96. Sa Pagiging Matapat, Nagkamit Ako ng Kapayapaan at Kagalakan

Ni Yang Cheng, Tsina

Hindi gaanong nakaaangat sa buhay ang pamilya ko: Walang anumang partikular na kasanayan o hanapbuhay ang mga magulang ko kaya sa pagsasaka lang sila kumukuha ng ikinabubuhay. May pabrika sa tabi ng aming nayon, at kumikita rin doon ng kaunting pera ang tatay ko. Kahit maliit lang ang kita nila, sapat na iyon para itaguyod ang aming pamilyang may limang miyembro. Gayumpaman, noong kakalabindalawang taong gulang ko pa lang, hindi ako kontento rito at lalo kong kinainggitan ang buhay ng mayayaman. Mayroon akong isang matalik na kaibigan na may malaking trak ang pamilya. Sila ang isa sa pinakaangat ang buhay sa lahat ng pamilya sa aming nayon, at kinaiinggitan sila ng lahat. Madalas na nakikipag-usap ang mga kamag-anak ko sa pamilyang ito kapag mayroon silang mga isyu. Nagpasya ako na paglaki ko, kailangan kong kumita ng mas maraming pera at mamuhay tulad ng pamilya nila. Talagang tumatak sa puso ko ang pagnanais na iyon. Hindi maganda ang mga grado ko noong nag-aaral ako, kaya nagtrabaho ako sa isang construction site para kumita ng pera pagkatapos kong magtapos ng elementarya. Nagsimula akong matuto ng pagkakarpintero noong labimpitong taon ako. Unti-unti, sa ilalim ng impluwensiya ng pagkokondisyon ng lipunan, naging mga motto ko ang “Una ang pera” at “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” at lalo pang nagpatindi ang mga ito sa pagnanais ko para sa pera.

Nagtrabaho ako para sa isang karpintero sa loob ng ilang taon pero hindi ako masyadong kumita. Naisip ko, “Kung magpapatuloy ako nang ganito, kailan pa ako makapamumuhay nang hahangaan ako ng mga tao?” Kaya, humanap ako ng ibang landas at naging sarili kong boss, gumagawa ng interior renovation. Noong una, para makakuha ng mas maraming trabaho, ibinaba ko nang husto ang aking singil at bumili ako ng materyales kasama ang mga kostumer, nagtatrabaho nang mabuti para magawa ko nang maayos ang trabaho. Kapag mahina ang kalidad ng mga materyales na dala ng may-ari ng tindahan ng mga materyales para sa konstruksiyon, pinapapalitan ko sa kanya ng magagandang materyales. Labis na nagpapasalamat ang mga kostumer ko dahil sa pagiging maalalahanin ko sa kanila. Maganda ang kalidad ng aming gawain at mababa ang singil ko, kaya pinuri kami ng aming mga kostumer, at unti-unti, dumami ang aming kliyente. Kalaunan, ang may-ari ng tindahan ng mga materyales para sa konstruksiyon ay partikular akong niyaya sa isang hapunan upang magkaroon ng mas maraming suki. Tinanong niya ako, “Magkano ang ibinibigay na komisyon sa iyo ng ibang mga boss kapag bumibili ka ng materyales?” Nagtanong ako nang may pagtataka, “Anong komisyon? Walang nagbibigay sa akin ng anuman.” Nagulat ang may-ari at sinabi, “Masyado ka namang inosente. Magkano ang kikitain mo kung ganyan ka magtrabaho? Anong panahon na ba ngayon? Kailangan mong sumabay sa takbo ng panahon! Sabi nga nila, ‘Walang kayamanan ang walang kalakip na katusuhan.’ Normal lang ang pangungumisyon sa kahit anong industriya. Karaniwan, gumagastos ang mga kostumer ng sampu hanggang dalawampung libong yuan sa mga materyales kapag nagpapagawa ng renobasyon ng bahay. Puwede kang mangumisyon ng isa o dalawang libo mula doon. Kikitain mo nang walang kahirap-hirap, laway lang ang puhunan. Bakit mo pa papalagpasin? Ganito na lang, magdala ka ng mga kostumer sa akin, at nangangako akong tutulungan kang kumita ng sampu-sampung libo pa sa isang taon.” Nang una ko itong marinig, naisip kong maganda ngang paraan iyon para kumita, pero naisip ko, “Hindi ba panloloko ito sa mga kostumer?” Naramdaman kong hindi ito kaya ng konsensiya ko, kaya sinabi ko, “Hindi ito uubra. Karamihan sa mga kostumer ko, ipinakilala lang ng mga kakilala. Kapag nalaman nilang niloloko ko sila, masisira itong negosyo ko!” Kumpiyansang sinabi ng boss, “Ilang dekada ko nang ginagawa ito, at wala pa ni isang kostumer na naghanap sa akin para magreklamo, kaya huwag kang mag-alala! Kailangan mong baguhin ang diskarte mo, kung hindi, hindi ka kikita. Sabi nga nila, ‘Hangal lang ang tumatanggi sa pera.’ Pag-isipan mo. Hindi ba totoo?” Naisip kong may punto ang sinabi niya, at mas malaki ang kikitain ko kung makikipagtulungan ako sa kanya. Saka, kung magpapatuloy akong magtrabaho nang matapat, kailan ko makakamit ang nakaiinggit at de-kalidad na buhay na hinahangad ko? Isa pa, iyong mga kasabayan ko sa trabaho, lahat sila ay nakakotse, na mukhang napakagarbo, at hinahangaan din sila ng mga kostumer. Sa kabilang banda, kahit gaano kaliit ang kompanya ko, boss din naman ako, pero nakamotor nga lang. Masyadong nakakababa ng pagkatao! Nang maisip ko ito, pumayag ako sa gusto niya. Pagkaraan ng ilang araw, lumapit sa akin ang kamag-anak ng kaibigan ko dahil kailangan niyang ipaayos ang opisina niya, at ipinakiusap niyang ako na ang bumili ng mga materyales. Sinabi sa akin ng may-ari ng tindahan ng mga materyales para sa konstruksiyon, “Bihira lang ang pagkakataong ito. Kung patutungan mo nang kaunti ang presyo para sa kanya, mas malaki ang magiging komisyon mo.” Pakiramdam ko ay hindi ito kakayanin ng konsensiya ko. Pero nang makita niyang hindi ko ito kayang gawin, sinabi niya, “Masyado kang matapat; sino pa ba ang nagseseryoso sa konsensiya ngayon? Kahit na makatipid ka para sa kostumer, hindi ka pa rin niya pupurihin. Huwag kang mag-alala, hindi siya makakahalata sa listahan ng binili.” Pero medyo nag-aalangan pa rin ako, kaya pumayag lang akong kumuha ng mas maliit na komisyon. Pagkatapos, pumunta sa kompanya ang may-ari ng tindahan ng materyales at iniabot ang listahan ng binili sa kamag-anak ng kaibigan ko. Nag-alala akong baka may matuklasan siya, at ang puso ko ay kumakabog na parang may mga kabayong nag-uunahan. Naisip ko, “Matalinong tao ang kamag-anak ng kaibigan ko. Kung malalaman niyang may kalokohan dito, hindi ba at ganap akong mapapahiya?” Dahil kinakabahan ako, hindi ako makapangahas na tumingin nang deretso sa kamag-anak ng kaibigan ko. Noong nababalisa ako, tinanong niya ako, “Sinuri mo na ba ang lahat ng materyales?” Naisip ko, “May nakita kaya siyang mali?” Medyo natakot ako, at nakokonsensiya kong sinabi, “Oo, nasuri ko na.” Sa hindi inaasahan, tiningnan niya lang ang presyo at pinirmahan iyon, at direktang sinabihan ang may-ari na nagdala ng mga materyales na pumunta sa departamento ng pananalapi para kunin ang bayad. Sa sandaling iyon, medyo napalagay ako. Naisip ko, “Mas mabuting huwag nang masyadong gumawa ng mga bagay na gaya nito na labag sa konsensiya. Kung gagawin mo, hindi ka patatahimikin ng konsensiya mo!”

Pagkatapos, binigyan ako ng komisyon na 2,800 yuan ng may-ari ng tindahan ng materyales para sa konstruksiyon at inilibre niya rin akong kumain. Tiningnan ko ang perang madali kong nakuha at naisip ko, “Kumita ako ng ganito kalaking pera sa pagsasalita lang, nang walang kahirap-hirap. Totoo nga pala ang kasabihang ‘Walang kayamanan ang walang kalakip na katusuhan.’ Maliit na proyekto lang ito. Kung makakakuha ako ng ilang malalaking proyekto, gaano pa kaya kalaking pera ang kikitain ko? Kung magpapatuloy ako nang ganito, tiyak na magiging malaki ang kita ko. Sa loob lang ng ilang taon, magbubuhay-mayaman na ako.” Gayumpaman, kapag naiisip kong ito ay perang kinita ko sa pagkakanulo ng aking reputasyon, hindi pa rin ako mapakali. Sa kabilang banda, kung magtatrabaho lang ako nang matapat tulad ng dati, hindi talaga ako kikita nang malaki. Nagtalo ang kalooban ko sa loob ng ilang araw, at sa huli, habang tinitingnan ang perang abot-kamay ko na, pinili ko pa rin ang pakinabang. Mula noon, naging motto ko na ang “Walang kayamanan ang walang kalakip na katusuhan.” Para kumita ng mas maraming pera at mamuhay nang marangya, palagi kong nililinlang ang aking mga kostumer at gumagawa ako ng mga bagay na labag sa aking konsensiya.

Minsan, bumili ako ng isang talaksan ng mga tabla na mababa ang kalidad at sinabi ko sa mga trabahador, “Kapag dumating ang kostumer, huwag muna kayong magsisimulang magtrabaho. Huwag ninyong ipapakita sa kanila ang materyales na ginagamit ninyo.” Pero sa gitna ng trabaho, biglang dumating ang kostumer. Matindi ang kabog ng dibdib ko at pinagpapawisan ang mga palad ko; takot na takot akong makita ng kostumer ang mga kapintasan. Kung matutuklasan ito, hindi lang mawawala ang bayad sa akin, kundi pati na rin ang perang ginastos ko sa materyales. Sa kabutihang-palad, hindi ito napansin ng mamimili noong panahong iyon. Pag-uwi ko galing sa trabaho, nag-alala pa rin ako, “Pupunta kaya ang kostumer sa site sa gabi? Paano kung makita niyang may problema sa mga materyales?” Palagi akong hindi mapakali, at hindi ako napapanatag hangga’t hindi natatapos ang trabaho at nabayaran na nila ang lahat. Unti-unti, palaki nang palaki ang kinikita kong pera, at hindi lang ako nakabili ng bahay at nakaipon, kundi nakatanggap din ako ng inggit at papuri mula sa aking mga kamag-anak at kaibigan. Noong mga panahong wala akong pera, kapag nakakakita ako ng mga kakilala, kinakausap ko sila pero hindi nila ako pinapansin. Ngayon, kapag nakikita nila ako, sila ang palaging unang bumabati sa akin, at sinasalubong ako nang nakangiti. Minsan humihingi ako ng tulong sa kanila, at karamihan sa kanila ay agad na pumapayag. Naramdaman ko na ang mga kasabihang, “Hindi kalahatan ang pera, ngunit kapag wala ito, wala kang magagawa,” at “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” ay totoo nga. Pero minsan, humihinto ako at iniisip ko kung paanong kahit na kumita ako ng pera at bumili ng kotse sa pamamagitan ng paglabag sa aking konsensiya sa mga nakaraang taon, hindi naman ako gaanong masaya. Sa halip, namumuhay ako sa gitna ng mga pag-aalala at agam-agam buong araw. Kung malalaman ng mga kostumer ang mga ginawa kong hindi etikal, tiyak na duduruin nila ako at papagalitan. Hindi ko kayang isipin kung ano ang magiging eksena. Taga-iisang bayan lang kami ng mga kostumer ko, kaya lagi kaming nagkikita, pero minsan kapag nakakasalubong ko sila, hindi ako nangangahas na tumingin sa kanila nang deretso. Hindi ko maalis sa isip ko ang panunumbat at mga akusasyon ng aking konsensiya, at minsan, napapanaginipan ko pa na pinupuntahan ako sa bahay ng mga kostuner, na nagigising akong takot na takot sa gabi. Minsan naiisip ko rin, “Huwag nang manloko ng mga tao. Mas mabuting bumalik sa kung paano ako dati, ginagawa ang trabaho nang matapat at maayos. Ayos lang kahit kaunti lang ang kitain ko.” Pero pagkatapos ay naisip kong kakailanganin ng mga anak ko ang pera para sa iba’t ibang bagay kapag lumaki na sila, saka, kung walang pera, bababa rin ang antas ng materyal na pamumuhay ko. Medyo hindi ako pumapayag at naiipit ako sa isang alanganing sitwasyon. Madalas akong mapabuntong-hininga, “Bakit napakasakit mabuhay?”

Noong Oktubre 2013, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at nagsimula akong mamuhay ng buhay iglesia. Sa mga pagtitipon, natuklasan kong lahat ng mga kapatid ay bukas na naglalahad ng niloloob nila, at tinatalakay ang katiwaliang ibinubunyag nila sa kanilang buhay. Ito ay isang bagay na hindi mo makikita sa lipunan. Minsan sa isang pagtitipon, isang sister ang nagbahagi ng kanyang karanasan sa pagiging matapat na tao. Nang ikuwento niya kung paano sila nagsinungaling at nanloko ng mga tao ng kanyang asawa para makabenta, sinabi ko nang may empatiya, “Palala nang palala ang mga tao sa mundong ito. Puro na lang lokohan, niloloko mo ako, niloloko kita. Katulad ko, kung tapat lang akong magtatrabaho sa konstruksiyon, hindi talaga ako kikita. Kailangan mong gumamit ng mga pakana at manloko para kumita ng mas malaki.” Sabi ng sister, “Bunga lang lahat ito ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao. Itinutulak tayo nito na mamuhay sa kasalanan, mawala ang ating mga pangunahing hangganan sa pag-asal, at halos hindi na natin maramdaman ang ating mga konsensiya.” Noong panahong iyon, nagbasa kami ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa anong mga aspeto ng tao ginagamit ni Satanas ang bawat isa sa mga kalakarang ito para gawin silang tiwali? Ginagawang tiwali ni Satanas higit sa lahat ang konsiyensya, diwa, pagkatao, moralidad, at mga pananaw sa buhay ng tao. At hindi ba unti-unting pinabababa at ginagawang tiwali ng mga kalakarang ito sa lipunan ang mga tao? Ginagamit ni Satanas ang mga kalakarang panlipunang ito upang hakbang-hakbang na akitin ang mga tao sa pugad ng mga diyablo, nang sa gayon ay hindi namamalayan ng mga tao na sumasamba sila sa salapi, mga materyal na pagnanasa, kasamaan, at karahasan sa mga panlipunang kalakaran. Sa sandaling ang mga bagay na ito ay makapasok sa puso ng tao, nagiging ano kung gayon ang tao? Ang tao ay nagiging isang diablo at Satanas! Bakit? Ito ay dahil sa anong sikolohikal na pagkahilig sa puso ng tao? Ano ang itinataguyod ng tao? Nagsisimulang magustuhan ng tao ang kasamaan at karahasan, na hindi nagpapakita ng anumang pagmamahal sa kagandahan at kabutihan, lalo na sa kapayapaan. Hindi handa ang mga taong mamuhay ng isang simpleng buhay sa normal na pagkatao, sa halip nais na tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, ang magpakasaya sa mga pagnanasa ng laman, na hindi nag-aatubiling bigyang-kasiyahan ang sarili nilang laman, nang walang mga limitasyon o mga gapos; sa madaling salita, ginagawa ang anumang naisin nila. … Wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga tao, wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya, wala nang anumang pagkakaunawaan sa mga magkakamag-anak at magkakaibigan; ang mga ugnayang pantao ay puno ng karahasan. Nais gamitin ng bawat isang tao ang mararahas na pamamaraan upang mabuhay sa gitna ng kanilang kapwa tao; sinasamsam nila ang sarili nilang kabuhayan gamit ang karahasan; nakakamit nila ang kanilang mga posisyon at ang kanilang mga kita gamit ang karahasan, at ginagawa nila ang anumang naisin nila gamit ang mararahas at mga buktot na paraan. Hindi ba nakakatakot ang ganitong sangkatauhan?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan kong ginagamit ni Satanas ang kasikatan, pakinabang, at pera para tuksuhin tayo, at gawing mahalaga sa atin ang pera nang higit sa lahat. Para makakuha ng pera at hangaan ng iba, wala tayong prinsipyo at nanloloko ng iba kahit laban sa ating konsensiya. Nawawala ang lahat ng pagmamahal sa pamilya at pagkakaibigan, at naglalaho ang lahat ng konsensiya at katwiran. Naisip ko kung paanong noong nagsisimula pa lang akong magnegosyo, kaya ko pang matapat na kumita ng pera, pero nang makita kong nanloloko ang ibang tao kaya kumikita ng malaking pera, nagtatamasa ng magandang materyal na buhay, at hinahangaan, nagsimula akong magpadala sa agos at ipinagkanulo ang aking konsensiya, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para lokohin ang aking mga kostumer. Hindi lang ako kumuha ng komisyon, dinaya ko rin ang mga materyales. Kahit kumita naman ako, lahat ng perang iyon ay nakuha sa pamamagitan ng panloloko at panlilinlang, at hindi talaga ako masaya sa puso ko. Sa halip, lagi akong kinakabahan buong araw. Ang lahat pala ng ito ay mga kahihinatnan ng pagtiwali ni Satanas sa sangkatauhan.

Kalaunan, nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos: “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga matapat. Sa diwa, tapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na matapat sa Kanya. Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, hindi pagiging huwad sa Diyos sa anumang bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay na mga pagtatangka lang upang makuha ang pabor ng Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan kong ang Diyos ay tapat at banal. Nagsasalita ang Diyos nang may lubos na katapatan, at dalisay sa Kanyang mga salita, at gusto Niya ang matatapat na tao. Umaasa ang Diyos na palagi tayong magsasalita at kikilos alinsunod sa Kanyang mga salita, magiging prangka at direkta, hindi sinusubukang lokohin ang Diyos o ang mga tao. Sa ganitong paraan lamang natin maisasabuhay ang wangis ng tao at masasang-ayunan ng Diyos. Nang maunawaan ko ang layunin ng Diyos, nalaman kong dapat kong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos kapag gumagawa ng trabaho ng konstruksiyon at maging matapat sa lahat ng aking kostumer. Naisip ko kung paano ako nagsisinungaling at nanloloko sa buong araw para kumita ng pera sa mga nakaraang taon, at umasal sa paraang nagkakanulo sa aking konsensiya. Nagdulot ito ng pagkasuklam at pagkapoot ng Diyos. Kaya, una kong sinimulang isagawa ang pagiging matapat na tao sa maliliit na proyekto sa pamamagitan ng hindi paniningil nang sobra sa mga kostumer o pandaraya sa trabaho o materyales. Sa pagtatrabaho nang ganito, mas napalagay ako, at nakaramdam ako ng kaunti pang kapayapaan at kapanatagan.

Gayumpaman, pagtagal-tagal, napagtanto kong hindi talaga ako kikita ng pera sa ganitong paraan. Naisip ko ang katunayang ang mga tao sa bawat industriya ay nanlilinlang at nanloloko, at labis na nagtalo ang kalooban ko. Hindi ko alam kung paano magsagawa. Matapos ang ilang pag-aalinlangan, pinili ko na naman ang aking personal na mga interes. Naisip ko, “Kailangan ng panahon para maging matapat na tao. Hindi pa huli para isagawa ang pagiging matapat na tao sa hinaharap.” Minsan, pinalitan ko ng mas mababang kalidad na materyales iyong magaganda, gumagamit ng ordinaryo at imitasyon ng de-kalidad na materyales noong gumagawa ako ng renobasyon para sa isang kostumer. Hindi nagtagal, aksidenteng nababad ng kostumer sa tubig ang lugar na naayos na, at dahil doon, luminaw ang mga problema sa kalidad. Napansin ng kostumer na hindi maganda ang kalidad ng mga materyales na ginamit ko, kaya iginiit niyang ibawas ang 10,000 yuan sa bayarin noong nagbabayad na siya. Kahit ganoon, hindi pa rin ako nagising sa katotohanan. Sa katagalan, isang may-ari ng tindahan ng damit ang nagpadekorasyon sa akin ng harapan ng kanyang tindahan. Batay sa aking karanasan, medyo madalas na pinapalitan ang harapan ng isang tindahan ng damit. Naisip ko, “Kahit hindi ko siya bigyan ng magagandang materyales, hindi niya mahahalata, at mas malaki ang kikitain ko. Puwede ko ring gamitin ang proyektong ito para mabawi ang sampung libong yuan na nalugi sa akin dati.” Kaya, gumamit ako ng mga ordinaryong materyales para sa kanya. Habang ginagawa ang trabaho, sinabi ng isang trabahador, “Boss, ang galing mo talagang magnegosyo. Ang mga panel na ginagamit mo ay hindi lang aluminum-plastic composite, kundi mga hilaw pang materyales. Malaki siguro ang kita mo sa proyektong ito, ano?” Galit kong sinabi, “Kung hindi ko ito gagawin, babayaran mo ba ang nalugi sa akin dati?” Noong panahong iyon, ang tanging iniisip ko lang ay kumita ng pera, at manhid na ang puso ko. Mabilis na natapos ang proyekto, pero bago pa mabayaran, tumawag ang kostumer at sinabing may nahulog na panel at muntik nang makatama ng tao. Pagdating ko roon, galit na sinabi ng may-ari ng tindahan ng damit, “Gumamit ka ng mababang uri ng materyales sa trabaho ko. Kaya, paano natin aayusin ang bayarin?” Wala akong nagawa kundi umamin sa pagkakamali at humingi ng paumanhin, “Aayusin ko agad ito para sa iyo. Ang sisingilin ko lang ay para sa materyales, hindi na para sa trabaho.” Pumayag din ang kostumer. Pagkatapos, hindi ko maiwasang mapaisip sa pagkalito, “Bakit palaging may maling nangyayari nitong mga araw na ito? Gusto ko sanang samantalahin ang pagkakataong ito para makabawi sa mga nalugi sa akin, pero ngayon, palaki nang palaki ang pagkalugi. Mabuti na lang at walang natamaan sa pagkakataong ito, kung hindi, malaking gulo sana.” Noong panahong iyon, nagsimula akong mag-isip-isip, “Alam na alam kong mahal ng Diyos ang matatapat na tao, pero kapag gumagawa ako ng mga renobasyon, ipinipilit ko pa ring manloko ng tao. Ano kaya ang sanhi nito?”

Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at medyo naliwanagan ang puso ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong posisyon? Bakit ka mayroong gayong katitinding damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Kaya, ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Mula sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ginagamit ni Satanas ang iba’t ibang lason tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Una ang pera,” at “Walang kayamanan ang walang kalakip na katusuhan” para tuksuhin at gawing tiwali ang mga tao. Kapag namumuhay ang mga tao ayon sa mga bagay na ito, lalo silang nagiging makasarili at kasuklam-suklam, at tanging pakinabang na lang ang inuuna. Mula mga bansa at nasyon hanggang sa mga pamilya at indibidwal, handang magbayad ang lahat ng anumang halaga para sa kanilang sariling mga interes. Nanloloko sila, nandaraya, at tinutugunan ang kanilang sariling mga pagnanais kahit na kapalit pa nito ang mga interes ng iba. Nauubos ang kanilang konsensiya at nawawala ang kanilang pagkatao. Noong una, kaya ko pang gumawa ng renobasyon batay sa aking konsensiya, at handa akong mas magdusa pa para magtrabaho nang mabuti para sa aking mga kostumer. Bagama’t medyo nakapapagod, payapa at panatag naman ang puso ko. Kalaunan, nakita ko ang mga tao sa aking industriya na lahat ay de-kotse at kumikita ng mahigit isandaang libong yuan sa loob ng isang taon, at labis akong nainggit. Para makuha ang paghanga ng iba at mamuhay nang de-kalidad, nandaya ako at nangumisyon nang labag sa aking konsensiya. Gumamit ako ng imitasyon ng mga de-kalidad na materyales para ipasa ang mabababang kalidad na produkto bilang magaganda, at hindi ako tumigil kahit nang mabisto na ako ng aking mga kostumer; hindi ko isinuko ang aking paghahangad sa pera kahit na labag ito sa aking konsensiya. Nakita kong ganap na akong nilamon ng agos ng kasamaan. Tinalikuran ko ang mga pangunahing hangganan ng aking pag-asal para sa personal na pakinabang, walang pakundangang dinaya ang aking mga kostumer, at lalo akong naging makasarili at sakim, nawalan ng integridad at dignidad. Sa mga taon na iyon, bagama’t kumita ako ng pera sa pamamagitan ng panloloko, hindi ako naging masaya sa aking mga araw. Sa tuwing naiisip kong nanloloko ako ng mga tao, nahihirapan ang aking puso, at hindi ko magawang harapin ang aking mga kaibigan. Palagi kong nararamdaman na balisa ang puso ko at sinisisi ako ng aking konsensiya. Hindi man lang ako makatulog nang mahimbing sa gabi, at minsan ay nagigising akong takot dahil sa mga bangungot. Matapos akong magsimulang manampalataya sa Diyos, alam na alam kong mahal ng Diyos ang matatapat na tao at ang matatapat na tao lamang ang maliligtas at makapapasok sa kaharian ng Diyos. Gayumpaman, para bang sinapian ng demonyo ang puso ko, at naging mapanlinlang ako para sa tubo, namumuhay sa gitna ng kasalanan at hindi ko mapalaya ang aking sarili. Kung hindi dahil sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, hindi ko mauunawaan ang kabigatan ng pagsisinungaling at panloloko. Patuloy sana akong lulubog nang lulubog sa agos ng kasamaan, kumikita ng perang galing sa masama sa paglabag sa aking konsensiya. Sa huli, mapipinsala lamang ako ni Satanas, at bababa sa impiyerno kasama nito upang maparusahan. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso para sa Kanyang pagliligtas, at lihim na nagpasyang hindi na manlilinlang o manloloko pa ng aking mga kostumer. Kailangan kong magsalita nang matapat, gumawa nang matapat, at maging isang taong may integridad at dignidad.

Pagkaraan ng ilang panahon, dumating sa akin ang tukso. Sa pamamagitan ng isang kakilala, kumuha ako ng isang proyekto na nagkakahalaga ng 70,000 yuan. Ang kliyente ay nasa dadalawampuin at walang alam tungkol sa dekorasyon. Nagkasundo kami ng kliyente na hindi siya magbabayad ayon sa badyet ng kompanya, kundi ibabase ang singil sa dami ng materyales na ginamit sa proyekto. Nang magkasundo kami, sinimulan namin ang trabaho. Bihirang pumunta sa site ang kliyente, at naisip ko, “Napakagandang pagkakataon nito. Sa pandaraya sa trabaho o materyales, makakatipid ako ng libo-libong yuan para punuin ang sarili kong bulsa.” Pero naisip ko rin, “Kailangan kong maging matapat na tao at tumigil sa pagsisinungaling at panloloko.” Gayumpaman, sa puso ko, hindi ko pa rin kayang bitawan ang magandang pagkakataong ito para kumita ng pera. “Kung isasagawa ko ang pagiging matapat, mawawala ang perang ito na abot-kamay ko na. Saka, bihira lang ang ganitong pagkakataon, at kapag pinalampas ko ito, hindi ko na alam kung kailan ulit darating ang ganito.” Noong hindi ko alam kung ano ang pipiliin, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng lakas sa aking puso. Sabi ng Diyos: “Na hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ay nagpapatunay na talagang kinasusuklaman Niya ang mga taong mapanlinlang at hindi Niya gusto ang mga ito. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, sa kanilang mga disposisyon, at pati sa kanilang mga intensyon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas—sapagkat hindi nagpapakita ang Diyos ng pagkiling sa sinuman, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong kalugod-lugod sa Diyos, una ay dapat nating baguhin ang ating mga prinsipyo ng sariling asal, tumigil sa pamumuhay nang ayon sa mga satanikong pilosopiya, tumigil sa pag-asa sa pagsisinungaling at panlilinlang para maipamuhay ang ating buhay, at iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at subukang maging matatapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). Pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga taong mapanlinlang at mandaraya. Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay maging matapat sila. Hinihingi Niya na ang mga tao ay maging prangka at direkta sa lahat ng kanilang sinasabi at ginagawa, nang walang panlilinlang o pandaraya. Kailangan kong sanayin ang sarili kong maging matapat na tao, at kailangan kong tumigil sa pagiging mapanlinlang at sa pandaraya. Kaya, matapat kong kinuwenta ang mga materyales na kailangan. Nang malapit nang matapos ang proyekto, sa kuwenta ko ay 57,000 yuan lang ang nagastos, at may mahigit 10,000 na natira. Katumbas ito ng isang buwang sahod para sa dalawang empleyado. Pinag-isipan kong mabuti kung dapat ko bang itago ang natirang pera o sabihin ang totoo sa kostumer, o siguro ay hatiin sa dalawa, kalahati sa akin, kalahati sa kanya—makatwiran naman siguro iyon. Dahil mura ang mga materyales na binili ko, walang nasayang sa proyekto, at natulungan ko siyang makatipid. Pero noong ginagawa ko ang invoice, hindi mapakali ang puso ko. Napagtanto kong sinusubukan ko na namang manloko, at naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Nasa tabi mo ang Diyos, inoobserbahan ang bawat salita at kilos mo, at minamatyagan ang lahat ng ginagawa mo at ang mga pagbabagong nagaganap sa iyong isipan—ito ay gawain ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). Hindi ko maiwasang makaramdam ng kaunting takot; para kasing nasa tabi ko ang Diyos at pinagmamasdan ako. Muling ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na maging matapat na tao at huwag magsinungaling o manloko para sa pera. Kaya, mabilis kong siningil sa kostumer ang aktuwal na halaga. Nagpapasalamat na sinabi ng kostumer, “Salamat nang marami rito! Nakatipid ako dahil sa iyo. Tama ang taong nilapitan ko sa pagkakataong ito. Kung hindi tapat ang nakuha ko, mas malaki sana ang nagastos ko.” Nang marinig ko siyang sabihin iyon, sobrang saya at panatag ng puso ko.

Pagkatapos niyon, minsan kapag may malaking potensiyal na kita sa mga proyekto sa konstruksiyon, sumasagi pa rin sa isip kong manlinlang at manloko para kumita ng mas malaki, pero nagdarasal ako sa Diyos at nagsasagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos, sinasanay ang sarili kong maging matapat na tao. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, naging napakapanatag ng puso ko, at mas marami akong nakuha na proyekto kaysa dati. At 80% ng mga ito ay resulta ng pagrerekomenda ng ibang mga kostumer. Pinuri kami ng aming mga kostumer sa pagiging matapat, sa paggawa ng magandang trabaho, at sa paggamit ng magagandang materyales. Hindi nila kailangang bantayan kami palagi habang nagtatrabaho, at lubos silang nagtitiwala sa trabahong ginagawa namin. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pag-aabot ng Kanyang kamay ng kaligtasan sa akin at sa pagliligtas sa akin mula sa kumunoy ng kasalanan. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!

Sinundan:  94. Binitiwan Ko Na ang Aking Pagnanais para sa Katayuan

Sumunod:  97. Mga Pagninilay Matapos Kong Tanggihan ang Aking Tungkulin

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger