13. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Gawain ng Diyos ay Dapat Alinsunod sa Bibliya; Kung Walang Batayan sa Bibliya, Ito ay Maling Daan”

Iniisip ng mundo ng relihiyon na ang gawain ng Diyos ay dapat na naaayon sa Bibliya. Kung walang batayan sa Bibliya, hindi nila ito tatanggapin. Gaano man karaming katotohanan ang ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos, hindi nila aaminin na ito ang pagpapakita ng Diyos, o ang Kanyang gawain.

Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya

“Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa Akin. At ayaw ninyong magsilapit sa Akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay” (Juan 5:39–40).

“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayunman ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan” (Juan 16:12–13).

“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7).

“Ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man Siya pumaroon” (Pahayag 14:4).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Sa loob ng maraming taon, ang kinaugaliang paraan para manampalataya ang mga tao (sa Kristiyanismo, isa sa tatlong pangunahing relihiyon sa mundo) ay ang basahin ang Bibliya; ang paglihis mula sa Bibliya ay hindi pananampalataya sa Panginoon, ang paglihis mula sa Bibliya ay paglihis sa mga panuntunan sa pananampalataya, at maling paniniwala, at kahit na magbasa pa ang mga tao ng ibang mga libro, ang paliwanag sa Bibliya ang dapat na pundasyon ng mga librong ito. Ibig sabihin, kung nananampalataya ka sa Panginoon, dapat mong basahin ang Bibliya, at maliban sa Bibliya, hindi ka dapat sumamba sa anumang aklat na walang kinalaman sa Bibliya. Kung ginagawa mo iyon, ipinagkakanulo mo ang Diyos. Mula sa panahon ng pagkakaroon ng Bibliya, ang pananampalataya ng mga tao sa Panginoon ay ang pananampalataya sa Bibliya. Sa halip na sabihing ang mga tao ay nananampalataya sa Panginoon, mas mabuting sabihin na nananampalataya sila sa Bibliya; sa halip na sabihing nagsimula na silang magbasa ng Bibliya, mas mabuting sabihing nagsimula na silang manampalataya sa Bibliya; at sa halip na sabihing nagbalik na sila sa harap ng Panginoon, mas mabuti pang sabihing nagbalik na sila sa harap ng Bibliya. Sa ganitong paraan, sinasamba ng mga tao ang Bibliya na para bang ito ang Diyos, at itinuturing ito na parang ito ang dugong bumubuhay sa kanila, at ang mawalan nito ay kapareho ng mawalan ng kanilang buhay. Itinuturing ng mga tao ang Bibliya na kasintaas ng Diyos, at mayroon pang ang turing dito ay mas mataas kaysa sa Diyos. Kung wala sa mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, kung hindi nila nadarama ang Diyos, maaari pa rin silang patuloy na mabuhay—ngunit sa sandaling mawala sa kanila ang Bibliya, o mawala ang mga kilalang kabanata at kasabihan mula sa Bibliya, parang nawalan na rin sila ng buhay. At dahil dito, sa sandaling manampalataya ang mga tao sa Panginoon, inuumpisahan na nilang basahin ang Bibliya, at kabisaduhin ang Bibliya, at habang mas dumarami ang nakakabisa nila mula sa Bibliya, mas napapatunayan nito na mahal nila ang Panginoon at malaki ang kanilang pananalig. Ang lahat ng nakapagbasa na ng Bibliya at nakapagbabahagi nito sa iba ay ang pinakamabubuting kapatid. Sa buong panahong ito, ang pananalig at katapatan ng mga tao sa Panginoon ay nasusukat ayon sa lawak ng kanilang pagkaunawa sa Bibliya. Karamihan ng mga tao ay hindi talaga nauunawaan kung bakit kailangan nilang manampalataya sa Diyos, o kaya ay paano manampalataya sa Diyos, at wala silang ginagawa kundi bulag na maghanap ng mga pahiwatig upang maunawaan ang mga kabanata sa Bibliya. Hindi kailanman hinanap ng mga tao ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu; simula’t sapul, wala silang ginawa kundi desperadong pag-aralan at siyasatin ang Bibliya, at walang sinumang nakahanap ng mas bagong gawain ng Banal na Espiritu na labas sa Bibliya. Walang sinumang kayang lumihis mula sa Bibliya, wala ring nangahas kailanman na gawin ito. Pinag-aralan ng mga tao ang Bibliya sa loob ng napakatagal na panahon, sila ay nakabuo ng napakaraming paliwanag, at nagbuhos ng napakaraming pagsisikap. Marami rin silang pagkakaiba-iba ng opinyon tungkol sa Bibliya, na walang katapusan nilang pinagtatalunan, kaya nga mahigit pa sa dalawang libong magkakaibang denominasyon na ang nabuo ngayon. Silang lahat ay nagnanais makahanap ng ilang superyor na mga paliwanag, o mas malalalim na mga misteryo sa Bibliya, nais nilang galugarin ito, at makita rito ang impormasyon sa likod ng gawain ni Jehova sa Israel, o impormasyon sa likod ng gawain ni Jesus sa Judea, o karagdagang mga misteryo na walang sinumang nakakaalam. Ang perspektiba ng mga tao sa Bibliya ay isang pagkahumaling at pananalig, at hindi ganap na malinaw sa sinuman ang tungkol sa tunay na kuwento sa likod ng Bibliya o ang tungkol sa diwa ng Bibliya. Kahit ngayon, ang mga tao ay mayroon pa ring di-mailarawang pakiramdam ng pagkamangha pagdating sa Bibliya, at mas nahuhumaling pa sila rito, at nagkakaroon pa nga ng higit na pananalig rito. Ngayon, ang lahat ay nagnanais na mahanap ang mga propesiya ng gawain sa mga huling araw sa Bibliya, nais nilang matuklasan kung anong gawain ang ginagawa ng Diyos sa mga huling araw, at kung anong mga tanda ang naroon sa mga huling araw. Sa ganitong paraan, ang kanilang pagsamba sa Bibliya ay nagiging mas taimtim, at habang mas nalalapit ang mga huling araw, higit na bulag na pananalig ang ibinibigay nila sa mga propesiya sa Bibliya, partikular na sa mga tungkol sa mga huling araw. Sa ganito kabulag na pananalig sa Bibliya, sa ganitong pagtitiwala sa Bibliya, wala na silang pagnanais na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, iniisip nila na ang Bibliya lamang ang maaaring maghatid ng gawain ng Banal na Espiritu; sa Bibliya lamang nila makikita ang mga yapak ng Diyos; sa Bibliya lamang nakatago ang mga hiwaga ng gawain ng Diyos; ang Bibliya lamang—hindi ang ibang mga aklat o tao—ang makapaglilinaw ng lahat tungkol sa Diyos at sa kabuuan ng Kanyang gawain; ang Bibliya ay maaaring maghatid ng gawain ng langit sa lupa; at ang Bibliya ay maaaring kapwa simulan at tapusin ang mga kapanahunan. Nang may ganitong mga kuru-kuro, ayaw nang hanapin ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya, gaano man kalaki ang naging tulong ng Bibliya sa mga tao noong araw, ito ay naging isang balakid sa pinakabagong gawain ng Diyos. Kung wala ang Bibliya, magagawang hanapin ng mga tao ang mga yapak ng Diyos sa ibang lugar, ngunit ngayon, ang Kanyang mga yapak ay “nalimitahan” na ng Bibliya, at sadyang naging doble ang hirap ng pagpapalaganap sa Kanyang pinakabagong gawain, at isa itong mahirap na pakikibaka. Lahat ng ito ay dahil sa kilalang mga kabanata at kasabihan mula sa Bibliya, at dahil na rin sa maraming propesiya sa Bibliya. Ang Bibliya ay naging diyos-diyosan sa isipan ng mga tao, ito ay naging isang palaisipan sa kanilang mga utak, at sadyang hindi nila kayang paniwalaang makagagawa ang Diyos ng gawaing nasa labas ng Bibliya, hindi nila kayang paniwalaan na matatagpuan ng mga tao ang Diyos sa labas ng Bibliya, at mas lalong hindi nila magawang paniwalaan na maaaring lumihis ang Diyos sa Bibliya sa huling gawain at magsimula ng panibago. Hindi ito sukat maisip ng mga tao; hindi sila makapaniwala rito, at hindi rin nila ito sukat akalain. Ang Bibliya ay naging isa nang malaking balakid sa pagtanggap ng mga tao sa mas bagong gawain ng Diyos, at ito ay naging isang problema sa pagpapalaganap sa mas bagong gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya (1)

Noong panahon ni Jesus, pinamunuan Niya ang mga Hudyo at ang lahat ng sumunod sa Kanya ayon sa gawain ng Banal na Espiritu sa Kanya noong panahong iyon. Hindi Niya ginamit ang Bibliya bilang basehan ng Kanyang ginawa, kundi nagsalita Siya ayon sa Kanyang gawain; hindi Niya binigyang-pansin kung ano ang sinabi ng Bibliya, o kaya ay naghanap sa Bibliya ng landas upang pamunuan ang Kanyang mga tagasunod. Mula noong nagsimula Siyang gumawa, ipinangaral Niya ang daan ng pagsisisi—ni isang salita tungkol dito ay hinding-hindi nabanggit sa maraming propesiya sa Lumang Tipan. Hindi lamang Siya hindi kumilos ayon sa Bibliya, kundi Siya ay namuno rin sa isang mas bagong daan, at gumawa ng mas bagong gawain. Kahit kailanman ay hindi Siya sumangguni sa Bibliya kapag Siya ay nangangaral. Noong Kapanahunan ng Kautusan, walang sinuman ang nakagawa ng Kanyang mga himala ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Gayundin, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga turo at ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang pananalita ay lampas sa sinumang tao noong Kapanahunan ng Kautusan. Ginawa lamang ni Jesus ang Kanyang mas bagong gawain, at kahit na maraming tao ang kumondena sa Kanya gamit ang Bibliya—at ginamit pa nga ang Lumang Tipan upang ipapako Siya sa krus—nahigitan ng Kanyang gawain ang Lumang Tipan; kung hindi, bakit ipinako Siya ng mga tao sa krus? Hindi ba ito dahil sa walang binanggit ang Lumang Tipan sa Kanyang mga turo, at sa Kanyang kapangyarihan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo? Ang Kanyang gawain ay ginawa upang umakay sa mas bagong daan, hindi ito para sadyang maghamon ng away laban sa Bibliya, o kaya ay sadyang iwaksi ang Lumang Tipan. Pumarito lamang Siya upang gampanan ang Kanyang ministeryo, upang dalhin ang bagong gawain sa mga naghahangad at naghahanap sa Kanya. Hindi Siya dumating upang ipaliwanag ang Lumang Tipan o itaguyod ang gawain nito. Ang Kanyang gawain ay hindi para pahintulutan ang Kapanahunan ng Kautusan na magpatuloy sa pagyabong. Hindi Niya isinaalang-alang kung ang Kanyang gawain ay nakabatay sa Bibliya, kundi pumarito lamang Siya upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin, kaya hindi Siya nagpaliwanag ng mga propesiya ng Lumang Tipan, ni hindi Siya gumawa nang ayon sa mga salita ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan. Hindi Niya pinansin ang sinabi ng Lumang Tipan, hindi mahalaga sa Kanya kung umaayon ito sa Kanyang gawain o hindi, at hindi mahalaga kung ano ang alam ng iba sa Kanyang gawain, o kung paano nila kinondena ito. Ipinagpatuloy lamang Niya ang gawain na dapat Niyang gawin, kahit na maraming tao ang gumamit ng mga propesiya ng mga propeta ng Lumang Tipan upang kondenahin Siya. Sa mga tao, lumitaw na parang ang Kanyang gawain ay walang batayan, at marami rito ang salungat sa mga talaan sa Lumang Tipan. Hindi ba’t ito ang pagiging walang-katotohanan ng tao? Kailangan bang ilapat ng Diyos ang mga regulasyon sa Kanyang gawain? At ang Diyos ba ay dapat na gumawa ayon sa mga propesiya ng mga propeta? Kung tutuusin, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Bibliya? Bakit kailangang gumawa ang Diyos nang naaayon sa Bibliya? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Bibliya? Hindi ba maaaring humiwalay ang Diyos sa Bibliya at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung magsasagawa Siya ayon sa Sabbath at nang ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, at sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung sinunod ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Niya nilabag ang mga regulasyong ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Bibliya! Bilang Panginoon ng Sabbath, hindi ba Siya maaaring maging Panginoon din ng Bibliya?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya (1)

Nabasa ng lahat ng Hudyo ang Lumang Tipan at alam nila ang propesiya ni Isaias na may isang sanggol na lalaki na isisilang sa isang sabsaban. Kung gayon, bakit inusig pa rin nila si Jesus sa kabila ng lubos na pagkaalam sa propesiyang ito? Hindi ba dahil sa kanilang mapaghimagsik na kalikasan at kamangmangan tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa panahong iyon, naniwala ang mga Pariseo na ang gawain ni Jesus ay naiiba sa alam nila tungkol sa ipinropesiyang sanggol na lalaki, at tinatanggihan ng mga tao ngayon ang Diyos dahil hindi sang-ayon sa Bibliya ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi ba pareho ang diwa ng kanilang pagkamapaghimagsik sa Diyos? Matatanggap mo ba, nang walang eksepsiyon, ang buong gawain ng Banal na Espiritu? Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ito ang tamang daloy, at dapat mong tanggapin ito nang walang anumang mga pagdududa; hindi mo dapat piliin kung ano ang iyong tatanggapin. Kung susubukan mong gamitin ang mas maraming kabatiran mo sa Diyos at mas mag-ingat sa Kanya, hindi ba’t kalabisan ito? Ang dapat mong gawin ay hindi maghanap ng iba pang patunay mula sa Bibliya, kundi sa halip ay palaging tanggapin ang gawain ng Banal na Espiritu, sapagkat nananampalataya ka sa Diyos upang sundan ang Diyos, at hindi mo Siya dapat siyasatin. Hindi ka dapat maghanap ng iba pang katibayan tungkol sa Akin upang patunayan na Ako ang iyong Diyos, kundi dapat mong makilatis kung may pakinabang Ako sa iyo—ito ang pinakamahalaga. Kahit makakita ka ng karagdagang di-mapabulaanang patunay sa loob ng Bibliya, hindi ka nito lubos na maihaharap sa Akin. Namumuhay ka lamang sa loob ng sakop ng Bibliya, at hindi sa Aking harapan; hindi ka matutulungan ng Bibliya na makilala Ako, ni hindi nito mapapalalim ang pagmamahal mo sa Akin. Bagama’t ipinropesiya sa Bibliya na isisilang ang isang sanggol na lalaki, walang sinumang makaarok kung kanino matutupad ang propesiya, sapagkat hindi alam ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ang dahilan kaya nilabanan ng mga Pariseo si Jesus. Alam ng ilan na ang Aking gawain ay para sa interes ng tao, subalit patuloy silang naniniwala na si Jesus at Ako ay dalawang ganap na magkahiwalay, at hindi magkatugmang mga entidad. Sa panahong iyon, nagbigay lamang si Jesus sa Kanyang mga disipulo ng isang serye ng mga sermon ng Kapanahunan ng Biyaya tungkol sa mga paksa kung paano magsagawa, paano magtipon-tipon, paano magsumamo sa panalangin, at paano tratuhin ang iba sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawaing Kanyang isinagawa ay yaong sa Kapanahunan ng Biyaya, at nagsalita lamang Siya tungkol sa kung paano nararapat magsagawa ang mga disipulo at yaong mga sumunod sa Kanya noong panahong iyon. Noong panahong iyon, ginawa lamang Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at wala Siyang ginawang gawain ng mga huling araw. Nang itakda ni Jehova ang kautusan ng Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Kautusan, bakit hindi Niya ginawa noon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Bakit hindi Niya maagang nilinaw ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba’t makakatulong ito na tanggapin ito ng tao? Ipinropesiya lamang Niya na isisilang ang isang sanggol na lalaki at magiging makapangyarihan, ngunit hindi Niya isinagawa nang maaga ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain ng Diyos sa bawat isang kapanahunan ay may malilinaw na hangganan; ginagawa lamang Niya ang gawain ng kasalukuyang kapanahunan, at hindi Niya isinasakatuparan nang maaga ang sumunod na yugto ng gawain kailanman. Sa ganitong paraan lamang mabibigyang-diin ang Kanyang gawaing kumakatawan sa bawat kapanahunan. Nagsalita lamang si Jesus tungkol sa mga tanda ng huling mga araw; sinabi lamang Niya kung paano dapat maging mapagpasensiya, kung paano sila dapat matubos, kung paano sila dapat magsisi at mangumpisal, at kung paano sila dapat magpasan ng krus at magtiis ng paghihirap. Hindi Niya kailanman sinabi kung paano dapat magkamit ng pagpasok ang tao sa mga huling araw, ni kung paano niya dapat hangaring tugunan ang mga layunin ng Diyos. Sa gayon, hindi ba’t wala sa katwiran na saliksikin ang Bibliya para sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Ano ang makikita mo sa paghawak lamang nang mahigpit sa Bibliya? Isa mang tagapaglahad ng Bibliya o isang mangangaral, sino ang malinaw na makakakita nang maaga sa gawain ngayon?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paanong Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos Iyong mga Naglimita sa Kanya sa Kanilang mga Kuru-kuro?

Kung gusto mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sumunod ang mga Israelita sa daan ni Jehova, dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung gusto mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang gawain sa mga huling araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos ngayon, at pumasok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito dati sa Bibliya. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang hinirang na mga tao sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, at nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na wala pang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Kaya ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa ng mas nakahihigit at mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas na ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga propesiya na ibinigay ng mga propeta, na ito ay bago at kahanga-hangang gawain na hindi sakop ng mga propesiya, at mas bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi maarok o kaya ay magawang akalain ng mga tao. Paanong ang Bibliya ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino ang maaaring makapagtala ng bawat isang bahagi ng gawain ngayon bago ito maganap, nang walang makakaligtaan? Sino ang maaaring makapagtala nitong mas dakila at mas may karunungang gawain na sumasalungat sa kinaugalian sa librong iyon na sa sobrang kalumaan ay inaamag na? Ang kasalukuyang gawain ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, kailangan mong lisanin ang Bibliya, dapat mong lampasan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Bibliya. Sa ganitong paraan ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa bagong mundo at sa bagong gawain. … Ang mga bagong pagbigkas ay maaaring makapagtustos sa iyo, na nagpapatunay na ito ang bagong gawain; ang mga lumang talaan ay hindi ka mabibigyang-kasiyahan, o hindi makatutugon sa iyong mga kasalukuyang pangangailangan, na nagpapatunay na ang mga ito ay kasaysayan, at hindi ang kasalukuyang gawain. Ang pinakamataas na daan ay ang pinakabagong gawain, at sa bagong gawain, kahit gaano pa kataas ang daan ng nakaraan, ito ay kasaysayan lamang na ginugunita ng mga tao, at kahit ano pa ang halaga nito bilang sanggunian, ito ay lumang daan pa rin. Kahit na ito ay naitala sa “banal na aklat,” ang lumang daan ay kasaysayan; kahit na wala ni isang pahina na nagtatala nito sa “banal na aklat,” ang bagong daan ay pinakabago. Ang daan na ito ay maaari kang iligtas, at ang daan na ito ay maaari kang baguhin, dahil ito ang gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya (1)

Ang mga tao, na sumailalim sa pagkakatiwali, ay namumuhay sa patibong ni Satanas; lahat sila ay namumuhay sa laman, namumuhay sa mga makasariling pagnanais, at wala ni isa man sa kanila ang kaayon Ko. Ang mga nagsasabing kaayon Ko sila ay pawang sumasamba sa mga kathang-isip na diyos-diyosan. Bagama’t sinasabi nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil silang lahat ay likas na laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Bibliya at sapalarang naghahanap ng “angkop” na mga siping kanilang binabasa nang walang katapusan at binibigkas bilang mga kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon Ko ni ang ibig sabihin ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga kasulatan nang pikit-mata. Nililimitahan nila ang isang kathang-isip na diyos na sadyang hindi pa nila nakikita, at na sa pundamental ay hindi nila makita, sa loob ng mga hangganan ng Bibliya, at sa kanilang libreng oras, inilalabas nila ang Bibliya at binabasa. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Bibliya, at ipinapantay nila Ako sa Bibliya; kung wala ang Bibliya wala Ako, at kung wala Ako wala ang Bibliya. Hindi nila binibigyang-pansin ang pag-iral o mga kilos Ko, kundi sa halip ay nag-uukol sila ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Kasulatan. Mas marami ang naniniwala pa nga na hindi Ko dapat gawin ang anumang nais Kong gawin maliban na lamang kung ito ay inihula ng Kasulatan. Binibigyan nila ng sobrang pagpapahalaga ang Kasulatan. Masasabing nakikita nilang masyadong mahalaga ang mga literal na salita, hanggang sa puntong ginagamit nila ang mga talata mula sa Bibliya upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahanap nila ay hindi ang daan ng pagiging kaayon Ko o ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan, kundi ang daan ng pagtugma sa mga salita ng Bibliya, at naniniwala silang ang anumang hindi umaayon sa Bibliya ay hindi Ko gawain nang walang eksepsiyon. Hindi ba’t ang ganitong mga tao ay ang masunuring mga inapo ng mga Pariseo? Ginamit ng mga Pariseong Hudyo ang kautusan ni Moises upang kondenahin si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ng Jesus ng panahong iyon, kundi tinrato nila ang bawat artikulo ng kautusan nang may gayong kaseryosohan na—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa kautusan ng Lumang Tipan at hindi pagiging Mesiyas—sa huli ay ipinako nila sa krus ang walang-salang si Jesus. Ano ang diwa nila? Hindi ba’t hindi nila hinangad ang daan ng pagiging kaayon sa katotohanan? Binigyang-pansin lang nila ang bawat salita ng Kasulatan habang hindi binibigyang-pansin ang mga layunin Ko o ang mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, kundi mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong nanampalataya sa Diyos, kundi mga taong nanampalataya sa Bibliya. Sa mas malinaw na pananalita, sila ay mga asong-bantay ng Bibliya. Upang mapangalagaan ang mga interes ng Bibliya, upang itaguyod ang dangal ng Bibliya, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Bibliya, humantong pa nga sa puntong ipinako nila ang mahabaging si Jesus sa krus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Bibliya, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Bibliya sa puso ng tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang sarili nilang kinabukasan at hindi makamit ang handog para sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa mga tuntunin ng Kasulatan, ng kamatayan. Hindi ba’t silang lahat ay mga alipores ng bawat salita ng Kasulatan?

At paano naman ang mga tao ngayon? Mas pipiliin nilang patalsikin sa mundong ito si Cristo na pumarito upang ilabas ang katotohanan, upang makapasok sila sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas pipiliin pa nilang lubos na ikaila ang pagparito ng katotohanan upang mapangalagaan ang mga interes ng Bibliya, at mas pipiliin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Bibliya. Paano matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung labis na mapaminsala ang puso niya at labis na laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako sa gitna ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag pinasisinag Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang poot Ko sa tao, mas lalo pa niyang ikinakaila ang pag-iral Ko. Hinahanap ng tao na maging kaayon ng mga salita at maging kaayon ng Bibliya, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hanapin ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan. Tumitingala ang tao sa Akin sa langit at naglalaan ng espesyal na atensiyon sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagpapahalaga sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sadyang masyadong maliit ang halaga. Yaong mga naghahanap lamang na maging kaayon ng mga salita ng Bibliya at yaong mga naghahanap lamang na maging kaayon ng isang kathang-isip na diyos ay mga aba sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang diyos na may kakayahang bigyan ang tao ng di-mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang diyos na ilalagay ang sarili niya sa ilalim ng kapangyarihan ng tao—isang diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Sadyang napakababa ng tao, na hindi mailarawan sa salita. Yaong mga laban sa Akin, yaong mga gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, yaong mga walang pagmamahal sa katotohanan, yaong mga mapaghimagsik sa Akin—paano sila magiging kaayon Ko?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hanapin ang Daan ng Pagiging Kaayon kay Cristo

Ngayon, hinihimay Ko ang Bibliya sa ganitong paraan at hindi ito nangangahulugan na kinasusuklaman Ko ito, o itinatanggi Ko ang halaga nito bilang sanggunian. Ipinaliliwanag Ko at nililinaw ang likas na halaga at mga pinagmulan ng Bibliya sa iyo para hindi ka palaging manatiling walang alam. Ito ay dahil ang mga tao ay may napakaraming pananaw tungkol sa Bibliya, at karamihan sa mga iyon ay mali, at ang pagbabasa ng Bibliya sa paraang ito ay hindi lamang humahadlang sa kanila mula sa pagkakamit ng kung ano ang nararapat ngunit ang mas mahalaga, pinipigilan nito ang gawain na Aking nilalayong isakatuparan, ginagambala nang husto ang gawain ng hinaharap, at nagbibigay lamang ng mga pinsala, hindi kapakinabangan. Kaya, ang hinihingi Ko lang ay maunawaan mo ang diwa ng Bibliya at ang tunay na kuwento sa likod ng Bibliya. Hindi Ko hinihingi na huwag mong basahin ang Bibliya, o na magparoo’t parito ka sa pagpoproklama na ito ay lubusang walang halaga, kundi magkaroon ka ng wastong kaalaman at pananaw sa Bibliya. Huwag maging masyadong nakatuon sa isang panig lamang! Kahit na ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan na isinulat ng tao, itinatala rin nito ang marami sa mga prinsipyo ng sinaunang mga banal at propeta sa paglilingkod sa Diyos, gayundin ang mga karanasan ng mga bagong apostol sa paglilingkod sa Diyos—lahat ng ito ay tunay na kabatiran at kaalaman ng mga taong ito, at maaaring magsilbi bilang sanggunian para sa mga tao ng kapanahunang ito sa paghahangad sa tunay na daan. Kaya, sa pagbabasa ng Bibliya ang mga tao ay makakatamo rin ng maraming daan ng buhay na hindi matatagpuan sa iba pang mga aklat. Ang mga daang ito ang mga daan ng buhay ng gawain ng Banal na Espiritu na naranasan ng mga propeta at apostol sa mga nagdaang kapanahunan, at marami sa mga salita ay napakahalaga, at nakakapagbigay ng mga pangangailangan ng mga tao. Kaya nga ibig ng lahat ng tao na magbasa ng Bibliya. Dahil sa napakaraming nakatago sa Bibliya, ang mga pananaw ng mga tao hinggil dito ay hindi tulad ng pananaw nila sa anumang isinulat ng dakilang espirituwal na mga tao. Ang Bibliya ay isang talaan at koleksyon ng mga karanasan at kaalaman ng mga taong naglingkod kina Jehova at Jesus sa luma at bagong mga kapanahunan, kaya nakapagtatamo ang mga sumunod na henerasyon ng maraming kaliwanagan, pagtanglaw, at mga landas ng pagsasagawa mula rito. Ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay mas mataas kaysa sa mga isinulat ng sinumang dakilang espirituwal na tao ay sapagkat ang lahat ng kanilang mga isinulat ay hinango mula sa Bibliya, at ang kanilang mga karanasan ay pawang nagmula sa Bibliya at ang mismong mga paliwanag ng Bibliya. At kaya, bagaman ang mga tao ay maaaring makakuha ng panustos mula sa mga aklat ng sinumang dakilang espirituwal na tao, sinasamba pa rin nila ang Bibliya, dahil ito ay tila napakataas at napakalalim para sa kanila! Kahit na pinagsasama-sama ng Bibliya ang ilang aklat ng mga salita ng buhay, tulad ng mga liham ni Pablo at mga liham ni Pedro, at bagaman ang mga tao ay matutustusan at matutulungan ng mga librong ito, hindi pa rin napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagkat ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lamang tumigil sa panahon nina Pablo at Pedro—ibig sabihin, hindi ito maaaring palagiang manatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. Kaya ang mga aklat na ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay makapagtutustos lamang para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at gaano man kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin. Ito ay kapareho ng gawain ni Jehova ng paglikha o ng Kanyang gawain sa Israel: Gaano man kadakila ang gawaing ito, maluluma pa rin ito, at ang oras ay darating pa rin kung kailan ito ay lumipas na. Ang gawain ng Diyos ay katulad din nito: Gaano man ito kadakila, darating ang panahon na matatapos ito; hindi ito maaaring palaging manatili sa gitna ng gawain ng paglikha, ni sa gitna ng pagpapapako sa krus. Gaano man kapani-paniwala ang gawain ng pagpapapako sa krus, gaano man kabisa ito sa pagdaig kay Satanas, ang gawain, kung tutuusin, ay gawain pa rin, at ang mga kapanahunan, kung tutuusin, ay mga kapanahunan pa rin; ang gawain ay hindi maaaring palaging manatili sa gayon ding pundasyon, at hindi rin maaaring hindi nagbabago kailanman ang mga panahon, dahil mayroong paglikha at dapat magkaroon ng mga huling araw. Ito ay hindi maiiwasan! Kaya ngayon ang mga salita ng buhay sa Bagong Tipan—ang mga liham ng mga apostol, at ang Apat na Ebanghelyo—ay naging mga aklat ng kasaysayan, ang mga ito ay naging lumang mga almanak, at paano madadala ng lumang mga almanak ang mga tao sa bagong kapanahunan? Gaano man ang kakayahan ng mga almanak na ito sa pagbibigay ng buhay sa mga tao, gaano man ang kakayahan ng mga ito na akayin ang mga tao sa krus, hindi ba’t ang mga ito ay lipas na? Hindi ba nawalan na ang mga ito ng halaga? Kaya sinasabi Ko na hindi ka dapat pikit-matang naniniwala sa mga almanak na ito. Ang mga ito ay napakaluma, hindi ka madadala ng mga ito tungo sa bagong gawain, at magiging pabigat lamang ang mga ito sa iyo. Hindi lamang sa hindi ka madadala ng mga ito tungo sa bagong gawain, at tungo sa bagong pagpasok, kundi dinadala ka ng mga ito tungo sa mga lumang simbahan ng mga relihiyon—at kung gayon, hindi ka ba paurong sa pananampalataya mo sa Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya (4)

Kaugnay na mga Himno

Dapat Hanapin ng mga Mananampalataya sa Diyos ang Kanyang Kasalukuyang mga Layunin

Nakagawa ang Diyos ng Mas Dakila at ng Mas Bagong Gawain sa mga Hentil sa mga Huling Araw

Dapat Mong Hanapin ang Daan ng Pagiging Magkaayon kay Cristo

Lahat ng Gumagamit ng Bibliya para Kondenahin ang Diyos ay mga Pariseo

Sinundan:  12. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Buong Bibliya ay Kinasihan ng Diyos, Ang Lahat ng Salita sa Bibliya ay mga Salita ng Diyos”

Sumunod:  14. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Pangalan ng Panginoong Jesus ay Hindi Kailanman Magbabago; Sa Pagbabalik ng Panginoon, Siya ay Tatawagin Pa Ring Jesus”

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 14: Sa paniniwala n’yo sa Kanya, lahat kayo ay may mga sariling ideya at opinyon. Sa tingin ko ang mga ideya nyo at teyorya, ay pawang mga pakiramdam ng pansariling kamalayan, at puro ilusyon lamang ninyo sa mga bagay-bagay. Naniniwala kaming mga Komunista na ang materyalismo at teorya ng ebolusyon ang katotohanan, dahil naayon ang lahat ng yon sa syensya. Malinaw na nagbibigay ang ating bansa ng materyalista at ebolusyonistang edukasyon mula paaralang elementarya hanggang sa unibersidad. Sa tingin n’yo bakit? Yun ay para ipalaganap ang ateista at ebolusyonistang pag-iisip sa lahat ng kabataan sa murang edad, para lumayo sila sa relihiyon at ganun na rin sa pamahiin, at ng sa ganun siyentipiko at maayos nilang maipaliwanag ang lahat ng katanungan. Isang halimbawa ang, tanong tungkol sa pinagmulan ng buhay. Ignorante at makaluma ang mga tao sa nakaraan, at naniwala sa mga kwentong gaya ng paghihiwalay ni Pangu sa langit at lupa, at paglikha ni Nüwa sa mga tao. Ang mga taga-kanluran naman, ay naniwalang ang Diyos ang lumikha sa sangkatauhan. Ang totoo, mitolohiya lang at alamat ang lahat ng ito, at hindi naaayon sa syensya. Mula nang lumitaw ang teorya ng ebolusyon na nagpaliwanag sa pinagmulan ng sangkatauhan, kung paano nagmula ang tao sa mga unggoy, pinabulaanan ng teorya ng ebolusyon ang alamat ng paglikha ng Diyos sa tao. Nalikha ang lahat ng bagay sa natural na pamamaraan. Yun lamang ang katotohanan. Kaya nga Kailangan nating maniwala sa syensya, at sa teorya ng ebolusyon. Kayong lahat ay mga edukado at maraming nalalaman. Kaya bakit kayo naniniwala sa Diyos? Kaya n’yo bang sabihin sa’min ang inyong pananaw?

Sagot: Naniniwala kayong mga Komunista na ang materyalismo at teorya ng ebolusyon ang katotohanan, at kinikilala n’yo sina Marx at Darwin....

Tanong 7: Ang CCP ay isang rebolusyonaryong partido. Ang pinaniniwalaan nito ay kabastusan at karahasan, ibig sabihin, pag-agaw sa kapangyarihan nang may karahasan! Kung tatanggapin natin ang katwiran ng CCP, “Ang isang kasinungalingan ay nagiging katotohanan kung uulit-ulitin nang sampung libong beses.” Gaano man karaming tao ang nagdududa sa salita nito, tumatanggi at hindi naniniwala rito, walang pakialam ang CCP kahit bahagya, at patuloy pa rin itong nagsisinungaling at nanlilinlang. Basta’t makakamtan nito ang mga agarang epekto at minimithi nito, wala itong pakialam sa magiging kapalit! Kung magrebelde at magprotesta ang mga tao laban dito, gagamit ito ng mga tangke at machine gun para lutasin ang lahat. Kapag kailangan, gagamit ito ng mga bomba atomika at missile para labanan ang mga puwersa ng kalaban. Maaaring gawin ng CCP ang lahat para manatili ito sa paghahari. Nang ipahayag sa publiko ang kaso sa Zhaoyuan sa Shandong, ang CCP ay nagpasimula ng maramihang pagpapadala ng mga sandatahang pulis para supilin at arestuhin ang mga Kristiyano anuman ang mangyari. Sino ang makakapigil dito? Sino ang nangahas na lumaban? Kahit nang makita ng mga dayuhan ang panloloko ng CCP, ano ang magagawa nila? Maraming paraan ang CCP para labanan ang pagtuligsa ng mga demokratikong puwersa ng mga taga-Kanluran. Gumagamit ito ng pera para ayusin ang lahat. May kasabihan nga na, “Sinumang tumanggap ng regalo ay ibinebenta ang kanyang kalayaan.” Paunti nang paunti ang mga bansang tumutuligsa sa CCP ngayon. Takot ang puwersa ng mga kaaway ng CCP na iparinig ang kanilang opinyon. Paano man n’yo ito sabihin, naigigiit pa rin ng CCP ang paghahari nito. Hangga’t may kapangyarihan ang Communist Party, kayong mga nananalig sa Diyos ay hindi makakaasang maging malaya! Ang pagpapakita at gawain ng Diyos sa China ay talagang kamumuhian at ipagbabawal ng CCP. Makamtan man ng CCP ang mithiin nitong magbuo ng ateismo sa China o hindi, hindi ito titigil kailanman sa pag-aresto at pagsupil sa inyo! Matagal na itong malinaw sa akin. Kaya nga tinututulan kong mabuti ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Para sa kapakanan n’yo ’yan, hindi n’yo ba nauunawaan?

Sagot: Napakasama ng CCP, pero umuunlad pa rin ito sa mundo at walang nangangahas na hadlangan ito. Ibig kayang sabihin n’yan ay permanente...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger