91. Hindi na Ako Nalulugmok sa Maling Pagkaunawa Dahil sa Aking Pagsalangsang
Noong 2011, tinanggap ko ang Makapangyarihang Diyos kasama ng aking ina. Dahil nag-aaral pa ako noon, tuwing Linggo lang ako nakakadalo sa mga pagtitipon. Noong 2016, pagkatapos kong mag-high school, pumunta ako sa iglesia para gawin ang aking mga tungkulin.
Noong Agosto 2018, bente-dos anyos na ako. Dahil palaging inuusig at inaaresto ng CCP ang mga Kristiyano, nagplano akong pumunta sa isang malaya at demokratikong bansa para manampalataya sa Diyos. Pero hindi ko inaasahan, naaresto ako sa airport. Para pilitin akong ipagkanulo ang impormasyon tungkol sa iglesia, pinatayo ako ng mga pulis nang magkadikit ang mga paa mula alas-sais ng umaga hanggang alas-dose ng hatinggabi araw-araw, sa loob ng anim o pitong araw nang tuloy-tuloy. Napakatagal kong nakatayo na nahilo ako, nanakit at namanhid ang mga binti ko, at bumilis ang paghinga ko. Tinakot din ako ng mga pulis, sinasabi na, “Kung hindi ka magsasalita, ibibitin ka namin at ipapatikim sa iyo ang ‘kambal na silab ng yelo at apoy.’ Papasuin ka muna namin gamit ang isang high-temperature machine, pagkatapos ay puwersahan ka naming paiinumin ng tubig, paulit-ulit namin itong gagawin. At pagkatapos niyon, hindi ka na makakapagsalita kahit gustuhin mo pa.” Nang maisip ko ang mga kapatid kong pinahirapan ng mga pulis, bigla akong nakaramdam ng takot sa puso ko, “Kakayanin ko kaya kung pahirapan nila ako?” Tahimik akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas at pananalig. Nang makitang hindi pa rin ako nagsasalita, idinukdok ng mga pulis ang ulo ko at itinapat ang nagbabagang upos ng sigarilyo sa mga butas ng ilong ko. Nalanghap ko ang makapal na usok at init, bumabara sa lalamunan ko, at pinasisikip ang paghinga ko, pakiramdam ko ay nasasakal ako. Sinunog din nila ang balat sa ilalim ng mga butas ng ilong ko, at nakaramdam ako ng matinding sakit. Pagkatapos, hinila nila pataas ang braso ko, sinindihan ang lighter, at pinaso ang braso ko gamit ang apoy nito. Agad kong sinubukang bawiin ang kamay ko, pero mahigpit itong hinawakan ng pulis at hindi ako hinayaang gumalaw. Pinaso nila ang mga braso ko sa mahahabang sandali, at pakiramdam ko ay may pumupunit sa balat ko. Hindi matitiis ang sakit, at pagkatapos pasuin ang mga braso ko, naiwanan ito ng mga ulser na kasinlaki ng itlog. Malisyoso pa ngang ngumiti ang mga pulis at tumingin nang masama, at napuno ako ng matinding galit, sama ng loob, at takot. Kahit ano ay kayang gawin ng mga diyablong ito, at hindi ko alam kung paano nila ako pahihirapan sa susunod. Hinang-hina ako at gusto kong umalis sa mala-impiyernong lugar na iyon sa lalong madaling panahon. Pero alam ko sa puso ko na hindi ako puwedeng maging Hudas at ipagkanulo ang mga kapatid ko para lang mapahaba ang kaawa-awa kong pag-iral. Kaya nanalangin ako sa Diyos sa puso ko, sumusumpang kahit mamatay ako, hindi ko ipagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hinding-hindi ako magiging Hudas. Pagkalipas ng ilang araw, isinama ng mga pulis ang pamilya ko para papirmahin ako sa “Tatlong mga Pahayag,” sinasabing palalayain nila ako kung pipirma ako. Ang tatay ko, na nalinlang ng malaking pulang dragon, ay nagsabing itatakwil niya ako bilang anak kung hindi ako pipirma. Alam kong pakana ito ni Satanas at tumanggi akong pumirma. Pagkatapos ay tinakot ako ng mga pulis, sinasabing, “Bibigyan ka namin ng isang huling pagkakataon ngayong gabi, pero kung hindi ka pa rin pipirma bukas, dadalhin ka namin sa isang lugar at gagawin namin ang nararapat sa iyo!” Natakot ako nang marinig ko ito, “Kaya nilang gawin ang kahit ano, lalo na pagdating sa mga nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, mas malupit pa sila. Kung patuloy akong tatanggi na pumirma, sino ang nakakaalam kung paano nila ako pahihirapan?” Nakakatakot isipin ang pagdurusang masahol pa sa kamatayan, “Paano kung hindi ko makayanan ang pagpapahirap at maging Hudas ako at ipagkanulo ang Diyos? Kung ganoon, sasalungatin ko ang disposisyon ng Diyos at hinding-hindi na ako magkakaroon muli ng pagkakataong maligtas. Kung pipirmahan ko ang ‘Tatlong mga Pahayag’ dahil sa talino ko, pero hindi naman ipagkakanulo ng puso ko ang Diyos, bibigyan kaya ako ng Diyos ng isa pang pagkakataon?” Sa huli, hindi ko nalampasan ang kahinaan sa loob ko at pinirmahan ko ang “Tatlong mga Pahayag.”
Pagkatapos kong pirmahan ang “Tatlong mga Pahayag,” pinauwi na ako ng mga pulis. Pagkauwi, hindi ako mapakali. Bagama’t naisip kong pumirma lang ako sa “Tatlong mga Pahayag” dahil sa talino, pumirma pa rin ako, at sa paningin ng Diyos, isa itong tanda ng pagkakanulo. Ililigtas pa kaya ako ng Diyos? Kalaunan, gusto akong isama ng tatay ko para magtrabaho, at nagsama pa siya ng mga kamag-anak at kaibigan mula sa malapit para hikayatin ako. Naisip ko, “Hindi ako puwedeng umalis. Kung aalis ako, hindi ako mahahanap ng mga brother at sister ko. Kung ganoon, hindi na ako magkakaroon muli ng pagkakataong bumalik sa sambahayan ng Diyos.” Pakiramdam ko ay para akong isang ibong ligaw, mag-isang naghihintay sa isang sagot na walang nakakaalam. Pagkalipas ng kalahating buwan, nahanap ako ng mga kapatid at nakipagbahaginan sila sa akin tungkol sa paggawa ng aking mga tungkulin. Nang makitang may pagkakataon pa akong bumalik sa sambahayan ng Diyos at gawin ang aking mga tungkulin, sobra akong naantig na halos maiyak ako, mabilis akong tumango bilang pagsang-ayon. Pagkatapos niyon, anuman ang tungkuling itinalaga sa akin ng iglesia, ginagawa ko ang lahat para tuparin ito. Pero paminsan-minsan ay naririnig ko ang mga kapatid na tinatalakay ang tungkol sa pagpirma sa “Tatlong mga Pahayag.” Sasabihin nila, “Hinding-hindi natin puwedeng pirmahan ang ‘Tatlong mga Pahayag.’ Ang pagpirma sa ‘Tatlong mga Pahayag’ ay pagkakanulo sa Diyos, at tinatatakan tayo nito ng tanda ng halimaw.” Tuwing naririnig ko ang mga salitang ito, parang pinipiga ang puso ko sa sakit, lalo na kapag nababasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Nakita ko na ang disposisyon ng Diyos ay matuwid, maringal, at hindi nalalabag, at hindi na muling magpapakita ng awa ang Diyos sa sinumang magkakanulo sa Kanya at susugat sa Kanyang puso. Naisip ko kung paano ko pinirmahan ang “Tatlong mga Pahayag” at ipinagkanulo ang Diyos, “Itiniwalag na ba ako ng Diyos? Ibig sabihin ba nito, kahit manampalataya ako hanggang sa dulo, hinding-hindi ako maliligtas ng Diyos?” Lalo na, sa mga video ng patotoong batay sa karanasan mula sa sambahayan ng Diyos, nakita ko ang mga kapatid na, matapos mahuli, ay nanindigan sa kanilang patotoo sa harap ng lahat ng uri ng pagpapahirap, matatag na tumatangging pumirma sa “Tatlong mga Pahayag.” Pero pumirma ako sa “Tatlong mga Pahayag” para maiwasan ang pagpapahirap. Hindi lang ako nabigong magpatotoo para sa Diyos, kundi nag-iwan pa ako ng tanda ng kahihiyan, hinahayaang tuyain ako ni Satanas. Pakiramdam ko, siguradong lubusan nang nadismaya sa akin ang Diyos. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nagiging negatibo, at parang sinasaksak ng patalim ang puso ko sa sakit. Hindi ko maiwasang isipin, “Sana ay hindi ko na lang pinirmahan ang ‘Tatlong mga Pahayag.’ Pero nangyari na ang nangyari. Parang tubig na naibuhos na at hindi na masasalin pabalik.” Kalaunan, sinimulang imbestigahan ng sambahayan ng Diyos ang mga pumirma sa “Tatlong mga Pahayag,” at nagsimula akong mag-alala na baka ako na ang susunod na papaalisin. Bagama’t sa huli ay hindi ako pinaalis, namuhay pa rin ako sa pagkanegatibo. Maraming beses, kapag nakikita ko ang mga kapatid na katuwang ko na nag-uusap tungkol sa pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan o sa buhay pagpasok, pakiramdam ko ay iba ako sa kanila, na silang lahat ay magkakapatid, at na lahat sila ay may pagkakataong hangarin ang katotohanan at maligtas. Pero iba ako. Ipinagkanulo ko ang Diyos, at siguradong lubusan na akong kinasusuklaman ng Diyos. Pakiramdam ko, ang mga taong tulad ko ay walang karapatang hangarin ang katotohanan, at na kahit manampalataya ako hanggang sa huli, magiging walang-saysay ang lahat, at baka isa lang akong trabahador, at wala nang kinalaman sa akin ang kaligtasan. Namuhay ako sa negatibong kalagayan, at araw-araw, walang buhay kong ginagawa ang aking mga tungkulin, habang ang puso ko ay puno ng di-maipaliwanag na pasakit. Noong panahong iyon, madalas akong makinig sa isang himno ng mga salita ng Diyos, ang “Kung Isa Kang Tagapagserbisyo.” Tinatanong tayo ng Diyos: “Kung tunay kang isang taga-serbisyo, makakapaglingkod ka ba sa Akin nang matapat, nang walang anumang bahid ng pagpapabaya o pagiging negatibo? Kung malaman mong hindi kita napahalagahan kailanman, makakayanan mo pa rin bang manatili at maglingkod sa Akin habambuhay?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil (2)). Tuwing naririnig ko ang kantang ito, labis akong naaantig. Isa akong nilikha, at ang pananampalataya sa Diyos at paggawa ng aking mga tungkulin ay ganap na likas at may katwiran, at kahit ayaw na sa akin ng Diyos, mananampalataya pa rin ako sa Kanya hanggang sa wakas. Hangga’t may isa pa akong araw para gawin ang aking mga tungkulin, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para matupad ang aking mga tungkulin!
Isang araw, nakakita ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na perpektong tumugon sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May isa pang sanhi kung bakit nalulugmok ang mga tao sa emosyon ng pagkalumbay, at ito ay na may ilang partikular na bagay na nangyayari sa mga tao kapag wala pa sila sa hustong gulang o pagkatapos nilang tumuntong sa hustong gulang, ibig sabihin, gumagawa sila ng mga paglabag o ng mga bagay na walang kabuluhan, mga bagay na pawang kahangalan, at mga bagay na pawang kamangmangan. Nalulumbay sila dahil sa mga paglabag na ito, dahil sa mga bagay na kanilang ginawa na pawang walang kabuluhan at mangmang. Ang ganitong uri ng pagkalumbay ay isang pagkondena sa sarili, at ito rin ay isang uri ng pagtukoy sa kung anong uri sila ng tao. … Ang ilang tao ay nagagawa minsan na bitiwan at talikdan ang kanilang emosyon na pagkalumbay. Ibinubuhos nila ang kanilang sinseridad at ang lahat ng kanilang enerhiya at ginagamit ang mga ito sa pagganap ng kanilang tungkulin, mga obligasyon, at responsabilidad, at nagagawa pa nga nilang buong puso at isip na hangarin ang katotohanan at pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos, at pinagsusumikapan nila nang husto ang mga salita ng Diyos. Gayunpaman, sa sandaling may maganap na espesyal na sitwasyon o pangyayari, muli silang nalulumbay, at nararamdaman nilang muli sa kaibuturan ng kanilang puso na sila ay may sala. Iniisip nila, ‘Ginawa mo ang bagay na iyon dati, at ganoon kang uri ng tao noon. Makapagkakamit ka ba ng kaligtasan? May saysay pa ba ang pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang tingin ng Diyos sa nagawa mo? Patatawarin ka ba ng Diyos sa nagawa mo? Mapapatawad ba ang paglabag na iyon sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga sa ganitong paraan?’ Madalas nilang pinupuna ang kanilang sarili at sa loob-loob nila ay nadarama nila na may sala sila, at palagi silang nagdududa, palaging ginigisa sa pagtatanong ang kanilang sarili. Hindi nila kailanman matalikdan o maiwaksi ang emosyong ito ng pagkalumbay at palagi silang nababagabag sa nakakahiyang bagay na kanilang nagawa. Kaya, bagamat maraming taon na silang nananalig sa Diyos, tila ba hindi nila napakinggan o naunawaan ang anumang sinabi ng Diyos. Para bang hindi nila alam kung ang pagkakamit ng kaligtasan ay may kinalaman sa kanila, kung maaari ba silang mapatawad at matubos, o kung sila ba ay kwalipikado na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang Kanyang pagliligtas. Wala silang kaalam-alam tungkol sa lahat ng bagay na ito. Dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang mga kasagutan, at dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang tumpak na hatol, sa kaibuturan nila ay palagi silang nalulumbay. Sa kaibuturan ng kanilang puso, paulit-ulit nilang naaalala ang kanilang ginawa, paulit-ulit nila itong iniisip, inaalala nila kung paano ito nagsimula at kung paano ito nagwakas, inaalala nila ang lahat mula simula hanggang wakas. Paano man nila ito maalala, palagi nilang nadarama na makasalanan sila, kaya palagi silang nalulumbaytungkol sa bagay na ito sa loob ng maraming taon. Kahit na kapag sila ay gumaganap sa kanilang tungkulin, kahit na kapag sila ay namumuno sa isang partikular na gawain, pakiramdam pa rin nila na wala silang pag-asa na mailigtas. Samakatuwid, hindi nila kailanman direktang hinaharap ang usapin ng paghahangad sa katotohanan at itinuturing ito bilang isang bagay na pinakatama at pinakamahalaga. Naniniwala sila na ang kanilang mga pagkakamali o ang mga bagay na kanilang nagawa sa nakaraan ay hindi maganda sa paningin ng karamihan, o na maaaring sila ay makondena at kasuklaman ng mga tao, o na makondena pa nga ng Diyos. Nasa anong yugto man ang gawain ng Diyos o gaano man karami ang Kanyang sinabi, hindi nila kailanman hinaharap ang usapin ng paghahangad sa katotohanan sa tamang paraan. Bakit ganito? Wala silang lakas ng loob na talikdan ang kanilang pagkalumbay. Ito ang panghuling konklusyon ng ganitong uri ng tao mula sa kanyang karanasan sa ganitong uri ng bagay, at dahil hindi tama ang kanyang konklusyon, hindi niya kayang talikdan ang kanyang pagkalumbay” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)). Inilarawan ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Mula nang pirmahan ko ang “Tatlong mga Pahayag,” para nang tinik sa puso ko ang bagay na iyon, at madalas kong maramdaman ang pagkasawi ng puso ko at ang pagkabagabag dahil dito. Hindi lang isang beses kong tinanong ang sarili ko, “Dahil pinirmahan ko na ang ‘Tatlong mga Pahayag’ at natatakan na ako ng tanda ng halimaw, ililigtas pa kaya ng Diyos ang isang tulad ko? Gusto ng Diyos ng mga taong makapagpapatotoo para sa Kanya, pero hindi na nga ako nakapagpatotoo para sa Diyos, pumirma pa ako sa ‘Tatlong mga Pahayag’ at ipinagkanulo ang Diyos, at naging tanda ako ng kahihiyan. Itiniwalag na kaya ako ng Diyos?” Sa tuwing ganito ang naiisip ko, parang hinihiwa ng patalim ang puso ko. Hindi ko na nga alam kung ano pa ang sasabihin sa mga panalangin ko. Bagama’t binigyan pa rin ako ng pagkakataon ng iglesia na gawin ang aking mga tungkulin, at lubos akong nagpapasalamat at gustong tapusin ang mga iyon sa abot ng aking makakaya, hindi pa rin talaga maalis ang pagkabalisa sa puso ko. Tuwing naririnig ko ang mga kapatid na pinag-uusapan ang mga pumirma sa “Tatlong mga Pahayag,” bahagyang kumikirot ang puso ko. Nang makita ang mga karanasan ng mga kapatid na nanindigan sa kanilang patotoo matapos maaresto, lalo pa nitong pinakirot at pinasakit ang puso ko. Naisip kong ang mga taong ito ay sinang-ayunan ng Diyos, pero pumirma ako sa “Tatlong mga Pahayag” at ipinagkanulo ko ang Diyos, kaya hindi ako naging karapat-dapat sa Kanyang pagliligtas. Dahil hindi ko maiwaksi ang anino ng pagpirma sa “Tatlong mga Pahayag,” madalas akong namumuhay sa negatibong kalagayan, at hindi ako makakuha ng sigla para hangarin ang katotohanan o magkaroon ng buhay pagpasok. Pakiramdam ko ay para akong isang katawang walang kaluluwa, na ang alam lang ay tapusin ang mga gawain sa bawat araw. Tila sa maayos lang na paggawa ng mga bagay-bagay ako makakabawi sa aking mga pagsalangsang, at doon lang makakaramdam ng kaunting kaginhawahan ang puso ko. Habang pinag-iisipan ko nang mabuti ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi naman pala inalis ng Diyos ang pagkakataon kong hangarin ang katotohanan. Pinahintulutan pa nga Niya akong magsanay sa paggawa ng tungkulin ng isang lider. Kung itiniwalag ako ng Diyos, paano pa ako magkakaroon ng pagkakataong gawin ang tungkulin ko? Lalong hindi ko na matatamasa ang pagdidilig at pagtutustos ng mga salita ng Diyos kung ganoon. Pero patuloy akong nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos at nagsasayang ng napakahabang panahon sa pamumuhay sa pagkanegatibo! Kung magpapatuloy akong maging ganito kanegatibo, hindi ang Diyos ang magtitiwalag sa akin, kundi ako mismo ang magtitiwalag sa sarili ko. Kailangan kong pagnilayang mabuti ang aking sarili at hanapin ang katotohanan para makaalis sa negatibong kalagayang ito.
Kalaunan, nakakita ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa aking mahanap ang ugat ng problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nananampalataya ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t umiiral ito sa puso ng lahat? Isang katunayan na umiiral nga ito. Bagama’t hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at ninanais na magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay kailanman ay hindi matinag-tinag. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang kaalaman na batay sa karanasan ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang halagang binabayaran nila, hinding-hindi nila binibitawan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagpapakapagod para dito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung mawawala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Marahil, habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin o ipinamumuhay ang buhay ng iglesia, nararamdaman nilang nagagawa nilang talikdan ang kanilang mga pamilya at masayang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na mayroon na silang kaalaman ngayon tungkol sa kanilang motibasyon na tumanggap ng mga pagpapala, at naisantabi na nila ang motibasyong ito, at hindi na sila napamumunuan o napipigilan nito. Pagkatapos, iniisip nilang wala na silang motibasyon pa na mapagpala, pero kabaligtaran ang pinaniniwalaan ng Diyos. Mababaw lang kung tingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay. Kapag walang mga pagsubok, maganda ang pakiramdam nila sa kanilang sarili. Basta’t hindi sila umaalis sa iglesia o hindi itinatatwa ang pangalan ng Diyos, at nagpupursigi silang gumugol para sa Diyos, naniniwala silang nagbago na sila. Pakiramdam nila ay hindi na personal na kasiglahan o pabugso-bugsong damdamin ang nagtutulak sa kanila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sa halip, naniniwala silang kaya na nilang hangarin ang katotohanan, at kaya na nilang patuloy na hanapin at isagawa ang katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nang sa gayon ay nadadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nakakamit nila ang ilang tunay na pagbabago. Gayumpaman, kapag may mga nangyayari na tuwirang may kinalaman sa hantungan at kalalabasan ng mga tao, paano sila umaasal? Nahahayag ang katotohanan sa kabuuan nito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Inilantad ng Diyos ang tunay kong kalagayan. Ang pagkanegatibong naramdaman ko ay kontrolado ng aking mga hangarin para sa mga pagpapala. Matapos kong matagpuan ang Diyos, naging masigasig ako sa paggugol ng aking sarili para sa Kanya. Dumating ako sa sambahayan ng Diyos pagkatapos na pagkatapos ng high school para gawin ang aking mga tungkulin nang full-time, iniisip na kung magpapatuloy akong maghangad tulad nito, tiyak na makakapasok ako sa kaharian at matatamasa ang mga pagpapala ng kaharian ng langit. Nang mahuli ako at pumirma sa “Tatlong mga Pahayag” dahil sa takot sa pagpapahirap, pakiramdam ko ay wala na akong pag-asang makatanggap pa ng mga pagpapala, at nagsimulang lumitaw ang lahat ng pagdududa at maling pagkaunawa ko sa Diyos. Napaisip ako, “Matapos pumirma sa ‘Tatlong mga Pahayag,’ mapapatawad pa kaya ako ng Diyos? Kung hindi ako ililigtas ng Diyos, may pag-asa pa ba akong pagpalain? Kung walang pag-asang pagpalain, ano pa ang silbi ng pananampalataya hanggang sa huli?” Naging sobrang negatibo ko sa loob-loob ko. Lalo na kalaunan, nang siyasatin ng mga lider ang tungkol sa pagpirma ko sa “Tatlong mga Pahayag,” nagsimula akong maghinala na baka paalisin ako anumang oras, at pakiramdam ko, kahit na natatamasa ko pa ang pagtutustos ng salita ng Diyos at nagagawa ang aking mga tungkulin, hindi ko matatakasan ang kapalaran na matiwalag. Akala ko wala na akong pag-asang makatanggap ng mga pagpapala, at para bang dinudurog ng mabigat na bato ang puso ko. Pakiramdam ko ay para akong nawalan ng kaluluwa, madalas akong nababalot ng pagkanegatibo at pasakit, at wala akong siglang gawin ang aking mga tungkulin o hangarin ang katotohanan. Nakita ko na napakatindi ng pagnanais ko sa mga pagpapala. Sa lahat ng taon na ito, ang mga paggugol at sakripisyo ko ay hindi para palugurin ang Diyos, kundi para subukang makipagtawaran sa Kanya. Kapag may mapapala, ginaganahan ako sa aking mga tungkulin, pero kapag hindi ako makakatanggap ng mga pagpapala, sobra-sobra akong nagiging negatibo. Ano ang ipinagkaiba ng paghahangad ko sa mga hindi mananampalataya? Kung iisipin, isa lang akong nilikha, ni hindi karapat-dapat sa alabok, pero nagagawa kong pumunta sa sambahayan ng Diyos, gawin ang aking mga tungkulin, at tamasahin ang lahat ng katotohanang Kanyang ipinapahayag. Sobra-sobra na ang natanggap ko mula sa Diyos. Pero wala akong kahit katiting na pasasalamat sa lahat ng ibinigay sa akin ng Diyos. Walang kahihiyan pa akong humingi sa Diyos ng mga pagpapala ng kaharian ng langit, at kung hindi ako makatanggap ng mga pagpapala, naging sobrang negatibo ko na hindi ko na maibangon ang sarili ko. Talagang wala akong pagkatao! Nang mapagtanto ito, lubos akong nagsisi, kaya nanalangin ako sa Diyos, handang bitiwan ang aking mga intensyon para sa mga pagpapala at magsisi.
Pagkatapos niyon, nagbasa ako ng dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa Kanyang layunin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Karamihan sa mga tao ay sumalangsang at dinungisan ang kanilang sarili sa ilang partikular na paraan. Halimbawa, ang ilang tao ay lumaban sa Diyos at nagsalita ng mga kalapastanganang bagay; tinanggihan ng ilang tao ang atas ng Diyos at hindi ginampanan ang kanilang tungkulin, at itinaboy ng Diyos; ipinagkanulo ng ilang tao ang Diyos nang maharap sila sa mga tukso; ipinagkanulo ng ilan ang Diyos nang lagdaan nila ang ‘Tatlong Pahayag’ noong arestuhin sila; ang ilan ay nagnakaw ng mga handog; ang ilan ay naglustay ng mga handog; ang ilan ay ginulo nang madalas ang buhay-iglesia at nagdulot ng pinsala sa mga taong hinirang ng Diyos; ang ilan ay bumuo ng mga pangkat at pinagmalupitan ang iba, kaya nagkagulo sa iglesia; ang ilan ay madalas na nagpakalat ng mga kuru-kuro at kamatayan, na nakapinsala sa mga kapatid; at ang ilan ay gumawa ng kalaswaan at kahalayan, at naging masamang impluwensiya. Sapat nang sabihin na lahat ay may kani-kanyang mga paglabag at dungis. Pero nagagawa ng ilang tao na tanggapin ang katotohanan at magsisi, samantalang ang iba ay hindi at mamamatay bago magsisi. Kaya dapat tratuhin ang mga tao ayon sa kanilang kalikasang diwa at sa kanilang hindi nagbabagong pag-uugali. Ang mga puwedeng magsisi ay ang mga tunay na nananalig sa Diyos; pero para sa mga ayaw talagang magsisi, ang mga dapat alisin at patalsikin ay aalisin at patatalsikin. … Ang pakikitungo ng Diyos sa bawat tao ay batay sa mga aktuwal na sitwasyon ng kalagayan at kinalakhan ng taong iyon sa panahong iyon, pati na sa mga kilos at pag-uugali ng taong iyon at sa kanyang kalikasang diwa. Hindi kailanman gagawan ng Diyos ng masama ang sinuman. Isang panig ito ng pagiging matuwid ng Diyos. Halimbawa, tinukso ng ahas si Eba na kainin ang bunga ng punong-kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, pero hindi siya sinisi ni Jehova sa pagsasabing, ‘Sinabihan kita na huwag kainin iyon, kaya bakit ginawa mo pa rin ito? Dapat ay mayroon kang pagkilatis; dapat alam mo na nagsalita lamang ang ahas para tuksuhin ka.’ Hindi pinagalitan ni Jehova nang gayon si Eba. Dahil ang mga tao ay likha ng Diyos, alam Niya kung ano ang kanilang mga likas na gawi at kung ano ang kayang gawin ng mga likas na gawing iyon, hanggang saan kayang kontrolin ng mga tao ang kanilang sarili, at hanggang saan makakarating ang mga tao. Alam na alam ng Diyos ang lahat ng ito. Ang pakikitungo ng Diyos sa isang tao ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao. Kapag ang Kanyang saloobin ukol sa isang tao ay pagkamuhi o pagkasuklam, o pagdating sa sinasabi ng taong ito sa isang partikular na konteksto, nauunawaan Niyang mabuti ang mga kalagayan nito. Ito ay dahil masusing sinisiyasat ng Diyos ang puso at diwa ng tao. Palaging iniisip ng mga tao, ‘Ang Kanyang pagka-Diyos lamang ang taglay ng Diyos. Siya ay matuwid at hindi pinalalampas ang pagkakasala ng tao. Hindi Niya isinasaalang-alang ang mga paghihirap ng tao o inilalagay ang Kanyang sarili sa sitwasyon ng mga tao. Kung lalabanan ng isang tao ang Diyos, parurusahan Niya ito.’ Hindi talaga ganoon ang mga bagay-bagay. Kung ganoon ang pagkaunawa ng isang tao sa Kanyang pagiging matuwid, Kanyang gawain, at Kanyang pagtrato sa mga tao, maling-mali ang taong ito. Ang pagtatakda ng Diyos sa kalalabasan ng bawat tao ay hindi batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kundi sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Gagantihan Niya ang bawat tao ayon sa nagawa nila. Ang Diyos ay matuwid, at sa malao’t madali, titiyakin Niya na lahat ng tao ay lubusang nakumbinsi” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “May kuwento sa Bibliya tungkol sa pagbabalik ng alibughang anak—bakit ginamit ng Panginoong Jesus ang gayong parabula? Ito ay para ipaunawa sa mga tao na ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay taos-puso, at na binibigyan Niya ang mga tao ng pagkakataon na magsisi at magbago. Sa buong prosesong ito, nauunawaan ng Diyos ang tao, alam na alam Niya ang kanilang mga kahinaan at ang antas ng kanilang katiwalian. Alam Niyang madarapa at mabibigo ang mga tao. Tulad lamang ng isang batang nag-aaral na maglakad, gaano man kalakas ang kanilang katawan, palaging may mga pagkakataon na matutumba at madarapa sila, at may mga pagkakataong tatama sila sa mga bagay at matatalisod. Nauunawaan ng Diyos ang bawat tao tulad ng pagkaunawa ng isang ina sa kanyang anak. Nauunawaan niya ang mga paghihirap ng bawat tao, ang kanilang mga kahinaan, at kanilang mga pangangailangan. Higit pa roon, nauunawaan ng Diyos kung anu-ano ang mga paghihirap, kahinaan, at kabiguang kahaharapin ng mga tao sa proseso ng pagpasok sa pagbabagong disposisyonal. Ang mga ito ang mga bagay na nauunawaang mabuti ng Diyos. Ibig sabihin nito ay sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Gaano ka man kahina, basta’t hindi mo itinatakwil ang pangalan ng Diyos, o tinatalikuran Siya at ang landas na ito, lagi kang magkakaroon ng pagkakataong magtamo ng pagbabago sa disposisyon. Kung mayroon ka ng pagkakataong ito, may pag-asa kang manatiling buhay, at sa gayon ay mailigtas ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi humahatol ang Diyos kung maliligtas ba ang isang tao batay sa kanyang panandaliang pag-uugali, ni hindi Niya kinokondena o itinitiwalag ang isang tao batay sa pagsalangsang na dulot ng isang insidente. Alam ng Diyos ang ating tayog at talagang nauunawaan Niya ang ating mga kahinaan. Sinusukat ng Diyos ang isang tao na pangunahing nakabatay sa palagiang pag-uugali ng taong ito at kung kaya nitong tanggapin ang katotohanan. Kung naging mabuti ang pag-uugali nito sa pangkalahatan, at kung pagkatapos gumawa ng isang pagsalangsang ay kaya nitong tanggapin ang katotohanan at tunay na magsisi, magkakaroon ng habag at magpapakita ng pagtitimpi ang Diyos sa taong ito. Katulad ni David, na napuno ng pagsisisi matapos angkinin ang asawa ni Urias, at pagkatapos niyon, hindi na siya kailanman nakiapid. Kahit noong matanda na siya, may isang dalagang dinala para painitin siya, pero hindi niya ito hinipo. Bagama’t sumalangsang si David, taos-puso siyang nagsisi, at sinang-ayunan pa rin siya ng Diyos. May ilang kapatid na pinatalsik dahil sa pagtahak sa landas ng isang anticristo, at dahil sa matinding panggugulo sa gawain ng iglesia, pero pagkatapos, tunay silang nagsisi at muling tinanggap sa sambahayan ng Diyos, at nagsulat pa sila ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan na nagpapatotoo sa gawain ng pagliligtas ng Diyos sa kanila. Mula sa kanila, nakita ko na ang pagliligtas ang saloobin ng Diyos sa mga tunay na nagsisisi at kayang tumanggap sa katotohanan. Sa kabaligtaran, para sa mga palaging hindi maganda ang pagganap, hindi tumatanggap sa katotohanan, o hindi tunay na nagsisi, ang saloobin ng Diyos ay kondenahin at itiwalag sila. Halimbawa, may ilang taong pumirma sa “Tatlong mga Pahayag” na pagkatapos ay walang anumang pagkaunawa o pagsisisi sa kanilang pagkakanulo sa Diyos, at ipinagkanulo rin nila ang iglesia at ang kanilang mga kapatid. Hindi na binibigyan ng Diyos ng karagdagang pagkakataon ang gayong mga tao dahil tutol sila sa katotohanan at wala silang konsensiya o katwiran. Naisip ko kung paano ako sandaling nanghina at pumirma sa “Tatlong mga Pahayag,” pero pagkatapos, sinisi ko ang aking sarili at nanghinayang, at ginusto kong magsisi at magbago. Tinasa ng iglesia na naging mabuti naman ang pangkalahatan kong pag-uugali, at na isa pa, hindi pa ako matagal na gumagawa ng aking tungkulin, mababaw ang aking karanasan, at maliit ang aking tayog, at pagkatapos pumirma sa “Tatlong mga Pahayag,” tunay akong nagsisisi, kaya binigyan nila ako ng isa pang pagkakataon. Ito ay habag ng Diyos. Pero hindi ko naunawaan ang disposisyon ng Diyos at patuloy akong nagkamali ng pagkaunawa sa Kanya, iniisip na nagtatrabaho lang ako at ititiwalag ako kapag tapos na akong magtrabaho. Ganap kong itinanggi ang katuwiran ng Diyos, at itinanggi ko rin ang Kanyang hangarin na iligtas ang sangkatauhan hanggang sa sukdulan. Napagtanto kong sa aking pananalig, hindi ko kilala ang Diyos kahit kaunti. Talagang bulag ako! Inakala kong ang Diyos ay tulad ng mga tiwaling tao. Hindi ba ito kalapastanganan laban sa Diyos? Kung magpapatuloy ako nang ganito, hinding-hindi ako makakatanggap ng kapatawaran ng Diyos. Kailangan kong tularan ang halimbawa ni David, harapin nang mahinahon ang aking mga pagsalangsang, at tunay na magsisi, at hindi alintana kung ililigtas man ako o ititiwalag ng Diyos sa huli, kailangan kong magpasakop at tanggapin ito, at hindi mag-alala tungkol sa aking sariling kinabukasan o landas.
Pagkatapos, napaisip ako, “Ano ba talaga ang ugat ng pagkabigo ko sa pagpirma sa ‘Tatlong mga Pahayag’ matapos akong maaresto?” Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahangad ang mga bagay na iyon na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling malabis na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw ay napakawalang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahangad sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay pawang mga hayop? Hindi ba’t ang mga patay na walang mga espiritu ay mga naglalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting gawain lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa ang iyong mga kaisipan ay masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung hindi mo kayang makamtan ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? … Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tunay na daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang anuman. Handa ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano pang silbi na mabuhay ang mga gayong tao? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi mo hinahangad ang anumang layon; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na humarap sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas sa ganitong paraan, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tunay na daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahangad” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). “Sa kasalukuyan, bawat tao sa mundo ay sumasailalim sa mga pagsubok, maging ang Diyos ay nagdurusa, kaya naaangkop ba na hindi ka magdusa? … Ang ilang tao ay nahaharap sa pasakit ng pamilya, ang ilan ay nahaharap sa pasakit ng pag-aasawa, at ang ilan ay nagdurusa sa pang-uusig, ni wala man lang matitirhan. Saan man sila magpunta, tahanan iyon ng iba, at nakararamdam sila ng kirot sa puso nila. Hindi ba’t ang pasakit na nararanasan ninyo ngayon ay ang pasakit na naranasan ng Diyos? Nagdurusa kayo kasama ng Diyos, at sinasamahan ng Diyos ang mga tao sa pagdurusa. Kayong lahat ay may parte sa kapighatian, kaharian, at pagtitiis ni Cristo ngayon, at magkakamit kayo ng kaluwalhatian sa huli! Makabuluhan ang paghihirap na ito. Hindi ba’t ganoon naman ito? Hindi maaaring wala ka ng kaloobang ito. Kailangan mong maunawaan ang kabuluhan ng pagdurusa ngayon at kung bakit labis kang nagdurusa. Kailangan mong hanapin ang katotohanan at maunawaan ang layunin ng Diyos, at pagkatapos ay magkakaroon ka ng kaloobang magdusa” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang ugat sa likod ng pagpirma ko sa “Tatlong mga Pahayag” ay dahil masyado kong pinahalagahan ang aking laman. Sinunod ko ang satanikong batas ng kaligtasan na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at inuna ko ang mga interes ng sarili kong laman higit sa lahat. Sa pananampalataya sa Diyos, ninais kong walang maging anumang paghihirap o pasakit, at na hindi magdusa ang aking laman, at higit pa, na hindi na kailangang makaranas ng anumang mga pagsubok o kapighatian. Kaya nang pagbantaan ng pagpapahirap ng malaking pulang dragon, ang nasa isip ko ay hindi kung paano manindigan sa aking patotoo, kundi sa halip ay ang aking takot sa pagpapahirap at pagdurusa. Natakot akong hindi ko makayanan ang pagpapahirap at maging isang Hudas, at naisip kong mas mabuting pumirma na lang sa “Tatlong mga Pahayag.” Tila medyo positibo ang aking mga iniisip, pero sa totoo lang, ang tanging nasa isip ko ay kung paano poprotektahan ang aking sarili, at ayaw kong magdusa ang aking laman kahit kaunti. Alam na alam kong ang pagpirma sa “Tatlong mga Pahayag” ay pagkakanulo sa Diyos, pero nagawa ko pa ring pahabain ang kahabag-habag kong buhay sa pamamagitan ng pakikipagkompromiso at pagsuko sa diyablo. Walang pinagkaiba ang mga kilos ko sa mga kilos ni Hudas. Kapag natapos na ang gawain ng Diyos, kung patuloy ko pa ring labis na pahahalagahan ang aking laman at mabibigo akong magbigay ng tunay na patotoo, hindi na nga ako ililigtas ng Diyos, paulit-ulit ko pang lalabanan at ipagkakanulo ang Diyos para palugurin ang aking laman, at sa huli, tiyak na masasadlak ako sa perdisyon at mamamatay kasama ni Satanas! Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko rin na para maligtas ang isang tao sa pananalig, kailangan niyang magtiis ng maraming pagdurusa. Sa pamamagitan lamang ng mga sitwasyong puno ng pagdurusa, magkakaroon tayo ng tunay na pananalig sa Diyos. Katulad ni Pedro na sumunod sa Panginoong Jesus—nakaranas siya ng daan-daang pagsubok at pagpipino sa buong buhay niya, at hinangad niyang mahalin ang Diyos sa mga pagpipinong ito, at sa huli, natamo niya ang sukdulang pagmamahal sa Diyos at pagpapasakop hanggang kamatayan, at ipinako siya nang patiwarik sa krus para sa Diyos, naging unang tao sa lahat ng kapanahunan na ginawang perpekto ng Diyos. Nariyan din si Job, na humarap sa mga pagsubok. Sa isang iglap ay nawala sa kanya ang kanyang malaking kayamanan at mga anak, napuno ng mga pigsa ang kanyang katawan, pero nagawa pa ring magpasakop ni Job sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at manindigan sa kanyang patotoo para sa Diyos, sinisindak si Satanas, at naging isang tunay na malayang tao. Kung ikukumpara sa kanila, balewala ako. Takot na takot ako at nakipagkompromiso kay Satanas kahit hindi pa ako nakakaranas ng matinding pagpapahirap. Para akong isang bulaklak sa greenhouse na hindi makayanan ang kaunting hangin o ulan. Talagang napakahina ko! Kailangan kong hangarin ang katotohanan at hindi na pagbigyan pa ang laman, at nanumpa ako na kung isang araw ay muli akong maaresto, kahit maging masahol pa sa kamatayan ang buhay, maninindigan ako sa aking patotoo.
Noong katapusan ng Hulyo 2024, kararating ko lang sa Iglesia ng Dongyang nang biglang nakaranas ng malawakang pag-aresto ang kalapit na iglesia, at hinikayat kami ng mga lider na agarang tumulong sa paglilipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos. Nang makapaglipat kami ng ilang taguan ng libro, pinaghinalaan nang sinusundan ang tsuper. Bukod pa rito, ang brother na katuwang ko ay nalantad din sa mga potensyal na panganib sa sitwasyong ito dahil sa pakikisalamuha niya sa tsuper. Sa harap ng sitwasyong ito, takot na takot ako. Naisip ko kung paanong matagal na akong sinusundan ng mga pulis noon pa man at muntik na akong maaresto, at kung paanong ipinagkanulo rin ako ng isang Hudas at na ako ay pangunahing puntirya ng mga pulis para arestuhin. Sa puntong ito, naitago ko lang ang aking sarili, pero may mga panganib sa kaligtasan ng aking kapareha. Pakiramdam ko, kung kami ang puntirya, hindi ako makakatakas, at kung mahuli ako ng mga pulis, tiyak na hindi nila ako palalampasin. Pero nang maisip ko ang pagsalangsang na nagawa ko noong huling beses na naaresto ako at pumirma sa “Tatlong mga Pahayag,” nagkaroon ako ng matinding damdamin sa aking puso, “Kung mahuhuli talaga ako, isinusumpa kong hinding-hindi ko itatanggi ang Diyos, at tiyak na magpapatotoo ako sa Diyos!” Nang mag-isip ako nang ganito, hindi na napigilan ng sitwasyong ito ang puso ko. Bukod dito, kung mahuhuli man ako o hindi ay nasa mga kamay ng Diyos, at kailangan kong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kailangang gumawa ng angkop na mga pagsasaayos para sa mga libro, kailangang agarang maipatupad ang iba’t ibang gampanin, at kailangan kong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kaya habang nakikipag-ugnayan ako sa aking kapareha para tanungin, alamin, at talakayin ang paglilipat ng mga libro, sumulat ako ng liham sa iglesia para kumustahin ang pag-usad ng paglilipat ng mga libro. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, mas naging panatag ang puso ko. Ang pagbabago at mga benepisyo na natamo ko ay hindi maihihiwalay sa patnubay ng mga salita ng Diyos. Taos-puso akong nagpapasalamat sa Diyos!