28. Paano lutasin ang isang malupit na disposisyon

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Batay sa salitang “malupit,” ano ang mga bagay na maaaring gawin ng isang tao kapag nagbubunyag siya ng ganitong disposisyon? Una sa lahat, nanaisin niyang manipulahin ang mga tao. Ano ang ibig sabihin ng manipulahin? Ang ibig sabihin nito ay na sa kahit anong usapin sa iglesia, nanaisin niyang manghimasok, makialam, at magsaayos. Magtatakda siya ng isang panuntunan para sa iyo, at pagkatapos ay dapat mo itong sundin. Kung hindi, magagalit siya. Nais niyang manipulahin ka: Kung sabihin niya sa iyo na magtungo sa silangan, kailangan mong magtungo sa silangan, at kung sabihin niya sa iyo na magtungo sa kanluran, kailangan mong magtungo sa kanluran. Taglay niya ang pagnanais na ito, at pagkatapos ay kumikilos siya sa ganitong paraan—ang tawag dito ay pagmamanipula. Nais ng mga taong ito na pamahalaan ang tadhana ng isang tao, na pamahalaan ang isipan, mga kagustuhan, pag-uugali, at buhay ng isang tao, nang sa gayon ang isipan, mga ideya, mga kagustuhan, mga pagnanais, pag-uugali, at mga kilos ng taong ito ay umayon sa kung ano ang sinasabi nila at sa kung ano ang gusto nila, sa halip na umayon sa sinasabi ng Diyos—ang tawag dito ay pagmamanipula. Palagi nilang gusto na isaayos para sa mga tao na gawin ang ganito o ang ganyan alinsunod sa sarili nilang kalooban, hindi sila kumikilos batay sa mga katotohanang prinsipyo, kundi batay sa mga sarili nilang intensiyon at kagustuhan. Wala silang pakialam kung ano ang nararamdaman mo, sapilitan ka nilang inuutusan, at kailangan mong gawin kung anuman ang sabihin nila sa iyo; kung hindi ka kikilos ayon sa sarili nilang kalooban, pangangasiwaan ka nila at ipararamdam nila sa iyo na wala ka talagang pagpipilian at walang anumang magagawa pa. Alam mo sa puso mo na ikaw ay niloloko at kinokontrol, ngunit hindi mo pa rin alam kung paano ito kikilatisin, lalong hindi ang maglakas-loob na lumaban. Hindi ba’t ang kanilang mga kilos ay pag-uugali ni Satanas? (Oo.) Ito ay pag-uugali ni Satanas. Niloloko ni Satanas ang mga tao sa ganitong paraan at kinokontrol ang mga tao sa ganitong paraan, kaya naipamamalas sa mga tao ang isang satanikong disposisyon bilang palaging pagtatangkang kontrolin at manipulahin ang iba. Matupad man nila o hindi ang intensiyong ito ng pagkokontrol at pagmamanipula ng iba, ang lahat ng tao ay may ganitong uri ng disposisyon. Ano ang disposisyong ito? (Pagiging malupit.) Ito ay pagiging malupit. Bakit ito tinatawag na pagiging malupit? Ano ang mga malinaw na pagbubunyag ng disposisyong ito? Ito ba ay may kalakip na diwa ng pamimilit? (Oo.) Ito ay may kalakip na diwa ng pamimilit, na nangangahulugan na kung ikaw man ay makinig o hindi, kung anuman ang nararamdaman mo, kung nasisiyahan ka man dito o nauunawaan mo ito, sapilitan nilang hihingin na makinig ka sa kanila at gawin mo ang sinasabi nila, nang wala nang anumang usapan pa, nang hindi ka binibigyan ng pagkakataong magsalita, at nang hindi ka binibigyan ng anumang kalayaan—hindi ba’t mayroon itong ganitong suson ng kahulugan? (Oo.) Tinatawag itong “kabagsikan,” na isang aspekto ng kalupitan.[a] Ang isa pang aspekto ng pagiging malupit ay “kasamaan,”[b] ano ba ang tinutukoy ng “kasamaan”? Tumutukoy ito sa mga tao na gumagamit ng mga pamamaraan ng sapilitang pag-iindoktrina at paniniil upang matamo ang resulta na makontrol ka at mapilit kang sumunod sa kanilang pagmamanipula, at sa ganitong paraan ay mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili. Ang tawag dito ay “kasamaan.” Sa mga kilos nito, nais ni Satanas na pigilan kang magkaroon ng malayang kalooban, na matutong magmuni-muni at kumilatis, at na makaunawa sa katotohanan upang ang iyong buhay ay unti-unting gumulang. Hindi ka hinahayaan ni Satanas na gawin ang mga bagay na iyon, at nais nitong kontrolin ka. Hindi ka hinahayaan ni Satanas na hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos, at hindi ka nito dinadala sa harap ng Diyos, sa halip ay dinadala ka nito sa harap nito at pinipilit kang makinig dito, na animo’y ito ang katotohanan, at anumang sabihin nito ay tama, at animo’y ito ang sentro ng lahat ng bagay, kaya kailangan mong makinig dito; huwag mong subukang suriin kung tama ba o mali ang mga salita nito. Ang disposisyon ng pagmamanipula at pagkontrol sa pag-uugali at pag-iisip ng mga tao sa isang paraang sapilitan, at na mayroong marahas na katangian, ay tinatawag na pagiging malupit.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito

Mga Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “na isang aspekto ng kalupitan.”

b. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “Ang isa pang aspekto ng pagiging malupit ay ‘kasamaan.’”


Sa ano pang ibang mga paraan naipamamalas ang isang malupit na disposisyon? Ano ang kinalaman nito sa pagiging tutol sa katotohanan? Ang totoo, kapag naipamamalas ang pagiging tutol sa katotohanan sa isang malubhang paraan, kapag taglay nito ang mga katangian ng pagsalungat at paghusga, nagbubunyag ito ng isang malupit na disposisyon. Kinapapalooban ng ilang kalagayan ang pagiging tutol sa katotohanan, mula sa kawalan ng interes sa katotohanan hanggang sa pagiging tutol sa katotohanan, na nagpapahiwatig na ang isang tao ay umabot na sa punto ng pagkakaroon ng tendensiya na husgahan ang Diyos at kondenahin ang Diyos. Kapag umabot na sa isang punto ang pagiging tutol sa katotohanan, malamang na itatwa ng mga tao ang Diyos, kamuhian ang Diyos, at kalabanin ang Diyos. Ang ilang kalagayang ito ay mga pagpapamalas ng isang malupit na disposisyon, hindi ba? (Oo.) Kaya, ang mga tutol sa katotohanan ay may mas malubha pang kalagayan, at napapaloob dito ang isang uri ng disposisyon: ang malupit na disposisyon. Halimbawa, kinikilala ng ilang tao na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, pero kapag may kinukuha sa kanila ang Diyos, at dumaranas sila ng mga kawalan sa kanilang mga interes, sa panlabas ay hindi sila nagrereklamo o umaaktong tutol, pero sa kalooban nila ay wala silang pagtanggap o pagpapasakop. Ito ay isang saloobin ng paglaban sa loob ng pagkanegatibo, ng pag-upo sa isang tabi at paghihintay sa kamatayan, at malinaw na ang kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan. May isa pang kalagayan na mas malubha pa: Hindi sila pasibong nakaupo at naghihintay ng pagkawasak, kundi sa halip ay sumasalungat sila sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos, at sumasalungat sa pag-aalis ng Diyos ng mga bagay-bagay mula sa kanila. Paano nila ito ginagawa? (Sa pamamagitan ng panggagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, o kaya ay pananabotahe ng mga bagay-bagay, sa pagtatangka na magtatag ng sarili nilang kaharian.) Isa iyang paraan. Pagkatapos matanggal ang ilang huwad na lider, hindi lang sa hindi nila pinagninilayan ang kanilang sarili, kundi mayroon din silang paglaban sa kanilang puso. Palagi pa nga silang nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo habang namumuhay ng buhay iglesia, nilalabanan at sinusuway nila ang lahat ng sinasabi ng bagong hirang na lider, at sinusubukan nilang siraan ito nang patalikod. Anong disposisyon ito? Ito ay isang malupit na disposisyon. Ang talagang iniisip nila ay, “Kung hindi ako puwedeng maging lider, walang ibang puwedeng manatili sa posisyong ito, paaalisin ko silang lahat! Kung mapapaalis kita, ako ang mamamahala tulad ng dati!” Hindi lang ito pagiging tutol sa katotohanan, ito ay pagiging malupit! Nakikipag-agawan sila para sa katayuan, para sa teritoryo, at para sa sarili nilang mga interes at reputasyon; wala silang inuurungan at ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para makapaghiganti. Sa madaling salita, ginagamit nila ang lahat ng kasanayang mayroon sila, at ginagawa ang lahat ng posible para makamit ang kanilang mga pakay, para isalba ang kanilang reputasyon, pride, at katayuan, at para isakatuparan ang kanilang intensyon na makapaghiganti. Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng pagiging malupit. Ang ilan sa mga kilos ng isang malupit na disposisyon ay kinapapalooban ng pagsasabi ng maraming bagay para magdulot ng mga panggugulo at paggambala; ang ilan ay kinapapalooban ng paggawa ng maraming masamang bagay para makamit ang mga pakay ng isang tao. Maging sa mga salita man nila o sa mga gawa, ang lahat ng ginagawa ng gayong mga tao ay hindi naaayon sa katotohanan, at lumalabag sa katotohanan, at lahat ng ito ay pagbubunyag ng isang malupit na disposisyon. Hindi kaya ng ilang tao na makilatis ang mga bagay na ito. Kung hindi hayagan ang maling pananalita o pag-uugali, hindi nila makikita kung ano ba talaga ito. Pero para sa mga taong nakauunawa sa katotohanan, ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng masasamang tao ay masama, at hindi kailanman makapaglalaman ng anumang tama, o nang alinsunod sa katotohanan; ang mga bagay na ito na sinasabi at ginagawa ng mga taong ito ay masasabing 100 porsiyentong masama at ganap na mga pagbubunyag ng isang malupit na disposisyon. Ano-ano ang mga motibasyon ng masasamang tao bago nila ibunyag ang malupit na disposisyong ito? Ano-anong uri ng mga layon ang sinusubukan nilang matamo? Paano nila nagagawa ang gayong mga bagay? Makikilatis ba ninyo ito? Bibigyan Ko kayo ng halimbawa. May nangyari sa mga tahanan ng ilang tao. Isinailalim ang mga tahanan sa pagmamatyag ng malaking pulang dragon, at hindi makauwi ang mga taong ito, na labis na nagpahirap sa kanila. Pinatuloy sila ng ilang kapatid, at nang makita nila kung gaano kaayos ang lahat sa mga tahanang matutuluyan na ito, inisip nila, “Bakit wala pang nangyari sa tahanan mo? Bakit ito nangyari sa tahanan ko? Hindi iyan patas. Hindi ito maaari, kailangan kong mag-isip ng paraan para may mangyari sa tahanan mo, para hindi ka makauwi. Ipatitikim ko sa iyo ang paghihirap na gaya ng pinagdusahan ko.” May gawin man sila o wala, o maging realidad man ito o hindi, o makamit man nila o hindi ang kanilang mga pakay, kung taglay nila ang ganitong uri ng intensyon, isa itong uri ng disposisyon, hindi ba? (Oo.) Kung hindi sila makapamuhay nang maganda, hindi rin nila hahayaan ang iba na makapamuhay nang maganda. Anong disposisyon ito? (Isang malupit na disposisyon.) Ito ay isang malupit na disposisyon—napakasama ng mga taong ito! Sa kolokyal na pananalita, sagad sa buto ang kabulukan nila. Inilalarawan nito kung gaano sila kalupit. Ano ang kalikasan ng gayong disposisyon? Maghimay kayo nang kaunti: Kapag nabubunyag sa kanila ang disposisyong ito, ano ang kanilang mga intensyon at motibasyon? Ano ang intensiyon sa likod ng pagbubunyag nila ng disposisyong ito? Ano ang nais nilang makamit? May nangyari sa sarili nilang tahanan, at maayos silang tinutustusan sa mga tahanang matutuluyan na ito—kaya bakit nila ito gugustuhing guluhin? Masaya lang ba sila kapag nagulo na nila ang buhay ng kanilang mga tagapagpatuloy, kaya may nangyayari sa mga tahanang matutuluyan na ito at hindi na rin makauwi ang kanilang mga tagapagpatuloy? Para sa sarili nilang kapakanan, dapat ay protektahan nila ang mga lugar na ito, pigilan na may mangyaring anuman sa mga ito, at hindi ipahamak ang kanilang mga tagapagpatuloy, dahil ang pagpapahamak sa mga ito ay pagpapahamak din sa kanilang sarili. Kaya, ano ba mismo ang pakay nila sa pagnanais na gawin ito? (Kapag hindi maayos ang mga bagay-bagay para sa kanila, ayaw rin nilang maging maayos ang mga bagay-bagay para sa ibang tao.) Kalupitan ang tawag dito. Ang iniisip nila ay, “Winasak ng malaking pulang dragon ang tahanan ko at ngayon ay wala na akong tahanan. Pero mayroon ka pa ring maganda at komportableng tahanan na maaari mong uwian. Hindi ito patas. Naiinis ako na makita na nakakauwi ka pa sa tahanan mo. Papagdusahin kita. Gagawa ako ng paraan para hindi ka na makauwi at magiging pareho lang tayo. Magiging patas ang mga bagay-bagay kapag nangyari ito.” Hindi ba’t ang paggawa nito ay pagkikimkim ng masasamang kaisipan at pagkakaroon ng masamang intensyon? Kaya, ano ang kalikasan ng pagkilos nang ganito? (Isang malupit na kalikasan.) Ang mga taong may malulupit na disposisyon ay nagsasabi at gumagawa ng mga bagay para lang sa intensyong matugunan ang kanilang mga pagnanais. Anong uri ng mga bagay ang karaniwan nilang ginagawa? (Ginagambala, ginugulo, at sinisira nila ang gawain ng iglesia.) (Sinusubukan nilang magpalakas kapag kaharap nila ang mga tao, pero pagkatapos niyon ay sinusubukan nilang siraan ang mga tao kapag nakatalikod ang mga ito.) (Inaatake nila ang mga tao, naghihiganti sila at mapaminsala nilang binabatikos ang mga tao.) (Nagpapakalat sila ng mga walang batayang tsismis at paninirang-puri.) (Naninira, nanghuhusga, at nagkokondena sila.) Ang kalikasan ng mga pagkilos na ito ay ang guluhin at sirain ang gawain ng iglesia, at lahat ng ito ay pagpapamalas ng paglaban at pag-atake sa Diyos, pawang pagbubunyag ng isang malupit na disposisyon. Ang mga taong kayang gawin ang mga ito ay walang dudang masasamang tao, at lahat ng nagtataglay ng ilang partikular na pagpapamalas ng isang malupit na disposisyon ay maaaring ilarawan bilang masasamang tao. Ano ang diwa ng isang masamang tao? Ito ay ang diwa ng isang diyablo at ni Satanas. Hindi ito pagmamalabis.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkaalam sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Nangangahulugan ng Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Minamahal ba ng masasamang tao ang mga positibong bagay? Minamahal ng masasamang tao ang mga buktot, malupit, at mapaminsalang bagay; minamahal nila ang lahat ng may kaugnayan sa mga negatibong bagay. Kapag nakikipag-usap ka sa kanila tungkol sa mga positibong bagay, tungkol sa kung paano nakikinabang ang mga tao sa mga bagay na ito at kung paano ito nagmumula sa Diyos, hindi nila gusto ang mga ito at hindi sila interesadong marinig ang tungkol sa mga ito—wala silang pag-asang maligtas. Gaano man kahusay naibahagi ang katotohanan o gaano man kapraktikal ang mga salita, sadyang hindi sila interesado, at maaari pa ngang magpahayag ng pagkamapanlaban at antagonismo. Ngunit nagliliwanag ang kanilang mga mata kapag narinig nila ang isang tao na nagsasalita tungkol sa kasiyahan ng laman, at napupuno sila ng enerhiya. Ito ay isang malupit at buktot na disposisyon, at hindi mabuti ang kanilang kalooban. Kaya, hindi nila kayang mahalin ang mga positibong bagay. Sa kanilang mga puso, paano nila tinitingnan ang mga positibong bagay? Hinahamak at minamaliit nila ang mga ito, kinukutya nila ang mga bagay na ito. Kapag tinatalakay mo ang tungkol sa pagiging matapat na tao, iniisip nila, “Ang pagiging tapat ay naglalagay sa iyo sa dehadong kalagayan. Ang pagiging isang matapat na tao ay napakahangal. Hinding-hindi ako magiging isang matapat na tao! Nagtitiis ka ng paghihirap at nagsisikap nang husto para gampanan ang iyong tungkulin nang hindi man lang isinasaalang-alang ang sarili mong plano para protektahan ang sarili mo o ang sarili mong kalusugan. At walang aako ng responsabilidad kung bumagsak ka sa sobrang pagod. Hindi ko maaaring pagurin ang sarili ko nang ganyan.” Maaaring sabihin ng iba, “Mag-iwan tayo ng lalabasan para sa sarili natin. Hindi tayo puwedeng magpagod nang todo-todo na parang mga mangmang. Kailangan nating ihanda ang ating plano para protektahan ang sarili natin at pagkatapos ay magsikap na lang nang kaunti.” Ang masasama ay matutuwa kapag narinig nila ito; tamang-tama ito para sa kanila. Ngunit pagdating sa ganap na pagpapasakop sa Diyos at paggugol ng sarili at paggawa ng tungkulin ng isang tao nang deboto, nakakaramdam sila ng pagkasuklam at pagkamuhi, at hindi nila ito tatanggapin. Hindi ba’t malupit ang ganitong tao? Ang lahat ng taong tulad nito ay may malupit na disposisyon. Ang kailangan mo lamang gawin ay magbahagi tungkol sa katotohanan, at makipag-usap tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa, at makipag-usap tungkol sa pagiging isang matapat na tao kasama sila, at nasusuklam na sila at ayaw nang makinig. Iisipin nilang sinisira nito ang kanilang pride, sinusugatan ang kanilang dignidad, at hindi sila makikinabang dito. Sa kanilang kalooban ay sasabihin nila, “Palaging pagtatalakay tungkol sa katotohanan, sa mga prinsipyo ng pagsasagawa. Palaging nagsasalita tungkol sa pagiging isang matapat na tao—mapapakain ka ba ng katapatan? Magkakapera ka ba dahil sa pagsasabi ng totoo? Pandaraya ang paraan para kumita!” Anong pangangatwiran ito? Pangangatwiran ito ng isang bandido. Hindi ba’t isa itong malupit na disposisyon? Mabuti ba ang kalooban ng mga taong ito? (Hindi.) Ang ganitong mga tao ay hindi makakamit ang katotohanan. Ang kaunting iniaalay, ginugugol, at tinatalikuran nila ay nakatuon lahat sa isang motibo, isang bagay na noon pa nila kinalkula nang mabuti. Iniisip nilang magandang kasunduan lamang ang mag-alok ng isang bagay kung makakakuha sila ng mas marami bilang kapalit. Anong disposisyon ito? Ito ay isang buktot at malupit na disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagkakilala sa Sarili ay Mahalaga sa Paghahangad ng Katotohanan

Sa iglesia, pinupungusan ang ilang tao dahil hindi nila ginagawa nang maayos ang kanilang tungkulin. Ang mga salitang binibitawan kapag pinupungusan ang isang tao ay madalas na may kasamang pagsaway at marahil ay may kasama pa ngang panenermon. Tiyak na sasama ang loob niya dahil dito, at gugustuhin niyang magdahilan at sumagot. Magsasabi siya ng mga bagay gaya ng, “Bagama’t tama ang sinabi mo noong pinungusan mo ako, ang ilan dito ay talagang nakasasama ng loob, at dahil sa iyo ay napahiya ako at sinaktan mo ang damdamin ko. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos. Kahit na wala akong anumang nakamit, nagtiis ako ng paghihirap. Paanong ganito ang pakikitungo sa akin? Bakit wala kang ibang pinupungusan? Hindi ko ito matatanggap at hindi ko ito mapalalampas!” Isa itong uri ng tiwaling disposisyon, hindi ba? (Oo.) Ang tiwaling disposisyong ito ay naipamamalas lamang sa pamamagitan ng mga reklamo, pagsuway, at antagonismo; bagama’t hindi pa ito umaabot sa sukdulan nito, nagpapakita na ito ng ilang tanda, at nagsisimula na itong umabot sa punto na sasabog na ito. Ano ang saloobin niya pagkatapos na pagkatapos nito? Hindi siya mapagpasakop, hindi siya masaya at palaban siya at nagsisimula siyang maglabas ng galit. Nagsisimula siyang makipag-argumento at sinusubukan niyang pangatwiranan ang kanyang sarili: “Hindi laging tama ang mga lider at manggagawa kapag pinupungusan nila ang mga tao. Maaaring kaya ninyong lahat na tanggapin ito, pero hinding-hindi ko ito matatanggap. Kaya ninyong tanggapin ito dahil mga hangal at duwag kayo. Hindi ko ito tinatanggap! Magdebate tayo at tingnan natin kung sino ang tama o mali.” Pagkatapos ay nakikipagbahaginan sa kanya ang mga tao, sinasabing, “Tama man o mali, ang una mong kailangang gawin ay ang magpasakop. Posible bang ni wala man lang bahid ang paggampan mo sa iyong tungkulin? Ginagawa mo ba nang tama ang lahat ng bagay? Kahit pa ginagawa mo nang tama ang lahat ng bagay, makatutulong pa rin sa iyo na mapungusan! Napakaraming beses na kaming nagbahagi sa iyo tungkol sa mga prinsipyo, pero hindi ka kailanman nakinig at pinili mong bulag na lang na gawin ang gusto mo, na nakagulo sa gawain ng iglesia at nagsanhi ng malalaking kawalan, kaya paanong hindi ka mahaharap sa pagpupungos? Maaaring mahigpit ang pagkakasabi, at maaaring masakit itong pakinggan, pero normal lang iyon, hindi ba? Kaya bakit ka nakikipagtalo? Gumagawa ka ng masasamang bagay, pero hindi mo tinutulutan ang ibang tao na pungusan ka?” Pero pagkatapos marinig ito, kaya ba niyang tanggapin ang mga salitang ito? Hindi niya kaya. Patuloy lang siyang nakikipagtalo at kumikilos nang mapanlaban. Anong disposisyon ang ibinubunyag niya? Ang pagka-diyablo; isa itong malupit na disposisyon. Ano ang talagang ibig niyang sabihin? “Hindi ko kinukunsinti ang kahit na pinakamaliit na insulto. Walang dapat sumubok na kumanti sa akin! Kung ipapakita ko sa iyo na hindi ako basta-basta puwedeng banggain, hindi ka mangangahas na pungusan ako sa hinaharap. Hindi ba’t nanalo na ako kung magkagayon?” Anong tingin ninyo rito? Nalantad na ang kanyang disposisyon, hindi ba? Isa itong malupit na disposisyon. Ang mga taong may malulupit na disposisyon ay hindi lamang tutol sa katotohanan—kinamumuhian nila ang katotohanan. Kapag isinasailalim sila sa pagpupungos, sinusubukan nila itong takasan o kaya naman ay hindi nila ito pinapansin, nakakaramdam ng labis na pagkamuhi sa puso nila. Hindi ito isang simpleng kaso ng pagpepresenta nila ng sarili nilang mga argumento. Hindi talaga iyon ang saloobin nila. Tumututol sila at lumalaban, at sinusubukan pa nga nilang magsimula ng alitan na parang isang bungangera. Sa puso nila, iniisip nila, “Nauunawaan kong sinusubukan mo akong bigyang-kahihiyan at sadyang ipahiya, at kahit na hindi ako nangangahas na salungatin ka nang harap-harapan, maghahanap ako ng pagkakataon para makaganti! Hindi ba’t gusto mo akong pungusan at apihin? Gagawa ako ng paraan para kumampi ang lahat sa akin, para maging mag-isa ka, at ipapatikim ko sa iyo ang pakiramdam ng minamaltrato!” Ito ang kanilang iniisip sa kanilang puso; sa wakas ay nabunyag na ang kanilang malupit na disposisyon. Alang-alang sa pagtamo ng kanilang mga pakay at pagbubulalas ng kanilang galit, nakikipagtalo sila sa abot ng makakaya nila para mapangatwiranan ang sarili nila at mapakampi sa kanila ang lahat. Saka lamang sila magiging masaya at mararamdaman na nakabawi na sila. Mapaminsala ito, hindi ba? Isa itong malupit na disposisyon. Kapag hindi pa sila napupungusan, parang maliliit na kordero ang mga ganitong tao. Kapag isinailalim na sila sa pagpupungos, o kapag nalantad na ang kanilang tunay na sitwasyon, mula sa pagiging kordero ay agad silang nagiging lobo, at lumalabas ang pagiging lobo nila. Isa itong malupit na disposisyon, hindi ba? (Oo.) Kaya bakit hindi ito kadalasang nakikita? (Hindi pa nanganganib ang kanilang mga interes.) Tama iyan, hindi pa sila ginagalit at hindi pa nanganganib ang kanilang mga interes. Kagaya ito ng kung paanong hindi ka kakainin ng isang lobo kapag hindi naman ito gutom—masasabi mo ba kung gayon na hindi ito isang lobo? Kung maghihintay ka hanggang sa tangkain nitong kainin ka bago mo ito tawaging lobo, magiging masyadong huli na, hindi ba? Kahit na hindi ka pa nito pinagtatangkaang kainin, dapat maging mapagbantay ka na sa lahat ng oras. Hindi dahil sa hindi ka kinakain ng lobo ay nangangahulugan na ayaw ka nitong kainin, bagkus ay hindi pa lang dumating ang oras—at kapag dumating na ang oras, lalabas na ang likas na pagka-lobo nito. Naibubunyag ng pagpupungos ang lahat ng uri ng tao. Iniisip ng ilang tao, “Bakit ba ako lang ang pinupungusan? Bakit ba ako ang laging pinag-iinitan? Sa tingin ba nila ay puwedeng-puwede akong alipustahin? Hindi ako ang uri ng tao na puwede ninyong banggain!” Anong disposisyon ito? Paanong siya lang ang pinupungusan? Hindi naman talaga ganito ang mga bagay-bagay. Sino sa inyo ang hindi pa pinungusan? Naranasan na ninyong lahat iyon. Kung minsan ay arbitraryo at padalos-dalos sa kanilang gawain ang mga lider at manggagawa, o kaya ay hindi nila ito isinasakatuparan nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain—karamihan sa kanila ay pinupungusan. Ginagawa ito upang mapangalagaan ang gawain ng iglesia at mapigilan ang mga tao na lumihis patungo sa kanilang sariling landas. Hindi ito ginagawa upang puntiryahin ang sinumang partikular na indibidwal. Ang sinabi nila ay malinaw na pagbabaluktot ng mga katunayan, at isa rin itong pagpapamalas ng isang malupit na disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkaalam sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Nangangahulugan ng Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Batay sa pariralang “mahilig sa paghihiganti,” malinaw na hindi mabuti ang mga taong ito; sa pangkaraniwang pananalita, salot sila sa lipunan. Batay sa mga palagiang pagpapamalas at pagbubunyag ng pagkatao nila, pati na sa mga prinsipyo nila sa pagkilos, hindi mabuti ang puso nila. Gaya ng karaniwang kasabihan, “maitim ang budhi” nila. Sinasabi natin na hindi sila kabilang sa mabait na uri; sa mas partikular, ang mga indibidwal na ito ay hindi mabait bagkus ay malupit, mapaminsala, at marahas. Kapag may nagsabi o gumawa ng isang bagay na nakakaapekto sa mga interes, imahe, o katayuan nila, o nagpasama sa loob nila, sa isang banda, nagkikimkim sila ng pagkamapanlaban sa puso nila. Sa kabilang banda, batay sa pagkamapanlabang ito, kumikilos sila; kumikilos sila nang may layon at direksiyong maibulalas ang pagkamuhi nila at mailabas ang galit nila, isang pag-uugaling kilala bilang paghihiganti. Laging may ganitong ilang indibidwal sa mga tao. Ito man ay ang inilalarawan ng mga tao bilang pagiging mababaw, dominante, o sobrang sensitibo, anuman ang mga terminong ginagamit para ilarawan o ibuod ang pagkatao nila, ang karaniwang pagpapamalas ng pakikitungo nila sa iba ay kung sinuman ang di-sadya o sadyang makasakit o makapagpasama ng loob nila ay dapat magdusa at humarap sa mga kaukulang kahihinatnan. Katulad ito ng sinasabi ng ilang tao: “Pasamain mo ang loob nila, at makukuha mo ang higit pa sa inaasahan mo. Kung pupukawin o sasaktan mo sila, huwag mong asahang basta ka na lang makakatakas.” May umiiral bang mga gayong indibidwal sa mga tao? (Oo.) Tiyak na mayroon. Anuman ang mangyari, sulit man o hindi na magalit o maging mababaw tungkol dito, iyong mga tao na mahilig sa paghihiganti ay inilalagay ito sa kanilang pang-araw-araw na adyenda, itinuturing nila ito bilang isang napakahalagang usapin. Sinuman ang makapagpasama ng loob nila, hindi ito katanggap-tanggap, at humihingi silang mabayaran ang katumbas na halaga, na siyang prinsipyo nila sa pagtrato sa mga tao, sa pagtrato sa sinumang itinuturing nilang kaaway. Halimbawa, sa buhay iglesia, may ilang tao na nakikipagbahaginan tungkol sa kalagayan nila o normal na nakikipagbahaginan o nagsasalaysay ng mga karanasan nila, tinatalakay nila ang mga kalagayan at katiwalian nila. Sa paggawa niyon, hindi nila sinasadyang madamay ang mga kalagayan at katiwalian ng iba. Maaaring hindi ito sinasadya ng nagsasalita, pero dinidibdib ito ng nakikinig. Pagkatapos makinig, hindi ito maarok o maharap nang tama ng indibidwal na ito, at malamang na magkaroon siya ng mapaghiganting mentalidad. Kung hindi niya palalagpasin ang usaping ito at igigiit niyang umatake at maghangad na maghiganti, magdudulot ito ng problema sa gawain ng iglesia, kaya dapat na agad na mapangasiwaan ang usaping ito. Hangga’t may masasamang tao sa iglesia, hindi maiiwasang lilitaw ang mga kaguluhan, kaya hindi dapat balewalain ang mga insidente ng masasamang tao na nanggugulo sa iglesia. Sinasadya man o hindi, basta’t ginalit o sinaktan mo sila, hindi nila ito palalampasin basta-basta. Iniisip nila: “Binabanggit mo ang sarili mong katiwalian, bakit mo ako binabanggit? Tinatalakay mo ang pagkilala mo sa sarili, bakit mo ako inilalantad? Dahil sa paglalantad mo sa katiwalian ko, nasisira ang imahe at dignidad ko, nagigisa ako sa harap ng mga kapatid, nawawalan ako ng katanyagan, at nasisira ang reputasyon ko. Kung gayon, maghihiganti ako laban sa iyo; makukuha mo ang higit sa inaasahan mo! Huwag mong isiping madali akong apihin, na maaari mo akong kayan-kayanin dahil lang sa mahirap ang pamilya ko at mababa ang katayuan ko sa lipunan. Huwag mong isiping puwede mo akong kayan-kayanin; hindi ako isang taong maaaring banggain!” Huwag nang isipin kung paano sila naghihiganti; isaalang-alang na lang natin ang mismong mga taong ito: Kapag nahaharap sila sa maliliit na usaping ito—mga usaping karaniwan sa buhay iglesia—bukod sa hindi nila matrato o maarok nang tama ang mga usaping ito, nagkakaroon pa sila ng pagkamuhi at naghihintay ng mga pagkakataon para makapaghiganti, gumagamit pa nga sila ng mga walang pakundangang paraan para isakatuparan ang paghihiganti nila. Ano ang sinasabi nito tungkol sa pagkatao nila? (Mapaminsala ito.) Mababait na tao ba sila? (Hindi.) … Titingnan ng iba ang parehong usapin bilang karaniwan, pangangasiwaan at tatratuhin nila ito nang naaayon. Siyempre, maagap at positibo itong lulutasin ng mabubuting tao na tumatanggap sa katotohanan. Ang mga ordinaryong tao, bagaman hindi positibong nilulutas ito, ay hindi nagkikimkim ng pagkamuhi, lalong hindi sila naghahangad na makapaghiganti. Pero para sa mga tao na di-mabait, maaaring magtalo ang kalooban nila dahil sa gayong karaniwan at lubos na ordinaryong usapin, kaya hindi nila magawang kumalma. Ang mga bagay na ipinapakita nila ay hindi positibo o ordinaryo, kundi malupit at buktot; naghahangad sila na makapaghiganti. Ano ang dahilan ng paghihiganti nila? Naniniwala sila na sinasadya silang siraan ng mga tao gamit ang mga mapaminsalang pahayag, inilalantad ang tunay na mga sitwasyon tungkol sa kanila, gayundin ang pangit na katangian at ang katiwalian nila. Itinuturing nila ang sinasabi ng mga tao bilang sinasadya, kaya itinuturing nila ang mga ito bilang mga kaaway. Pagkatapos, pakiramdam nila ay makatarungan ang paggamit ng paghihiganti para ayusin ang naturang usapin, gumagamit sila ng iba’t ibang paraan para makamit ang layunin nilang makapaghiganti. Hindi ba’t isa itong malupit na disposisyon? (Oo.) Sa buhay iglesia, kapag tinatalakay ng mga kapatid ang tungkol sa mga kalagayan nila, karamihan sa nakikinig ay nakauugnay rito at natatanggap ito mula sa Diyos. Tanging ang mga tutol sa katotohanan at may buktot na disposisyon ang nagpapakita ng pagkamapanlaban at maging ng mapaghiganting mentalidad pagkarinig nila rito, na lubos na nagbubunyag sa kalikasang diwa nila. Kapag nabuo na ang mapaghiganting mentalidad, susunod na ang isang serye ng mga mapaghiganting pag-uugali at kilos. Kapag nangyayari ang mga paghihiganti, ano ang nangyayari sa ugnayan ng mga tao? Hindi na wasto ang mga ito. At sino ang tunay na biktima rito? (Ang taong pinaghihigantihan nila.) Tama. Ang tunay na mga biktima ay ang mga nakikipagbahaginan tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Ang mga mahilig sa paghihiganti ay manghuhusga, mang-aatake, at magdidiin o maninira pa nga sa mga tao na sa tingin nila ay naglalantad o nagkikimkim ng pagkamapanlaban sa kanila, gumagamit sila ng mga salita o kilos sa iba’t ibang sitwasyon. Ang mga taong mahilig sa paghihiganti ay hindi lang pansamantalang nagkikimkim ng pagkamuhi sa puso nila at iyon na iyon; naghahanap at lumilikha pa nga sila ng lahat ng uri ng oportunidad para gantihan ang mga tao na puntirya ng kanilang paghihiganti, ang mga tao kung kanino sila mapanlaban, at ang mga taong sa tingin nila ay hindi paborable sa kanila. Halimbawa, sa panahon ng halalan ng mga lider, kung ang taong may mapanlaban silang saloobin ay nakatutugon sa mga prinsipyo ng paggamit ng mga tao sa loob ng sambahayan ng Diyos at kalipikadong mahalal bilang isang lider, ang pagkamapanlaban nila ay magdudulot sa kanila na husgahan, kondenahin, at batikusin ang taong iyon. Puwede pa nga silang magsagawa ng mga palihim na pagkilos o gumawa ng mga bagay na makapipinsala sa taong iyon para makapaghiganti sila. Sa pagbubuod, iba’t iba ang mga paraan nila ng paghihiganti. Halimbawa, maaaring makahanap sila ng mga bagay na puwedeng gamitin bilang bentahe laban sa isang tao at siraan ito, nag-iimbento ng mga tsismis tungkol sa taong iyon sa pamamagitan ng pagiging eksaherado at walang batayang sabi-sabi, o pagpapakalat ng alitan sa pagitan ng taong iyon at ng ibang tao. Maaari pa nga silang magbigay ng huwad na paratang sa mga lider tungkol sa taong iyon, sinasabi na ang taong iyon ay hindi deboto at nagiging salungat nang may pagkanegatibo sa paggampan sa kanyang mga tungkulin. Ang lahat ng ito ay pawang mga sadyang gawa-gawang pahayag, pawang inimbento lang. Tingnan ninyo kung paano, mula sa mga hinala at maling pagkaunawa nila sa taong iyon, lumilitaw ang napakaraming pag-uugali at kilos na wala sa katwiran; lahat ng pamamaraang ito ay nagmumula sa mapaghiganti nilang kalikasan. Sa katunayan, nang ibinahagi ng taong iyon ang kanyang mga patotoong batay sa karanasan, hindi naman talaga sila ang tinutukoy ng mga iyon; wala namang anumang malisyang nakapuntirya sa kanila. Dahil lang sa tutol sila sa katotohanan at may malupit silang disposisyon na mahilig sa paghihiganti kaya hindi nila tinutulutan ang iba na ilantad sila, ni pinapayagan ang mga talakayan tungkol sa pagkilala sa sarili, pagtalakay sa mga tiwaling disposisyon, o pag-uusap tungkol sa satanikong kalikasan ng isang tao. Kapag tinalakay ang mga gayong paksa, nagagalit sila, iniisip na sila ang pinupuntirya at inilalantad, kaya bumubuo at lumilikha sila ng mapaghiganting mentalidad. Ang mga pagpapamalas ng ganitong uri ng tao na naghihiganti ay hindi limitado sa isang sitwasyon lang. Bakit Ko nasasabi ito? Dahil may malupit na kalikasan ang mga gayong indibidwal; walang puwedeng mag-udyok o pumukaw ng galit nila. Likas na agresibo sila sa sinuman at anumang bagay, tulad ng isang alakdan o alupihan. Kaya, pinupukaw o sinasaktan man sila ng isang tao sa pamamagitan ng pagsasalita nang sadya o di-sadya, basta’t nararamdaman nilang nawalan sila ng dangal o katanyagan, gagawa sila ng paraan para maibalik ang dangal at katanyagan nila, na nagdudulot ng isang serye ng mga mapaghiganting pagkilos.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (25)

Para sa mga buktot na taong iyon na hindi nagmamahal sa katotohanan, ang palagian nilang intensiyon na manampalataya sa Diyos upang magkamit ng mga pagpapala ay hindi kailanman magbabago. Kung iniisip nilang may pag-asa silang makatanggap ng mga pagpapala, magsisikap sila nang kaunti at tatalikuran ang ilang bagay, at gagawa ng ilang mabuting bagay na makikita ng lahat, umaasang makuha ang loob ng mga ito. Ngunit kung iniisip nilang wala silang anumang pag-asa na makatanggap ng mga pagpapala, panghihinayangan nila ang paggugol ng kaunting pagsisikap at pagtalikod sa ilang bagay, at magrereklamo sila tungkol dito. Sa huli, ito ang konklusyong nabubuo nila: “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; hindi Siya nagpapakita ng pagkiling—sa tingin ko ay hindi tiyak na ganito ang kaso.” Nakatuon lamang sila sa sarili nilang mga agarang interes; kung hindi nila ito mapapakinabangan, hindi sila kikilos. Hindi ba’t malupit sila? Sinusubukan nilang makipagtransaksyon sa lahat, at nangangahas pa ngang sumubok na makipagtawaran sa Diyos. Iniisip nila, “Hindi uubra kung walang kikitain; kailangang may makuha ako sa anumang gawin ko, at kailangang mabilis ang pakinabang!” Napakatigas nila! Kalabisan ba kung sasabihing mayroon silang malupit na disposisyon? (Hindi.) Paano mapapatunayan na mayroon silang malupit na disposisyon, kung gayon? Kapag nahaharap sila sa isang munting pagsubok o kalamidad, hindi nila ito matanggap, ni hindi sila matututo ng anumang aral mula rito, at pinanghihinayangan pa nga nila ang paggampan sa kanilang tungkulin, palagi nilang nararamdaman na nalugi sila: “Nagsakripisyo na ako nang labis at hindi pa rin ako pinagpapala ng Diyos. May Diyos man lang ba? Ito ba ang tamang daan o hindi?” Napupukaw ng pagdududa ang kanilang mga puso. Gumagampan lamang sila ng kaunting tungkulin at pagkatapos ay nais nilang makinabang mula rito—pinatutunayan nito na ang kanilang mga sakripisyo ay hindi ginagawa nang kusang-loob o taimtim; ang pagsailalim sa mga pagsubok ay nagbubunyag sa mga taong ito. Ano ang sinabi ng asawa ni Job noong si Job ay nakararanas ng kanyang mga pagsubok? (“Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? itakwil mo ang Diyos, at mamatay ka” (Job 2:9).) Ang kanyang asawa ay isang hindi mananampalataya, itinatatwa ang Diyos at tinatalikuran Siya kapag tumama ang sakuna. Nang magkaloob ang Diyos ng mga pagpapala, pinuri at pinasalamatan niya ang Diyos. Nang dambungin at kunin ang kanyang mga ari-arian, sinabi niya, “Bakit hindi ako pinrotektahan ng diyos? Kung hindi ako pinoprotektahan ng diyos, hindi ko siya diyos!” Sinabi pa niya kay Job, “Tumigil ka na sa pananampalataya sa diyos. Talikuran mo ang diyos! Kinuha ang ating mga ari-arian at hindi man lang tayo pinrotektahan ng diyos; ito pa ba ang ating diyos?” Anong disposisyon ang mayroon siya, upang masabi ang mga ganitong bagay? Mayroon siyang malupit na disposisyon. Sa sandaling makompromiso ang mga interes ng gayong tao, at hindi matugunan ang sarili niyang mga motibo at pagnanais, agad siyang nagpupuyos sa galit—maaari siyang magtaksil at maging isang Hudas, ipinagkakanulo at tinatalikuran ang Diyos. Marami bang tao ang tulad nito? Ang isang bahagi ng gayong mga tao, na malinaw na masasamang tao at mga hindi mananampalataya, ay umiiral pa rin sa loob ng iglesia. Lahat sila ay may ganitong uri ng kalagayan, at taglay rin nila ang disposisyong ito; kung hindi nila hahanapin ang katotohanan upang lutasin ito, nasa panganib sila. Kung mayroon kang ganitong uri ng disposisyon, kailangan ba itong magbago? (Oo.) Kung may ganito kang uri ng disposisyon, ibig sabihin nito na malupit din ang kalikasan mo. Taglay ang ganitong malupit na disposisyon, kaya mong labanan ang Diyos, ipagkanulo ang Diyos at kumilos nang may pagkamapanlaban sa Kanya anumang oras. Ang bawat araw na hindi mo binabago ang mga tiwaling disposisyong ito ay isang araw na ikaw ay magiging di-kaayon ng Diyos. Kapag hindi ka nagiging kaayon ng Diyos, hindi ka makakalapit sa harap Niya at hindi mo mararanasan ang Kanyang gawain at wala kang paraan upang magtamo ng kaligtasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagkakilala sa Sarili ay Mahalaga sa Paghahangad ng Katotohanan

Ang isa sa mga pangunahing katangian ng kalikasan ng mga anticristo ay ang kalupitan. Ano ang kahulugan ng “kalupitan”? Nangangahulugan ito na mayroon silang partikular na ubod ng samang saloobin tungkol sa katotohanan—hindi lamang nabibigong magpasakop doon, at hindi lamang tumatangging tanggapin iyon, kundi kinokondena pa ang mga nagpupungos sa kanila. Iyon ang malupit na disposisyon ng mga anticristo. Iniisip ng mga anticristo na sinumang tumatanggap sa pagpupungos ay madaling apihin, at na ang mga taong palaging pumupungos sa iba ay ang mga taong palaging nagnanais na manudyo at mang-api sa mga tao. Kaya, lalabanan ng isang anticristo ang sinumang pumupungos sa kanya, at pahihirapan niya ang taong iyon. At sinumang bumabanggit sa mga kakulangan o katiwalian ng isang anticristo, o nagbabahagi sa kanya tungkol sa katotohanan at mga layunin ng Diyos, o naghihikayat sa kanyang kilalanin ang kanyang sarili, iniisip niya na pinahihirapan siya ng taong iyon at kinaiinisan siya nito. Kinamumuhian niya ang taong iyon sa kaibuturan ng kanyang puso, at paghihigantihan at pahihirapan niya ito. Isa pa itong pagpapamalas kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagpupungos na ating pagbabahaginan. Kinamumuhian nila ang sinumang nagpupungos at naglalantad sa kanila. Isa itong napakalinaw na pagpapamalas ng mga anticristo. Anong uri ng mga tao ang nagtataglay ng gayon kalupit na disposisyon? Masasamang tao. Sa katunayan, masasamang tao ang mga anticristo. Kaya, ang masasamang tao at mga anticristo lamang ang nagtataglay ng gayon kalupit na disposisyon. Kapag naharap ang isang malupit na tao sa anumang uri ng paghihikayat, akusasyon, turo o tulong na may mabuting layunin, ang saloobin nila ay hindi ang magpasalamat o tanggapin ito nang mapagpakumbaba, kundi, ang magalit nang husto dahil sa kahihiyan, at makaramdam ng matinding pagkamapanlaban, pagkamuhi, at maghiganti pa nga. May ilan na nagpupungos at naglalantad sa isang anticristo sa pamamagitan ng pagsasabing, “Kamakailan lang ay wala kang pakundangan sa pagkilos mo, hindi ka kumilos ayon sa prinsipyo, at palagi kang nagpapasikat habang ginagawa ang tungkulin mo. Gumagawa ka lang alang-alang sa katayuan at lubusan mong ginugulo ang iyong tungkulin. Naging malinaw ba ang konsensiya mo sa Diyos? Bakit hindi mo hinanap ang katotohanan habang ginagawa ang tungkulin mo? Bakit hindi ka kumikilos ayon sa prinsipyo? Bakit hindi mo tinanggap nang makipagbahaginan sa iyo ang mga kapatid tungkol sa katotohanan? Bakit mo sila binalewala? Bakit mo ginagawa ang anumang gusto mo?” Ang ilang katanungang ito “kung bakit,” ang mga salitang ito na naglalantad ng pagbubunyag niya ng katiwalian—naiirita siya sa mga ito: “Bakit? Walang ‘bakit’—gagawin ko ang anumang gusto ko! Ano ang karapatan mo para pungusan ako? Sino ka para gawin ito? Matigas ang ulo ko; ano ang magagawa mo roon? Ngayong umabot na ako sa edad na ito, walang naglalakas-loob na kausapin ako nang ganito. Ako lang ang puwedeng magsalita nang ganito sa iba; walang sinuman ang makakapagsalita sa akin nang ganito. Sino ang maglalakas-loob na pangaralan ako? Hindi pa ipinapanganak ang taong puwedeng mangaral sa akin! Sa tingin mo ba talaga ay puwede mo akong pangaralan?” Umuusbong ang pagkamuhi sa kaibuturan ng puso niya, at naghahanap siya ng pagkakataon para makapaghiganti. Sa isipan niya, nagkakalkula siya: “May kapangyarihan ba sa iglesia ang taong ito na nagpupungos sa akin? Kung gagantihan ko siya, may magsasalita ba para sa kanya? Kung pahihirapan ko siya, haharapin ba ako ng iglesia? May solusyon ako. Hindi ako gaganti laban sa kanya; lubos na palihim kong gagawin ang isang bagay. May gagawin ako sa pamilya niya na magpapahirap at magpapahiya sa kanya, nang sa gayon ay makalaya ako sa sama ng loob na ito. Kailangan kong makapaghiganti. Hindi ko ito puwedeng palampasin ngayon. Hindi ako nagsimulang manampalataya sa diyos para lang maagrabyado ako, at hindi ako pumarito para api-apihin ako ng iba ayon sa gusto nila; pumarito ako para magkamit ng mga pagpapala at pumasok sa kaharian ng langit! Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito. Dapat ay may gulugod ang mga tao na ipaglaban ang kanilang dignidad. Ang lakas ng loob mong ilantad ako. Pang-aapi ito! Ngayong hindi mo ako itinuturing na mahalagang tao, pagsisihan mo ito, at ipapatikim ko sa iyo ang mga kahihinatnan. Magtuos tayo, tingnan natin kung sino ang mas mabangis!” Ang kaunting salita lang ng paglalantad ay lubha nang nagpapagalit sa mga anticristo at pumupukaw sa matindi nilang pagkamuhi, na nagtutulak sa kanila na gumawa ng mga labis-labis na bagay para sa paghihiganti. Lubusang nabubunyag ang malupit nilang disposisyon. Siyempre, kapag gumaganti sila sa iba dahil sa pagkamuhi, hindi ito dahil may pagkamuhi sila o dating sama ng loob sa taong iyon, kundi dahil inilantad ng taong iyon ang mga pagkakamali nila. Ipinapakita nito na ang simpleng paglalantad sa isang anticristo, kahit sino pa ang gumawa nito, at kahit ano pa ang ugnayan nila sa anticristo, ay puwedeng makapukaw sa pagkamuhi nila at mag-udyok ng paghihiganti nila. Kahit sino pa ito, nauunawaan man ng taong ito ang katotohanan, o isa man itong lider o manggagawa, o isang ordinaryong miyembro ng hinirang na mga tao ng Diyos, hangga’t may naglalantad at nagpupungos sa anticristo, ituturing niya ang taong iyon bilang kaaway. Hayagan pa ngang sasabihin ng anticristo na, “Pahihirapan ko ang sinumang magpupungos sa akin. Ang sinumang nagpupungos sa akin, naglalantad sa mga kahiya-hiyang sikreto ko, nagpapatalsik sa akin sa sambahayan ng diyos, o aagaw sa aking parte ng mga pagpapala, hinding-hindi ko siya tatantanan. Ganyan ako sa sekular na mundo: Walang nangangahas na bigyan ako ng problema. Hindi pa ipinapanganak ang taong mangangahas na abalahin ako!” Ito ang mga uri ng walang awang salita na ibinubulalas ng mga anticristo kapag nahaharap sila sa pagpupungos. Kapag ibinubulalas nila ang mga walang awang salitang ito, hindi ito para takutin ang iba, ni hindi nila sinasabi ang mga ito para lang protektahan ang sarili nila. Tunay na may kakayahan silang gumawa ng kasamaan, at gagamitin nila ang anumang paraan na magagamit nila. Ito ang malupit na disposisyon ng mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)

Kinukuha ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia para sa kanilang sarili, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay dapat mapasailalim sa kanilang kontrol, at hindi nila pinapayagan ang sinuman na makialam dito. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling dangal. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan o ang sinumang nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang reputasyon at katayuan. Kaya naman, sinusubukan nilang supilin at ibukod bilang mga katunggali ang mga nagagawang magsalita ng patotoong batay sa karanasan, at kayang magbahagi tungkol sa katotohanan at magtustos para sa hinirang na mga tao ng Diyos, at desperado nilang tinatangkang ganap na ibukod ang mga taong iyon mula sa iba, lubusang dungisan ang pangalan ng mga ito, at pabagsakin ang mga ito. Saka lamang mapapayapa ang mga anticristo. Kung hindi kailanman nagiging negatibo ang mga taong ito, at nagagawa nilang patuloy na gawin ang kanilang tungkulin, nagsasalita ng kanilang patotoo, at sumusuporta sa iba, babaling ang mga anticristo sa huli nilang alas, at iyon ay ang hanapan ng kapintasan ang mga ito at kondenahin ang mga ito, o paratangan ang mga ito at umimbento ng mga dahilan para pahirapan ang mga ito, hanggang sa mapaalis ang mga ito sa iglesia. Saka lamang ganap na makakahinga nang maluwag ang mga anticristo. Ito ang palihim na pinakamapanira at pinakamapaminsala tungkol sa mga anticristo. Ang pinakanagdudulot sa kanila ng takot at pagkabalisa ay ang mga taong naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng tunay na patotoong batay sa karanasan, dahil ang mga taong may gayong patotoo ay ang mga taong pinakasinasang-ayunan at sinusuportahan ng hinirang na mga tao ng Diyos, sa halip na ang mga daldal nang daldal nang walang kabuluhan tungkol sa mga salita at doktrina. Ang mga anticristo ay walang tunay na patotoong batay sa karanasan, ni wala silang kapabilidad na isagawa ang katotohanan; ang pinakakaya nilang gawin ay ang ilang mabuting bagay para sumipsip sa mga tao. Ngunit gaano man karaming mabuting bagay ang ginagawa nila o gaano karaming magandang pakinggan na bagay ang sinasabi nila, hindi pa rin ito maikukumpara sa mga pakinabang at bentaheng maaaring idulot sa mga tao ng isang magandang patotoong batay sa karanasan. Walang makakapalit sa mga epekto ng pagtutustos at pagdidilig na naibibigay sa hinirang na mga tao ng Diyos ng mga taong nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Kung kaya, kapag nakakakita ang mga anticristo ng isang taong nagsasalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, nagiging matalim ang tingin nila. Nag-aapoy ang galit sa puso nila, umuusbong ang pagkamuhi, at nanggigigil silang patahimikin ang nagsasalita at pigilan siyang magsalita pa. Kung patuloy siyang magsasalita, lubos na masisira ang reputasyon ng mga anticristo, lubos na malalantad sa lahat ang kanilang pangit na hitsura, kaya humahanap ng dahilan ang mga anticristo para guluhin ang taong nagsasabi ng patotoo, at supilin siya. Pinahihintulutan lamang ng mga anticristo ang kanilang sarili na ilihis ang mga tao gamit ang mga salita at doktrina; hindi nila pinapayagan ang hinirang na mga tao ng Diyos na luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasalita ng kanilang patotoong batay sa karanasan, na nagpapahiwatig kung anong uri ng mga tao ang pinakakinamumuhian at kinatatakutan ng mga anticristo. Kapag namumukod-tangi ang isang tao at gumagawa ng kaunting gawain, o kapag nagagawa ng isang taong magsalita ng tunay na patotoong batay sa karanasan, at nakakatanggap ng mga pakinabang, napapatibay, at nasusuportahan mula rito ang hinirang na mga tao ng Diyos, at nakatatanggap ito ng malaking papuri mula sa lahat, nabubuo ang inggit at pagkamuhi sa puso ng mga anticristo, at inihihiwalay at sinusupil nila ang taong iyon. Anuman ang sitwasyon, hinding-hindi nila tinutulutan ang gayong mga tao na gumawa ng anumang gawain, upang hindi maging banta ang mga ito sa kanilang katayuan. Napapalutang at nabibigyang-diin ng mga taong may katotohanang realidad ang kahirapan, pagkatampalasan, kapangitan, at kabuktutan ng mga anticristo kapag nasa presensiya nila ang mga ito, kaya kapag pumipili ng katuwang o katrabaho ang mga anticristo, hindi sila kailanman pumipili ng isang taong may katotohanang realidad, hindi sila kailanman pumipili ng mga taong kayang magsalita tungkol sa patotoong batay sa karanasan ng mga ito, at hindi sila kailanman pumipili ng mga taong matapat o mga taong nakapagsasagawa ng katotohanan. Ang mga ito ang mga taong pinakakinaiinggitan at pinakakinapopootan ng mga anticristo, at ang mga ito ay tinik sa tagiliran ng mga anticristo. Gaano man karami ang ginagawa na mabuti o kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos ng mga taong ito na nagsasagawa ng katotohanan, magsisikap nang husto ang mga anticristo upang takpan ang mga gawa na ito. Babaluktutin pa nila ang mga katunayan upang angkinin ang papuri para sa magagandang bagay habang ipinapasa ang sisi para sa masasamang bagay sa iba, para maitaas nila ang kanilang sarili at maliitin ang iba. Malaki ang inggit at pagkamuhi ng mga anticristo sa mga naghahangad ng katotohanan at sa mga nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Natatakot sila na magiging banta ang mga taong ito sa sarili nilang katayuan, kaya nga ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para atakihin at ibukod ang mga ito. Pinagbabawalan nila ang mga kapatid na makipag-ugnayan sa mga ito o lumapit sa mga ito, o suportahan o purihin ang mga taong ito na nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Ito ang pinakanagbubunyag sa satanikong kalikasan ng mga anticristo, na tutol sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Kung kaya, pinatutunayan din nito na ang mga anticristo ay masasamang puwersa na salungat sa iglesia, na sila ang dapat sisihin sa panggugulo sa gawain ng iglesia at paghadlang sa kalooban ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)

Sa sandaling matanggal o matiwalag ang mga anticristo, itinitigil na nila ang lahat ng pagkukunwari at malaya silang nagrereklamo, at nalalantad ang malademonyo nilang katangian. Anong malademonyong katangian ang nalalantad? Dati, talagang hindi nila ginampanan ang mga tungkulin nila para maghangad sa katotohanan at magkamit ng kaligtasan, kundi para magkamit ng mga pagpapala, at sinasabi nila ngayon ang katotohanan tungkol dito at ibinubunyag ang totoong sitwasyon. Sinasabi nila, “Kung hindi ako nagsisikap na makapasok sa kaharian ng langit o makakuha ng mga pagpapala at dakilang kaluwalhatian kalaunan, makikisalamuha ba ako sa mga taong tulad ninyo na mas mababa pa kaysa sa dumi? Karapat-dapat ba kayo sa presensiya ko? Hindi ninyo ako nililinang o inaangat, at gusto ninyo akong itiwalag. Balang araw, ipapakita ko sa iyo na may kabayaran ang pagtitiwalag mo sa akin, at ipapakita ko ang mga kahihinatnan na pagdurusahan mo dahil dito!” Ipinapakalat ng mga anticristo ang mga ideyang ito, at lumalabas mula sa kanila ang mga maladiyablong salitang ito. Kapag itinigil na nila ang lahat ng pagkukunwari, nalalantad ang mapaminsala nilang kalikasan at malupit na disposisyon, at nagsisimula silang magpakalat ng mga kuru-kuro. Nagsisimula rin silang akitin ang mga bagong mananampalataya, na may medyo mababang tayog at walang pagkilatis, na hindi naghahangad sa katotohanan, at madalas na negatibo at mahina, at inaakit din nila ang mga palaging pabasta-basta sa mga tungkulin nila at hindi tunay na nananampalataya sa Diyos. Gaya ng sinabi nila mismo, “Kung ititiwalag mo ako, isasama ko sa pagbagsak ko ang ilang iba pa!” Hindi ba’t nabubunyag ang sataniko nilang kalikasan? Gagawin ba ito ng mga normal na tao? Sa pangkalahatan, nalulungkot at nasasaktan lang ang mga taong may mga tiwaling disposisyon kapag tinatanggal sila, naniniwala na wala na silang pag-asa, pero dahil sa konsensiya nila ay naiisip nila: “Kasalanan namin ito, hindi namin natupad ang mga tungkulin namin. Sa hinaharap, magsusumikap akong maging mas mahusay, at ang Diyos na ang bahala kung paano Niya ako tatratuhin at kung ano ang mga pagpapasya Niya para sa akin, iyon ay gawain ng Diyos. Walang karapatan ang mga tao na gumiit ng anuman sa Diyos. Hindi ba’t nakabatay sa mga pagpapamalas ng mga tao ang mga kilos ng Diyos? Kung tumatahak ang isang tao sa maling landas, nararapat lamang siyang disiplinahin at ituwid, walang duda rito. Ngayon, ang nakakalungkot ay mahina ang kakayahan ko at hindi ko matugunan ang mga layunin ng Diyos, at hindi ko nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at kumikilos ako nang arbitraryo at sutil batay sa mga tiwaling disposisyon ko. Nararapat lang na itiwalag ako, pero umaasa ako na magkakaroon ako ng pagkakataong makabawi sa hinaharap!” Ang mga taong may maliit na konsensiya ay tatahak sa isang landas gaya nito. Pinipili nilang ikonsidera ang isyu sa ganitong paraan, at sa huli, pinipili rin nilang lutasin ang isyu sa ganitong paraan. Siyempre, hindi marami ang mga elemento ng pagsasagawa sa katotohanan sa loob nito, pero dahil mayroong konsensiya ang mga taong ito, hindi sila aabot sa puntong lalabanan nila ang Diyos, lalapastanganin ang Diyos, o sasalungatin ang Diyos. Pero hindi ganoon ang mga anticristo. Dahil mayroon silang malupit na kalikasan, likas silang antagonistiko sa Diyos. Kapag may banta sa mga kinabukasan at kapalaran nila o kapag inalis ang mga ito, kapag wala silang makitang anumang pag-asa na mabuhay, pinipili nilang magpakalat ng mga kuru-kuro, husgahan ang gawain ng Diyos, at udyukan ang mga hindi mananampalatayang kakampi nila na guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos kasama nila. Tumatanggi pa nga silang panagutan ang anumang dati nilang maling gawa at mga pagsalangsang, pati na ang anumang kawalang idinulot nila sa gawain o ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Kapag pinakikitunguhan at itinitiwalag sila ng sambahayan ng Diyos, sinasabi nila ang isang pangungusap na pinakamadalas na sinasabi ng mga anticristo. Ano ito? (Kung hindi ako papanatilihin sa lugar na ito, may puwang para sa akin sa ibang lugar.) Hindi ba’t isa rin itong maladiyablong pangungusap? Isa itong bagay na hindi kayang sabihin ng isang taong may normal na pagkatao, may pakiramdam ng kahihiyan, at may konsensiya. Tinatawag natin ang mga ito na mga maladiyablong salita. Ang mga ito ay iba’t ibang pagpapamalas ng isang malupit na disposisyon na ibinubunyag ng mga anticristo kapag pinupungusan sila at nararamdaman nila na nanganganib ang katayuan at prestihiyo nila, na may banta sa katayuan at katanyagan nila, at lalo na, malapit na silang pagkaitan ng mga kinabukasan at kapalaran nila; kasabay nito, nalalantad ang kanilang hindi mananampalatayang diwa.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)

Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga tao, na nasa puso ang Diyos, ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang mga puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang anumang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang gayong mga mababang-uri na tao ay “palalayasin” lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila papakitaan ng awa kahit kaunti. Iyong mga walang pagkatao ay talagang hindi nagtataglay ng tunay na pagmamahal para sa Diyos. Kapag ang paligid ay komportable, o may bagay silang makakamit, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang mga pagnanais ay napinsala o nawasak sa huli, agad silang tumitindig para maghimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, mula sa isang nakangiting, “mabuti ang loob” na tao, sila ay nagiging mukhang mabangis na berdugo, di-inaasahan na itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagbigay ng tulong kahapon, nang walang katwiran o kadahilanan. Kung ang masasamang demonyong ito na pumapatay nang hindi kumukurap ay hindi pinapalayas, hindi ba’t sila ay magiging isang malubhang nakatagong panganib? Hindi ito ang kaso na sa sandaling ang gawain ng paglupig ay matapos na, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay nagiging ganap na tapos. Kahit natapos na ang gawain ng paglupig, ang gawain ng pagdadalisay sa tao ay hindi pa natapos; tanging kapag ang tao ay lubusan nang dalisay, sa sandaling iyong mga sinserong nagpapasakop sa Diyos ay nagawa nang ganap, at sa sandaling iyong mga mapagpanggap na walang Diyos sa kanilang mga puso ay napaalis na, saka matatapos ang gawain. Iyong mga walang kakayahang palugurin ang Diyos sa huling yugto ng Kanyang gawain ay lubusang ititiwalag, at iyong mga itinitiwalag ay ang kauri ng mga diyablo. Ang mga walang kakayahang palugurin ang Diyos ay mapaghimagsik laban sa Diyos. Kahit na sumusunod ang mga taong ito sa Diyos ngayon, ito ay hindi nagpapatunay na sila ang mga mananatili sa wakas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Sa aling mga bagay ng inyong pang-araw-araw na buhay kayo mayroong may-takot-sa-Diyos na puso? At sa aling mga bagay kayo walang may-takot-sa-Diyos na puso? Nagagawa mo bang kamuhian ang isang tao kapag napapasama niya ang loob mo o nilalabag niya ang iyong mga interes? At kapag kinamumuhian mo ang isang tao, kaya mo ba siyang pahirapan at maghiganti? (Oo.) Kung gayon, lubha kang nakakatakot! Wala kang may-takot-sa-Diyos na puso, at nakagagawa ng masasamang bagay. Nangangahulugan ito na mayroon kang napakalubhang malupit na disposisyon! Ang pagmamahal at pagkamuhi ay mga bagay na dapat taglayin ng normal na pagkatao, ngunit kailangan mong makita nang malinaw ang pagkakaiba sa pagitan ng iyong minamahal at ng iyong kinamumuhian. Sa puso mo, dapat mong mahalin ang Diyos, mahalin ang katotohanan, mahalin ang mga positibong bagay, at mahalin ang iyong mga kapatid, samantalang dapat mong kamuhian si Satanas at ang mga diyablo, kamuhian ang mga negatibong bagay, kamuhian ang mga anticristo, at kamuhian ang masasamang tao. Kung nagagawa mong supilin at gantihan ang iyong mga kapatid dahil sa pagkamuhi, lubhang nakakatakot iyan, at iyan ang disposisyon ng isang masamang tao. Ang ilang tao ay mayroon lamang namumuhing mga kaisipan at mga ideyang puno ng pagkamuhi at masama, pero wala silang ginawang anumang masama, at kaya hindi sila masasamang tao. Ito ay dahil kapag may nangyayari, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan, at binibigyang-pansin nila ang mga prinsipyo sa kung paano sila umasal at humarap sa mga bagay-bagay. Kapag nakikipag-ugnayan sa iba, hindi nila kailanman inoobliga ang mga ito sa anumang paraan; kung nakakasundo nila nang maayos ang isang tao, patuloy silang makikipag-ugnayan dito; kung hindi nila nakakasundo, hindi sila makikipag-ugnayan. Hindi ito nakakaapekto sa paggampan ng kanilang tungkulin o sa kanilang buhay pagpasok kahit kaunti. Ang Diyos ay nasa puso nila at mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ayaw nilang salungatin ang Diyos, at natatakot silang gawin iyon. Bagama’t maaaring magkimkim ang mga taong ito ng ilang maling kaisipan at ideya, nagagawa nilang maghimagsik laban sa mga iyon at talikuran ang mga iyon. Nakakapagpigil sila sa kanilang mga kilos, hindi bumibigkas ng isang salita na hindi naaangkop, at talagang hindi kailanman nagsasabi ng anumang bagay na sumasalungat sa Diyos. Ang isang taong nagsasalita at kumikilos sa ganitong paraan ay isang taong mayroong mga prinsipyo at nagsasagawa ng katotohanan. Ang iyong personalidad ay maaaring di-kaayon sa personalidad ng ibang tao, at maaaring ayaw mo sa kanya, ngunit kapag kasama mo siyang gumagawa, nananatili kang walang pinapanigan at hindi mo ibubulalas ang mga pagkadismaya mo sa paggawa ng iyong tungkulin, o ilalabas ang mga pagkadismaya mo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; mapapangasiwaan mo ang mga usapin ayon sa mga prinsipyo. Ano ang ipinamamalas nito? Ito ay isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng batayang may-takot-sa-Diyos na puso. Kung mayroon kang higit pa riyan, kapag nakita mo na may ilang kakulangan o kahinaan ang ibang tao, kahit na napasama niya ang loob mo o nagkaroon siya ng pagkiling laban sa iyo, may kakayahan ka pa ring tratuhin siya nang tama at mapagmahal siyang tulungan. Ang ibig sabihin nito ay may pagmamahal ka, na ikaw ay isang taong nagtataglay ng pagkatao, na ikaw ay isang taong mabait at kayang magsagawa ng katotohanan, na ikaw ay isang matapat na taong nagtataglay ng mga katotohanang realidad, at na ikaw ay isang taong may-takot-sa-Diyos na puso. Kung mababa pa rin ang iyong tayog ngunit mayroon kang determinasyon, at handa kang magpunyagi para sa katotohanan, at magsikap gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, at nagagawa mong umasal, harapin ang mga bagay-bagay at tratuhin ang iba nang may prinsipyo, maituturing din ito na pagkakaroon ng bahagyang may-takot-sa-Diyos na puso; pinakapangunahin ito. Kung hindi mo man lang magawang makamit ito, at hindi magawang mapigilan ang sarili, nasa malaking panganib ka at talagang nakatatakot ka. Kung ikaw ay mabigyan ng katayuan, mapapahirapan mo ang mga tao; malamang na magiging anticristo ka sa anumang sandali.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan Para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos

Ano ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng isang taong may malupit na disposisyon? Ito ay kapag nakatagpo siya ng isang taong totoo o isang taong madaling apihin at inaapi at pinaglalaruan niya ito. Ito ay karaniwang pangyayari. Kapag ang isang taong medyo mabait ay nakakita ng isang indibidwal na totoo at mahina ang loob, maaawa siya rito, at kahit pa hindi niya ito kayang tulungan, hindi niya ito aapihin. Kapag nakita mong ang isa sa mga kapatid mo ay taong totoo, paano mo siya tinatrato? Inaapi mo ba siya o tinutukso siya? (Malamang ay hahamakin ko siya.) Ang paghamak sa mga tao ay isang paraan ng pagtingin sa kanila, ng pagturing sa kanila, isang uri ng mentalidad, pero ang sinasabi at ginagawa mo sa kanila ay may kinalaman sa iyong disposisyon. Sabihin ninyo sa Akin, paano kayo kumikilos tungo sa mga taong mahiyain at mahina ang loob? (Inuutus-utusan ko sila at inaapi.) (Kapag nakikita kong mahina ang paggawa nila sa tungkulin nila, dinidiskrimina at ibinubukod ko sila.) Ang mga nabanggit ninyong ito ay mga pagpapamalas ng isang malupit na disposisyon at may kinalaman sa mga disposisyon ng mga tao. Marami pang ibang ganitong bagay, kaya hindi na kailangan pang idetalye ang mga ito. Nakatagpo na ba kayo ng gayong tao, isang taong gustong pahirapan hanggang mamatay ang sinumang nakapagpapasama ng loob niya, at nananalangin pa nga sa Diyos, hinihiling sa Diyos na isumpa ang taong iyon, na burahin ang taong iyon sa balat ng lupa? Bagama’t walang taong may gayong kapangyarihan, sa puso niya ay iniisip niya kung gaano sana kaganda kung may gayong kapangyarihan nga siya, o nananalangin siya sa Diyos at hinihiling na ang Diyos ang gumawa nito. Mayroon ba kayong mga gayong kaisipan sa inyong puso? (Kapag nangangaral kami ng ebanghelyo at nakatatagpo kami ng masasamang tao na inaatake kami at nakikipag-ugnayan sa mga pulis para ipaaresto kami, namumuhi ako sa kanila, at may mga naiisip ako gaya ng “darating ang araw na parurusahan kayo ng Diyos.”) Obhetibo naman ang kasong iyan. Inatake ka, nagdusa ka, nasaktan ka, ganap na niyurakan ang iyong personal na integridad at respeto sa sarili—sa gayong mga sitwasyon, ang karamihan ng tao ay mahihirapang malampasan iyan. (Nagpapakalat ng mga walang batayang tsismis online ang ibang tao tungkol sa ating iglesia, marami silang ginagawang pagkondena, at talagang nagagalit ako kapag nababasa ko ang mga ito, at may matinding pagkamuhi sa puso ko.) Ito ba ay pagiging malupit, o pagkamainitin ng ulo, o normal na pagkatao? (Ito ay normal na pagkatao. Ang hindi pagkamuhi sa mga demonyo at sa mga kaaway ng Diyos ay hindi normal na pagkatao.) Tama iyan. Ito ang pagbubunyag, pagpapamalas, at pagtugon ng normal na pagkatao. Kung hindi kinamumuhian ng mga tao ang mga negatibong bagay o hindi minamahal ang mga positibong bagay, kung wala silang pamantayan ng konsensiya, hindi sila mga tao. Sa mga sitwasyong ito, ano ang mga bagay na ginagawa ng mga tao na kalaunan ay nagiging mga pagbubunyag ng isang malupit na disposisyon? Kung ang pagkamuhi at pagkasuklam na ito ay magiging isang uri ng pag-uugali, kung ganap kang mawawalan ng katwiran at gagawa ka ng mga bagay na lumalabag sa mga hangganan ng konsensiya, kung may tendensiya ka pang makapatay at makalabag ng batas, ito ay pagiging malupit, ito ay pagkilos nang mainitin ang ulo. Kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at kaya nilang kumilatis ng masasamang tao, at namumuhi sila sa kabuktutan, ito ay normal na pagkatao. Pero kung hinaharap ng mga tao ang mga bagay-bagay nang mainitin ang kanilang ulo, kumikilos sila nang walang mga prinsipyo. Naiiba ba ito sa paggawa ng kasamaan? (Oo.) Mayroong pagkakaiba. Kung ang isang tao ay sukdulang masama, sukdulang imoral, sukdulang malupit, at nakadarama ka ng matinding pagkasuklam sa kanya, at umaabot ang pagkasuklam na ito sa puntong hinihiling mo sa Diyos na isumpa ang taong ito, ayos lang ito. Pero ayos lang ba kung hindi kumilos ang Diyos matapos mong magdasal nang dalawa o tatlong beses at ikaw na mismo ang gumawa ng aksyon? (Hindi.) Puwede kang magdasal sa Diyos at magpahayag ng iyong mga pananaw at opinyon, at pagkatapos ay maghanap ng mga katotohanang prinsipyo, upang magawa mong harapin nang tama ang mga bagay-bagay. Pero hindi ka dapat gumiit sa Diyos o subukang pilitin ang Diyos na maghiganti para sa iyo, lalong hindi mo dapat hayaan na makagawa ka ng mga hangal na bagay dahil sa pagkamainitin ng iyong ulo. Dapat mong harapin ang usapin nang makatwiran, at maging mapagpasensiya. Hintayin mo ang oras ng Diyos, higit na manalangin sa Diyos, at obserbahan kung paano tinatrato ng Diyos ang mga diyablo at si Satanas. Sa ganitong paraan, maaari kang maging mapagpasensiya. Ang pagiging makatwiran ay nangangahulugan na ipagkatiwala ang lahat ng ito sa Diyos at hayaan ang Diyos na kumilos. Ito ang pag-iisip na dapat taglayin ng isang nilikha. Huwag kang kumilos nang dahil sa pagkamainitin ng ulo. Ang pagkilos nang dahil sa pagkamainitin ng ulo ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos, ito ay kinokondena ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, ang disposisyong nabubunyag sa mga tao ay hindi kahinaan ng tao o galit na lilipas din, kundi ito ay isang malupit na disposisyon. Sa sandaling mailarawan na ito bilang isang malupit na disposisyon, may problema ka, at malamang na hindi ka maligtas. Iyan ay dahil kapag may malulupit na disposisyon ang mga tao, malamang na kumilos sila nang labag sa konsensiya at katwiran, at talagang malamang na labagin nila ang batas, at labagin ang mga atas administratibo ng Diyos. Kaya, paano ito maiiwasan? Sa pinakamababa, mayroong tatlong hangganan na hindi dapat lampasan: Ang una ay ang hindi paggawa ng mga bagay na labag sa konsensiya at katwiran, ang ikalawa ay ang hindi paglabag sa batas, at ang ikatlo ay ang hindi paglabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Kasali rito ang hindi paggawa ng anumang bagay na sukdulan o anumang bagay na makagugulo sa gawain ng iglesia. Kung susundin ninyo ang mga prinsipyong ito, kahit papaano ay matitiyak na ligtas kayo, at hindi kayo ititiwalag. Kung lalaban kayo nang may sukdulang kalupitan kapag pinupungusan kayo dahil gumawa kayo ng lahat ng uri ng kasamaan, mas mapanganib pa iyan. Malamang ay direkta ninyong masalungat ang disposisyon ng Diyos at mapaalis o mapatalsik kayo sa iglesia. Ang parusa sa pagsalungat sa disposisyon ng Diyos ay higit na mas matindi kaysa sa paglabag sa batas—isa itong kapalarang mas masaklap pa kaysa sa kamatayan. Ang pinakamatinding kahihinatnan ng paglabag sa batas ay ang masentensyahan ng pagkakulong; ilang taon kayong maghihirap at pagkatapos ay malaya na kayo, iyon na iyon. Pero kung sasalungatin ninyo ang disposisyon ng Diyos, magdurusa kayo ng walang hanggang kaparusahan. Kaya, kung walang pagkamakatwiran ang mga taong may malulupit na disposisyon, labis silang nasa panganib, malamang ay makagawa sila ng kasamaan, at tiyak na sila ay mahaharap sa kaparusahan at ganting parusa. Kung ang isang tao ay may kaunting pagkamakatwiran at kaunting may-takot-sa-Diyos na puso, at kayang maghanap at magpasakop sa katotohanan kapag nahaharap sa mga sitwasyon, magagawa niyang pigilan ang kanyang sarili sa paggawa ng maraming kasamaan. Kung ang isang taong may pagkamakatwiran ay kayang maghanap sa katotohanan, may pag-asa na maligtas siya. Napakahalaga para sa isang tao na magkaroon ng pagkamakatwiran at katwiran. Ang isang taong may katwiran ay madaling makakatanggap sa katotohanan at makakatrato sa pagpupungos sa tamang paraan. Ang isang taong walang katwiran ay manganganib kung pupungusan siya. Ipagpalagay na lang, halimbawa, na nakakaramdam ang isang tao ng matinding galit sa loob niya pagkatapos siyang mapungusan. Gugustuhin niyang ipagtanggol ang kanyang sarili, at gugustuhin pa ngang atakihin at kondenahin ang mga lider at manggagawa, pero kasabay nito ay matatakot siya na ang paggawa nito ay magdudulot ng problema. Gayumpaman, sa loob niya ay umiiral na ang gayong malupit na disposisyon, at walang makapagsasabi kung kailan siya kikilos ayon dito. Hangga’t ang isang tao ay may malupit na disposisyon sa loob niya, hangga’t mayroon siyang mga mapaminsalang kaisipan, kahit na hindi siya kumilos ayon sa mga ito, nasa panganib na siya. Kapag tinutulutan ng sitwasyon—kapag nagkaroon siya ng pagkakataon—baka gawin nga niya ito. Hangga’t umiiral ang kanyang malupit na disposisyon, kung hindi ito malulutas, sa malao’t madali ay gagawa ng kasamaan ang taong ito. Kaya, sa ano-ano pang ibang sitwasyon nabubunyag ang malupit na disposisyon ng isang tao? Sabihin ninyo sa Akin. (Naging pabasta-basta ako sa aking tungkulin at hindi ako nagtamo ng anumang resulta, at pagkatapos ay tinanggal ako ng lider nang ayon sa mga prinsipyo, at medyo nakaramdam ako ng pagtutol. Pagkatapos, nang makita ko na nagbunyag siya ng isang tiwaling disposisyon, naisip kong sumulat ng liham para iulat siya.) Bigla na lang bang lumilitaw ang ideyang ito? Hinding-hindi. Ibinunga ito ng iyong kalikasan. Ang mga elemento ng mga kalikasan ng mga tao ay pawang nabubunyag sa malao’t madali. Hindi kailanman masasabi kung sa anong sitwasyon o sa anong konteksto mabubunyag at maisasakilos ang mga ito. Kung minsan ay walang ginagawa ang mga tao, pero iyon ay dahil hindi tinutulutan ng sitwasyon. Subalit, kung siya ay isang taong naghahangad ng katotohanan, magagawa niyang hanapin ang katotohanan para lutasin ang kanyang mga tiwaling disposisyon, at hindi siya kikilos ayon sa mga ito. Kung hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan, gagawin niya ang gusto niya, at sa sandaling tulutan na ng sitwasyon, gagawa siya ng kasamaan. Kaya, kung hindi malulutas ang isang tiwaling disposisyon, malamang talaga na malalagay ng mga tao sa panganib ang sarili nila, kung magkaganito ay kakailanganin nilang anihin ang kanilang itinanim. Hindi hinahangad ng ilang tao ang katotohanan at palagi silang pabasta-basta sa paggampan ng kanilang mga tungkulin. Hindi nila tinatanggap kapag pinupungusan sila, hindi sila kailanman nagsisisi, at kalaunan ay ihinihiwalay sila para makapagnilay sila. Pinaaalis sa iglesia ang ilang tao dahil palagi nilang ginugulo ang buhay iglesia at nagiging mga bulok na mansanas na sila; at pinapatalsik ang ilang tao dahil gumagawa sila ng lahat ng uri ng kasamaan. Kaya, anumang klase ng tao siya, kung madalas na nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ang isang tao at hindi niya hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito, malamang na makagawa siya ng masama. Ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan ay hindi lamang binubuo ng pagiging mapagmataas, kundi pati ng kabuktutan at kalupitan. Ang pagiging mapagmataas ay isang bagay na mayroon ang lahat ng tao, gayundin ang pagiging malupit.

Kaya, paano dapat lutasin ang problemang ito ng pagbubunyag ng isang malupit na disposisyon? Dapat kilalanin ng mga tao kung ano ang kanilang tiwaling disposisyon. Ang disposisyon ng ilang tao ay partikular na malupit, mapaminsala, at mapagmataas, at sila ay ganap na walang pakundangan. Ito ang kalikasan ng masasamang tao, at ang mga taong ito ang pinakamapanganib sa lahat. Kapag namumuno ang mga gayong tao, namumuno ang mga diyablo, namumuno ang mga Satanas. Sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng masamang tao ay ibinubunyag at itinitiwalag dahil sa paggawa nila ng lahat ng uri ng masamang gawa. Kapag sinubukan mong magbahagi tungkol sa katotohanan sa masasamang tao, o pungusan sila, malaki ang tsansa na aatakihin ka nila, o huhusgahan ka nila, o na paghihigantihan ka pa nga nila, na pawang bunga ng pagiging napakamapaminsala ng kanilang mga disposisyon. Ang totoo ay napakakaraniwan nito. Halimbawa, maaaring may dalawang taong labis na nagkakasundo, na labis na mapagsaalang-alang at maunawain sa isa’t isa, pero sa huli ay nagkakaroon sila ng magkaibang opinyon tungkol sa isang bagay na may kinalaman sa kanilang mga interes, at pinuputol nila ang ugnayan nila sa isa’t isa. Ang ilang tao ay nagiging magkaaway pa nga at sinusubukang maghiganti sa isa’t isa. Lahat sila ay lubhang malupit. Pagdating sa paggampan ng mga tungkulin, napansin ba ninyo kung aling mga pagpapamalas at pagbubunyag ang napapaloob sa isang malupit na disposisyon? Tiyak na umiiral ang mga bagay na ito, at kailangan ninyong hukayin ang mga ito. Matutulungan kayo nito na makilatis at makilala ang mga bagay na ito. Kung hindi ninyo alam kung paano hukayin at kilatisin ang mga ito, hindi kayo kailanman makakakilatis ng masasamang tao. Matapos mailihis ng mga anticristo at mapasailalim sa kanilang kontrol, napipinsala ang buhay ng ilang tao, at saka lang nila nalalaman kung ano ba ang isang anticristo, at kung ano ba ang isang malupit na disposisyon. Masyadong mababaw ang inyong pagkaunawa sa katotohanan. Ang pagkaunawa ninyo sa karamihan ng mga katotohanan ay pawang mga kasabihan at literal na interpretasyon, o mga salita at doktrina lang ang nauunawaan ninyo, ganap na hindi kayang itugma ang katotohanan sa realidad. Pagkatapos makinig sa maraming sermon, tila mayroong pagkaunawa at kaliwanagan sa inyong puso; pero kapag nahaharap sa realidad, hindi pa rin ninyo makilatis ang mga bagay-bagay kung ano talaga ang mga ito. Alam ninyong lahat, batay sa doktrina, kung ano ang mga pagpapamalas ng isang anticristo, pero kapag nakakita kayo ng isang tunay na anticristo, hindi ninyo siya makilatis. Ito ay dahil masyadong mababaw ang iyong karanasan, o dahil wala kang kakayahang makapansin—ang tanging magagawa mo ay maghintay hanggang sa mailihis at mapinsala ka ng anticristo sa isang kakila-kilabot na antas, at saka mo lang matatalos ang kanyang anticristong diwa, at pagkatapos ay lubusan siyang makikilatis. Sa kasalukuyan, bagama’t karamihan ng tao ay masinsinang nakikinig sa mga sermon sa mga pagtitipon, at nais nilang pagsikapan ang katotohanan, sa sandaling marinig na nila ang sermon, ang literal na kahulugan lamang ang nauunawaan nila, hindi nila malagpasan ang teoretikal na antas, at hindi nila magawang maranasan ang aspekto na ang katotohanang realidad. Kaya, napakababaw lang ng kanilang pagpasok sa katotohanang realidad, na nagreresulta sa napakahinang pagkilatis nila sa masasamang tao at sa mga anticristo. Ang mga anticristo ay mayroong diwa ng masasamang tao, pero maliban sa mga anticristo at masasamang tao, hindi ba’t may malulupit na disposisyon ang ibang tao? Ang totoo, walang tao ang maaaring banggain. Kapag walang problema, puro sila nakangiti, pero sa sandaling maharap sila sa isang bagay na nakapipinsala sa sarili nilang mga interes, bigla silang nagiging mapanlaban. Isa itong malupit na disposisyon. Kung minsan, kahit ayaw nito ay naibubunyag ng isang malupit na disposisyon ang sarili nito—ano nga ba ang nangyayari sa gayong mga kaso? Isa ba itong usapin ng pagiging sinasaniban ng masasamang espiritu? Isa ba itong usapin ng reinkarnasyon mula sa isang masamang demonyo? Kung ito ay alinman sa dalawang ito, taglay ng taong iyon ang diwa ng isang masamang tao at hindi na siya matutulungan pa. Kung ang diwa niya ay hindi sa isang masamang tao, at ang taglay lamang niya ay ang tiwaling disposisyong ito ng pagiging malupit, hindi pa nakamamatay ang kondisyon niya, at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan, mayroon pa siyang pag-asang maligtas. Kaya paano malulutas ang isang malupit at tiwaling disposisyon? Una, kailangan mong madalas na manalangin kapag nahaharap ka sa mga usapin at pagnilayan mo ang mga motibasyon at pagnanais mo. Dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, panatilihing kontrolado ang iyong pag-uugali, at higit pa rito ay huwag magbunyag ng anumang masasamang salita o pag-uugali. Kung matutuklasan ng isang tao sa kanyang sarili ang mga maling intensyon at ang pagnanais na gumawa ng masama, gustong gumawa ng masasamang bagay, dapat niyang hanapin ang katotohanan para lutasin ito; dapat niyang hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos para unawain at lutasin ang usaping ito, at dapat siyang humingi ng proteksyon ng Diyos sa panalangin, manumpa sa Diyos, at isumpa ang kanyang sarili sa tuwing hindi niya tinatanggap ang katotohanan at gumagawa siya ng kasamaan. Ang pakikipagbahaginan sa Diyos sa ganitong paraan ay nagbibigay ng proteksyon at pumipigil sa isang tao sa paggawa ng kasamaan. Kung, kapag nahaharap sa isang sitwasyon, nakakaramdam ang isang tao ng pagnanais na gumawa ng kasamaan, ngunit hindi siya nababagabag dito kahit kaunti, at kumikilos lang siya sa anumang paraang gusto niya, kung gayon ay isa siyang masamang tao, at hindi siya isang tao na tunay na nananampalataya sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan. Gusto pa rin ng gayong tao na manampalataya sa Diyos at sumunod sa Diyos, at na mapagpala at makapasok sa kaharian ng langit—posible ba iyon? Nananaginip siya nang gising.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkaalam sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Nangangahulugan ng Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Mga Natutuhang Aral Mula sa Pang-atake sa Iba Bilang Paghihiganti

Natutunan kong Tratuhin nang Patas ang mga Tao

Paano Ko Isinantabi ang Aking mga Emosyon ng Pagkamuhi

Sinundan:  27. Paano lutasin ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan

Sumunod:  29. Paano lutasin ang isang buktot na disposisyon

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 16: Sabi n’yo ang Makapangyarihang Diyos ang pagpapakita ng Diyos sa mga huling araw, at ang tunay na daan. Sinasabi n’yo rin na ang Diyos ang lumikha sa mundong ito, at naghahari sa kung anong nangyayari sa daigdig, na ang gawain ng Diyos ang gumabay at nagligtas sa sangkatauhan. Ano ang basehan n’yo para patotohanan ang mga sinasabi n’yo? Kaming mga taga-Partido Komunista ay pawang mga ateista, at hindi kumikilala sa pag-iral ng Diyos o sa paghahari Niya sa lahat. Lalong hindi namin kinikilala ang sinasabi n’yong pagpapakita at gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Jesus na pinaniniwalaan ng Kristiyanismo ay malinaw na isang tao. May mga magulang Siya, at may mga kapatid. Ganunpaman, ang Kristiyanismo ay malinaw na nag-uutos na kilalanin Siyang Cristo, at sambahin bilang Diyos. Talagang hindi ito kapani-paniwala. Kagaya lang ni Jesus ang Makapangyarihang Diyos na pinaniniwalaan N’yo, malinaw na isa lang s’yang ordinaryong tao. Kaya bakit kailangan ninyong ipilit na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Bakit kailangan n’yong patotohanan na Siya ang Cristong Tagapagligtas ng mga huling araw na naging tao? Talagang kalokohan at kabaliwan ito hindi ba? Hindi totoo na mayroong Diyos sa mundong ito. Lalong hindi totoo na may umiiral na Diyos bilang Diyos na nagkatawang-tao. Buong tapang ninyong sinasabing ang isang ordinaryong tao ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Ano ang basehan ng sinasabi n’yong ito? Maipahahayag n’yo ba ang mga saligan, at basehan ng inyong paniniwala?

Sagot: Espiritu ang Diyos. Hindi Siya nakikita o nahahawakan ng tao. Pero maraming ginagawa ang Espiritu ng Diyos, at nagsasabi ng mga...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger