitalaga na ito, ang paghuhugas-kamay mo rito—ito ang paraan ng mga huwad na lider sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ang hindi pagsusubaybay o pagbibigay ng direksiyon sa gawain, hindi pag-uusisa o paglulutas sa mga isyung lumilitaw, at hindi pag-aarok sa pag-usad o kahusayan ng gawain—mga pagpapamalas din ang mga ito ng mga huwad na lider” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4)). “Hindi makagawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider—may malakas na simula ang anumang gawin nila pero unti-unti itong humihina sa huli. Isang tagapagsimula ng seremonya ang papel na ginagampanan nila: Nagbibigkas sila ng mga islogan at nangangaral ng mga doktrina, at kapag naitalaga na nila ang gawain sa iba at naisaayos na kung sino ang magiging responsable rito, tapos na sila. Pareho sila sa nakakabinging malalakas na ispiker na nakikita sa mga rural na bahagi ng Tsina—hanggang dito lamang ang papel na ginagampanan nila. Gumagawa lang sila ng kaunting panimulang gawain; para sa natitirang bahagi ng gawain, hindi sila makikita kahit saan. Para naman sa mga espesipikong tanong tulad ng kung kumusta ang pagsulong ng bawat aytem ng gawain, kung naaayon ba ito sa mga prinsipyo, at kung epektibo ba ito—hindi nila alam ang mga sagot. Hindi sila kailanman malalimang nakikisalamuha sa mga pinakamababang antas at bumibisita sa lugar ng gawain para unawain at alamin ang pag-usad at mga detalye ng bawat aytem ng gawain. Samakatwid, maaaring hindi naglalayon ang mga huwad na lider na magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, o gumawa ng iba’t ibang kasamaan sa panahon ng panunungkulan nila bilang mga lider, pero, sa katunayan, pinaparalisa nila ang gawain, inaantala ang pag-usad ng bawat aytem ng gawain ng iglesia, at ginagawang imposible para sa mga hinirang ng Diyos na magampanan nang maayos ang mga tungkulin ng mga ito at magkamit ng buhay pagpasok. Sa ganitong paraan ng paggawa, paano nila posibleng maaakay ang mga hinirang ng Diyos sa tamang landas ng pananalig sa Diyos? Ipinapakita nito na hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang mga huwad na lider. Hindi nila nasusubaybayan ang gawaing sila dapat ang responsable o naibibigay ang wastong paggabay at pangangasiwa para matiyak na normal ang pag-usad ng gawain ng iglesia; nabibigo silang gampanan ang mga nilalayong tungkulin ng mga lider at manggagawa, at hindi nila nagagampanan ang katapatan o mga responsabilidad nila. Nagpapatunay ito na hindi tapat ang mga huwad na lider sa kung paano nila ginagampanan ang mga tungkulin nila, na pabasta-basta lang sila; nililinlang nila kapwa ang mga hinirang ng Diyos at ang Diyos Mismo, at naaapektuhan at hinahadlangan nila ang pagsasagawa ng Kanyang kalooban. Kitang-kita ng lahat ang katunayang ito” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4)). Nang mabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos na naglalantad sa mga huwad na lider, pakiramdam ko ay labis akong hinatulan. Kapag ginagawa ang kanilang tungkulin, nagpapakasasa sa kanilang laman ang mga huwad na lider, pabasta-basta sila, at sinisimulan nila ang mga gampanin nang hindi tinatapos nang maayos. Kapag nagpapatupad sila ng gawain, kontento na sila sa pagpapasa lang ng mga utos at pagbibigay ng direksiyon, hindi nila pinangangasiwaan o sinusubaybayan ang mga detalye ng gawain, at hindi nila nauunawaan o naaarok ang mga problema sa gawain. Kahit na may matuklasan silang mga problema, hindi nila agad nilulutas ang mga ito, na labis na nakakaantala sa pag-usad ng gawain. Bagama’t hindi ako isang lider, hindi ba’t ganoong-ganoon din ang pag-uugali ko? Palagi akong natatakot na magsumikap at magpakapagod sa aking tungkulin, at wala akong kahit katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad. Ginamit kong dahilan ang pagiging abala para iwasang subaybayan ang gawain ng pangkat. Nang makita kong hindi nagbubunga ang gawain sa sermon ng isang pangkat, wala sa loob na nagtanong lang ako tungkol sa gawain at sasandaling nakipagbahaginan sa lider ng pangkat tungkol sa kanyang kalagayan, hinihiling sa kanya na pamunuan ang mga miyembro ng pangkat sa pagbubuod ng mga paglihis at problema. Kahit na nalaman ko kalaunan na nabubuhay pa rin sa mga paghihirap ang mga miyembro ng pangkat, ayaw ko nang magbuhos pa ng dagdag na pagsisikap o magbayad ng dagdag na halaga para lutasin ito. Ipinasa ko lang sa kanila ang mga liham mula sa mga lider at sinabihan silang mag-aral at makilahok sa sarili nila, nang hindi talaga nilulutas ang mga problema sa gawain. Nakita ko na sa aking tungkulin, naging iresponsable ako tulad ng isang huwad na lider, at pabasta-basta lang nang hindi gumagawa ng aktuwal na gawain. Hindi ko nilutas ang mga totoong problema sa aking tungkulin, na nangangahulugang walang sinumang nagkamit ng landas pasulong sa kanilang mga tungkulin, at natigil ang gawain. Lahat ng ito ay bunga ng hindi ko paggawa ng aktuwal na gawain. Naisip ko kung paanong ang layunin ng Diyos sa paggawa ko ng tungkulin ng isang superbisor ay para masubaybayan, mapangasiwaan, at maging sangkot ako sa mga detalye ng gawain ng pangkat, at na aalamin at aarukin ko ang mga kalagayan ng mga miyembro ng pangkat, tutuklasin ang mga paglihis at problema sa kanilang mga tungkulin, at makapagbabahagi ng katotohanan para lutasin agad ang mga bagay na ito, na magbibigay-daan para umusad nang normal ang gawain. Gayumpaman, hindi ko tinupad ang aking mga responsabilidad. Sa aking tungkulin, kontento na ako sa pagpapasa lang ng mga utos, at inakala kong basta at naipatupad ang gawain, ayos lang ang lahat. Inakala ko rin na dahil ang mga miyembro ng pangkat na iyon ay maraming taon nang gumagawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto at nakabisado na ang ilang prinsipyo, hindi ko na kailangang mag-isip o magsikap pa. Itinulak ko sa kanila ang lahat ng gawain na para bang natural lang ito at naging tagautos lang ako. Kung iisipin, bagama’t may kaunting karanasan na sila sa kanilang mga tungkulin, lahat ay may mga paglihis at pagkukulang, at maaaring minsan ay namumuhay sa mga tiwaling disposisyon, kaya dapat sana ay palagi kong sinusuri ang kanilang mga saloobin sa kanilang mga tungkulin, inaalam ang mga problema at paghihirap sa gawain, at nilulutas agad ang mga ito. Ito ang mga responsabilidad ko. Gayumpaman, ang tangi kong isinaalang-alang ay kung paano mababawasan ang pagdurusa ng aking laman. Hindi ako nagpakita ng kahit katiting na pagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos! Bagama’t kakaunti ang ginugol kong lakas ng pag-iisip, at hindi gaanong napagod ang aking laman, naantala ko ang pag-usad ng gawain dahil sa pagsasaalang-alang sa laman at sa pagiging pabasta-basta, at nakagawa ako ng pagsalangsang sa harap ng Diyos. Nang maisip ko ito, lubos akong nagsisi, at nakaramdam ng pagkakautang sa Diyos.
Pagkatapos, nagnilay ako sa aking sarili. Sa aking tungkulin, bakit ayaw kong mas magsikap pa, at bakit palagi akong pabasta-basta at iresponsable? Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “May isa pang uri ng huwad na lider, na madalas nating napag-uusapan habang nagbabahaginan tungkol sa paksa ng ‘ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa.’ May kaunting kakayahan ang ganitong uri, hindi sila mangmang, sa gawain nila, mayroon silang mga paraan at diskarte, at mga plano para sa paglutas ng mga problema, at kapag binigyan sila ng isang piraso ng gawain, kaya nilang isakatuparan ito nang malapit sa mga inaasahang pamantayan. Kaya nilang tuklasin ang anumang mga problema na lumilitaw sa gawain at kaya rin nilang lutasin ang ilan sa mga ito; kapag naririnig nila ang mga problemang iniuulat ng ilang tao, o inoobserbahan nila ang pag-uugali, mga pagpapamalas, pananalita at mga kilos ng ilang tao, may reaksiyon sila sa puso nila, at may sarili silang opinyon at saloobin. Siyempre, kung hahangarin ng mga taong ito ang katotohanan at mayroon silang pagpapahalaga sa pasanin, maaaring malutas ang lahat ng problemang ito. Gayumpaman, hindi inaasahang hindi nalulutas ang mga problema sa gawaing nasa ilalim ng responsabilidad ng ganitong uri ng tao na pinagbabahaginan natin ngayon. Bakit ganoon? Ito ay dahil hindi gumagawa ang mga taong ito ng tunay na gawain. Mahilig sila sa kaalwanan at namumuhi sa mahirap na gawain, gumagawa lang sila ng mga pabasta-bastang pagsisikap sa panlabas, gusto nilang walang ginagawa at tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, gusto nilang utus-utusan ang mga tao, at ibinubuka lang nila nang kaunti ang mga bibig nila at nagbibigay ng ilang suhestiyon, at pagkatapos ay itinuturing nilang tapos na ang gawain nila. Hindi nila isinasapuso ang alinman sa tunay na gawain ng iglesia o sa kritikal na gawaing ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila—wala sila ng ganitong pagpapahalaga sa pasanin, at kahit na paulit-ulit na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi pa rin nila isinasapuso ang mga ito. Halimbawa, ayaw nilang makialam o mag-usisa tungkol sa gawain ng paggawa ng pelikula o sa gawaing nakabatay sa teksto ng sambahayan ng Diyos, hindi rin nila nais na siyasatin kung kumusta ang pag-usad ng ganitong mga klase ng gawain at kung anong mga resulta ang nakakamit ng mga ito. Pasimple lang silang nag-uusisa, at kapag nalaman nilang abala ang mga tao sa gawaing ito at ginagawa ang gawaing ito, hindi na nila ito inaalala pa. Kahit alam na alam nila na may mga problema sa gawain, ayaw pa rin nilang makipagbahaginan tungkol sa mga ito o lutasin ang mga ito, hindi rin sila nag-uusisa o nagsisiyasat kung paano ginagawa ng mga tao ang mga tungkulin ng mga ito. Bakit hindi sila nag-uusisa o nagsisiyasat sa mga bagay na ito? Iniisip nila na kung sisiyasatin nila ang mga ito, maraming problema ang naghihintay para lutasin nila, at magiging masyadong nakakabahala iyon. Magiging masyadong nakakapagod ang buhay kung palagi nilang kailangang lumutas ng mga problema! Kung masyado silang mag-aalala, hindi na magiging masarap ang lasa ng pagkain para sa kanila, at hindi sila makakatulog nang maayos, mapapagod ang laman nila, at magiging miserable ang buhay. Kaya naman, kapag nakakakita sila ng isang problema, iniiwasan at binabalewala nila ito kung maaari. Ano ang problema ng ganitong uri ng tao? (Masyado silang tamad.) Sabihin ninyo sa Akin, sino ang may malubhang problema: mga taong tamad, o mga taong may mahinang kakayahan? (Mga taong tamad.) Bakit may malubhang problema ang mga taong tamad? (Ang mga taong mahina ang kakayahan ay hindi maaaring maging mga lider o manggagawa, pero maaari silang maging medyo epektibo kapag gumagawa sila ng isang tungkulin na ayon sa kanilang abilidad. Gayumpaman, ang mga taong tamad ay walang nagagawang anumang bagay; kahit na mayroon silang kakayahan, wala itong epekto.) Ang mga taong tamad ay walang anumang nagagawa. Para ibuod ito sa dalawang salita, sila ay walang silbi; para silang may kapansanan. Gaano man kahusay ang kakayahan ng mga taong tamad, paimbabaw lamang iyon; kahit na may mahusay silang kakayahan, wala itong silbi. Masyado silang tamad—alam nila ang dapat nilang gawin, ngunit hindi nila ito ginagawa, at kahit alam nila na may problema, hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, at bagama’t alam nila kung anong mga paghihirap ang dapat nilang danasin para maging epektibo ang gawain, ayaw nilang tiisin ang mga makabuluhang paghihirap na ito—kaya, hindi sila makapagkamit ng anumang katotohanan, at hindi sila makagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi nila nais na magtiis ng mga paghihirap na dapat tiisin ng mga tao; ang alam lamang nila ay magpakasasa sa kaginhawahan, magtamasa ng mga panahon ng kagalakan at paglilibang, at magtamasa ng malaya at maluwag na buhay. Hindi ba’t wala silang silbi? Ang mga taong hindi kayang tiisin ang paghihirap ay hindi karapat-dapat na mabuhay. Iyong mga palaging nagnanais na mamuhay ng buhay ng isang parasito ay mga taong walang konsensiya o katwiran; sila ay mga halimaw, at ang gayong mga tao ay hindi angkop kahit na gumampan ng trabaho. Dahil hindi nila kayang tiisin ang paghihirap, kahit na kapag gumagampan nga sila ng trabaho, hindi nila ito magawa nang maayos, at kung nais nilang makamit ang katotohanan, mas lalong wala silang pag-asang makamit iyon. Ang isang taong hindi kayang magdusa at hindi nagmamahal sa katotohanan ay isang walang silbing tao; ni hindi siya kalipikadong gumampan ng trabaho. Isa siyang halimaw, na wala ni katiting na pagkatao. Dapat itiwalag ang gayong mga tao; ito lang ang naaayon sa mga layunin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). “Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Kung iisipin, ang dahilan kung bakit ayaw kong gumugol ng dagdag na lakas ng pag-iisip at naging iresponsable ako sa aking tungkulin ay dahil, tulad ng isang huwad na lider, masyado akong tamad at labis na nagpapakasasa sa kaginhawahan. Sabi ng Diyos: “Gaano man kahusay ang kakayahan ng mga taong tamad, paimbabaw lamang iyon,” “ni hindi siya kalipikadong gumampan ng trabaho. Isa siyang halimaw, na wala ni katiting na pagkatao,” at “dapat itiwalag.” Nakita ko kung gaano kinamumuhian ng Diyos ang mga huwad na lider. Gaano man kahusay ang kakayahan ng isang huwad na lider, dahil hindi pasok sa pamantayan ang kanyang pagkatao, at masyado siyang tamad, iresponsable sa kanyang tungkulin, at hindi nangangasiwa o sumusubaybay sa mga detalye ng gawain, kung gayon ay hindi siya kalipikado kahit na magtrabaho, at matatamo niya ang pagkamuhi at pagkasuklam ng Diyos. Sa pagbabasa ng mga salitang ito, pakiramdam ko ay para akong hinahatulan ng Diyos nang harap-harapan, at bawat linya ay tumatagos sa puso ko. Naisip ko kung paanong bago ko natagpuan ang Diyos, madalas kong marinig na sinasabi ng mga tao, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Pagtikim ng alak at pagtatamasa ng musika, kay ikli lang ng buhay!” at “Carpe diem, at huwag pansinin ang tama at mali.” Nakondisyon at nalason ako ng mga walang kabuluhang ideyang ito na itinanim sa akin ni Satanas, kaya nagustuhan kong hangarin ang kasiyahan ng laman at mamuhay nang malaya at komportable. Pakiramdam ko, sa pamamagitan lamang ng masarap na kasiyahan ng laman magkakaroon ng malaya at maginhawang buhay ang isang tao. Namuhay ako ayon sa mga satanikong pananaw na ito sa pag-iral, at sa sandaling magkaroon ako ng maraming gagawin sa aking tungkulin, magsisimula akong mag-isip at magplano para sa aking laman, at hindi ko na gagawin kahit ang mga bagay na kaya ko namang gawin. Alam na alam kong mabagal ang pag-usad ng gawain, at na nakaranas ng mga problema ang mga miyembro ng pangkat na iyon sa kanilang mga tungkulin, pero ayaw kong magbayad ng halaga para lutasin ang mga isyung ito. Ang tanging iniisip ko lang ay kung paano ako mas kaunting magtatrabaho at magdurusa. Talagang makasarili at kasuklam-suklam ang aking kalikasan, at wala akong kahit katiting na pagkatao! Naisip ko kung paanong nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito sa lupa upang gumawa at iligtas ang mga tao. Hindi Siya kailanman nagbubulalas ng mga islogan, sa halip ay praktikal na ipinapahayag ang katotohanan upang tustusan ang mga tao alinsunod sa kanilang mga kakulangan. Anuman ang mga paghihirap at problemang mayroon tayong mga tao, walang-sawa at matiyagang nakikipagbahaginan si Cristo sa atin tungkol sa mga ito, praktikal na nilulutas ang iba’t ibang problema at paghihirap sa ating mga tungkulin. Nakita kong napakasipag at napakaresponsable ni Cristo sa Kanyang pagkilos. Pagkatapos ay muli kong tiningnan ang aking sarili. Sa aking mga tungkulin, hangga’t puwede ay pabasta-basta ako, at sinubukan kong magdusa nang kaunti hangga’t maaari. Napakatamad at napakalayaw ko, at namuhay ako nang walang anumang integridad o dignidad. Kung hindi ako magsisisi, sa huli, itataboy at ititiwalag ako ng Diyos, at sisirain ko ang aking pagkakataong maligtas, at ang oras kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos ay siya ring oras na ako ay parurusahan. Nang maisip ko ito, labis akong nalungkot at nakonsensiya. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, palagi kong isinasaalang-alang ang aking laman sa aking tungkulin, at ayaw kong mas magsikap pa. Nagbubulalas lang ako ng mga islogan at hindi gumagawa ng anumang aktuwal na gawain. Nagdulot ako ng pinsala sa aking tungkulin at nag-iwan ng mga pagsisisi. Natamo ko ang pagkasuklam Mo. O Diyos, handa akong magsisi sa Iyo. Sa hinaharap, handa akong maghimagsik laban sa aking laman at matatag na lumutas ng lahat ng totoong problema sa pangkat, maayos na ginagawa ang aking tungkulin para mapalugod Ka.”
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Binigyan ka ng Diyos ng kakayahan at ng maraming mas nakakahigit na kondisyon, na nagtutulot sa iyong makita nang malinaw ang usaping ito at maging may-kakayahan sa gawaing ito. Gayumpaman, wala kang tamang saloobin, wala kang katapatan at sinseridad, at ayaw mong subukan ang lahat ng makakaya mo para magawa ito nang maayos. Lubhang nadidismaya ang Diyos dito. Kaya, kapag nahaharap ka sa maraming sitwasyon, kung tamad ka at palagi mong nararamdaman na naaabala ka at ayaw mong gawin ang mga bagay-bagay, at palihim kang nagrereklamo na, ‘Bakit sa akin ito ipinapagawa at hindi sa iba?’ kung gayon, kahangalan ang iniisip mo. Kapag sa iyo ibinibigay ang isang tungkulin, hindi ito kamalasan; isa itong karangalan, at dapat mo itong tanggapin nang may kagalakan. Hindi ka mapapagod nang husto o hindi ka mamamatay sa sobrang pagkahapo sa gawaing ito. Sa kabaligtaran, kung maayos mong pangangasiwaan ang gawaing ito at gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya para magawa ito nang maayos, magiging payapa at matatag ang puso mo. Hindi madidismaya ang Diyos sa iyo, at kapag humarap ka sa Diyos, magkakaroon ka ng kumpiyansa at makakatayo nang nakataas-noo” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). “Hindi ang pagtapos ng isang malaking misyon, tungkulin, o responsabilidad ang pag-uusapan natin, pero kahit papaano, dapat may maisakatuparan ka. Halimbawa, sa iglesia, ibinubuhos ng ilang tao ang lahat ng kanilang pagsisikap sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, inilalaan ang lakas ng kanilang buong buhay, nagbabayad ng malaking halaga, at nakapagpapabalik-loob ng maraming tao. Dahil dito, pakiramdam nila ay hindi naging walang kabuluhan ang buhay nila, at na mayroon silang halaga at kapanatagan. Kapag nahaharap sa sakit o kamatayan, kapag ibinubuod ang kanilang buong buhay at ginugunita ang lahat ng kanilang ginawa, ang landas na kanilang tinahak, napapanatag ang kanilang puso. Hindi sila nakokonsensiya o nagsisisi. Ang ilang tao ay nagsisikap nang husto habang namumuno sa iglesia o habang nagiging responsable para sa isang partikular na aspekto ng gawain. Inilalabas nila ang kanilang pinakamalaking potensyal, ibinibigay ang lahat ng kanilang lakas, iginugugol ang lahat ng kanilang sigla at binabayaran ang halaga para sa gawain nila. Sa pamamagitan ng kanilang pagdidilig, pamumuno, tulong, at suporta, tinutulungan nila ang maraming tao, sa kabila ng sarili nilang mga kahinaan at pagkanegatibo, na maging matatag at na manindigan, na hindi umatras, at sa halip ay bumalik sa presensya ng Diyos at makapagpatotoo pa nga sa Kanya sa wakas. Higit pa rito, sa panahon ng kanilang pamumuno, naisasakatuparan nila ang maraming mahalagang gawain, inaalis ang higit sa iilang masamang tao, pinoprotektahan ang maraming hinirang ng Diyos, at binabawi ang ilang mabigat na kawalan. Ang lahat ng tagumpay na ito ay nagaganap sa panahon ng kanilang pamumuno. Sa pagbabalik-tanaw sa landas na kanilang tinahak, paggunita sa gawain nila at sa halagang binayad nila sa paglipas ng mga taon, wala silang nararamdamang pagsisisi o pagkakonsensiya. Wala silang nararamdamang pagsisisi tungkol sa paggawa ng mga bagay na ito at naniniwala sila na namuhay sila ng buhay na may halaga, at mayroon silang katatagan at ginhawa sa puso nila. Kamangha-mangha iyon! Hindi ba’t ito ang bungang nakamit nila? (Oo.) Ang pakiramdam na ito ng katatagan at kaginhawaan, ang kawalan ng pinagsisisihan, ang mga ito ang resulta at ani ng paghahangad sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Huwag nating taasahan ang ating ekspektasyon sa mg atao. Isaalang-alang natin ang isang sitwasyon kung saan nahaharap ang isang tao sa isang gampanin na dapat niyang gawin o handa siyang gawin sa kanyang buhay. Matapos mahanap ang kanyang lugar, matatag siyang naninindigan sa kanyang posisyon, pinanghahawakan ang kanyang posisyon, ginugugol ang lahat ng dugo ng puso niya at ang lahat ng enerhiya niya, at isinasakatuparan at tinatapos ang dapat niyang gawin at tapusin. Kapag sa wakas ay tumayo na siya sa harap ng Diyos upang magbigay-ulat, medyo nasisiyahan siya, walang paratang o pinagsisisihan sa kanyang puso. Naaalo siya at nararamdaman niyang may nakamit siya, na nakapamuhay siya ng buhay na may halaga” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (6)). Habang pinag-iisipan ko nang mabuti ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang layunin ng Diyos. Ibinigay sa akin ng Diyos ang mga kaloob at ang kakayahan, at binigyan ako ng pagkakataong maging superbisor sa pag-asang magbabayad ako ng halaga sa aking tungkulin, magiging masigasig at responsable sa aking mga kilos, at gagawin nang buong puso ang aking tungkulin. Sa ganitong paraan lamang magkakaroon ng kabuluhan ang aking buhay. Kung sa aking tungkulin ay palagi akong tamad at nagpapakasasa sa kaginhawahan, kung gayon, bagama’t hindi gaanong magdurusa ang aking laman, mapipinsala ko ang gawain. Ito ay isang bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Ngayon, umabot na ang gawain ng Diyos sa huling kritikal na sandali nito. Kung patuloy akong magpapakita ng pagsasaalang-alang sa laman at hindi ko gugugulin ang aking oras at lakas sa aking tungkulin, kung gayon, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, maiiwan ako na may walang hanggang mga pagsisisi. Kailangan kong ganap na baguhin ang saloobin ko sa aking tungkulin; maging masigasig at responsable sa aking mga kilos, at ibigay ang aking puso sa mga ito; kapag may natuklasan akong anumang problema, umasa sa Diyos at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito; at gumawa ng ilang tunay na gawain sa praktikal na paraan. Pagkatapos, nalaman at inimbestigahan ko talaga ang dahilan ng hindi magandang kalidad ng mga sermon. Pangunahin nitong dahilan na hindi lubos na naarok ng mga kapatid ang mga prinsipyo sa pagsasala ng mga sermon, at hindi nila mailapat ang kanilang natutunan. Bilang tugon sa mga problemang ito, nagsala ako ng ilang sermon at nag-aral ng mga prinsipyo kasama nila, at nagbahagi at iwinasto agad ang mga problema at paglihis nang matuklasan namin ang mga ito. Nagkamit kami ng ilang resulta sa aming mga tungkulin. Bagama’t nangailangan ito ng mas maraming oras at lakas, at nagdusa nang kaunti pa ang aking laman, payapa at panatag naman ang puso ko. Kasabay nito, sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga prinsipyo kasama ang mga miyembro ng pangkat, mas naunawaan ko rin ang mga ito. Lahat ng ito ay mga resultang nakamit sa pamamagitan ng aktuwal na pakikilahok sa gawain.
Pagkatapos, kinumusta ko ang gawain ng ibang pangkat habang nagtutuon ng atensiyon sa gawain ng pangkat na gumagawa ng sermon. Detalyado kong tinalakay sa mga kapatid ang mga prinsipyong ipinatupad ng mga lider, isa-isa, at pinag-usapan at nilutas ang anumang paglihis na natuklasan namin sa gawain sa tamang oras. Minsan, tinukoy ng mga lider na ang pangkat na gumagawa ng sermon ay nakatuon lang sa dami ng mga sermon na isusumite, hindi sa kalidad nito. Nangangahulugan ito na bagama’t marami silang ipinasang sermon, hindi maganda ang kalidad ng mga ito. Pagkabasa ko ng liham na ito, naisip ko, “Mayroon pa akong ilang gawaing kailangang ipatupad sa ngayon. Ang pagsulat sa pangkat ng sermon para ipaalam ito ay mangangailangan ng mas maraming oras at lakas, at mas magdurusa ang aking laman. Bakit hindi ko na lang sila kausapin sandali, kasama na ang nasa liham ng mga lider, at sabihan na lang silang mas pagtuunan ito ng pansin sa hinaharap?” Gayumpaman, pagkatapos ay nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Tuwing gusto mong magpabaya at iraos lamang ang gawain, tuwing gusto mong kumilos sa tusong paraan at maging tamad, at tuwing naaabala ka o mas ginugustong magpakasaya na lamang, dapat mong isaalang-alang: ‘Sa pagkilos nang ganito, ako ba ay nagiging di-mapagkakatiwalaan? Ganito ba ang pagsasapuso ko sa paggawa ng aking tungkulin? Ako ba ay nagiging di-tapat sa paggawa nito? Sa paggawa nito, nabibigo ba akong tuparin ang atas na naipagkatiwala ng Diyos sa akin?’ Ganito ka dapat magnilay sa sarili mo. Kung malalaman mo na ikaw ay palaging pabasta-basta sa iyong tungkulin, na ikaw ay hindi tapat, at na nasaktan mo ang Diyos, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihing, ‘Nadama ko sa sandaling iyon na may mali rito, pero hindi ko ito itinuring na problema; pinahapyawan ko lang iyon nang walang-ingat. Ngayon ko lang natanto na talagang ako ay naging pabasta-basta, na hindi ko natupad ang aking responsabilidad. Talagang wala akong konsensiya at katwiran!’ Natuklasan mo ang problema at nakilala mo nang kaunti ang iyong sarili—kaya ngayon, dapat mong baguhin nang lubusan ang sarili mo! Ang iyong saloobin sa pagganap sa iyong tungkulin ay mali. Nawalan ka ng ingat doon, tulad ng pagkakaroon ng dagdag na trabaho, at hindi mo isinapuso iyon. Kung muli kang pabasta-basta na katulad nito, dapat kang manalangin sa Diyos at hayaan Siyang disiplinahin at ituwid ka. Dapat magkaroon ka ng gayong kalooban sa paggawa ng iyong tungkulin. Saka ka lamang tunay na makapagsisisi. Makapagbabago ka lamang nang lubusan kapag malinis ang iyong konsensiya at nagbago na ang iyong saloobin sa pagganap mo sa iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong). Habang pinag-iisipan ko nang mabuti ko ang mga salita ng Diyos, naisip ko kung paanong dati ay masyado akong tamad sa paggawa ng aking tungkulin, at ayaw kong magdusa o maglaan ng maraming lakas ng pag-iisip, na nakaantala sa gawain. Ngayon, kailangan kong baguhin ang saloobin ko sa aking tungkulin, at hindi na maaaring palaging magpakasasa sa kaginhawahan tulad ng dati. Kailangan kong manalangin sa Diyos para maghimagsik laban sa laman, at tuparin ang mga responsabilidad na dapat kong gampanan. Pagkatapos niyon, sumulat ako ng liham para makipagbahaginan tungkol sa mga paglihis sa gawain ng pangkat at detalyadong tinukoy ang isang landas pasulong. Pagkaraan ng ilang panahon, naisaayos ang mga paglihis sa pangkat, at bumuti ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin kumpara sa dati. Bagama’t marami pa ring iba’t ibang aytem ng gawain, nabago ko na ang saloobin ko sa aking tungkulin, at inuuna ko na nang marapat ang aking gawain, aktuwal na nakikilahok, nangangasiwa, at sumusubaybay sa mga detalye ng gawain ng pangkat. Kapag dumarating sa amin ang mga paghihirap, pinamumunuan ko ang mga miyembro ng pangkat upang hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga paghihirap, at dahan-dahang nagsimulang bumuti ang gawain. Bagama’t nagbayad ng dagdag na halaga ang aking laman at nagdusa nang kaunti pa, payapa at panatag naman ang puso ko.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagnilay ako sa aking sarili at nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong kalikasan ng pagpapasasa sa kaginhawahan at katamaran. Sa hinaharap, dapat akong tumuon sa pangangasiwa at pagsubaybay sa mga detalye ng gawain ng pangkat, maayos na ginagawa ang aking tungkulin para mapalugod ang Diyos.