44. Bakit dapat hangarin ng isang tao na makilala ang Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang manampalataya sa Diyos at makilala ang Diyos ay ganap na likas at may katwiran, at ngayon—sa isang kapanahunan kung kailan personal na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain—ay isang napakagandang pagkakataon para makilala ang Diyos. Ang pagpapalugod sa Diyos ay isang bagay na nakakamit sa pamamagitan ng pagbubuo batay sa pundasyon ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at upang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, kinakailangang magkaroon ng pagkakilala sa Diyos. Ang pagkakilalang ito tungkol sa Diyos ang pangitain na kailangang taglayin ng isang nananampalataya sa Diyos; ito ang batayan ng pananampalataya ng tao sa Diyos. Kapag wala ang pagkakilalang ito, iiral sa isang malabong kalagayan ang pananampalataya ng tao sa Diyos, sa gitna ng hungkag na mga doktrina. Kahit may determinasyon ang mga taong tulad nito na sumunod sa Diyos, wala silang mapapala. Ang lahat ng walang napapala sa daloy na ito ang mga ititiwalag—silang lahat ay mga palamunin. Alinmang hakbang ng gawain ng Diyos ang iyong maranasan, dapat kang samahan ng isang dakilang pangitain. Kung hindi, mahihirapan kang tanggapin ang bawat hakbang ng bagong gawain, dahil hindi kayang isipin ng tao ang bagong gawain ng Diyos, at lampas ito sa mga hangganan ng kanyang pag-iisip. Kaya, kung walang pastol na mag-aalaga sa tao, kung walang pastol na magbabahagi tungkol sa mga pangitain, walang kakayahan ang tao na tanggapin ang bagong gawaing ito. Kung hindi maarok ng tao ang mga pangitain, hindi niya maaarok ang bagong gawain ng Diyos, at kung hindi makapagpasakop ang tao sa bagong gawain ng Diyos, hindi mauunawaan ng tao ang mga layunin ng Diyos, kaya nga ang kanyang pagkakilala sa Diyos ay mauuwi sa wala. Bago isagawa ng tao ang salita ng Diyos, kailangan niyang makilala ang salita ng Diyos; ibig sabihin, kailangan niyang maunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang maisasagawa ang salita ng Diyos nang tumpak at alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ito ay isang bagay na kailangang taglayin ng lahat ng naghahanap sa katotohanan, at ito rin ang prosesong kailangang pagdaanan ng lahat ng nagsisikap na kilalanin ang Diyos. Ang proseso ng pagkakilala sa salita ng Diyos ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos. Ito rin ang proseso ng pagkilala sa gawain ng Diyos. Kaya, ang pagkakilala sa mga pangitain ay hindi lamang tumutukoy sa pagkilala sa pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi kabilang din ang pagkakilala sa salita at gawain ng Diyos. Mula sa salita ng Diyos, nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, at mula sa gawain ng Diyos, nakikilala nila ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ang unang hakbang sa pagkilala sa Diyos. Ang proseso ng pagsulong mula sa paunang pananampalatayang ito sa Diyos tungo sa pinakamalalim na pananampalataya sa Kanya ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos, ang proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos. Kung nananampalataya ka lamang sa Diyos alang-alang sa pananampalataya sa Diyos, at hindi para makilala Siya, kung gayon, walang realidad sa iyong pananampalataya, at hindi magiging dalisay ang iyong pananampalataya—walang duda rito. Kung, sa pagdanas sa gawain ng Diyos, unti-unting nakikilala ng tao ang Diyos, kung gayon ay unti-unting magbabago ang kanyang disposisyon, at lalong magiging totoo ang kanyang pananampalataya. Sa ganitong paraan, kapag nagtagumpay ang tao sa kanyang pananampalataya sa Diyos, ganap na niyang makakamit ang Diyos. Ang dahilan kung bakit labis na iginugugol ng Diyos ang dugo ng puso Niya para maging tao sa ikalawang pagkakataon upang personal na gawin ang Kanyang gawain ay upang makilala at makita Siya ng tao. Ang pagkilala sa Diyos[a] ang huling epektong makakamtan sa katapusan ng gawain ng Diyos; ito ang huling hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Ginagawa Niya ito alang-alang sa Kanyang huling patotoo; ginagawa Niya ang gawaing ito upang sa wakas ay ganap nang makabaling sa Kanya ang sangkatauhan. Magagawa lamang ng tao na mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa Diyos, at para mahalin ang Diyos, kailangan niyang makilala ang Diyos. Paano man siya naghahangad, o ano man ang kanyang inaasam na makamit sa kanyang paghahangad, kailangang magkamit siya ng pagkilala sa Diyos. Sa paraang ito lamang mapapalugod ng tao ang puso ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagkilala sa Diyos magkakaroon ang tao ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at sa pagkilala lamang sa Diyos siya tunay na matatakot at makapagpapasakop sa Diyos. Ang mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi kailanman tunay na makapagpapasakop at matatakot sa Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ay kinabibilangan ng pagkakilala sa Kanyang disposisyon, pag-unawa sa Kanyang mga layunin, at pagkilala kung ano Siya. Subalit alinmang aspekto ang makilala ng isang tao, ang bawat isa ay nangangailangan na magbayad ng halaga at magkaroon ng determinasyong magpasakop ang tao, kung hindi ay walang sinumang makakapagpatuloy na sumunod hanggang sa huli.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Talababa:

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “Ang gawain ng pagkilala sa Diyos.”


Ang aral sa pagkakilala sa Diyos ay mas mataas kaysa alinman sa mga agham pangkalikasan ng sangkatauhan. Ito ay isang aral na matagumpay lamang na matututunan ng lubhang kakaunting bilang ng mga taong naghahangad ng pagkakilala sa Diyos, at hindi ng kung sino lamang na may talento. Kaya, hindi ninyo dapat ituring ang pagkakilala sa Diyos at paghahangad ng katotohanan na para bang mga bagay ang mga ito na maaaring makamtan ng isang bata lamang. Marahil ay ganap kang naging matagumpay sa iyong buhay-pamilya, o sa iyong propesyon, o sa iyong pag-aasawa, ngunit pagdating sa katotohanan at sa aral tungkol sa pagkakilala sa Diyos, wala kang maipakita at wala kang natamo. Masasabi na ang pagsasagawa ng katotohanan ay napakahirap para sa inyo, at ang pagkakilala sa Diyos ay mas malaki pang problema. Ito ang mahirap para sa inyo, at ito rin ang hirap na kinakaharap ng buong sangkatauhan. Sa mga nagkaroon na ng ilang pagtatagumpay sa adhikaing kilalanin ang Diyos, halos walang isa mang pasok sa pamantayan. Hindi alam ng tao ang kahulugan ng pagkakilala sa Diyos, kung bakit kailangang makilala ang Diyos, o kung anong antas ang kailangang marating ng isang tao bago niya makilala ang Diyos. Ito ang lubhang nagpapalito sa sangkatauhan, at ito talaga ang pinakamalaking palaisipang kinakaharap ng sangkatauhan—walang may kakayahang sagutin ang tanong na ito, ni walang sinumang handang sumagot sa tanong na ito, dahil, hanggang ngayon, walang isa man sa sangkatauhan ang nagtagumpay na sa pag-aaral sa gawaing ito. Marahil, kapag naipaalam na sa sangkatauhan ang palaisipan ng tatlong yugto ng gawain, sunod-sunod na lilitaw ang isang grupo ng mga taong may talento na nakakakilala sa Diyos. Siyempre pa, sana ay gayon nga, at, bukod pa riyan, nasa proseso Ako ng pagsasakatuparan ng gawaing ito. Inaasam Kong makita ang paglitaw ng mas maraming gayong tao na may talento sa nalalapit na hinaharap, at umaasa Ako na maging mga saksi sila sa katunayan ng tatlong yugtong ito ng gawain—na siyempre pa ay nangangahulugan na sila ang unang magpapatotoo sa tatlong yugtong ito ng gawain. Ngunit wala nang iba pang mas nakakalungkot at nakakahinayang kaysa kung hindi lumitaw ang gayong mga taong may talento sa araw ng pagtatapos ng gawain ng Diyos, o kung mayroon lamang isa o dalawang ganoong tao, at sila ang mga personal na tumanggap na magawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayumpaman, ito lamang ang pinakamalalang senaryo. Anuman ang mangyari, inaasam Ko pa rin na matatamo ng mga tunay na naghahangad ang pagpapalang ito. Simula noong unang panahon, hindi pa nagkaroon ng gawaing tulad nito kailanman; ang gayong malaking gawain ay hindi pa nangyari sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao kailanman. Kung talagang maaari kang maging isa sa mga unang nakakakilala sa Diyos, hindi ba’t ito ang pinakamataas na karangalan sa lahat ng nilikha? May iba pa bang nilikha sa sangkatauhan na mas sasang-ayunan ng Diyos? Ang gayong gawain ay hindi madaling matamo, ngunit sa huli ay magbubunga pa rin ito. Anuman ang kanilang kasarian o bansang pinagmulan, lahat ng may kakayahang magkamit ng pagkakilala sa Diyos ay magtataglay, sa huli, ng pinakamataas na karangalan ng Diyos, at sila lamang ang magtataglay ng awtoridad ng Diyos. Ito ang gawain ng kasalukuyan, at ito rin ang gawain ng hinaharap; ito ang huli at pinakamataas na gawaing isasakatuparan sa 6,000 taon ng gawain, at ito ay isang paraan ng paggawa na nagbubunyag sa bawat kategorya ng tao. Sa pamamagitan ng gawain ng pagdudulot na makilala ng tao ang Diyos, ibinubunyag ang mga ranggo ng lahat ng uri ng tao: Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay kalipikadong tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at magmana ng Kanyang mga pangako, samantalang yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi kalipikadong tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at magmana ng Kanyang mga pangako. Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay mga kaniig ng Diyos, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi matatawag na mga kaniig ng Diyos; ang mga kaniig ng Diyos ay maaaring tumanggap ng anuman sa mga pagpapala ng Diyos, ngunit yaong mga hindi Niya kaniig ay walang kakayahan sa anumang gawain. Mga kapighatian, pagpipino, o paghatol man ito, lahat ng bagay na ito ay para tulutan ang tao na makilala ang Diyos sa huli, at magpasakop sa Kanya. Ito ang tanging epektong makakamtan sa huli. Ang ganap na pagbibigay-alam tungkol sa tatlong yugto ng gawain ay nakakabuti sa pagkakilala ng tao sa Diyos, at tinutulungan nito ang tao na magtamo ng mas ganap at lubos na pagkakilala sa Diyos. Lahat ng gawaing ito ay kapaki-pakinabang sa tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkakilala sa Diyos

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng pagkakilala tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng makilala ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi dapat lapastanganin, ni hindi magagawang baguhin ng tao ang dati nitong pagkakilala sa Diyos tungo sa isang bagong pagkakilala. Alang-alang sa patotoo ng Diyos, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, isinasapubliko Niya ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang publikong pagpapakita, na magkaroon ng pagkakilala tungkol sa Diyos, mabago ang disposisyon ng tao, at makapagbigay ito ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nagpapahiwatig na napalaya na ang tao mula sa pagkagapos ni Satanas at mula sa impluwensiya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at uliran ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito na sa lupa ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, at hinihingi Niya sa tao na magkamit ng pagkakilala sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya—kailangang makilala ng tao ang praktikal at normal na gawain ng Diyos, kailangang magpasakop ng tao sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangang magpatotoo ng tao sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na sa lahat ng gawa Niya ng paglupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng pagkakilala sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagsailalim sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita nito, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya iniligtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang bigyang-kahihiyan ang Kanyang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, nakikilala ang kanyang sarili, iwinawaksi ang kanyang tiwaling disposisyon, at hinahangad ang paglago sa buhay, lahat alang-alang sa pagkilala sa Diyos. Kung hinahangad mo lamang na makilala ang iyong sarili at mapungusan ang iyong sariling tiwaling disposisyon, ngunit wala kang kaalaman tungkol sa gawaing ginagawa ng Diyos sa tao, kung gaano kadakila ang Kanyang pagliligtas, o kung paano mo nararanasan ang gawain ng Diyos at nasasaksihan ang Kanyang mga gawa, kung gayon, kahangalan ang karanasan mong ito. Kung sa palagay mo ay lumago na ang buhay ng isang tao dahil lamang sa nakakaya niyang isagawa ang katotohanan at magpasensiya, ibig sabihin nito ay hindi mo pa rin naaarok ang tunay na kahulugan ng buhay o ang layunin ng Diyos sa pagpeperpekto sa tao. Balang araw, kapag ikaw ay nasa mga simbahan ng relihiyon, kasama ng mga kasapi ng Simbahan ng Pagsisisi o ng Simbahan ng Buhay, marami kang makakasalamuhang debotong tao, na may mga panalangin na naglalaman ng “mga pangitain” at sa paghahangad nila sa buhay, naaantig at ginagabayan ng mga salita. Higit pa rito, sa maraming usapin, nagagawa nilang magpasensiya, itatwa ang kanilang sarili, at hindi magpatangay sa laman. Sa oras na iyon, hindi mo sila makikilatis: Maniniwala ka na lahat ng kanilang ginagawa ay tama, na iyon ang likas na pagbubunyag ng buhay, at nakapanghihinayang na ang pangalang kanilang pinaniniwalaan ay mali. Hindi ba’t kahangalan ang gayong mga pananaw? Bakit sinasabi na maraming tao ang walang buhay? Dahil hindi nila kilala ang Diyos, at sa gayon ay sinasabi na wala silang Diyos sa kanilang puso, at walang buhay. Kung umabot na ang iyong pananampalataya sa Diyos sa punto kung saan kaya mong lubusang makilala ang mga gawa ng Diyos, ang pagiging praktikal ng Diyos, at ang bawat yugto ng gawain ng Diyos, kung gayon, taglay mo ang katotohanan. Kung hindi mo kilala ang gawain at disposisyon ng Diyos, hindi pa rin sapat ang iyong karanasan. Kung paano isinagawa ni Jesus ang yugtong iyon ng Kanyang gawain, paano isinasagawa ang yugtong ito, paano ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya at anong gawain ang nagawa, anong gawain ang ginagawa sa yugtong ito—kung wala kang lubos na pagkakilala sa mga bagay na ito, hindi ka kailanman makatitiyak at palagi mong mararamdaman na hindi ka matatag. Kung, pagkaraan ng isang panahon ng karanasan, nagagawa mong makilala ang gawaing ginawa ng Diyos at ang bawat hakbang ng Kanyang gawain, at kung nagtamo ka na ng lubos na pagkakilala sa mga layunin ng Diyos sa pagsambit ng Kanyang mga salita, at kung bakit napakarami Niyang nasambit na salita na hindi pa natutupad, maaari mong matapang at walang pagpipigil na hangarin ang daan sa unahan, malaya sa pag-aalala at pagpipino.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Maaaring magkaroon ng positibong epekto sa mga tao ang kaalaman sa disposisyon ng Diyos at sa mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos. Makatutulong ito sa kanila na magkaroon ng higit na pananalig sa Diyos at makatutulong sa kanila na magkaroon ng tunay na pagpapasakop at tunay na takot sa Kanya. Kung gayon, hindi na sila bulag na susunod o sasamba sa Kanya. Hindi nais ng Diyos ang mga taong magulo ang isip o yaong bulag na sumusunod sa karamihan, kundi sa halip ay ang isang grupo ng mga tao na mayroong malinaw na pagkaunawa at kaalaman sa disposisyon ng Diyos sa kanilang mga puso at maaaring magpatotoo sa Diyos, isang grupo ng mga tao na, dahil sa Kanyang pagiging kaibig-ibig, dahil sa mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, at dahil sa Kanyang matuwid na disposisyon, ay hindi kailanman lilisanin o tatalikuran ang Diyos. Bilang isang tagasunod ng Diyos, kung sa iyong puso ay nakikita mo pa rin ang tunay na pag-iral ng Diyos, ang Kanyang disposisyon, ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, at ang Kanyang plano na iligtas ang sangkatauhan bilang napakalabo, hindi malinaw, at nakalilito, hindi makakamit ng iyong pananampalataya ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi nakalulugod sa Diyos na sumunod sa Kanya ang ganitong uri ng tao, at hindi Niya gusto na humarap sa Kanya ang ganitong uri ng tao. Sapagkat hindi nauunawaan ng ganitong uri ng tao ang Diyos, hindi niya kayang ibigay ang kanyang puso sa Diyos, at sarado ang kanyang puso sa Kanya, ang kanyang pananampalataya sa Diyos ay puno ng mga karumihan at ang kanyang pagsunod sa Diyos ay matatawag lamang na bulag. Tanging kapag mayroong tunay na pagkaunawa at pagkakilala sa Diyos ang mga tao sila makakakuha ng tunay na pananampalataya at magiging tunay na mga tagasunod, habang kasabay nito ay nagkakaroon ng tunay na pagpapasakop at tunay na takot sa Diyos. Sa ganitong paraan lamang nila maibibigay ang kanilang puso sa Diyos at mabubuksan ang mga ito sa Kanya. Ito ang nais ng Diyos, sapagkat ang lahat ng kanilang ginagawa at iniisip ay makatatagal sa pagsubok ng Diyos at makapagpapatotoo para sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Bilang isang nilikha, kung nais mong tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang gawain ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang mga layunin ng Diyos para sa mga nilikha, kailangan mong maunawaan ang Kanyang plano ng pamamahala, at kailangan mong maunawaan ang buong kabuluhan ng gawaing Kanyang ginagawa. Yaong mga hindi nakakaunawa rito ay mga hindi pasok sa pamantayan bilang mga nilikha! Bilang isang nilikha, kung hindi mo nauunawaan kung saan ka nanggaling, hindi mo nauunawaan ang kasaysayan ng sangkatauhan at lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at, higit pa riyan, hindi mo nauunawaan kung paano umunlad ang sangkatauhan hanggang sa ngayon, at hindi mo alam kung sino ang namumuno sa buong sangkatauhan, ang paggampan mo ng iyong tungkulin ay imposible. Pinamumunuan na ng Diyos ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyan, at simula nang likhain Niya ang tao sa lupa, hindi na Niya nilisan ang tao. Hindi tumitigil kailanman ang Banal na Espiritu sa paggawa, hindi tumitigil kailanman sa paggabay sa tao, at hindi iniwan kailanman ang tao. Ngunit hindi natatanto ng tao na may Diyos, lalong hindi niya kilala ang Diyos. Mayroon pa bang ibang mas nakakahiya kaysa rito para sa lahat ng nilikha? Personal na ginagabayan ng Diyos ang tao, ngunit hindi nauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos. Ikaw ay isang nilikha, subalit hindi mo alam ang iyong sariling kasaysayan, hindi alam kung sino ang gumabay sa iyo sa iyong paglalakbay, at hindi mo alam ang mga gawaing ginawa ng Diyos, kaya hindi mo makilala ang Diyos. Kung hindi mo pa rin alam ang mga bagay na ito, hindi ka magiging kalipikado kailanman na maging tagapagpatotoo ng Diyos. Ngayon, muling personal na ginagabayan ng Lumikha ang lahat ng tao, at idinudulot na mamasdan ng lahat ng tao ang Kanyang karunungan, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, pagliligtas, at pagiging kamangha-mangha. Subalit hindi mo pa rin natatanto o nauunawaan—kung gayon, hindi ba’t ikaw ang hindi tatanggap ng biyayang nagliligtas? Yaong mga kay Satanas ay hindi nakauunawa sa mga salita ng Diyos, samantalang yaong mga hinirang ng Diyos ay nakaririnig sa tinig ng Diyos. Lahat ng nakakaalam at nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ang siyang maliligtas at makapagpapatotoo sa Diyos; lahat ng hindi nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ay hindi makapagpapatotoo sa Diyos, at sila yaong ititiwalag. Yaong mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos at hindi nakatatanto sa gawain ng Diyos ay walang kakayahang magkamit ng pagkakilala sa Diyos, at ang gayong mga tao ay hindi kayang magpatotoo sa Diyos. Kung nais mong maging tagapagpatotoo sa Diyos, kailangan mong makilala ang Diyos; ang pagkakilala sa Diyos ay natutupad sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Sa huli, kung nais mong makilala ang Diyos, kailangan mong makilala ang gawain ng Diyos: Ang pagkakilala sa gawain ng Diyos ang pinakamahalaga. Kapag nagwakas na ang tatlong yugto ng gawain, bubuo ng isang grupo ng mga nagpapatotoo sa Diyos, isang grupo ng mga nakakikilala sa Diyos. Makikilala ng lahat ng taong ito ang Diyos. Maisasagawa nila ang katotohanan, at magtataglay sila ng pagkatao at katwiran. Malalaman nilang lahat ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang gawaing matutupad sa huli, at ang mga taong ito ang kristalisasyon ng gawain ng 6,000 taon ng pamamahala, at ang pinakamakapangyarihang patotoo sa sukdulang pagkatalo ni Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkakilala sa Diyos

Kung gaano karaming pagkaunawa ukol sa Diyos ang mayroon sa puso ng mga tao, iyon din ang lawak ng posisyon na Kanyang inookupa sa kanilang mga puso. Kung gaano kalaki ang antas ng pagkakilala sa Diyos na nasa kanilang mga puso ay ganoon kadakila ang Diyos sa kanilang mga puso. Kung ang diyos na kilala mo ay hungkag at kathang-isip, kung gayon, ang diyos na sinasampalatayanan mo ay hungkag at kathang-isip din, at ang diyos na kilala mo ay limitado sa sarili mong saklaw, at walang kinalaman sa tunay na Diyos Mismo. Kaya, ang pagkilala sa praktikal na mga gawa ng Diyos, ang pagkilala sa pagiging praktikal ng Diyos at Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, ang pagkilala sa tunay na pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, ang pagkilala sa mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, ang pagkilala sa mga gawa na ipinamalas Niya sa gitna ng lahat ng bagay—ang mga ito ay napakahalaga sa bawat isang tao na naghahangad ng pagkilala sa Diyos. Ang mga ito ay may direktang kaugnayan sa kung makapapasok o hindi ang mga tao sa katotohanang realidad. Kung iyong lilimitahan ang iyong pagkaunawa sa Diyos sa mga salita lamang, kung lilimitahan mo ito sa maliliit mong karanasan, sa biyaya ng Diyos na inililista mo, o sa iyong mga munting patotoo sa Diyos, kung gayon sasabihin Ko na ang diyos na iyong sinasampalatayanan ay tiyak na hindi ang tunay na Diyos Mismo. Masasabi rin na ang diyos na sinasampalatayanan mo ay isang kathang-isip na diyos, hindi ang tunay na Diyos. Ito ay dahil ang tunay na Diyos ay ang Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, na lumalakad sa gitna ng lahat, na namamahala sa lahat. Siya ang humahawak sa kapalaran ng buong sangkatauhan at ng lahat ng bagay sa Kanyang mga kamay. Ang gawain at mga gawa ng Diyos na binabanggit Ko ay hindi limitado lamang sa maliit na bahagi ng mga tao. Ibig sabihin, ang mga ito ay hindi limitado lamang sa mga tao na sumusunod sa Kanya sa kasalukuyan. Sa halip, ang Kanyang mga gawa ay ipinamamalas sa lahat ng bagay, sa pag-iral ng lahat ng bagay, at sa mga batas ng pagbabago ng lahat ng bagay. Kung hindi mo makikita o makikilala ang alinman sa mga gawa ng Diyos sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha, kung gayon ay hindi mo kayang magpatotoo sa alinman sa Kanyang mga gawa. Kung hindi mo kayang magbigay ng anumang patotoo sa Diyos, kung patuloy kang nagsasalita gaya ng dati tungkol sa maliit na kung tawagin ay diyos na kilala mo, ang diyos na iyon na limitado sa iyong sariling mga ideya at umiiral lamang sa loob ng iyong makitid na isipan, kung nagpapatuloy kang magsalita tungkol sa gayong uri ng diyos, kung gayon, hindi kailanman sasang-ayunan ng Diyos ang iyong pananalig. Kapag nagpapatotoo ka sa Diyos, kung ginagawa mo lamang ito sa mga paraan kung paano mo tinatamasa ang biyaya ng Diyos, kung paano mo tinatanggap ang disiplina ng Diyos at ang Kanyang pagtutuwid, at kung paano mo tinatamasa ang Kanyang mga pagpapala, kung gayon ay lubhang hindi sapat iyon at malayo pa nga sa pagbibigay ng kasiyahan sa Kanya. Kung gusto mong magpatotoo sa Diyos sa paraan na naaayon sa Kanyang mga layunin, na magpatotoo sa tunay na Diyos Mismo, kung gayon, kailangan mong makita ang tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos sa Kanyang mga gawa. Kailangan mong makita ang awtoridad ng Diyos sa Kanyang pamamahala sa lahat ng bagay, at makita ang katunayan ng kung paano Siya nagtutustos para sa buong sangkatauhan. Kung kinikilala mo lamang na ang iyong pang-araw-araw na pagkain at inumin at ang iyong mga pangangailangan sa buhay ay nagmumula sa Diyos, ngunit hindi mo nakikita ang katunayan na ginagamit ng Diyos ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha para magtustos sa buong sangkatauhan, at na, sa pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay inaakay Niya ang buong sangkatauhan, kung gayon, hindi mo kailanman magagawang magpatotoo sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX

Kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, magiging imposible para sa iyo na gawin ang gawain na dapat mong gawin para sa Kanya. Kung hindi mo nakikilala ang diwa ng Diyos, magiging imposible para sa iyo na magkaroon ng takot at pangingilabot sa Kanya; sa halip, magkakaroon lamang ng pabasta-bastang pagpapabaya at pagpapalusot, at higit pa nga roon, ng hindi na maiwawastong kalapastanganan. Bagama’t talagang mahalagang maunawaan ang disposisyon ng Diyos, at ang pagkilala sa diwa ng Diyos ay hindi maaaring makaligtaan, walang sinuman ang kailanman ay seryosong nagsuri o nagsaliksik sa mga isyung ito. Malinaw na makikita na binalewala ninyong lahat ang mga atas administratibong inilabas Ko. Kung hindi ninyo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, napakalaki ng posibilidad na malapastangan ninyo ang disposisyon Niya. Ang paglapastangan sa disposisyon Niya ay katumbas ng pagpukaw sa galit ng Diyos Mismo, at sa ganitong kaso, ang magiging kahuli-hulihang bunga ng mga kilos mo ay ang paglabag sa mga atas administratibo. Ngayon ay dapat mong mapagtanto na kapag nakikilala mo ang diwa ng Diyos ay mauunawaan mo rin ang Kanyang disposisyon—at kapag nauunawaan mo ang Kanyang disposisyon, mauunawaan mo rin ang mga atas administratibo. Hindi na kailangan pang sabihin na ang karamihan ng napapaloob sa mga atas administratibo ay may kaugnayan sa disposisyon ng Diyos, ngunit hindi lahat ng disposisyon Niya ay ipinapahayag sa mga atas administratibo; kaya, dapat ninyong pagbutihin pa ang pagpapaunlad ng pagkaunawa ninyo sa disposisyon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maunawaan ang Disposisyon ng Diyos

Kung ang nalalaman at ang nauunawaan ng mga tao ay ang disposisyon ng Diyos at ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, ang kanilang matatamo ay buhay na nagmumula sa Diyos. Sa sandaling naitanim na ang buhay na ito sa iyo, lalo pang lalaki nang lalaki ang iyong takot sa Diyos. Ito ay isang resulta na natural na makakamit. Kung ayaw mong maunawaan o malaman ang tungkol sa disposisyon ng Diyos o sa Kanyang diwa, kung ayaw mo man lang pagnilayan o pagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito, masasabi Ko sa iyo nang may katiyakan na ang paraan ng iyong kasalukuyang paghahangad sa iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi ka kailanman matutulutang tugunan ang Kanyang mga layunin o kamtin ang Kanyang pagsang-ayon, lalo na ang tunay na matamo ang kaligtasan—ito ang panghuling mga kahihinatnan. Kapag hindi nauunawaan ng tao ang Diyos at hindi niya kilala ang disposisyon ng Diyos, hindi kailanman tunay na magbubukas sa Diyos ang kanyang puso. Sa sandaling maunawaan na niya ang Diyos, magkakaroon siya ng interes at pananalig na magpakita ng pag-unawa sa puso ng Diyos at nanamnamin niya ito. Kapag nagpapakita ka ng pag-unawa sa puso ng Diyos at ninanamnam mo ito, ang iyong puso ay dahan-dahan, unti-unting magbubukas sa Kanya. Kapag nagbubukas ang iyong puso sa Kanya, madarama mo kung gaano kahiya-hiya at kahamak-hamak ang iyong mga pagtatangka na makipagtransaksiyon sa Diyos, ang iyong mga hinihingi sa Diyos, at ang iyong sariling labis-labis na mga pagnanais. Kapag tunay na nagbubukas sa Diyos ang iyong puso, makikita mo na ang Kanyang puso ay isang mundo ng walang kapantay na lawak, at kasabay nito, papasok ka sa isang mundo na hindi mo pa naranasan kailanman. Sa mundong ito ay walang pandaraya, walang panlilinlang, walang kadiliman, at walang kasamaan. Mayroon lang sinseridad at katapatan; tanging liwanag at integridad; tanging pagiging matuwid at kabaitan. Puno ito ng pagmamahal at pagsasaalang-alang, puno ng habag at pagtitimpi, at binibigyang-daan ka nito na maramdaman ang kaligayahan at kagalakan ng pagiging buhay. Ang mga bagay na ito ang ipapakita sa iyo ng Diyos kapag binuksan mo ang iyong puso sa Kanya. Ang mundong ito na may walang kapantay na lawak ay puno ng karunungan ng Diyos at puno ng pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos; puno rin ito ng Kanyang pag-ibig at puno ng Kanyang awtoridad. Makikita mo rito ang bawat aspekto ng mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, makikita kung ano ang nagpapagalak sa Diyos, ano ang nagdudulot ng pag-aalala sa Kanya, ano ang nagbibigay sa Kanya ng kalungkutan, at ano ang pumupukaw ng Kanyang galit…. Ito ang makikita ng bawat tao na nagbubukas ng kanyang puso at tinutulutang makapasok ang Diyos. Kapag binuksan mo ang iyong puso sa Diyos, saka lang Siya makakapasok dito. Tanging kapag nakapasok na ang Diyos sa iyong puso mo makikita ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, at makikita ang Kanyang mga layunin para sa iyo. Sa sandaling iyon, matutuklasan mo na napakahalaga ng lahat ng tungkol sa Diyos, na talagang karapat-dapat pakaingatan ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos. Kumpara doon, ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo, at maging ang iyong mga mahal sa buhay, ang iyong kapareha, at ang mga bagay na iyong minamahal, ay labis na hindi karapat-dapat na mabanggit, sobrang maliit, at napakababa para sa iyo. Madarama mo na walang materyal na bagay ang muling makahahatak sa iyo, o muling magpapabayad sa iyo ng anumang halaga para dito. Sa pagpapakumbaba ng Diyos ay makikita mo ang Kanyang kadakilaan at ang Kanyang pangingibabaw. Higit pa rito, makikita mo ang walang hanggang karunungan ng Diyos at ang Kanyang pagpaparaya sa gawa Niya na pinaniwalaan mo noon na masyadong maliit, pati na ang pagtitiyaga, pagtitimpi, at pag-unawa na ipinapakita Niya sa iyo. Magdudulot ito sa iyo ng pagsamba para sa Kanya. Sa araw na iyon, mararamdaman mo na nabubuhay ang mga tao sa isang napakaruming mundo, at na, ito man ay ang mga taong nasa tabi mo o ang mga bagay na nangyayari sa iyong paligid, o maging yaong iyong iniibig, ang kanilang pag-ibig para sa iyo, at ang kanilang tinatawag na pag-iingat o ang kanilang malasakit para sa iyo, wala sa mga ito ang karapat-dapat na banggitin—ang Diyos lang ang iyong pinakaminamahal, at ang pinakamahalaga mong yaman. Kapag dumating ang araw na iyon, naniniwala Ako na may ilang tao na magsasabing: “Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos, at napakabanal ng Kanyang diwa. Sa Diyos, walang panlilinlang, walang kasamaan, walang inggit, at walang alitan, kundi tanging pagiging matuwid at pagiging tunay. Ang lahat ng tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay dapat kasabikan ng mga tao, at dapat din itong hangarin at asamin ng mga tao.” Sa anong batayan nabubuo ang kakayahan ng mga tao na makamtan ito? Nabubuo ito batay sa pagkaunawa nila sa disposisyon ng Diyos, at sa kanilang pagkaunawa sa diwa ng Diyos. Kaya ang pag-unawa sa disposisyon ng Diyos at sa mga tinataglay ng Diyos at sa Kanyang pagiging Diyos, ay isang panghabang-buhay na aral sa bawat tao; isa rin itong panghabang-buhay na layon na hinahangad ng bawat tao na naghahangad ng pagbabago sa kanilang disposisyon, at naghahangad na makilala ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Ang makilala ang diwa ng Diyos ay hindi maliit na bagay. Dapat mong maunawaan ang disposisyon Niya. Sa ganitong paraan, makikilala mo ang diwa ng Diyos nang paunti-unti at nang hindi mo namamalayan. Kapag mayroon kang pagkakilalang ito, matatagpuan mo ang sarili mong pumapasok sa mas mataas at mas magandang kalagayan. Sa huli, makararamdam ka ng hiya sa kasuklam-suklam mong kaluluwa, at, bukod dito, mararamdaman mong wala ka nang mapagtataguan mula sa iyong kahihiyan. Sa panahong iyon, mababawasan nang mababawasan ang mga kilos mong lumalapastangan sa disposisyon ng Diyos, lalapit nang lalapit sa puso ng Diyos ang puso mo, at unti-unting lalago sa puso mo ang pagmamahal sa Kanya. Isa itong tanda ng pagpasok ng sangkatauhan sa isang magandang kalagayan. Ngunit sa ngayon, hindi pa ninyo natatamo ito. Habang nagpapakaabala kayong lahat para sa kapakanan ng tadhana ninyo, sino ang nakakaisip na subukang kilalanin ang diwa ng Diyos? Kung magpapatuloy ito, hindi ninyo mamamalayan na malalabag ninyo ang mga atas administratibo, dahil lubhang kakaunti ang nauunawaan ninyo sa disposisyon ng Diyos. Kaya hindi ba’t ang ginagawa ninyo ngayon ay paglalatag ng pundasyon para sa mga paglapastangan ninyo sa disposisyon ng Diyos? Ang paghingi Ko sa inyo na unawain ang disposisyon ng Diyos ay hindi hiwalay sa gawain Ko. Dahil kung lumalabag kayo nang madalas sa mga atas administratibo, sino sa inyo ang makatatakas sa kaparusahan? Hindi ba’t magiging ganap na walang saysay ang gawain Ko kapag nagkagayon? Samakatwid, hinihingi Ko pa rin, bilang karagdagan sa pagbabantay sa sarili ninyong asal, na maging maingat kayo sa mga hakbang na tinatahak ninyo. Ito ang mas malaking hinihingi Ko sa inyo, at umaasa Akong maingat ninyong isasaalang-alang ito at haharapin ito nang taimtim. Kung darating man ang araw na pupukawin ng mga kilos ninyo ang Aking nagpupuyos na galit, kung gayon ay kayo lamang ang haharap sa mga kahihinatnan, at wala nang iba pang magbabata ng kaparusahan sa ngalan ninyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maunawaan ang Disposisyon ng Diyos

Kaugnay na mga Himno

Ang Resultang Nakakamit sa Pagkakilala sa Diyos

Ang Makilala ang Diyos ay ang Pinakamataas na Karangalan para sa mga Nilikha

Magagawa Lamang ng Taong Mahalin ang Diyos sa Pamamagitan ng Pagkilala sa Kanya

Ang mga Kahihinatnan ng Hindi Pag-alam sa Disposisyon ng Diyos

Sinundan:  43. Bakit iyong mga tunay lang na nagmamahal sa Diyos ang magagawa Niyang perpekto

Sumunod:  45. Paano mauunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger