12. Paano ba magagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang pasok sa pamantayan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Pagdating sa paggampan sa tungkulin nang pasok sa pamantayan, ang diin ay nasa pariralang “pasok sa pamantayan.” Kaya, paano dapat bigyang-kahulugan ang “pasok sa pamantayan”? Dito, gayundin, ay may mga katotohanang dapat hanapin. “Pasok sa pamantayan” ba ang makagawa lang ng katanggap-tanggap na trabaho? Para sa partikular na mga detalye kung paano unawain at ituring ang pariralang “pasok sa pamantayan,” dapat maunawaan ng isang tao ang maraming katotohanan, at kailangan ang higit pang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Sa panahon ng paggampan ng kanilang tungkulin, kailangang maunawaan ng mga tao ang katotohanan at ang mga prinsipyo; saka lang nila magagampanan ang kanilang tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan. Bakit dapat gampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin? Sa sandaling nanampalataya sila sa Diyos at tinanggap na ang Kanyang atas, ang mga tao ay may kani-kanilang responsabilidad at obligasyon sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa lugar kung saan nagaganap ang gawain ng Diyos, at, kaya naman, dahil sa responsabilidad at obligasyong ito, naging isang bahagi na sila ng gawain ng Diyos, isa sa mga tatanggap ng gawain ng Diyos, at isa sa mga tatanggap ng Kanyang pagliligtas. Mayroon talagang malaking ugnayan sa pagitan ng kaligtasan ng mga tao at kung paano nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, kung mahusay ba nilang nagagampanan ang mga ito, at kung nagagampanan ba nila ang mga ito sa isang paraang pasok sa pamantayan. Yamang naging bahagi ka na ng sambahayan ng Diyos at tinanggap ang Kanyang atas, mayroon ka na ngayong tungkulin. Hindi mo mapagpapasyahan ang pamantayan para sa paggampan sa tungkuling ito, ni wala kang anumang awtoridad na magpasya sa kung ano ito; nakadepende ito sa Diyos, at dapat tukuyin ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Ang usaping ito ay dapat sukatin ayon sa mga prinsipyo at pamantayan ng katotohanan; ang katotohanan ang masusunod. Samakatwid, dapat malaman ng mga tao at maging malinaw sa kanila kung paano sinusukat ng Diyos kung ang paggampan ng mga tao sa tungkulin ay pasok sa pamantayan, at kung batay sa ano Niya ito sinusukat. Kinapapalooban ito ng katotohanan, at ito ay isang bagay na kapaki-pakinabang na hanapin. Sa gawain ng Diyos, nakatatanggap ang iba’t ibang tao ng iba’t ibang tungkulin. Ibig sabihin, ang mga tao na may iba’t ibang kaloob, kakayahan, edad, at kondisyon ay nakatatanggap ng iba’t ibang tungkulin sa iba’t ibang panahon. Ano pa mang tungkulin ang iyong natanggap, at ano pa mang panahon o kalagayan mo ito natanggap, ang iyong tungkulin ay isa lamang responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin; hindi mo ito proyekto, lalong hindi mo rin ito negosyo. Ang sukatang hinihingi ng Diyos para sa paggampan mo ng iyong tungkulin ay na pasok ito sa pamantayan. Ano ang ibig sabihin ng “pasok sa pamantayan”? Nangangahulugan ito na tugunan ang mga hinihingi ng Diyos at palugurin Siya. Ang paggampan mo sa iyong tungkulin ay dapat na masabi ng Diyos na pasok sa pamantayan at dapat nitong matanggap ang Kanyang pagsang-ayon, saka lamang ito magiging pasok sa pamantayan. Kung sasabihin ng Diyos na hindi ito pasok sa pamantayan, gaano mo man katagal na ginagampanan ang iyong tungkulin, o gaano mang halaga ang binayaran mo, hindi ito pasok sa pamantayan. Kung gayon, ano ang magiging resulta? Uuriin itong lahat bilang pagtatrabaho. Iilang trabahador lang na may debosyon ang mananatiling buhay. Kung walang debosyon sa kanyang pagtatrabaho ang isang tao, wala siyang pag-asang manatiling buhay. Sa madaling salita, malilipol siya sa sakuna. Kung hindi kailanman pasok sa pamantayan ang isang tao kapag gumagampan ng kanyang tungkulin, aalisan siya ng kanyang karapatan na gumampan ng tungkulin. Pagkatapos alisin ang karapatang ito, ang ilang tao ay isasantabi. Pagkatapos isantabi, isasaayos sila sa ibang paraan. Ang ibig sabihin ba ng “isasaayos sa ibang paraan” ay ititiwalag? Hindi palaging ganoon. Ang pangunahing tinitingnan ng Diyos ay kung nagsisi ang isang tao. Samakatwid, kung paano mo ginagampanan ang tungkulin mo ay kritikal, at dapat mo itong tratuhin nang seryoso at maingat. Dahil ang paggampan sa iyong tungkulin ay may direktang kaugnayan sa iyong buhay pagpasok at pagpasok sa mga katotohanang realidad, gayundin sa mahahalagang bagay gaya ng iyong kaligtasan at ng pagpeperpekto sa iyo, dapat mong tratuhin ang paggampan sa iyong tungkulin bilang ang una at pinakamahalagang bagay sa iyong pananampalataya sa Diyos. Hindi maaaring naguguluhan ka tungkol dito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?
Dapat maunawaan ng lahat ng nananampalataya sa Diyos ang mga layunin Niya. Tanging sa paggampan nang maayos sa kanilang tungkulin nila mapalulugod ang Diyos, at sa pamamagitan lang ng pagtupad sa atas ng Diyos magiging pasok sa pamantayan ang kanilang paggampan sa kanilang tungkulin. May isang pamantayan para sa pagkompleto ng atas ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.” Ang “pag-ibig sa Diyos” ay isang aspekto ng hinihingi ng Diyos sa mga tao. Saan dapat ipamalas ang hinihinging ito? Sa pagkokompleto ng atas ng Diyos—sa praktikal na aspekto, dapat gampanan mo nang maayos ang tungkulin mo bilang isang tao. Kaya ano ang pamantayan para sa pagtupad nang maayos sa iyong tungkulin? Hinihingi ng Diyos na gampanan mo ang iyong tungkulin nang maayos bilang isang nilikha, nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong isip mo, at nang buong lakas mo. Dapat madali lang itong maunawaan. Para maabot ang hinihingi ng Diyos, ang pangunahing bagay na dapat mong gawin ay isapuso ang iyong tungkulin. Kung kaya mong ilagay ang puso mo rito, magiging madali para sa iyong gampanan ito nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin sa pamamagitan lang ng pagsandig sa mga imahinasyon ng iyong isipan, at sa pagsandig sa iyong mga kaloob, maaabot mo ba ang hinihingi ng Diyos? Tiyak na hindi. Kaya, ano ang pamantayan na dapat mong maabot para maituring na nakompleto ang atas ng Diyos, at na nagampanan ang iyong tungkulin nang deboto at maayos? Ito ay ang gampanan mo ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Para gampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, dapat magkaroon ka ng mapagmahal-sa-Diyos na puso. Kung ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso ay lumagong lalo pang mas malakas at mas totoo, likas mong magagawang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong isipan mo, buong lakas mo—ang “buong lakas mo” ang huli; ang “buong puso mo” ang una. Kung hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo, paano mo ito gagawin nang buong lakas mo? Kaya ang simpleng pagtatangka na gampanan ang iyong tungkulin nang buong lakas mo ay hindi magkakamit ng mga resulta—o hindi rin makakaabot sa mga katotohanang prinsipyo. Alin sa mga ito ang pinakamahalagang bagay na hinihingi ng Diyos? (Nang buong puso ng isang tao.) Anuman ang tungkulin o bagay na ipinagkakatiwala ng Diyos sa iyo, kung ikaw ay gumugugol lang ng pagsisikap, nagpaparoo’t parito, at nagpapakapagod, ang mga bagay ba na ginagawa mo ay magagawang maging alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Maaari ka bang kumilos nang alinsunod sa mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Paano ka makakaayon sa mga layunin ng Diyos? (Nang buong puso namin.) Madaling sabihin ang mga salitang “nang buong puso mo,” at madalas itong sinasabi ng mga tao, kaya paano mo ito gagawin nang buong puso mo? Sinasabi ng ilang tao, “Ito ay kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang may kaunti pang pagsisikap at kasipagan, mas mag-isip pa, at kapag hindi mo rin hinahayaan ang anumang bagay na umokupa sa isipan mo, at ituon lang ang pansin sa kung paano gagawin ang atas na gawain, hindi ba?” Ganyan ba iyan kasimple? (Hindi.) Kaya pag-usapan natin ang ilang pangunahing prinsipyo ng pagsasagawa. Ayon sa mga prinsipyong karaniwan ninyong isinasagawa o sinusunod, ano dapat ang una ninyong gawin para magawa ang mga bagay-bagay nang buong puso ninyo? Dapat gamitin ninyo ang buong isipan ninyo, gamitin ang lahat ng inyong lakas, at ilagay ang inyong puso sa paggawa ng mga bagay-bagay, at huwag maging pabasta-basta. Kung hindi kaya ng isang taong gawin ang mga bagay-bagay nang buong puso niya, nawala na ang puso niya, na tulad ng pagkawala ng kaluluwa ng isang tao. Ang isip niya ay lilipad habang nagsasalita siya, hindi niya kailanman ilalagay ang puso niya sa paggawa ng mga bagay-bagay, at kikilos siya nang hindi nag-iisip anuman ang ginagawa niya. Dahil dito, hindi niya magagawang pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang maayos. Kung hindi mo ginagampanan ang tungkulin mo nang buong puso mo at hindi mo inilalagay ang buong puso mo rito, hindi mo gagampanan nang maayos ang tungkulin mo. Kahit ilang taon mong gampanan ang tungkulin mo, hindi mo ito magagawa sa isang paraan na pasok sa pamantayan. Wala kang magagawang anumang bagay nang maayos kung hindi mo ilalagay rito ang puso mo. Ang ilang tao ay mga hindi maaasahang manggagawa, palagi silang pabago-bago, masyadong mataas ang mithiin nila, at hindi malalaman kung saan nila iniwan ang puso nila. May puso ba ang gayong mga tao? Paano ninyo masasabi kung may puso ang isang tao o wala? Kung madalang magbasa ng mga salita ng Diyos ang isang taong nananampalataya sa Diyos, may puso ba siya? Kung hindi siya kailanman nananalangin sa Diyos anuman ang nangyayari, may puso ba siya? Kung hindi niya kailanman hinahanap ang katotohanan anuman ang mga paghihirap na hinaharap niya, may puso ba siya? Ang ilang tao ay gumaganap sa mga tungkulin nila nang maraming taon nang walang nakukuhang anumang malinaw na resulta, may puso ba sila? (Wala.) Maayos bang magagampanan ng mga taong walang puso ang kanilang mga tungkulin? Paano magagampanan ng mga tao ang mga tungkulin nila nang buong puso nila? Una sa lahat, dapat ninyong isipin ang responsabilidad. “Ito ang aking responsabilidad, kailangan ko itong akuin. Hindi ako puwedeng tumakas sa kritikal na sandaling ito. Dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ko at dapat akong magbigay ng ulat sa Diyos tungkol dito.” Ibig sabihin nito ay mayroon kayong teoretikal na batayan. Pero ang simpleng pagkakaroon ba ng teoretikal na batayan ay nangangahulugang ginagampanan ninyo ang tungkulin ninyo nang buong puso ninyo? (Hindi.) Malayo pa rin kayo sa pagpasok sa katotohanang realidad at sa pagsasagawa ng hinihingi ng Diyos na gawin ang mga bagay nang buong puso ninyo. Kaya, ano ang ibig sabihin ng gawin ang inyong tungkulin nang buong puso ninyo? Paano magagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang buong puso nila? Una sa lahat, kailangan ninyong isipin, “Para kanino ko ba ginagawa ang tungkuling ito? Ginagawa ko ba ito para sa Diyos, o sa iglesia, o sa isang tao?” Dapat alamin ito nang malinaw. Gayundin: “Sino ang nag-atas ng tungkuling ito sa akin? Ang Diyos ba, o isang lider?” Kailangan din itong maging malinaw. Maaaring tila isang maliit na bagay lang ito, ngunit gayunman, kailangang hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Sabihin ninyo sa Akin, isang lider o manggagawa ba ang nag-atas sa inyo ng tungkulin ninyo? (Hindi.) Mabuti iyan, basta’t sigurado ka sa puso mo tungkol dito. Dapat mong pagtibayin na ang Diyos ang nag-atas sa iyo ng tungkulin mo. Maaaring tila ito ay ibinigay sa iyo ng isang lider ng iglesia, pero sa katunayan, ang lahat ng ito ay galing sa pagsasaayos ng Diyos. Maaaring may mga panahon kung kailan malinaw na galing ito sa kalooban ng tao, pero kahit ganoon, dapat mo muna itong tanggapin mula sa Diyos. Iyan ang tamang paraan para maranasan ito. Kung tatanggapin mo ito mula sa Diyos, at kusa kang magpapasakop sa pagsasaayos Niya, at tatanggapin mo ang atas Niya—kung dadanasin mo ito gaya niyan, sasaiyo ang gabay ng Diyos at ang gawain ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Kung Ano Ba Talaga ang Ipinamumuhay ng Tao
Magkapareho ang mga prinsipyong kailangan mong maunawaan at ang mga katotohanang kailangan mong isagawa anuman ang tungkuling iyong ginagampanan. Hinilingan ka mang maging isang lider o manggagawa, o nagluluto ka man ng mga putahe bilang host, o kung hiniling man sa iyo na asikasuhin ang ilang panlabas na usapin o gumawa ng pisikal na gawain, ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin sa paggampan ng iba’t ibang tungkuling ito ay magkakapareho, kailangang nakabatay ang mga ito sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Ano kung gayon ang pinakadakila at pinakamahalagang prinsipyo? Ito ay ang ilaan ang puso, isipan, at pagsisikap ng isang tao sa paggampan ng kanyang tungkulin nang maayos, at ang gampanan ito nang pasok sa pamantayan. Upang magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin at magampanan mo ito nang pasok sa pamantayan, kailangan mong malaman kung ano ba ang tungkulin. Ano nga ba talaga ang tungkulin? Sarili mo bang karera ang tungkulin? (Hindi.) Kung tatratuhin mo ang tungkulin bilang sarili mong karera, handang igugol ang lahat ng iyong pagsisikap upang magawa ito nang mabuti, upang makita ng iba kung gaano ka katagumpay at katanyag, sa pag-iisip na binibigyan nito ng kabuluhan ang iyong buhay, iyon ba ang tamang pananaw? (Hindi.) Saan nagkakamali ang pananaw na ito? Nagkakamali ito sa pagturing sa atas ng Diyos bilang karera ng isang tao. Bagama’t ang paggawa nito ay mukhang katanggap-tanggap para sa mga tao, para sa Diyos, ito ay pagtahak sa maling landas, paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, at kinokondena Niya ito. Ang tungkulin ay kailangang magampanan alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo upang makaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagsalungat sa mga katotohanang prinsipyo at sa halip ay pagkilos ayon sa kalooban ng tao ay makasalanan. Lumalaban ito sa Diyos at nararapat na parusahan. Ito ang kapalaran ng mga hangal at walang-alam na taong hindi tumatanggap sa katotohanan. Dapat na maging malinaw sa mga taong sumasampalataya sa Diyos kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kailangang maging malinaw ang pangitaing ito. Pag-usapan muna natin kung ano ang tungkulin. Ang isang tungkulin ay hindi mo sariling proyekto, sariling karera, o sariling gawain; gawain ito ng Diyos. Hinihingi ang iyong pakikipagtulungan sa gawain ng Diyos, na siyang humahantong sa iyong tungkulin. Ang bahagi ng gawain ng Diyos kung saan dapat makipagtulungan ang tao ay ang kanyang tungkulin. Bahagi ng gawain ng Diyos ang tungkulin—ito ay hindi ang iyong karera, ang iyong mga usapin sa tahanan, o ang iyong mga personal na usapin sa buhay. Ang iyong tungkulin ay paghawak man sa panlabas o panloob na gawain, kailanganin man itong pag-isipan o pagtrabahuhan, ito ang tungkuling nararapat mong gampanan, ito ang gawain ng iglesia, bumubuo ito sa isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos. Hindi ito ang iyong personal na usapin. Kung gayon, paano mo dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Sa pinakamababang batayan, hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin ayon sa anumang paraang gusto mo, hindi ka dapat kumilos nang walang pakundangan. Halimbawa, sabihin nating responsabilidad mo ang magluto para sa mga kapatid, at iyon ang tungkulin mo. Paano mo dapat tratuhin ang gampaning ito? (Dapat naming hanapin ang mga katotohanang prinsipyo.) Paano mo hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo? May kinalaman ito sa realidad at sa katotohanan. Kailangan mong pag-isipan kung paano isasagawa ang katotohanan at kung paano gagampanan nang maayos ang tungkuling ito. Aling mga aspekto ng katotohanan ang nakapaloob dito? Ang unang hakbang, una sa lahat, ay kailangan mong malaman na, “Hindi ako nagluluto para sa sarili ko. Tungkulin ko ito.” Kinapapalooban ito ng aspekto ng pangitain. Paano naman ang ikalawang hakbang? (Kailangan naming pag-isipan kung paano lulutuin nang maayos ang pagkain.) Ano ang pamantayan sa pagluluto nang maayos? (Kailangan naming hanapin ang mga hinihingi ng Diyos.) Tama iyan. Tanging ang mga hinihingi ng Diyos ang katotohanan, ang pamantayan, at ang prinsipyo. Gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos—ito ay isang aspekto ng katotohanan. Una sa lahat ay kailangan mong isipin ang aspektong ito ng katotohanan, at pagkatapos ay pagnilayan, “Ibinigay sa akin ng Diyos ang tungkuling ito upang gampanan ko. Ano ang pamantayang hinihingi ng Diyos?” Unang-una sa lahat, kailangan mong taglayin ang pundasyong ito. Kung gayon, paano ka dapat kumilos upang maabot mo ang pamantayan ng Diyos? Ang pagkaing lulutuin mo ay dapat na masustansya, masarap, malinis, at hindi nakasasama sa katawan—ang mga ito ang mga detalyeng nakapaloob. Basta’t kumikilos ka alinsunod sa prinsipyong ito, ang pagkaing lulutuin mo ay maihahanda alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil hinanap mo ang mga prinsipyo ng tungkuling ito, at hindi lumagpas ang mga kilos mo sa saklaw na itinakda ng Diyos. Tama ang paraan ng pagkilos mo. Ginampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at nagampanan mo ito sa isang paraan na pasok sa pamantayan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa mga Katotohanang Prinsipyo Maaaring Magampanan Nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin
Anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, kailangan mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, unawain ang mga layunin ng Diyos, alamin kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa tungkuling iyon at unawain kung anong mga resulta ang dapat mong makamit sa paggampan ng tungkuling iyon. Sa pamamagitan ng paggawa ng mga iyon, saka ka lang makakakilos nang may mga prinsipyo. Sa paggampan sa iyong tungkulin, hinding-hindi ka maaaring sumunod sa iyong personal na mga kagustuhan, ginagawa ang anumang gusto mong gawin, anuman ang magpapasaya sa iyo at magpapamukha sa iyo na marangal ka. Ito ay pagkilos alinsunod sa sariling kagustuhan ng isang tao. Kung umaasa ka sa sarili mong mga personal na kagustuhan sa paggampan ng iyong tungkulin, ngunit naniniwala pa rin na ito ang hinihingi ng Diyos at na ito ang magdudulot ng kagalakan sa Diyos, iginigiit ang mga personal mong kagustuhan sa Diyos—isinasagawa ang mga personal mong kagustuhan na para bang ang mga ito ay ang katotohanan at sinusunod ang mga ito na para bang ang mga ito ay mga katotohanang prinsipyo—hindi ba’t isa itong pagkakamali? Hindi ito paggampan sa iyong tungkulin, at ang paggampan sa iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi matatandaan ng Diyos. Hindi nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan, at hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Sa tingin nila, gumugol na sila ng pagsisikap at ibinigay na nila rito ang kanilang puso, naghimagsik na sila laban sa kanilang laman at nagdusa na sila, pero kung gayon, bakit hindi nila kailanman magawa ang kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan? Bakit palaging hindi nalulugod ang Diyos? Saan nagkamali ang mga taong ito? Ang naging pagkakamali nila ay ang hindi paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo at hindi pagkilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at sa halip ay ganap na pagkilos ayon sa sarili nilang mga ideya—ito ang dahilan. Itinuring nila ang sarili nilang mga nais, kagustuhan, at makasariling motibo bilang mga prinsipyo at pamantayan, ginagamit ang mga bagay na ito kapalit ng mga hinihingi ng Diyos. Itinuring nila kung ano ang pinaniniwalaan nilang tama, mabuti, at maganda bilang ang katotohanan; isa itong malubhang pagkakamali. Ang totoo, kahit maaaring iniisip minsan ng mga tao na tama ang isang bagay at na umaayon ito sa katotohanan, hindi tiyak na nangangahulugan iyon na naaayon ito sa mga layunin ng Diyos. Habang mas iniisip ng mga tao na tama ang isang bagay, lalo dapat silang maging maingat at lalo nilang dapat hanapin ang katotohanan upang makita kung natutugunan nito ang mga hinihingi ng Diyos. Kung sumasalungat ito mismo sa Kanyang mga hinihingi at sa Kanyang mga salita, hindi ito katanggap-tanggap, kahit pa iniisip mong tama ito, isa lamang itong kaisipan ng tao, at hindi ito maaayon sa katotohanan gaano mo man naiisip na tama ito. Kung tama ba o mali ang isang bagay ay kailangang tukuyin batay sa mga salita ng Diyos. Gaano mo man naiisip na tama ang isang bagay, mali ito at kailangan mo itong iwaksi, maliban na lang kung may basehan ito sa mga salita ng Diyos. Katanggap-tanggap lamang ito kapag ito ay kaayon ng katotohanan, at magiging pasok sa pamantayan ang paggampan mo sa iyong tungkulin sa pamamagitan lamang ng pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo sa ganitong paraan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa mga Katotohanang Prinsipyo Maaaring Magampanan Nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin
Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mong suriin palagi ang iyong sarili upang makita kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, kung ang paggampan mo sa iyong tungkulin ay pasok sa pamantayan, kung ginagawa mo ito nang pabasta-basta o hindi, kung nagiging tuso ka man at nagpapakatamad, at kung may anumang mga problema sa iyong saloobin at sa paraan ng iyong pag-iisip. Sa sandaling nakapagnilay-nilay ka sa sarili at naging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, magiging mas madali ang pagtupad mo nang maayos sa iyong tungkulin. Anuman ang maranasan mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin—pagiging negatibo at mahina, o pagkakaroon ng masamang lagay ng loob matapos kang pungusan—dapat mo itong tratuhin nang maayos, at kailangan mo ring hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos. Sa paggawa ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng isang landas ng pagsasagawa. Kung nais mong maging maganda ang iyong trabaho sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi ka dapat magpaapekto sa lagay ng loob mo. Gaano man kanegatibo o kahina ang iyong nararamdaman, dapat mong isagawa ang katotohanan, tuparin ang iyong mga obligasyon at responsabilidad, at panghawakan mo ang mga prinsipyo sa lahat ng iyong ginagawa. Kung gagawin mo ito, hindi ka lamang sasang-ayunan ng ibang tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa gayon, ikaw ay magiging isang taong responsable, na kayang umako ng responsabilidad, na tunay na mabuti, at na talagang gumagampan sa kanyang mga tungkulin nang pasok sa pamantayan, at lubos mong isasabuhay ang wangis ng isang tunay na tao. Ang gayong mga tao ay pinadadalisay at nagkakamit ng tunay na pagbabago kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at masasabing sila ay matatapat na tao sa mga mata ng Diyos. Matatapat na tao lamang ang kayang magpunyagi sa pagsasagawa ng katotohanan upang makamit ang pagkilos nang may prinsipyo at magawang gampanan ang kanilang mga tungkulin nang pasok sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay ginagampanan nang maigi ang kanilang mga tungkulin kapag maganda ang lagay ng loob nila; hindi sila nagtatrabaho nang pabasta-basta, hindi sila walang-galang at hindi nagpapasikat para tumaas ang tingin sa kanila ng iba. Kapag masama ang lagay ng loob nila, nagagawa nilang tapusin ang kanilang pang-araw-araw na mga gampanin nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit dumaranas sila ng isang bagay na nakakainis na nakakapresyur sa kanila o gumugulo sa kanila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang patahimikin ang puso nila sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problemang kinakaharap ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t ako ay buhay, dapat kong tuparin nang maayos ang aking tungkulin. Bawat araw na nabubuhay ako ay isang araw na dapat kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ibinigay sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok Niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagkat ang pagtupad nang maayos sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi nalilimitahan ng anumang lagay ng loob o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong tapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang buhay pagpasok at nakapasok na sa katotohanang realidad. Ito ay isa sa pinakatotoo at pinakapraktikal na mga pagpapamalas ng pagsasabuhay ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagiging pabasta-basta kapag ginagampanan ang tungkulin mo. Kung palagi kang pabasta-basta habang ginagampanan ang iyong tungkulin, hindi mo magagampanan ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Kung gusto mong gampanan ang tungkulin mo nang may debosyon, dapat mo munang ayusin ang problema mo ng pagiging pabasta-basta. Dapat kang gumawa ng mga hakbang para itama ang sitwasyon sa sandaling mapansin mo ang mga pagpapamalas nito. Kung magulo ang isip mo, hindi kailanman nakakapansin sa mga problema, palaging iniraraos lang ang gawain, at pabasta-basta lang na ginagawa ang mga bagay-bagay, hindi mo kayang magampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kaya, dapat buong-puso mong tuparin ang tungkulin mo. Ang pagkakataon para sa mga tao na gampanan ang kanilang tungkulin ay mahirap dumating! Kapag binibigyan sila ng Diyos ng ganitong pagkakataon, ngunit hindi nila ito sinusunggaban, nawawala ang pagkakataong iyon—at kahit na sa kalaunan, naisin nilang makahanap ng ganoong pagkakataon, maaaring hindi na iyon muling dumating. Ang gawain ng Diyos ay hindi naghihintay sa sinuman, at hindi rin naghihintay sa sinuman ang mga pagkakataon para gampanan ang tungkulin ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko ginampanan nang maayos ang tungkulin ko dati, ngunit ngayon ay nais ko pa rin itong gampanan. Babangon lang akong muli.” Kahanga-hangang magkaroon ng ganitong kapasyahan, pero dapat maging malinaw sa iyo kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin: Dapat kang magsikap tungo sa katotohanan. Tanging ang mga nakakaunawa sa katotohanan ang makagagampan nang maayos sa kanilang tungkulin. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, ni hindi magiging pasok sa pamantayan ang kanyang pagtatrabaho. Kapag mas malinaw sa iyo ang katotohanan, mas nagiging epektibo ka sa iyong tungkulin. Kung nakikita mo ang totoong sitwasyon sa usaping ito, kung gayon, pagsusumikapan mo ang katotohanan, at magkakaroon ka ng pag-asang magampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kakaunti ang mga oportunidad sa ngayon para gumampan sa isang tungkulin, kaya dapat mong sunggaban ang mga iyon hangga’t kaya mo. Kapag naharap ka sa isang tungkulin, doon mo dapat ibigay ang tunay na pagsisikap; doon mo kailangang ialay ang iyong sarili at igugol ang sarili mo para sa Diyos at kung kailan kailangan mong magbayad ng halaga. Ibigay mo ang lahat-lahat nang walang pagpipigil, huwag magkimkim ng anumang mga pakana, huwag mag-iwan ng anumang puwang, o maghanda ng malulusutan. Kung ikaw ay nag-iiwan ng anumang puwang, nanlalansi, o tuso at nagpapakatamad, tiyak na hindi magiging maganda ang trabaho mo. Ipagpalagay na sabihin mong, “Walang nakakita na nagiging tuso ako at nagpapakatamad. Ang galing!” Anong klaseng pag-iisip ito? Akala mo ba nalinlang mo ang mga tao, at pati na ang Diyos? Ngunit sa totoo lang, alam ba ng Diyos kung ano ang nagawa mo? Alam Niya. Sa katunayan, malalaman ng sinumang nakikipag-ugnayan sa iyo sa ilang panahon ang iyong katiwalian at kapangitan; sadyang maaaring hindi nila iyon sasabihin nang tahasan: Magkakaroon sila ng pagtatasa sa iyo sa kanilang puso. Marami nang taong nabunyag at naitiwalag dahil nakilatis ng karamihan sa mga tao ang diwa ng mga ito, at inilantad nila ang tunay na pagkatao ng mga taong ito at pinaalis ang mga ito sa iglesia. Kaya, hinahangad man nila ang katotohanan o hindi, dapat gampanan nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya; dapat silang magabayan ng kanilang konsensiya at gumawa ng ilang tunay na bagay. Maaaring mayroon kang mga pagkukulang, ngunit kung kaya mong maging epektibo sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi ka ititiwalag. Kung palagi mong iniisip na ayos ka lang, na tiyak na hindi ka matitiwalag, kung hindi ka kailanman nagninilay o nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili, at binabalewala mo pa rin ang iyong mga wastong gampanin at palagi kang pabasta-basta, kapag talagang nawalan na ng pasensya sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos, ilalantad nila ang iyong tunay na pagkatao, at ititiwalag ka. Pagkatapos, magiging huli na ang lahat para sa pagsisisi, dahil nakilatis ka na ng lahat, at nawalan ka na ng lahat ng iyong dangal at integridad. Kung walang nagtitiwala sa iyo, magtitiwala ba sa iyo ang Diyos? Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao: Tiyak na hindi Siya magtitiwala sa gayong tao. Kung makatagpo ka ng isang taong hindi mapagkakatiwalaan, kahit ano pa ang mangyari, huwag ipagkatiwala sa kanya ang anumang gampanin. Kung hindi ka pamilyar sa isang tao, at narinig mo lang ang sabi ng ibang tao na maayos namang ginagawa ng taong ito ang mga bagay, pero sa puso mo ay hindi ka isang daang porsyentong sigurado, ang magagawa mo lang ay bigyan muna siya ng maliit o karaniwang gampanin na pangangasiwaan. Kapag matagumpay siya sa maliliit at karaniwang gampanin, saka mo lang dapat ipagkatiwala sa kanya ang mahahalagang gampanin. Kung pumalpak siya sa karaniwang gampanin, hindi mapagkakatiwalaan ang taong ito. Walang anumang bagay ang maaaring ipagkatiwala sa kanya, anuman ito. Kung may mapansin kang isang taong mabait at responsable, na hindi kailanman pabasta-basta sa kanyang ginagawa, na sineseryoso ang mga gampaning ipinagkatiwala ng iba sa kanya na para bang sarili niyang gampanin ang mga ito, na isinasaalang-alang ka kapag ginagawa niya ang bawat aspekto ng gampanin, iniisip ang mga pangangailangan mo, isinasaalang-alang ang mga bagay-bagay nang lubusan at komprehensibo, at pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay sa tamang paraan, kaya lubos kang nasisiyahan sa kanyang gawain—kung gayon, ang ganitong uri ng tao ang mapagkakatiwalaan. Ang mga mapagkakatiwalaang tao ay ang mga may pagkatao, at ang mga taong may pagkatao ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at dapat na maging napakadali para sa kanila na gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, dahil tinatrato nila ang kanilang tungkulin bilang isang bagay na nakaatang sa kanila at ibinubuhos nila ang kanilang puso sa paggawa nito. Ang mga taong walang konsensiya o katwiran ay tiyak na gagampan nang hindi mahusay sa kanilang tungkulin. Hindi sila kumikilos nang may pananagutan anuman ang tungkuling kanilang ginagampanan. Palagi silang kailangang alalahanin ng iba, pangasiwaan, at palaging kailangang usisain ang kanilang gawain; kung hindi, maaari silang magdulot ng mga problema habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, at makagawa ng masama habang gumagawa ng isang gampanin, na magdudulot ng higit na abala kaysa pakinabang.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin
Upang magampanan ang iyong tungkulin sa isang paraan na pasok sa pamantayan, kailangan mo munang magkaroon ng wastong mentalidad. Kapag nabubunyag ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mo ring ayusin ang sarili mong kalagayan. Kapag nagawa mong tratuhin nang tama ang iyong tungkulin, kapag naiwaksi mo na ang mga limitasyon at impluwensiya ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, kapag lubusan ka nang nakakapagpasakop sa Diyos, kung gayon ay magagampanan mo na nang maayos ang iyong tungkulin. Ang sikreto sa paggawa nito ay ang laging unahin ang iyong tungkulin at responsabilidad. Sa proseso ng paggampan ng iyong tungkulin, dapat palagi mong suriin ang iyong sarili: “Mayroon ba akong pabasta-bastang ugali sa paggampan ng tungkulin ko? Anong mga bagay ang gumugulo sa akin at nagiging dahilan para pabasta-basta kong gampanan ang aking tungkulin? Ginagampanan ko ba ang tungkulin ko nang may buong puso at lakas? Magtitiwala ba sa akin ang Diyos kung kikilos ako nang ganito? Mayroon ba akong pusong nagpapasakop sa Diyos? Ang paggawa ba ng tungkulin ko sa ganitong paraan ay naaayon sa mga prinsipyo? Makakamit ba nito ang pinakamagagandang resulta?” Dapat madalas mong pagnilayan ang mga katanungang ito. Kapag nakatuklas ka ng mga problema, dapat aktibo mong hanapin ang katotohanan, at hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos para malutas ang mga ito. Sa gayon, magagawa mo nang maayos ang tungkulin mo, at mapapayapa at magagalak ang puso mo. Kung madalas lumilitaw ang mga problema habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, nasaan ang ugat ng isyung ito? Isa itong problema sa iyong puso; isa itong usapin ng pagkakaroon ng mga tiwaling disposisyon. Kapag nabubunyag ang tiwaling disposisyon ng isang tao, magkakaroon siya ng mga problema sa kanyang puso at hindi magiging normal ang kanyang kalagayan, na direktang makakaapekto sa kung paano niya ginagampanan ang kanyang tungkulin. Ang mga problemang nakakaapekto sa tungkulin ng isang tao ay malalaki at mabibigat na problema; kayang direktang maapektuhan ng mga ito ang kanyang ugnayan sa Diyos. Halimbawa, ang ilang tao ay nagkakaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos kapag sumasapit ang mga sakuna sa kanilang mga pamilya. Ang ilang tao ay nagiging negatibo kapag nagpapasan sila ng kaunting paghihirap sa kanilang tungkulin at walang nakakakita rito o pumupuri sa kanila para dito. Ang ilang tao ay hindi gumagampan nang maayos sa kanilang tungkulin, palaging pabasta-basta, at nagrereklamo sila laban sa Diyos kapag pinupungusan sila. Ang ilang tao ay hindi handang gawin ang kanilang tungkulin dahil palagi silang nag-iisip ng daan palabas. Direktang nakakaapekto ang lahat ng problemang ito sa isang normal na ugnayan sa Diyos. Ang lahat ng ito ay mga problema ng mga tiwaling disposisyon. Lahat ito ay nagmumula sa katunayang hindi kilala ng mga tao ang Diyos o ang Kanyang gawain, at na palagi silang nagpapakana at nagsasaalang-alang ng sarili nilang katayuan at reputasyon, ng kanilang kinabukasan at tadhana, at ng kanilang mga makalamang interes, na pumipigil sa kanila na maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, na humahantong sa lahat ng uri ng negatibong emosyon. Ganito talaga ang mga tao na hindi naghahangad ng katotohanan. Kapag nahaharap sa medyo mahihirap na sitwasyon, nagiging negatibo at mahina sila; kapag nakakaranas sila ng mga bagay na hindi umaayon sa gusto nila, ibinubulalas nila ang kanilang pagkadismaya sa kanilang tungkulin. Kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin, palagi silang nagiging negatibo, nagpapakatamad, at kumikilos nang pabasta-basta; patuloy silang naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, at gusto pa nga nilang isuko ang kanilang gawain bilang pagkakanulo sa Diyos. Ang lahat ng ito ay ang iba’t ibang kahihinatnan na nangyayari kapag nalilimitahan ang isang tao ng kanyang mga tiwaling disposisyon. Ang isang taong nagmamahal sa katotohanan ay nagagawang isantabi ang kanyang sariling buhay, kinabukasan, at tadhana, at nais lamang niyang hangarin at kamtin ang katotohanan. Iniisip niya na wala nang sapat na oras, natatakot siya na mabibigo siyang magampanan nang maayos ang kanyang tungkulin at hindi siya magagawang perpekto, kaya nagagawa niyang talikuran ang lahat ng bagay at gugulin ang kanyang sarili para sa Diyos. Ang kanyang mentalidad ay ang tumuon lang sa Diyos at magpasakop sa Diyos. Walang paghihirap na makakapigil sa kanya, at kung nakakaramdam siya ng pagkanegatibo o panghihina, awtomatiko niya itong nilulutas sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang sipi mula sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong hindi naghahangad ng katotohanan ay napakaproblematiko; paano man ibahagi ang katotohanan, hindi nito ganap na malulutas ang kanilang mga problema. Kahit na saglit silang matauhan at magawa nilang tanggapin ang katotohanan, kalaunan ay babalik pa rin sila sa dati, kaya napakahirap pangasiwaan ang ganitong uri ng tao. Hindi sa hindi nila nauunawaan ang kahit katiting na katotohanan; ito ay dahil hindi nila pinahahalagahan o tinatanggap ang katotohanan sa kanilang puso. Bilang resulta, hindi nila kailanman maisantabi ang sarili nilang kalooban, o mabitawan ang kanilang mga personal na interes, ang kanilang kinabukasan at kapalaran, at ang kanilang kalalabasan at hantungan. Ang kanilang puso ay palaging nagugulo at nalilimitahan ng mga bagay na ito, kaya hindi nila magawang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Kung nagagawang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, sa sandaling maunawaan niya ito, ang lahat ng bagay na nabibilang sa mga tiwaling disposisyon ay awtomatikong maglalaho, at magkakaroon siya ng buhay pagpasok at tayog; hindi na siya magiging isang mangmang na bata. Kapag may tayog ang isang tao, mas lalo niyang matatalos ang mga bagay-bagay, mas lalo niyang makikilatis ang lahat ng uri ng tao, at hindi siya malilimitahan ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay. Hindi siya maiimpluwensiyahan ng anumang sasabihin o gagawin ng sinuman. Hindi siya sasailalim sa panghihimasok mula sa masasamang puwersa ni Satanas, o maililigaw o magugulo ng mga huwad na lider at mga anticristo. Kung mangyayari ito, hindi ba’t unti-unting lalago ang tayog ng isang tao? Kapag mas nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, mas pagninilayan at makikilala niya ang kanyang sarili, mas matutuklasan niya ang pinsalang idinudulot ng kanyang mga tiwaling disposisyon, mas makakahanap siya ng landas ng pagsasagawa sa katotohanan, at mas magiging mabilis ang kanyang pagpasok sa katotohanang realidad; kasabay nito, magagawa rin niyang gampanan ang kanyang tungkulin sa isang paraan na pasok sa pamantayan. Kapag mayroon kang buhay pagpasok at unti-unting lumalago ang buhay mo, panormal nang panormal ang magiging kalagayan mo. Hindi ka na mamomroblema sa mga tao, pangyayari, at bagay na minsang nakagulo o nakapaglimita sa iyo. Hindi ka na mahihirapan sa paggampan ng iyong tungkulin, at panormal nang panormal ang magiging ugnayan mo sa Diyos. Kapag marunong kang umasa sa Diyos, kapag alam mo kung paano hanapin ang mga layunin ng Diyos, kapag alam mo kung saan ka lulugar, kapag alam mo kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin, at kung sa aling mga bagay mo kinakailangan o hindi umako ng responsabilidad, hindi ba’t panormal nang panormal ang magiging kalagayan mo? Hindi ka papagurin ng pamumuhay nang ganito, hindi ba? Hindi ka lamang hindi mapapagod, kundi makakaramdam ka rin ng lubos na ginhawa at kaligayahan. Hindi ba’t liliwanag ang puso mo bilang resulta nito? Magiging normal ang mentalidad mo, lalaya ang espiritu mo, mas madalang kang magbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at mas magpapasakop ka sa Diyos. Sa ganitong paraan, magagawa mong palaging mamuhay sa presensya ng Diyos, at maisasabuhay mo ang normal na pagkatao. Kapag nakita ng mga tao ang iyong asal, mararamdaman nilang nagkaroon ng malaking pagbabago sa iyo. Magiging handa silang makipagbahaginan sa iyo, makakaramdam ng kapayapaan at kagalakan sa kanilang puso kapag nakikinig sa iyong pagbabahagi, at makikinabang din mula rito. Habang lumalago ang iyong tayog, ang iyong pananalita at mga kilos ay magiging mas maingat at may prinsipyo. Kapag nakita mo na ang isang tao ay negatibo at mahina, magagawa mong bigyan siya ng tunay na tulong. Hindi mo lamang magagawang lutasin ang mga problema ng mga tao, kundi maiiwasan mo rin ang paglimita o pangangaral sa kanila, at sa halip ay gagamitin mo ang sarili mong mga praktikal na karanasan para tulungan ang iba, nagbibigay sa kanila ng kaunting pakinabang. Sa ganitong paraan, hindi ka lang gugugol ng lakas sa sambahayan ng Diyos, magiging kapaki-pakinabang ka ring tao, magagawa mong magdala ng pasanin, at makagagawa ka ng mas makabuluhang mga bagay sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ito ang uri ng tao na gusto ng Diyos? Kung isa kang taong gusto ng Diyos, hindi ba’t magugustuhan ka rin ng lahat? (Magugustuhan ka nila.) Bakit nasisiyahan ang Diyos sa ganitong tao? Dahil nakagagawa siya ng mga totoong bagay sa harapan ng Diyos, hindi siya gumagamit ng mga hungkag at mabulaklak na salita, at nagagawa niya ang mga totoong bagay. Nagagawa niyang tumulong at mamuno sa iba sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa kanyang tunay na mga karanasan; nagagawa niyang tulungan ang iba na malutas ang anumang problema, at kapag may mga suliranin sa gawain ng iglesia, nagagawa niyang pangunahan ang daan pasulong, nang aktibong nilulutas ang mga problema. Ito ang ibig sabihin ng debotong paggampan sa kanyang tungkulin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin
Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan, huwag mong isaalang-alang ang mga personal mong interes. Kailangan mong isaalang-alang higit sa lahat ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat kang maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at higit sa lahat magnilay-nilay kung mayroon ba o walang mga halo sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging deboto, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Ang tanging eksepsiyon ay kung mahina ang iyong kakayahan, o mababaw ang iyong karanasan, o hindi ka sapat na bihasa sa iyong propesyonal na gawain, at humahantong ito sa paglitaw ng ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at pinipigilan na makamit ang magagandang resulta, ngunit ginagawa mo na ang lahat ng iyong makakaya. Hindi ka kumikilos para bigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling pagnanais o kagustuhan. Sa halip, sa bawat aspekto ay nagbibigay ka ng pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka nagkakamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin, naitama na ang puso mo; kung, dagdag pa rito, nagagawa mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, magiging pasok ka sa pamantayan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at, kasabay nito, papasok ka sa katotohanang realidad. Kung gayon, ikaw ay magkakaroon ng patotoo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon
Sa pasimula, isinasagawa ng mga tao ang katotohanan nang may kaunting pag-aatubili. Gawing halimbawa ang debotong paggampan sa mga tungkulin: May kaunti kang pagpapasakop sa paggampan sa iyong mga tungkulin, kaunting kaalaman sa ibig sabihin ng pagiging deboto sa Diyos, at mayroon kang kaunting pagkaunawa sa katotohanan, subalit kailan mo magagawang maging ganap na deboto at magagampanan ang iyong mga tungkulin sa salita at gawa? Mangangailangan ito ng proseso. Sa prosesong ito, maaaring dumanas ka ng maraming hirap. Maaaring pungusan ka ng ilang tao, at maaaring punahin ka ng iba. Matutuon ang lahat ng mata sa iyo, sisiyasatin ka ng mga ito, at doon mo lamang masisimulang matanto na ikaw ay nasa mali at na ikaw ang may kasalanan, na hindi katanggap-tanggap ang kakulangan ng debosyon sa paggampan sa iyong tungkulin, at hindi ka dapat maging pabasta-basta. Bibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu mula sa loob, at sasawayin ka kapag ikaw ay nagkamali. Sa prosesong ito, mauunawaan mo ang ilang mga bagay tungkol sa iyong sarili, at malalaman mo na masyado kang maraming karumihan, nagkikimkim ka ng napakaraming personal na motibo, at may napakaraming labis-labis na pagnanais habang ginagampanan ang iyong mga tungkulin. Sa sandaling naunawaan mo na ang diwa ng mga bagay na ito, kung magagawa mong lumapit sa Diyos sa panalangin at magkaroon ng tunay na pagsisisi, malilinis ka mula sa mga tiwaling bagay na iyon. Kung, sa ganitong paraan, madalas mong hinahanap ang katotohanan upang malutas ang iyong mga totoong problema, unti-unting tatapak ka sa tamang landas ng pananalig; magsisimula kang magkaroon ng mga tunay na karanasan sa buhay, at magsisimulang unti-unting malinis ang iyong mga tiwaling disposisyon. Kapag mas nalilinis ang iyong mga tiwaling disposisyon, mas magbabago ang iyong buhay disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon
Kung gusto mong maging pasok sa pamantayan ang paggampan mo sa iyong mga tungkulin, dapat maisakatuparan mo muna ang pakikipagtulungan nang may pagkakasundo habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin. Sa kasalukuyan ay may ilang tao nang sinusubukang magsagawa ng pakikipagtulungan nang may pagkakasundo. Pagkatapos maunawaan ang katotohanan, kahit na hindi nila nagagawang ganap na magsagawa ayon sa katotohanan, at kahit na may mga kabiguan, kahinaan, at mga paglihis sa kanilang landas, nagsisikap pa rin sila tungo sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, may pag-asa silang maisasakatuparan ang pakikipagtulungan nang may pagkakasundo. Halimbawa, minsan maaaring iniisip mong tama ang iyong ginagawa, subalit may kakayahan kang hindi maging mapagmagaling. Maaari kang makipagtalakayan sa iba at makipagbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo nang magkakasama hanggang maging malinaw, maliwanag, at nauunawaan ang mga ito, para ang lahat ay nagkakasundo at iniisip na ang napiling pagkilos ay magkakamit ng pinakamahusay na resulta, na hindi ito tataliwas sa mga prinsipyo, na isinasaalang-alang nito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at na pangangalagaan nito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa pinakamataas na antas na posible. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Bagama’t ang huling resulta ay hindi palaging tulad ng iyong ninais, ang landas, direksiyon, at layunin ng iyong pagsasagawa ay tama. Kaya paano ito nakikita ng Diyos? Paano tinutukoy ng Diyos ang bagay na ito? Sasabihin ng Diyos na ang paggampan mo sa iyong tungkulin ay pasok sa pamantayan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?
Ano ang dapat gawin ng isang tao para magampanan nang maayos ang kanyang tungkulin? Kailangan niyang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay sa paggampan ng kanyang tungkulin, at gampanan ito nang buong puso at buong lakas—iyon lang ang katanggap-tanggap. Ang paggamit ng buong puso at lakas ay nangangahulugan ng paglalagay ng buong puso ng isang tao sa kanyang tungkulin at hindi hinahayaang sakupin ito ng ibang mga bagay, paglalagay ng lahat ng pagsisikap ng isang tao sa kanyang tungkulin, at paggamit sa kanyang kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan, at mga bagay na nauunawaan niya. Kung mayroon kang abilidad na umunawa at abilidad na umarok, kapag mayroon kang magandang ideya, dapat kang makipag-usap sa iba tungkol dito, makinig sa opinyon ng lahat, matuto mula sa mga kalakasan ng bawat isa para mapunan ang sariling mga kahinaan, at makipagtulungan nang may pagkakasundo. Sa ganitong paraan, magbubunga ang paggampan mo sa tungkulin, at gagampanan mo ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan. Kung palagi mong gustong akuin ang lahat, gumawa ng mga dakilang bagay nang mag-isa, at magpakitang-gilas para hangaan ka ng iba, at tinatanggihan at sinusupil mo ang mga taong may mga kalakasan, hindi sila binibigyan ng anumang pagkakataon na gamitin ang mga ito, ginagampanan mo ba ang iyong tungkulin? Ito ay pagiging isang autokrata; ito ay pagpapakitang-gilas. Satanikong pag-uugali ito, hindi paggampan sa tungkulin. Anuman ang mga kalakasan, kaloob, o mga espesyal na talento ng isang tao, hindi niya kayang pasanin ang buong aytem ng gawain nang siya lang; dapat siyang matutong makipagtulungan nang magkakasundo kung nais niyang magawa nang mabuti ang gawain ng iglesia. Iyon ang dahilan kung bakit ang pakikipagtulungan nang may pagkakasundo ay isang prinsipyo ng pagsasagawa sa paggampan ng tungkulin ng isang tao. Basta’t ibinibigay mo rito ang iyong buong puso, ang iyong buong pagsusumikap, at ang iyong debosyon, at inaalay ang lahat ng kaya mong gawin, ginagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mayroon kang saloobin o ideya, sabihin mo ito sa iba; huwag mo itong sarilinin o itago. Kung mayroon kang mga mungkahi, ibigay mo ang mga ito; kung kaninong ideya ang umaayon sa katotohanan ay dapat tanggapin at sundin. Gawin mo ito, at makakamit mo ang magkakasundong pakikipagtulungan. Ito ang ibig sabihin ng paggampan sa tungkulin ng isang tao nang may debosyon. Sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi hinihingi sa iyo na akuin ang lahat nang mag-isa, ni hindi hinihingi sa iyo na magpakamatay sa katatrabaho, o maging “ang tanging bulaklak na namumukadkad” o iba sa karaniwan; bagkus, hinihingi sa iyong matutuhan kung paano makipagtulungan nang kasundo ang iba, at gawin ang lahat ng makakaya mo, tuparin ang mga responsabilidad mo, ibigay mo rito ang lahat ng iyong pagsisikap. Iyon ang ibig sabihin ng paggampan sa iyong tungkulin. Ang paggampan sa iyong tungkulin ay paggamit sa bahagi ng lakas at liwanag na taglay mo at pagkamit ng mga resulta. Sapat na iyon. Huwag mong palaging subukang magpasikat, palaging magsabi ng matatayog na bagay, at gumawa ng mga bagay-bagay nang mag-isa. Dapat mong matutuhan kung paano makipagtulungan sa iba, at dapat mas bigyang-pansin mo ang pakikinig sa mga mungkahi ng iba at pagtuklas sa kanilang mga kalakasan. Sa ganitong paraan, magiging madali ang pakikipagtulungan nang magkakasundo. Kung palagi mong sinusubukan na magpasikat at ikaw ang masunod, hindi ka nakikipagtulungan nang magkakasundo. Ano ang ginagawa mo? Nagdudulot ka ng kaguluhan at nananabotahe sa iba. Ang pagdudulot ng kaguluhan at pananabotahe sa iba ay paggampan sa papel ni Satanas; hindi iyon paggampan sa tungkulin. Kung palagi kang gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kaguluhan at nananabotahe sa iba, gaano man katinding pagsisikap ang gugulin mo o ang pagmamalasakit mo, hindi iyon tatandaan ng Diyos. Maaaring hindi ka gaanong malakas, pero kung may kakayahan kang makipagtulungan sa iba, at nagagawa mong tumanggap ng angkop na mga mungkahi, at kung tama ang iyong mga motibasyon, at napoprotektahan mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, isa kang tamang tao. Kung minsan, sa iisang pangungusap, nalulutas mo ang isang problema at nakikinabang ang lahat; kung minsan, matapos mong magbahagi tungkol sa iisang pahayag ng katotohanan, lahat ay nagkakaroon ng isang landas pasulong, at nagagawang makipagtulungan nang may pagkakasundo, at nagagawang magsikap ng lahat nang sama-sama, nagkakaisa sa puso, at magkakapareho ng mga pananaw at opinyon, kaya partikular na epektibo ang gawain. Kahit marahil ay walang makaalala na ikaw ang gumanap sa papel na ito, at hindi mo marahil maramdaman na gumawa ka ng malaking pagsisikap, sa mga mata ng Diyos, ikaw ay magiging isang taong nagsasagawa ng katotohanan, isang taong kumikilos ayon sa mga prinsipyo. Tatandaan ng Diyos ang iyong ginawa. Tinatawag itong paggampan sa iyong tungkulin nang may debosyon. Anuman ang mga paghihirap na mayroon ka sa paggampan sa iyong tungkulin, ang totoo, lahat ng ito ay madaling malutas. Basta’t ikaw ay isang taong matapat na may pusong nakasandig sa Diyos, at kaya mong hanapin ang katotohanan, walang problema na hindi kayang lutasin. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat kang matutong sumunod. Kung may sinumang nakauunawa sa katotohanan o nagsasalita nang umaayon sa katotohanan, dapat mong tanggapin ito at sundin. Sa anumang paraan ay hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na nakagugulo o nakakapagsabotahe, at hindi ka dapat kumilos nang arbitraryo at magdesisyon nang ikaw lang. Sa ganitong paraan, wala kang magagawang masama. Dapat mong tandaan: Ang paggampan sa iyong tungkulin ay hindi pagsasagawa ng sarili mong operasyon o sarili mong proyekto. Hindi mo ito personal na gawain, gawain ito ng iglesia, at nag-aambag ka lamang ng mga kalakasang taglay mo. Ang ginagawa mo sa gawain ng pamamahala ng Diyos ay maliit na bahagi lamang ng pakikipagtulungan ng tao. Maliit na papel lamang ang ginagampanan mo sa isang sulok. Iyan ang responsabilidad na pinapasan mo. Dapat ay taglay mo ang katwirang ito. Kaya nga, ilang tao man ang sama-samang gumagampan ng kanilang tungkulin, o anumang paghihirap ang kinakaharap nila, ang unang dapat gawin ng lahat ay manalangin sa Diyos at sama-samang magbahaginan, hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay tukuyin kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng isang daan pasulong.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na May Pagkakasundo
Sa sambahayan ng Diyos, kahit ano pa ang ginagawa mo, hindi mo inaasikaso ang sarili mong gawain; ito ay ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ito ay ang gawain ng Diyos. Dapat palagi mong ilagay sa isipan ang kaalaman at kamalayang ito at sabihin, “Hindi ko ito sariling usapin; ginagampanan ko ang tungkulin ko at tinutupad ang responsabilidad ko. Ginagawa ko ang gawain ng iglesia. Ito ay isang atas na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos at ginagawa ko ito para sa Kanya. Tungkulin ko ito, hindi ko ito pribadong usapin.” Ito ang unang bagay na dapat mong maunawaan. Kung itinuturing mo ang isang tungkulin bilang sariling pribadong usapin, at hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag kumikilos ka, ginagawa ang mga bagay alinsunod sa sarili mong mga motibo, pananaw, at pakay, malamang na makagagawa ka ng mga pagkakamali. Kaya paano ka dapat kumilos kung napakalinaw mong pinag-iiba ang tungkulin mo at ang mga sariling pribadong usapin mo, at alam mo na ito ay isang tungkulin? (Hanapin mo ang hinihingi ng Diyos, at hanapin ang mga prinsipyo.) Tama iyan. Kapag may nangyari sa iyo at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at mayroon kang kaunting ideya ngunit hindi pa rin malinaw ang mga bagay-bagay sa iyo, dapat kang maghanap ng mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan upang makipagbahaginan sa kanila; ito ang paghahanap sa katotohanan, at bago ang lahat, ito ang saloobin na dapat mong taglayin sa tungkulin mo. Hindi mo dapat pagpasyahan ang mga bagay-bagay batay sa kung ano ang sa palagay mo ay angkop, at pagkatapos ay gagawa ka na ng paghatol at sasabihin mong nalutas na ang usapin—madali itong hahantong sa mga problema. Ang tungkulin ay hindi mo sariling usapin; malaki man o maliit, ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos ay hindi personal na usapin ninuman. Hangga’t may kinalaman ito sa tungkulin, hindi mo ito personal na usapin—may kinalaman ito sa katotohanan, at may kinalaman ito sa prinsipyo. Kaya ano ang unang bagay na dapat ninyong gawin? Dapat ninyong hanapin ang katotohanan, at hanapin ang mga prinsipyo. At kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, dapat muna ninyong hanapin ang mga prinsipyo; kung nauunawaan na ninyo ang katotohanan, magiging madali nang tukuyin ang mga prinsipyo. Ano ang dapat mong gawin kung hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo? May isang paraan: Puwede kang makipagbahaginan sa mga nakakaunawa ng katotohanan. Huwag mong palaging ipagpalagay na nauunawaan mo ang lahat at palagi kang tama; madali itong hahantong sa mga pagkakamali. Anong uri ito ng disposisyon kapag gusto mong palaging nasa iyo ang huling salita? Ito ay pagmamataas at pagmamagaling, pagkilos ito nang arbitraryo at nagsasarili. Iniisip ng ilang tao, “Nakapag-kolehiyo ako, mas may kalinangan ako kaysa sa inyo, mayroon akong abilidad na makaarok, lahat kayo ay may mababang tayog at hindi nakakaunawa sa katotohanan, kaya dapat ninyo akong pakinggan sa lahat ng usapin. Ako lang mag-isa ang puwedeng gumawa ng mga desisyon!” Ano ang masasabi mo sa pananaw na ito? Kung may ganitong uri ka ng pananaw, magkakaproblema ka; hindi mo kailanman magagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin. Paano mo magagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin kung gusto mong palaging nasa iyo ang huling salita, nang walang pakikipagtulungan nang may pagkakasundo? Ang paggampan sa iyong mga tungkulin sa ganitong paraan ay hinding-hindi magiging pasok sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Palagi mong gustong limitahan ang iba at pilitin silang makinig sa iyo; hindi mo tinatanggap ang anumang sinasabi ng iba. Ito ay pagiging matigas ang ulo, ito rin ay pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba. Sa ganitong paraan, hindi ka lang mabibigong gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin, mahahadlangan mo pa ang iba sa paggampan nang maayos ng kanilang mga tungkulin. Ito ang kahihinatnan ng isang mapagmataas na disposisyon. Bakit hinihingi ng Diyos na makipagtulungan nang may pagkakasundo ang mga tao sa isa’t isa? Sa isang banda, kapaki-pakinabang ito sa pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, na nagpapahintulot sa kanilang makilala ang kanilang sarili at iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon—makakatulong ito sa kanilang buhay pagpasok. Sa isa pang banda, ang pakikipagtulungan nang may pagkakasundo ay kapaki-pakinabang din para sa gawain ng iglesia. Dahil ang lahat ay walang pagkaunawa sa katotohanan at may mga tiwaling disposisyon, kung walang pakikipagtulungan nang may pagkakasundo, hindi nila makakayang gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na makakaapekto sa gawain ng iglesia. Malubha ang kahihinatnan nito. Sa kabuuan, para magampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan, dapat matutunan ng isang taong makipagtulungan nang may pagkakasundo at, kapag nahaharap sa mga sitwasyon, makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para mahanap ang mga solusyon. Mahalaga ito—makakatulong ito hindi lang sa gawain ng iglesia kundi maging sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. … Upang magampanan mo ang iyong tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan, hindi mahalaga kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos, kung gaano karaming tungkulin na ang nagampanan mo, o kung gaano man karaming ambag na ang naibigay mo sa sambahayan ng Diyos, lalo nang hindi mahalaga kung gaano na ang karanasan mo sa iyong tungkulin. Ang landas na tinatahak ng isang tao ang pangunahing bagay na tinitingnan ng Diyos. Sa madaling salita, tinitingnan Niya ang saloobin ng isang tao tungo sa katotohanan at ang mga prinsipyo, direksiyon, pinagmulan, at motibasyon ng mga kilos ng isang tao. Nakatuon sa mga bagay na ito ang Diyos; ang mga ito ang nagpapasya sa landas na iyong tinatahak. Kung, sa proseso ng paggampan ng iyong tungkulin, hindi man lang makikita sa iyo ang mga positibong bagay na ito, at ang mga prinsipyo, landas, at batayan ng iyong pagkilos ay ang mga sarili mong kaisipan, intensiyon, at pakana; ang pinagsimulan mo ay ang pagprotekta sa sarili mong mga interes at pride at katayuan, ang paraan mo ng paggawa sa mga bagay ay ang sumunod pa rin sa sarili mong kalooban at kumilos nang arbitraryo at nagsasarili, at ang magsabi ng huling salita, hindi kailanman nakikipagtalakayan sa mga bagay-bagay kasama ng iba o nakikipagtulungan nang nagkakasundo, at hindi kailanman nakikinig sa payo kapag nagkakamali ka, lalo nang hindi naghahanap ng katotohanan, kung gayon ay ano ang magiging pananaw sa iyo ng Diyos? Kung ganito mo ginagawa ang tungkulin mo, ang paggampan mo ay napakalayo pa mula sa pagiging pasok sa pamantayan, at hindi ka pa nakatapak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, dahil, habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo at palagi kang kumikilos kung paano mo gusto, ginagawa ang anumang nais mo. Ito ang dahilan kung bakit hindi pasok sa pamantayan ang paggampan ng karamihan ng tao sa kanilang tungkulin. Kaya, paano dapat resolbahin ang problemang ito? Masasabi ba ninyo na mahirap makamit ang paggampan ng tungkulin nang pasok sa pamantayan? Sa totoo lang, hindi; hangga’t nagtataglay ang mga tao ng kaunting katwiran, kayang tumindig nang may pagpapakumbaba, at magkaroon ng angkop na posisyon, kung magkagayon ay hindi ito mahirap. Gaano ka man kaedukado, anumang mga gantimpala ang natamo mo, o anuman ang nakamtan mo, at gaano man kataas ang iyong posisyon at ranggo, dapat mong talikdan ang lahat ng bagay na ito, dapat kang magpakumbaba—lahat ng ito ay walang halaga. Sa sambahayan ng Diyos, gaano man kalaki ang mga karangalang ito, hindi maaaring maging mas mataas ang mga ito kaysa sa katotohanan, sapagkat ang mga paimbabaw na bagay na ito ay hindi ang katotohanan, at hindi makakapalit sa lugar nito. Dapat maging malinaw sa iyo ang isyung ito. Kung sinasabi mong, “Mayroon akong kaloob, matalas ang aking isip, mabilis ang reaksiyon ko, mabilis akong matuto, at napakagaling ng memorya ko, kaya kalipikado akong gumawa ng huling desisyon,” kung palagi mong gagamiting kapital ang mga bagay na ito, at ituturing na mahalaga ang mga ito, at positibo, problematiko ito. Kung okupado ng mga bagay na ito ang puso mo, kung nag-ugat na ang mga ito sa puso mo, mahihirapan kang tanggapin ang katotohanan—at nakakatakot isipin ang mga kahihinatnan niyan. Sa gayon, dapat mo munang bitiwan at tanggihan ang mga bagay na iyon na minamahal mo, na tila maganda, na mahalaga sa iyo. Ang mga bagay na iyon ay hindi ang katotohanan; bagkus, maaaring makahadlang ang mga ito sa pagpasok mo sa katotohanan. Ang pinakamahalaga ngayon ay na kailangan mong hanapin ang katotohanan sa paggampan sa iyong tungkulin, at magsagawa ayon sa katotohanan, upang ang paggampan mo ng iyong tungkulin ay pasok sa pamantayan, sapagkat ang paggampan ng tungkulin mo sa paraang pasok sa pamantayan ay ang unang hakbang lamang patungo sa landas ng buhay pagpasok. Ano ang ibig sabihin dito ng “unang hakbang”? Ito ang panimulang punto. Sa lahat ng bagay, mayroong panimulang punto, isang bagay na pinakapangunahin, pinakapundamental, at ang pagiging pasok sa pamantayan sa paggampan ng tungkulin mo ay isang paraan para makamit ang buhay pagpasok. Kung ang paggampan mo ng tungkulin ay tila angkop lang sa kung paano ito ginagawa, pero hindi ito naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi mo ginagampanan ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Kung gayon, paano mo ito dapat pagsikapan? Dapat kang magsumikap at maghanap ng mga katotohanang prinsipyo; ang pagtataglay ng mga katotohanang prinsipyo ang napakahalaga. Kung binago mo lang ang pag-uugali at temperamento mo para maging mas mabuti, pero hindi mo taglay ang mga katotohanang realidad, wala itong silbi. Maaaring mayroon kang kaunting kaloob o espesyalidad. Isa iyong mabuting bagay—pero magagamit lang ito sa tamang lugar kung gagamitin mo ito sa paggampan ng tungkulin mo. Ang maayos na paggampan ng iyong tungkulin ay hindi nangangailangan ng pagpapabuti ng iyong pagkatao o personalidad, ni nangangailangan na isantabi mo ang iyong kaloob o espesyalidad. Hindi iyan ang kailangan. Ang mahalaga ay maunawaan mo ang katotohanan at matuto kang magpasakop sa Diyos. Hindi maiiwasan na magbubunyag ka ng mga tiwaling disposisyon habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang dapat mong gawin sa gayong mga pagkakataon? Kailangan mong hanapin ang katotohanan para malutas ang problema at makakilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gawin mo ito, at hindi magiging problema para sa iyo ang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Anuman ang uri ng kaloob o espesyalidad na mayroon ka, o anumang propesyonal na kaalaman ang taglay mo, ang paggamit sa mga bagay na ito sa paggampan ng tungkulin mo ang pinakaangkop—ito ang tanging paraan para magampanan nang maayos ang tungkulin mo. Ang isang aspekto ay ang pag-asa sa konsensiya at katwiran para gampanan ang tungkulin mo, at ang isa pa ay dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang tiwali mong disposisyon. Sa pamamagitan ng paggampan ng tungkulin mo sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng buhay pagpasok, at magagawa mong gampanan ang tungkulin mo sa paraang pasok sa pamantayan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?
Sa proseso ng paggampan mo ng iyong mga tungkulin, sa positibong banda, kung kaya mong tratuhin ang iyong mga tungkulin nang tama, hindi kailanman tinatalikuran ang mga ito anumang pangyayari ang iyong hinaharap, at kahit pa ang iba ay tumigil sa pananampalataya at sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, patuloy mong pinaninindigan ang sa iyo at hindi kailanman tinatalikuran ang mga ito mula simula hanggang sa huli, nananatiling matatag at may debosyon sa iyong mga tungkulin hanggang sa huli, kung gayon ay ikaw ay nagiging ganap na deboto sa paggampan ng iyong mga tungkulin. Kung kaya mong abutin ang sukatang ito, sa esensya ay nagampanan mo na ang iyong mga tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan; ito ay sa positibong banda. Gayumpaman, bago maabot ang sukatang ito, sa negatibong banda, dapat ay magawa ng isang taong labanan ang iba’t ibang tukso. Anong uri ito ng problema kapag hindi kaya ng isang taong labanan ang mga tukso sa proseso ng paggampan ng kanyang tungkulin, kaya tinatalikuran niya ang kanyang tungkulin at tumatakas, ipinagkakanulo ang kanyang tungkulin? Katumbas iyon ng pagkakanulo sa Diyos. Ang pagkakanulo sa atas ng Diyos ay pagkakanulo sa Diyos. Maliligtas pa rin ba ang isang taong nagkakanulo sa Diyos? Wala na siyang anumang pag-asa, at ang mga tungkuling dati niyang ginampanan ay pawang pagtatrabaho lamang, na nauwi sa wala dahil sa kanyang pagkakanulo. Kaya, mahalagang mahigpit na panghawakan ang tungkulin ng isang tao; sa paggawa nito, may pag-asa. Sa pamamagitan ng pagtupad nang maayos ng isang tao sa kanyang tungkulin nang may debosyon, puwede siyang maligtas at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano para sa lahat ang pinakamahirap na bahagi ng mahigpit na paghawak sa kanilang tungkulin? Ito ay kung kaya nilang maging matatag kapag nahaharap sa mga tukso. Ano-ano ang kabilang sa mga tuksong ito? Salapi, katayuan, mga matalik na relasyon, mga damdamin. Ano pa? Ang ilang tungkulin ay nangangailangan ng pagsuong sa mga panganib, maging mga panganib sa buhay ng isang tao, at ang paggampan sa gayong mga tungkulin ay maaaring magresulta sa pagka-aresto at pagkakakulong o maging pag-uusig hanggang sa kamatayan—sa ilalim ng ganoong mga sitwasyon, kaya mo pa rin bang gampanan ang iyong tungkulin? Kaya mo bang magpursigi? Ang kadaliang mapagtagumpayan ang mga tuksong ito ay nakabatay sa kung naghahangad ang isang tao ng katotohanan. Batay ito sa kakayahan ng isang tao na unti-unting kilatisin at kilalanin ang mga tuksong kinakaharap niya habang hinahangad ang katotohanan, makilala ang diwa ng mga tukso at ang mga pakana ni Satanas sa likod ng mga ito. Hinihingi din nitong kilalanin ang sariling mga tiwaling disposisyon, sariling kalikasang diwa, at sariling mga kahinaan ng isang tao. Dapat ay madalas ding hingin ng tao sa Diyos na protektahan siya para mapaglabanan niya ang mga tuksong ito. Kung kaya ng isang tao na paglabanan ang mga ito, at mahigpit na panghawakan ang kanyang tungkulin nang walang pagkakanulo o pagtakas sa anumang pangyayari, ang posibilidad na maligtas ay umaabot sa 50 porsyento. Madali bang makamit ang 50 porsyento na ito? Ang bawat hakbang ay isang hamon, na puno ng panganib; hindi ito madaling makamit! Iniisip ng ilang tao na aabutin ng habambuhay ang pagbabasa sa lahat ng salita ng Diyos, kaya pakiramdam nila ay napakahirap ng paghahangad ng katotohanan, at na mahirap ang pananampalataya sa Diyos. Anong uri sila ng mga tao? Sila ay mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan—mga hindi mananampalataya lang ang may gayong mga kaisipan. Para lang mabuhay, kayang pigain ng mga tao ang utak nila, magtiis ng anumang paghihirap, at kumapit pa rin nang mahigpit sa buhay sa mga sakuna, hindi sumusuko hanggang sa huling hininga nila—kung hahangarin nila ang katotohanan nang may ganitong sigasig, tiyak na makakamit nila ang katotohanan at ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan at ayaw nilang magsikap para dito, wala silang silbi! Ang paghahangad at pagkamit ng katotohanan ay hindi mga bagay na makakamit sa pamamagitan lang ng pagsisikap ng tao; kinakailangan dito ang pagsisikap ng tao na sinamahan ng gawain ng Banal na Espiritu. Nangangailangan ito ng paghahanda ng Diyos ng iba’t ibang kapaligiran upang subukin at pinuhin ang mga tao, at ng Banal na Espiritu na kumikilos para bigyang-liwanag, tanglawan, at gabayan sila. Ang paghihirap na dinaranas ng isang tao para makamit ang katotohanan ay ganap na makatwiran. Katulad ito ng mga umaakyat ng bundok na isinusugal ang kanilang buhay para maabot ang tuktok, hindi sila natatakot maghirap sa kanilang layuning hamunin ang kanilang mga limitasyon, maging sa punto ng pagsusugal sa kanilang buhay. Mas mahirap ba ang pananampalataya sa Diyos at pagkamit ng katotohanan kaysa sa pag-akyat sa isang bundok? Anong uri ng mga tao ang nagnanasa ng mga pagpapala pero hindi handang maghirap? Mga walang silbi sila. Hindi mo puwedeng hangaring kamtin ang katotohanan nang walang determinasyon; hindi mo ito magagawa nang walang kakayahang magdusa. Kailangan mong magbayad ng halaga para makamit ito.
Nauunawaan na ng mga tao ang depinisyon ng “pasok sa pamantayan,” ang mga sukatan ng “pasok sa pamantayan,” ang dahilan kung bakit itinakda ng Diyos ang sukatang ito ng pagiging “pasok sa pamantayan,” ang relasyon sa pagitan ng paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan at ng buhay pagpasok, at ang iba pang gayong bagay na may kaugnayan sa katotohanan ng paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin nang pasok sa pamantayan. Kung aabot sila sa punto na kaya nilang mahigpit na panghawakan ang kanilang tungkulin anuman ang oras o lugar nang hindi ito tinatalikuran, at kaya nilang mapaglabanan ang lahat ng uri ng tukso, at pagkatapos ay maarok at magkamit ng pagkakilala at pagpasok sa lahat ng iba’t ibang katotohanan na hinihingi ng Diyos sa lahat ng iba’t ibang sitwasyong inihahanda Niya para sa kanila, kung gayon, sa paningin ng Diyos, ito ay higit-kumulang na pasok sa pamantayan. Sa pangkalahatan, may tatlong bahagi ang paggampan ng tungkulin nang pasok sa pamantayan: Una, ang pagkakaroon ng tamang saloobin sa tungkulin, at hindi pagtalikod sa tungkulin sa anumang oras; ikalawa, ang magawang mapaglabanan ang lahat ng uri ng tukso habang ginagampanan ang tungkulin, at hindi matisod; ikatlo, ang magawang maunawaan ang bawat aspekto ng katotohanan habang ginagampanan ang tungkulin, at makapasok sa realidad. Kapag natupad ng mga tao ang tatlong hinihinging ito at naabot nila ang pamantayan, ang unang paunang kinakailangan para sa pagtanggap ng paghatol at pagkastigo upang maperpekto—ang paggampan ng tungkulin nang pasok sa pamantayan—ay makokompleto na.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?
Kaugnay na mga Himno
Tanging ang Matatapat ang Makagaganap sa Kanilang mga Tungkulin Nang Pasok sa Pamantayan
Tanging sa Pagkilos Nang May mga Prinsipyo Magagampanan Nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin