Kabanata 106

Yaong mga hindi nakakakilala sa Aking mga salita, yaong mga hindi nakakakilala sa Aking normal na pagkatao, at yaong mga lumalaban sa Aking pagka-Diyos ay pawang maglalaho tungo sa kawalan. Walang sinuman ang hindi masasaklaw nito, at lahat ay dapat maging katanggap-tanggap sa aspektong ito, dahil ito ay Aking atas administratibo, at ito ang pinakamahigpit na ipinatutupad. Yaong mga hindi nakakakilala sa Aking mga salita ay yaong mga nakapakinig na sa mga bagay na malinaw Ko nang tinukoy, ngunit wala pa ring kaalaman sa mga iyon; sa madaling salita, sila ay mga taong walang espirituwal na pang-unawa (dahil hindi Ako lumikha ng pakultad ng tao para sa ganoong bagay, hindi mataas ang hinihingi Ko sa kanila; hinihingi Ko lamang na pagkatapos makinig sa Aking mga salita ay maisagawa nila ang mga iyon). Hindi sila mga tao ng Aking sambahayan, ni hindi Ko sila kapareho ng uri; nabibilang sila sa kaharian ni Satanas. Kaya hindi Ko gusto ang isa man sa mga taong ito na walang espirituwal na pang-unawa. Noon, inisip ninyo na lumalabis na Ako, ngunit dapat nauunawaan na ninyo ngayon. Paano kayang posibleng makipag-usap ang mga hayop sa Diyos? Hindi ba iyan magiging katawa-tawa? Yaong mga hindi nakakakilala sa Aking normal na pagkatao ay yaong mga gumagamit ng mga sarili nilang kuru-kuro para sukatin kung ano ang ginagawa Ko sa Aking pagkatao. Sa halip na magpasakop, hinahanapan nila Ako ng mali nang may limitadong pananaw. Marahil nasayang ang mga salitang Aking binigkas? Sinabi Ko nang ang Aking normal na pagkatao ay isang kailangang-kailangang bahagi Ko, ang ganap na Diyos Mismo, at na ito ang wastong paraan na ang Aking normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos ay gumagawa nang may pagkakasundo: Kapag hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng tao ang mga bagay na Aking ginagawa sa pamamagitan ng Aking normal na pagkatao, yaong mga lumalaban sa Akin at hindi Ko kaayon ay nahahayag. Pagkatapos, nagsasalita ang Aking ganap na pagka-Diyos sa pamamagitan ng pagkatao, at sa ganitong paraan, napangasiwaan Ko na ang ilang tao. Kung hindi mo nauunawaan ang Aking ginagawa ngunit nakapagpapasakop ka pa rin, ikaw ang uri ng tao na hindi Ko kinokondena; binibigyang-liwanag Ko lamang ang ganitong mga tao. Ang mga taong ito ang mismong mga taong minamahal Ko, at dahil sa iyong pagpapasakop, binibigyang-liwanag kita. Yaong mga lumalaban sa Aking pagka-Diyos ay kinabibilangan ng mga hindi nakakakilala sa Aking mga salita, yaong mga hindi kaayon ng Aking normal na pagkatao, at hindi nasisiyahan sa Aking ginagawa sa pagka-Diyos (halimbawa, sa Aking pagkagalit o pagtatayo ng iglesia at iba pa). Ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng paglaban sa Aking pagka-Diyos. Ngunit mayroong isang bagay na kailangan Kong bigyang-diin, at dapat bigyang-pansin ng bawat isa sa inyo: Yaong mga hindi kaayon ng Aking persona ngayon ay lumalaban sa Aking pagka-Diyos. Bakit palagi Kong sinasabi na ang Aking persona ay ang ganap na Diyos Mismo? Ang disposisyon ng Aking persona ang kabuuan ng dibinong disposisyon; huwag mo Akong sukatin gamit ang mga kuru-kuro ng tao. Kahit ngayon, marami pa ring tao ang nagsasabi na Ako ay may normal na pagkatao at hindi lahat ng Aking ginagawa ay tiyak na tama. Ang ganitong mga tao—hindi ba’t ipinapahamak mo lang ang sarili mo? Hindi nila alam ni isang salita sa Aking sinasabi, at sila ay walang-pasubaling ang mga supling ng mga bulag, at mga inapo ng malaking pulang dragon! Sasabihin Ko sa lahat nang minsan pa (at hindi Ko na muling sasabihin pa ito pagkatapos, at tiyak na susumpain ang lahat ng gagawa uli ng paglapastangang ito): ang Aking mga salita, ang Aking pagtawa, ang Aking pagkain, ang Aking paninirahan, ang Aking pagsasalita at ang Aking ugali ay ginagawa Kong lahat—ang Diyos Mismo—at wala ni katiting na katangian ng mga tao na nakahalo roon. Wala! Wala kahit kaunti! Dapat huminto ang lahat ng tao sa kanilang makikitid na pagpapakana at huwag nang gawing muli ang mga ito. Habang mas nagpapatuloy ang mga tao sa mga ito, mas mapapahamak sila. Pakinggan ang Aking payo!

Palagi Kong sinisiyasat ang kaibuturan ng puso ng bawat tao, sinisiyasat ang bawat salita at kilos ng bawat tao. Malinaw Kong nakikita, isa-isa, yaong mga gusto Ko at yaong mga kinasusuklaman Ko. Ito ay isang bagay na hindi maguguni-guni ng mga tao, at lalo namang hindi nila kayang tuparin. Napakarami Ko nang nasabi at napakarami Ko nang nagawa; sino ang lubos na makakapagpaliwanag sa layon ng Aking mga salita, at ng Aking ginagawa? Walang sinuman. Magmula ngayon, mas maraming salita pa Akong bibigkasin; sa isang banda, ititiwalag nito ang lahat ng taong kinasusuklaman Ko, at sa kabilang banda, pagdudusahin kayo nito nang kaunti pa kaugnay rito, nang minsan pa ninyong maranasan ang muling pagkabuhay, ngunit nang mas matindi. Hindi ito mapagpapasyahan ng mga tao, ni mapipigilan ng sinuman na mangyari ito. Kahit na malaman pa ninyo ang tungkol dito ngayon, pagdating ng panahon, hindi pa rin ninyo maiiwasan ang ganitong uri ng pagdurusa. Dahil ito ang paraan ng Aking paggawa. Kailangan Kong gumawa nang ganito upang maabot ang Aking mga layon, at upang matupad sa inyo ang Aking kalooban. Ito ang dahilan kung bakit sinasabing “kailangan ninyong tiisin ang huling pagdurusa.” Ang inyong laman ay hindi na kailanman magdurusang muli pagkatapos, dahil ang malaking pulang dragon ay napuksa Ko na at hindi na ito mangangahas na magwala muli. Ito ang huling hakbang bago ang pagpasok sa katawan; ito ay isang yugto ng transisyon. Ngunit huwag kayong matakot—walang-pasubaling pangungunahan Ko kayo patawid sa sunud-sunod na paghihirap. Maniwala kayo na Ako ang matuwid na Diyos Mismo, at na ang sinasabi Ko ay tiyak na matutupad. Ako ang tapat na Diyos Mismo. Lahat ng bansa, lahat ng lupain, at lahat ng denominasyon ay bumabalik sa Akin at dumadagsa papunta sa Aking trono. Ito ang Aking dakilang kapangyarihan, at Aking hahatulan ang bawat isang anak ng pagrerebelde at itatapon sila sa lawa ng apoy at asupre—wala ni isang matitira. Lahat ay dapat na umurong. Ito ang huling hakbang ng Aking plano ng pamamahala, at kapag tapos na ito, papasok na Ako sa kapahingahan, dahil nagawa na ang lahat, at dumating na sa katapusan ang Aking plano ng pamamahala.

Dahil ang tulin ng Aking gawain ay napabilis na (bagaman hindi Ako nababalisa ni bahagya), araw-araw Kong ibinubunyag sa inyo ang Aking mga salita at araw-araw Kong binubuksan sa inyo ang mga hiwagang Aking hawak, upang masundan ninyo nang mahigpit ang Aking mga yapak. (Ito ang Aking karunungan; ginagamit Ko ang Aking mga salita para perpektuhin ang mga tao, ngunit para din hampasin ang mga tao. Lahat ay nagbabasa ng Aking mga salita at kayang kumilos ayon sa Aking kalooban na nasa Aking mga salita. Yaong mga negatibo ay magiging negatibo, at yaong mga ihahayag ay mahahayag; ang mga lumalaban ay lalaban, at yaong mga tapat na nagmamahal sa Akin ay lalo pang magiging tapat. Sa gayon, lahat ay makasusunod sa Aking mga yapak. Ang lahat ng kalagayang ito na Aking inilarawan ay mga pamamaraan kung paano Ako gumagawa at mga layon na nais Kong makamit.) Sa nakalipas, nasabi Ko na ang ganitong uri ng bagay: Paano Ko man kayo akayin, dapat kayong maghangad sa parehong paraan; anuman ang sabihin Ko sa inyo, dapat kayong makinig. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Alam ba ninyo? Ano ang layon at kabuluhan ng mga salita Kong ito? Nauunawaan ba ninyo? Ilang tao ang lubos na maipaliliwanag ito nang malinaw? Kapag Aking sinasabi, “Paano Ko man kayo akayin, dapat kayong maghangad sa parehong paraan,” hindi Ko lamang tinutukoy ang Aking pag-akay bilang ang Aking persona; higit pa roon, tinutukoy Ko ang mga salitang Aking sinasabi at ang landas na Aking tinatahak. Ngayon, talagang natupad na ang mga salitang ito. Sa sandaling nasabi Ko na ang Aking mga salita, nalalantad sa harap ng liwanag ng Aking mukha ang lahat ng uri ng hitsura ng demonyo, tinutulutan kayong malinaw na makita ang lahat ng iyon. Ang mga salita Kong ito ay hindi lamang isang anunsyo kay Satanas, kundi higit pa roon ay isang atas sa inyong lahat. Karamihan sa inyo ay binabalewala ang mga salitang ito, naniniwalang ang mga ito ay isang atas sa inyo; hindi ninyo alam na ang mga ito ay mga salita ng paghatol, at mga salitang nagtataglay ng awtoridad. Ang layon ng Aking mga salita ay ang utusan si Satanas na magserbisyo para sa Akin nang maayos at ganap na sumunod sa Akin. Sa mga hiwagang naibunyag Ko na sa nakalipas, marami pa rin ang hindi ninyo nauunawaan, kaya sa hinaharap ay mas marami pa ang ibubunyag Ko sa inyo upang makapagtamo kayo ng mas malinaw at lubos na pagkaunawa.

Kapag dumarating ang malalaking sakuna, takot na takot ang lahat. Ang lahat ng tao ay hawak ang kanilang ulo at tumatangis sa pagdadalamhati at nakararamdam ng pagkamuhi sa masasamang bagay na kanilang ginawa, ngunit sa sandaling iyon ay huli na ang lahat sapagkat ito ang panahon ng poot. Hindi ito ang panahon upang iligtas ang mga tao at mag-alok ng biyaya, kundi ang panahon upang alisin ang lahat ng tagapagserbisyo at hayaan ang Aking mga anak na gumamit ng kapangyarihan para sa Akin. Ito ay talagang iba mula sa mga nakalipas na panahon; hindi pa ito nangyayari magmula nang likhain ang mundo. Dahil minsan Kong nilikha ang mundo, minsan Ko itong wawasakin, at ang Aking paunang inorden ay hindi mababago ninuman. Ang dalawang katawagang “mga kolektibong taong-Cristo” at “mga kolektibong bagong tao ng sansinukob” ay malimit na binanggit dati. Paano dapat ipaliwanag ang mga ito? Ang “mga kolektibong taong-Cristo” ba ay tumutukoy sa mga panganay na anak? Ang “mga kolektibong bagong tao ng sansinukob” ba ay tumutukoy rin sa mga panganay na anak? Hindi; hindi ito nabigyang-interpretasyon nang wasto ng mga tao. Dahil makatutulong lamang sa kanila ang mga kuru-kuro ng tao na makaunawa ng mga bagay-bagay hanggang sa antas na ito, tutukuyin Ko ang mga ito sa inyo ngayon dito. Ang mga kolektibong taong-Cristo at ang mga kolektibong bagong tao ng sansinukob ay hindi magkapareho; magkahiwalay ang kahulugan ng mga ito. Bagama’t magkahawig na magkahawig ang mga salitang bumubuo sa dalawang katawagang ito, at tila ba iisang bagay lamang ang mga ito, ang tunay na kalagayan ay ang ganap na kasalungat. Sino ba ang eksaktong tinutukoy ng “mga kolektibong taong-Cristo”? O ano ba ang tinutukoy nito? Kapag napag-uusapan ang mga taong-Cristo, Ako lamang ang naiisip ng lahat. Hindi sila mali roon ni bahagya. Bukod pa rito, sa mga kuru-kuro ng tao, ang terminong “mga tao” ay tiyak na tumutukoy sa mga tao; wala ni isa mang tao na mag-uugnay nito sa iba pang bagay. Kapag sinasabi ang terminong “kolektibo,” iisipin ng mga tao na ito ay isang pagtitipon ng maraming tao na halos iisang kabuuan na, kaya nga tinatawag na “kolektibo.” Dito, makikita na ang isip ng mga tao ay sobrang simple; ni hindi nila nauunawaan ang ibig Kong sabihin kahit kaunti. Ngayon, opisyal Kong sisimulan ang pagbabahaginan tungkol sa kung ano ang mga kolektibong taong-Cristo (ngunit dapat bitiwan ng lahat ng tao ang sarili nilang mga kuru-kuro; kung hindi, walang sinuman sa kanila ang makaaarok dito, at kahit na ipinaliwanag Ko pa ang termino, hindi nila ito paniniwalaan ni mauunawaan): Sa sandaling bigkasin ang Aking mga salita, makakikilos ang lahat ng Aking mga panganay na anak nang naaayon sa Aking mga layunin, at maipahahayag ang Aking mga layunin, kaya sila ay may nagkakaisang puso at nagkakaisang bibig. Habang hinahatulan nila ang di-mabilang na mga bayan at tao, maisasakatuparan nila ang Aking pagiging matuwid at maipatutupad ang Aking mga atas administratibo; sila ay Aking pagpapahayag, at sila ay Aking pagpapamalas. Kaya, masasabi na ang mga kolektibong taong-Cristo ay ang katunayan ng pagpapatupad ng mga panganay na anak sa Aking mga atas administratibo; sila ang awtoridad sa mga kamay ng mga panganay na anak. Ito ay may kaugnayang lahat kay Cristo—kaya nga tinawag na “mga taong-Cristo.” Dagdag pa riyan, makakikilos ang lahat ng panganay na anak ayon sa Aking mga layunin, at dahil dito, Aking ginagamit ang katawagang “kolektibo.” “Ang mga kolektibong bagong tao ng sansinukob” ay nangangahulugang ang lahat ng tao sa Aking pangalan; sa madaling salita, ang Aking mga panganay na anak, ang Aking mga anak, at ang Aking mga tao. Ang salitang “bago” ay tumutukoy sa Aking pangalan. Sapagkat sila ay nasa Aking pangalan (taglay ng Aking pangalan ang lahat, at ito ay walang-hanggang bago at hindi kailanman luma; hindi ito nababago ng tao), at sapagkat mananatili silang buhay magpakailanman sa hinaharap, sila ang mga bagong tao ng sansinukob. Ang salitang “kolektibo” rito ay kaugnay ng bilang ng mga tao, at hindi ito kapareho ng naunang kaso. Kapag binibigkas ang Aking salita, dapat maniwala rito ang lahat. Huwag kayong mag-alinlangan. Alisin ninyo ang inyong mga pantaong kuru-kuro at mga pantaong kaisipan. Ang Aking kasalukuyang proseso ng pagbubunyag ng mga hiwaga ay mismong ang proseso ng pag-aalis ng mga pantaong kuru-kuro at kaisipan. (Sapagkat ginagamit ng mga tao ang sarili nilang mga kuru-kuro para sukatin Ako at sukatin ang Aking sinasabi, ginagamit Ko ang sarili Kong mga ibinunyag na hiwaga para alisin ang mga pantaong kuru-kuro at kaisipan.) Malapit nang matapos ang gawaing ito. Kapag nabunyag na ang Aking mga hiwaga hanggang sa isang antas, sadyang hindi na mag-iisip ang mga tao tungkol sa Aking mga salita, at hihinto sila sa paggamit ng kanilang mga pantaong kuru-kuro para sukatin Ako. Kung ano ang iniisip nila araw-araw, Aking ilalantad, at Ako ay gaganti. Pagdating sa isang punto, hindi na mag-iisip ang mga tao; mawawalan na ng anumang kaisipan ang kanilang mga ulo, at ganap na silang magpapasakop sa Aking mga salita. Iyon ang magiging panahon kung kailan kayo papasok sa espirituwal na mundo. Isa itong hakbang sa Aking gawain bago Ko kayo pahintulutang pumasok sa espirituwal na mundo. Dapat ninyong alisin ang lahat ng inyong pantaong kuru-kuro para makapasok kayo sa espirituwal na mundo nang pinabanal at walang-dungis. Ito ang ibig sabihin ng “Isa Akong banal na espirituwal na katawan.” Ngunit dapat kayong kumilos nang naaayon sa Aking mga hakbang, at bago pa ninyo ito matanto, darating na ang Aking panahon.

Sinundan:  Kabanata 105

Sumunod:  Kabanata 107

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger