97. Mga Pagninilay Matapos Kong Tanggihan ang Aking Tungkulin

Ni Wu Yu, Tsina

Nitong mga nakaraang taon, ginagawa ko ang gawain ng pag-aalis sa iglesia, at nakita ko ang ilang superbisor na sunod-sunod na tinatanggal, at ang ilan naman ay pinapaalis. Partikular na, dalawang dating superbisor ang mayroong mahusay na kakayahan at kapabilidad sa gawain, at malawak ang saklaw ng mga responsabilidad nila. Naging superbisor sila sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon pero tinanggal sila dahil hindi sila gumawa ng tunay na gawain at hindi nila tinanggap ang katotohanan. Dahil dito, naisip kong masyadong mapanganib ang maging isang superbisor. Ang pagiging superbisor ay nangangahulugang malawak ang saklaw ng mga responsabilidad mo at marami kang problemang haharapin, at kapag hindi mo ito nagawa nang maayos, magdudulot ka ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia at makakagawa ka ng mga pagsalangsang, kaya may posibilidad na matanggal ka o mabunyag at matiwalag. Naisip kong mas mabuting maging miyembro na lang ng pangkat, dahil mas kaunti ang panganib at hindi gaanong maraming iisipin, pero may pag-asa ka pa ring maligtas.

Noong unang bahagi ng Agosto 2023, kinailangang pumunta sa ibang lugar ng superbisor para gawin ang kanyang tungkulin, at, habang nasa isang pagtitipon, bigla niyang hiniling sa akin na ako na ang pumalit sa kanyang gawain. Naisip ko, “Bilang miyembro ng pangkat, may isang taong namamahala para tumulong sa pagpapasya at paggabay sa gawain, kaya hindi ako makakagawa ng anumang malaking kasamaan at pagkatapos ay mabubunyag at matitiwalag. Iba kapag superbisor. Kailangan mong maging responsable para sa pangkalahatang gawain, at marami kang problemang kinakaharap at malalaking responsabilidad na inaako. Kung hindi ko mapapangasiwaan nang maayos ang mga bagay-bagay at magdudulot ako ng paggambala sa gawain ng iglesia, makakagawa ako ng mga pagsalangsang. Kung marami akong maging masasamang gawa, hindi ba’t mabubunyag at matitiwalag ako, at mawawala ang pagkakataon kong maligtas? Mas mabuting maging miyembro na lang ng pangkat, para hindi ko kailangang pasanin ang anumang malalaking responsabilidad. Ligtas at panatag, at may pag-asa akong maligtas.” Nang maisip ko ito, tumanggi ako, idinahilan kong karaniwan lang ang kakayahan ko, limitado ang kapabilidad ko sa gawain, at hindi ako karapat-dapat na linangin. Pagkatapos niyon, dalawang beses pang sumulat sa akin ang superbisor at hiniling na pag-isipan ko ito. Magulo ang puso ko, at naipit ako sa isang alanganing sitwasyon, “Ang hindi pagtanggap ay pagsuway, pero kung tatanggapin ko naman, dahil sa bawat pagkakataon ay sangkot sa gawain ng pag-aalis ang mga prinsipyo, kapag hindi ko ito napangasiwaan nang maayos at lumabag ako sa mga prinsipyo, makakagawa ako ng mga pagsalangsang at masasamang gawa. Kung mababaw lang, matatanggal ako, pero kung malubha, baka mapatalsik pa ako. Hindi lang masisira ang reputasyon at katayuan ko, kundi baka malagay rin sa alanganin ang pagkakataon kong magkaroon ng magandang kinalabasan at hantungan.” Pagkatapos ng matagal na pag-iisip, sa huli ay tumanggi pa rin ako. Sinabi sa akin ng superbisor, “Nang bumoto ang mga kapatid, ikaw ang may pinakamaraming boto. Kailangan mong hanapin ang layunin ng Diyos.” Wala akong masabi. Sa puso ko, pakiramdam ko ay nahahati ako sa dalawa, at paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, nang dumating sa akin ang bagay na ito, alam ko sa puso ko na dapat akong magpasakop, pero talagang nahihirapan akong magpasakop. Natatakot ako na hindi ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko bilang superbisor, na magagambala at magugulo ko ang gawain ng iglesia, at mabubunyag at matitiwalag ako. Hindi ko alam kung anong mga katotohanan ang dapat kong pasukin para makatakas sa mahirap na kalagayang ito. Nakikiusap po ako sa Iyo, akayin Mo ako!”

Isang beses, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang umantig sa puso ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paano ka dapat kumilos nang ayon sa konsensiya? Kumilos ka nang mula sa sinseridad, at maging karapat-dapat sa kabaitan ng Diyos, sa pagbibigay sa iyo ng Diyos ng buhay na ito, at sa pagkakataong ito na ibinigay ng Diyos upang matamo ang kaligtasan. Epekto ba iyon ng iyong konsensiya? Sa sandaling matugunan mo na ang pinakamababa sa mga pamantayan na ito, makakamit mo na ang proteksiyon at hindi ka makagagawa ng matitinding pagkakamali. Hindi ka madaling makagagawa ng mga bagay upang maghimagsik laban sa Diyos o susukuan ang tungkulin mo, ni manganganib na kumilos nang pabasta-basta. Hindi ka rin masyadong magbabalak ng pakana para sa iyong sariling katayuan, kasikatan, pakinabang, at kinabukasan. Ito ang papel na ginagampanan ng konsensiya. Ang konsensiya at katwiran ay dapat kapwa maging bahagi ng pagkatao ng isang tao. Ang mga ito ay kapwa ang pinakabatayan at pinakamahalaga. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsensiya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong sukdulan ng sama ang pagkatao. Kung mas bubusisiin ang mga detalye, anong mga pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao ang ipinapakita ng taong ito? Subukang suriin kung anong mga katangian ang matatagpuan sa gayong mga tao at anong partikular na mga pagpapamalas ang ipinapakita nila. (Makasarili sila at mababang-uri.) Ang mga taong makasarili at mababang-uri ay pabasta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos. Wala silang dinadalang pasanin sa paggampan sa kanilang mga tungkulin o sa pagpapatotoo sa Diyos, at hindi sila responsable. … May konsensiya at katwiran ba ang ganitong klaseng tao? (Wala.) Nakadarama ba ng paninisi sa sarili ang isang taong walang konsensiya at katwiran na ganito kung kumilos? Ang gayong mga tao ay walang pakiramdam ng paninisi sa sarili; walang silbi ang konsensiya ng ganitong klaseng tao. Hindi sila kailanman nakadama ng paninisi ng kanilang konsensiya, kaya mararamdaman ba nila ang paninisi o disiplina ng Banal na Espiritu? Hindi, hindi nila ito mararamdaman(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Sinasabi ng Diyos na ang mga walang konsensiya o katwiran ay partikular na makasarili at kasuklam-suklam. Ang sarili lang nilang mga interes ang isinasaalang-alang nila, hindi ang gawain ng iglesia, at hindi nagdadala ng anumang pasanin o pagpapahalaga sa responsabilidad para sa gawain ng iglesia. Sa pagninilay, napagtanto kong ganitong klase nga mismo ako ng tao. Kinailangan ng superbisor na gumawa ng mga tungkulin sa ibang lugar dahil sa mga kahingian ng gawain, at nang ihalal ako ng mga kapatid, dapat sana ay inako ko ang tungkuling ito. Gayumpaman, natakot ako na masyadong malaki ang responsabilidad sa paggawa ng tungkuling ito, at na kapag hindi ko ito nagawa nang maayos, makakagawa ako ng mga pagsalangsang at kasamaan, at matatanggal ako at matitiwalag. Hindi lang masisira ang reputasyon at katayuan ko, mawawala pa ang aking kinalabasan at hantungan. Para mapangalagaan ang sarili kong mga interes, tumanggi ako, idinahilan kong karaniwan lang ang kakayahan ko, limitado ang kapabilidad ko sa gawain, at hindi ako karapat-dapat na linangin. Ilang beses akong sinulatan ng superbisor para makipagbahaginan, pero palagi akong naghahanap ng mga dahilan para tumanggi. Ang sarili ko lang na mga interes ang isinaalang-alang ko at tumanggi akong tanggapin ang tungkuling ito. Talagang wala akong kahit katiting na konsensiya o katwiran! Ayaw ko nang mamuhay sa ganito kamakasarili at kasuklam-suklam na paraan, kaya tinanggap ko ang tungkuling ito.

Makalipas ang ilang buwan, itinalaga ako sa ibang tungkulin bilang miyembro ng pangkat dahil sa mahina kong kakayahan, na nangangahulugang hindi ko kaya ang trabaho. Kalaunan, sumulat ang mga lider para sabihing may isang pangkat na kulang sa mga tao para mag-organisa ng mga materyales ng pag-aalis, at hindi lubos na naaarok ng mga ito ang mga prinsipyo. Hiniling nila sa akin na pumunta roon at maging lider ng pangkat para tulungan ang mga ito. Naisip ko, “Kung hindi ko maorganisa nang maayos ang mga materyales sa pag-aalis at mali ang paglalarawan ko sa katangian ng isang tao, kakailanganin kong panagutan iyon. Kung mabibigo akong maarok nang lubos ang anumang detalye at malalabag ko ang mga prinsipyo, makakagawa ng mga pagsalangsang at masasamang gawa, hindi ba’t malalapit ako sa pagkakatanggal at pagkakatiwalag? Mas ligtas na maging miyembro na lang ng pangkat.” Kaya, tumanggi na naman ako, idinahilan kong mahina ang kakayahan ko, limitado ang kapabilidad ko sa gawain, at hindi ako karapat-dapat na linangin.

Pagkatapos, sumulat ang mga lider para makipagbahaginan sa akin at tinukoy na ang paulit-ulit kong pagtanggi sa aking tungkulin ay pagtanggi na tanggapin ang katotohanan. Malinaw kong napagtanto na ang pakikipagbahaginan ng mga lider ay isang paalala at babala mula sa Diyos, at sumama ang loob ko at nakonsensiya ako, “Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, kaya bakit wala man lang akong pagbabago? Bakit napakatigas ng kalooban ko?” Napagtanto kong magiging napakadelikado ng kalagayang ito kung hindi ako hahanap ng katotohanan para malutas ito. Pagkatapos, naghanap ako ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa kalagayan ko. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Natatakot ang ilang tao na umako ng responsabilidad habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung binibigyan sila ng iglesia ng isang trabahong gagawin, iisipin muna nila kung hinihingi ng trabaho na umako sila ng responsabilidad, at kung oo, hindi nila tatanggapin ang trabaho. Ang mga kondisyon nila sa paggampan ng isang tungkulin ay, una, na ito ay dapat na isang maluwag na trabaho; pangalawa, na hindi ito matrabaho o nakawkapagod; at pangatlo, na kahit anong gawin nila, wala silang aakuing anumang responsabilidad. Ito lang ang uri ng tungkuling tinatanggap nila. Anong uri ng tao ito? Hindi ba’t isa itong tuso at mapanlinlang na tao? Ayaw niyang pasanin kahit ang pinakamaliit na responsabilidad. Kinatatakutan pa nga niya na mababasag ng mga dahon ang kanyang bungo kapag nahulog ang mga ito mula sa mga puno. Anong tungkulin ang magagampanan ng taong tulad nito? Ano ang pakinabang niya sa sambahayan ng Diyos? Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa gawain ng pakikipaglaban kay Satanas, gayundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Anong tungkulin ang walang mga kaakibat na responsabilidad? Masasabi ba ninyong may kaakibat na responsabilidad ang pagiging lider? Hindi ba’t mas mabigat ang kanilang mga responsabilidad, at hindi ba’t mas lalo silang dapat na umako ng responsabilidad? Nangangaral ka man ng ebanghelyo, nagpapatotoo, gumagawa ng mga video, at iba pa—anuman ang iyong gawain—hangga’t nauukol ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, may mga kaakibat itong responsabilidad. Kung walang prinsipyo ang paggampan mo ng iyong tungkulin, makakaapekto ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung natatakot kang umako ng responsabilidad, hindi mo magagampanan ang anumang tungkulin. Duwag ba ang isang taong natatakot na umako ng responsabilidad sa paggampan ng kanyang tungkulin, o may problema sa kanyang disposisyon? Dapat ay masabi mo ang pagkakaiba. Ang katunayan ay hindi ito isyu ng karuwagan. Kung kayamanan ang habol ng taong iyon, o gumagawa siya ng isang bagay para sa kanyang sariling interes, paanong siya ay napakatapang? Aakuin niya ang anumang panganib. Subalit kapag gumagawa siya ng mga bagay-bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos, wala siyang inaako na anumang panganib. Ang gayong mga tao ay makasarili at ubod ng sama, ang pinakataksil sa lahat. Ang sinumang hindi umaako ng responsabilidad sa paggampan ng isang tungkulin ay walang ni katiting na sinseridad sa Diyos, lalong wala siyang katapatan. Anong uri ng tao ang nangangahas na umako ng responsabilidad? Anong uri ng tao ang may tapang na magbuhat ng mabigat na pasanin? Ang sinumang nangunguna at buong tapang na humaharap sa pinakamahalagang sandali sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na hindi natatakot na magpasan ng isang mabigat na responsabilidad at magtiis ng matinding paghihirap kapag nakita niya ang gawain na pinakaimportante at pinakamahalaga. Iyon ay isang taong tapat sa Diyos, isang mabuting sundalo ni Cristo. Ito ba ay ang kaso kung saan ang lahat ng natatakot na umako ng responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ginagawa iyon dahil hindi sila nakakaunawa sa katotohanan? Hindi; isa itong problema sa kanilang pagkatao. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan o responsabilidad, sila ay mga taong makasarili at ubod ng sama, hindi tunay na mananampalataya ng Diyos, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Dahil dito, hindi sila maliligtas. … Kung pinoprotektahan mo ang iyong sarili sa tuwing may mangyayari sa iyo at nag-iiwan ka para sa iyong sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang alternatibong plano, isinasagawa mo ba ang katotohanan? Hindi ito pagsasagawa sa katotohanan—pagiging tuso ito. Gumagampan ka ngayon ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ano ang unang prinsipyo sa pagtupad ng isang tungkulin? Ito ay na kailangan mo munang gampanan ang tungkuling iyon nang buong puso, lubos na pagsikapan, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang katotohanang prinsipyo, isa na dapat mong isagawa. Ang pagprotekta sa sarili sa pamamagitan ng pag-iiwan para sa sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang alternatibong plano, ay ang prinsipyo ng pagsasagawa na sinusunod ng mga walang pananampalataya, at ang pinakamataas nilang pilosopiya. Ang pagsasaalang-alang sa sarili muna sa lahat ng bagay at ang paglalagay sa sariling interes bago ang lahat, hindi iniisip ang iba, hindi nagkakaroon ng kaugnayan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at mga interes ng iba, iniisip muna ang mga sariling interes at pagkatapos ay nag-iisip ng isang ruta sa pagtakas—hindi ba’t iyon ay kung ano ang isang walang pananampalataya? Ito eksakto ang isang walang pananampalataya. Ang ganitong uri ng tao ay hindi karapat-dapat na gumampan ng isang tungkulin(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, para akong sinasaksak sa puso. Inilantad ng Diyos na ang uri ng mga taong makasarili, kasuklam-suklam, at tuso ay takot na managot. Kapag may dumarating sa kanilang mga sitwasyon, palagi nilang inuuna ang sarili nilang mga interes, at palagi silang naniniguro ng paraan para makatakas sa halip na protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ayaw nilang umako ng kahit ano pang responsabilidad. Ang ganitong uri ng tao ay hindi tumatanggap ng katotohanan at walang pagkatao. Sila ay mga walang pananampalataya sa mga mata ng Diyos, at hindi sila karapat-dapat na gumawa ng mga tungkulin. Ganoon nga mismo akong klase ng tao. Ilang taon na akong nililinang ng sambahayan ng Diyos para gawin ang gawain ng pag-aalis, at natutunan ko na ang ilang kaugnay na prinsipyo at naunawaan ko na ang ilang landas para harapin ang mga problema. Nang ihalal ako ng mga kapatid bilang superbisor, dapat sana ay tinanggap ko ang tungkuling ito at nakipagtulungan nang buong puso. Gayumpaman, nag-alala ako sa mga kahihinatnan ng hindi maayos na paggawa nito, kaya naghanap ako ng mga dahilan at palusot para tumanggi. Hindi ko man lang isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Nang italaga ako ng mga lider na maging lider ng pangkat, nag-alala pa rin ako na baka panagutin ako kapag hindi ko nagawa nang maayos ang gawain. Para protektahan ang sarili kong mga interes, naghanap ako ng iba’t ibang dahilan at palusot, tulad ng mahina ang kakayahan ko at limitado ang kapabilidad ko sa gawain, para magpaligoy-ligoy at umiwas. Alam na alam ko kung ano ang hinihingi ng gawain ng iglesia, at ako ay isang angkop na kandidato, pero nagpakatuso ako at ayaw kong maging lider ng pangkat o umako ng anumang responsabilidad dahil isinasaalang-alang ko ang sarili kong kinalabasan at hantungan. Naisip ko iyong mga walang pananampalataya na tutubuin lang ang iniisip, at palaging nagkakalkula at nagpapakana para sa sarili nilang mga interes sa lahat ng kanilang ginagawa; ginagawa nila kung ano ang kapaki-pakinabang sa kanila. Lahat ng iniisip at ideya ko ay para din sa sarili kong kapakinabangan, at kapag dumarating ang gawaing may kaakibat na responsabilidad, nagiging tuso ako at umaatras. Wala akong kahit katiting na katapatan o pagpapasakop sa Diyos, at walang ipinagkaiba sa isang walang pananampalataya o hindi mananampalataya. Talagang hindi ako karapat-dapat na gumawa ng mga tungkulin! Nang maunawaan ko ito, napuno ako ng pagsisisi at sinisi ko ang sarili ko.

Kalaunan, pinagnilayan ko ang aking sarili: Bakit, sa kabila ng maraming taon kong pananampalataya sa Diyos, palagi kong gustong tanggihan ang aking tungkulin? Ano ang pinakaugat ng problema? Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi kailanman sinusunod ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at palagi nilang mahigpit na iniuugnay ang kanilang tungkulin, kasikatan, pakinabang, at katayuan sa inaasam nilang pagkamit ng mga pagpapala at sa kanilang hantungan sa hinaharap, na para bang sa sandaling mawala ang kanilang reputasyon at katayuan, wala na silang pag-asang magkamit ng mga pagpapala at gantimpala, at pakiramdam nila ay katulad ito ng mawalan ng buhay. Iniisip nila, ‘Kailangan kong mag-ingat, hindi ako dapat maging pabaya! Ang sambahayan ng diyos, ang mga kapatid, ang mga lider at manggagawa, at maging ang diyos ay hindi maaasahan. Hindi ko mapagkakatiwalaan ang sinuman sa kanila. Ang taong pinakamaaasahan mo at ang pinakakarapat-dapat mong pagkatiwalaan ay ang iyong sarili. Kung hindi ka nagpaplano para sa iyong sarili, sino ang magmamalasakit sa iyo? Sino ang mag-iisip sa kinabukasan mo? Sino ang mag-iisip kung makatatanggap ka ba ng mga pagpapala o hindi? Kaya, kailangan kong magplano at magkalkula nang maingat para sa sarili kong kapakanan. Hindi ako puwedeng magkamali o maging pabaya kahit kaunti, kung hindi, ano ang gagawin ko kung may sumubok na manamantala sa akin?’ Kaya, nagiging mapagbantay sila laban sa mga lider at manggagawa ng sambahayan ng Diyos, natatakot na may makakilatis o makahalata sa kanila, at na pagkatapos ay matatanggal sila at masisira ang mga pinapangarap nilang pagpapala. Iniisip nila na dapat nilang panatilihin ang kanilang reputasyon at katayuan para magkaroon sila ng pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na pasok sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin o pagkomentuhan pa, samantalang ang pagkakamit ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, inuugnay niya ito sa pagiging pinagpala, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Inilantad ng Diyos na labis na pinahahalagahan ng mga anticristo ang pagtanggap ng mga pagpapala. Walang pinagkakatiwalaan ang mga anticristo kundi ang kanilang mga sarili. Naniniwala sila na puwede lang silang umasa sa sarili nila, na sila lang ang tunay na mag-aalaga sa kanilang sarili, at na kailangan nilang maging maingat at mapagmatyag sa bawat pagkakataon, takot na takot na ang pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay maaaring makasama sa pagtatamo nila ng mga pagpapala at makasira sa kanilang mga pangarap na magkamit ng mga pagpapala. Sa pagninilay-nilay sa aking sarili, hindi ba’t pareho lang ang pag-uugali ko sa isang anticristo? Labis kong pinahalagahan ang pagkakamit ng mga pagpapala. Isinaayos ng iglesia na maging superbisor ako at pagkatapos ay lider ng pangkat, pero hindi ko mapigilang labis na alalahanin ang sarili kong kinalabasan at hantungan. Naisip kong ang paggawa ng mga tungkulin ng isang superbisor o lider ng pangkat ay may kaakibat na malalaking responsabilidad, at na kapag hindi ko nagawa nang maayos ang gawain, makakagawa ako ng mga pagsalangsang. Kung malubha ang mga ito, maaari pa akong mabunyag at matiwalag, kaya mas ligtas na maging isang ordinaryong miyembro ng pangkat at hayaan na lang na iba ang may huling pagpapasya. Kahit na hindi ko makakamit ng anumang natatanging merito, hindi naman ako makakagawa ng mga pagsalangsang at mabubunyag at matitiwalag. Ang inisip ko lang ay ang kumilos sa kung ano ang makabubuti sa akin, at hindi ko man lang isinaalang-alang ang mga interes ng iglesia. Lubos akong namumuhay na umaasa sa mga satanikong lason tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Huwag humanap ng biyaya, kundi umiwas na masisi,” at “sa pag-iingat nagmumula ang kaligtasan.” Inakala kong natural lang na isaalang-alang ng mga tao ang sarili nilang mga interes— hindi ba’t kahangalan kung hindi? Ang layunin ng Diyos ay hayaan akong magtamo ng mas maraming pagsasanay sa pamamagitan ng paggawa ng tungkuling ito, at magawang hanapin ang katotohanan upang kumilos ayon sa prinsipyo. Gayumpaman, pinaghinalaan ko ang Diyos batay sa baluktot kong pananaw. Pakiramdam ko, ang pagiging superbisor ko ay isang paraan para ibunyag at itiwalag ako. Itinuring ko ang Diyos na katulad ng lahat ng mga sikat at dakilang tao sa mundo, na hindi naman tiyak na patas at matuwid sa mga tao; at inakala kong ang mga taong nakagawa ng pinakamaliit na pagkakamali habang ginagawa ang kanilang tungkulin ay ititiwalag. Hindi ba’t kalapastanganan ito laban sa Diyos? Napakamapanlinlang at napakabuktot ko! Ganap na likas at may katwiran na manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin ng isang nilikha, na isang responsabilidad na sa ngalan ng dangal ay hindi ko dapat iwasan. Gayumpaman, napinsala ako ng mga satanikong lason, at naging makasarili, buktot, at mapanlinlang. Tinanggihan ko ang aking tungkulin para pangalagaan ang aking mga interes, at hindi ako nagpakita ng kahit katiting na pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Ang pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiyang ito ay magdudulot lang sa akin na lalo pang labanan ang Diyos, at sa huli ay itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Nang maunawaan ko ito, napuno ako ng pagsisisi at sinisi ko ang sarili ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, napakamakasarili ko, masama, buktot, at mapanlinlang. Mula nang magsimula akong manampalataya sa Iyo, mga pagpapala lang ang hinangad ko at hindi ko isinaalang-alang ang Iyong mga layunin o inisip ang gawain ng iglesia. Mahal na Diyos, handa akong magsisi. Ayaw ko nang magpatuloy sa paglakad sa maling landas.”

Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi naniniwala ang ilang tao na kayang tratuhin nang patas ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sila naniniwala na naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan, at na naghahari doon ang katotohanan. Naniniwala sila na anumang tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, kung magkakaroon ng problema roon, haharapin kaagad ng sambahayan ng Diyos ang taong iyon, tatanggalin ang kanyang karapatang gampanan ang tungkuling iyon, palalayasin siya, o paaalisin pa nga siya sa iglesia. Ganoon ba talaga iyon? Siguradong hindi. Pinakikitunguhan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang Diyos ay matuwid sa Kanyang pagtrato sa bawat tao. Hindi lamang Niya tinitingnan kung paano kumilos ang isang tao sa isang pagkakataon; tinitingnan Niya ang kalikasang diwa ng isang tao, ang kanyang mga intensyon, ang kanyang pag-uugali, at tinitingnan Niya lalo na kung kaya ba ng isang tao na pagnilayan ang sarili nito kapag nagkakamali ito, kung nagsisisi ba ito, at kung kaya ba nitong matarok ang diwa ng problema batay sa Kanyang mga salita, maunawaan ang katotohanan, kamuhian ang sarili nito, at tunay na magsisi. Kung walang ganitong tamang pag-uugali ang isang tao, at ganap na siyang nahaluan ng mga personal na layunin, kung puno siya ng mga tusong pakana at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at kapag may mga dumating na problema, siya ay nagkukunwari, nanlilinlang, at nangangatwiran, at mahigpit na tumatangging akuin ang kanyang mga ginawa, kung gayon, ang ganoong tao ay hindi maliligtas. Hindi talaga niya tinatanggap ang katotohanan at ganap na siyang nabunyag. Iyong mga taong hindi tama, at hindi kayang tanggapin ang katotohanan kahit kaunti, ay mga hindi mananampalataya sa diwa at maaari lamang na itiwalag. … Sabihin mo sa Akin, kung nakagawa ng pagkakamali ang isang tao, ngunit kaya niyang tunay na makaunawa at handa siyang magsisi, hindi ba’t bibigyan siya ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos? Habang papatapos na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, napakaraming tungkuling kailangang gampanan. Pero kung wala kang konsensiya o katwiran, at pabaya ka sa iyong nararapat na gawain, kung nagkaroon ka ng pagkakataong gampanan ang isang tungkulin ngunit hindi alam kung paano iyon pahahalagahan, hinding-hindi mo hinahangad ang katotohanan, hinahayaan mong makalampas ang pinakamagandang pagkakataon, kung gayon ay malalantad ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan at katuwiran ang naghahari. Nagtatanggal at nagtitiwalag ng mga tao ang sambahayan ng Diyos ayon sa mga prinsipyo, at walang sinumang basta-basta na lang pakikitunguhan dahil sa kanilang pag-uugali sa isang partikular na oras o sa isang partikular na bagay. Lahat ito ay nakabatay sa palagiang pag-uugali ng mga tao, sa kanilang saloobin sa pagtanggap ng katotohanan, at kung tunay ba silang nagsisi. Kung ang isang tao ay gumagawa ng maraming masasamang gawa na gumagambala at gumugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi nagsisisi o nagbabago gaano man siya tulungan ng iba, ang gayong tao ay tatanggalin at ititiwalag. Gayumpaman, kung ang isang tao ay nagbubunyag ng tiwaling disposisyon kapag ginagawa ang kanyang tungkulin o nagdudulot ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, ngunit kaya niyang agad na magnilay sa sarili, makaunawa, magsisi, at magbago, bibigyan pa rin siya ng sambahayan ng Diyos ng ibang mga pagkakataon na gumawa ng mga tungkulin. Naisip ko rin kung paanong mula nang magsimula akong gumawa ng gawain ng pag-aalis, minsan na rin akong kumapit sa mga regulasyon dahil hindi ko naunawaan ang mga prinsipyo, at nakagawa ako ng pagsalangsang dahil doon. Gayumpaman, hindi ako tinanggal o itiniwalag ng sambahayan ng Diyos dahil sa aking mga pagsalangsang, bagkus ay nakipagbahaginan sila at tinulungan ako. Pagkatapos, dahil handa akong magsisi, pinayagan akong magpatuloy sa paggawa ng mga tungkulin. Tungkol naman sa mga tinanggal at itiniwalag, hindi ito dahil sa paggawa nila ng mga tungkulin bilang mga lider ng pangkat o superbisor, kundi dahil mali ang landas na tinatahak nila. Nakagawa sila ng pagsalangsang, pero hindi nila tinanggap ang pagpupungos, at hindi sila nagsisi. Saka lang sila tinanggal at itiniwalag. Naisip ko ang isang sister sa pangkat na hindi superbisor. Habang ginagawa niya ang kanyang tungkulin, nakipagkompetensiya siya para sa kasikatan at pakinabang laban sa mga sister na katrabaho niya at sinabotahe sila nang hindi nila nalalaman. Ginambala at ginulo nito ang gawain ng iglesia, at hindi siya nagsisi pagkatapos ng pagbabahaginan. Sa huli, tinanggal siya. Isa pa, ang dahilan kung bakit tinanggal ang dating dalawang superbisor ay hindi dahil sa malalaking responsabilidad na pinasan nila na siyang nagbunyag sa kanila, kundi dahil palagi silang hindi naghahangad ng katotohanan at hindi gumagawa ng tunay na gawain. Nang pinungusan sila o nang nakipagbahaginan sa kanila ang kanilang mga kapatid para tumulong sa kanila, hindi sila tunay na nagsisi o nagbago. Saka lang sila tinanggal. Ang pagkakatanggal nila ay ganap na walang kaugnayan sa kung anong mga tungkulin ang ginawa nila o kung gaano kalaki ang kanilang mga responsabilidad. Napagtanto kong ang paniniwala ko na delikado ang pagiging lider ng pangkat dahil sa malaking responsabilidad na kaakibat nito, at na ang pagiging miyembro ng pangkat ay medyo ligtas at panatag, na ito ay nakalilinlang at kakatwa, at hindi umaayon sa katotohanang prinsipyo. Binigyan ako ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataon para gumawa ng mga tungkulin, at ang layunin ng Diyos ay para hanapin ko ang katotohanan sa mga tao, pangyayari, at bagay na dumarating sa akin, at na maaarok at mauunawaan ko ang mas maraming katotohanang prinsipyo. Dapat sana ay pinahalagahan ko itong pambihirang pagkakataon at tinanggap ang aking tungkulin.

Kalaunan, nagbasa pa ako ng higit pang mga salita ng Diyos: “Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat siyang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging deboto sa tungkulin na dapat niyang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi kulang sa dedikasyon dito, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng katapatan. Ang isa pa ay ang paggampan nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa sa mga bagay-bagay nang tama, at pagsasapuso at pagmamahal sa iyong tungkulin para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at dapat niya itong gampanan nang hindi naghahanap ng gantimpala, at nang walang mga kondisyon o katwiran. Ito lang ang matatawag na paggampan sa tungkulin ng isang tao. … Hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging gumampan ng tungkulin mo dahil sa takot na magdusa ng kasawian(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Sinasabi ng Diyos na kayang magpasakop ng matatapat na tao sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at kayang ibuhos ang kanilang puso at lakas para magawa nang maayos ang kanilang tungkulin. Hindi sila nagpapakana para sa kanilang sarili, o isinasaalang-alang ang mga pakinabang at pagkalugi sa sarili nilang mga interes. Bukod dito, ang tungkulin ay isang responsabilidad na sa ngalan ng dangal ay hindi natin maiiwasan, at wala itong anumang kinalaman sa kung anong mga pagpapala ang natatanggap natin o kung anong mga kasawian ang dinaranas natin. Hindi tayo dapat tumanggi sa tungkulin dahil takot tayo sa kasawian, ni hindi dapat tanggapin ang tungkulin para sa kapakanan ng mga pagpapala. Ganap na likas at may katwiran na dapat tuparin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin. Matapos maunawaan ito, alam ko na kung paano pakikitunguhan ang aking tungkulin. Bagama’t karaniwan lang ang kakayahan at kapabilidad ko sa gawain, kaya kong mas maghanap tungkol sa mga bagay na hindi ko naiintindihan habang ginagawa ang tungkulin ko, at, sa abot ng aking kakayahan at mga abilidad, gagawin ko ang lahat para tuparin nang ang tungkuling dapat kong tuparin. Ito ang saloobing dapat mayroon ako. Bagama’t wala pa akong gaanong natatamo na pagpasok o mga pagbabago, sa pamamagitan ng pagbubunyag na ito, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa mga maling perspektiba sa likod ng aking paghahangad sa pananampalataya ko sa Diyos, natutunan ko kung paano gawin nang maayos ang aking tungkulin para magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos para sa mga pagbabago at pagkaunawang ito.

Sinundan:  96. Sa Pagiging Matapat, Nagkamit Ako ng Kapayapaan at Kagalakan

Sumunod:  99. Makakamit Ba ang Kaligayahan sa Paghahangad ng Perpektong Buhay May Asawa?

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger